Venice, ni Friedrich Nietzsche

Salin ng “Venedig,” ni Friedrich Nietzsche ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Venice

Tumambay ako kamakailan
sa tulay noong kayumanggi ang gabi.
Mula sa malayo’y lumitaw ang awit:
Gaya ng bulawang patak, unti-unti itong umapaw
sa nanginginig na rabáw.
Mga gondola, ilaw, at musika—
Lasing itong umahon tungo sa takipsilim.
Ang kaluluwa ko, na instrumentong de-kuwerdas,
ay kusang tinugtog, nang di-halatang nababaliw,
ang lihim na awit ng gondola,
habang kumakatal sa kumikislap na ligaya.
May nakinig kaya rito?

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Karsten Würth, titled “Venice, Italy,” @ unsplash.com

Mag-isa ang Gabi, tulad ng Pulubi, ni Georges Rodenbach

Salin ng “La Nuit est seule, comme un pauvre. . . .” ni Georges Rodenbach ng Belgium
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mag-isa ang Gabi, tulad ng Pulubi

Mag-isa ang gabi, tulad ng pulubi.
Inihahain ng mga poste ng ilaw
Ang madidilaw na lagablab
Bilang abuloy.

Sintahimik ng saradong simbahan ang gabi.
Ang panlulumo ng mga poste ng ilaw
Ay naglalantad ng apoy na rosas,
Matitingkad na pumpon ng bulaklak,
Mga pumpon sa ilalim ng salamin,
ang sagradong relikyang pumupuno
sa Gabi nang may indulhensiyang plenarya.

Natitiis ng Gabi ang kirot!
Ang nagkokorong poste ng mga ilaw
Ay pinasisirit ang pula’t asupreng alab,
Gaya ng sinumpaang mga hulagway,
At mga Sagradong Puso,
Na pawang pinadurugo ng simoy sa pamamagitan
Ng malalamig na patalim.

Lalong nagngangalit ang Gabi!
Ang mga ilaw ng poste, na magkakahanay,
Ay inilaladlad ang mga bughaw na ningas,
Tulad ng mga kaluluwa, na humihinto para mamahinga,
Mga kaluluwa ng patay na araw, tinatahak ang mga daan,
Nangangarap ng pagbabalik sa kanilang saradong bahay,
Habang aali-aligid, nang malaon, sa bungad ng lungsod.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. No to foreign invasion of the Philippines! No to War!

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye, ni Georges Rodenbach

Salin ng ““Les réverbères en enfilade . . .” ni Georges Rodenbach ng Belgium
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye

Ang mahabang hanay ng mga poste sa kalye’y
Sinisindihan ang malulungkot nitong ilaw
Araw-araw, gaya ng dapat asahan,
At lumilikha ng laro ng mga tahimik na anino,
Na sumasapit at humahayo.

Hindi ba nilalagnat ang Lungsod
Kapag gabi?
Wari’y padilim nang padilim ang paligid;
At inihihimutok ng simoy ang isang tao
Na nabigong gumaling muli ang sakít;
Umaalingawngaw ang mga kampanilya
Para sa pangwakas na orasyon;
Sumisipol ang hangin dahil sa katahimikan;
Ang mga álamo, na pinipigil ang mga dahon,
Ay nangangambang lumikha ng ingay;
Walang yabag ang mga naglalakad sa gitna
Ng ulop, gaya doon sa silid o tabi ng higaan. . .

Bumubulong ang tubigan sa ilalim ng arko
Ng mga sinaunang tulay;
Tila ba nagdarasal nang may buntong-hininga,
Ngunit para sa anong dahilan?

Hindi ba lumalala ang anták ng Lungsod
Ngayong gabi?
Ang mga ilaw ng mga poste sa kalye’y
Kimkim ang pangwakas na siklab ng pag-asa;
Kawangis niyon ang mga mata,
Ang mga handog na panatang lagablab,
Ang mga guniguning apoy at paningin.

O, mga poste ng ilaw! Nagpaparamdam ang mga ito
At nakatutunog ng papalapit na kamatayan;
May kung anong katangian ng tao ang taglay
Ng mga posteng nangangatal at pumuputla,
At waring may mga luha ang loob ng lagablab!

Sino ang susunod na mamamatay?
Umaawit sa itim na tubigan ang sisneng nagbabala. . .

Agaw-buhay marahil ang Lungsod
Ngayong magdamag. . .

Tumatangis ang mga poste ng ilaw sa lansangan!

Piraso ng Liham, Jaroslav Seifert

salin ng “Fragment of a Letter,” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Piraso ng Liham

Magdamag humalihaw ang ulan
sa mga bintana. Hindi ako makatulog.
Kaya binuksan ko ang ilaw
at sumulat ng liham.

Kung makalilipad ang pag-ibig,
na siyempre ay hindi nito magagawa,
at hindi malimit lalapit sa lupa,

kasiya-siyang mabalot ng dayaray nito.

Ngunit gaya ng napopoot na bubuyog
ang mga selosong halik ay sumasalakay
pabulusok sa tamis ng katawan ng babae
at ang di-makaling kamay ay dumadakma
sa anumang maabot nito,
at walang hinto ang apoy ng  pagnanasa.

Kahit ang kamatayan ay hindi nakasisindak
sa yugto ng nakababaliw na tagumpay.

Sino ang nakapagkalkula
kung paanong pumapaloob ang pag-ibig
sa pares ng bisig na yumayapos!

Palagi kong ipinahahatid sa kalapating
kartero ang mga liham sa mga babae.
Malinis ang aking budhi.
Hindi ko kailanman ipinagkatiwala iyon
sa mga lawin o banóg.

Hindi na sumasayaw sa ilalim ng panulat ko
ang mga tula, at gaya ng luha sa gilid
ng mata’y bumibitin pabalik ang salita.
Ang buong buhay ko ngayon, sa dulo nito,
ay humahagunot na biyahe sa tren:

Nakatayo ako sa tabi ng bintana ng karwahe
at araw-araw ay humahagibis pabalik
sa kahapon upang makipagtipan
sa makukutim na ulop ng dalamhati.
Kung minsan ay hindi ko mapigil humawak
sa prenong laan sa emerhensiya.

Marahil ay muli kong masisilayan
ang ngiti ng isang babae
na nabihag gaya ng niligis na bulaklak
sa mga pilik ng kaniyang paningin.
Marahil ay mapahihintulutan pa rin ako
na ipadala sa gayong mga mata
kahit ang isang halik bago tuluyang
lamunin ng karimlan ang titig nito.

Marahil ay minsan ko pang makikita
ang maliit na sakong
na tinabas tulad ng alahas
mula sa mainit na kalambutan,
upang muli akong masamid sa pag-asam.

Anong halaga ang natitira at dapat iwan ng tao
habang paparating ang di-mapipigil na tren
sa Estasyon Lethe
na may mga taniman ng kumikinang na gamón
na ang gitna’y may pabangong makapagpapalimot
sa lahat. Kabilang ang pag-ibig ng tao.

Iyan ang pangwakas na hinto:
hindi, hindi na makauusad pa ang tren.

Talinghaga ng Pag-ibig, ni Nizar Qabbani

salin ng tatlong tula ni Nizar Qabbani.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Kapag umibig ako

Kapag umibig ako
wari ko’y hari ako ng panahon.
Taglay ko ang mundo at lahat ng lalang nito
at sakay ng kabayo pahagibis sa araw.

Kapag umibig ako
naghuhunos akong agos ng liwanag
na ni hindi matalos ng paningin;
at ang mga tula sa aking kuwaderno’y
mistulang bukirin ng palumpong at opyo.

Kapag umibig ako
sumisirit ang tubig sa aking mga daliri
sumisibol ang mga damo sa aking dila
at kung umibig
ay nagiging panahon sa labas ng panahon.

Kapag umibig ako sa babae,
lahat ng punongkahoy
ay tumatakbong nakayapak palapit sa akin. . . .

Kapag inibig kita

Kapag inibig kita
sumisibol ang bagong wika, lumilitaw
ang bagong lungsod, at natutuklas ang mga bagong bansa.
Masasamyo ang oras gaya ng mga opyo,
tumutubo ang trigo sa mga pahina ng mga aklat,
lumilipad ang mga ibon mula sa mga mata mong hatid
ang biyaya ng pukyot,
naglalandas ang karabana sa mga suso mong taglay
ang yerbang Indio,
nahuhulog ang mga mangga sa palibot, nagliliyab
ang mga gubat, at lumalagabog ang mga tambol Nubian.

Kapag inibig kita, mapapawi sa mga suso mo ang kahihiyan
at maghuhunos kidlat, kulog, espada, at unos ng buhangin.
Kapag inibig kita, maalab na babangon at mag-aaklas
ang mga Arabeng lungsod laban sa dantaong panunupil
at sa mga panahon
ng paghihiganti laban sa mga batas ng tribu.
At ako, kapag umibig sa iyo,
ay magmamartsa laban sa kapangitan,
laban sa mga hari ng asin,
laban sa institusyonalisasyon ng disyerto.
At patuloy kitang iibigin hanggang bumaha sa buong daigdig;
Patuloy kitang iibigin hanggang sumapit ang baha sa daigdig.

Paghahambing sa Pag-ibig

Hindi ako kagaya ng iba mong mangingibig, binibini.
Kapag may nagbigay sa iyo ng ulap,
bibigyan kita ng ulan.
Kapag binigyan ka niya ng parola,
ibibigay ko sa iyo ang buwan.
Kapag binigyan ka niya ng sanga,
ibibigay ko naman ang mga punongkahoy.
At kapag binigyan ka niya ng barko,
ibibigay ko sa iyo ang pambihirang paglalakbay.

Kuliglig at Ilaw, ni Charles Simic

salin ng mga tula ni Charles Simic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

MGA KULIGLIG

Mapapalad ang mga hindi
Nauubusan ng panahon
Sa kailaliman ng magdamag,
Ngunit hila ang mga paa nito,

Bilanggo ng sandali,
Tulad ng nag-iisang layag
Na nakabitin sa baybayin
Habang takipsilim,

May ilang kanaway
Na kapiling doon sa langit,
At malapit sa tahanan,
May kuliglig, kuliglig, kuliglig.

MAY ILAW SAANMANG PANIG

Hindi dapat ipabatid sa hari na sasapit ang gabi.
Tinutugis ng kaniyang mga hukbo ang mga anino,
Hinuhuli ang mga tariktik at tigmamanukin
At pinalalagablab ang mga bayan at nayon.

Sa kabisera, naglilibot sila para kumpiskahin
Ang mga orasan, sinisigaan ang mga erehe’t
Kinukulayan ang liwayway sa ibabaw ng bubungan
Para batiin natin ang isa’t isa ng magandang umaga.

Tumitilaok ang tandang na nakatali ang paa,
Pinilit na nakabukad ang mga bulaklak sa hardin,
Ngunit nagmantsa ang dilim sa sahig ng palasyo
Na hindi kailanman mapapawi ng anumang kuskos.

Ina ng Laging Saklolo

Makapangyarihan ang imahen ng ina sa lipunang Filipino, at ang ina ay sumasagisag hindi lamang bilang “ilaw ng tahanan” bagkus tagapagtanggol ng anak laban sa anumang batik na maipupukol ng kalaban. Sa mga telenobela, ang ina ang kunsintidor sa masamang asal ng anak, kung hindi man ay kakutsaba sa maiitim na balak ng anak na babaing ibig makamit ang pag-ibig ng isang binatang guwapo, maykaya, at mabait. Ngunit ina rin ang tagapagsanggalang ng anak na bida, at handang isakripisyo ang buhay mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang anak. Kung babalikan naman ang panahon ng himagsikan, ginamit nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto ang konsepto ng “Inang Bayan” na taliwas sa “Madre España” na “Inang Sukaban” at “Inang Kuhila” na tumutukoy sa rehimeng Espanyol.

Kung lilingunin ang mahabang kasaysayan ng radyo, ginawang popular ng dakilang manunulat na si Liwayway A. Arceo ang dalumat ng ina pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, at patunay ang kaniyang dulang panradyong Ilaw ng Tahanan na tumagal sa himpapawid sa loob ng labinlimang taon at nakabuo ng tinatayang 32 tomo ng aklat—na hindi pa nalalampasan ni napapantayan ng kasalukuyang henerasyon ng mga manunulat. Sa nasabing dula, lahat ng posibleng maganap sa loob ng pamilya ay tinitingnan sa sipat ng ina at babae, mulang pagsilang at pagpapalaki ng anak hanggang pagsisintahan at paghahanapbuhay hanggang pakikipag-ugnayan sa lipunan at daigdig, at kung hindi pa marahil pipigilin si Arceo ay tuturuan niya ng leksiyon si Lav Diaz hinggil paglikha ng mala-epikong “ebolusyon ng pamilyang Filipino.”

Malakas ang hatak ng ina, at gaya ni Aling Dionisia ay ipagtatanggol ang anak na boksingerong si Manny Pacquiao laban sa tuligsa ng mga komentarista. Ganito rin ang gagawin ni Marlene Aguilar nang ipagtanggol ang kaniyang anak na si Jason Ivler nang paulanan ng bala at tuligsa ng mga awtoridad. Isinasadula lamang muli nina Aling Dionisia at Marlene ang sinaunang pagkilala sa ina, na nagsusumikap itaguyod ang anak, pagsusumikap na halos isasakripisyo ang lahat, gaya ng dangal at ari-arian, at pagkaraan ay halos kalabanin ang anak sa larangan ng pagpapansin sa puting tabing at iba pang aspekto ng sining.

Magnetiko ang hatak ng ina dahil malalim ang paggalang ng mga Filipino kay Birheng Maria, ang kinikilalang ina ni Hesus at tagapamagitan ng mga tao sa diyos. Si Maria ang sukdulang halimbawa ng ina para sa anak, at para sa mga Filipino’y sumasaklaw sa ultimong pag-aalay ng buhay para sa anak, kung babalikan ang tradisyon ng Kristiyanismo at Banal na Kasulatan. Ang katumbalik na imahen ng inang mabait ay putang inang bungangera, kunsintidor, at mukhang salapi, na pinalalaki sa layaw ang anak na pagkaraan ay magiging alibughang anak, at tatanggapin muli sa pagbabalik kapag nagdusa o nagpalaboy-laboy kung saan-saan sa mahabang panahon. Pinagkakitahan nang malaki ang paglilinang sa katauhan ng ina sa panitikang Filipino, at hangga ngayon ay kinababalahuan ng mga manunulat ng dulang pantelebisyon.

Kaya hindi nakapagtataka na gamitin ang hulagway ng ina kahit sa eleksiyon. Ginamit ni Manny Villar sa pampolitikang kampanya ang kaniyang inang si Curita “Nanay Curing” Bamba-Villar, na pinabulaanan ang paratang na nagbuhat sa gitnang uri ang kanilang pamilya. Ganito rin ang ginawa minsan ni Erap Estrada (na sinikap dalawin sa ospital ang nakaratay na inang si Donya Mary Marcelo-Ejercito) nang mapatalsik sa poder at ipabilanggo ng mga kalaban sa politika.  At ganito rin ang ginawa ni Noynoy Aquino na laging kinikilala ang matuwid na pagpapalaki sa kaniya ng inang si Cory Aquino, at iniuugnay nang patalinghaga sa maaaring gawin niya sakali’t maihalal bilang pangulo ng Filipinas. Kahit si Gibo Teodoro ay binibiro ng mga propagandistang ginamit ang mga ina, na matataguriang mga Sugar Mommy at mula sa alta sosyedad, upang makakuha ng pondo para sa kaniyang magastos na kampanya.

Kinakailangan nang sipatin sa ibang anggulo ang konsepto ng ina. Ang pagkilala sa ina ay dapat lumawak at maging makabuluhan, imbes na maging de-kahon at tradisyonal, at ang mga politiko ay makabubuting lumayo sa laylayan ng palda ng kani-kaniyang ina, at ipakilala ang tunay na kakayahan nang hindi mabansagang “Mama’s Boy” kung hindi man “Boy Toy.”

Bontok Igorot, kuha ni Albert Ernest Jenks. Dominyo ng publiko.

Bontok Igorot, kuha ni Albert Ernest Jenks. Dominyo ng publiko. Retrato mula sa artsibo ng Project Gutenberg.

Mga Bintana ni Charles Baudelaire

salin ng “Les Fenêtres” ni Charles Baudelaire mula sa Le spleen de Paris (1869)
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MGA BINTANA

Hindi nakakikita nang ganap ang tao na nakatanaw sa bukás bintana kung ihahambing sa tao na tuwirang nakatingin sa nakapinid na bintana. Walang bagay na higit na misteryoso, higit na matalinghaga, higit na mapanganib ang pakana, kumbaga’y higit na kaakit-akit, sa bintanang naiilawan ang loob ng kahit isang kandila. Anumang masilayan natin sa sinag ng araw ay hindi kasing-alab ng masasagap natin sa maaaring nagaganap sa likod ng saradong bintanang salamin. Sa gayong kailaliman, sa naturang kaitiman o kaliwanagan, may búhay na isinasabúhay, may búhay na nagdurusa, may búhay na nangangarap . . . .

Sa likod ng bubungan, natatanaw ko ang matandang babae, na kulubot ang mukha, ang dukhang babae na habambuhay nakukuba hinggil sa kung anong bagay, na waring hindi iniiwan ang kaniyang silid. Mula sa kaniyang mukha at damit, mula sa halos wala, nabuo kong muli ang kuwento ng babae, o kung hindi’y ang kaniyang alamat; at minsan, naluluha ako habang inuusal yaon sa sarili.

Sapat na marahil kung may isang huklubang lalaki. Magaan ko ring makakatha ang kaniyang alamat.

At makatutulog ako nang may pagmamalaki, dahil nabuhay at nagdusa ako para sa iba at lampas sa aking sarili.

Uusigin mo siyempre ako: “Nakatitiyak ka bang ang iyong salaysay ang siyang totoo at tumpak?” Hindi ba higit na mahalaga ang realidad sa labas ng aking katauhan, hangga’t natutulungan nito ako na mabuhay, at dumama na ako’y umiiral, at damhin ang ubod ng kalikasan ng aking pagkanilalang?

Bintana

Bintana, kuha ni Bobby Añonuevo.