Awit ng Kalsada, ni Cesare Pavese

Salin ng “Canzone di strada,” ni Cesare Pavese ng Italy
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Kalsada

Bakit ka mahihiya? Kapag natapos mo ang sentensiya
at pinalaya ka nila, katulad ka rin ng iba pang tao
sa mga lansangan na nakaranas na mabilanggo.

Mulang umaga hanggang gabi’y iikot tayo sa mga kalye,
umulan man o umaraw, at makapagpapagaan iyon sa atin.
Kay-inam makatagpo sa kalye ang mga taong nangungusap,
nakikipaghuntahan, at nakahahatak ng mga babae.
Kay-inam sumipol sa mga pintuan at maghintay ng tsiks,
at maglakwatsa nang magkaakbay tungo sa sinehan,
at manigarilyo nang lihim nang nakasandal sa makikinis
na tuhod. Kay-inam makipag-usap, humipo’t humalakhak
at sa gabi’y may dalawang kamay ang hahatak sa iyo
doon sa kama; kay-inam isipin ang araw na lumaya ka na
mula sa bilangguan, at anung lamig ng sinag ng araw.

Totoma tayo mulang umaga hanggang magdamag,
at pagtatawanan ang lahat ng dumaraan, na masayang
tumatambay sa mga kalye, kahit na ang mga hangal.
Aawit tayo nang lango mulang umaga hanggang gabi,
masasalubong ang mga lasenggo at makikipagsatsatan,
na halos walang katapusan, na lalong nakapagpapauhaw.
Lahat ng tao na itong gumagala at nagkukuwentuhan
ay ibig nating makapiling ngayong gabi sa pusod ng bar,
nais nating pakinggan nila nang taimtim ang ating gitara
na lumulukso sa pagkalasing, at ayaw nang magpabihag pa,
ngunit sumasabog sa mga pinto’t umaalunignig sa eyre—
habang sa labas ay umuulan, o umaambon ng bulalakaw.
Wala tayong pakialam kung ang mga kalye’y hungkag
sa magagandang babae:
Makatatagpo tayo ng lasing na mag-isang tumatawa,
na marahil ay lumaya rin sa bilibid ngayong gabi,
at sabay tayong hihiyaw at aawit kapiling niya, sa awit
na makararating din tayo sa maaliwalas na umaga.

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang pandaigdig

Advertisements

“Umiinog ang mga bituin sa dilim,” ni Muti’ ibn Iyas

Salin ng “Stars whirling in the dark” ni Muti’ ibn Iyas (704-785).
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Umiinog ang mga bituin sa dilim

Muti’ ibn Iyas

Umaga noon sa Baghdad, at nag-iinuman kami,
Nang pukawin ng puting mukha’t mga matang itim

Sa bahay na ang mga kristal na báso ay mga bituing
umiinog sa dilim sa piling ng mga kapuwa lasenggo.

Ang aming tanggero’y naghain ng puro o halong alak;
Anung sarap ng alak kapag timplado ang halò!

Isinaboy sa aming ulo ang pinong pulbong azafran,
At pinutungan kami ng koronang hasming ginintuan.

Tumotoma pa rin ako hanggang lumubog ang araw,
Sa gitna ng saliw ng himig ng kastanyetas at laúd.

Kumpisal

Kung ang katotohanan ay balaraw na iluluwal ng bibig, masasalo ba ng dibdib ang maiiwang sugat o kamatayan? Paano sasagapin ng makikinig ang kaniyang pagwawakas? Naisip niya ang gayon, isang gabi habang umiinom sa paboritong tambayan, at umiingay ang paligid sa mga espiritu ng libog at lason, at wala ang paraluman sa langit o bulsa o tabi.

Maaaring lumuluha sa halumigmig ang mga bintanang salamin, at tumitikatik ang ulan.

Tatanawin niya ang tagpo na waring lumang pelikula, na ang babae’y nasa kabila ng mundo samantalang ang inaasahan niyang katipan ay pinigil ng kung anong sakuna o bagyo. Mananambitan ang dalaga sa kaniyang anito, marahil tutungga ng hinog sa panahong lambanog, manonood ng TV, maiinip sa kuwentuhan, at tatawag sa selfon, hanggang akitin siya ng mga sulyap at palipad-hanging katumbas ng pangangakong wawakasan ang anumang lamig at pangungulila.

Malulupit na rehas ang ulan, na waring hinugot sa tula ni Rio Alma, at ang binibini’y iibigin ang bilangguan para tighawin ang kaniyang kalungkutan. Maaaring siya’y matutulog sa kung saang bahay, ikakatwiran ang baha at usad-pagong na trapiko, at nang isinara ang banyagang pinto, ang magdamag ay nagsalaysay ng mga di-maunawaang usapan o dantay na para lamang sa magkaibigan; at ang silid ay lihim na hindi dapat pag-usapan.

Kukutuban ang kaniyang katipan sa malayong pook. Posibleng lumabis lamang ang kaniyang nainom na serbesa o kapeng barako, at hindi mapakali ni dunggulin ng antok. Nakauwi ba ng bahay ang aking mahal? Nahan na kaya siya? Baka ginabi na naman sa lakwatsa. Marami pa siyang tanong hanggang maglandas sa kaniyang guniguni ang tagpo ng malalanding hulagway, at ang lalaking malagihay ay yayakapin ang kaniyang minamahal.

Bago pa man ikumpisal ng dalaga ang kaniyang katotohanan sa lalaking kausap ay alam na ng kausap ang mga naganap. Posibleng reenkarnasyon ng pitho ang lalaking kausap, wika nga, at ang babae’y hindi na kailangan pang magsalaysay. Ngunit ang sinumang mangangatha’y may kalayaang magsinungaling, kung ang pagsisinungaling ay mahiwagang benda at gamot na papawi ng maantak na sugat ng magdamag na pagtataksil.

Kung ang katotohanan ay patalim na magmumula sa iyong loob o labi, ang gabi ay aking silid na pipiliing ipinid magpakailanman. Ito ang isusulat sa guniguning pader ng lalaking nasiraan ng bait sa labis na panibugho, at ang pader ay iihian pagkaraan ng palaboy na aso o sawimpalad na lasenggo.

“Kumpisal,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 22 Agosto 2010.
Kumpisal (1896), ni Sir Frank Dicksee.

Kumpisal (1896), ni Sir Frank Dicksee.

Hudas at Kalayaan, ni Dimitar Lengechev

Mga tula ni Dimitar Lengechev mula sa wikang Bulgarian
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo, batay sa bersiyong Ingles ni Khristo Poshtakov.

APOKRIPA PARA KAY HUDAS

Naririto ang aking mga alagad,
ngunit lingid sa akin kung sino si Hudas.
Naririto ang aking mga alagad,
ngunit may isang nagtaksil sa akin.
Wala ni isang nagbigti.
Kaya hindi ko mababatid kung sino
ang naghudas sa aking piling.

SA PILING NI OMAR KHAYYAM

Pitong
gabing
nakipag-inuman ako kay Omar Khayyám:
Mahika.
Mga Salita.
Mga luad.
Mga tapayan.
At napakaraming alak.
At tinungga ko
ang kaniyang mga tula.

OEDIPUS

Tinaga ng kidlat ang karimlan—
tumakbong hubad sa gabi ang ina ko.
Ang kapatid kong si Lazar
na may tsupon sa bibig
ay muslak na napangiti.
Tinaga ng kidlat ang karimlan.
Kinikilig si Oedipus na tangan
ang baso ng alak.

ISANG BASO NG KALAYAAN

Kung itatanong sa akin ng Kamatayan:
“Anong uri ng baso ang pipiliin mo?
Isang milenyo ng kaalipnan
o kisapmatang kalayaan?”
At ako’y tumugon:
“Lasenggo ako, o mahal na Kamatayan!
Tagayan ako ng isang baso ng kalayaan!”

Salin-awit ni Charlson Ong

Charlson Ong

Charlson Ong

Malapit na ang Pasko, at nahihilig muli ang mga manunulat sa inuman at kantahan. Kamakailan, ipinadala sa akin ni Charlson Ong ang kaniyang mga bagong piyesa ng salin-awit. Ang salin-awit ay halaw sa Filipino ng mga awiting Ingles at siyang pinauso ng gaya nina Jose F. Lacaba, Rene O. Villanueva, Marne L. Kilates, at Mike L. Bigornia. Habang tumatagal, pahusay nang pahusay ang mga salin-awit sa Filipinas, at marahil, hindi na ito dapat tawaging salin, bagkus malikhaing halaw, dahil makatatayo na ang Filipinong liriks nang mag-isa at puwedeng saliwan ng natatanging himig at tunog. Heto ang salin-awit ni Charlson, na pinamagatang “Hindi ang Puting Buwan” na mula sa “The Nearness of You” na kinatha nina Ned Washington and Hoagy Carmichael, at inawit ni Barbara Streisand.

HINDI ANG PUTING BUWAN
(Matapos ang “The Nearness of You”)

Hindi puting buwan
Ang may dulot
Tibok niyaring puso
Mahal, kundi ang
Paglapit mo.

Di lamang himig
Ng iyong tinig
Nagpintig sa ‘king isip
Mahal, kundi ang
Paglapit mo.

Refrain:
Kung kita’y hagkan
Panaginip walang hadlang
Ang mundo’y baliw
Sa aliw.

Di ko kailangan
Ang liwanag ng buwan
Sa karimlan
Mahal, basta’t lumapit ka lang
Sa dilim ng gabi
Ikaw ang ilaw.

Heto naman ang rendisyon ni Charlson Ong sa “Two for the Road” na kinatha nina Henry Mancini at Leslie Bricusse, at inawit ni Vic Damone. Pinamagatang “Dalawa sa Paglakbay,” ang salin-awit ay nababagay sa laglag ang puso at mahilig maglagalag.

DALAWA SA PAGLAKBAY
(Matapos ang “Two for the Road”)

Kung ika’y nalulumbay
Sa buhay mong walang saysay
Samahan mo ako liyag
Sa aking paglayag
Dalawang puso
Sabay lalakbayin
Mundong walang pinagkait
Tanging ala-ala aanihin
Bawat daan

Refrain:
Pagsapit nga ng tag-araw
Lulusong tayo sa ulan
Sa taglamig ang pag-ibig
Ang siyang magsasaling

Basta’t ngiti mo’y matanaw
Batid ko na ang landas natin
Ay laging may hiwaga

Refrain 2
Pagsapit nga ng tag-init
Lulusong tayo sa dagat
Sa tag-ulan magtampisaw
Sa ilog ng galak

Basta’t ngiti mo’y matanaw
Batid ko na ang landas natin
Ay laging may hiwaga.

Isa pa sa mga paborito kong salin-awit ni Charlson Ong ang pinamagatang “Kung Iibig pa” na halaw sa “When I fall in love” na inawit ni Rick Astley, at kinatha nina Edward Hayman at Victor Young. Pansinin ang bagsak ng mga salita at tunog sa salin-awit, na kahanga-hanga kapag pinakinggan. Sinong babae ang hindi mapapaibig kapag narinig ito?

KUNG IIBIG PA
(Matapos ang “When I fall in Love”)

Kung iibig pa
Ay panghabang-buhay
O, hindi na lang, kaya.

Sa mundong walang
tahimik
Ang pag-ibig walang
silungan
At maraming halik
Nasasayang pagkalipas
Ng hating-gabi

Kung magmamahal
Ay lubus-lubusan
O, hindi na lang, kaya

At kung hanap mo’y
Katulad din ng hanap
Ko sinta, ako’y iyo
Buong-buo.

Patikim pa lamang ang mga ito sa mga salin-awit ni Charlson Ong. Iminumungkahi kong isaplaka na ang mga ito, at kumuha ng bagong tagatimpla ng musika. Panahon na para kilalanin ng daigdig ang mga tomador na manunulat, at pakinggan ang inihahain nilang salin-awit para sa lahat.

Ang Serbesa ng mga Manunulat

Alkohol ang bumubuhay sa maraming manunulat, ngunit walang kaugnayan ito sa husay nila sa pagsusulat. Pipiliin ni Nick Joaquin ang serbesa, na parang tropeo o bahagi ng kaniyang panlabas na porma sa publiko, at uuyaming para sa malalambot lamang ang red wine. Paborito naman ni Krip Yuson ang wiski, at sinasabayan ng hithit ng Camel. Malalakas tumoma noon sa IBP (Ihaw-Balot Plaza) sina S.V. Epistola, Rio Alma, Lamberto Antonio, Rogelio Mangahas, Teo Antonio, Mike Bigornia, Marne Kilates, Fidel Rillo, Mario Miclat, kasama ang mga binatilyong sina Ariel Borlongan at Vim Nadera, na pawang pipiliing sumamba kay San Miguel tuwing Biyernes na parang iyon ang pangwakas na pagkikita. Ngayon naman ay magpapaligsahan sa salin-awit ang gaya nina Charlson Ong at Pete Lacaba, habang tangan ang kani-kaniyang serbesa,  na lalong magpapagaan ng tama sa mga tomador na tagapakinig.

Ngunit ang nakapagtataka’y nakasusulat pa rin ang mga hunghang.

Walang kaugnayan ang alak sa kanilang husay sa piniling sining, ngunit nakikinabang pa rin ang mga korporasyon ng alak sa kani-kaniyang katauhang ipinamamalas sa madla. Hindi kinakailangan ng Palanca halimbawa na magpalabas ng kilometrikong anunsiyo, dahil sapat na ang taunang timpalak upang maalaala ng madla ang sari-saring produkto nito. Samantala, inaakala pa rin ng ibang kabataan na habang dumarami ang iyong nalalagok na alak, lalong humuhusay kang manunulat. Na hindi ko alam kung anong lohika ang pinagbatayan, ngunit palulusutin ng iba para pagbigyan ang gayong kaululan. Kaya sinumang bagitong sumabay sa mga tarikan ay nalalasing o nasisiraan ng bait, dahil kahit ang diskusyon sa ibabaw ng hapag ay umiikot sa panitikan at kritika, at buwenas ka na kung hindi ka mabulyawang tatanga-tanga kapag hindi nabasa si ganoon o si ganire, o kaya’y wala kang naisusulat kundi isang linya ng taludtod na mula noon pang panahon ng Kopong-kopong.

Bago pa man kunin si Nick Joaquin, kasama si Fernando Poe Jr, na mag-endoso ng San Miguel sa telebisyon ay matagal nang ginawa iyon ng mga makatang Tagalog. Ngunit wala pa noong telebisyon, at nagkakasiya na lamang silang tumula-tula sa entablado. Kung minsan, ang nasabing tula’y nilalapatan ng musika, at nagiging sikat na jingle sa radyo. Noong 21 Disyembre 1940, binigkas ni Florentino T. Collantes ang tulang “Mabuhay at Magtagumpay” sa Santa Ana Turf Club, kaugnay ng pagdiriwang ng ikalimampung taong pagkakatatag ng pabrika ng San Miguel. Inuungkat ng naturang tula ang paglago ng San Miguel bilang negosyo, ang mainit na pagtangkilik ng publiko, ang paglaganap ng pangalan sa kapuluan, ang maayos na ugnayan ng puhunan at lakas-paggawa, ang pagkakawanggawa sa mga dukha, at ang pagtataguyod sa Pambansang Tangkilikan na ekonomikong patakarang binalangkas ng kabataang Adrian E. Cristobal. Heto ang tula ni Collantes—na isinaayos ko sa makabagong ortograpiya para madaling mabasa—na marahil ay hindi na alam ng kasalukuyang pamunuan ng San Miguel Corporation na abala sa Octoberfest ngayong taon:

Mabuhay at Magtagumpay: Singkuwentenaryo ng San Miguel Brewery
ni Florentino T. Collantes

Sa pampang ng ilog Pasig sa tabi ng Malakanyang
na ang daan ng Aviles ang lansangan sa harapan,
sa distrito na binanggit ko’y mga ilang hakbang na lang,
may gusaling nakatayo, na ang ganda at kariktan
ay limampung taong hustong pinagpala ng Maykapal;
sa bandilang sakdal gandang sa langit nakawagayway
isinulat ng panahon ang pangalang nagtagumpay,
nang basahin ng Maynila at ng buong kapuluan
ay ang San Miguel Brewery ang pangalang natunghayan.

Limampu nang taon ngayon, kalahating siglong ganap
ang Pabrika ng San Miguel ay nabantog at natanyag,
ang alin mang pagawaan pag nagtagal at nagluwat
kahulugan, kung maglingkod ay matapat na matapat;
iyang habang nagtatagal ay lalo pang lumalakas
at ang mga ginagawa ay lalo pang sumasarap;
sa dibdib ng buong baya’y parang gintong nakalimbag
at hindi pagsasawaan na tangkilikin ng lahat.
Kaya kahit ilang siglo ay payapang mababagtas
ang pagsinta sa San Miguel ay hindi na makakatkat.

Simulan mo sa Aparri, isagad sa Mindanaw
at ang tatak ng San Miguel ay iyong matatagpuan;
sa púlong ng mga dukha’t sa lipunang mararangal
makikitang bumubula ang serbesang malinamnam;
sa simbahan, sa istadyum, sa karera’t paaralan,
sa alin mang paglalaro, sa alin mang pagsasayaw,
sa alin mang pagpipista, pagdarasal o lamayan
iyang tatak ng San Miguel ay naroo’t nakatanghal.
Kaya ang limampung tao’y di natin dapat pagtakhan
buong bayang Filipino’y San Miguel ang minamahal.

Itong kanyang kabantuga’t tagumpay na darakila
ang sa ngayon ang siya kong lilinawing talinghaga;
ang San Miguel ay natanyag, nabantog, at nabalita
dahilan sa katapatan ng lahat ng manggagawa;
kung baga sa isang hukbo’y matatapang, pambihira
na dahilan sa tagumpay, sa baga ma’y sasagasa.
Datapuwa’t merong isa na may hawak ng bandila
isang Punong sinusunod na kay galing manalasa
itong Punong binanggit kong may magandang panukala
ay si Don Andres Soriano, na kay-buting mamahala.

Itong buong kapuluan ay inyong mang halughugin
walang paris ang pasunod ang Pabrika ng San Miguel;
mayroong bonipikasyong buwan-buwa’t tatanggapin
malaki ang sinasahod kung talagang tutuusin;
kung may isang manggagawang inabot ng dusa’t lagim
ay mayroong indonasyong karamay hanggang sa libing;
at kung Paskong maligayang taon-tao’y dumarating
pati anak at asawa’y may ligayang sapin-sapin,
at kung singkuwentenaryo, sa pagkai’t sa inumin
ay si Don Andres Soriano’y kasama mong tumitikim.

Ang Pabrika ng San Miguel ay dapat mong ikarangal
ang Puhuna’t ang Paggawa’y di nagbangay kailan pa man;
kaya naman nang pumili niyong Patronong uliran’t
ng ulirang manggagawa’y San Miguel ang inihalal;
sa mga unibersidad, sa maraming paaralan,
sa samahang kawanggawa ay parating nagbibigay,
kulang-kulang isang milyon, buwis sa pamahalaan,
taon-tao’y may abuloy sa Pambansang Tangkilikan,
kaya’t sa singkuwenteraryong tangi niyang kaarawan
ay isigaw natin ngayong “Mabuhay at Magtagumpay!”

Maikli ang gunita ng San Miguel sa mga manunulat, at paminsan-minsan na lamang ito nagbibigay ng tangkilik kung may kumbensiyon o pagtitipon ang mga manunulat sa Filipinas. Ngunit walang pakialam ang mga manunulat kung magbago man ang ihip ng simoy, dahil sa kabila ng lahat, ang kani-kaniyang akda pa rin ang hihigit sa iniwang espiritu ng makalupang San Miguel.

Salin-awit, halaw na awit

“Salin-awit” ang taguri ng ilang manunulat na nahihilig humalaw ng mga banyagang awit sa Ingles at ilapat iyon sa Filipino. Sa mahigpit na pakahulugan, hindi naman talaga “salin” ang ginagawa ng mga manunulat na Filipino bagkus malikhaing paghalaw (adaptation); at ang orihinal na awit ay napaghuhunos sa panibagong katauhang nakadamit sa talinghaga at dalumat ng Filipino. Nakakahon ang nasabing mga awit sa musika, at ang musikang iyon ang tanging hiniram ng Filipino upang magamit sa bagong liriks na kinatha sa Filipino.

Kabilang sa hanay ng mahihilig humalaw ng awit ang yumaong si Rene O. Villanueva, na hindi lamang mahusay humalaw bagkus mag-angkop ng katumbas na salita at tunog sa hiniram na awit, at nakabuo ng halos sandaan yatang halaw mulang klasikong teatro hanggang pop at rock. Mababanggit din si Jose F. Lacaba, na nakabuo na ng isang koleksiyon ng salin-awit at paborito ngayong kantahin sa Conspiracy Bar at iba pang inuman. At ngayon ay nakilahok na rin si Charlson Ong, na malakas tumoma at mahusay sumulat, bukod sa malimit kumanta ng mga romantikong awit noong mga dekada 1940-1960.

Maihahalimbawa ang rendisyon ni Charlson sa kantang “Send in the Clowns” na orihinal na kinatha ni Stephen Sondheim at inawit ni Judy Collins. Pinamagatang “Payasong Payak,” ang nasabing halaw ay umaangkop sa orihinal na musika ngunit ang liriks ay binago upang umayon sa pambihirang paghihiwatigan ng mga tomador at ng kanilang musa. Heto ang halaw ni Charlson Ong::

Payasong Payak

Bakit ganyan, tayong dalawa?
Paglapag ko sa lupa
Lumipad ka naman
Sa himpapawid.

Masaya ka ba, sa langit mo?
Ngayong malaya ka na
Ako ang bihag ng alaala
Bakit ganyan?

Refrain:
Ngayong alam ko,
Ikaw ang mahal,
Pagbukas ko ng pinto’y
Walang naghintay.
Parang payasong payak
Sa huling palabas
Walang katapat,
Walang palakpak.

Nakatutuwa, nakalulungkot
Di pala magkatuwang
Ang hangad natin sa mundong
Makulay
Ng mga payaso.
Papasukin sila.

Refrain:
Ngayong alam ko
Ikaw ang hangad
Pagbukas ko ng pinto
Walang naghihintay
Parang payasong payak
Sa huling palabas.
Walang katapat,
Walang halakhak.

Itong wakas
Ng palabas
Huling pagpapatawa
Ng payasong payak.
Ipagpatawad ninyo
Mali niyang pasok.
Paalam na lang.

Hindi na ito ang orihinal na awiting Ingles, na “Isn’t it rich/ Isn’t it queer/ Losing my timing this late/ in my career/ And where are the clowns?/ . . . . ni Sondheim. Kung aawitin marahil ni Lani Misalucha ang “Payasong Payak” ni Charles, tiyak kong makakargahan pa iyon ng elektrisidad, dahil ang wika ay matalik sa mga Filipino.

Walang masama sa ganitong paghalaw, dahil ang naturang paghalaw ay malayong-malayo sa kagaguhang paghalaw ni Michael V. na hanggang pangkubeta lamang ang mapanlibak na pagpapatawa. Sa naturang ehersisyo ng paghalaw, ang dating regular na inuman ng mga tomador na manunulat ay nagiging kapaki-pakinabang dahil sa pagpapahusayan ng pagkatha. Habang may umaawit na binibini, ang mga manunulat naman ay lumilikot ang isip sa paglikha ng mga awiting halaw upang ang nasabing binibini’y lalong mapaibig sa kaniyang awit, kung hindi man sa katabing tomador na kompositor.

Sa estado ng mga awiting Filipino ngayon, makabubuting makinig muna sa mga malikhaing halaw nina Pete Lacaba, Rene Villanueva, at Charlson Ong. Ano ang malay natin, baka ang naturang mga halaw ay isang hakbang pasulong upang umisip ng higit na matitinong liriks ang mga Filipinong kompositor na matagal nang naghihilik sa mga walang katorya-toryang musika mula sa ibang bansa. Ito na ang panahon upang lumabas sa maliit na sirkulo ng mga tomador—na nagkataong lihim ding kompositor—ang salin-awit o halaw na awit, at nang mapakinggan saka kaluguran ng malawak na tagapakinig.