Adiyogi sa Pasig, ni Roberto T. Añonuevo

Adiyogi sa Pasig

Roberto T. Añonuevo

Ang gabi ng mga kamay ay mga kaluluwa
sa agos.
Ang gabi ng pagtatalik ng mga kaluluwa
ay agos.
Ang gabi ng pagsilang ng mga kaluluwa
ay agos.

Hayaang umagos ang sayaw ng kalululuwa.
Hayaang umagos ang buwan ng kaluluwa.
Hayaang umagos ang bulaklak ng kaluluwa.

Sapagkat ito ang gabi ng landas palaot.
Sapagkat ito ang gabi ng landas ng laot.
Sapagkat ito ang gabi ng laot ng mga landas.

Ang gabi ng bathala ay gabi ng mga likha.
Ang gabi ng bathala ay likha ng mga gabi.
Ang gabi ay bathala na gabi ang lumilikha.

Ito ang sandali ng paglusong sa karimlan.
Ito ang sandali ng pag-ahon sa karimlan.
Ito ang karimlan ng paglusong at pag-ahon
ng sandali.

Sapagkat ito ang inaasam na paghuhugas
ng sandali.
Sapagkat ito ang inaasam ng paghuhugas.
Ang sandali—
Ang inaasam na paghuhugas nang wagas.

Alimbúkad: Poetry walking the talk. Poetry making the impossible possible. Photo by Arti Agarwal on Pexels.com

Takipsilim sa Ilog, ni Maribel Mora Curriao

Salin ng “Atardecer en el río,” ni Maribel Mora Curriao ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Takipsilim sa Ilog

Sinasalungat ng puting
tagak ang dapithapon.
Umaapaw sa panganorin
ang walang tinag nitong hubog.
Tumakas nang palihim sa ilog
ang pangwakas na sinag ng araw.
Bumuntong-hininga ang mundo
at patuloy na namuhay.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Eugene Chystiakov @ unsplash.com

Pabula ng Sirena at mga Lasenggo, ni Pablo Neruda

Salin ng “Fabula de la suena y los borrachos,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pabula ng Sirena at mga Lasenggo

Lahat ng tigulang na lalaki’y naroroon sa loob
nang pumasok siya, hubad na hubad.
Nag-iinuman sila, at sinimulan nilang duraan siya.
Dahil galing sa ilog, ni wala siyang naunawaan.
Isa siyang sirenang naligaw sa patutunguhan.
Umagos ang mga insulto sa kumikislap niyang balát.
Natigmak sa pambabastos ang bulawan niyang súso.
Lingid sa kaniya ang pagluha kaya hindi siya umiyak.
Lingid sa kaniya ang pananamit kaya hindi nagdamit.
Pinasò siya ng mga sigarilyo at nagbabagang tapón,
at napagulong sa katatawa ang mga nasa taberna.
Hindi siya umimik dahil banyaga sa kaniya ang wika.
Mga mata niya’y kakulay ng malayong pag-ibig;
mga braso niya’y katumbas ng kambal na topasyo.
Kumislot ang kaniyang labì sa liwanag ng korales,
hanggang sukdulang lumabas siya sa pintuan.
Nang lumusong sa ilog ay iglap na dumalisay siya,
at muling nagningning gaya ng batong naulanan;
at muli siyang lumangoy nang hindi lumilingon,
lumangoy tungo sa kawalan, sumisid sa kamatayan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Siyempre, ni Pablo Neruda

Salin ng “Siempre,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Siyempre

Kapag kaharap ka’y
hindi ako nagseselos.

Lumapit nang may lalaki
sa iyong likod,
lumapit nang may sandaang lalaki sa buhok,
lumapit nang may libong lalaki sa pagitan ng dibdib at paa,
lumapit tulad ng ilog
na umapaw
sa mga nangalunod na lalaki
nang salubungin ang dagat na napopoot,
ang eternal na bulâ, ang panahon.

Dalhin lahat sila
sa pook na hinihintay kita:
Palagi tayong mag-isa lámang,
tayo’y palagi, tanging ikaw at ako,
na magkapiling sa rabáw ng lupa,
upang magpasimula ng búhay.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Arawang Pitak, ni João Cabral de Melo Neto

Salin ng “Espaço jornal,” ni João Cabral de Melo Neto ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Arawang Pitak

Sa arawang pitak,
nilulunok ng anino ang kahel at ang kahel ay lulundag sa ilog, na hindi talaga ilog,
bagkus dagat na umaapaw sa aking mga mata.

Sa arawang pitak
na bunga ng orasan, nakikita ko ang mga kamay
hindi mga salita; napanaginip kagabi ang babae, at napasaakin ang babae at isda.

Sa arawang pitak,
nalilimot ko ang bahay at dagat
nauupos ang gana ko’t gunita. Walang silbing nagpapatiwakal ako sa arawang pitak.

Hiwaga ng Langit, ni Max Jacob

Salin ng “Mystère du ciel,” ni Max Jacob ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Hiwaga ng Langit

Pagkauwi ko mula sa sayawan, napaupo ako sa pasamano ng bintana at pinagnilayan ang langit: ang mga ulap ay wari bang malalaking ulo ng mga huklubang lalaking nakaupo sa tabi ng mesa at isang puting ibon na may maririkit na balahibo ang dinala sa kanila. Tumawid sa himpapawid ang dambuhalang ilog. Isa sa matatandang lalaki ay tumitig sa akin. Magsasalita na lámang siya nang biglang mawalan ng gana, at naiwan ang mga dalisay na bituing kumikislap-kislap.

Matututuhan ng Magkasintahan, ni Cirilo F. Bautista

Salin ng “Lovers Learn,” ni Cirilo F. Bautista ng Filipinas
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Matútutúhan ng Magkásintáhan

(para kay Arlene Babst)

Matútutúhan sa maláo’t madalî ng magkásintáhan
ang mapangánib na heograpíya ng pag-íbig
yámang ang síning ng págmamahál ay nakáraráos
úpang ipaliwánag ang intríga ng kirót ng loób,
ang tuwâng ni hindî kailanmán malilímot.
Mga karagatán, madidilím na bundók at halamanán,
mga ílog na hitík sa isdâ, mga ílog na walâng lamán
gáya ng pangárap—
pinupunô nitó ang mga puwáng sa mga mápa
ng mágsing-írog, naglalátag ng marikít na gayúma
at mabalásik na bítag.

Pinipigâ ng paglalakbáy ang pusò at kasarián
dáhil káyang sunúgin ng áraw ang mga damuhán,
at káyang lapátan ng mga kúlay ang kahuyán,
ngúnit ang túnay na pag-íbig ay naglalákbay at bulág
sa pahiwátig at pelígrong bumabaón sa ulirát,
nagpapatúloy itó at sumusúlong, hindî umíiyák
at nagpapatúloy, sumusúlong, lumalagô, tumatatág.

Ang Tulay, ni Leopold Staff

Salin ng “Most,” ni Leopold Staff ng Poland.
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Tulay

Leopold Staff

Hindi ako noon naniwala,
Habang nakatindig sa pampang ng ilog
Na napakalapad at rumaragasa ang agos,
Na matatawid ko ang mahabang taytay
Na nilala sa maninipis, maseselang baging
At ibinuhol sa mga uway.
Maingat akong naglakad gaya ng paruparo
At simbigat ng elepante,
Tiyak ang hakbang ko gaya ng mananayaw,
At humapay-hapay gaya ng isang bulag.
Hindi ako makapaniwalang matatawid ko
Ang tulay, at ngayong nakatayo na ako
Sa kabilang pampang,
Hindi ako naniniwalang nakatawid nga ako.

Stop weaponizing the law. Stop weaponizing history. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. End impunity for crimes against humanity! Pass the word.

Malungkot ang ating pag-iral, ni Natalio Hernández Xocoyotzin

Salin ng “Tucueso titlachixtoque,” ni Natalio Hernández Xocoyotzin
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Malungkot ang ating pag-iral

Ang ating pag-iral
ay masaya at malungkot
dahil kung minsan, tumatawa ang ating puso
at kung minsan ay sumasabog gaya ng ilog
o buryong na dagat.

Ang ating pag-iral
ay masaya at malungkot
dahil kung minsan, payapa ang ating puso
at kung minsan ay sumisiklab na poot
gaya ng bagyo.

Ang ating pag-iral
ay masaya at malungkot
dahil kung minsan, magaan ang ating puso
at kung minsan ay naghihimagsik
gaya ng buhawi.

Uphold human rights even if your enemy is your own government. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to vicious war in whatever form.