Hindi ako nagulat nang magwagi ng Grand Prize si Jerry B. Gracio sa kategoryang tula sa Filipino sa nakaraang UP Centennial Literary Contest. Magaling na makata si Gracio, at walang kasarian ang kaniyang sining bagaman hitik kung minsan sa alusyon ng kabaklaan ang ilang tula niya. Nang maging editor ako sa Filmag (na dating Filipino Magazin), si Gracio ang isa sa mahihilig noong magpadala ng tula sa aming tanggapan. Napansin ko agad ang kaniyang talento, kaya inilakip ko minsan sa dulo ng kaniyang tula, na siya “ang nakatakdang magpabagsak sa mga makatang nagdudunong-dunungan.”
Natutuwa ako at kahit paano ay isinapuso ni Gracio ang bilin sa kaniya ng mga kasama kong Oragon. Sa mga hindi nakaaalam, kabilang si Gracio sa ikalawang alon ng Oragon Poets Circle, na binuo namin nina Joey Baquiran, Niles Jordan Breis, at Gil O. Mendoza noong 1998. Mahilig kami noong mag-inuman sa Timog, o kung hindi man ay sa UP Diliman, upang magpakalango sa tula, kritika, at alak. Masiklab noon ang mga talakayan, at si Gracio, na minsang sinabihan ko na napakatradisyonal tumula, ay nasaktan yata ang loob at kaya naghasa muna ng tahid para sa mga susunod na talakayan at palihan.
Ngunit magbabalik siya sa aming pangkat, gaya ng ilahas na ibon.
Nagbunsod din ng unang aklat si Gracio sa UP, ngunit sumama ang aking loob dahil ang inilabas lamang niya noon ay pabalat ng aklat at iniwan sa imprenta ang kaniyang nalimbag na aklat ng tula. Pakiwari ko’y nagasgas ang pangalan ng Oragon, at nagtampo ako na gaya ng isang kapatid. Ang totoo’y mabubulok sa imprenta ang mga aklat, malulubog sa utang ang makata, hanggang maisipan ni Gracio na bumuo muli ng koleksiyon na higit na matalim kaysa sa una niyang koleksiyon. Nagbunga iyon ng Apokripos (2006) na nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle.
Kung may isa mang tao na tuwang-tuwa sa pagkapanalo ni Gracio ay isa na marahil ako. Natutuwa ako dahil ganap na niyang natuklasan ang sarili niyang tinig bilang makata, at ito ang mahalaga. Puwede na siyang palargahin. Sinubaybayan ko ang kaniyang karera, at ikinabuwisit ko ang paggawa niya ng mga pelikulang tumatabo man sa takilya para sa Seiko Films ay pulos kalibugang pansamantala lamang. Ngunit iba na ngayon si Gracio. Ang Gracio na sumulat ng iskrip ng pelikulang Santa-Santita at bumuo ng Apokripos at ngayon ay nagpapaimbulog ng Aves ay higit na matatag, buo ang sarili, at maalam sa kaniyang sining. Kung magpapatuloy sa paggawa ng pelikula si Gracio, hinuhulaan kong higit na magiging matalinghaga iyon dahil ang iskriprater ay isa ring makata.
Si Gracio ay matagal ko nang sinasabing dapat subaybayang makata, ngunit nakapagtatakang ngayon pa lamang siya napapansin ng madla at kritiko. Heto ang isang halimbawa ng kaniyang tulang tuluyan, na ang alusyon sa maalamat na tigmamanukin—na ang huni’y nakapagbibigay umano ng masamang babala o balita sa sinumang makaririnig—ay binihisan ng sariwang rendisyon upang malahukan ng siste at likot ng guniguni. Ang epigrape ni Gracio ay hango sa Vocabulario de la Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar, at ito ang magbubukas ng bintana tungo sa madulaing tagpo sa loob ng tula.
Tigmamanukin
“Hayo na tigmamanuquin,
Honihan mo nang halinghing. “
–Vocabolario de la lengua TagalaHumuni ng labay ang tigmamanukin at hindi ito narinig agad ng Pangulo, ang narinig lamang niya ay ang tilaok sa banát na lalamunan ng manok.
Umabot ang huni sa labas ng palasyo. Kayâ agad na nagpulong ang mga paham, nagpatawag ang mga pangunahing pamantasan ng mga komperensiya at palihan. Binusisi ng mga musikologo ang estruktura ng labay. Sinuri ng mga makata kung ang panawagan ay nasa pantigan, tudlikan, o tugmang dalisay. At matapos ang mga balitaktakan gamit ang mga teorya mula sa silangan at kanluran, nagbunyi ang mga pantas dahil sa pagkabuhay ng awiting-bayan na matagal nang patay, at agad na nagpetisyon sa Unesco upang ideklara ang labay bilang isa sa mga Obra Maestra ng Pamanang Oral ng Sangkatauhan.
Ngunit nasaan na ang tigmamanukin?
Narinig ng tigulang na babaylan ng palasyo ang huni ng tigmamanok. Hintatakot siyang nagbangon at nagtungo sa Pangulo. Binasa niya ang laman ng labay at hinulaan na lilindol sa buong kahabaan ng Marikina fault; babangon ang tsunami sa gitna ng Pasipiko at lulubog ang 107 sa 7,107 pulo; muling puputok ang Pinatubo; uulan ng mga tipak ng yelo na sinlaki ng Malacañang.
Natigalgal ang Pangulo. Ngayon lamang niya natanto na ang tigmamanok ay hindi manok; ang labay ay hindi tilaok. Agad niyang inatasan ang mga bantay sa palasyo na hulihin at ikulong ang tigmamanukin.
Nagpatuloy ang ibon sa paghuni ng labay.
Nagkagulo ang mga paham sa pag-uunahang maitalâ at madukal ang mga bagong karunungan.
Hindi makatulog ang babaylan sa mga bagong hula-apokaliptiko at abismal.Sa katiwasayan ng buong bayan, nagpas[i]ya ang Pangulo na tapusin na ang sumpa ng labay.
Sa pulong ng gabinete nang araw na iyon, ang tanghalian ay tinola na pinaghalong manok at tigmamanukin. Pagkahigop sa sabaw, ang gabinete at Pangulo ay nagsitilaok ng labay.
Isa ako sa mapapalad na makabasa ng Aves ni Gracio, at hindi nagkamali ang sumulat ng citation para sa kaniyang gawad sa tinataglay na kariktan at talim ng koleksiyon ng makata. Kinasangkapan ni Gracio ang kasaysayan, mito, kabulastugan, politika, kasarian, kultura, at kung ano-ano pang bagay upang payamanin ang mga alusyon sa tula samantalang isinasaalang-alang ang mahigpit na sining ng pagtula mulang pagbabalangkas, pagdidisenyo, paglalarawan, at pagsasalaysay ng anumang may kaugnayan sa ibon. Inililipad tayo ni Jerry B. Gracio sa pamamagitan ng kaniyang binagwisang mga tula, at tayo na ang bahala kung paano muling lalapag ang mga paa sa lupa.