Amrita, bilang Ikaapatnapung Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Ámrità, bílang Ikaápatnapûng Aralín

Roberto T. Añonuevo

Ang álak, ang úlap, anó ang silbí kundî maghatíd ng galák? Itó ang sásalúbong sa iyó isáng takípsílim doón sa abándonádong lungsód, at maúunawàan lámang maráhil kapág may sabwátan at puwérsa mulâ sa talampád ng mga bituín. Túlad ng pagbúbukás ng pintông nakapínid nang napakátagál, itó ang hiníhintáy na pagkakátaón, o ang pinangángambahán warì sápagkát may sumpâ o láson. Ang pintô—yarì man sa bató, yakál o tansô— ay maáarìng makapagpákabá o makapágpaúrong ng bayág úpang harángin ang sínumang pangahás na íbig tumulóy. Ngúnit ang paghágod ng tingín o pagsalát sa rabáw nitó, o ang pagdúkot ng susì sa bulsá at pagsuót nito sa kandádo o seradúra ay katumbás din ng realidád sa ináakalàng líhim sa pinilìng silìd: inaágiw na muwébles, bisaklát na maléta at kahón, máalikabók na sahíg, nakábalándrang kandelábra at mesíta, nagpúpulásang alupíhan o áhas, kalát-kalát na barò, kóbrekáma, at sápatos, ihì ng kabág, ípot ng pusà, pángil ng tígre. Itó ang pagtikím sa dî-ináasáhan, gáya ng walâng pagkaínip na tása ng umáasóng tsaá na sadyâng ipinátong sa pasamáno ng bintanà; ang pagtanggáp sa yugtông nakápirmí, gáya ng mosáyko ng mga búbog at bála nang mágunitâ ang sagrádong mukhâ ng dinádakilà; ang pagtuntóng sa kaluwálhatìan, na tíla pagtuklás sa ayawáska túngo sa sariwàng kamalayán makáraáng sumúka ng salapî, papéles, hinánakít. Maráming katwíran pára sa selebrasyón ng mga salitâ, wíwikàin mo, mga salitâng nakalálasíng na kakatwâng ni hindî máipintá ng mga laráwan o gráfiti sa dingdíng. Magámit ang kaliwàng kamáy sa pagsúsulát; magámit ang kánang kamáy sa pagsapó ng mundó. May kung anóng símoy ang maglálandás sa harapán mo, na maráhil ay magpápatindíg ng mga balahíbo; at ang mga talampákan, mínsan pa, ay magdamág mag-iíwan ng halimúyak ng ílang-ílang sa iyó, habàng tumítikatík papálayô ang mga sitsít at salamísim.     

Alimbúkad: Epic contemplative poetry in search of humanity. Photo by RODNAE Productions on Pexels.com

Ulan

3. Dambuhala
Pumaloob si Enrique sa dambuhalà na nagngangalang Andalusya, at gaya ng ibang alipin ay isa-isang pinasan ang mga kargadang pinamili ng amo. Sinalat ng kaniyang mga talampakan ang sahig na yari sa matitigas na kahoy, at wari niya’y isang bundok ang tinabas upang magsilang ng kahanga-hangang sasakyang dagat. Tiningala niya ang layag, at napansin niya na nakadapo sa tuktok ng poste ang isang uwak. Napukaw lamang ang kaniyang pansin nang sumigaw ang kawal upang magpatuloy.

Halos magtatakipsilim na nang matapos maikarga ang pangwakas na kargamento sa sasakyan. Naghuhuntahan ang mga pahinante nang biglang may pumalahaw sa kaliwang panig. Nawalan ng malay ang isang kawal sa ikalimang palapag; at ang iba pang kawal ay sumaklolo sa kanilang kasama. Nagmasid lamang si Enrique, at pagkaraan ay naghanap ng tubig na maiinom.

“Wala kaming tubig,” ani Fernando nang tanungin ni Enrique. “Kung gayon,” tugon ni Enrique, “ay nakatakdang mamatay ang iyong kasama.” Nahiwatigan ng amo ang winika ng binatilyo, at ilang sandali pa’y ipinalabas niya ang bariles ng tubig-tabang para sa inumin ng mga magdaragat.

“Nauuhaw ako,” sambit ni Enrique sa sarili, habang nakasalampak sa gilid ng kubyerta, at pagkaraan ay bumuhos ang malakas na ulan, at umulan ng mga isda, upang siya’y daluhan.  Nagsipanakbuhan ang mga magdaragat papasok sa mga silid, at inakalang iyon na ang wakas ng daigdig. (Itutuloy. . .)