Parabula ng Panatikong Salin, ni Roberto T. Añonuevo

Parábula ng Panátikong Sálin

Roberto T. Añonuevo

Lumulútang ang pinakámagalíng, at sumagì itó sa áking ísip nang mínsang marahúyo sa sepák takráw. Kináinggitán ko ang mga paá sa paligsáhan, na úpang manaíg ay kailángan múnang umangát sa lupà, bumítin sa éyre, salubúngin o saluhín ng sipà ang bólang yantók, sakâ matúling ibalík sa kalában, sa pag-ásang mailálaglág nitó sa lupà ang bóla at magíging katumbás ng púntos. Kaáya-áyang larô, párang fútbol o ténis ngúnit hindî, dáhil báwal sumáyad sa sahíg ang puntiryá, na ang rikít ay nása elégansiyá ng akrobátikong síkad at lambót ng katawán, humahámon sa túlin, résisténsiyá, táyming, at bálanse, at kung nása malayô ka’y higít na háhangàan ang kóordinasyón ng útak, lakás, loób, paa. Isáng tagásubaybáy ng ispórts ang mínsang sumúlat ng bérso at másuwérteng nakáratíng sa ákin, na kung isasálin sa ídyoma ng fándom ay tíla isáng bersiyón ng pámbobóla.

Kumbagá sa Sepák Takráw

Anghél na sumásayáw sa hángin
ang gabí,
sinísipà-sipà ang plánetang 
                                            yantók
pá-alímbukáy sa úlap 
          ng mga brílyanteng alíkabók
úpang ipáling ang tanáw 
na éspasyo
                      at manaíg ang órbit 
at liksí sa régulasyón ng mga regú.
Nanúnudyô ang músika 
ng sángkatérbang bulalákaw.

Ngúnit makirót ang áking sákong.

Ay! Dumalaga kong oras!
Lampás bálag ang lundág mo
at kíta ang lángit!
Sumisírko kang lintík, 
               warìng pá-luksóng tiník
                                 sa hulagwáy
na kung isasálin 
                        sa áking pandiníg
ay sumasábog na buntalàng 
iníimpók sa balón ng karimlán.
Lupígin akó 
sa mapúputî mong bintî at pigî. 
Sikáran akó!
Pápulahín, mínsan pa, sa hiyâ 
ang áking namúmutlâng mukhâ!

Alangáning mainís akó o márimárim, o sadyâng nása ákin lang ang kátangahán, kung hindî man pagkukúlang, sa mga banyágang wikà, ngúnit hindî ko mapígil ang saríling mapáhigikgík mulâ sa mga títik na malandî na’y warìng kináhig pa sa sahíg.

Alimbúkad: Epic poetry chimera walking the dream. Photo by Efecan Efe on Pexels.com

Pulo ng Puso, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Pusò

Roberto T. Añonuevo

Ang gunitâ ng mga paá ay payák, gáya ng kiná Messi at Maradona, at lumahók man sa kampeonáto ng Grondonísta ay makálulusót lában sa bombéro at kortína, babákunáhan ang tarantádong hugadór rustíko, iíwan ang pagóng na libéro at háyop na doblé síngko, paíiyakín ang mainíting gágo, tatakbóng humáhagibís hábang pinátatalbóg o pinágugúlong ang bóla, hindî kailánman buwakáw bagkús liríko kung magpása, at sa pamámagítan ng kányo o sombréro o chílena ay magpápamálas ng golazonón pára pasabúgin ang líbong Bombonéra sa hiyáwan at kargáda. Ganiyán ang madaráma mo sa óras na sumápit sa Pulô ng Pusò. Malúlulà ka roón sa dalúyong ng mga táo, malilímot nang pánandalî ang probléma o trabáho, at mábibingí sa nakáririndíng sigáw na “Henyó henyó henyó, ta ta ta ta, goooooooooool!” Hindî mo mawarì kung saán ka lulugár, gayóng hindî namán infiltrádong hungháng, lálagabóg ang mga tibók mo, at atakíhin ka man sa pusò’y nakángitî pang yayakápin ang kamatáyan. Ikákabít mo ang pag-íbig sa poók na itó, makikísimpatyá sa mga tigmák sa luhàng trápo ng mga ámargo, at pára kang idudúyan ng mga táo na lumúlundág sa galák, tátangayín ng indáyog ng punyagî at tagumpáy, warìng malagíhay sa umaápaw na Vino Toro o kayâ’y sinipà ng espirítu ng Férnando, at pápakyawín ang lahát ng chóripan úpang ipámigáy sa lahát ng pagál at gutóm makáraáng humupà ang lábis na kasiyáhan. Sa Pulô ng Pusò, ang minámahál mo’y walâ sa dibdíb ng báwat panatíkong tagásubaybáy, bagkús nása kólgadong íbig maglarô ngúnit minálas na magpakínis ng bangkô. Sapagkát mayroón siyáng mga paá ngúnit nabigông maípakíta ang galíng sa gambéta; mayroón siyáng úlo subálit hindî nasúbok káhit sa isáng pálomíta. Tatahímik siyá gayóng naglálagabláb ang loób; tatandâan ang páng-aasár ng mga hindót at intsa, halímbawà, kung tawágin siyáng kúlyado gayóng guwápong-guwápo. Ngúnit dáhil túnay niyáng isinápusò ang áwit ng mahál mo, magsasánay siyá nang magsasánay, tátanggapín ang katángahán, mag-aáral nang mag-aáral umulán man o umáraw nang mahigtán ang Bielísta, isasádulâ sa guníguní ang mga angguló ng supérklasíko, hanggáng isílang ang kanáng paá na Ronaldinho at ang kaliwàng paá na Ronaldo. Sa Pulô ng Pusò, hindi mapipígil ang dáloy ng dugô—kayâ’t humáyo sa wikà ng músa mong sinúsuyò.

Epic raging poetry without borders. Photo by Dominika Roseclay on Pexels.com

Ang Tula ni Kobe Bryant

Ang Tula ni Kobe Bryant

Nakalulugod na ang sikat at retiradong basketbolistang si Kobe Bryant ay tumula para pagpugayan ang kaniyang karera sa basketbol. Ang kaniyang tula, na pinamagatang “Dear Basketball,” ay nalathala sa The Players’ Tribune noong 29 Nobyembre 2015, at pagkaraan ay ginawan ng animasyon, at kabilang sa mga nominado ngayon para magwagi ng Academy Award sa larang ng maikling pelikula.

Ang persona ng tula, na isang basketbolista, ay isinalaysay sa paliham na paraan sa kausap na basketbol kung paanong ang simpleng pangarap ng isang anim na taóng gulang na bata ay lumago at naging totoo sa hinaharap. Ang batang binibilog ang mga medyas ng kaniyang tatay para gawing bola, at malimit magpraktis  magsiyut ng bolang magpapanalo sa koponan doon sa kaniyang silid, ang magiging haligi ng tula. Ang mapangaraping bata ay tatangkad at magiging manlalaro, at sasabak sa makukulay na bakbakan sa kort at magwawagi sa maalamat na paraan. Ngunit sasapit ang yugto na hindi na káya ng kaniyang katawan ang maglaro, bagaman sumisigaw ang kaniyang isip o loob na “Sige, magpatuloy!” at kailangan na niyang magretiro.

Masyadong egosentriko ang persona sa tula ni Kobe, kahit sabihing personal ang diskursong namamagitan sa persona at sa karera nitong basketbol. Ang labis na pagmamahal ng persona sa basketbol ang bubulag sa kaniya tungo sa kasakiman, o pagkabuwakaw sa termino ng mga basketbolista, at hindi mababakás sa tula ang pambihirang ambag ng kaniyang mga kakampi sa koponan, mulang alalay hanggang bangkô hanggang miron hanggang coach atbp.  Nasabi ko ito nang mapanood matalo ang paborito kong koponan, ang Cleveland Cavaliers, na bagaman may tatlong MVP, bukod sa mga sikat at atletikong kakampi, ay nabigo sa kanilang kalaban dahil nakaligtaan yata nila ang pakahulugan ng “team work.” Tinambakan ang nasabing koponan kahit naroon si LeBron James, na kinikilala bilang pinakamahusay na basketbolista sa buong mundo sa kasalukuyan.

Sa realistikong pananaw, ang minamahal na larong basketbol ni Kobe na nakabalatkayong persona ay hindi pang-isahang tao lámang, at kung gayon ang kredito sa alinmang tagumpay ay maituturing na kolektibo. Nangangailangan ito ng mga kakamping handang pumaloob sa isang koponan, at handang magtaya, at magparaya para sa ikatatagumpay ng buong koponan. Ibig sabihin nito’y ang pagkilala sa importanteng papel ng bawat isa sa organisasyon, at ang bawat manlalaro, kung magagamit sa pinakaepisyenteng paraan, ang magdudulot ng pagwawagi sa buong koponan. Ngunit para sa persona ng tula, ang kaniyang relasyon sa basketbol ay isang personal na pagdulog, at siya lamang ang sentro, at ang tanging nakikita niya ay kompetisyon. Ang malungkot, nakaligtaan o hindi binanggit sa tula, na ang propesyonal na basketbol ay isang negosyo at laro ng kapangyarihan, at ang negosyong ito na may taglay na pambihirang kapangyarihang lumalampas sa koliseo ang nagdidikta sa magiging takbo ng karera ng mga manlalaro. Sa tula ni Kobe, ang persona sa tula ay hindi maaaring basahin sa punto de bista ng isang mababang uri at nakapailalim na basketbolista, tawagin man itong subaltern, bagkus isang pribilehiyadong manlalarong propesyonal at nasa panig ng maykapangyarihang ibig makahawak palagi ng bola.

Mahalaga sa basketbol ang mga tao na nakapaligid sa mga basketbolista. Dapat kilalanin ang mga tagapagsanay, na handang magpuyat o magrepaso ng video, at magpaliwanag nito sa mga manlalaro upang maiwasang gawin muli ang mga pagkakamali, halimbawa sa depensa o kaya’y opensa. Kailangan ang mga ekspertong estadistiko para mabatid ang kalakasan o kahinaan ng bawat manlalaro. Kailangan ang suporta ng maneydsment, lalo kung may kaugnayan sa kalusugan ng manlalarong nagkaroon ng pinsala sa katawan. Mabuti ring isaalang-alang ang tangkilik ng fans, sapagkat ang anumang suporta nila sa midya man o sa mismong laro, kung minsan, ang nakatutulong para sumigla ang buong koponan at magrali mula sa pagkakatambak, at magwagi bago maupos ang pangwakas na segundo ng laro. Kung tunay ngang mahal ng persona (na bukod sa katauhan ng tunay na Kobe Bryant) ang basketbol, ang kaniyang pagmamahal dito ay dapat makaabot sa kaniyang kapuwa basketbolista—kakampi man o katunggali.

Ang tula ni Kobe Bryant ay sadyang gumanda, hindi dahil sa pambihirang paglalaro ng salita o paglulubid ng talinghaga, gaya ng makikita sa mga tunay na makata at pinupuri ng mga formalista.  Ang tula ay gumanda at naging katanggap-tanggap sa masa dahil sa pambihirang ilustrasyon o animasyon, na tinumbasan ng mahusay na musika at promosyon. Sa ganitong pangyayari, ang tula ay hindi simpleng anyo o nilalaman lámang, bagkus kombinasyon ng dalawa, at hindi maibubukod ang ilustrasyon o animasyon. Dahil maykaya sa búhay, nakuha ni Kobe ang serbisyo ng matitinik na propesyonal sa pelikula at musika, at kung gayon, ang kaniyang tula ay hindi na lamang simpleng tula na binása ng awtor na nagkataong tanyag na personalidad sa basketbol, bagkus naghunos na natatanging kolaborasyon ng iba’t ibang isip at imahinasyon.

Ang kolaborasyon sa paggawa ng pelikula ang maituturing na tunay na prinsipyo ng basketbol, at ito ang esensiya ng konsepto ng bayanihan o sabihin nang “team work.”

Dapat hangaan si Kobe sa kaniyang pagsisikap na sumulat ng tula, at ipaloob sa talinghaga ang kaniyang maningning na karanasan bilang basketbolista. Ngunit para sa akin, ang tula ni Kobe ay isang malinaw na pagkaligta, at isang pagsisinungaling sa tunay na diwain ng sama-samang tagumpay. Ang pagkaligta na ito sa kaniyang mga naging kabalikat ay kataka-takang hindi nakita ng mga hurado ng Academy Awards, na ang hula ko’y ni hindi naman talaga nagbabasá ng tula.

Tula at Komentaryong Panlipunan ni Anastasio Salagubang

Sumikat ang talipanpan [pen name] na “Anastasio Salagubang” sa pitak na Buhay Maynila ng diyaryong Taliba noong mga taon 1927-1928 dahil sa pambihirang komentaryo nito sa lipunan. Araw-araw, binubulabog ng nasabing kolumnista ang bayan at pinupuna sa pamamagitan ng masisisteng tula ang baluktot na pamamahala ng awtoridad, itinutuwid ang magagaspang na asal o sinaunang kaugalian ng mga mamamayan, ipinagtatanggol ang mga api, at ibinubunyag ang masasamang loob. Dahil dito’y dinudulugan ng mga tagasubaybay si Anastasio Salagubang, hinihingan ng payo na para bang si Dr. Love o Dr. Margie Holmes ng modernong panahon,  at siyang pagsusumundan ng gaya nina Mon Tulfo at Mike Enriquez sa patumbalik na pamamaraan, bagaman ang dalawang komentarista ay walang maipagmamalaki sa panitikan.

Si Anastasio Salagubang ay makikilala pagkaraan sa katauhan ni José Corazón de Jesús, na kilala rin sa taguring “Huseng Batute,” ang makisig na makatang may tinig ni Frank Sinatra at titig ni Dingdong Dantes, habang taglay ang tikas o tigas ng pangangatawan ni Manny Pacquiao. Si De Jesus ang tanyag na mambabalagtas noong mga taon 1924-1932, at ang orihinal na makatang tsikboy ng Filipinas, at mahigpit na katunggali ni Florentino T. Collantes na may boses na tumataginting at hindi malalayo sa kabataang John Lennon kung  hindi man Harry Potter.

Isa sa mga katangian ni Anastasio Salagubang ang pagtataglay ng mabisang pagpapatawa, at ang kaniyang mga banat ay nag-iiwi ng kabihasaan sa wikang Tagalog, Espanyol, at Ingles upang laruin at paglaruan ang kaniyang pinapaksa. Maihahalimbawa ang “Biba Panyaaaaaaaa!” na nalathala sa Taliba noong 25 Hulyo 1927:

Biba Panyaaaaaaaaaa!

Ngayon ay araw ng mga Kastila:
Biba Panya!

Agora el piesta de San Tiago Galis,
el mana sebolyas ya pistang alegres,
. . . . . . banderas de sabit
. . . . . . kolgao na kamatis
el mana kastila ta pirot pigotes
biba Panyaaa, biba, el mana Kihotes.

El niña de Sulot ya biste de borlas
manton de Manila de gualda bulaklak
. . . . . . pula’t dilaw lahat
. . . . . . hasta na sebolyas
un poco de asiete un poko lechugas
biba Panyaaa, biba Pelipenas.

El mana torero na kalye Surbaran,
ya luci montilya ta embisti carabaw,
. . . . . . at kabayo mamaw
. . . . . . Lopez Nieto sakay
que kon un kornaso bariles ilandang
torero baliento nabali ang tadyang.

Mana pandereta y los castañuelas,
repiki kampana sabog ang patatas
. . . . . . kastila nang lahat
. . . . . . este Pelipenas
ya muri de negro el mejilla y balbas,
ya llama español negro pa el balát.

Biba, Panyaaa, biba, oh madre imortal
kunin mo po rito ang ilang animal. . .
. . . . . . pag ito’y nagtagal
. . . . . . no puedo soportar,
mas kastila pa po “papa” kung tawagan
pero mas maitim sa isang kalabaw.

Isang taktika na ginagamit ni Anastasio Salagubang ang pagkasangkasapan sa epigrape, at mula rito ay mabubuksan ang usapin na maaaring salungatin, purihin, o asarin niya para sa kagalakan at kabatiran ng mga mambabasa. Ang maikling siping epigrape ay karaniwang mula sa mga pahayagan kung hindi man sa balita na lumalaganap noon sa radyo at nasasagap ng mga komentarista.

Sa tulang “Biba, Panyaaaaaaaaaa,” prominente ang pagtatanghal ng tinig, at mauunawaan lamang ang tinig kung iisipin kung anong tauhan ang umiiral. Ang tinig ay magiging makapangyarihan dahil nakatutulong ito sa pagsasaharaya ng katauhan ng personang lumpeng intelektuwal, at handang magkomentaryo sa lipunan. Ang tauhan sa loob ng tula ay mahihinuhang may alam sa Espanyol, sabihin nang nagdudunong-dunungan ngunit nang-uulol, at ang kolonyal na mentalidad ay nilalaro sa pagkasangkapan mismo sa Kastag (Kinastilang Tagalog) na sa panahon ngayon ay katumbas ng Taglish (Tagalog English).

Nilalaro rin sa tula kahit ang sigaw na “¡Viva, España, Viva!” ngunit hinihimok ang Inang Sukaban [madre imortal], ayon sa termino ng Katipunan, na kunin ang ilang animal na maipagpapalagay na makapangyarihang opisyales ng Filipinas at alta-sosyedad na pawang utak-kolonyal na ibig maging puti bagaman ang tunay na kulay ay itim na itim.

Ang higit na mahalaga sa tula ay kung paano ginawang kakatwa ng persona ang paglalarawan sa kaniyang paligid: ang pista ng San Tiago Galis (na mahihinuhang hinugot ang alusyon sa tauhang Kapitan Tiyago ng  Noli me tangere ni Jose Rizal, o kaya’y tumutukoy sa Santiago, Chile na pinakamalaking lungsod sa Chile). Ang naturang pagdiriwang ay karnabal ng mga kakatwang imahen, mulang banderas at pasabit hanggang prusisyon ng mga kabayo at kalabaw hanggang pagpapatunog ng pandereta [tamborin], kastanuwela [kastanet], at kampana. Sa wakas, ang tunay na Espanyol ay may kayumangging balát, at kung umasta’y higit pa sa tunay na banyagang mananakop.

Mababatid na ang mala-karnabal na presentasyon ni Anastasio Salagubang ay pagyanig sa poder ng kapangyarihang Espanyol, saka iniinis ito para mapawi ang taglay na tiwala ng madla. Sa gayong paraan, mapaglalaho ang kontrol ng kolonyal na awtoridad sa publikong Filipino upang mapanumbalik ang mataas na pagpapahalaga sa pagka-Filipino. Samantala, ang wikang Kastag na dating sinisipat na mababang uri ng wika—gaya lamang ng jejemon at bekimon—ay napaghunos na midyum ng himagsikan upang uyamin ang mga tao na may baluktot na halagahan hinggil sa kanilang lahi.

Konsistent si Anastasio Salagubang sa paninindigang kontra-imperyalista, at mababatid ito sa isa pang halimbawang tulang pinamagatang “Ang Sasabitan ng ating Bandera” na lumabas sa Taliba noong 30 Hulyo 1927.

Ang Sasabitan ng ating Bandera

“Ako’y naiinis, kung makita kong magkapiling ang bandilang amerikano at pilipino. Dapat hulihin ng mga sundalo at ipagbawal sa mga paaralang nayon, ang ginagawang pagsisiping ng bandilang amerikano at pilipino.”
—Senador Bingham

Altura: 6 piyes, 4 pulgada
Poso: 198 libras
Edad: 58 anyos

Mahal na Senador na kagalang-galang,
kung ang salitaan nati’y pataasan,
kung itong medida ay sa patangkaran,
. . . . . . puede ka pong tagdan
. . . . . . sais talampatakan,
isasasabit namin sa tenga mong mahal,
ang aming bandilang karangal-rangalan,
at ikaw ang siyang puno ng kawayan.

Kung ang taas naman nitong isip natin,
ang pagtatangkaan na iyong sukatin,
ma malaking kahoy, nguni’t walang lilim,
. . . . . . dapat mong basahin
. . . . . . iyang good manner,
maliit mang bayan, ang amin ay amin,
at imbesilidad na iyong nasain,
ang di ninyo lupa’y piliting sakupin.

At naiinis ka tuwing makikita
dalawang bandera ay nagkakasama
ang sa pilipino’t sa amerikana?
. . . . . . alisin ang isa
. . . . . . isa ang itira. . .
Lupang hindi iyo’y huwag kang manguha,
tanggalin sa amin ang p’ranha’t estrelya,
bayaang ang aming bandila’y mag-isa.

Ang bandila namin kahi’t na nga ganyan,
iyan ay dakila, iyan ay marangal,
dito kailan man ay hindi sumilang,
. . . . . . iyang mangangamkam,
. . . . . . iyang salanggapang,
at kung mayro’n dapat alisi’t ilagay,
ilagay sa amin ang sa aming bayan,
at alisin dito ang mga militar.

Tahas na pinupuna at sinasalungat ng tulang ito kung bakit tutol si Sen. Hiram Bingham na pagsipingin ang bandilang Filipino at Amerikano. Tinututulan ng tula ang pananakop ng Estados Unidos sa Filipinas, at ipinagmamalaking may madugong kasaysayan ang pagkakabuo ng bandilang Filipinas. Ang pagbanat sa Amerikano ay kaagapay ng paggigiit ng kasarinlan, at ang sukdulan ay pagpapatalsik sa mga sundalong militar na Amerikano.

Ang maganda sa tula’y maging ang anyo ng saknong ay waring anyo ng magkatabing bandila na ang unang tatlong taludtod na lalabingdalawahing pantig ay ibinukod ng dalawang taludtod na tig-aaniming pantig, at siyang sinundan naman ng tatlong taludtod na lalabingdalawahin ang panting. Isahan lamang ang tugma, ngunit naiiba ang indayog dahil sa pag-iiba ng bilang ng mga taludtod.

Walang sinasanto si Anastasio Salagubang na kahit ang mga Tsino ay pinupuwing dahil sa pamamaraan nito ng rebolusyon, na tumatakbo sa bundok tuwing may putukan, at kung may pusong mamon ang pinatutungkulan ay baka ipagkamaling duwag nga ang mga taal na Tsino [Huwakyaw] sa Filipinas. Ngunit ang totoo’y inihahayag lamang niya ang taktikang gerilyang digmaan, at ang pag-urong nito sa labanan ang nakatutulong sa pananagumpay. Pansinin ang tulang “Ang Komperensia [Kumperensiya] ni Quezon” na nalathala sa Taliba noong 12 Agosto 1927.

Si Quezon ay gagawa ng panayam bukas ng ukol sa pagkakasulong ng mga intsik, at ang mga intsik dito sa Maynila ay nagkakagulo sa pagnanasang marinig si Quezon.

Ako palon Sanghay, akyen bago damit,
ako alam nayon sabi ngawa intsik,
akyen kita doon intsik nagagalit
sa pareho insiak nguni anak ahit.

Akyen kita loon laban araw-araw,
putukan ng bomba wala namamatay. . .
Pa’no intsik sungsong sila tapang-tapang,
isang putok takbo, tago sa kalaban.

Intsiak isang daang taong nagigiela,
wala lin paktelo, wala lin lisgrasya,
matapang ang instsiak, sa putok sa bomba
takbo na sa bundok tago pa. . . wapea. . .

Intsiak na batalya giera sa bunganga,
away intsik beho malami salita. . .
Pundia sa bahay, patago sa lungga
putukan-putukan wala isa tama.

Akyen napupuli instsik rebolusiong
parang pansit longlog may mike at  may bihon,
isang putol lamang takbuhan sa Sungsong,
wala napapatay, sampu libo taon.

Manuel Ele Kezzon
Anak lin sa Sungsong

Hindi ko alam kung matutuwa nito si Pang. Manuel L. Quezon, dahil ang persona sa tula ay ginagagad ang kaniyang pananalumpati at pagsasalita na parang Sanglay [Tsino]. Si Kezzon ay nagagalit umano sa Intsik na nagagalit sa kapuwa Intsik, lalo umano sa pagnenegosyo. Ngunit ang matindi rito’y matagal nang nakikihamok ang mga Intsik at maraming digmaan, at para magtagumpay ay pinipiling tumakbo sa bundok at lumitaw pagkaraan kapag wala nang sigalot. Ang pagpuri kung gayon sa rebolusyong Tsino ay pabalintuwad, at mahihinuha rito na inuuna ng mga lahing Tsino ang sarili kaysa pambansang kapakanan ng mga Filipino. Higit na lalawak ang pagbasa kapag isasaalang-alang ang pahiwatig ng “sungsong.” Sinaunang Tagalog ang “sungsong” na nangangahulugang “hilaga ng bugso ng habagat,” at kaya itinutumbas ito sa paraan ng paglalayag nang pasalungat sa hangin o alon. Kung si Kezzon ay anak ng Sungsong, mahihinuhang sinasalungat din niya ang mga Intsik kahit sabihin pang may dugo siyang Intsik.

Isang paraan pa lamang ito ng pagsipat, at maaaring matingnan sa iba pang anggulo ang pamumuna ni Anastasio Salagubang. Halimbawa, mauurirat ang kumbensiyong naitakda ng limitadong espasyo ng kaniyang kolum sa balita; ang lohika ng paglalahad at argumentasyon; ang eksperimentasyon sa pananaludtod at paglalaro ng salita; ang lawak ng bokabularyo at pintungan ng mga dalumat; ang mga paksang tinatalakay mulang politika hanggang kultura hanggang isports at aliwan; at ang pagpapatawang nakakikiliti sa guniguni ng taumbayan. Ang ganitong pag-aaral ay sapat nang disertasyong doktorado, at hinuhulaan kong malaki ang magiging ambag para lalong maunawaan ang pambihirang panulaang Tagalog noong nakaraang siglo.

Iyang Pagpapangalan

Salita ang bumubuo ng publikong imahen ng tao, at ang masining kung hindi man tusong paggamit nito ay makalilikha ng pambihirang konseptong sasaklaw sa guniguni ng madla. Ang mga taguring “King of Rock & Roll,” “King of Pop,” at “Asia’s Songbird” ay maaaring sumaklaw hindi lamang sa angking husay ng tao sa piniling larang na musika, bagkus sa negosyo at kulturang isinusulong nito. Ang musika ay lumalabas sa dating lunan ng pagtatanghal, at nakakabitan ng mga diwaing maharlika, samantalang ang publiko ay mistulang sakop sa gayong halina. At ang mang-aawit ay nagiging pambihira, dahil ang taguri sa kaniya ay posibleng lampas sa kayang ipakita ng kaniyang talento sa pagtatanghal.

Ang pagpapangalan ay tumutulong upang matandaan ng madla ang isang personalidad. Maihahalimbawa ang mga ikonikong pangalan sa resling noong dekada 1980, gaya nina Ricky “The Dragon” Steamboat, George “The Animal” Steele, Jake “The Snake” Roberts, at Jimmy “The Superfly” Snuka, dahil kakabit ng mga pangalan nila ang konsepto ng hayop o insektong mabagsik at nakamamatay. Samantala, ang pagiging ilahas ay itatampok ng gaya nina Randy “Macho Man” Savage at Brett “The Hitman” Hart na hindi lamang guwapo at makisig bagkus maaasahang tirador sa loob ng lona. Ang paglalaban sa lona ay kapuwa isports at aliwan, at naging makulay dahil sa introduksiyon ng madulaing tagpo ng mga bakbakan at katauhan ng mga kalahok.

Hindi magpapahuli ang Filipinas sa kalakaran sa ibayong dagat. May “Living Legend,” “Fortune Cookie,” “Sky Walker,” “El Presidente,” at iba pang taguri na hindi lamang magpapasikat sa basketbolista bagkus magpapakilala rin ng saklaw ng Philippine Basketball Association (PBA) noong dekada 1970-1980. Ang pagpapakilala ay dapat ipapataw ng iginagalang na komentarista, gaya nina Joe Cantada at Ed Piczon, upang maging kapani-paniwala sa madla. Mauulit ang gayon sa bilyar, gaya ng Efren “The Magician” Bata Reyes; at sa boksing, gaya ng taguring “Pound for Pound King” kay Manny Pacquiao.

Pinakamalakas ang datíng ni Michael Jordan na tumulong nang malaki upang makilala ang brand ng sapatos na Nike. Dahil kay Jordan, ang Nike ay hindi naging ordinaryong gomang sapatos bagkus sapatos na kayang magpalutang sa eyre ng kaniyang mga panatikong tagasunod. Ang sapatos ay nagdaragdag ng prestihiyo at angas sa mga manlalaro kung hindi man tagahanga. Ang sapatos at basketbol ay nagkaroon din ng pagsasalikop ng katangian, at umabot hanggang ibang larang gaya ng moda, agham, siyobis, at politika. Ang ehemplo ni Jordan ang sinisikap pantayan ngayon ni Pacquiao, bagaman walang malinaw at konsistent na produktong isinusulong si Pacquiao kundi pain killer at serbesa.

Isang taktika ng propaganda ang pagpapangalan. Ang isang tao ay dapat mahusay at tinitingala sa kaniyang larang, at ang husay na ito ang lilinangin ng mga anunsiyante para ikabit sa isang produkto o simulain. Nagmimistulang ekstensiyon ng produkto ang tao, dahil ang katangian ng tao ay isinisilid sa produkto. Samantala, kinakailangan ang sari-saring pagdulog sa tao upang maging isang ganap na ikon. Kabilang dito ang paghuli sa tiyak na kilos o pagsasalita, kisig o ngiti sa publiko; o kaya’y paulit-ulit na pagpapamalas ng serye ng mga hulagway o salita gaya sa MTV video. Madaling magwakas ang pagiging ikon ng isang tao kapag pumusyaw ang halina ng personalidad, halimbawa sa sandali ng kabiguan o kasawian, o kaya’y natuklasan ang kapintasan ng produkto. O kung sumulpot ang bagong personalidad na tatabon sa kasikatan ng nauna sa kaniya.

Ang pagpapangalan ay estratehiya ng marketing, at dito matutunghayan kung paano ginagamit ang meme para bilugin ang isip ng madla. Ang meme ay maaaring jingle, poster, slogan, retrato, at kung ano-ano pang bagay. Nawawalan ng kakayahan ang isang tao na makapag-isip, wika nga ni Richard Dawkins, at masasagap niya ang isang diwaing lihis man sa lohika at saliksik nang parang ganap na katotohanan. Ang problema sa ganitong pangyayari, bagaman napapanatili ang kaayusan sa lipunan ay lumilikha naman ng mga saliwang pagtanaw sa daigdig palayo sa katotohanan. Halimbawa, gaano man kaganda ang sapatos na Air Jordan, hindi ito makatutulong upang humusay ka sa basketbol. Kailangan ang siyentipikong pagsasanay at talento, at kung minsan, suwerte upang tumanyag.

Maaasahan ang pagpapangalan sa panahon ng halalan. Ang politikong kandidato ay magiging laman ng palengke, kalye, ospital, paliparan, pamayanan, at kung saan-saang lugar. Kailangan niyang magpamalas ng partikular na imahen, gaya sa pananamit at pagsasalita, at ang imaheng ito ang ikakabit sa pagpapangalan na kaugnay ng meme. Kung hindi ito gagawin ng kandidato, maaaring malaglag siya sa sarbey at langawin ang kaniyang kandidatura. Samantala, malaki ang gagampanang tungkulin ng mga partido politikal ng bansa, dahil magsusulong ito ng mga adyenda para sa susunod na administrasyon sakali’t magwagi sa halalan. Kung ang kandidato ay mananatiling nakakahon sa pagpapangalan, ang mga plataporma de gobyerno ay maaaring matabunan sa kampanya, at nakapanghihinayang na hindi makaiigpaw ang halalan sa mababaw na pamumulitika.

Prinsipyo ng Karahasan

“Isang prinsipyo ang karahasan,” nawika ni Thomas Mann, “na lubhang ginagawang payak ang mga bagay; hindi nakapagtataka na maintindihan iyon ng masa.” Ang karahasang ito ay makapagbabalatkayo sa multi-milyong boksing na magpapaapaw sa koliseo, magpapainit sa komunikasyong panghimpapawid, at magpapasiklab sa kapuwa paghanga at poot ng mga maykaya’t dukha. Hahatakin ng nakapagpapaindak na musika ang masa, at habang lumalapit ang oras ng bakbakan sa ruweda ay lalong sumisigabo ang mga halakhak, palakpak, at hiyawan ng sandaigdigan.

Payak ngunit masining na paraan ang boksing kung paano huhubugin ang isip ng masa, samantalang nalulustay ang panahon sa haba ng mga anunsiyong komersiyal sa midya, at nakalalango ang alak, huntahan, at panoorin. Malalapatan ng sagisag ang bawat boksingero, at ang sagisag ay ikakabit kahit sa lahi, relihiyon, edukasyon, agham, ekonomiya, at heograpiya. Dalawahang panig ang daigdig, ayon sa estruktura ng karahasan, at pangunahin na rito ang tambalang tagumpay-kabiguan, at ang pagbubunyi-pagkalugami. Ang pagpapakilala sa mga magkatunggali ang mahalaga, dahil ang bawat boksingero ay dapat angkupan ng taguri at mito, na kaduda-duda man ay madaling palampasing kapani-paniwala, lalo kung uulit-ulitin bilang dogma ng mga komentarista at opisyales ng pamahalaan.

Ang pagdarasal ng boksingero bago simulan ang boksing ay pagsasadula lamang muli ng mga sinaunang gawi bago sumuong sa digmaan. Tatawagin, at aamuin, ng mga mandirigma ang kanilang mga diyos, at pagkaraan ng taimtim na pagdarasal ay magaganap ang mababagsik na pagpugot ng ulo, pagbihag sa mga alipin, pagdambong sa mga ari-arian, pagsunog sa pamayanan, at pagyurak sa dangal ng mga babae’t kabataan. Ngunit higit na masining ang panahong ito, dahil ang magkatunggaling boksingero ay ekstensiyon na lamang ng masa na mabilis nawawalan ng matatayog na diwain o halagahang magpaparikit sa kanilang lunggati at katauhan.

Ipalulunok ng mga promotor ng boksing ang anila’y sariwang kabatiran, na maaaring pagsilang ng bagong Tagapagligtas ng Isports at Negosyo, at ang kasaysayan ay hindi na magbabalik sa paglibak sa paglahok sa digmaan sa Vietnam, bagkus sa pagkaligta, kahit sandali, sa madilim na panahon sa Afghanistan, Iraq, Lebanon, Tibet, Palestine, Pakistan, Somalia, Sri Lanka, at kahit dito sa Filipinas. Masasabik ang masa sa pagputok ng kilay o pagkatal ng panga, o kaya’y sa palitan ng mga bigwas at kadyot. Magaganap ang digmaan sa mga isip ng mga manonood, at umulan man ng mga pusta ay ipagtatanggol kahit ang sugatang manok. Tatanggapin ang pagbabaw ng kaligayahan, dahil ano ang ipinagkaiba ng boksing sa sabong? Maaaring nagagabayan ng ilahas na silakbo ang manok, kompara sa tao na umaandar ang isip at guniguni. Ngunit magkakahawig ang mga ito sa bakbakan, at sisikaping maging simple ang tunggalian.

Sinasagap ng makabagong tao ngayon ang karahasan nang matindi ang panlilinlang, at nakukumunoy siya sa romansistang pakikibaka. Nananaig ang kuro-kurong maiiangat ng mga kamao ang bansa kahit sa sinumang kalaban, anuman ang dibisyon o timbang o panahon, at ang ganitong paniniwalang saliwa ngunit malaya, ang magbabaon din sa kaniya sa antas ng higit na kahirapan, kabiguan, at kamangmangan.

Manny Pacquiao at Filipino

Pinakaaabangan sa lahat ang laban ni Manny Pacquiao kontra Oscar de la Hoya at malaki ang kaugnayan dito ng promosyon ng boksing para kagatin ng madla. Si Pacquiao ay hindi na ang dating probinsiyanong nagbaka-sakali sa Maynila, at isinugal ang buhay sa ring para mairaos sa hirap ang pamilya, bagkus isa nang kosmopolitanong artista at negosyante at mandirigma. Ipinapalagay ng ibang komentarista na kumakatawan din si Pacquiao bilang Filipino sa loob at labas ng Filipinas, at sa estado ng propesyonal na boksing sa buong mundo. Ngunit si Pacquiao, gaya ni De la Hoya, ay isa ring kalakal na dapat itanghal upang pagkakitaan ng gaya ng malalaking network ng telebisyon, radyo, at pahayagan.

Maituturing na tatak-pangkalakal ang pangalang Manny “Pacman” Pacquiao, at bilang tatak ay dapat protektahan sa merkado. Mapapansin ito sa mga hirit ni Freddie Roach, na bukod sa matalinong gabay ni Pacquiao ay tumatayong taliba sa magiging katauhan ng kaniyang manok sa harap ng madla. Ang imahen ni Pacquiao ay iingatan din ng mga anunsiyante, mulang sapatos at medyas hanggang shorts at glab hanggang bitamina at gamot. Bibigat lalo ang imahen ni Pacquiao sakali’t manalo, at marahil kahit ang pangulo at iba pang politiko ay nakahanda na ang pahayag ng pagbati at pagsakay sa nakatutulirong kasikatan.

Dinalaw kamakailan ni Mike Tyson si Pacquiao, at marahil nadama ni Tyson ang dating silakbo at sinaunang lunggati na panaigin ang mga kamao sa magagaling na katunggali. Taglay ni Tyson noon ang ilahas na tapang at tibay ng katawan, ngunit gaya ng iba’y maaakit ng makamandag na layaw na kakabit ng tagumpay. Nasa palad ni Pacquiao ang lahat ng pagkakataon, at gaya ni Tyson, ay uukit ng sariling pangalan sa listahan ng mga dakila sa pamamagitan ng matutulis na suntok at kadyot. Ngunit taliwas kay Tyson, higit na mautak si Pacquiao sa paghawak ng kayamanan at puhunan, at hindi ako magtataka kung pumalaot din siya bilang promotor ng boksing at iba pang negosyo.

Ibigay ang karapat-dapat kay Pacquiao, at maging simbolo man siya ng Filipino ay mabuting pakasuriin pa rin. Ang boksing ay agham at sining ng bakbakan, at bilang bakbakan ay posibleng mahaluan ng pustahan, dayaan, at iba pang kabalbalan. Ang pagiging Filipino ay higit sa maitatakda ng tigas ng kamao at tibay ng panga at tatag ng sikmura. Ang pagiging Filipino ay hindi maiaasa sa magiging pasiya ng mga hurado at ipinahihiwatig ng hula o bituin. Maaaring nakikipagsapalaran ang Filipino sa kung saan-saang pook, ngunit hindi nangangahulugan iyon na para manaig ay kailangang manapak at patulugin ang kalaban, o kaya’y umasa sa magiging pasiya ng inampalan at suwerteng dulot ng sugal o pustahan. Napakaliit ni Pacquiao para lagumin ang gunita, simulain, at pangarap ng sambayanang Filipino.

Subalit malaya pa rin tayong maniwala, at paniwalaan si Manny Pacquiao na itataas ang mga kamay bilang hudyat ng bagong tagumpay.