Ulo
Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo
Nagpapakilala ka sa daigdig tulad ng pagsuot sa karayom, at sinusukat ang iyong nakaraan at kasalukuyan sa gunita at guniguni. Ang hugis mo ang katwiran ng pamihiin; ang nunal ang mapa ng propesiya. Mahimalang nahuhulaan sa puyó mo ang direksiyon ng bagyo ng bungo; at ipuputong sa iyo ang koronang ipamamana ng pambihirang bálat at balát.
Sisinagan ka, at maiisip na pumapasok wari sa bumbunan ang kaluluwa. Huhugasan ka sa ngalan ng pananalig, hahagkan sa paggalang, at kukutusan sa inis kung kinakailangan. Sapagkat ikaw ang mukha ng umaga at mukha ng takipsilim, at mababanaag sa iyo ang demograpiya ng tuwa o lungkot, at ang pilosopiya ng enerhiya at moda ng panahon.
Ikaw ang pinuno; ikaw ang balita. Nag-iisa ka ngunit dalubhasa sa multiplikasyon: Kilala mo ang libong silid at napararami mo ang sarili tulad ng iba pang masunuring anak ng tupa na pumipila sa atas ng palengke at hukuman. Sa ngalan ng proteksiyon, magsusuot ka ng helmet o kondom. Sa ngalan ng proteksiyon, magpapabago-bago ka ng sombrero at maskara. Sa ngalan ng proteksiyon, magtutukop ka, bago harapin ang lubid o palakol na lumuluha sa pawis.
Bibilugin ka sa doktrina ng modernisasyon at nagbabangayang uri. Malulula ka sa mga inaakalang tagumpay, at maliliyo sa samot na sabunot, kung hindi man pagkapanot, dahil sa problema ng daigdig. Mabubura sa noo mo ang wika ng magulang, at mahihigop ka ng mga pangako na pawang nakatundos sa bukirin ng mga pakò o kung hindi’y nakalista sa mga imahen ng selfon. Maliligo ka ngunit mananatili ang mga kuto sa kukote, at hindi maglalaon ay malilimot mo dahil sa katí ang sariling pangalan at ang pangalan ng lupang tinubuan.
Gayunman, ituturo sa iyo ng tadhana ang bisa ng untog, bigwas, dura, sampal. Didilat ka nang nakangudngod sa maraming pagkakataon, at didilat isang araw nang nakatihaya na waring kumakausap sa mga desperadong anghel. Itatanong mo kung nasaan ka, sasalatin ang mga bukol o sugat, at itatanong ang lahat ng tanong sa kamukha mong ano’t wari’y halimaw. Mababaliw ka sa oras na niyanig ng mabibilis na tibok ang puso, at kung ikaw ay tunay na umiibig, ang bibigkasin mo ay higit sa maidudulot ng buto at lamán. Lulundag ang iyong lohika sa espasyo, at makakikita ka ng bahaghari kahit nakatindig sa gilid ng bangin.
At kapag nawala ka sa dami ng tinig na kumakausap sa iyo, ang kakambal mo sa ibabang espero ang babangon mula sa malaong pagkakahimbing—upang mangaral sa kapisanan ng mga robot at mortal.