Ang Ritmo, bilang Ikatatlumpu’t walong Aralin, Roberto T. Añonuevo

Ang Rítmo, bílang Ikátatlúmpû’t walóng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Paglabás mo sa daigdíg ng Tralalá, ikáw bílang tulâ ay hindî bastá tulâ, o tulâng de-número at may etikéta, gáya ng diyónang nakábilanggô sa papél o elektrónikong magásin, bagkús warìng tínig ni Nusrat Fateh Alih Khan na humihímig sa mga talinghagà ni Rumi o  Muhammad Iqbal sa sáliw ng pinághalòng rondálya, qawwali, at metáliká, sumásakáy sa dayaráy, naglálarô sa pag-íral, nagtátanóng ng pag-íbig sa kápuwâ, pumupúri sa Maykapál, dumádakilà sa sánlibután, bumúbuô ng lipúnan, bumúbuô ng káakuhán sa binágong estádo ng kamalayán, sa kabilâ ng pándurustâ at kaalipnán, sa kabilâ ng karukhâán at bundók ng kalansáy, sa kabilâ ng pátuluyáng digmâan at dogmátikong pananálig, tumátalón-talón sa ibá’t ibáng dimensiyón o kasaysáyan, umúusisà sa mga salaysáy, sápagkát kailángang mabúhay, kailángang mamatáy upang sumílang, umaása sa mga búnga ng katarúngan, nananálig sa talíno ng kagubátan at karunúngan ng karagatán, nakaáarók sa síklo ng mga planéta at bituín, handâng ipágpatúloy ang kamalayán sa yutà-yutàng laláng, wikà, o sagísag, sálinlahì káda sálinlahì, marúnong gumálang sa sinápupúnang naglúluwál ng mga pakikibáka at walâng kúpas na bayanihán, hindî magbábantulót bumuô ng bágong díksiyonáryo ng pakikipágsapalarán, mabigô man ay hindî sumúsukò, babángong wagás, itátalâ ang mga guníguní at krókis sa sahíg pára sa pórmulá ng tagumpáy, gugúhit ng mga anínong umíindák, umiíkot, pumípiglás, humíhiyáw gayóng nároón ka o nása loób silá, sápagkát ikáw ang tulâ, may lóhiká sa gitnâ ng kabaliwán, hindî kailángang ipágtanggól ang saríli sa lahát ng kahinàang hindî mo namán kasalánan, bagkús karupukán ng iyong Maylikhâ, na kung totoó’y hindî siyá ínmortál, at magíging ínmortál lámang kung ikáw ay umaápaw sa galíng, walâng hanggá, walâng katúlad, isáng pagdiríwang ng pámbihiràng tunóg at poétika, paglabás na paglabás sa daigdíg ng Tralalá.

Alimbúkad: Epic rhythmic poetry imagination across the world. Photo by Aa Dil on Pexels.com

Urong-sulong at Babala, ni Paulo Leminski

Salin ng dalawang tula ni Paulo Leminski ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Urong versus sulong

. . . . . .ang baliktanaw
ang baliktanaw sa loob ng baliktanaw
. . . . . .ang baliktanaw sa loob ng baliktanaw
. . . . . .ng baliktanaw
ang baliktanaw sa loob ng ikatlong baliktanaw
. . . . . .ang gunitang nahulog sa gunita
lumonay sa makinis, panatag na tubig
. . . . . .nakasasawà lahat (baliktanaw)
ibawas ang paggunita ng paggunita ng paggunita
. . . . . .ng paggunita

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Babala sa napadpad

Ang pahinang ito, halimbawa,
ay hindi isinilang para basahin.
Isinilang ito para maging mapusyaw
na plahiyo ng Iliad,
isang bagay na nagpapatahimik,
ang dahong nagbabalik sa sanga
makaraang mapigtal at malaglag.

Isinilang itong maging dalampasigan,
makikilala marahil na Andromeda, Antartica,
Himalaya, may saysay na pantig,
isinilang itong maging pangwakas
ang isang hindi pa ipinanganganak.

Ang mga salitang tinatangay
palayo sa mga tubigan ng Nilo,
isang araw, ang pahinang ito, na papiro,
ay kailangang maisalin
sa mga sagisag, sa Sanskrit,
sa lahat ng wika ng India,
kailangang bumati ng magandang umaga
na maibubulong lámang,
kailangan nitong maging iglap na bato
sa pinagbagsakan ng baso.
Hindi ba tulad niyan ang búhay?

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Hataw sa Tambol, ni Naana Banyiwa Horne

Salin ng “Sounding Drum,” ni Naana Banyiwa Horne ng Ghana
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Hataw sa Tambol

May unibersong nakabaon sa loob ko.
Isang natutulog na balát
Ang sabik na sabik
Na mapatunog.
Mapatunog ng pangangatal na ikaw.

Ang loob ko’y lumalagabog na tambol.
Isang pumipitlag na kalátong,
Nakabitin,
Tumitibok-tibok,
Lumalalim ang tugtog
Sa lambing na ikaw ang makapagdudulot.

Ako ang uniberso.
Isang tambol na pinukaw sa palò ng indayog
Na katumbas mo.
Hinahataw ako ng puso mo para dumagudog.
Ang puso mo’y hinahataw ang aking tambol,
At sumasaliw na aking awit.

Sa wakas!
Ang tambol na walang iba kundi ako
Ay nanginginig, kumikinig
Sa indayog na walang iba kundi—ikaw.

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang internasyonal