Paaralan, ni Roberto T. Añonuevo

Paaralan

Roberto T. Añonuevo

Ikaw ang aking bahay
kubo at bahay na bato—
na hindi ako kilala—
ngunit taon-taong
nagpapakilala
ng libong magulang
at milyong kapatid
na nagsusunog ng kilay
at nagsusunog ng salapi;
ang aking tinitingala
at inaakyat
na mga baitang
subalit mapagkumbaba
gaya sa mga pangaral
ng timawa
at itatayong kabihasnan.

Ikaw ang paboritong
tambayan
sa pagbulas at dunong,
ang tambalan
ng sinaunang kamalig
ng salita at lihim
na laboratoryo
ng mga mithi at gamot
nang maimapa
ang likaw o sangandaan
ng intoleransiya
at balón ng katangahan.

Ikaw ang realidad:
ang simulakro ng opisina
at tungkulin,
ang anino ng burukrasya
at bagong terminal
sa tren ng mga panaginip,
ang nagturo sa akin
ng halaga ng koliseo
para sa basketbol at pista,
at pana-panahong
entablado
sa paggunita at politika.
Ikaw ang iglap na takbuhan
ng mga bakwet
kapag hinahagad ng bagyo
at pinalalayas ng sunog,
kapag sumusugod ang baha
o sumasalakay ang hukbo
na nagsasabong sa dahas.

Tunay kang mapagkalinga:
ang talyer ng pagtitiis
at hardin ng mga balak
na malupit kung tawaging
bilangguan,
gayong napagiging ospital,
at kung minsan,
nagsasalit-salit na artsibo
at punerarya
ng mga agaw-buhay
na pinagkakaitan ng dalaw.
Durupok ang mga haligi mo
at mapupundi ang ilaw
sanhi man ng kapabayaan
at kawalan ng pondo
ngunit mananatili kang
inaaring tunay na tahanan—
may pagkain para sa lahat,
may bubong na masisilungan,
at may subók na kubeta
sa malilibag na noo at paa.

Ipinid ka’y pilit na magbubukás
gaya ng kalsadang walang wakas.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity

Panalangin sa mga Maskara, ni Léopold Sédar Senghor

Salin ng “Prière aux masques” ni Léopold Sédar Senghor ng Senegal
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Panalangin sa mga Maskara

Mga Maskara! O mga Maskara!
Maskarang itim, maskarang pula, mga maskarang puti at itim,
Mga maskara mula apat na panig na pinagbubughan ng Diwa,
Binabati ko kayo sa katahimikan!
Kayo ang Ninunong may ulo ng leon, at nangunguna sa lahat.
Binabantayan ninyo ang pook na ito sa naghahalakhakang babae
At lumalaylay na mga ngiti,
Pinasisingaw ninyo ang eternal na hanging sinisinghot ko
na hangin ding sininghot ng aking mga Impó.
Mga maskarang lastag ang mga mukha, hinubdan ng bawat biloy
At bawat pileges,
Na hinubog ang anyong ito sa inyong hulagway, itong mukha ko
Na napasubsob sa altar ng hungkag na pahina,
Makinig sa akin!
Agaw-buhay ang kaawa-awang prinsesa, ang Africa ng mga imperyo,
Ang aming púsod ay nakatali sa Ewropang nasusukol ng kamatayan.
Ipakò ang di-nagbabagong paningin sa inyong tinipong mga anak,
Na nagbubuwis ng búhay gaya ng pulubing ibinigay ang huling damit.
Tugunin natin ang “kasalukuyan” sa pagpapabanyuhay ng daigdig,
gaya ng lebadurang nagpapaalsa sa puting arina na naging tinapay.
Sabihin sa akin, sino pa ang makapagtuturo ng ritmo sa libingan
Ng mga baril at makina?
O makahihiyaw nang masaya sa bukang-liwayway para pukawin
Ang mga ulila at ang mga namatay?
O makapagpapasiklab muli ng gunita ng búhay sa tao
Na natupok ang natitirang pag-asa?
Tinatagurian kaming mga tao ng bulak, ng kape, ng langis.
Tinatagurian kaming mga tao ng kamatayan.
Ngunit kami ang mga tao na nangagsisisayaw,
Na ang mga paa ay tumatatag sa pagsikad sa lupang naging tigang.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Yes to human rights. Yes to humanity.

Baalbek, ni Nadia Tueni

salin ng tula ng makatang Lebanes Nadia Tueni (na isinilang sa pangalang Nadia Hamadeh).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa saling Ingles ni Samuel Hazo.

BAALBEK

Kapag sinalpok ng sinag ng araw ang tuod,
At namukadkad ang buwan,
Batid ng mga landas ng Baalbek
Ang kabughawan ng mga sayaw;
Nababalot ng katahimikan ang mga bagay
Na animo’y pinahiran ng langis.
Ang mga bato at uniberso ay nagbubunyag
Ng mga lihim.
Sumasakay ng kabayo ang mga gunita,
Waring mabibigat na nakabaluting kabalyero
Na kinakaladkad ang mga dasal at diyos
Pababa sa mga lansangan.
Umaahon ang gabi mula sa madilim na selda,
Tulad ng buwitre mula sa maputing paghimbing.
Mag-uulap ang Heliopolis na maunos.
Sa paanan ng bawat ng haligi’y sumasabog
Ang natutulog na bituin at magliliwanag
Sa katanghaliang-tapat.
Kumikinang ang wika nito, may-sa arkitektura
Ang mga galaw,
Ang Baalbek ay handog mula sa mga pamana
Ng daigdig.

Mga haligi ng Baalbek. Retrato mula sa Wikimedia Commons.

Mga haligi ng Baalbek. Retrato mula sa Wikimedia Commons.

Kasaysayan, ni Donald Hall

Salin ng tulang “History” ng makatang lawreado Donald Hall.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

KASAYSAYAN

Kapag dumulas ang patalim at humiwa nang malalim sa sangkalan,
habang kinakayas ang panundot o binabawasan ng litid ang buto,
wala siyang nadama nang umpisa, maláy lamang sa halos manhid
na guhit sa balát. Lagi niyang isinasaisip na sa isang tibok ng puso
ay maitutuwid niya ang mali at maiiwasan ang pagsambulat
ng kasunod na dugo: Ganiyan ang ugali ni Juvenis,
na malimit tandaan ang isinumpang mga hukbong nagmamartsa
habang papalayo sa lungsod, umiimbay ang malalaking bisig,
nananaginip na hihinto ang eroplano nang ilang pulgada sa batuhan,

gaya sa retrato ng isang eroplano. Sa aking tanging pangitain,
Ako, si Senex, ay panatag na hinihintay ang pamumuong lumilitaw
nang pabilog sa dulo ng daliri: —makinang, tiyak na tiyak, sagana.
Ngayon, habang inihahanda ang mga moog ko para sa mga taliba,
nasaksihan ko kung paano sunugin ng mga terorista ang mga atleta;
pinasabog ng mga terorista ang dating embahador ng pinatay
na punong ministro; sinentensiyahan ng mga terorista ang dinakip
na pangulo para sa mga krimen laban sa mga bata na hindi nila
gagawing ama o ina: Babarilin nila siya sa ulo at isisilid ang katawan
sa likod ng Hapones na sedan sa isang kalye ng gilid ng kalungsuran,
na ang mga makinang tiwali ng rehimen ay mang-uutas ng hininga.

May ilang bangkay na nakasilid sa hukay. Ito ang Pransiya.
Nakalabas ang mga sakong ng isa sa maruming dingding na hukay,
at litaw ang anit ng isa pa. Ang pinakanakahihindik naming nakita’y
ang abuhin, putol na bisig na may kamay, puting-puti at may suot
ng singsing na may tatak, na nakalabas mula sa dingding ng gago.
Saanman kami humukay para sa kaligtasan, nahuhukay namin
ang mga bangkay na higit sa amin kaysa Pranses. Kapag sumabog
ang mina, humahalo ang bulalo ng lamán sa ulop at usok para tandaan
ang aming mga puwesto. Mga piraso ng Pranses na napasabit
sa sanga ng punong mansanas. Mayo noon. Ito ang Vauquois.

Sa loob ng apat na dantaon at labing-anim na salinlahi, pinanatili ko
ang aking kastilyo habang ang mga tauhan ko’y naghuhurno ng tinapay.
Binantayan ng aking kawal ang salupungan ng mga ilog. Kapag lumatag
ang salot sa mga lansangan, o kapag ang lakas ng Aleman ay tumawid
ng ilog upang tigpasin ang mga kawal at kabayo, ang mga magsasaka
at baboy ay naghuhunos na ilahas sa mga dalisdis. Magugutom
ang tagtuyot, malulunod ang baha: Saka aahon muli ang tarik sa lambak.
Mag-iiwan ng mga kalansay ang mga mamamanà at mamamaril
sa Mababang Kanayunan. Pitong salinlahi ang nagtayo ng pader.
Sa sansiglo, mga pulahang buhok ang lalakad sa puwang ng dingding;

ngunit ang Danegeld ay mag-iipon ng mga suhol at ng mga moog.
Itatago ang mga repolyo kapag taglamig. Pahihinugin ang mga ubas
para sa alak. Mag-iimpok ng mga itlog ng ibon ang mga bata sa hapon
ng Hunyo. Ang mga pinutol na ensina para sa bubungan ng katedral
ay mag-iiwan ng mga buto para sa mga baboy ng gubat ng diyosesis;
saka tatayog ang mga ensina sa loob ng tatlong dantaon sa pag-aaruga
ng mga manggugubat, ama at anak, upang palitan ang mga poste
ng katedral na pawang inuk-ok ng mga bukbok. Ngayon, kapag lumipad
ang aking mga tagapangasiwa sa Chicago sa Martes at maghiwalay
sa Santo Domingo sa Miyerkoles at sunugin ang mga anak sa Huwebes

nang hindi inaalam na ang pangalan ng kanilang mga lola sa Biyernes
ay isinilang—tatangis sila, tutunggain ang Manhattan sa isang lagukan,
mangangatal silang nakabigkis sa mga kawad ng elektrod sa hapag.
Nang umupo siya sa trono, nagbuhos ng tuon si Juvenis sa mahuhusay
na pamamaraan ng pagsupil sa mga barbaro sa bisa ng mga ilusyon
ng paslit na maaaring maitatag niya ang mga permanenteng hanggahan.
Nang wakasan ng kaniyang Reichmarschall Hanno ang Rhine, inatasan
siya ni Juvenis na hanapin ang maipagtatanggol, matatag, subok na daan
mula sa Cornwall hanggang Cathay: Mga latang kahon na nagsisilid

ng halimuyak ng tsaang Lapsang Souchong. Binuo nina John Hall
at Spartacus ang plutonium dahil sa pag-ibig, at lumikha ng aparato
upang pabalikin ang kasaysayan ng ilog. Hinagupit ni Titus Manlius
at pinugutan ng ulo ang sariling anak para sa suwail na kabayanihan.
Pinasan namin si Bhutto patungo sa bibitayan nang sakay ng istretser.
Tumitimbang siya ng walumpu’t pitong libra, na sapat na timbang;
tinanong niya ang berdugo kung puwedeng pabilisin ang pangyayari.
Payak lamang ang aming layong imperyal at payak ang mga motto:
Kapayapaan para sa Eternidad, Di Kalayaan bagkus Kaayusan.
Samantala, bilang pangulo-emperador, ako, si Senex, ay gagamit

ng mga angkop na pagpapabalam at pamimili para maisakatuparan
ang pamamahala: Ito ang mga alituntunin ng alituntunin.
Kung ano ang itinuturing na sagot noon ng ating kabataan, kung ano
ang tawag ng ating mga tagapag-ugnay sa publiko na “Tagumpay
ng Demokrasya,” o “Katalinuhan ng mga Pinunong Militar,”
ay pangharang lamang. Kapag inihinto natin ang suplay sa ating kampo
na kubkob doon sa Bughaw na Nilo, makakamit ang petrolyo at trigo
para sa kampanya sa Manchuria; hindi naging hadlang ang Masada
o ang Moog. Binigti natin ang Vercingetorix para bilhin sa kalahating
taon. Kung ang laksang pamumugot ng ulo ay makapagdudulot sa atin

ng dantaong tagsibol ng mga butil, ng masaganang daloy ng tubig
sa mga akwedukto, at ng paglusog ng mga baka sa bawat tagsibol,
sino ang hindi magluluwag ng pamalo at maghahasa ng palakol?
Sinunog ng Griyegong apoy ang mga Saracen sa kastilyo ng Byzantium
at sa mga latian sa parehong panahon ng pagsalakay at pag-urong—
gaya ngayon sa maasim na sanaw na bumilaok sa biya; gaya ngayon
na namatay ang panggabing ibon na hindi nabuo sa manipis na itlog.
Tuwing nag-aaklas ang taumbayan laban sa mga tagapagpahirap
at salarin, ang mga tagapagpahirap at salarin ay tumatayo para angkinin
ang kanilang puwesto, at minamasaker ng mga Bughaw ang Lungti.

Inaalipin muli ng mga lalaki ang mga babae at pinuputol ang kamay
ng pulubi at itinatali ang pulsuhan ng bakla sa isang poste at papaslangin
siya sa piling ng mga puta at propitaryo. Ang aming dating punong ministro
ay pinatay ng isang hurista na minasinggan nang lubos ang sikmura.
Nagpahatid ng pabatid ang aming pinuno sa Arbiter, ang kaniyang tapat
na tagapayo, na hiniwa ang kaniyang pulso noong naliligo at habang
kausap nang may katusuhan ang kaniyang mga kawani. Yumao
rin siya nang mabilis: Binendahan ng mga alipin ang kaniyang pulsuhan.
Nagunita ang layon pagsapit ng liwayway, tinanggal niya ang gasa.
Pinapugutan ni Tiberius ang anim na Hudyong Doktor.

Sa Palmer Canyon, ang mga limon sa mga pinatubigang bukirin
ay paliit nang paliit ang paglaki. Heto ang libingan ng Republika,
ang himlayan nina Erasmus at Hume, ang Florentinong ginto at asul,
ang katawang marmol ni Donatello, ang mga libingan ng mga salapi
at kalayaan. Umaangat ang matatangkad na barbaro, ang hukbong musmos
ng pasibong katangahan. Ako, si Senex, pangulo at emperador, sumisipat
nang may katarata, ay nabatid na ang apoy na Griyego ay pansamantalang
napigil lamang ang pagsalakay ng mga Vikingo at Turko at Bolshevik,
na pawang inaakyat ang mga moog nang may masisidhing pagkapoot
at humihiyaw para mandambong papasok sa mumunting dahon ng bintana.