Awit ng Bihag na Uwak, ni Georg Trakl

Salin ng “Gesang einer gefangenen Amsel,” ni Georg Trakl ng Austria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Awit ng Bíhag na Uwak

Para kay Ludwig von Ficker

May hiningang itim sa mga lungting sanga.
Binálot ng munting bughaw na bulaklak
Ang mukha ng nag-iisang tao, at naupos
Ang gintong hakbang sa lilim ng punong olibo.
Pumapagaspas ang gabi sa lasing na pakpak.
Marahang dumugo ang pagpapakumbaba,
At tumulò ang hamog sa sumupling na tinik.
Ang malasakit ng nangagniningning na bisig
Ay yumayapos doon sa nabibiyak na puso.

Walang lagusan ang aking katawan, ni Maria Shkapskaya

Salin ng “Было тело моё без входа,” ni Maria Shkapskaya ng Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Walang lagusan ang aking katawan

Walang lagusan ang aking katawan, ngunit
nakalapnos sa akin ang itim na usok:
Yumukod siya’t lumukob sa katawan ko—
ang sungayang kaaway ng sangkatauhan.

Pumikit ako’t nilimot ang angking dangal.
Ibinukás sa kaniya’y buong loob ko
upang ang pusón ko’y magkabinhi’t umumbok
at isilang ang anak kong kaibig-ibig.

Himig sa Gabi, ni Naomi Long Madgett

Salin ng “Nocturne,” ni Naomi Long Madgett ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Himig sa Gabi

Masdan kung gaano kadilim ang gabing lumatag sa aking mukha,
Kung gaano kalalim ang mga ilog ng aking kaluluwa
Na dumadaloy nang panatag at malakas.

Mga ritmo ng mga nilimot na kagubatan
Ang pumipintig sa mga ilahas na anino ng aking awit,
At ang sigaw ko’y makutim na puntong lihim ng mga tigmamanok.

Sa ibabaw ng mga ulingang lambak ng aking pighati,
Hinuhubog ng aking maiitim na kamay
Ang mga piramide ng basal na luwalhati.

Masdan kung paanong marahang ibinalabal ng Diyos ang kaitiman sa mundo.
Sa palagay mo ba’y hindi ako maganda?
Nagsisinungaling ka!

Pagkanegro, ni James Emanuel

Salin ng “Negritude,” ni James Emanuel ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagkanegro

Itim ang unang pakò na aking niyapakan;
Itim ang kamay na pumawi sa aking luha.
Itim ang unang matandang aking napansin;
Itim ang pamatok ng kaniyang mga taon.

Itim ang naghihintay sa pook ng karimlan;
Itim ang sahig na kinalugmukan ng mga siga.
Itim ang kuwentong tigmak sa pighati;
Itim ang kapatiran ng mga pagdurusa.

Itim ang tahimik na pintong yari sa bakal;
Itim ang landas ng dumarako sa hulihan.
Itim ang paglikô sa paglipas ng mga taon;
Itim ang mga talaarawan ng isipan.

Itim ang mga kamao ni Gabriel Prosser;
Itim ang lastag na dibdib ng Manlalakbay.
Itim ang patay na ina ng batang mag-aaral;
Itim ang batang namumukod sa iba pa.

Itim ang paggaralgal ng isang motor;
Itim ang tapak kapag naging berde ang ilaw.
Itim ang bukbuking papel ng nakaraang taon;
Itim ang ulong-balitang hindi pa nababása.

Itim ang pasaning magiting na inihihimig;
Itim ang krus na pawis sa pagbangon ng bayan.
Itim ang batang kilala ang kaniyang mga bayani;
Itim ang paraan ng pagyao ng bayang bayani.

Stop weaponizing the law. No to Chinese invasion. Yes to people power. Yes to human rights. Yes to humanity!

 

Sa isang kabataan, ni Nancy Morejón

Salin ng “A un muchacho,” ni Nancy Morejón ng Cuba
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa isang kabataan

Habang unti-unting lumalatag
ang dapithapon,
umahon ang kaniyang likod
na taglay ang bulâ ng alon at taog.

Kinuha ko ang itim niyang mga mata,
gaya ng batotoy sa gulaman ng pasipiko.

Kinuha ko ang maninipis niyang labi,
gaya ng asín na nadarang sa buhangin.

Sa wakas, kinuha ko ang balbasin niyang
babà na kumislap sa sinag ng araw.

Isang kabataan ng mundong gaya ko:
ang mga awit ng bibliya
ang humubog sa kaniyang mga binti,
bukong-bukong, at ubas ng kasarian.
Mga himig na tigmak sa ulan ang umagos
sa kaniyang bibig na bumilibid sa amin,
na tunay na pagmamahal,
gaya ng mga magdaragat na naglalayag
sa walang katiyakang karagatan.

Nabubuhay ako sa kaniyang mga yakap.
Ibig kong mamatay sa matipuno niyang bisig,
gaya ng isang nalulunod na kanawáy.

Rosas, Toro, at Gabi, ni Zakariyya Mohammed

salin ng “The Rose and the Bull” at “Night,” ni Zakariyya Mohammed ng Palestine.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Rosas at Toro

Itim ang rosas kapag gabi

Sa gabi, ang torong itim
ay lumilipad palayo sa rosas
Itinutusok nito sa balát
ang dalawang sungay na pilak

Itim ang rosas kapag gabi
Tumutulo sa mga sungay nito
ang dugong lumigwak
mula sa kawawang nagdaraan

Sa gabi, ang rosas ay itim

Ngunit kapag may araw,
ang itim na toro ng rosas
ay isa lamang aninong
nakabalatay para tambangan

Kayâ mag-ingat
kapag pumitas ng rosas
Mag-ingat

Magdala ng patalim
nang malapit sa puso
upang paslangin
ang naturang toro

na nakahimlay
nang buong araw
at nakatiklop na mga talulot
sa pinakapuso ng rosas

* * *

Gabi

Pinaaalimbukad ng gabi ang makamandag na bulaklak
Tumatagos iyon sa buong kalangitan
gaya ng tinturang humalo sa tubig

Pinabubuka ng magdamag ang bulaklak nito
para sa mga solitaryong hindi makatulog
na nangadarapa sa bawat paghakbang

Bumabálot sa lungsod ang gabi
tulad ng mga walang bahay na tao na lumalabas
mula sa masisikip na pasilyo at silong

Pinabubukad ng gabi ang makamandag nitong bulaklak
habang ang sindak ay gumugulong sa hagdan
gaya ng pakwan
Digmaan

ang digmaan ay nasa panginorin, itaga mo sa bato
Kumukulo ang gulo

Inalagaan ko ang aking mga bangungot
at pinalago gaya ng mga ulap

Mula sa balabal ng karimlan
ay nakararating ang pabatid—

mga tsismis ng mga mandaragit at eroplano
metalikong isda at artilyeriya

Pinatibay ko ang aking moog
na gumuguho sa aking harapan

Napipinto sa amin ang sakuna
ng mga bato, tinik, at wasak na lupain.

Tanging ang hindi matitinag na araw
ang nakaaalam kung gaano katagal

kung gaano karahas, kung gaano kalupit
ang aming magiging digmaan

Tanging ang araw
ang makapagsasabi

kung paanong ang lagablab ng apoy
ay nakasusunog sa gilid ng kalawakan

Aralin sa Dyip

Sumibad ang dyip sa daan. Sumibad ang sarikulay na dyip na sakay ang sampung pasahero sa walang hanggahang daan. Ang daan ay kalyehon at haywey sa loob ng parisukat sa loob ng bilog, at ang bilog ay isang tuldok sa puso. Ang sampung pasahero ay sampung identidad na iisa ang katawan, ngunit kung ito ang itinitibok ng puso ay walang makaaalam. Iisang katawan at sandaang kalooban. Kung paano mo nauwaan ang mga pasahero ay pag-unawa sa dyip na umaandar o nakahinto.  Samantala’y parang bandila ang mga kulay, iba ang nakapahid sa balát at iba ang balát sa ilalim ng bálat. Itatanong mo kung dyip nga ba iyan o banderitas sa pista at halalan. Sumibad at huminto ang dyip. Naglaho ang mga kalye, at walang kanto ng kanan o kaliwa. Saan daan ka sumibad? Kung ako ang tsuper mo’y isasakay kita tungo sa kalawakan ng itim. Ngunit hindi ako tsuper, bagkus malaya mong isiping batas na itatakda ni Newton o Galileo.

[“Aralin sa Dyip,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo, 26 Nobyembre 2012]

Kahong Itim ni David Lazar

Tulang tuluyan ni David Lazar
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

KAHONG ITIM

Ibig kong lumipad sakay ng kahong itim; at mamuhay minsan sa loob ng itim na kahon. Oo, doon sa mga kahon na itinatago nila sa mga eroplano, na malimit natatagpuan at laging ligtas. Noong nakaraang linggo, isang maliit na eroplano ang bumulusok sa hilaga ng bayan. May kuha ng pagkawasak at tala ng mga edad ng nasawi. Madalas kahawig iyon ng munting eroplano, na animo’y kinuyumos na laruan sa kagubatan. May usok mula sa bumagsak na eroplano, o ulop lamang iyon? Ang ulop sa parehong di-kilalang tanawin, mga pino o olmo o abó, na may malawakang pagpaslang na nakalipas nang ganap. Saka pag-uusapan nila ang itim na kahon at ang malabong pangyayari. Walang maiuulat. Hihinto ang komunikasyon. Ang nawalang blip sa iskrin ng kompiyuter ay katumbas ng kamatayan sa lupain. Kung minsan ang eroplanong maliit at pribado ay hindi na lamang magpapakita sa dapat nitong lapagan. Dalawang araw pagkaraan, isang babae ang di-makabibiyahe sa uring pangnegosyo, at isang lalaki ang mawawala sa pagtitipon. At halos kisapmatang malilihis ang usapan ukol sa kahong itim, ang lantay na espasyo na may pangwakas na mga salita, mga salitang umaagos habang humihiyaw pabagsak ang eroplano. Naisip ko: Kung naroon lamang sila sa loob ng kahong itim ay ligtas sila ngayon, at nailigtas sana sila. At naisip ko: Hayaang makuyumos ang mga salita sa lupain, hayaang hindi makalabas ang mga salita. At hayaan ang mga itong mag-akay sa sinuman papalabas ng kahon, na binuksan ng dambuhalang susi na itinatago ng mga ahente mula sa ahensiya. Bukás ang takip, at naroon sila: edad kuwarenta y dos, at beynte siyete, at nuwebe, mula sa Dayton, mula sa Poughkeepsie, mula sa Encino, nakangiti at umiiling, kaya maiimbento natin ang gayong mahiwagang kahon. At kung gaano kadaling makuha ang kahon, at napakamura: para sa kotse, bangka, bahay. Palaging matatagpuan ang kahong itim, at madalas tayong naroon sa loob, at malimit ligtas, at lalabas tayo para magpaliwanag. Alam natin kung paano naganap ang mga bagay, at nakatitiyak na tayo’y makalilipad pang muli.

Kahong Itim

Kahong Itim, retrato mula sa commons.wikimedia.org. Dominyo ng publiko.

Dalawang Tula ni Langston Hughes

salin ng mga tula ni Langston Hughes
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

NAGWIWIKA NG MGA ILOG ANG NEGRO

Batid ko ang mga ilog:
Batid ko ang mga ilog na sintanda ng daigdig at higit na matanda sa daloy
ng dugo ng tao sa mga ugat ng tao.

Lumalalim ang aking kaluluwa tulad ng mga ilog.
Naligo ako sa Ewfrates nang musmos pa ang mga madaling-araw.
Nagtayo ako ng kubol malapit sa Congo at pinahimbing ako sa pagtulog.
Tinanaw ko ang Nilo at nagtirik ng mga piramide sa ibabaw niyon.
Narinig ko ang awitan sa Mississippi nang si Abe Lincoln ay magtungo
pababa ng New Orleans, at nakita ko ang maputik nitong dibdib
na naghunos ginintuan pagsapit ng takipsilim.

Batid ko ang mga ilog:
Ang sinauna, makulimlim na mga ilog.

Lumalalim ang aking kaluluwa tulad ng mga ilog.

AKO RIN

Inaawit ko rin ang Amerika.
Ako ang higit na maitim na kapatid.
Pinapupunta nila ako sa kusina para kumain
Kapag dumating ang pangkat,
Ngunit tumatawa lamang ako,
At kumakain nang sapat,
At lumalaking malakas.

Bukas,
Naroon ako sa hapag-kainan
Kapag dumating ang pangkat.
Walang maglalakas-loob magsabi
Sa aking,
“Kumain ka sa kusina,”
Doon.

Bukod pa’y
Makikita nila kung gaano ako karikit
At walang pagkapahiya—
Ako rin ay ang Amerika.