SAWIKAAN at Wikang Pambansa

Mainit na tinangkilik ng mga akademiko, estudyante, editor, manunulat, at iba pang may malasakit sa wika ang nakaraang SAWIKAAN 2010 na ginanap noong nakaraang linggo sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. May 250 kalahok mulang hilaga hanggang timog ng Filipinas ang nakiisa, at nagpalitan ng kuro-kuro kung paano mapayayaman ang wikang Filipino. Ang Sawikaan ang isa sa mga tanyag na pambansang kumperensiya na isinusulong ng Filipinas Institute of Translation Inc. (FIT) tuwing taon.

Nagwaging Salita ng Taon ang “jejemon” na ipinagtanggol ni Dr. Rolando Tolentino at pinili ng mga hurado mula sa lupong binuo ng FIT. Napili sa ikalawang puwesto ang “ondoy” na ipinakilala ni Jayson Petras at pumangatlo ang “korkor” ni Schedar Jocson at “tarpo” ni Jelson Capilos. Samantala’y tumanggap ng People’s Choice Award ang “tarpo” mula sa buong kapulungan ng mga delegado.

Batay sa napagpasiyahan sa serye ng mga pulong ng FIT, ang Salita ng Taon ay “maaaring bagong likha; bagong hiram mula sa katutubo o banyagang wika; luma ngunit may bagong kahulugan; at patay na salitang muling binuhay.”

Ang mga panukalang salita ng taon ay dumaraan sa proseso ng pagpili mula sa kalipunan ng mga salitang tinanggap ng Filipinas Institute of Translation, Inc. (FIT). Bawat salita ay inuusisa ang etimolohiya o pinagmulan nito; ang mga tiyak na gamit nito sa pangungusap at bahagi ng pangungusap; at ang mga pangangatwiran kung bakit dapat kilalanin yaon bilang salita ng taon.

Pagpapasiyahan ng Lupong Tagapagpaganap ng FIT kung aling salita ang karapat-dapat na tanghaling nominado para sa Salita ng Taon.

Pagkaraan, ang napiling nominadong salita ay gagawan ng isang ganap na papel na magpapaliwanag kung bakit dapat itampok iyong Salita ng Taon.

Ang mga isinumiteng papel hinggil sa Salita ng Taon ay susuriin ng mga editor at magbibigay sila ng mga mungkahi kung paano mapahuhusay pang lalo ang nilalaman, balangkas, at talakay nito. Ang binagong papel ang siya ngayong ihahain sa kapulungan ng mga delegado at pagpapasiyahang muli ng Lupong Tagapagpaganap ng FIT.

Ang magwawaging Salita ng Taon ay ibinabatay sa “lawak ng pananaliksik, bigat ng mga patunay, at linaw ng paglalahad at pangangatwiran.” Ang mga delegado sa kumperensiya ay binibigyan din ng pagkakataon na pumili kung anong salita ang karapat-dapat magwagi, at dapat magkamit ng People’s Choice Award.

Kabilang sa mga nominadong salita ang “load” nina Christine Marie Magpile at Geraldine Uy-Escolar;  “ampatuan” ni Vladimeir Gonzales;  “emo” ni Anna Mariette Dy;  “namumutbol” ni Joselito delos Reyes; “ “spam,” ni Genaro Gojo Cruz;  “solb” ni John Enrico Torralba; at “unli,” ni April Perez.

Mahalaga ang SAWIKAAN dahil ito ang nagsisilbing talyer ng wika sa buong kapuluan. Ang mga kalahok ay malayang makapag-ambag ng mga mungkahi at puna kung paano ipakakahulugan ang mga salita; at naisasaalang-alang kahit ang usaping pangkultura at kaligirang pinagmulan ng salita. Ang sinulat na papel ng isang kalahok, halimbawa, ay maaaring dumaan sa masusing rebisyon, alinsunod sa mga mungkahi ng tagapayo, editor, at buong kapulungan ng mga delegado.

Kabilang sa mga panauhing tagapanayam si Dr. Jaime Caro na ipinaliwanag ang impluwensiya ng teknolohiya sa paghubog ng makabagong Filipino; at si Dr. Jesus Federico Hernandez, na nagpaliwanag ng impluwensiya ng mga bakla sa paghubog ng makabagong Filipino.

Pinakamabigat ang tampok na panayam ni Dr. Zeus Salazar hinggil sa pagpapayaman ng wika, alinsunod sa diskursong pangkasaysayan, at maaaring sumaklaw sa isang semestre sa kolehiyo. Inilugar niya ang panghihiram ng salita ng Filipino sa mga wikang banyaga at paglikha ng neolohismo alinsunod sa aniya’y “dambuhalang pagkakahating pangkalinangan sa kasaysayan ng bansa.” Namamayani ngayon ang Ingles at Inglesero sa estado, ekonomiya, edukasyon, at kulturang poskolonyal sa loob ng lipunang Filipino. At nagsimula ito nang magwagi ang pangkat ni Emilio Aguinaldo sa Kudeta sa Tejeros (1897) laban sa Himagsikan ng 1896 ni Andres Bonifacio.

Nang mamayani ang Ingles, ani Salazar, ang mga institusyong pampolitika, pang-ekonomiya, pangkultura, at iba pa ay isinalalay sa Ingles. Uminog sa Ingles ang mga transaksiyon at komunikasyon. Maibibilang dito ang batasan, hukuman, edukasyon, agham, inhinyeriya, moda, musika, tanghalan, kalakalan, at iba pa. Ginamit ang Ingles bilang midyum ng komunikasyon, at ito ang nagbukod sa mga elitista at sa mga karaniwang mamamayan.

Lumubha pa aniya ang sitwasyon nang makipagpatintero ang mga Filipinong intelektuwal sa Estados Unidos at iba pang bansang Anglophone sa pag-aakalang makikinabang sa magandang kabuhayang ipinangangako ng mananakop. Ang ilang nangabigo ay nagkaroon ng nostalhiya sa Filipinas. Samantalang ang ibang nagtagumpay makapasok sa akademya ng Estados Unidos at iba pang bansang Anglophone ay nagpaulan ng batikos sa Filipinas, partikular sa mga “suliraning etnolingguwistiko” o dili kaya sa mga wikang “inaaapi” umano ng Tagalog.

Ipinanukala ni Salazar na matatalakay ang panghihiram ng wika sa dalawang antas: una, sa sosyolingguwistiko o panlipunang antas; at ikalawa, sa pang-lingguwistikang antas ng bilingguwalismo. Walang hanggahan umano ang paglikha ng mga kataga [neolohismo]. Lipunan lamang ang nagtatakda ng hanggahan batay sa mga taglay nitong “kaisipan hinggil sa seksuwalidad, moralidad, panlasa, a iba.” Bagaman naitatakda ng diksiyonaryo ang hanggahan ng panghihiram, lalabagin at lalabagin umano ito ng mga gumagamit ng wika sa pasulat man o pabigkas na pamamaraan.

Iminungkahi ni Salazar ang pagbubuo ng Akademya sa Wika, gaya ng Académie Française, na binubuo ng mga tanyag na gumagamit ng wika sa iba’t ibang larang at aktibidad sa bansa. Mabubuo ng nasabing akademya ang isang saligang diksiyonaryo at Ensiklopedyang Filipino sa sariling wika. Magpapakita umano ito ng kabihasnang natamo ng Filipinas sa kasalukuyan, at sa maaaring makamit pa sa hinaharap.

Kabilang sa mga tumulong sa SAWIKAAN si Dr. Emerlinda R. Roman, pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas; Dr. Sergio S. Cao, Tsanselor ng UP Diliman; Lirio Sandoval, pangulo ng Book Development Association of the Philippines; Atty. Andrea Pasion-Flores ng National Book Development Board; Departamento ng Edukasyon; Komisyon sa Wikang Filipino; Adarna House; at Nestle Philippines.

Ang SAWIKAAN ay itinaguyod ng Filipinas Institute of Translation, Inc., UP Sentro ng Wikang Filipino-Diliman, Anvil Publishing, Inc., at Kolehiyo ng Arte at Literatura, UP Diliman.

Dominyo ng Jejemon

Sirkulo ng mga Jejemon ang pinag-iinitan ngayon ng mga awtoridad, at kabilang na rito ang Kagawaran ng Edukasyon. Portmanteau, o pinagsanib na mga salita ang “jejemon.” Mauugat ito sa “jeje-” (na katumbas ng mahinang pagtawa at binibigkas sa Espanyol na “hehe,” gaya ng Espanyol na “jefe” na “hepe” sa Filipino) at “-mon” na mula sa Ingles na “monster” na ang isa pang inimbento’t tinipil na anyo ay ang “pokémon” [pocket+monster] na pinasikat sa mga palabas na animé ng Hapones.

Ayon sa Urban Dictionary. Com, ang “jejemon” ay mga tao na nasa mga networking site na gaya ng Friendster at Multiply na “may mababang IQ na nagpapakalat ng katangahan” sa pamamagitan ng pagtipa ng mga salitang may pambihirang ispeling at sintaks. Isang halimbawa nito ang “a person WhO tyPeZ lYKeS tH1s pfOuh… whether you are RICH, MIDDLE CLASS or POOR ifpK eU tYpE L1K3 tHiS pfOuh..eU are CONSIDERED AS JEJEMON.” Ang nasabing paraan ng pagsasakataga ay tinatawag na “jejenese” na maituturing na isang bago’t malusog na wika ng isang subkultura.

Sumasaklaw din ang jejemon sa moda, at kinikilala siya sa pagsusuot ng makulay na ballcap o sombrero na halos nakapatong lamang sa ulo, at hindi inilalapat nang ganap. Nagsusuot siya ng maluluwang na tisert at pantalong maong, at kung umasta’y maangas na tambay na kung hindi nagpipilit na rakista ay alagad ng hip-hop at rap. Para sa ibang fashionista, ang jejemon ay reenkarnasyon ng “jologs” ngunit ang pagkakaiba lamang ay higit na adik at marunong kumalikot ng kompiyuter ang mga jejemon.

Mabalasik ang pagtanaw sa mga jejemon at ang hanay nila ay sinisipat ng mga maykaya at awtoridad na mababang uri. Ngunit kung susuriin nang maigi, ang jejemon ay isang anyo ng rebelyon ng subkultura, at ang rebelyong ito ay may kaugnayan sa laro ng kapangyarihan sa lipunan.

Ang mismong paraan ng pagsasakataga ng jejemon ay hindi basta paglalaro lamang ng salita. Ito ay mauugat sa Hypetext Markup Language (HTML) na pangunahing wika ng pagpopoprograma sa Internet. Lumilikha ng sariling kodigo ang mga jejemon, at ang mga kodigong ito ay isang anyo ng paglilihim upang ikubli ang mga pakahulugan at paghihiwatigan nang hindi madaling maunawaan ng nakatataas o awtoridad, gaya ng magulang at guro. Sa madali’t salita, ang wika ng jejemon ay hindi panlahat. Isinasaalang-alang ng gumagamit nito ang angking posisyon sa ugnayan ng mga tao o pangkat sa loob ng lipunan. Ang jejenese ay para sa isang uri ng subkultura na may angking konsepto at diskurso, at bagaman umiiral sa kasalukuyang realidad ay nakakayang tumawid at magpabalik-balik sa mala-realidad o hiperrealidad na likha ng Internet at World Wide Web.

Mauugat ang ganitong asta ng mga jejemon sa konsepto ng “tayo-tayo” at “kami-kami” ng mga Filipino. Para sa mga Filipino, may tinatawag na “malalapit na tao” na tumutukoy sa matatalik na kaanak, kaibigan, at kakosa. Kabaligtaran nito ang “ibang tao” na malayo sa kalooban ng nagsasalita. May mukhang inihaharap sa malalapit na tao, samantalang iba ang mukhang inihaharap sa ibang tao. Ang paraan ng komunikasyon ng mga Filipino ay isinasaalang-alang ang kausap at hindi itinuturing na isang malamig na bagay, ayon na rin sa pag-aaral ng sosyo-antropologong si Dr. Melba Padilla Maggay, at kung gaano ito kalapit o kalayo sa kalooban ng nagsasalita ang magpapabago ng timbangan ng usapan.

Kung babalikan ang kaso ng jejemon, ang kaniyang pagsasakataga ay nagsasaalang-alang na malapit sa kaniyang sirkulo ang kausap, at ang sirkulong ito ay maaaring esklusibo sa kung anong dahilan. Kapag ginamit ng jejemon ang kaniyang wika sa labas ng kaniyang sirkulo, may panganib na maisantabi siya dahil ang pamantayan at panuto ng komunikasyon ay nakakiling sa kumbensiyon ng gramatika at sintaks ng nakababatid ng wikang Ingles. Ngunit sa oras na pumasok sa sirkulo ng jejemon ang sinumang tuwid magsalita ng Ingles, lilitaw naman siyang katawa-tawa at maaaring hindi tanggapin sa sirkulo dahil iba ang kaniyang pinagmumulang wika at diskurso. Ito ay dahil hindi tanga o gago ang jejemon na ibubunyag ang identidad nang basta-basta.

Malaya ang sintaks at gramatika ng jejenese, ngunit habang lumalaon ay napupulido ito sa paraan ng pagsasanib ng patinig at katinig; sa kombinasyon ng mga salita at tunog; sa pagpapantig, pagpapahaba ng pantig, at paglalagay ng mga panlapi [i.e., unlapi, gitlapi, at hulapi]; at sa pagsasaad ng dalasan [frequency] ng malaki at maliit na titik sa loob ng isang salita o parirala o pangungusap na mahuhugot muli sa wika ng kompiyuter. Humihiram ang jejenese sa paraan ng paggamit ng pandiwa [verb] ng Tagalog, kahit nilalahukan ng Ingles ang pangungusap o parirala; at makikita ang paggamit ng pandiwang Tagalog sa transpormasyon ng mga pangngalan [noun] at pang-uri [adjective] tungo sa pagiging pandiwa sa ilang pagkakataon. Ang wika ng jejemon kung wawariin ay wika ng mga hacker at spamer; at ang paglihis nito sa kumbensiyon na itinatakda ng pormal na edukasyon ay masisipat na isang uri ng subersiyon at pagpapanatili ng seguridad at kaayusan ng subkultura. Niyayanig kung hindi man iniinis ng mga jejemon ang karaniwang konsepto sa komunikasyon ng malawak na publiko, at ang pagpasok nila sa eksena sa gaya ng Facebook sa paraang kakatwa ay parang asta ni Joker na lumiligalig sa estado ng Gotham City.

Dapat bang katakutan ang mga jejemon? Ang tanong na ito ay depende sa tumitingin. Para sa mga awtoridad, ang jejemon ay waring salot na dapat sawatain o supilin para mapanatiling matatag ang puwesto ng Ingles sa herarkiya ng mga wika; ngunit para sa iba’y ang penomenon ng jejemon ay pagbabalikwas sa kumbensiyon ng wikang itinatakda ng lipunan. Ang mabababang uri ay kailangang patayin sa pagpukol ng mararahas at makukulay na taguri. Kailangang hiyain ang jejemon upang siya mismo ay itakwil ang sarili at ikahiya ang inimbentong wika at diskurso ng isang subkultura. Kailangang pasunurin ang jejemon sa kumbensiyon ng Ingles sa pamamagitan ng mga “jejebuster” at “grammar nazi” na pawang mga pulis sa pagpapairal ng tumpak na paggamit ng Ingles sa lipunan. Ngunit ang ganitong paraan ng pamimilit ay sinauna at laos na.

Kailangang unawain ang mga jejemon, at nang mabatid kung ano ang kanilang iniisip at niloloob, maging yaon ay sa usaping personal o panlipunan. Nililibak ang mga jejemon, ngunit ang pinakamasiglang pakikilahok nila sa usaping panlipunan ay noong nakaraang pambansang halalan, at ang pagsuporta nila kay Jejomar Binay ang naghatid ng maraming boto para sa naturang kandidato. Ang wika ng jejemon ay hindi malalayo sa mga usapang bakla [gay lingo], usapang doktor, usapang abogado, at iba pa. Bawat pangkat ay may angking jargon, at ang jargong ito ay nagsisilbi para sa kapakinabangan ng mga nakauunawa at kasapi ng isang pangkat. Ito ang pangyayaring dapat mabatid ng lahat. Sa oras na tanggapin sa malawak na lipunan ang jejemon, ang kaniyang wika, diskurso, at pagkatao ay hindi na magiging palaisipan at kakatwa; maaaring mapalis ang prehuwisyo laban sa kanilang uri at anyo ng komunikasyon; at higit na lulusog ang ating pagkaunawa sa ugnayan ng mga Filipino saanmang dako sila naroroon.