Pag-usapan natin ang bagay na ito, ni Hafiz

Salin ng tula ni Hafiz [Shams-ud-din Muhammad Hafiz] ng Iran
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa halaw sa Ingles ni Daniel Ladinsky
  
 Pag-usapan natin ang bagay na ito
  
 May isang Marikit na Nilalang 
 na namumuhay sa guwáng na hinukay mo.
  
 Kayâ tuwing sasapit ang gabi,
 naghahandog ako ng mga prutas at butil
 at mumunting palayok ng alak at gatas
 sa tabi ng iyong tumpok ng lúad,
  
 sakâ magpapakawala ng aking awit.
  
 Ngunit aking sinta,
 ayaw mong dumungaw man lang sa bútas.
  
 Nahulog ang aking loob sa isang Tao
 na nagkukubli sa kaloob-looban mo.
  
 Dapat pag-usapan natin ang bagay na ito.
  
 At kung hindi magkakagayon,
 babantayan kita rito sa habang panahon. 
Alimbúkad: Timeless poetry for humanity. Photo by Dany Teschl on Pexels.com

Alalay, ni Roberto T. Añonuevo

Alalay

Roberto T. Añonuevo

Nang humangin sa loob ng kaniyang utak, ang ulap ay dumikit sa pader. Pagdaka’y ang pader, na retoke ng mga baság na bote at lastág na tisà, ay naghunos na muralyang iginuhit na banig. Tumitig siya sa hindi ko nakikita, at ang natuklasan ay artsibo ng palasyo at palakol na pawang isinalaysay ng kaniyang mga kamay. Ang mga kamay! Ang kanan ay dumudukal sa hukay; ang kaliwa’y kuyom ang sanlibong panginoon! Pumikit siya, at humiging wari ko sa pandinig ang helikopter at alpabeto ng kalamidad. Ngunit sumisilang siyang tápis ng takúpis, sapagkat hindi man niya aminin, siya ang bahagsúbay ng silakbo at kamalayan. Siya ang akto ng pagguhit ngunit hindi kailanman ipagmamalaking siya ang gumuhit. Siya ang aking binabantayan, ngunit ang tingin marahil niya sa akin ay estatwang kumikinang, parang batong nakausli sa gulod na ang gilid ay tinampukan ng mga asul na baláy, sirkito ng mga lingam, at isang marmol na monasteryong nabubuntis sa mga panikì: pundí ang guniguní. Sumakay siya sa ulap at ito ang aking kutob. Lumulutang siya, at habang umuulan ng mga siyap sa bakuran, bumabahâ sa aking kalooban, waring sinasabing makipaghuntahan sa walang katapusang aklatan, na kinaroroonan ng kaniyang pangalan at kapiling ang mga lihim na salita sa sarkopago—na sikapin man ay tiyak kong tatanggí na maunawàan.

Alimbúkad: Poetry without tags. Photo by Rohan Shahi on Pexels.com

Mga Bunganga, ni Aimé Césaire

Salin ng “Cratères,” ni Aimé Césaire ng Martinique, France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Bunganga

Ang diwa ng mabilis na kalutasan ay pinawalang saysay ng kawalan ng lava, sa kahabaan ng mga ilog na labis na mabato upang hindi maarok ng úhaw ng mga ulupong.

Sabik pumatay na Ewmenides ang walang habas na sumusuyod sa mga dawag hanggang kusang maupos sa ulop ng taglagas.

Hindi ako malilinlang.

Ang hapis ay hindi mapapagod na lumundag-lundag sa malalalim na bunganga, bagaman maililipat yaon nang matagal-tagal para sa kaliwanagan ng nagpapatiwakal na bulkang bumubuga.

Alimbúkad: Poetry passion unmatched. Simply sophisticated. Photo by Silas Baisch @ unsplash.com

Marcha Chi ni Gang

Marcha Chi ni Gang

Interliterantibiosemyotik salin mula sa Pidgin Mandarin
Interliterantibiosemyotik salin ni Roberto T. Añonuevo

Nakita ko ang payaso, na nagpupumilit maging emperador, kahit walang suot ni isang damit.—Ren Zhiqiang

Walang bagong Chi kung walang Partido Komunistang Salot.
Walang bagong Chi kung walang Partido Komunistang Salot.
Pinulmonya ng Partido Komunistang Salot ang daigdig.
Binilibid ng Partido Komunistang Salot ang Chi ng daigdig.
Humukay ito ng libingang X para sakupin ang bilyong tao.
Ibinaón ng X ang Tao dahil naglaho ang Chi ng liwanag.
Sinupil ng X ang anti-chi para sumigla ang Chi ng bagong siglo.
Naghihirap, nilalagnat ang mga tao dahil sa matinding salot.
Lumawak ang sakop ng Chi sa mga negosyo ng mga kaaway.
Walang bagong Chi kung walang Partido Komunistang Salot.
Walang bagong Chi kung walang Partido Komunistang Salot.

Elehiya sa aking kamatayan, ni José María Valverde

Salin ng “Elegía para mi muerte,” ni José María Valverde ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Elehiya sa aking kamatayan

Ikaw, Kamatayan, ay nasa aking katauhan.
Lamig mo ang naghahari sa aking puso
at ikaw ang hantungan ng mga hakbang.
Saan ako patutungo, kung ang lahat ng landas
ay magwawakas sa iyong panganorin?

Ngayon ko biglang naramdamang
ang ulo’y sapupo ng mesa.
Sariwang lupa ang pumasok sa nakabuka kong bibig.
Ang katawan ko’y hinihigop ng gutóm na sahig.
.  .  . Oo, mamamatay ako; marahan,
malayo mula sa ginagawa ng aking búhay ngayon,
at pinananatili, sa pakikipagtuos sa kamatayan,
ang tanging akin lamang.
At nararamdaman ko ang iyong batóng
pinagyeyelo nang dahan-dahan ang aking laman.
At nadarama ko ang kamay mong bumibigkis sa akin.
.  .  . At pagdaka, o kamatayan, ang kabilang panig!
Iiwan ko ang katawan gaya ng sugatang kabayo.
Oo, nahihindik akong iwan ito, makabalik man ako.
Natatakot ako sa pagwawakas ng mga bagay,
sa banging tinalikdan at kalulugmukan ng lahat.
Maraming hangin ang nanunuot sa bangkay,
at upang lusawin ito’y kailangan ang libong ulan!
Ang mga paa kong napakalayo ay wala nang bigkis
at magiging gaya ng dalawang bato
na ipinukol sa hungkag na hukay.
At lahat ng aking kasama’y titindig, gusgusin, maangas,
gaya ng mga tore ng simoy
na tumitistis sa loob nang walang sinusunod na batas
ng búhay,
at mag-uunahang tangayin ang lawas kong naaagnas.

II
Maraming pag-aari ko ang magtataka sa aking paglalaho.
Na magpapatuloy sa aking kalungkutang naglalakad
sa mga sulok ng anino.
Sa paborito kong silya at mesang nasa gilid ng bintana
ay magpapatuloy ang parehong mga okasyon,
At ang hardin ng naga, na lumago sa paningin ko,
ay mamamatáy at muling mabubuhay gaya noon.
Banayad uusal ang mga tula ko sa labis na panlulumo.
Unti-unting matutuyot ang mga aklat kong
may samyo wari ng huklubang prutas.
Mga munting relikya ng aking búhay
—bulaklak na nakasipit sa aklat, isang tula kung kanino—
ang susunod, gaya ng mga batong ipinukol,
at pawang sisinop ng aking lakas sa daigdig na ito
kapag ganap na naglaho na ako.
.  .  . At mananatili kayo, mga babae, ngunit isang araw
ay magsisialisan din ngunit sa dagat ng kamatayan
ay matatagpuan ang ating mga alon.
Maglalaho ang inyong mga labì, balát, at lamán.
Ngunit palaging mananatili kayo gaya noong dati.
Hindi ba sapat ang pag-iral sa isang pagkakataon lámang?
Mananatili ang inyong mga puwang sa haba ng espasyo,
samantalang tatangayin ng dayaray ang inyong halimuyak.
.  .  . Isang araw iyon na pipirmi ang inyong pag-iral.

III.
Ginoo, Ginoo, ang kamatayan!
Napapangiwi ako kapag binigkas ito,
kaypait ng aking dila, at kaydilim ng paningin. . .
Mabuti’t walang nakakikita sa kaniya nang harap-harapan
maliban kung hinahanap niya tayo.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Katulad lamang ito ng panaginip.
Higit na makapangyarihan ang kamatayan sa ating hukbo.
Kung mahina ka lamang!
Kung hindi ka tumawid sa bangin ng iyong mga yakap.  .  . !

Ngunit walang silbi ang anuman; natatakot ako!
Aso akong bahag ang buntot sa tabi ng isang tao,
dahil hindi kailanman mauunawaan ang nais ng amo!
Tákot ito sa di-mababatid,
tákot sa bayang wala ni isang nakababalik.  .  .
Natatakot ako sa gayong hungkag na hukay,
sa walang hanggahang gabi, kahit nasa likod ang Diyos!
Taglay ang malakas, madilim na kutob
ng hayop, ng punongkahoy, ng bato,
natatakot akong mamatay.  .  .
O, Ginoo, pamanhirin ang aking kamatayan
gaya sa maraming pinaggagawa mo sa buhay.