Hinhin at Sining

Salin ng sinaunang tula sa Sanskrit ni Kṣitīśa ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pulang Marka

Kailan makikita ang mapagparaya niyang mga hita,
na ikinubli nang mahigpit sa labis na kahinhinan,
ngunit bumubuka kapag napukaw ng pagnanasa
na magbubunyag, kapag nalaglag ang suot na seda,
ng mga pinong lilang marka ng aking mga kukong
tulad ng pulang selyong lagda sa lihim na yaman?

Salin ng sinaunang tula sa Sanskrit ni Māgha ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sining ng Pagtula

Pinakakain ba ng gramatika ang nagugutom?
Tinitighaw ba ng nektar ng tula ang nauuhaw?
Hindi makabubuhay ng pamilya ang pagsisid
sa mga lihim na karunungan ng mga aklat.
Magpakayaman ka’t ang sining ay iyong iwan.

Advertisements

Madrigal, ni Nicolás Guillén

Salin ng “Madrigal,” ni Nicolás  Guillén (Nicolás Cristóbal Guillén Batista) ng Cuba
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Madrigal

Mas malalim ang sinapupunan mo kaysa utak,
at mautak gaya sa pagitan ng iyong mga hita.
Iyan
ang matingkad na kariktang kamagong
ng iyong hubad na katawan.

Ikaw ang sagisag ng kagubatan,
kasama ang iyong mga puláng kuwintas,
ang mga ginintuan mong galáng,
at ang makutim-kutim na buwaya
na lumalangoy sa Zambèze ng iyong mga mata.

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang internasyonal