Armonisasyon

Armonisasyon

Roberto T. Añonuevo

Isang mainit na usapin sa mga fumefeysbuk, gaya ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ay ang usapin hinggil sa “armonisasyon ng mga ortograpiya ng mga katutubong wika sa Filipinas” [KWF Statement on the Harmonization of Orthographies of Filipino Languages, 22 Oktubre 2018). Ang armonisasyon ay konseptong isinusulong ng KWF para ipaliwanag ang posisyon nito, bukod sa ipagtanggol ang Ortograpiyang Ilokano (2018) na balak nitong ipagamit sa mga guro at estudyante sa Hilagang Luzon, sa pamamagitan ng Kagawaran ng Edukasyon, sa kabila ng pagtutol ng GUMIL Filipinas at iba pang kabalikat na grupo.

Ang GUMIL (Gunglo dagiti Mannurat nga Ilokano iti Filipinas) ang pinakaaktibo at pinakamalaking organisasyon ng mga manunulat at editor na Ilokano, at may base hindi lámang sa rehiyon ng Ilocos, bagkus maging sa iba’t ibang lalawigan, at ibang bansa, gaya sa United States of America, Greece, at Saudi Arabia. Ang mga manunulat na ito ang lumikha ng mga pambihirang aklat pampanitikan sa paglipas ng panahon, at patuloy na sinusubaybayan hangga ngayon, sa pamamagitan ng lingguhang magasing Bannawag at iba pang babasahin.

Ano ba talaga ang “armonisasyon,” kung babalikan ang posisyon ng KWF at isinusulong ng tagapangulo nito? Hindi naipaliwanag sa pahayag ng KWF kung saang punto ito nagmumula, at ang reperensiya ay mahihinuhang galing sa panig ng Filipino. Kung ang reperensiya ay Filipino, ano ang saklaw ng “armonisasyon” para sabihing ang dating walang armonyang mga wikang katutubo ay magkakaroon ngayon ng pagkakaisa at pagsasanib?

Malabo ang pahayag ng KWF sapagkat nabigo itong ipaliwanag ang konsepto ng “armonisasyon,” una sa panig ng lingguwistika, at ikalawa, sa panig ng sosyolingguwistika at kasaysayan, sa harap ng wikang Ilokano. Kung susuriin ang ipinalalaganap nitong mga katutubong ortorgrapiya, ang armonisasyon ay naglulundo nang malaki sa panghihiram ng mga salitang banyaga, na ang pinakaubod ay mula sa Español (na ang ispeling dati ay “Espanyol”), at hindi sa katutubo-sa-katutubong wikang ugnayan. Dito masasabing malakas ang Ortograpiyang Pambansa (OP) sapagkat napulido na ang mga panuto nito sa Español sa paglipas ng panahon, mulang yugto nina Lope K. Santos at Jaime de Veyra hanggang Ponciano BP. Pineda hanggang Nita P. Buenaobra at Jose Laderas Santos hanggang Virgilio S. Almario. May katwiran kung gayon ang KWF kung punahin nito ang sinauna’t hispanisadong baybay ng mga salita, halimbawa ang mga pangalan ng pook, gaya ng Davao (na puwedeng “Dabaw” o “Davaw; Calasiao na puwedeng “Kalasyaw”), o ang mga pangalang pambalanang, gaya ng “dios” na naging “diyos,” cuento na naging “kuwento,” atbp.

Pagkaraan nito ay lalantad ang kahinaan ng OP, sa kasamaang-palad, lalo sa panghihiram ng mga salita sa Ingles. Bakit? Sapagkat walang malinaw at kompletong panuto na isinulong ang KWF sa bahaging ito. Hindi pa ganap nitong nailalahok kung paano manghihiram, halimbawa sa Ingles, Nihonggo, Aleman, Frances, atbp., sa isang panig, at sa mga katutubong wika, gaya sa Magindanaw, Ilokano, Hiligaynon, Romblonon, Sebwano, Bikol, atbp. Maikakatwiran dito kung ang gagawing batayan ay ang kakulangan ng isang pambansang diksiyonaryong Filipino na higit ang saklaw sa UP Diksiyonaryong Filipino, at may basbas ng isang ahensiya ng gobyerno. Ang UP Diksiyonaryong Filipino, kahit pa ito pinondohan ng gobyerno, ay hindi masasabing kasinlakas ng pambansang diksiyonaryo, kung ang diksiyonaryong ito ay mismong luwal ng KWF—na may mandato ng Konstitusyong 1987, at Batas Republika Blg. 7104. Kung babalikan ang kasaysayan, ang mandato ng Institute of National Language bago pa sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay una, lumikha ng isang malawakang diksiyonaryo na batay sa katutubong wika at magiging batayan ng pambansang wika; at ikalawa, bumuo ng isang gramatika o balarila mula sa katutubong wika.

Sa kasalukuyan, nasa yugto pa rin ng pangangarap ang Pambansang Diksiyonaryong Filipino at Binagong Gramatikang Filipino—na pawang maglalahok sa lahat ng matitingkad na katangian ng mga katutubong wika sa Filipinas.

Magkakasiya na lámang ang OP sa gaya ng panghihiram ng mga pangngalang pantangi mula sa mga banyagang wika na hindi kailangang baguhin ang ispeling, sa mga salitang kargado ng kultura o kasaysayan, sa mga salitang siyentipiko o teknikal, o kung kaya’y sa mga salitang may maiikling patinig na tunog [short vowels] ngunit problemado kapag dumako sa mahahabang patinig [long vowels] at sa mga salitang may tunog schwa, kambal patinig (gaya ng \ph\ na maaaring gawing \p\ o \f\), dobleng titik (gaya ng dd, ff, rr, ss, atbp), sa mga salitang may triptong o tatluhang katinig, at iba pang punto na wala sa OP.

Sa bahaging ito, ang tinutukoy na “armonisasyon” ng mga wikang katutubo sa Filipinas sa punto de bista ng KWF ay konserbatibo at mahihinuhang limitado sa panghihiram ng mga salita sa Español. Kung magkakaisa ang mga katutubong wika sa bahaging ito ay walang magiging sagabal, maliban na lámang kung ang mga katutubong wikang ito ay tinanggap ang mga salitang Español, at inangkin nang buong-buo, at umiiwas na ispelingin ang mga salita alinsunod sa nais na paraan ng pagbaybay ng OP sa maraming pagkakataon, kahit pa sabihing kabitan ng mga panlapi, sapagkat nakalahok yaon sa kanilang mga diksiyonaryo. Matingkad ang ganitong problema sa gaya ng Chabacano, Ilokano, at Bikol, kung pagbabatayan ang mga konsultasyon sa ortograpiya noon.

Ang mga umiiral na diksiyonaryo, halimbawa sa Ilokano, Bikol, Sebwano, atbpng wika, ay sa paglipas ng panahon ay naging sanggunian ng henerasyon ng mga manunulat at editor, at marahil ay magbabago lámang ang paraan nila ng pagbabaybay alinsunod sa mapagkakaisahan at mamamayaning paraan ng pagsulat sa panig ng pangkat ng mga manunulat at editor. Ito ay sapagkat ang ortograpiya ay nakatuon, unang-una sa lahat, sa mga manunulat at editor, at hindi para sa mga estudyante at guro. Ang mga manunulat at editor ang aktibong lumilikha ng mga teksto, at hindi naiiwasang magtakda ng estandarisasyon ng wika na ginagamit naman ng mga estudyante o guro. Kung babalikan ang isinusulong ng Kagawaran ng Edukasyon, ang inuuna ay ang paglikha ng ortograpiya imbes na unahin ang pagsasaliksik, produksiyon, at preserbasyon ng mga akdang pampanitikang nasusulat sa mga katutubong wika.

Sa mga wika sa Filipinas, ang malalakas na wika ay nagmumula ngayon sa Ilokano, Sebwano, at Bikol. Ang tatlong wikang ito ay may mahuhusay at batikang manunulat at editor, na may kani-kaniyang publikasyon at suportado kung minsan ng ilang akademya. Kapag hindi sumang-ayon ang mga manunulat at editor ng isang wika, gaya ng ginawa ng GUMIL, ay mauulit lámang ang kasaysayan, nang bumalikwas ang mga manunulat sa Filipino nang tuligsain nito’t suwayin ang itinakdang panuto sa Ortograpiyang Filipino noong panahon ni Tagapangulo Buenaobra. Sa aking pagkakatanda, minura kami (kasama ko sina Dr. Leo Zafra at Leonida Villanueva) at nilait-lait ni Buenaobra dahil sinuway namin ang ortograpiyang inilathala ng KWF. Lilipas ang panahon at mabibigo ang bersiyon ni Buenaobra at mananaig ang bersiyong isinulong ng National Committee on Language and Translation (NCLT) ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Magkakaroon ng problema ang konsepto ng “armonisasyon” sa panig ng mga katutubong wika, sapagkat wala pang malawakan at naisapanahong pag-aaral ang KWF kung pag-uusapan ang mga pagkakahawig ng mga katutubong wika. Ang tinatanggap pa lámang ngayon ay ang mga salitang pangngalan, na nailahok ang ilan sa UP Diksiyonaryong Filipino, ngunit ang mga salitang pandiwa o pang-uri o pangatnig o pang-abay, lalo kung ang mga ito ay nilapian ay hindi pa natitingkî at hindi pa nailalahok sa OP. May katwiran kung gayon ang GUMIL Filipinas sa pag-angal hinggil sa pagbabago ng “biag” tungo sa “biyág,” na waring isinunod sa “biak” na naging “biyák,” ngunit kung babalikan ang Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar ay may lahok doon na “biák” at binibigkas na \bi+ak\, gaya sa “Biak na Bato.” Hindi malalayo ang “biak” sa “baak,” na ginagamit pa rin sa ilang bayan sa Rizal, gaya ng Angono, Binangonan, at Tanay, o kaya’y sa Batangas, Quezon, at Marinduque. Ang problema ng “biak” ay hindi malalayo sa hispanisadong “babayi” na dapat na “babai” at hindi “babay.” Para sa mga Español, ang titik \i\ ay mahinang patinig, at upang lumakas at makatindig nang mag-isa ay karaniwang kinakabitan ng \y\.

Sa pedagohikong pagdulog, ang sinasabing “armonisasyon” na binabanggit ng KWF ay marupok ang kinatatayuan sapagkat kulang sa pag-aaral o saliksik hinggil sa panig ng pagtuturo ng ortograpiya, batay sa mithi ng Kagawaran ng Edukasyon. Kailangang linawin ng KWF na kung ang layon nitong armonisasyon ay limitado sa panghihiram ng mga salitang Español o Ingles, sapagkat wala pa itong malinaw na mga panuto hinggil sa panghihiram ng mga katangian ng mga katutubong wika, na ang karamihan ay ni hindi pa nailalahok sa UP Diksiyonaryong Filipino. Muli, maitatanong kung ano at kung saan ang gagamiting reperensiya sa pagtuturo sa mga estudyante kung isasaalang-alang ang mga katutubong wika. Ang armonisasyon ba ay mulang Filipino tungong katutubong wika, gaya sa Ilokano, Sebwano, at Bikol? O pabaligtad? Isasaalang-alang din ba ang armonisasyon ng mga katangian ng iba-ibang katutubong wika, halimbawa, mulang Bikol hanggang Ilokano o Sebwano hanggang Ibanag?

Binanggit pa ng KWF sa pahayag nito na,

Harmonization is not compulsory for older users of the language or individual organizations; it is specifically aimed at helping the Department of Education and teachers to teach any of the native languages. Other organizations are free to adopt their own stylebook in their own publications.

Ang armonisasyon ay hindi umano sapilitan para sa matatandang gumagamit ng wika o mga organisasyon. Nakatuon umano ito para tulungan ang Kagawaran ng Edukasyon at mga guro sa pagtuturo ng mga katutubong wika. Malaya pa umanong gumamit ng sariling istaylbuk ang iba’t ibang organisasyon. Ano uli? Baka ang tinutukoy dito ay hindi sapilitan ang pagpapagamit ng ortograpiya imbes na armonisasyon, sapagkat walang kinalaman ang  edad o pagkatigulang sa armonisasyon, lalo sa panig ng mga Ilokano na ang tanging layon ay paunlarin ang wikang Ilokano. Ang ortograpiya ay para sa mga manunulat at editor, o sa mga tao na nag-aambisyong maging manunulat o editor, na gumagawa ng mga aklat o teksbuk. Ang ortograpiya ay hindi para sa mga mag-aaral na tutuntong pa lamang sa kindergarten o Unang Grado. At walang pakialam ang mga estudyante sa masalimuot na usapin ng lingguwistika ng ortograpiya, bagkus sa mga konseptong taglay ng mga salita na nakaugat nang malalim sa kani-kanilang kultura.

Ang payo ng KWF na malaya ang alinmang organisasyon na gumawa ng sariling istaylbuk ay tama, ngunit hindi tumutumbok sa solusyon sa tunay na problema, at halos tumawid sa pagiging sarkastiko. Ang istaylbuk ay nakabatay sa ortograpiya at gramatika, at kung gayon, ay hindi makagagawa ang KWF ng sariling istaylbuk para ipataw at panaigin sa mga katutubong wika. Ang Ortograpiyang Ilokano, kapag binasbasan ng KWF, ay may kapangyarihang baguhin sa isang iglap ang naitatag nang paradima ng pagsulat sa Ilokano, sapagkat ito ay may basbas ng gobyerno. Ang tanging magagawa ng mga Ilokano, gaya ng mga kasapi ng GUMIL, ay tumutol at suwayin ang itinatadhanang panuto ng KWF. Sa ganitong pangyayari, ang armonisasyon, sa yugtong ito, ay nangangailangan ng pagkambiyo at reebalwasyon. At ito ay masasagot lámang ng buong kalupunan ng mga komisyoner ng KWF, sapagkat yaon ay láwas kolehiyado at hindi nagmumula sa pasiya ng isa o dalawang tao lámang.

PAHABOL: Pinukaw, sa di-inaasahang pangyayari, ng KWF ang nakem—o ang kolektibong kamalayan, kung hihiramin ang pakahulugan ni Aurelio Agcaoili—ng mga kasaping manunulat ng GUMIL. Ang nakem, kung aalagaan nang maigi, ay makapaghahasik ng rebolusyon, at inspirasyon sa mga kapuwa Filipino, na kapupulutan ng aral kahit ng mga tinitingalang kasapi’t opisyal ng pinakamalaking unyon ng mga manunulat sa Filipinas.

music keyboard instrument piano note musical instrument sheet music close up brand ivory font classical musical classic composer chord harmony lessons pianist melody synthesizer piano keys clef stave music score music sheet instrumental pianoforte string instrument musical keyboard electronic instrument

Advertisements

Elegansiya ng Ligoy sa “Currimao Fiesta” ni Alwynn C. Javier

Parola, Kuha ni bobby Añonuevo

Parola, Kuha ni Bobby Añonuevo

“Ligoy” ang isa sa mga kahanga-hangang katangian ng Filipino, na ibinatay nang malaki sa Tagalog at sinuhayan ng mga lalawiganing wika sa Filipinas. Tumutukoy ang “ligoy” sa di-tuwirang paraan ng pagsasabi ng kahulugan, at ginagawa ito sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa pahiwatig, talinghaga, at sagisag na pawang matalik sa loob ng mga nag-uusap. Sa pag-aaral ng sosyo-antropologong si Dr. Melba Padilla Maggay, ang ligoy ay kaakibat ng kulturang mataas ang antas ng pagkakaunawaan. (Hinango ni Maggay ang mataas na kontekstong kultura sa teorya ni Edward Hall.) Nagaganap ito dahil sa “mahabang tradisyon ng madalasang pakikipag-ugnayan.” Mataas umano ang antas ng pakikiramdam ng bawat kasapi sa kultura, kaya hindi nangangailangan “ng lantarang kodigo o hayagang panuntunan” kung paano uunawain ang ipinahahatid na mensahe ng mga katutubo sa kultura.

Mahalaga ang ligoy sa tula, kung ipapalagay na ang tula ay isang uri ng komunikasyon, at ang diskurso ng makata ay abot ng diskurso ng mga mambabasa. Kapag kinasangkapan ang ligoy, ang pinakamarikit na katangian ay nakapagbabalatkayo ng nakaririmarim na anyo, gaya sa mga tula ni Mike L. Bigornia. Ang kabatiran ay pasikot-sikot, kaya ang bumabasa ng tula ay nahahamon ang guniguni at nagkakaroon ng iba’t ibang pagmalay at pagtanaw hinggil sa pinapaksa. At ang mabigat na pamumuna o pagdaramdam ay nadaraan sa masining na pagpapatawa, kaya gumagaan ang tama pagsapol sa pinatutungkulan. Tanggalan ng ligoy ang tula ay maaasahan ang walang kalasa-lasang mga taludtod at maninipis na saknong na higit na maluwang ang espasyo ng papel kaysa sa dapat taglaying diwain ng tula.

Ang ligoy ng tula ay hindi nangangahulugan ng pag-aaksaya ng mga salita, gaya ng inaakala ng ilang kabataang makata. Iba ang walang habas na paglulustay ng mga salita sa ligoy, dahil ang masasatsat tumula ay karaniwang hindi batid ang kanilang pinagsasasabi. Ang ligoy ay isang sining ng tantiyadong pagbanda at pagpapadaplis, kumbaga sa bilyar, para makapagbuslo ng bola. Ang ligoy ay masinop na paglalatag ng patibong, kumbaga sa ahedres, o kaya’y pagpapadama para lansihin ang kalaban. At ang ligoy ay pagsasabi nang walang kurap, bagaman nagsisinungaling, na ang pakana ay tarakan ng punyal sa dibdib ang kausap.

Katangian ng Filipino ang ligoy na taliwas sa tahas na Ingles, at kung idaragdag ang isa pang kapatid na katangian—ang tinatawag na kabulaklakan—ay higit na kalulugdan ang wikang Filipino. Ang kabulaklakan ng Filipino, o sabihin nang Tagalog, ay hindi dapat tingnang kahinaan, bagkus isang elemento ng lakas at talas. Nagkakaroon lamang ng problema sa Filipino dahil ang bumabasa nito ay ginagamit ang panuntunang Ingles, na para bang walang bukod na katangian ang Filipino. Matalik ang Filipino sa Espanyol, na higit na mabulaklak, at ang ligoy na binihisan ng masalimuot na disenyo ay angkop na angkop sa pagbubuo ng nobela at epikong tula.

Isang halimbawa ng ligoy ang matatagpuan sa tulang “Currimao Fiesta” (2006) ni Alwynn C. Javier. Purong Ilokano si Javier na mula sa liping magsasaka ngunit pambihira kung kumasangkapan ng wikang Filipino. Nagwagi siya nang ilang ulit sa Timpalak Palanca, at ngayon ay abala sa pagtuturo sa Ateneo de Manila University. Heto ang kaniyang tula:

Currimao Fiesta
ni Alwynn C. Javier

Gutom ang nagbunsod sa kanilang
makipagsapalaran sa ibang bayan.
Ang mga magsasaka ng Cabugao,
bawang na nagpahugot sa karampot
na lupa sa pagitan ng dagat at bundok.
Ang matatanda ng Bacarra,
sibuyaw na nagpabunot sa mahinang
kapit ng mabuhanging lupa.
Ngayo’y palay silang nakayuko
sa mayamang lambak ng Isabela;
pinyang nakatunghay sa patag ng Bukidnon;
malunggay na nag-ugat sa baybayin ng Hawaii.

Tunghayan ang piging ng mga balikbayan:
kung paano nilalamusak ang utak ng baka
at inilalamas sa malapot na dinakdakan;
kung paano pinipiga ang apdo ng kalabaw
at ibinubuhos sa lamanloob ng papaitan;
kung paano kinakanaw ang nanigas na dugo
at inihahalo sa asim ng sinampalukang aso.

Makisalo sa hapag ng karangyaan:
may umaapaw nang sabaw sa bandehado;
may namumuong sebo sa isang sartin;
may nanggigitatang pitsel ng tubig-poso;
may lumang mumo sa plastik na plato.
Maghanda sa pagkakamay:
sa sabay-sabay na paghinaw sa tubig;
sa walang habas na pagdakma sa kanin;
sa walang patumanggang pagdampot ng ulam;
sa garapal na pagkalawkaw sa plato;
sa daklot-daklot na pagsubo.

Makitawa sa eksena ng mga bisita:
ang kantiyaw sa dating batang galisin
na ngayon ay milyonaryo na;
ang nakangingilong haguthot
ng mamang di-matanggalan ng tinga;
ang aleng biglang nabilaukan
habang namumuwalan;
ang nilalangaw na pulang dura
ng matandang ngumunguya ng nganga.

Mangahas man ang batang nakapag-aral
na maghanap ng senyal ng sopistikasyon,
mapapahiya siya sa katotohanang
kabilang siya sa lahi ng mga dugyot at kuripot
at walang layás na bituka ang maaaring makalimot.

Ipinamamalas ni Javier sa kaniyang tula ang isang paraan ng paglalatag ng parikala. Ang nagsasalita sa tula, na maaaring ang kabataang nakapag-aral sa Maynila o kaya’y sa ibang bansa, ay inilahad ang mga pangyayari na dinaranas ng mga Ilokano. Ang unang saknong ay pulos ligoy na inihalintulad ang mga magsasaka at matanda sa bawang at sibuyas na madaling ilipat kung saan, ngunit mabilis ding magtagumpay. (Bawang at sibuyas ang mga produkto ng lupain sa Ilokos, at malaking negosyo magpahangga ngayon.) Ang transpormasyon ng pagkatao at antas ng kabuhayan ay mapapansin sa paggamit ng “palay,” “pinya,” at “malunggay” mula sa pagiging halamang-ugat. Lumawak din ang espasyo ng naturang mga Ilokano, at mahihiwatigan ang paglalakbay mulang ibang lalawigan tungong ibayong-dagat.

Sa ikalawang saknong, pambihira ang detalye sa paghahanda ng piging para sa mga balikbayan, na mahihinuhang Ilokano pa rin. Nakapaglalaway ang dinakdakan, papaitan, at sinampalukang aso, na pawang eksotiko ang pagtitimpla at pagluluto na parang sadyang ibinagay sa nangulilang mga Ilokano. Susuhayan ng ikatlong saknong ang ikalawang saknong, at ang detalyadong paglalarawan ng paraan ng pagkain, mulang paghihinaw [i.e., paghuhugas ng kamay] hanggang padaklot na pagsubo ng pagkain ay tila kakatwang tagpo na mala-karnabal.  Pipihit ang tagpo sa anyo ng mga bisita, na may milyonaryo, marungis, at waring salaula.

Matatagpuan ang parikala sa dulong saknong. Walang silbi ang sopistikasyon sa mga tagpo ng pagtitipon-tipon, at ibinabalik sa alaala ang mga sinaunang pagkakakilanlan sa mga Ilokano gaya ng “dugyot” at “kuripot.” Ang dugyot ay tumutukoy sa katangiang marumi o magulo ang pamamaraan, kumbaga sa pisikal na anyo; samantalang ang kuripot ay tumutukoy sa labis na pagtitipid sa gastos. Ngunit ang dugyot at kuripot, kung aaninawin sa tula, ay mga terminong ipinapataw ng mga tagalabas sa kulturang Ilokano. Sa dulo ng tula, walang pakialam ang mga balikbayan kung ano man ang itawag sa kanila. Ang higit na mahalaga ay ang pagbabalik mula sa matagal na panahong pagkakawalay, ang pagsasalo-salo sa tagumpay, at ang pakikibahagi muli sa pamayanan ng kulturang Ilokano.

“Walang layás na bituka ang maaaring makalimot,” ito ang pagwawakas ng tula. Na napakagandang taktika kung isasaalang-alang na malimit makipagsapalaran ang mga Ilokano kung saan-saan upang humanap ng ikabubuhay at seguridad sa buhay. Ngunit gaano man kalayo ang kanilang nilakbay ay hindi nila nalilimot ang ugat at kultura. Sa tula ni Javier, ang deskripsiyon hinggil sa piging, kainan, kumustahan, at iba pa ay isa lamang ligoy para ipamalas na hindi nagbabago ang mga Ilokano hinggil sa pamilya. Maaaring sa unang malas ay pisikal na anyo ang tinitingki ng tula, subalit higit pa sa panlabas na anyo ang paglabas sa sarili—at pag-angkin ng Kailokuhan—upang makisalo sa mga kapuwa Ilokano nang di-alintana ang sasabihin ng mundo.

Mapapansin sa tula ni Javier na ang talinghaga ng “gutom” ay doble-talim, gayundin sa pagkasangkapan sa “pagkain” at “piging.” Baligtaran din ang pahiwatig ng pamagat na “Currimao” (kurimaw) na nagpapahiwatig ng masagwang anyo, at unang pinasikat sa palabas na Eat Bulaga! ng GMA Network. Ang kurimaw ay hindi lamang ang pook at tao, at tumatagos kahit sa panig ng bumabasa. Ipinakikita lamang ni Javier na ang paghuhunos ng Ilokano ay madaraan sa ligoy, at ang pagsasabi ng katotohanan ay hindi laging sa paraang tahas at kumbensiyonal. Hindi natitighaw ng yaman ang uhaw sa lupang tinubuan. At kung babalikan ang sinaunang kawikaan, umulan man ng ginto sa ibayong dagat ay hindi maipaparis yaon sa ginhawang matatamo sa sariling bayan.

Dapat pag-aralang muli ang bisa ng ligoy alinsunod sa punto de bista ng Filipino. At ito ang maaaring unang leksiyon ng mga kabataan para makaiwas maging kritikastro at mambeberso ng kanilang iniinugang panahon.

Pamulinawen: Isang Pagbasa sa Epiko ni Jose A. Bragado

Si Jose A. Bragado ay isa sa mga iginagalang na manunulat na Ilokano na mangangatha, peryodista, editor, at makata na nagtamo ng mga parangal sa mga institusyong gaya ng GUMIL at UMPIL, at nakapaglakbay sa ibayong dagat upang magbigay ng mga panayam o katawanin ang bansa sa mga kumperensiya. Nakasulat aniya siya ng 16 nobela, 55 maikling kuwento, 55 tula, pitong nobelang pangkomiks, at 157 sanaysay at artikulo.

Pinakabago niyang epiko ang Pamulinawen (1995) na isinulat sa Iluko, at tinumbasan ng salin sa Filipino ni Dr. Crispina B. Bragado. Walang pumansin halos  sa naturang epiko, at kung bakit ay dapat nating alamin.

ilocos-escapade-apr2008-0431Pinapaksa ng Pamulinawen ang pakikipagsapalaran ni Ricardo na pinaghunos ang pagkatao ng pagsiklab ng digmaan. Sumalakay ang hukbong sandatahang Hapones sa Ilokos, nawasak ang kabuhayan ng mga mamamayan, gumuho ang halagahan at lumaganap ang panunulisan, at walang ibang magagawa kundi ang sumapi sa mga gerilya o pumanig sa mga mananakop. Pinatay ng hukbong Hapones si Tandang Angkuan, ang ama ni Ricardo, samantalang nagsundalo naman ang mga kapatid niyang sina Alfredo at Generoso. Naghasik ng lagim si Arrabas na puno ng mga tulisan.

Nagpasiya si Ricardo na hikayatin ang mga kabataan at magtatag ng armadong pangkat na handang lumaban sa mga Hapones at tulisan. Namundok ang pangkat ni Ricardo, at nagsanay sa mga pagsalakay, at tinambangan isang araw ang tropa ng Hapones. Nakaagaw sila ng armas, napatay ang mga kalaban, at ito ang naging sanhi upang mapoot si Kapitan Furukawa ng Imperyong Hapón. Gumanti si Furukawa sa pamamagitan ng panununog, panggagahasa, pagdakip, pagpapahirap, at pagpatay. Aakalain niyang nagapi na ang mga gerilyang Filipino, ngunit imbes na manghina ay lalong lumakas pa ang pagsalungat.

Nang lumaon, gagamitin ni Ricardo ang pangalang “Pamulinawen” na nangangahulugang “matigas o matibay” gaya ng batong hindi naaagnas o kahoy na taga sa panahon. Tumanyag ang pangkat ni Pamulinawen, at kikilalanin ito ni Koronel Lagmay. Gagawaran si Pamulinawen ng ranggong Tenyente, at pagkaraan ay aatasamg tugisin sina Furukawa at Arrabas. Nakipag-alyansa si Pamulinawen kay Satur upang mabihag si Arrabas, ngunit pagkaraan nito ay naglahong bigla sa salaysay si Arrabas. Masusukol sa isang armadong bakbakan ang tropa ni Pamulinawen at mabibihag sila ni Furukawa.

Muntik nang mapatay si Pamulinawen kung hindi siya sinaklolohan ni Berto na espiya ng tropang Hapones ngunit pagkaraan ay nagbagong loob at sumanib sa kawsa ni Pamulinawen. Pinalaya niya si Pamulinawen at ang iba pa nitong kasama, nagkaroon ng engkuwentro, at napatay si Furukawa. Nagwakas ang epiko sa paglisan ng tropa ni Pamulinawen sa kampo ng mga Hapones, at ipinahiwatig ang tagumpay sa pamamagitan ng pagsapit ng bukang-liwayway.

Maraming butas ang epiko na kasumpa-sumpa.

Una, problematiko ang daloy ng salaysay, mulang pangangalap ng tauhan ni Pamulinawen hanggang pakikipagbakbakan kina Arrabas at Furukawa. Kaduda-duda kahit ang paghirang sa sarili ni Ricardo bilang tenyente na waring hanggang isip-ranggo lamang ang mga kawal noon. Tumatalon kahit ang transisyon ng mga tagpo, mulang Pamulinawen at Furukuwa hanggang kampo at trintsera. Parang Rambo ang pagsasanay ng mga bagitong gerilya at pananambang sa mga Hapones, at nagapi ng pangkat ni Ricardo ang kalaban kahit wala pa itong sapat na karanasan sa pakikidigma. Hahabulin ni Pamulinawen si Furukuwa, at hahabulin ni Arrabas si Pamulinawen, at si Furukawa naman ay tutugisin din si Pamulinawen. Kung paanong hindi magtagpo ang tatlo sa Ilokos ay isang palaisipan.

Ikalawa, malabo ang mga tauhan sa epiko. Pinakamatingkad dito ang katauhan ni Arrabas na hindi malaman kung ano na ang nangyari sa kaniya matapos tugisin ng magkasanib na puwersa nina Pamulinawen at Satur. Matapos ipakilala si Arrabas na mabalasik na tulisan ay isinaad na lamang sa Kabanata 8 ang kaniyang pagkamatay sa hindi malamang dahilan. Kaduda-duda rin ang katauhan ni Berto bilang espiya ng Hapones ngunit kumampi pagkaraan sa mga Filipino, at isa siyang halimbawa marahil ng doble-karang espiya. Kung gayon nga, nabigo itong linangin sa salaysay, at parang komiko ang biglang pagbaligtad ni Berto. Mahina kahit ang paglinang sa mga katauhan nina Pamulinawen at Furukawa, at ang kanilang pagiging pinuno ay personal imbes na militar ang pagdulog. Sa Kabanata 6, isinaad doon ang unang paghaharap ng magkatunggali. Nagbigay ng manok kay Furukawa ang nagbabalatkayong magsasakang si Pamulinawen, at itong si Furukawa naman ay tila tunggak na naniwala sa gayong pakana. Kaya pala ginawa iyon ni Pamulinawen ay upang mukhaan lamang ang Hapones!

Ikatlo, nabigong maipakita sa epiko ang lawak ng imahinasyon sa paglalarawan ng mga lunan. Nasayang ang banggit sa Kailokuhan dahil parang palamuti lamang ito na nilalakbay nang mabilis nina Pamulinawen at Arrabas. Maganda sanang tagpo ang panununog ng buong bayan, ang pangungulimbat sa mga ari-arian, ang malaganap na ligalig at gulo ng mga tao, ngunit hindi iyon mapalalawig sa kuwento. Ni hindi rin maipamamalas ang malawak na kagutuman o tagsalat, at natabunan ang gayong tagpo ng panggagahasa nina Furukawa at Arrabas sa mga dalaga, o kaya’y sa pag-asinta ni Pamulinawen sa dati niyang kasintahan at bagong inaasintang dalagang si Brigida.

Ikaapat, kumapal ang epiko dahil ang ilang bahagi ng Kabanata 6 ay inulit lamang sa Kabanata 8, at marahil isama na ang pagkabusalsal ng paglilimbag. Nawala ang mga pahina 88 hanggang 103, at kung naroon man ang misteryo ng pagkamatay ni Arrabas ay hindi na mahalaga.

Ikalima, sumamâ ang epiko sa salin ni Belen, at pambihira ang pananaludtod sa Filipino na mapaiikli at maisislid sa tugma at sukat kung nanaisin.

Nakapanghihinayang na ang paksang umuurirat sa digmaan ay waring hanggang komiks pa rin ang pagdulog. Ang kabayanihan ay laging nakasentro sa iilang tao, at ang kaligtasan ay laging kaugnay ng paghihiganti imbes na malawak na bisyon para sa Filipino. Baryotiko ang pagtanaw sa pagbubuo ng armadong kilusang ni walang malinaw na ideolohiya o lunggati. Pasibo lagi ang mga Filipino na reaksiyonaryo ang tugon sa pananakop ng mga dayuhan o sa paghahasik ng lagim ng mga tulisan. Napakarupok ng balangkas ng epiko, at mabuway kung gagamiting haligi ang mga tauhang Pamulinawen, Furukawa, at Arrabas na waring hinango sa patakbuhing pelikulang koboy. Kung gagamiting panukatan ang epikong Pamulinawen, masasabing nahuhuli na ang panitikang Iluko sa pambansang antas. At ang epikong ito, na bagaman nasusulat sa Iluko at nagmula sa manunulat na Ilokano, ay hindi dapat mabilis na ipagmagara na mahusay. Kahanga-hanga ang wikang Ilokano, datapwat hindi nangangahulugan iyon na magaling na ang epikong tulang Pamulinawen, na napakalambot kung hindi man walang latoy bilang halimbawa ng matinong panitikan.

Pahabol: Nakikiramay ang Alimbukad sa pagyao ni Genoveva Edroza Matute, na mas kilala bilang Aling Bebang. Masakit ang pagkawala ng isang manunulat, lalo’t nakapag-ambag siya nang malaki at makabuluhan sa ating panitikan at sa ikagaganda ng daigdig.

Candon: Isang Pagbasa sa Epiko ni Reynaldo A. Duque

Kampanaryo, kuha ni Bobby Añonuevo

Kampanaryo sa Ilokos

Nakasisindak sa unang tingin ang epikong Candon (2000) ni Reynaldo A. Duque na nagwagi ng unang gantimpala sa timpalak ng Philippine Centennial Commission. Ngunit kapag binasa ang buong akda’y madaling sundan, gaya ng pagsubaybay sa isang nobelang patula. Nakapanghihinayang at hindi pinansin ng mga kritiko ang epiko ni Duque; at kahit sa hanay ng mga Ilokanong manunulat ay walang gumawa ng masusing kritika ukol doon na maituturing na pagkaligta sa pinakamasigasig, at marahil pinakatanyag, na manunulat na Ilokano sa panahong ito.

Binubuo ang Candon ng 8,816 saknong, at bawat saknong ay may tigwawaluhing taludtod na isahan ang dulong tugma. Bawat saknong ay may sukat na 14,14,7,14,14,7,7,14 na magandang pagtatangka dahil lumilihis ito sa nakagawiang lalabindalawahing pantig na awit ni Balagtas at sa mapag-eksperimentong padron ng Ang Pangginggera ni Lope K. Santos na may sukat na 12,12,6,12,6,12 ang bawat saknong. May limang aklat ang epiko, ito ang taguri ni Duque, at bawat aklat ay hinati sa tatlong bahagi, na ang bawat bahagi ay binubuo ng tatlumpung saknong. Ang Candon ay tumatalakay sa buhay at pakikipagsapalaran ni Isabelo Abaya; at ang maalamat niyang kabayanihan mulang Kailukohan hanggang pakikipag-alyansa sa Katipunan ni Bonifacio ang ilan lamang sa papaksain ng salaysay.

Ilalarawan sa epiko sa pamamagitan ng isang mahihinuhang Ilokanong tagapagsalaysay ang Kailukohan, partikular ang Candon, bilang ideal na pook mulang pagbanggit sa mito nina Angalo at Aran hanggang makasaysayang pakikihamok ng mga bayaning gaya ng mga Abaya, Guirnalda, at Ricarte. Ang pagiging ideal ng pook ay mahihiwatigan sa pagbanggit sa likas na kaligiran—na may magandang klima, mayamang lupain, at mapagpalang tubigan—at itatanghal na “bayan ng mga magbubukid.” Palabis din ang pagpuri sa katangian ng pangkalahatang Ilokano, gaya ng “masikhay,” “relihiyoso,” “matapang,” “marunong makipagkapuwa,” “liping Saluyot,” “marangal,” “sintigas ng batong buháy,” “mapagkumbaba,” at mataas ang pagpapahalaga sa “puri.” Ngunit ang lahat ng ito’y magbabago pagsapit ng mananakop na Espanyol, at ang dating malayang Ilokano ay maghuhunos na busabos, alipin, at masamang loob, alinsunod sa pananaw ng kolonisador.

Kung positibo ang tingin sa Ilokano, kabaligtaran naman ang mga kontrabidang Fray Rafael Redondo at ang mag-amang Nilo at Alvaro de Gracia, na pawang inilarawang mabalasik, malayaw, gahaman, at malibog na ibig kandiin ang sinumang makitang dalaga. Ang paglalarawan ay de-kahon, gaya ng “ulupong” lagi ang kaaway kung hindi man “duwag” na kawangis ni Lusiper, at parang pelikula noong panahon ng kopong-kopong na ang mga kontrabida ang sukdulan ng kasamaan, ang anti-tesis sa katauhan ng mga bidang gaya nina Isabelo Abaya at Salacnib Arquero na pawang may makalangit na kabutihan. Kahit ang deskripsiyon sa mga babaeng sina Imnas at Saniata ay palabís at animo’y pawang diwata o diyosa, reyna ng uniberso, at pinakamagandang hayop, bukod sa nagtataglay ng mga katangiang mayumi, masunurin, matatag, at mapagmahal. Inulit lamang ni Duque ang mga sakit sa pagkatha ng mga Balagtasista noon.

Ilulugar ng tagapagsalaysay ang himagsikan sa Candon sa mahabang kasaysayan ng himagsikan sa Kailukohan, at kabilang dito ang Cagayan, Gran Cordillera, Kalinga, Pangasinan, at Zambales, at babanggitin ang mga pakikibaka ng gaya nina Magalat, Andres Malong, Juan Caragay, at Juan de la Cruz Palaris. Ngunit higit pa rito, pahahalagahan ang himagsikan sa Candon na kaugnay ng pakikibaka ng Katipunan (Kataas-taasan, Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan) ni Andres Bonifacio at lalampas sa maalingasngas na Kasunduan sa Biyak na Bato. Ang tagpo sa labas ng Candon ay pagsasadula sa mga posibleng nasaksihan, nadama, at naisip ni Isabelo Abaya bilang kalahok sa pakikibaka laban sa mananakop hanggang pagsasalong ng sandata makaraan ang Kasunduan sa Biyak na Bato. Mababanggit din sa epiko ang maikling ng lagom ng himagsikan sa gaya ng Bulakan, Maynila, at Cavite, at kung paano napasok sa eksena si Isabelo Abaya at ang Sigaw sa Candon.

Bagaman ang pamagat ng epiko ay “Candon,” hindi naman talaga Candon ang pangunahing tuon ng epiko bagkus si Isabelo Abaya. Animo’y talambuhay ni Belong, ang palayaw ni Abaya, ang isinapelikula, at babanggitin sa salaysay ang ugat niya mula sa katutubo’t maalamat na bayaning Abay-a hanggang sa angkang maykaya sa Candon. Gayunman, hindi naman nalinang nang husto kung paano yumaman ang angkan ng Abaya sa Candon, at kung bakit napabilang agad ito sa uring ilustrado-prinsipal. Ipakikita rin ang pagkamulat ni Belong sa pang-aapi ng mga Espanyol, na pangungunahan ni Fray Rafael Redondo, ng mag-amang Nilo at Alvaro de Gracia, kasama ang mga boluntaryong kawal at guwardiya sibil. Mamumundok si Isabelo makaraang ibilanggo ang kaniyang mga kaanak dahil sa pekeng paratang ni Fray Redondo; magpapakadalubhasa sa paghawak ng armas at sa sining ng pakikihamok, gaya ni Rambo, doon sa liblib na pook; at mangangalap ng mga tauhan sa hanay ng mga pangkat etniko ng Ilokos upang bumuo ng hukbong panlaban sa mananakop. Magbabalik siya sa bayan ng Candon na parang koboy na sakay ng puting kabayo, maghihiganti kina Fray Redondo at Alvaro de Gracia na gumahasa at pumatay sa kasintahang si Imnas. Makikipag-alyansa siya kay Bonifacio, at magwawakas ang nobela sa pagputok ng himagsikan at pagtataguyod ng bagong gobyerno.

Estetika ng Epiko
Ang totoo’y hindi masinop sa tugma at sukat si Duque bilang makata. Sablay ang tugmaan ng awtor lalo sa paggamit ng pandulong tugmang nagwawakas sa patinig, at kahit ang may impit na malumi at maragsa ay itinutugma niya sa pulos malumay o mabilis na bigkas. Maaaring may kinalaman dito na ang bigkas ng mga salita sa Ilokano ay walang malumi o maragsa; gayunman, hindi ito dapat maging dahilan yamang ang ginamit ni Duque ay hindi wikang Iluko bagkus Filipino. Maihahalimbawa ang mga saknong 6-7, Kanto X:

6
Bilang unang hakbang, kinausap ni Don Nilo
Si Don Guillermo Alviar, ang capitan del pueblo.
Isinnunod din dito
Si Abel Aparici, tenyenteng maginoo
Ng mga guwardia civil, at nayag naman ito.
Tatlo silang bumuo
Sa pangkat bilang sugo
Sa pamilya Abaya at makipagkasundo.

7
Kaya nang hapong iyon, sa maluwag na sala
Ng malaking casa ni Don Proceso Abaya,
Umagong nang sagana
Ang mamahaling vino, galing pa sa Espanya.
Noroon sina Don Proceso’t Donya Severa
At gayundi’y kasama
Si Fernando Abaya,
Ang anak ng pari, ngunit si Belong ay wala!

Mapapansin sa saknong 6 na ang may impit na mga salitang “bumuô,” “sugò,” at “makipagkasundò” ay itinugma sa walang impit na “Nilo,” “pueblo,” “dito,” “maginoo,” at “ito.” Sa saknong 7, mauulit ang mali at itutugma ang maragsang “walâ” at maluming “saganà” sa malulumay na “sala,” “Abaya,” “Espanya,” “Severa,” at “kasama.” Hindi gumawa ng ganito si Francisco Balagtas, at kahit ang mga balagtasistang sumunod sa kaniya sa kaniyang bakas.

Bukod sa maraming sablay sa tugmaan, maipupuwing din sa akda ni Duque ang kawalan ng disiplina sa hati (caesura), yamang ang kaniyang mga taludtod ay naglalaro sa lalabing-apating taludtod na napakaluwag, at maaaring hatiin sa 7/7. Sumasablay din siya sa sukat ng mga taludtod, at maihahalimbawa ang mga saknong 20 at 22, Kanto 2, Ikalawang Bahagi. Bagaman mga panlabas na aspekto lamang ito ng tula, ang paglitaw ng nasabing pagkakamali sa sukat at tugma ay makapagpapagaralgal kapag binasa nang malakas ang kaniyang tula, at makapagpapahina sa panloob na aspektong tumutukoy sa nilalaman ng epiko.

Ang totoo’y mahilig maglustay ng salita si Duque sa kaniyang epiko. Maihahalimbawa ang seksiyong “Mutya ng Bagani Ubbog” (Kanto 4, Ikalawang Bahagi), na tumalakay sa katauhan ni Imnas. Paulit-ulit ngunit hindi umaandar ang papuri sa kagandahan ni Imnas, at kahit ako ang kasintahan niya ay mabubuwisit ako sa gayong pasukdol na paglalarawan:

4
Sa Bagani Ubbog, mayroon ngang isang hiyas
Na ang kumandili ay lipaking mga palad
Sa hardin, siya’y rosas
Tampok na mutya’t bighaning wala pang katumbas
Ipinaglihi sa kariktan ng maiilap
Na bulaklak sa gubat
Aliw siyang matimyas
Na dinidilig ng mga hamog ng pagliyag.

5
Sumipot siyang sagpaga sa sakbibi ng gabi
Marahil, upang maitago sa kuko ng imbi
Mabulas siyang binhi
Ng lahi ni Ilokano sna sakdal lunggati
Kutis ay ipinagmamalaking kayumanggi
Patubo ng pagkasi
Isang batubalani
Na ang angking gayuma ay walang maiwawangki.

6
Sa isang maralitang kubong pugad ng tuwa
Isinilang si Imnans, lamina ng pagsinta
Anak man ng dalita
Na sa kanayuna’y lagi nang sumasalanta
Dumating siyang aliw na ang kakambal ay tala
Sa umaga, diwata
Ng bukid at tumana
Sa sakbibi ng nayong kadluan ng ligaya.

Sa ganitong paglalarawan, si Imnas ay waring isinilang na ngunit magbabalik uli sa sinapupunan upang iluwal muli sa iba’t ibang pagkakataon. Hindi lamang dito nagtatapos ang gayong paglalarawan, at sa mga susunod na saknong ay mababanggit ang kaniyang pagdadalaga na iuugnay pa rin sa talulot at sa de-kahong pananaw sa dalagang tagabukid.

Mabuway sa kabuuan ang balangkas ng epiko. Mapaiikli ang epiko sa sangkatlong bahagi nito, at ang ibang salaysay hinggil sa digmaan ay walang nadagdag na kakaiba, na magpapalutang sa malikhaing guniguni na pupuno sa mga puwang sa kasaysayan. Ang transisyon ng mga tagpo, halimbawa sa Kanto I hanggang Kanto 2, ay hindi madulas na naipakita ang pangkalahatang paglalarawan ng Ilokano na tumungo sa tiyak na paglalarawan kay Belong. Sumasablay din si Duque sa paggamit ng paghahambing at pagtatambis sa mga katangian ng tao sa katangian ng insekto, hayop, ibon, halaman, at iba pang bagay, at pangunahin na rito ang paggamit ng hulagway ng alakdan bilang manghihimagsik. Mapupuwing din ang paraan ng pagsasalaysay, na kung minsan ay pabarok at kung minsan ay melodramatikong humahangga sa kakornihan. Ang deksripsiyon halimbawa kay Belong na may kabayong puting tinawag na “Bannawag” (i.e., Liwayway) ay tila hiniram na tagpo sa pelikulang Zorro na kulang na lamang ay magsisirko si Belong at magsuot ng maskara’t kapa ng kabalyero. Biglaan din ang pagsulpot nina Belong at Salacnib tuwing may pagtatangkang lapastanganin ang mga babae, na nakayayamot dahil kumita na ang gayong paraan sa mga pelikula.

Ang pinakamabigat na maipupuna sa epikong Candon ay nabigong linangin kung ano ang gumagabay na ideolohiya kina Isabelo, Salacnib at ng magkapatid na Guirnalda sa kanilang ipinundar na kilusang umanib sa Katipunan. Dito puwedeng maglaro si Duque ngunit nakaligtaan niya habang abala sa pagsasalaysay sa mga sekundaryong tagpo ukol sa pag-iibigan ng magkasintahan o pag-aalala ng magulang sa kinabukasan ng anak. Malabo ang rekonstruksiyon ng ideolohiya at lunggati sa salaysay ni Duque, at mahihinuhang kaya lamang naghimagsik sina Isabelo, Salacnib, at magkapatid na Guirnalda ay dahil inagrabyado ang kani-kaniyang pamilya (at ang kani-kaniyang ekonomikong poder) nina Fray Redondo at mag-amang De Gracia, bukod sa nilaspatangan sina Saniata at Imnas na kasintahan nina Salacnib at Isabelo. Sa ganitong pangyayari, maiisip na ang pag-aaklas ni Isabelo ay higit na pansarili kaysa pambansang pagdulog. Ang papel ng mga pangkat etniko ng Ilokos ay pawang palamuti lamang, at hindi naipakita ang aktibo nilang ambag sa diwain at pangarap na kabansaan. Pasibo ang mga pangkat etniko, at napakadali nilang nahimok ni Belong kahit sabihin pang si Belong ay may dugo umanong katutubo. Mababaw din ang pagkamulat ni Isabelo hinggil sa  kaalipnan at kalayaan at kabansaan, at reaksiyonaryo ang kaniyang tugon sa kolonisasyon, at maraming maipipintas dito ang mga kritiko. Kahit ang konsepto niya ng “Katagalugan” ay limitado at panrehiyon, na taliwas sa konsepto nina Bonifacio at Jacinto na tumutukoy sa “Katagalugan” bilang buong bansa (basahin halimbawa, ang saknong 4, Kanto 5, Ikalawang Bahagi).  Maingat din sina Bonifacio at Jacinto sa paggamit ng salita, at hindi nila gagamitin ang taguring “Filipino” o “Republika Filipina” at pipiliin ang “Tagalog” at “Haring Bayang Katagalugan” na magagamit ng lahat ng taal na mamamayan sa kapuluan. Mahalagang linawin din ni Duque ang konsepto ng kabayanihan sa epiko. Sa Katipunan nina Bonifacio at Jacinto, ang “bayani” ay tumutukoy sa buong bayan, ngunit pagsapit sa epiko ay matatampok ang kabayanihan sa ilang personalidad, at pangunahin na si Belong at ang kaniyang angkan.

Ngunit babawi sa bandang dulo ang epiko. Ang usapan nina Lakay Quired at Salacnib, o nina Apong Simon at mag-anak na Arquero ay kahanga-hanga ang pukol ng mga pahiwatig. Ang paggamit ng mga katutubong tayutay, dalumat, at hulagway kahit sa usapan ng iba’t ibang tauhan ay isang bukal ng yamang muling binuhay ni Duque. Pinayaman din ni Duque ang talasalitaan ng Filipino sa paglalahok ng mga salitang Ilokano na ikakabit hindi lamang sa Tagalog bagkus maging sa ibang wikang lalawiganin. Ang gayong salita, pahiwatig, at dalumat, na batid ng mga tauhang Ilokano, at siyang nalilingid sa mga Espanyol, ang magtatangi sa pambihirang komunikasyon ng mga Ilokanong hawig sa uri ng komunikasyon ng Tagalog , Bikol, Bisaya, at iba pang lalawiganing wika.

Mapalulusot pa rin ang epikong Candon ni Duque kahit maraming kahinaan, ngunit maimumungkahing isalin sa prosa, gaya ng sa nobela. Sa gayon, hindi siya masisiki sa paglalarawan ng kung ano-anong bagay, at mapawawalan niya nang husto ang mga makapigil-hiningang tagpo. Ang maganda kay Duque ay tinangka niyang itanghal ang buong Ilokos sa pananaw ng Ilokano, at lumampas na siya sa hanggahan ng Ilokandiya. Nilampasan na ni Duque nang milya-milya ang mga makatang Ilokano, at waring ayaw magpakahon sa napakatradisyonal na pagkatha at paggamit ng purong Ilokanong salita lamang. Ang akda niya ay nagpapanukala ng muling pagtuklas sa iba pang bayani ng himagsikang hindi binabanggit sa mga aklat ng kasaysayan. Nagbibigay din siya ng halimbawa kung paano gagamitin ang kasaysayan upang lumikha ng kathang isip na pook, tauhan, at panahon na pawang may bukod na realidad na makapagsasarili palayo sa itinala’t kanonigong kasaysayan, at siyang maipagmamalaki, hindi lamang ng mga Ilokano, bagkus ng lahat ng Filipino.

Ang Pormula ng Tanaga at Dalit

Nagsimulang mabuhay muli ang paggamit ng tanaga at dalít nang pausuhin ang mga ito ng gaya nina Ildefonso I. Santos, Alejandro G. Abadilla, at Teodoro A. Agoncillo bago at pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang nasabing mga tula—na katutubo sa Filipinas—ay matagal nang binanggit nina Iñigo Ed. Regalado, Lope K. Santos, at Julian Cruz Balmaseda sa kanilang mga pag-aaral hinggil sa mga panahon ng paglago ng panulaang Tagalog. Ang paghahanap ng katutubong anyo ng pagtula, na maaaring nakaligtaan nang mauso ang awit at korido, ay magiging malakas noong siglo beynte sa ilalim ng pananakop ng Amerikano sa Filipinas. Pangunahing sanggunian sa pag-aaral ng tanaga at dalit ang Vocabulario de la lengua Tagala (1860) nina Juan de Noceda at Pedro Sanlucar. Ang aklat na ito ang gagamitin din sa mga pag-aaral nina Bienvenido Lumbera at Virgilio S. Almario hinggil sa katutubong pagtula. Mahalaga ang naturang bokabularyo dahil matatagpuan ang mahigit sandaang ispesimen ng mga katutubong tula, bukod sa pakahulugan nito, sa mga lahok.

Sisigla ang pagsulat ng tanaga at dalit noong dekada 1960 at magkakaroon ng bagong hugis noong dekada 1990 hanggang kasalukuyan. Ang tanaga at dalit ay lalabas sa nakagawiang estetikang silbi nito na pang-aliw o pangangaral at iwawasiwas gaya ng sandata bilang protesta sa namamayaning baluktot na kairalan sa lipunan. Pag-eeksperimentuhan ang tanaga at dalit kahit sa mga palihan ng pagsulat na gaya ng sa GAT (Galian sa Arte at Tula) at LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo). Gagamitin din ang tanaga at dalit, sa gaya ng timpalak Dalitext at Textanaga, nang mauso ang selfon at pagpapadala ng text jokes.

Bagaman maiikli ang tanaga at dalit, nagtataglay ang mga ito ng mga kubling panuto na sinusunod ng mga makata noon. Wala namang pagkakaiba sa dalawang anyo ng tula, maliban sa bilang ng pantig bawat taludtod. Kung ang tanaga ay pipituhin ang pantig bawat taludtod at may apat na taludtod ang isang saknong, wawaluhin naman ang pantig bawat taludtod ng dalít at bawat saknong ay apatan ang taludtod na isahan ang tugma.

Maitatanong: May pormula ba ng pagsulat ng tanaga o dalit? Kung pagbabatayan ang dami ng nasulat sa mga anyo ng mga tulang ito, masasabing may pormula nga. At ang pormulang ito ay mababatid hindi lamang sa paggamit ng tugma at sukat, bagkus sa paraan ng pananalinghaga, at pagsisiwalat ng lohika. Heto ang 50 panuto sa pagsulat ng tanaga at dalit, at ibinatay ko sa mga nalalathalang tanaga o dalit, bukod sa naging karanasan ko sa pagsusulat ng tula:

Mga Panuto sa Pagsulat ng Tanaga at Dalit
1. May apat na taludtod bawat saknong ang tanaga at dalit.
2. Sa tanaga, pipituhin ang bilang ng pantig ng taludtod bawat saknong.
3. Sa dalit, wawaluhin ang bilang ng pantig ng taludtod bawat saknong.
4. Ang tradisyonal na dulong tugma ng kapuwa tanaga at dalit ay isahan (aaaa), at maihahalimbawa ang sumusunod:

Tanaga
Ang akala ng langaw                (a)
Nang madapo sa sungay          (a)
Mataas pa sa anwang                (a)
Na kanyang dinapuan.              (a)

Dalit
Di matawag na demonyo           (a)
At di marunong manukso          (a)
Di naman masabing santo’t       (a)
Di maalam magmilagro.             (a)

5. Napasukan ng kabaguhan ang tugma ng kapuwa tanaga at dalit nang ilahok ng mga tinaguriang modernistang makata ang iba’t iba pang paraan ng pandulong tugma, gaya ng salitan (abab), inipitan (abba), at sunuran (aabb). Maihahalimbawa ang sumusunod:

Salitan
Napaiyak ang ulap            (a)
Sa bigat ng pighati           (b)
Ang akasya’t bayabas       (a)
Ay nagpayong ng lunti.    (b)
            —”Unang Ulan,” Rio Alma

Inipitan
Lugod mo ang pagbuntot    (a)
sa akin oras-oras:               (b)
Tila nga mas panatag          (b)
Kaysa laging pagyukod.      (a)
            —”Masunurin,” Lamberto E. Antonio

Sunuran
Nagdurugo ang buwan   (a)
Sa pangil ng karimlan;   (a)
Nilalaslas ng katig         (b)
Ang pagtahip ng tubig.  (b)
            —”Pagtawid sa Lake Caliraya,” Rio Alma

6. Sa mga tradisyonal na anyo ng tanaga at dalit, iniiwasan ang walang dulong tugma, gaya ng abcd. Mahihinuha na ginagawa iyon upang makatulong sa pagbigkas, at maisaulo nang mabilis ang mga salita. Ngunit sa kasalukuyan, ang mga tanaga at dalit na may higit sa isang saknong ay ginagamitan ng tugmang abcd, abcd, efgh, efgh, etc, upang lumihis sa nakagawiang uri ng anyo ng tugma.

7. Sa ibang pagkakataon, ang tradisyonal na pandulong tugma ay tinatanggal at inihahali ang panloob na tugmaan, gaya ng mala-tanaga ni Alejandro G. Abadilla:

Ang aking tugmâ ay      (a)
Aking kinusà, sa           (b)
Loob ng tulâ. Ay,          (a)
sino’ng timawà, ga?       (b)

8. Ang antas ng tugma ng kapuwa tanaga at dalit ay maaaring karaniwan (na magkahalo ang mga salitang mabilis at malumay ang bigkas; o kaya’y maragsa at malumi ang bigkas). May kakayahan ding itong gumamit ng tugmang tudlikan (na magkakapareho ang bantas o diin ng mga salita); pantigan (na magkapareho na ang bantas o diin ng mga salita’y magkapareho rin ang mga titik na katinig at patinig ng dulong pantig ng salita; at dalisay (na ang patinig bago ang huling pantig ay magkakapareho, bukod sa magkapareho ang katinig o patinig ng dulong pantig ng salita at iisa ang tuldik). Maaaring gumamit din ng tumbalik-tugmaan, na ang dulong salita ng bawat taludtod ay pinagbabaligtad ang ayos ng katinig at patinig upang lumikha ng bagong salita.

9. Maaaring makapagsilid ng 14 pataas na bilang ng salita sa isang saknong ng tanaga o dalit kung gagamitin ang Filipino, o kaya’y ang mga lalawiganing wikang gaya ng Tagalog, Ilokano, at Sebwano. Sa mga tanaga o dalit na may 14 salita, balanse kahit ang paghahati ng mga salita. Karaniwang ang unang dalawang taludtod ay may pitong salita, at ang sumunod na dalawang taludtod ay may pito ring salita.

10. Ang taludtod ng tanaga o dalit ay karaniwang may tatlo pataas na bilang ng salita. Mahaba na ang limang salita sa isang taludtod, at pinakakaraniwan ang tatlong salita sa isang taludtod. Nangyayari ito dahil karaniwang mahaba ang mga salita sa Filipino o sabihin nang Tagalog, at nalulutas lamang ito sa pamamagitan ng pagtitipil (tingnan ang Panuto 14).

11. Maaaring makalikha ng apat na pangungusap sa kapuwa tanaga o dalit. Ang paglampas sa apat na pangungusap ay magagawa rin kung ituturing na ang isang salitang padamdam ay isa nang pangungusap na kumakatawan ng isang diwain.

12. Maituturing na mahina ang tanaga o dalit kung isang pangungusap lamang ang ipinaloob sa isang saknong, bagaman kung minsan ay may ilang matagumpay na tula, gaya ng sinulat ni V.E. Carmelo D. Nadera Jr. Kung makasusulat ng higit sa isang pangungusap sa loob ng isang saknong ay higit na maganda, at makikita rito ang disiplina ng makata sa pagsisilid ng mga salita sa isang masikip na kahon.

13. Ang apatang taludtod ng tanaga o dalit ay maaaring biyakin sa dalawang bahagi. Ang unang dalawang taludtod ay maaaring katimbang ng susunod na dalawang taludtod. O kaya’y maaaring ang unang dalawang taludtod ang nagsasaad ng pangunahing diwa na susuhayan ng susunod na dalawang taludtod. Maaari rin namang ang unang dalawang taludtod ay magsasaad ng detalye at ang susunod na dalawang taludtod ang magsisilbing sukdulan ng paglalarawan o pagsasalaysay.

14. Maaaring kasangkapanin ang mga paraan ng pagtitipil ng salita, gaya ng pagpungos ng salita o pagdirikit ng dalawang kataga, upang maisilid sa padron ang nais ihayag. Halimbawa, magagamit ang “meron” imbes na “mayroon,” “hamo” imbes na “hayaan mo,” at “nuha” imbes na “kinuha.”

15. Maging konsistent sa lohika. Gamitin ang pasuhay (deductive), pasuysoy (inductive), at patimbang (comparative) na paraan ng pangangatwiran nang angkop sa paksa. Halimbawa, karaniwang ginagamit sa paglalarawan ang pasuhay na paraan ng pananalinghaga, samantalang ginagamit sa pagsasalaysay ang pasuysoy. Ang ganitong obserbasyon ay ipinaliwanag nang maigi ni V.S. Almario sa kaniyang aklat na Taludtod at Talinghaga (1984).

16. Bagaman ginagamit sa pangangaral noon ang tanaga o dalit, hindi lamang sa layong moralistiko iyon magagamit sa kasalukuyan. Magagamit din ang mga ito sa pagpapatawa, pang-uuyam, panunuligsa, panunuos, pananambitan, pagbubulay, at iba pang paraan.

17. Karaniwang may apat na salita ang matingkad sa tanaga o dalit. Ang apat na salitang ito ay maaaring gamitin bilang pandulong tugma, at siyang paglulunduan ng diwain ng tula.

18. Kung sisipatin bilang krokis na ekis o parisukat ang tanaga o dalit, ang apat na salitang mahalaga ay matatagpuan sa unang salita at dulong salita na pawang nasa unang taludtod at ikaapat na taludtod. (Ipinapalagay dito na hindi kasama ang “nang,” “at,” “sa” at iba pang kataga o pangatnig.)  Ang mga salita sa ikalawa at ikatlong taludtod ang magsisilbi namang panuhay sa nabanggit.

19. Mahalaga sa tanaga o dalit ang pagpili ng mga pandiwa (verb), o kaya’y pangngalang (noun) ginagawang pandiwa, upang ang mga salitang pinaghahambing at pinagtatambis ay lumutang; o kaya’y maitanghal nang marikit ang paglalarawan o pagsasalaysay ng isang tagpo. Posibleng magkaroon ng apat na pandiwa na kaugnay ng apat na pangngalan sa isang saknong.

20. Gumamit ng mga pandiwang aktibo at umaangkop sa mga pangngalan. Ang mga pandiwa ang naghahatid ng pagkilos sa loob ng tula, kaya dapat ding isaisip ang antas ng pandiwa (mulang mahina hanggang pasukdol o pabaligtad) sa pagkakatalogo ng mga pangyayari.

21. Kaugnay ng binanggit sa Panuto 20, ang paghahanay ng mga pangngalan o pandiwa o pang-uri (adjective) ay dapat may kaayusan. At ang kaayusang ito ay maaaring may antas, gaya lamang ng iba’t ibang sinonimong may partikular na pahiwatig sa isang wika, gaya ng Tagalog, Bisaya, at Ilokano.

22. Sa tradisyonal na paraan, walang hati (caesura) ang tanaga. Ngunit nang lumaon, ang tanaga ay napasukan na rin ng kabaguhan, at ginagamitan minsan ng hating 4/3 o kaya’y 3/4 sa bawat taludtod.

23. Gayundin, ang dalit ay karaniwang walang hati. Ngunit ngayon, kahit ang dalit ay ginagamitan ng estriktong hati na 4/4, at nilalapatan ng panloob ng tugma.

24. Magagamit sa tanaga o dalit ang iba’t ibang uri ng pag-uulit ng mga salita o diwain Ang naturang repetisyon ay maaaring nasa una, gitna, o dulong salita ng bawat taludtod. Maaaring ulitin ang mga salita, gaya sa anapora, ngunit dapat isaalang-alang ang antas ng pandiwa o pangngalan o pang-uri sa bawat taludtod.

25. Malimit gamitin sa tanaga o dalit ang pag-aambil, na ang katangian ng tao ay tinutumbasan ng katangian ng hayop, isda, ibon, halaman, o bagay. Mag-ingat sa paggamit ng ambil, at sikaping umaangkop ang katangian o asal ng tao sa anumang nais ipares dito.

26. Ang dalumat na ginagamit sa tanaga o dalit ay karaniwang hinuhugot sa dalumatang-bayan, at hindi lamang sa isang tiyak na sub-kultura ng lipunan. Kung gagamit man ng mga dalumat mula sa isang sub-kultura, gaya sa mga bakla at blogista, kailangang maisaalang-alang kung kaya ng salitang umangat sa pangmalawakan o pambansang antas o pandaigdigang larang.

27. Makabubuting piliin ang maiikling salita sa pagsulat ng tanaga o dalit. Ang “maiikling salita” ay dapat may dalawang pantig lamang, at mahaba na ang tatlong pantig sa bawat salita. Maiiba ang testura ng tanaga o dalit kung Ingles ang gagamiting midyum, dahil higit na maiikli ang mga salita sa Ingles kompara sa Filipino, at siyang angkop sa makikitid na saknong. Sa kasalukuyan, may iisahing pantig na salita, gaya ng “bus,” “dyip,” at “geyt” na pawang hiniram sa Ingles ang magagamit na makatutulong sa pagsusulat sa masikip na padron.

28. Sa pagpili ng mga salita, gamitin hangga’t maaari ang mga mapaglarawang salita o yaong salitang tinatawag na may kongkretong imahen. Huwag sabihing “galaw” kung magagamit ang “hipo,” “kislot,” “pintig,” “kaway,” “kaluskos,” at iba pang salitang may natatanging pakahulugan at pahiwatig.

29. Maaaring gamitin sa tanaga o dalit ang mga salitang sinauna o ngangayunin. Puwedeng pormal ang pagkakasulat, ngunit malaya ring gamitin ang pabalbal. Nagkakatalo lamang sa husay ng kombinasyon ng mga salita, na ang pagtatambal ng dalawang salita ay lumilikha ng pambihirang kabatiran at pahiwatig na lalampas sa de-kahong pananaw.

30. Kaugnay ng binanggit sa itaas, dapat isaalang-alang ang pagpapami-pamilya ng mga salita nang maiwasang maging kakatwa ang kombinasyon ng mga salita o imahen. Halimbawa, kung nais maging lalawiganin ang himig, pumili ng mga salitang lalawiganin; at kung nais namang maging kosmopolitano ang himig ay gumamit ng mga salitang hango mula sa banyagang wika.

31. Kailangang may isang diwain lamang ang dapat itampok sa tanaga o dalit. Gumamit man ng paghahambing o pagtatambis ng mga katangian, kinakailangang nakatuon pa rin sa pangunahing diwain.

32. Mahalaga sa tanaga o dalit ang paggamit ng talinghaga. Kung walang talinghaga ay maituturing iyong mahina, bagaman makakikiliti kung minsan ng guniguni.

33. Ang talinghaga ng tanaga o dalit ay dapat ikinukubli o inililihis ang nais sabihin sa tula o ang ibig ipahayag ng makata sa pamamagitan ng pahiwatig. Habang lumalawak ang pahiwatig, lalong rumirikit ang tanaga o dalit.

34. Iwasan ang mga de-kahong tayutay o bulaklak ng dila. Kung gagamitin iyon ay dapat lumitaw ang pambihirang kabatiran nang higit sa nakagawiang pagsagap sa gayong tayutay o idyoma.

35. Maaaring lapatan ng musika ang tanaga o dalit. Ang tanaga o dalit ay dapat magtaglay ng mga salitang maiindayog ang tunog, at makatutulong dito ang masinop na kombinasyon ng haba at ikli ng mga salitang maragsa, malumi, malumay, at mabilis.

36. Maaaring palamutian ng akrostik ang mga una’t dulong salita ng tanaga o dalit.

37. Maaaring magsimula sa retorikang tanong o kaya’y magwakas sa tanong.

38. Gamitin hangga’t maaari ang tandang pandamdam sa dulong salita ng pangwakas na taludtod; at sakali’t gamitin iyon saanmang bahagi ng saknong ay dapat mapangatwiranan. Mahalaga ito upang maiwasan ang walang taros na pagbulalas o pasigaw na paraan ng pagtula.

39. Sa tradisyonal na tula, ang unang titik lamang ng unang salita sa pangungusap ang malaki (capitalize). Nang lumaon, ang unang titik ng bawat taludtod ay ginagawa nang pawang malalaki.

40. Ang ibang eksperimentasyon sa tanaga o dalit ay ginagamitan ng maliliit na titik kahit sa unang titik ng unang salita ng unang taludtod, ala-e.e. cummings o kaya’y ala-Ophelia Alcantara Dimalanta. Malayang gawin ito, ngunit dapat alam ng gumagamit kung bakit hindi siya gumagamit ng maliliit o malalaking titik.

41. Mahalaga sa tanaga at dalit ang paggamit ng mga katutubong dalumat (konsepto) na pawang matatagpuan sa kaligiran, at kinikilala sa isang pamayanan. Ang konseptong ito ay hindi lamang pansarili ng makata, bagkus dapat angkinin din ng buong pamayanan.

42. Maaaring walang pamagat ang tanaga o dalit.

43. Kung may pamagat, ang nasabing pamagat ay hindi na dapat pang ulitin sa loob ng tula.

44. Ang pamagat ay maaaring isang salita, parirala, o ang unang taludtod ng tanaga o dalit.

45. Ang pamagat ay dapat kargado ng mayamang pahiwatig, upang matagumpay nitong katawanin ang isinasaad ng tula.

46. Sa tradisyonal na paraan ng pagtula, gumagamit ng mga bantas. Ginagamit ang tuldok o tuldok-kuwit tuwing magwawakas ang ikalawang taludtod.

47. Sa makabagong paraan ng pagtula, hindi na minsan ginagamitan ng bantas ngunit nagbubunga naman ito ng pagkabarok dahil ikalilito ang tumpak na paghinto o pagputol ng mga salita.

48. Kung nais mag-eksperimento, gumamit ng pulos mabibilis o mararagsang salita sa buong saknong, maliban sa mga katagang gaya ng “ang,” “ng,” “nang,” “sa,” at “at.” Sa ganitong paraan, lapatan man ng musika ang tula’y madaling makakanta.

49. Dapat umayon ang pandulong tugma sa nais ihayag ng tula. Halimbawa, kung ang tanaga o tula’y nananambitan o tila nanghihimok ng isang tao, maaaring gamitin ang mabibilis o malulumay na salita, o ang mahihinang tugmang katinig na nagwawakas sa l, m, n, ng, r, w, at y . Kung napopoot naman ang himig ng persona, maiaangkop ang mararagsa o malulumi, at kaya’y malalakas na tugmang nagwawakas sa katinig na b, c, k, d, g, k, p, s, t, v, x, at z.

50. Nagbabago ang estetikang silbi ng tanaga at dalit, ngunit mahalaga pa ring gamitin ang mga ito upang makiugnay sa pamayanan, dahil ang naturang mga anyo ng tula ay nakaayon para sa kaluguran, kabatiran, at kung minsan, sa kapakinabangan ng madla, at hindi pansarili lamang.

Isang malaking pagkakamali kung sabihing “Pinoy Haiku” ang “tanaga” o “dalit”. May sariling diskurso ang tanaga at dalit na pawang angkop lamang sa Filipino, gaya lamang na may sariling diskurso ang haiku ng Hapones. Ang paggamit ng “Pinoy haiku” na taguri sa “tanaga” o “dalit” ay tila pagsasabing walang kaakuhan ang tanaga o dalit, at nakapailalim sa banyagang pagtula, at nanggagagad lamang sa banyagang anyo ng tula. Na hindi naman totoo, at isang kabulaanan. Ang pagkakahawig sa bilang ng pantig ng haiku at tanaga ay maaaring nagkataon lamang, alinsunod sa paglago ng kani-kaniyang wika at diskurso, at walang matibay na patunay na nanggaya lamang ang mga Filipino sa Hapones.

Hindi ito ang pangwakas na panuto hinggil sa pagsulat ng tanaga at dalit, bagaman maisasaalang-alang ng sinumang nagsisimulang sumulat ng tula. Maaari ninyong bawasan, dagdagan, susugan, o ituwid ang ilang punto para sa ikalilinaw ng lahat. Ipinakikita lamang dito na malayo na ang narating ng nasabing mga anyo ng katutubong tula, na kinakailangan lamang nating lingunin, at ipagmalaki na sadyang sariling atin.