Pulo ng Kuyukot, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Kuyukót

Roberto T. Añonuevo

Napakáhabà’t napakádilím ang magdamág, na agád na titimò sa iyóng noó, pagsadsád na pagsadsád sa Pulô ng Kuyukót. Warìng inantók nang maága ang mga táo—na igínupò ng maghápong trabáho—at pagsápit ng tinatáyang alás-ótso ay isá-isáng pápatayín ang mga ílaw mulâ sa mga bahayán at mágwawakás sa pagpatáy sa ílaw mulâ sa báhay na bató. Maúulilà ang mga lansángan; mágbabantáy ang kuwágo sa tuktók ng kampanáryo hábang natutúlog ang mga pulís sa presínto; at ni walâng askál na máglalakás-loób na magpaláboy-láboy sa plása. Máglalakád ka nang máglalakád. Mapápansín mo ang lumálagánap na konsiyérto ng mga kuliglíg. Sasáliw ang kókak ng mga palakâng latìan na nágbubunyî sa ambón at hamóg, at sa sagútan ng sitsít ng mga bayákan ay máhuhúgot kung himbíng na ang mga táo. May iláng kabatàan ang líhim na mág-uumpúkan sa ísang liblíb na yungíb alinsúnod sa napágkasundùang págtatagpô, dalá-dalá ang kaní-kaniyáng gitára, pláwta, at tamból, mágsisigâ pára labánan ang lamíg, at sísilabán ang gabí sa kanílang rakrákan. Ang mga áwit nilá’y isusúka ng yúngib, at ang álon ng mga títik ay magpapámulágat sa mga ilahás na ibón na namumúgad sa batuhán kung hindî man nakásampáy sa mga sangá ng matátandâng punongkáhoy. May kung anóng kalúluwá ang mapupúkaw at gagápang mulâ sa bitúka ng karimlán, at isásakáy ng símoy. Áalulóng ang únang áso na makásaságap ng lamíg na magpapátinghás sa mga balahíbo, na magpapáalulóng sa iba pang áso na nakátunóg hanggáng ang íngay ay párang súnog na nagbábantâng tupúkin ang magkakálayông bahayán. Isá-isáng mágsisindí ng ílaw ang mga báhay, na sa malayò’y párang nagkíkislápang bituín. Ngúnit hindî máririníg ng mga itó ang áwit ng mga kabatàan na ngayón ay lasíng na lasíng sa kaniláng síning; ang náririníg ng mga itó’y alulóng ng mga áso at nangábulábog, nangáglilipárang panikì at panggabíng íbon. Mágbubukás ng bintanà ang isáng báhay, na isinísigáw ang ngalán ng nawáwalâng binatà. Mágbubukás ng pintô ang isá pang báhay, at kalapít nitóng kuból, na pawàng isinísigáw din ang ngálan ng mga nawawalâng binatà. Ngúnit walâng tutugón sa mga táwag. Magpápatúloy ang sesyón ng mga kabatàan sa loób ng yungíb, ibibírit ang kaniláng mga lunggatî’t poót na matagál nang sinikíl sa dibdíb, makíkiníg ang mga bató, at kapág hálos sumápit na sa hanggáhan ng nírvana ay biglâ siláng hihintô, sakâ makikíta nilá ang isáng babaéng umaáwit ng áwit na banyagà sa kaniláng pandiníg, ang áwit na maráhil ay ngayón lang sa kanilá nakáyaníg. Mápapatdâ silá sa músa o sa áwit, na kaniláng tatandâan, ngúnit alinmán ang pilîin nilá sa dalawá ay panagínip na pupúkaw sa kaniláng nakámihasnáng panánahímik at hindî na mulî silá mapápanátag lumípas man ang mga áraw sa Pulô ng Kuyukót. Magtanóng-tanóng ka sa mga kabatàan, at kung papalárin, mabábatíd mo kung bákit tíla silá nasirâan ng úlo mulâ nang makilála ang hinahánap mo.

Alimbúkad: Poetry rocking the world. Photo by Kindel Media on Pexels.com

Pulo ng mga Tainga, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Taingá

Roberto T. Añonuevo

Sa óras na sumakáy ka sa tunóg, asáhang makáraratíng ka sa Pulô ng mga Taingá. Kung ikáw ang tulâ, sasáilálim ka sa multíplikasyón, na ang kaluskós ay nagbábanyúhay na kalantóg na nagbábanyúhay lagabóg na nagbábanyúhay na dagudóg na paúlit-úlit na sumasábog sa loób ng útak at guníguní. Ang sitsít ay lálawiswís, sásagisít, hihíging, hahagunót, huhúgong na walâng pagkapágod ngúnit walâng pasúbalìng nághahanáp ng gatláng o tuldók. Ang bulóng ay lálaguklók, lálagunlóng, at gugúlong nang gugúlong na dumádagundóng hanggang magíng fluwídong tínig na warìng mulâ sa pistá o rámbol ng mga kalátong. Sa Pulô ng mga Taingá, ang alúnigníg ay máririníg ng mga paá at sasapól sa dibdíb; at anumáng pagyaníg ay masaságap tatlóng áraw bágo iyón maganáp káhit pa mílya-mílya mulâ sa iyó ang dístansíya. Kapág sumápit kang masamâng balità, ikálulugód iyán ng buông báyan sapagkát ináasáhan. Kapág sumápit kang mabúting balità, kákabahán ang buông báyan—sapagkat maáarìng magtagláy ka ng simetríya ng mga áyaw pakinggáng pahiwátig noóng úna pa man. Anó’t anumán, isasálin ka sa sarì-sarìng wikà, na maáarìng nása anyô ng oyáyi o dung-áw o pamatbát o tagumpáy, babalángkasín sa pámbihiràng gramatíka, pálalawígin sa mga pakáhulugán, at págtutuónan ng pansín na párang pagkalág sa paláisipán ng orakúlo at súbterráneong kodígo. Pag-íral mo’y isá nang katótohánan, sabíhin mang itó’y kabúlaánan. Pipikít ang mga táo ngúnit papások ka pa rin sa kaniláng pandiníg káhit sa óras ng panánagínip. Ipipínid ang mga labì, at isisilíd ka sa papél, at lalòng mabábagábag silá sa malamyós mong hímig. At sa bandáng hulí, kapág hindî na nilá káyang tiisíng mágtaingáng-kawalì sa iyóng áwit, kapág hindî na nilá káyang ipágpalíban pa ang tindíg mong bumábatingáw, kailángan niláng harapín ang iyóng pagdatíng. Pápaloób sa kaniláng kanáng taingá ang iyóng aníno at lalabás sa kaliwâng taingá ang iyóng hulagwáy—na isinísigáw nang buông lakás ang ngálan na iyóng hinahánap, pinánanábikán. Mábibingí sa katáhimíkan ang Pulô ng mga Taingá, at isúsukò nitó ang líhim sa ipinágkakaít na kalingà’t págmamahál.

Alimbúkad: Poetry Filipinas shattering global silence. Photo by Misha Voguel on Pexels.com

Motif IV, ni Subagio Sastrowardoyo

Salin ng “Motif IV,” ni Subagio Sastrowardoyo ng Indonesia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Motif IV

Ibig kong bumili ng Walkman
o munting radyo na malakas
ang tunog. Kailanman naisin
ay madadala ko iyon saanman.
Kailangan ko ang ingay sa bawat
sandali, kumpas man ng musika
o satsat ng mga tao. Mabuting
magkaroon ng nakabubulahaw
na talumpati o rakrakang nakatutulig.
Nalalasing ako sa ingay.
Hayaang magwala ang daigdig
dahil takot ako sa katahimikan.
Natatakot ako sa tinig ng kalooban.
Tuhan, kailan ka ba papanaw?

Alimbúkad: World Poetry Solidarity for Humanity. Photo by Mick Haupt @ unsplash.com

Pinagbawalan ako, ni Jacques Dupin

Salin ng “Il m’est interdit,” ni Jacques Dupin ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pinagbawalan ako

Pinagbawalan akong humintô nang makakita. Na tila pinarusahan akong makakita habang naglalakad. Habang nagsasalita. Na masilayan ang aking winiwika, at sadyang magsalita dahil hindi ako nakakikita. Samakatwid para maipamalas kung ano ang hindi ko nakikita, at ang ipinagbabawal sa aking makita. Ang wikang umaalimbúkad ang tumatamà at tumutuklás. Katumbas ng pananagutan ang pagkabulag upang baligtarin ang kalagayan, at itakda ang paglalakad at salita sa harap ng paningin. Upang makalakad sa gabi, upang makapagsalita sa gitna ng ingay at pagkalito, upang ang sinag ng liwayway ay sumanib at tumugon sa aking hakbang, tukuyin ang sanga, at pitasin ang bunga.

Sa tahimik na gubat, ni Max Jacob

salin ng mga tulang tuluyan ni Max Jacob mula sa koleksiyong Le cornet à dés (1917).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

1889-1916

Noong 1889, maihuhubog sa salamin at allid ang mga trinsera. Dalawang libong metro paibaba, dalawang libong Polish na nakakadena ang hindi nakababatid kung ano ang ginagawa nila roon. Sa kanugnog na pook ay natuklasan ng mga Pranses ang kalasag na Ehipsiyo. Ipinakita nila ito sa pinakamahusay na doktor ng daigdig, siya na nakaimbento ng obaryotonomiya. Ang pinakamagaling na tenor ng daigdig ay umawit ng dalawang libong nota sa teatro na dalawang libong metro ang sukat paikot. Natamo niya ang dalawang libong dolyar at ibinigay sa Kawaniwahan ng Pasteur. Nasa loob ng salamin ang mga Pranses.

Sa Tahimik na Gubat

Sa tahimik na gubat, hindi lumalatag ang takipsilim at ang bagyo ng kalungkutan ay hindi pa sinasalanta ang mga dahon. Sa tahimik na gubat na tinahak ng mga Diwata, ang mga Diwata ay hindi na magbabalik.

Sa tahimik na gubat, napawi ang saluysoy ng mga batis, dahil ang agos ay halos walang tubig at lumilihis. Sa tahimik na gubat, may punongkahoy na kasingtingkad ng itim, at sa likod ng punongkahoy ay may palumpong na hugis-ulo at nagliliyab, at naglalagablab sa ningas ng dugo at ginto.

Sa tahimik na gubat na hindi na muling babalikan ng mga Diwata, may tatlong itim na kabayo, ang tatlong itim na kabayo ng mga Mago, at ang mga Mago ay hindi na nakasakay sa mga kabayo o nananahan kung saan at ang mga kabayo’y nagwiwika gaya ng mga tao.

Libak at iba pa

Tumungo sa pantalan ng ilog ang gansang mula sa alamat ni Andersen. Ang ating limahan ay ganap ang nobilidad, at sa lilim ng malagong bundok ang mga manggagawa’y nananahan sa kanilang lumang bahayan. Ang aking kaibigang Romantiko at ako, na nasa baybay kapiling ang mga babaeng naglalaba, ay naghahagis ng tinapay sa gansang mula sa alamat ni Andersen. Hindi napansin ng mapanlibak na gansa ang tinapay, ngunit hindi rin iyon binawi ng ingay ng mga pumapalo sa labada; ay, mga labandera, o malalayong ingay ng inyong pag-aaway, kayong mga manggagawa sa trangkahan makalipas ang hapunan.

Buhay ko

Nasa silid ang lungsod. Ang pandarambong ng kaaway ay hindi malubha at ang kaaway ay hindi tatangayin ang lahat dahil hindi niya kailangan ang salapi yamang ito’y kuwento at kuwento lamang. Ang lungsod ay may tanggulang yari sa pintadong mga kahoy: bibiyakin natin iyon upang maidikit sa ating mga aklat. May dalawang kabanata o bahagi. Narito ang pulang hari na may ginintuang korona na nakasakay sa lagari: iyan ang ikalawang kabanata. Hindi ko na matandaan pa ang unang kabanata.