Pilosopiya, ni Pablo Neruda

Salin ng “Filosofia,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Pilosopiya
  
 Masusubok ang katotohanan
 ng lungtiang punongkahoy
 sa tagsibol at balát ng lupa:
 Pinalulusog tayo ng mga planeta
 sa kabila ng mga pagsabog
 at pinakakain ng mga isda ng dagat
 sa kabila ng mga pagdaluyong:
 Mga alipin tayo ng lupain
 na nangangasiwa rin sa hangin.
  
 Sa paglalakad ko nang may kahel,
 nagugol ko ang higit sa isang búhay
 at inuulit ang globong terestriyal:
 Heograpiya at ambrosya.
 Ang mga katas ay kulay hasinto
 at puting halimuyak ng babae
 na tulad ng mga bulaklak ng arina.
  
 Walang matatamo sa paglipad
 upang takasan ang globong ito
 na bumihag sa iyo pagkasilang.
 At kailangang ikumpisal ang pag-asa
 na ang pag-unawa at pagmamahal
 ay nagmumula sa ibaba, umaakyat
 at lumalago sa kalooban natin
 gaya ng sibuyas, gaya ng mga ensina,
 gaya ng mga bansa, gaya ng mga lahi,
 gaya ng mga daan at patutunguhan. 
Alimbúkad: Poetry ecstasy at its best. Photo by Tuu1ea5n Kiu1ec7t Jr. on Pexels.com

Ang Salaysay ng Templo, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Salaysay ng Templo
 
Roberto T. Añonuevo
 
Kung paano nakapagsasalita ang templo
ay maaaring naitala noon ni Vyasa
at naging talinghaga mula sa lumilipad
na vimana at ugat ng laksang bathala:
Isda na lumalangoy sa kalawakan ng wala,
ang isdang naging huklubang pawikan,
at pawikang naging maliksing daga,
ang matatakuting dagang naging leon
at leon na nagbanyuhay na unggoy,
ang punong unggoy na naging tao,
ang tao na lumaboy na mangangaso,
ang mangangasong naging magsasaka,
ang magsasakang umangat na diktador.
Ang diktador, na kakatwang kahawig mo,
ay naging hunyango ang balát o kapisanan
(dilaw noon at berde mag-isip ngayon)
na tila biro ng masamang panahon.
Dumarami ang kaniyang galamay bawat saglit
at kumukulimbat ng mga planeta at bituin,
ang mga galamay ng tila pugitang dihital
sa loob ng utak na kabesado
ang milyon-milyong kahon at padron
ngunit nakalilimot sa taglay na puso
na wari bang pagbabalik ni Kalki
na lumabas sa antigong batong orasan.
Ang orasan ang huhula ng kalkuladong wakas
ng mga bulok, marahas, at gahaman;
at magsasauli ng katwiran at katarungan
sa paglalakbay tungo sa bagong kalawakan.
Hindi ka man si Darwin ay muling mamamangha
kung paano nakapagsasalita ang templong ito.
Alimbúkad: World-class Filipino poetry. Photo by Navneet Shanu on Pexels.com

Arawang Pitak, ni João Cabral de Melo Neto

Salin ng “Espaço jornal,” ni João Cabral de Melo Neto ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Arawang Pitak

Sa arawang pitak,
nilulunok ng anino ang kahel at ang kahel ay lulundag sa ilog, na hindi talaga ilog,
bagkus dagat na umaapaw sa aking mga mata.

Sa arawang pitak
na bunga ng orasan, nakikita ko ang mga kamay
hindi mga salita; napanaginip kagabi ang babae, at napasaakin ang babae at isda.

Sa arawang pitak,
nalilimot ko ang bahay at dagat
nauupos ang gana ko’t gunita. Walang silbing nagpapatiwakal ako sa arawang pitak.

“Sa Ilalim ng Talón,” ni Jerry Martien

Salin ng “Below the Falls,” ni Jerry Martien ng United States of America.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Sa Ilálim ng Talón

para kay Wyn Tucker (1940–1997)

Malálim ang tubigán at gáya ng iyóng lángit
Ay makapág-iisíp kang tagós ang títig mo ríto.

May láyak at banlík sa únang ulán ng talón.
Ang anínag lungtìang paligò ng dáhumpálay.

Doon sa nagtátagpô ang símoy na langháp mo
Ay sumásalamín ang túbig sa iyóng búhay.

Ang malínaw, malambót na balát ay kumíkilapsáw,
nangangatál, at binábalì ang liwánag

Sa kahabàan ng likód ng dumadáloy na láwas
Na nilálanguyán ng maráming katawán sa ibabâ.

Umaálon at tumatáog na tíla ang Maykapál
Ay higít na malálim sa tuód o batóng nasa púsod.

Hindî ang puság ng gaya ng biyâ o malipúto—
Ang dáloy na hindî nagmamadalî’ bagkús panátag.

Tumataás mulâ sa malalakás na labúsaw ng láwas
Hinihíntay ang ulán pára pag-ugnayín ang talón.

Dumaráting nang maráhan ang paglikô,
Dumaráting sa anyô ng laláki at babáe.

Sapát na sariwà para magíng matabâ ang salmón
Na nilutò mo kagabí pára pagsalúhan sa hapúnan.

Sapát ang gúlang pára magíng batóng tinapákan
Mo na mínsang pinákuluán gaya ng pútik.

Naglahò ang kináng-dágat ng laláki.
Hindî ganáp na ílog ang babáe.

Báwat isá’y umaáhon sa lungtîng tisàng álon
Banáyad na gumugúlong at bumábalikwás

Upáng matamó ang anyô nitó
Sa lángit at lupà at sa iyó

At sa iyóng espirítung paningín
At sa iyóng mga matá ng lamán

Doón sa madulás, nalaspág na batuhán
Sa paanán ng talón

Iniíwan nitó ang limbág ng ílog dragón—
Pangá at matá, hásang at palikpík at buntót—

Úpang ipamálas sa kaluluwá mo ang landás
At doón sa báwat mayumìng likông kaydalî

Lumulubóg sa púsod ng lungtîng káilalíman
Ngayóng lalangóy ang pusò mo magpákaílanmán.

Grays Falls, Trinity River

“Talaksan ng mga Salita,” ni Muhammad Haji Salleh

Salin ng “selonggok kata-kata,” ni Muhammad Haji Salleh ng Malaysia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Talaksan ng mga salita

isang araw
na tulad ng mahabang panata,
sa edad na pasan ko ang pagkamaramdamin,
ay natagpuan ko ang talaksan ng mga salita.
at mula sa mga kumpol nito’y
tinipon ko ang mga titik at bumuo ng daigdig.
kusa kong iniangkop ang tinig sa tunog,
nalungkot kapag natukso,
at tumawa kapag may pighati.

ito ang sangkalawakan
na kinulayan sa supot ng pakahulugan
may mukha ng usapan at puso ng salita
na kinalap lahat mula sa mga batis ng panahon
tigmak sa mga awit ng mga makata
o nasadlak sa buhanginan ng kasaysayan.

upang makalikha ng mga wika ng daigdig
ay isinasaayos ko ang mga ito
at pinalalaya ang pahiwatig ng karanasan.
gaya ng lambat na inihagis ng mangingisda
ay sinasaklaw ko ang malawak na puwang
at ang isdang may laksang pakahulugan.

Ang Musika, ni Chard deNiord

salin ng tulang tuluyan sa Ingles ni Chard deNiord.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Musika

Kung mga nota sa ilog ang isda, hindi kailanman magkakapareho ang awit, kahit manatili ang tubigan. Mali si Heraklitus. Ang agos ang galaw ang lahat. Hipuin ang mananayaw habang umiikot at mananatili siyang mananayaw. Kaya ba may awit na hindi napatutugtog dahil ang isda ay malimit lumalangoy sa paraang itinatakwil ang notasyon? Kung hihinto ang mga nota ngayon sa kinalalagyan nito, makabubuo ba iyon ng awit? Patuloy bang lumalangoy, samakatwid, ang mga ito tungo sa himig? Kung gayon, masasabing ang anumang awit ay maagap na nakababatid ng kawan ng mga isda sa iba’t ibang lalim, ang kagyat at likas na pagtutumbas para sa komposisyon, ang awit-plapla, ang awit-apahap, ang awit-lapulapu. Ngunit isip ang kasalungat ng ilog, ani Ginoong Tsu. Hindi iyon awit sa ilalim ng rabaw na ipinapahiwatig ng isda, dahil ang mga awit na iyon ay hindi umiral kailanman, ngunit nakapirming matitining na nota sa rabaw na nakadikit sa dahon, sa baras. Ang musikang dinig natin ay pinatutugtog ng mga musikong alam ang kaibhan ng diwain at ng notang talaan. Kaya mali si Kepler hinggil sa mga espera, at si Scriabin hinggil sa espektro, at si David hinggil sa mga buról. Tanging ang isip ang nakapagbubulay nito. Tanging ang isip ang makawawasak ng pananahimik nito sa pamamagitan ng simponiya.

"Si Hylas at ang mga Nimpa," ni John William Waterhouse, 1896.

"Si Hylas at ang mga Nimpa," ni John William Waterhouse, 1896.

Magdaragat at Isda, ni Alis Balbierius

salin ng mga tula ng makatang Lithuanian Alis Balbierius.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

MAGDARAGAT SA TABERNA

Lumalalim nang lumalalim ang kopa: naging dagat ito,
. . . . . . na walang matatanaw na baybayin.
Kung ikaw ay gaya ng baroto, magaan kang makapaglalayag
sa pulahan, sumasayaw na lalim, na ang bulawang
araw ay nakapinta sa layag mo at ang tunay na araw
. . . . . . ay nasa iyong ulunan.
Nasaan ang mga paglipad, ang maririkit na sayaw sa kambas
ni Matisse? Ang mga pagdama’y nababasag na yelo,
habang ang kopa ng alak ay gaya ng angkla, ipinapako
. . . . . . ka sa ibabaw ng mesa ng taberna.
At hinggil sa dagat, naroroon lamang ang asul sa mga balintataw
. . . . . . ng matandang magdaragat.
Hindi na lamang bagyo ang naghahari sa kaniya tuwing gabi sa kama,
. . . . . . bagkus ang ulilang alak na hindi bumabagsak ang halaga.

KALISKIS-ISDA

Ang aklat ng mangingisda: ang mga kaliskis ng isda.
Mula sa dagat, mula sa lawa, mula sa batis ng mga ilog.
Ang kaliskis ay singsing na marka sa punongkahoy:
nakasulat doon ang talambuhay ng isang isdang taglay
ang mga kuwentong-buhay ng lahat ng isda ng daigdig:
ang mga taon, taglamig at tag-araw, ang bawat sandali.
Tandaan: bawat isda ay marangal, nabubuhay na nilalang.
Kung hindi ka nagugutom, huwag pumatay ng isda:
iyan ang mensahe na nakasulat sa bawat kaliskis mahigit
ilang milyong taon na ang nakalilipas.

DAAMBAYAN

Sa pagdagdag ng bilis, lumalabo ang mga mukha sa walang-
. . . . . . anyo, di-kilalang lawak.
Ang mga tanawin ay naghunos na mga larawang ipininta
. . . . . . ng kung sinong baliw na pintor, na may mga kulay
. . . . . . na marumi at ang mga linya ay tungo sa walang hanggan.
Sino ang nariyan upang tingnan nang panatag ang puno, bato, tao?
Ang daambayan ng sibilisasyon ang pinakamapanganib
. . . . . . na narkotikong matatamo ng tao.
Pagmumuni, linaw ng isip: ito ang mga estatikong bagay
. . . . . . na marapat ilahok sa Pulang Aklat.
Totoo ba na isinumpa tayo na humarurot nang mabilis,
. . . . . . pabilis nang pabilis, hanggang tayo’y maglaho?
Pakaunti nang pakaunti ang mga tao na may tapang lumundag
. . . . . . sa daambayan tungo sa walang tinag, basâ sa hamog
. . . . . . na damuhan sa gilid ng lansagan.

Lambat at Magdamag ni Rabindranath Tagore

Mga tulang tuluyan ni Rabindranath Tagore
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

INIHAGIS KO ANG AKING LAMBAT SA DAGAT

Inihagis ko kinaumagahan ang aking lambat sa dagat.

Hinila ko mula sa maitim na kailaliman ang mga bagay na kakatwa at kakatwang kariktan—kumislap ang ilan gaya ng ngiti, kuminang ang iba gaya ng luha, at ang ilan ay namula na parang pisngi ng babaeng bagong kasal.

Nang iuwi ko sa bahay ang bigat ng buong araw na pagsisikap, ang sinta ko’y nakaupo sa hardin at pinipitas ang mga dahon ng bulaklak.

Pansamantala akong nagbantulot, at sa harap ng kaniyang paanan ay inilagay ang lahat ng aking huli, at tahimik na tumayo.

Sinulyapan niya iyon, at winika, “Ano ba ang mga bagay na ito? Hindi ko alam kung ano ang silbi ng mga ito!”

Napatungo ako sa hiya at naisip, “Hindi ko ipinaglaban ang mga ito, ni hindi binili sa palengke. Hindi angkop na handog ang mga ito para sa kaniya.”

At sa buong magdamag, inihagis kong isa-isa sa lansangan ang mga nalambat.

Dumating kinaumagahan ang mga manlalakbay; pinulot nila iyon, saka tinangay doon sa malalayong bansa.

KAPAG MAG-ISA AKONG LUMABAS NG BAHAY SA GABI

Kapag mag-isa akong lumabas sa gabi tungo sa aking katipan, hindi umaawit ang mga ibon, walang sipol ang hangin, at tahimik na tahimik ang mga bahay sa magkabilang panig ng daan.

Tanging ang aking mga sengkil ang umaalunignig sa bawat hakbang, at ako’y nahihiya.

Kapag umupo ako sa balkonahe at pinakinggan ang kaniyang mga yabag, hindi lumalawiswis ang mga punongkahoy, at tubig ay nananatiling nasa ilog, gaya ng tabak sa kandungan ng talibang nakatulog.

Tanging ang aking puso ang tumitibok nang malakas—at hindi ko alam kung paano iyon patatahimikin.

Kapag ang irog ko ang dumating at umupo sa aking tabi, kapag nangatal ang aking katawan at bumigat ang talukap, dumidilim ang magdamag, hinihipan ng simoy ang apoy sa lampara, at tinatakpan ng mga ulap ang mga bituin.

Tanging ang mga hiyas sa aking dibdib ang kumikislap at nagbibigay ng liwanag. Hindi ko alam kung paano iyon ikukubli nang ganap.

Kuha ni Lita Asis-Nero. Hatinggabi sa Batanes. 2010

Kuha ni Lita Asis-Nero. Hatinggabi sa Batanes. 2010