Mga Tagpo, ni Salih el-Soisi

Salin ng tula sa Arabe ni Salih el-Soisi ng Tunisia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Tagpo

Mga Biyolin

Sa pagitan ng dalawang malungkuting mantra,
nagsayaw ang mga munting biyolin
at itinangis
ang gunita ng kanilang dumupok na bagting. . . .

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Unti-unting Kamatayan

Umupo siya sa tabi ng huklubang dapugan
at pinuri nang pabiro ang natitirang oras
ng mga uhay ng trigo—ang kaniyang edad!
Anong kahanga-hangang panahon. . . !
Maagang sumapit ang taglagas ngayong taon.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Hula

Sa ganitong kahabang gabi, ano pa ang magagawa
ng magkasintahan. . . ?
Marahil, ngingitian nila
ang nakakubling buwan
sa likod ng mga ulap ng taglamig,
at mangarap!

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Liham

Inilagay ko ang rosas sa liham
na may ilang titik na ikinalat gaya ng mga luha
sa mukha ng iskrin. . .
Kinaumagahan, binuksan niya ang kaniyang busón
at bumulwak ang liwanag,
at sa pagitan ng mga daliri niya’y sumayaw
ang libong paruparo. . . .

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

 

“Ang Termino ni Nero,” ni C.P. Cavafy

Salin ng tulang “Η ΔΙΟΡΙΑ ΤΟΥ ΝΕΡΩΝΟΣ,” ni C.P. Cavafy (Konstantinos Petrou Kavafis).
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Ang Termino ni Nero

Hindi nabahala si Nero nang marinig
Ang hula ng Orakulo ng Delfos.
‘Mag-ingat siya sa edad pitumpu’t tatlo.’
Mahaba pa ang kaniyang panahon
Para sa layaw at kasiyahang laan sa sarili.

Tatlumpung taon lámang siya. Higit
Iyon sa maibibigay ng diyos para tiyaking
Siya’y malayò sa mga panganib na darating.
Ngayon ay magbabalik siya sa Roma
Nang pagal nang bahagya, ngunit dahil
Sa paglulustay ng mga araw sa kaluguran—
Sa mga teatro, hardin, at himnasyo. . .
Sa mga gabi sa mga lungsod ng Achea. . .
Ang sensuwal na rurok ng lastag na lawas,
.  .  . . .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  .  . . . . . . . . higit sa lahat. . .

Iyan ang nasasaisip ni Nero. At si Galba
Na nasa España ay ano’t palihim na nagtitipon
At nagsasanay ng kaniyang mga hukbo,
Ang matandang may edad tatlo at pitumpu.

Hula at Halalan

“Pitho” ang sinaunang taguri sa sinumang matandang tao na nakakikita sa hinaharap, at gaya ni Teiresias ay magiging gabay ni Oedipus para harapin ang kapalaran. Isang katangian ng pitho ang kakayahang buksan ang isip at loob para makita ang posibilidad ng mga pangyayari, at mabigyan ng babala ang sinuman sa anumang sasapit na panganib o kapahamakan. Halimbawa, kung paanong magwawagi o magagapi ang isang tao sa darating na eleksiyon; o kaya’y kung yayaman ang isang palaboy dahil sa suwerte sa lotto o pagtanggap ng mana mula sa kung sinong maykayang magulang.

Makapangyarihan ang pitho dahil inaakala ng marami na kung ano ang makita ng pitho sa guniguni at masagap sa pahiwatig ng mga bituin at planeta ay nakatakdang maganap at wala nang lakas at bait ang sinuman para baguhin ang agos ng pangyayari. Sa paulit-ulit na buhos ng tubig ay mahuhulaan ng siyentista ang magiging epekto nito sa pagkabiyak ng semento o pagguho ng lupa; gaya lamang ng mahuhulaan ng eksperto kung hanggang saan ang kakayahan ng lubid kapag binatak nang sukdol. Samantala, nakikinig ang pitho sa kaniyang makapangyarihang kutob, at ang kutob na ito ang gumagawa ng kalkulasyon sa kombinasyon ng mga pangyayari sa buhay ng isang tao.

Naiiba ang pitho dahil ang hula ay nakasalalay sa paniniwala, at walang matibay na batayang siyentipiko. Ang batayan ay ang mga dating pangyayari na nakapaloob sa kasaysayan; at sa pagsasaalang-alang ng siklo, ang sinaunang pangyayari ay pinaniniwalaang magbabalik, gaya ng pagputok ng bulkan, pagsapit ng siyam-siyam, pagsalakay ng peste, at paglaganap ng digmaan. Hinuhuluan ng pitho ang tatlong yugto: una, ang indibidwal; ikalawa, ang bayang ginagalawan niya; at ikatlo, ang pangkalahatang daigdig at puwersang makaaapekto sa indibidwal. Sa ganitong pangyayari, gumagamit ang gaya ng mga manghuhulang Tsino at Indian ng mga agimat at simbolo upang umiwas sa malas at tumanggap ng labis-labis na suwerte.

Kung may kapalaran ang tao, may kapalaran din umano ang bansa.

Kung babalikan si Oedipus, ang kaniyang kapalaran ay kaugnay ng Corinth na nilakhan niya, at maidurugtong sa pagtahak niya sa sangandaan patungong Thebes. Maláy si Oedipus sa tadhanang isinaad ng orakulo, at ang magulang niyang iniwasang patayin ay makakasagupa at mapapatay nang di-sinasadya para maipagtanggol ang sarili. Siya ang aalam ng sariling kapalaran, kung bakit may salot sa kaniyang bayan, at kung paano malulutas iyon, na parang pagsagot sa palaisipan ng Espinghe. Matibay ang paniniwala ni Oedipus sa pagiging matwid at maangas. Ang katigasan ng kaniyang loob ay mauuwi sa pagdukit sa sariling mga mata, nang mabatid na siya ang pumatay sa amang si Laius at pakasalan ang inang si Jocasta. Lalayo siya tungo sa ibang bayan, habang taglay ang pighating mamanahin ng kaniyang mga anak.

Sa Filipinas, hindi kinakailangan kung minsan ang pagsangguni sa hula bagkus sa sarbey. Halimbawa, tiyak na ang pagkatalo nina Vetallano Acosta, Dick Gordon, JC delos Reyes, Jamby Madrigal, Nick Perlas, at Eddie Villanueva, na kung hindi man ituring na panggulo na kandidato sa halalan, ay malayang mangarap maging pangulo sa ngalan ng kalayaan at demokrasya. Maiiba nang kaunti ang kapalaran nina Gibo Teodoro, Erap Estrada, Noynoy Aquino, at Manny Villar dahil kahit paano’y may mga partido silang masasandigan. Magkakatalo lamang dahil si Noynoy ay may pagkamatwid, bagaman magulo ang pagpapatakbo ng partido at kampanya, at walang kaugnayan sa kaniyang husay na maging pangulo kung siya man ay may dugong bughaw o dugong martir. Mahusay si Gibo ngunit kulang sa panahon ng paghahanda para makilala, bukod sa bulok ang mga kaalyado sa administrasyon. Masalapi si Manny ngunit may batik ng korupsiyon ang pangalan. At si Erap na hindi lang matanda at kulang sa makinarya sa lokal na antas ay nakasandig pa rin sa dating masang naghalal sa kaniya.

Pinakamagandang halimbawa ng pagharap sa kapalaran ang ginagawa ni Erap. Posibleng nadarama niya na matatalo siya sa halalan, ayon sa hula ng mga sarbey, at nababawasan ang kaniyang kasikatan, ngunit ibig niyang mabatid sa isa pang pagkakataon kung ano ang pulso ng taumbayan. Iba ang pintig ng masa na sumasalubong sa kaniya sa iba’t ibang panig ng kapuluan, at ito ang hahangaan kahit ni Sen. Juan Ponce Enrile. Hindi umano nangurakot si Erap, at kahit ipintas ang kaniyang dating pakikipagbarkada sa mga sugarol, lasenggo, at babaero ay matagal na niyang pinagsisihan yaon, bukod sa sinikap pangasiwaan nang maayos at malinis ang Filipinas. Ibig umano niyang bumawi mula sa dating kabiguan, panlilibak, at pagkakabilanggo, sanhi ng kudeta sa ngalan ng Aklasang Bayan.

At haharapin niya ang pagsagot sa palaisipan ng makabagong espinghe sa katauhan ng midya, negosyo, at akademya. Maaaring mapatay niya nang di-sinasadya ang sariling ama, ngunit ang amang ito ay hindi ang kaniyang ama na nagpatapon sa kaniya sa kung saang bundok at nagtusok ng makamandag na karayom sa paa ng sanggol, bagkus maaaring ang ama ay nasa kaniyang katauhan mismo. Pakakasalan niya ang sariling ina, ang matalinghagang Inang Bayan, at pagkaraan ay maririmarim at magsisisi dahil sa insestong ugnayan. Si Erap ang maaaring bumulag sa sarili, at magpatapon nang kusa sa ibang bansa, ngunit mamamatay siyang humaharap sa kapalaran, at kahit matigas ang ulo’y hihingi sa kaniya ng paumanhin ang mga dating kalaban sa politika sa ngalan ng katubusan.

May aral tayong makukuha kay Erap. At ito ay ang harapin ang kapalaran nang taas-noo, matatag, at bukas-palad sa kabila ng paghihirap.

Orakulong Tagalog at Hula sa Hinaharap

Hinuhubog ng mga kakatwang pamahiin at kagila-gilalas na hula ang pagkatao ng sinumang handang maniwala, at maibibilang dito ang mga Filipino na haling na haling sa mga ipinahihiwatig ng orakulo, bituin, baraha, at simoy.

Mahaba ang ugat ng gayong paniniwala, at isa na rito ang dahilang may mga bagay o pangyayaring walang ganap na kontrol ang tao, kaya ang naturang tao ay humihingi ng tulong sa sinumang may kapangyarihang sobrenatural upang mabago ang kaniyang kapalaran, mulang pangkalusugan hanggang pangkabuhayan.

Ngunit abstrakto ang nasabing maykapal, kaya kinakailangan ng tao na hubugin sa kaniyang isip at guniguni ang imahen, halimbawa na ang imahen ng diyos o anghel o demonyo. Lumilikha ng makapangyarihang kaluluwa ang tao, at ang nasabing kaluluwa ay inaasahan naman niyang ililigtas siya sa oras ng kagipitan, panganib, at sakuna.

Iba rin ang estado ng pisikal at ng espiritwal na lawas. Ang tao na nasa pisikal na lawas ay kinakailangang tumawid sa espiritwal na lawas sa pamamagitan ng mga bagay na maaaring maglaro sa kapuwa pisikal at espiritwal na lawas. Halimbawa na rito ang bolang kristal, ang agimat na kuwintas, at ang esoterikong bulong. Nakakargahan ng enerhiya ang nasabing mga bagay kapag nilapatan ng pambihirang pagpapakahulugan ng isang pangkat ng mga tao, na lumilikha ng kanilang kulob na diskurso upang magkaunawaan.

Sa lahat ng nilalang, ang tao ang tanging may kapangyarihang maglaro at magpabalik-balik sa dalawang lawas. Maaari siyang maging sinlamig ng bato, at manatili sa kalagayan ng kahayupan. Ngunit may kakayahan din siyang maging banal na kayang iangat ang pagkatao sa antas ng kadakilaan ng kaniyang pinaniniwalaang Maykapal at minamahal na bayan. Káya ng tao na ipaloob sa kaniyang guniguni ang nakaraan at ang kasalukuyan upang sa gayon ay lumikha ng minimithing kinabukasan. Ang ganitong salungatan, kung salungatan mang matatawag, ang kakatwang katangian ng tao na ibig sumayad sa lupa ang talampakan subalit laging binabagwisan ang pangarap upang lumipad sa kung saang kalawakan.

Binalikan ko ang aklat na Orakulong Tagalog at Aklat ng mga Panaginip (1950) upang kumpirmahin ang aking mga haka-haka. Ang nasabing aklat ay sinulat ng awtor na nagtago sa daglat na “R.I.S.” na marahil ay natatakot matuklasan ang kaniyang tunay na pagkatao dahil baka mademanda siya sa kasong walang habas na panghihiram mula sa mga akdang kanluranin, o kaya’y pukulin ng kutya ng kung sinong ayaw maniwala. Hinango umano ang aklat sa mga lumang kasulatan ng sinaunang Ehipto at Babilonya, ngunit ang aklat ay tipong pinaghalong kanluraning Astrolohiya at orakulong Indian ng Estados Unidos.

Mahahati sa tatlong panig ang aklat. Una, ang hinggil sa “orakulong Tagalog.” Ikalawa, ang “hinggil sa astrolohiya.” At ikatlo, ang hinggil sa “kahulugan ng mga panaginip.”

Ang orakulong Tagalog ay gumagamit ng bagay, gaya ng palito o tarugo, na paiikutin. Kapag tumuro ang nasabing bagay sa isang numero, ang numerong iyon na kaugnay ng isang sagot ang magsasaad ng sagot sa tanong ng nagpapahula.

Wala namang bago sa astrolohiya, dahil halos maging de-kahon na ang sagot nito. Ngunit ang ikinaiba nito’y isinalin sa Tagalog ang astrolohiyang Kanluranin, at ang nasabing astrolohiya—na bagaman nagtataglay pa rin ng ilang katangian ng kultura ng Kanluran—ay mahimalang nailipat sa diwa, kaligiran, at paghihiwatigan ng mga Tagalog noon. Inangkin ng mga Tagalog ang nasabing astrolohiya, hinubaran ng katangian ng pagiging banyaga, bago sinaplutan ng bagong pagpapakahulugan na matalik sa puso ng mga Tagalog.

Ang pag-arok naman sa kahulugan ng panaginip ay ibinabatay sa listahan ng mga sagisag mula sa kalikasan. Bawat bagay ay tinumbasan ng kahulugan, at ang kahulugang ito ay makapaghahayag ng mga sagisag na nabubuo sa isip ng tao habang siya ay natutulog nang mahimbing at nananaginip ng kung anong kapalaran.

Totoo, nilikha ng Diyos ang tao at patutunayan ito ng mga sagradong aklat ng iba’t ibang relihiyon. Subalit may kapangyarihan din ang tao—gaya ng isinasaad sa akat ng hula—na likhain ang ibig niyang diyos na maaaring magmula sa mga kahanga-hangang orakulo, pahiwatig, at hula na pawang likha rin mismo ng tao upang mabatid ang kaniyang malabo, malamig na hinaharap.

Maraming nabaliw o nagoyo sa aklat na Orakulong Tagalog. Ang maganda’y testamento ito kung paanong iniaatang ng mga Tagalog, o ng mga Filipino noon, ang kanilang kapalaran sa mga bagay sa kanilang kaligiran. Lumilikha ng mga pambihirang paghihiwatigan ang tao, upang sa bandang huli ay gamitin iyon ayon sa hinihingi ng kaniyang panahon at pangangailangan.