Kulam

Natuklasan ng huklubang mangkukulam ang bisa ng bulóng, at isang gabi ay sinubok niyang isakay sa simoy ang mga salita. Ang unang pagtatangka ay nagbunga ng alimpuyo ng alikabok, na humalo sa ulop na hatid ng tuyot na buntot ng Nobyembre. Ipagpalagay na bukod na sistema solar ang ipuipo, at ikaw na nakamamasid ay makararamdam ng pagkasabik sa bagong planeta na nagkikimkim ng lihim na nilalang at kaligirang makatatanggap ng lumalabis na populasyon ng kabihasnan. Hindi masisiyahan ang mangkukulam; at sa ikalawang pagtatangka noong sumunod na gabi ay mananalangin sa mga anito para sumapit ang unos na maglalandas sa iyong pusod bago humimpil nang matagal sa kambal mong puyô. Mapapaigtad ka, at mauulinig ang tinig ng hukluban na pumapasok sa iyong kalooban upang bulabugin ang ritwal ng nakagawiang tibok ng puso. Magsasalubong ang iyong mga kilay at mapapakagat-labi ka. Kulang pa ani mangkukulam ang gayong tagpo, at sa ikatlong pagtatangka noong ikatlong gabi ay huhubarin ang agam-agam, at ang kaniyang gunam-gunam ay sasaklawin ang iyong labi at paningin. Ak. . . ka! Ak. . . ka! Papawisan ka nang malamig; mangangatal ang iyong baba at pipitlag ang kalamnan na waring bagabag, saka durupok ang iyong mga tuhod hanggang isuko mo ang iyong sarili sa kaluguran ng karimlan. Papatak ang dugo sa sahig. Maglalakad ka na parang malagihay, at matitigmak ang sahig sa mapupulang alaala ng halimaw na humihigop ng dugo at naglulunoy sa iyong ihi. Sisirit mula sa mga puwang ng pader na laman ang maligamgam na likido, at pagkaraan, ang mangkukulam ay waring tinamaan ng kidlat na gugulapa sa pagod sa kaniyang libingan, at ibubulalas sa halakhak ang di-mapigil, di-maunawaang kabangisan.

“Kulam,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 7 Disyembre 2011.
"Paglisan ng mga Mangkukulam," pintura ni Louis Falero, 1877.

"Paglisan ng mga Mangkukulam" (Etude de Sorciere N.22), pintura ni Louis Falero, 1877.