Ang Hinagpis ng Hukluban, ni Charles Baudelaire

Salin ng “Le Désespoir de la vieille,” ni Charles Baudelaire
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Hinagpis ng Hukluban

Natuwa ang maliit na huklubang babae nang makita ang magandang batang kinagigiliwan ng lahat at sinisikap amuin—ang kaakit-akit na nilalang na sinrupok ng maliit na matandang babae, na bungal at kalbo. At lumapit siya sa bata, upang masilayan ng bata ang tuwa sa kaniyang mukha, at makisaya sa piling nito. Ngunit ang nahintakutang paslit ay pumiglas palayo sa mga haplos ng maliit na huklubang babae, at nagngangawa na lumukob sa bahay. Pagdaka’y napaurong ang matandang babae at nagpasiyang mag-isa, at napagibik sa sulok, saka winika: “Ay, lumipas na ang panahon, para sa aming matatanda, na mapaligaya kahit ang isang musmos; at ngayon, sinisindak namin ang mga paslit na batang ibig naming mahalin.”

No to military junta. No to coup d’état. No to dictatorship. Yes to humanity. Yes to poetry!

Laboy, ni Roberto T. Añonuevo

Láboy

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Nadarama ng paruparo ang bathala sa isang bulaklak, at ang eternidad sa simoy, at malalagas ang mga pakpak gaya ng mga tuyong dahon sa huklubang punongkahoy. Nakatatak iyon sa gusgusing tisert ng kaniyang alter ego, at siya na naligaw sa lungsod ay maglalakad na kung hindi alupihan ay langgam na sumusuot sa laberinto ng kanal. Umuulan ngunit sinisinat ang kaniyang panimdim sa iniwang baláy, na marahil ay nakatirik sa gilid ng gulod, at ngayon, hinahanap niya ang katubusan sa talaksan ng basura at bukál ng imburnal. Itataboy siya ng batas palayo sa bangketa kung hindi man palengke, iiwasan ng kotse na waring lumilihis sa askal, at makikita niya ang mga sulat sa pader na dumudugo ngunit hindi niya kailanman maarok ang gramatika ng poot o ang semantika ng hilakbot. Maniniwala siyang guniguni ang lahat—gaya ng nagmumultong binibini sa maaliwalas, maningning na tulay—kung guniguning maituturing ang kagila-gilalas na pag-aaklas sa loob ng kaniyang numinipis na láwas.

 

 

Limang Paglalarawan, ni Jean Toomer

Salin ng “Five Vignettes,” ni Jean Toomer ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Limang Paglalarawan

. . . . . . . . . . . . . .  . 1
Nangangatal ang mga barkong embaldosado
ng pulá na bumabánda sa salamin,
At natatakot sa mga ulap.

. . . . . . . . . . . . . .  . 2
Doon, sa alambreng sampayan,
Walang tinag habang sinisipit niya
Ang mga retasong isusuot ng hangin.

. . . . . . . . . . . . . .  . 3
Ang huklubang lalaki, na nobenta anyos,
Ay kumakain ng mga peras.
Hindi ba siya nangangamba sa mga úod?

. . . . . . . . . . . . . .  . 4
Isuot ang didal ng aking pagdurusa
At kapag nagsulsi ka,
Walang karayom ang makatutusok sa iyo.

. . . . . . . . . . . . . .  . 5
Sa labahan ni Y. Don,
Isang Tsinong sanggol ang nahulog,
At umiyak gaya ng iba pang nilalang.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. No to dictatorship. Yes to human rights. Yes to humanity. Yes to poetry!

Tardiya, o Ang Awit ng Pangangaso, ni Abd-al Wahhāb al-Bayātī

Salin ng “Tardiyyah” ni Abd-al Wahhāb al-Bayātī ng Iraq
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tardiya, o Ang Awit ng Pangangaso, ni Abd-al Wahhāb al-Bayātī

Nalunod sa ulop ang kunehong takot na takot.
Nilapa ito ng mga aso at winarat ang mga buto.
Mangangaso, magkano mo ba ipinagbibili
ang isang katibayan ng pagsilang?
Si Katerina, na bagong panganak pa lamang,
ay yumao, at ang sindak na kuneho’ y naghinaw
sa dugo mula sa mga kalmot ng aso’t talahib.
Ang huklubang lalaking bulag ng al-Ma’arrah
ay tumingala’t binuksan sa tiim na titig ang langit
nang hitik sa pang-uuyam.
Lumipas ang tag-araw, at sa pagsapit ng taglagas
ay nagkumot ng mga tuyong dahon ang gubat.
Ganito ba humahagulgol ang magkasintahan,
ganito ba malunod sa malawak na lawa ang araw
at lumipad papalayo ang mga ibon,
at mamatay ang isang nangangatal na kunehong
niyayapakan ng mangangasong tigmak sa dugo
ang mga paa ng kaniyang magilas na kabayo?
Hinila ba nang patayo si Lorca noong isilang siya?
Kumaripas ng takbo ang mga aso, at nagsisitahol
sa harap ng among berdugo.
Ito ba ang hapdi ng pagdurusa?
“At itong mga bilangguan at tanikala, o Khayyām,
ay katibayan ba ng pagsilang ng aming mga araw?”
Naduwag ako’t umisip ng palusot, at nakita ko
sa espehismo ang mukha ng kamatayan.
Kawawa naman itong palaboy na pitho!
Natutulog siya sa mga tabi ng tarangkahan,
at mula sa dilim ay iniabot niya ang mga kamay
sa akin, at binasa nang pabaligtad ang almanake
sa pabulong, mahinang paraan:
“Ginoo, ipinahiwatig ng mga bituin sa akin,
na mag-ingat, mag-ingat kayo sa paghagibis!
Nasa harapan ninyo ang dagat, at nasa likuran
ang mga kaaway na handang manambang,
at kahit saan ay kubkob kayo ng kamatayan.”
Ngunit ngayong gabi, lumaklak tayo ng alak
hanggang ang may-ari ng taberna ay madupilas
at mahulog sa malamig na sanaw ng panahon.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. No to foreign invasion. Yes to human rights. Yes to humanity.

“Napakabihira,” ni C.P. Cavafy

Salin ng  “Very Seldom,” ni C.P. Cavafy.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Napakabihira

Siya ang hukluban. Kuba at marungis,
Siya ay binalda ng abuso’t taon,
Kay rahang lumakad pagtawid sa daan.
Ngunit pag sumapit sa kaniyang bahay,
Itatago niya ang lungkot-panahon
At gugunitain ang anyong makisig.

Ngayon, binibigkas ng mga binata
Ang kaniyang tula. Ang sariling tanaw
Niya’y dumaraan sa kanilang diwa.
Ang malusog nilang taglay na isipan,
Ang dingál at tatág ng básal na láwas,
Ay anu’t napukaw ng Gandáng matikas.

C.P. Cavafy

C.P. Cavafy

“Ang Pamilihan sa California,” ni Allen Ginsberg

Salin ng “A Supermarket ni California,” in Allen Ginsberg ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika Filipinas.

Ang Pamilihan sa California

Ano ang iisipin ko ngayong gabi sa iyo, Walt Whitman, pag tinahak ang mga eskinita sa lilim ng mga punongkahoy nang hilo sa maláy na maláy na pagtanaw sa bilog na buwan?
. . . . . . . Sa gutóm kong kapaguran, at paghahanap ng mga hulagwáy, pumasok ako sa pamilihang neon ng prutas, habang nangangarap ng iyong listahan!
. . . . . . . Anung peras at anung malaanino! Mga pamilyang namimili sa gabí! Mga pasilyong hitik sa mga bána! Mga misis sa mga abokado, mga sanggol sa mga kamatis!—at ikaw, García Lorca, ano ang ginagawa mo sa mga pakwan?

. . . . . . . Nakita kita, Walt Whitman, walang anak, malungkuting huklubang pagpag, nanunundot ng mga karne sa pridyider at nakamasid sa mga batà ng tindahan.
. . . . . . . Nakita kitang nagtatanong sa bawat isa: Sino ang pumatay sa karneng baboy? Magkano ang mga saging? Ikaw ba ang aking Anghel?
. . . . . . . Naglabas-masok ako sa makikinang na salansan ng mga delatang bumubuntot sa iyo, at sa aking haraya’y sinusundan ng mga tiktik sa pamilihan.
. . . . . . . Tinahak natin ang mga bukás na pasilyo sa ating nakagiliwang pag-iisa at tinikman ang mga alkatsopas, inaari ang bawat nagyeyelong linamnam, at umiiwas sa kahera.

. . . . . . . Saan ka pupunta, Walt Whitman? Ipipinid ang mga pinto sa loob ng isang oras. Saan nakaturò ang balbas mo ngayong gabi?
. . . . . . . (Hinipò ko ang iyong aklat at nangarap ng ating pakikipagsapalaran sa palengke at nadama’y pagkaabsurdo.)
. . . . . . . Maglalakad ba tayo nang buong gabi sa mga hungkag na kalye? Nagdaragdag ng lilim sa dilim ang mga punongkahoy, pinapatáy ang mga ilaw sa mga bahay, at kapuwa táyo malulungkot.
. . . . . . . Maglalagalag ba tayong nangangarap ng naglahong America ng pag-ibig nang lampas sa mga bughaw na kotse sa mga lansangan, na tahanan ng ating tahimik na dampâ?
. . . . . . . Ay, mahal kong ama, pithô, malamlám na huklubang gurò, anong uri ng America ang taglay mo nang sumuko si Kharón sa paggaod at dumaong ka sa maulop na pasigan, at nakatindig na tinititigan ang bangkâ na nilalamon ng maitim na tubigan ng Leteo?

*Hindi nasunod ang pagkakahanay ng mga taludtod, sapagkat hindi ko alam ang disenyo ng WordPress para sa indensiyon ng mga salita.

Ang Pagsapit

Halakhak ng naghaharutang mga bata ang pumasok sa bintana, at nagdulot ng alimpungat sa isang huklubang babae. “Ang mga lintik!” nawika niya habang iniuunat ang makikirot na tuhod. Napaubo siya, at sumungaw ang dugo sa kaniyang ilong. Hindi niya naiwasang mapadahak, at nang dumura siya’y tila lumabas mula sa kaniyang baga ang naimbak na poot at inggit na pawang naghunos na kuwago. Pumagaspas ang ibon at naglandas sa lalamunan hanggang kumawala sa kaniyang bibig. Sinundan niya ng tanaw ang kuwago, at nang dumapo sa sanga ng bayabas, ay anu’t kumislap saka nagliwanag. Nasilaw ang mga bata nang tamaan sila ng pambihirang sinag, at biglang nagsitakbuhang gaya ng mga bubuwit—takot na takot, ik-ik nang ik-ik—samantalang ang matanda sa lumang silid ay hindi nasikil ang managhili sa isang sanggol na namatay, at muling nabuhay, nang marinig niya ang tinig na sumisigaw: “Nanaaay! Nanaaay! Nanaaay!”