Pagkaraan ni Balagtas, ni Roberto T. Añonuevo

Pagkaraan ni Balagtas

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo

Gumuguho ang kastilyo nang dahil sa tula, ito ang palagay ng mga lamanlupa nang minsang bumigkas ng pangwakas na talinghaga ang kondenado sa harap ng bibitayan. Nagkakagulo sa buong bayan, lumalaganap na lason ang implasyon, napipitas na talulot ang mga sanggol sanhi ng salot, at naglalabo-labo ang mga palaboy sa natitirang pagkaing sinalakay ng madlang nanloob sa parian. Sa kabilang ibayo’y nakatanghod ang mga banyagang sasakyang pandagat, na ang pagkakahilera’y waring mga selulang lulan ang di-maipaliwanag na sakit. Ang tula ay nagkaroon ng bagwis, humuni ng nakatutulig na himig, pumaimbulog nang humahagunot, at sa kisapmata’y nayanig ang paligid nang paulit-ulit. Lumukob ang nakabubulag na alikabok, at walang ano-ano’y kumidlat at kumulog sa gitna ng tag-araw. Pagdaka’y naglaho ang tula sa loob ng ilang siglo, kasabay ng pagkamatay ng kondenado, at nang magbalik ito sa hinulaang sandali, ang tula ay nasa anyo ng rakistang bilugan ang tinig habang gumigitara nang kaytimyas sa sining, at ang alamis ay lungsod na lumulubog sa di-maireresiklong basurang diwain o kung hindi’y sangganong intelektuwal na hinahagad ng bala at batas ng awtoridad. Bawat tao na makaengkuwentro ang mga salita nito’y napahihiyaw at napasasayaw, waring nakatoma ng ayawaska, umiiyak-at-tumatawa na waring nalilibugan o nababaliw, at kung iyon ang itinuturing na kamalayan, ang kamalayan ay unibersong pumipintig sa loob ng isang paslit na katawan.

Yes to human rights. Yes to humanity.

Advertisements

Misericordia

Aklatan ito ng mga pakikipagsapalaran, at ikaw bilang panauhin, ay malayang maglakbay nang may buntot, bagwis, at sungay. Ipagpalagay na isa itong eskinita, at sa tula ni Teo Antonio ay maghuhunos kang estudyante na kung hindi nagmamarakulyo sa mundo ay umiibig sa kalapati na dumarapo sa sahig ng hatinggabi. Lumakad ka, at madaraanan ang huntahan ng mga eskolar ng bayan; makiusyoso, at ang matutunghayan ay dalawang tambay na nagsusunog ng kilay sa ahedres. Maaaring malikmata lamang ito, wiwikain mo. Habang lumalaon, mabubulag ka ng mga ilaw ng sasakyan. Sisingit sa iyong gunita ang diyabolikong lungsod ni Mike Bigornia para tugunin mo ng isang malanding sipol kung hindi man malulutong na pakyu. Matutulig ka sa musika at bulyawan ng mag-anak na nagdiriwang sa kanilang gutom at hinanakit. Aakitin ka ng mga bilbord para managinip na isa kang modelo ng alahas o pabango. Ipasasakay mo sa simoy ang katwiran ng kalinisan. Humipo ka sa kanan ay malalaglag ang mga pahina o larawan. Humilig ka sa kaliwa ay matitigmak sa sipon o luha ang balikat. Maaakit ka sa yakap ng karimlan. Magugutom ka sa mga umagang kumakalam ang ulirat. Tatangkain mong umimbulog, subalit ang kakatwa’y para kang saranggola na nasalalak sa antena at kawad. Hihingi ka ng tulong. At maya-maya’y magdaratingan ang mga lasing na maton. Saka mo maririnig ang isa sa kanilang lumpeng intelektuwal na tangan ang tirador at bubulong-bulong. Mapapapikit ka, at nanaising matunaw na allid sa sinag ng liwayway.

“Misericordia,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 14 Oktubre 2011.
"Ang Natutulog na Hitana" (La Bohemienne endormie), oleo sa kambas ni Henri Rousseau, 1897.

"Ang Natutulog na Hitana" (La Bohemienne endormie), oleo sa kambas ni Henri Rousseau, 1897