Pulo ng mga Mukha, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Mukhâ

Roberto T. Añonuevo

Malulúnod ka sa mga damdámin, na paráng iyón ang katápusán ng lahát. Makaraáng mabatíd na nakaalís na ang hinahánap mong mahál, tatakbó kang pabalík sa iyóng lundáy, at sa únang sagwán mo’y tatangayín ka ng mga álon sa Pulô ng mga Mukhâ. Sa Pulô ng mga Mukhâ, báwat táo’y may ipinágmamágalíng, gáya ng fátek o pílat o bálat o nunál, at nagíng dambúhalàng negósyo ang kosmetíko. Hahanápin mo ang mukhâ ng íyong mahál sa líbo-líbong mukhâ, hanggáng mabatíd mo ang isáng katótohánan. Nagbabágo ang kúlay ng mga pisngí áraw-áraw, at ang mga táo ay nagkakáisá sa kaniláng magigíng anyô, halimbawà, na kung Lúnes ay asúl, at bérde kung Martés, o kayâ’y pulá kung Miyerkóles at diláw kung Huwébes, samantalàng putî kung Biyérnes at itím kung Sabádo. Ngúnit pagsápit ng Linggó, mágkukuskós at máglilínis ng mga mukhâ ang mga táo úpang kinábukásan ay isádulâ mulî ang síklo ng mga kúlay. Hindî konténto ang mga táo sa kaniláng mga mukhâ, at kailángang retokéhin ang kapál o nipís ng labì, ang tángos ng ilóng, ang húbog ng matá, ang lantík ng pilík, ang kúrba ng kílay, ang súkat ng taínga, ang gupít ng buhók o pelukang isusuót. Sa ganitóng pangyayári, ang mga batà ay nagíng mainípin at nagmámadalî palagìng tumandâ. Hindî kataká-taká kung makakíta ng mga paslít na kung pumostúra’y gáya ng mga dalága o binatàng artísta, nagmámaného ng Jaguar o Ferrari, tumatágay ng vódka at sumísinghót ng damó, hábang nangangárap ng mga kasintáhan gayóng uhúgin pa o mahilíg sumupsóp ng tsupón. Ngúnit pagsápit nilá ng edád tiguláng, higít siláng magigíng masigásig na magbalík sa kamusmúsan, isúsumpâ ang kalendáryo, mag-éekspériménto sa meyk-ap at maskará, magpápalakí ng másel o magpapátambók ng súso, magbibíhis túlad ng kulít úpang ikublí ang pagigíng kalumpít. Kapág napánsin ka niláng maputlâ ang mukhâ gayóng kayúmanggî, humandâ ka kung pukulín man ng alimúra o itlóg. Sinuwáy mo ang kaniláng tradisyón. Lilíbakín ka nilá ngúnit huwág matákot sapagkát ang mukhâ mo ay kikináng gáya ng salamín. Sa Pulô ng mga Mukhâ, sinumáng tumítig sa iyó’y mapapáhiyáw sa gúlat o kilábot o hiyâ, at tatánungín nilá kung anó ang iyóng kapángyaríhan, o kung saán ka nagmulâ. Hahabà ang interógasyón sa iyó, at hihintô lámang iyon kapág nariníg nilá ang isinísigáw ng mga luhà mo. Sa sandalîng marínig nilá ang ngálan ng hinahanap mong mahál, mabábalíw lalô silá, sapagkát ang hinahánap mong mukhâ ay mukhâ na kaniláng pinaláyas noóng gabíng papáratíng ang supérbagyó.

Alimbúkad: Poetry Filipinas rocking the world. Photo by Adrien on Pexels.com

Ang Balón, ni Padma Sachdev

Salin ng tulang nasa wikang Dogri ni Padma Sachdev ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo, at batay sa bersiyong Ingles ni Iqbal Masud

Ang Balón

Sa kanang panig
ng aming buról ay may kumikislap na balón
na sagana sa tubig. Noong nakaraang taon,
ang tag-araw ay nagpayungyong
ng mga lungting mangga.
Inakit ng mga lungting sibol
ang guya,
na minalas mahulog sa balón at nalunod.
Mula noon, huminto na ang mga tao
na uminom mula sa balón. Ngayon, katulad ko
ang magnanakaw na naliligo doon sa gabi.
Isinasalok ko sa tubig ang aking mga palad
at umiinom sa hatinggabi.
Ngunit ang tubig
ay hindi nakatighaw ng aking uhaw,
ng aking pagnanasa. Sa madilim na púsod
ng balón ay may mga aninong
naghihintay pa rin sa mga babae
na ibinababâ ng lubid na may kawil
ngunit hindi nagbalik para sumalok ng tubig.
Ang karimlan ng balón
ay naghihintay
para sa tamang pagkakataon,
na magkaroon ako ng lakas ng loob
na ilahad ang aking mga kamay
at uminom sa tubig nito
kahit pa sa gitna ng napakaliwanag na araw.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Alvis Taurēns @ unsplash.com

Tagsibol ng Mapuputik na Daan, ni Joseph Brodsky

Salin ng tula ni Joseph Brodsky ng Russia at USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tagsibol ng Mapuputik na Daan

Pinagbanyuhay ng ulan ang mga daan
na maging ilog.
Ikinarga ko ang sagwan
sa bagon.
Nilangisan ko ang kolyar ng kabayo,
ang suot-pangkaligtasan.
Para sa biglaang pangangailangan.
Maingat lang ako.

Kasingsutil ng landas
ang ilog.
Parang lambat-pangisda
ang anino ng itangan.
Ayaw tikman ng aking kabayo
ang sisidlan ng putikang sopas.
Tinanggihan iyon nang ganap
ng mga humahalakhak na gulong.

Hindi pa tagsibol, ngunit tila gayon
ang pakiramdam.
Kalat-kalat ang daigdig ngayon,
at balu-baluktot.
Ang mga gusgusing nayon
ay iika-ika.
Ang tanging tuwid lamang
ay ang nababatong mga sulyap.

Kumaskas sa bagon
ang mga sanga ng kalumpang.

Dumampi ang nguso ng kabayo ko
sa kaniyang suot-pangkaligtasan.
Sa itaas ng tigmak na batok ng aking
kabayo’y walong higanteng típol
ang lumilipad pa-hilaga.

Tumingin sa akin, o kaibigan,
o hinaharap:
Armado ng mga de-taling tadyang
at ng mga bakás,
nasa kalagitaan ng daan
tungo sa kalikasan—
sa edad kong dalawampu’t lima—
ako’y pakanta-kanta pa.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Ang Lungsod, ni Jaime Saenz

Salin ng “La ciudad,” ni Jaime Saenz ng Bolivia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Lungsod

Para kina Blanca Wiethüchter at Ramiro Molina

Sa usok at sa apoy, maraming tao ang naumid at natahimik
sa kalye, sa kanto,
sa mataas na lungsod, nagninilay sa kinabukasan sa paghahanap ng nakalipas
—maliligoy na bituka, kidlat ng gabi,
sa matang mapagsiyasat, ang mga meditasyon ay nauuwi sa pagdurusa.

Sa ibang panahon, may silbi ang pag-asa at ligaya—di-nakikita ang agos
. . . . . .ng panahon,
at ang karimlan, na di-nakikitang bagay,
ay mabubunyag lámang sa mga infinitong matatandang nangangapa para damhin
. . . . . .kung hindi ka kabilang sa kanila,
habang kinakapâ ang ilang batang iniisip nilang ramdam nila, kahit ang mga paslit
. . . . . .na ito’y dama sila at nalilito sa piling nila, dinadama ka,
gaya sa pag-iisa na mararamdaman ang balabal ng dilim na nilalá sa di-maarok
. . . . . .na pighati ng ilang naninirahan,
namatay at nawala sa transparenteng karimlan na lungsod na aking pinaninirahan,
pinanirahan na lungsod sa ubod ng aking kaluluwa na tinitirahan ng isang naninirahan,
—at gaya ng lungsod na hitik sa mga siklab, hitik sa mga bituin, hitik sa mga apoy
. . . . . .sa kanto ng mga kalye,
punong-puno ng mga karbon at alipato sa hangin,
gaya ng lungsod na maraming nilalang, mag-isa at malayo sa akin, kumikilos
. . . . . .at bumubulong
na may kapalarang lingid sa kalangitan,
na may mga mata, may mga idolo, at may mga batang dinurog ng gayong kalangitan,
na wala nang búhay na higit sa búhay na ito, na wala nang panahon na higit
. . . . . .sa panahong ito,
na naipit sa matataas na pader ng apoy at paglipol, nagduruyan sa pagsuko,
impit na impit na hinihikbian ang papalubog na lungsod na ito.

At walang anghel o demonyo sa ganitong balón ng katahimikan.
Tanging mga apoy na nakahanay sa mahahabang kalye.
Tanging malalamig na hubog ng mga anino, at pagkabato ng araw na umurong.
Ang hininga ng liwayway na sisilay sa huling sandali, ang mga umiingit na pinto
. . . . . .sa hangin,
ang mga hanggahang nabibiyak at kumakalat at mga anyong nakikisanib sa apoy,
ang mga signo at awit,
na may ilahas na panggigipuspos, sa lupa at lampas sa lupa,
at sa hininga ng mga patay, ang walang humpay na ulan,
ang pagtanggap na lásang tinapay, sa bahay na sinusundan ako tuwing nananaginip,
ang mga patyo at baitang, ang mga laláng at bato, at ang mga bulwagang walang wakas,
ang mga bintanang nagbubukas sa kahungkagan at pumipinid sa pagkagitla,
ang mga silid na kinababaliwan ko at ang mga sulok na aking pinagtataguan
—ang maiitim na dingding at basang lumot, ang mga himpilang hinahanap ko
. . . . . .ang kung anong bagay,
ang pinagkukublihan ng sarili mula sa alingasaw ng bantot ng nakaugalian.

Walang tinig, walang liwanag, walang testimonya ng aking dáting buhay.
Tanging mga apoy,
walang kamatayan bagaman habang-panahong kumukutitap, at tanging mga apoy.
Ang malamlam na pangitain ng multo na minsang tinaguriang kabataan
—sa aking lungsod, sa aking tahanan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Geziel Esteban, titled “La Paz, Bolivia.”  Unsplash.com

Sa isang kabataan, ni Nancy Morejón

Salin ng “A un muchacho,” ni Nancy Morejón ng Cuba
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa isang kabataan

Habang unti-unting lumalatag
ang dapithapon,
umahon ang kaniyang likod
na taglay ang bulâ ng alon at taog.

Kinuha ko ang itim niyang mga mata,
gaya ng batotoy sa gulaman ng pasipiko.

Kinuha ko ang maninipis niyang labi,
gaya ng asín na nadarang sa buhangin.

Sa wakas, kinuha ko ang balbasin niyang
babà na kumislap sa sinag ng araw.

Isang kabataan ng mundong gaya ko:
ang mga awit ng bibliya
ang humubog sa kaniyang mga binti,
bukong-bukong, at ubas ng kasarian.
Mga himig na tigmak sa ulan ang umagos
sa kaniyang bibig na bumilibid sa amin,
na tunay na pagmamahal,
gaya ng mga magdaragat na naglalayag
sa walang katiyakang karagatan.

Nabubuhay ako sa kaniyang mga yakap.
Ibig kong mamatay sa matipuno niyang bisig,
gaya ng isang nalulunod na kanawáy.

Ang Mahabang Martsa, ni Malek Haddad

Salin ng “La longue marche” ni Malek Haddad mula sa Algeria, at batay sa saling Ingles ni Robert Fraser. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas.

Ako ang pangwakas na yugto ng nobelang nagsisimula
Huwag nating kaligtaan ang lahat ng bagay na lampas zero
Pinanatitili ko ang pitlag ng romansa sa pagitan ng mga mata
Pagkaraan ay magpapatuloy nang walang ikinakaila
Ako ang pangwakas na yugto ng nobelang nagsisimula
Hindi kinakailangang ibukod ang panginorin sa himpapawid
Hindi maihihiwalay ang indayog ng musika sa sayaw
At sa loob ng talukbong ko’y nakararaos ang aking bahay
Ako ang pangwakas na yugto ng nobelang nagsisimula
Sa dalawang Sahara’y hinahabi ko ang aking mga awit
Pinanatitili ko ang pitlag ng romansa sa pagitan ng mga mata
Ako ang katotohanan ang mag-aaral ang leksiyon.

Malimit kong nagugunita ang pagiging pastol . . .
Saka lilitaw sa aking paningin ang anyo ng lubhang pagdurusa
Ng kapuwang minamasid sa kaniyang di-madurog na mga kamay
Ang kasaysayan ng bansang pagsisilangan ng punong kahel
Malimit kong magunita ang pagiging pastol
Hiniwa ko ang pabilog na torta
Hinawi ko ang mga igos
Ipinapakasal nang mabuti
ang aking mga anak na babae
Hindi yaon makapapantay
. . . . . . Sa baril
. . . . . . . . . .Sa tungkulin ng aking panganay na lalaki
At pinakamarikit sa lambak ang aking kabiyak.
Sa amin, ang salitang Tinubuang Bayan ay may lasa ng poot
Hinaplos ko ang puso ng mga punong palma
Nagbubunyag ng epiko ang tatangnan ng aking palakol
At nakita ko ang lolo kong si Mokrani
Na pisil ang tanikala ng mga butil habang tinatanaw lumampas
Ang mga banog
Para sa amin, isang alamat ang salitang Tinubuang Bayan.

Ama!
Bakit mo ipinagkait sa amin
. . . . . . Ang makalupang musika
Masdan:
. . . . . . . . . Ang iyong anak
Ay nag-aaral magsalita sa ibang wika
Ang mga salitang nabatid ko
Mula pa noong kabataang pastol ako.
Diyos ko, sumapit ang gabi ng mga gabi sa aking mga mata.
Tinawag ng aking ina ang kaniyang sarili na Ya Ma,
At tinawag ko naman siyang Nanay
Naiwan ko kung saan ang aking balabal baril panulat
At taglay ang unang pangalan na taliwas sa aking inaasal
Ay, ang gabi, Diyos ko! Ano ang ikabubuti ng pagsipol
Para itaboy ang takot na kitatakutan mo na kinatatakutan mo
Nang subaybayan ka ng lalaki na tila isang salamin
Ang mga kaklase mo at ang mga kalye ay naging mga biro
Ngunit sasabihin ko sa iyong ako’y Pranses
Tingnan ang aking damit ang puntó ang bahay
Na ginagawang propesyon ang isang karera
Nagsasabing “Tunisyan” kahit ang kahulugan ay “Tagakalakal”
Ako na iniisip ang isang Hudyo na waring kawawang katutubong
Kawal? Ano ba naman, walang belo ang aking kapatid
At sa Liceo, hindi ba hinamig ko ang lahat ng premyo sa Pranses
Para sa Pranses para sa Pranses para sa Pranses . . . sa Pranses?

Engkuwentro, ni Alex Skovron

salin ng tulang tuluyan ni Alex Skovron.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang panahong iyon, ani Turgenev, na ang pagsisisi ay gaya ng pag-asa, at ang pag-asa ay gaya ng pagsisisi, at pumanaw ang kabataan bagaman hindi pa sumasapit sa pagkatigulang. At mailap sa atin ang mga pakahulugan, nakadapo sa likod ng ilusyon ng salamin, at kumakawala ang mga katwiran, at ang mukha ay naghuhunos na katwiran, at ang katwiran ay basta makapangatwiran. Higit sa paliwanag ang ilang bagay, na ang sinisikap nating mahalukay ang siya nating ibig kalimutan, at kalimutan ang pinaghihirapan nating tandaan. Pagsapit sa mga lalawigan, anung gaan ang pag-akyat sa talampas sa lilim ng makukutim na ulap, anung gandang salungatin ang nilimbag na bangin ng maingay na kapatagan. Ngunit ang lungsod ng gunita ay nakatimo sa likod ng hulagway ng langit—tulad ng dambuhalang sasakyang biglang iniladlad pababa, padausdos sa kahanga-hangang kisame sa likod ng bakood, na ang gilid na ilalim ay tampok ang nakapangangalisag na hubog at sirkito—upang uyamin tayo sa walang hanggang ringal, o tawagin tayo sa paglalakbay na walang balikan. Ngunit kapag tayong nakinig ay hindi banyaga ang musika; kilala nito tayo hanggang kaloob-looban. Magpapaikot-ikot tayo, magsisisi at mag-aasam, makikibaka upang upang tuklasin ang solidong bahagi sa pagitan ng ilog at batuhan. Kapag muli tayong tumingala, maglalaho ang monolito. Kakalmutin natin ang himpapawid para humanap ng dahilan at magpapalit-palit ng kahulugan. Sasambahin natin ito, at tatawaging Maykapal. O pipiliing pumagitna, gaya ng winika ni Montale, sa pag-unawa ng wala at labis; ang lalawigan ng makata o nating lahat.

Pulo ng mga Kaluluwa, oleo sa kambas, pintura ni Arnold Boecklin, 1883.

Pulo ng mga Kaluluwa, oleo sa kambas, pintura ni Arnold Boecklin, 1883. Dominyo ng publiko.

Sulyap sa panulaang Filipino sa panahon ng Internet

Kung noong bungad ng siglo 20 ay naging malaki ang papel ng mga pribadong publikasyon at palimbagan sa paglalathala ng mga tula at katha sa mga pahayagan, magasin, at kauri, malaki naman ang papel ng internet ngayon sa pagpapasigla ng mga tula mula sa hanay ng mga kabataan at tigulang na mahilig bumerso-berso. Pinalaya ng internet ang mga Filipino sa dating kulob na sirkulo na gaya ng Liwayway, Mabuhay Extra, at Sinag-Tala na pawang mahirap paglathalaan ng baguhang manunulat. Hindi na kailangang magpadala ng mga tula ang isang makata ngayon sa editor ng kung sinong magasin o pahayagan, at mailalathala agad niya nang mabilis ang kaniyang obra sa kaniyang blog o websayt anumang oras naisin.

May dalawang matingkad na pangyayari ang naging bunga nito. Kung noon ay nagagabayan ng editor ang isang makata, sa pamamagitan ng pagpapaabot ng payo o mungkahi, ang mga makata ngayon ay umaasa na lamang sa direktang puna na magmumula sa kanilang mambabasang maaaring naligaw sa kaniyang blog sa kung anong dahilan. Dati, hindi makalulusot basta-basta sa editor ang may maling tugma at sukat o lihis ang pananalinghaga. Ngayon, lumalakas ang loob ng mga makata dahil sa bilis ng pagpapalathala sa internet, gayong maituturing kung minsan na sampay-bakod ang kanilang akda. Maihahalimbawa ang http://tagalog-poems.webnode.com/tagalog-poems/ na nagtatampok ng mga tinaguriang tulang Tagalog na sinulat yata ng mga estudyanteng nasa mataas na paaralan at pawang sawi sa pag-ibig.

Mahalaga kung gayon ang komentaryo sa tula mula sa madlang mambabasa dahil ang nasabing puna ang magiging panukatan ng kasiningan. Ang dami ng puna ay magpaparami ng hit sa isang blog o websayt, at katumbas nito ang pagkakataong kumita kahit paano mula sa mga anunsiyante sa internet. Gayunman, ang tula ay nakakaligtaang suriin alinsunod sa epektibong lente ng pagbasa, at ipinapalagay na lamang na ang madlang mambabasa ay nagtataglay ng matalim na isip sa pag-unawa ng teksto.

Maihahalimbawa ang tulang “Aquilone Blu” na nagwagi sa kauna-unahang Saranggola Blog Awards noong 2009.[i] Tampok sa naturang tula ang pag-uusap ng mag-amang saranggola. Pinapayuhan ng ama si Aquilone Blu hinggil sa dapat mabatid sa unang paglipad, at kung bakit tuparin ang tungkulin nitong “lumipad ng [sic] matayog at magdala ng tuwa” para sa Maylikha nito. Sa unang malas ay maganda ang tula, ngunit kung wawariin nang maigi’y hindi makalilipad nang mag-isa ang saranggola kung wala ritong magpapalipad. Ibig sabihin, nakasalalay ang kapalaran ng saranggola sa mayhawak nito, at kaugnay ng hihip ng hangin at timpla ng panahon na nagpapahiwatig ng kaligiran. Kaya ang payo ng ama na,

lipad anak ko
baunin mo ang basbas ng Maylikha
ang tulad nating mga aquilone
ay nilikha upang lumipad
para ipakita sa madla
na kahit anong pangarap kayang kamtin
kung ang bawat lipad
baon ang tunay na mithiin.

ay maituturing na palsipikado dahil sapilitan ang representasyon ng saranggola sa tao na may sariling isip, bait, at lakas upang gampanan ang anumang mithi nito sa buhay. Ang ganitong uri ng kritika ay maaaring sipatin sa anggulo ng awtor, na ang batayan ng pagsusuri ay pangunahing hulagway ng mag-ama. Sa kabilang dako, masisipat din ang tula sa anggulo ng mambabasa, na may kakayahang magkarga ng pahiwatig sa tula batay sa reperensiyang magmumula sa labas ng tula, i.e., lipunan. Kaya kahit kapuri-puri ang tula sa anggulo ng mga mambabasa, na ipinapalagay na may sapat na kakayahan sa pag-unawa ng teksto, ang tula ay maaari pa ring maging marupok sa pananaw ng awtor kung ang magiging batayan ay pagkasangkapan halimbawa sa persona, tinig, himig, balangkas, talinghaga, at iba pang aspekto ng tula.

Lumaya sa kumbensiyon ng limitadong espasyo ng magasin at diyaryo ang pagsulat ng tula ngayon, gaya ng mababasa sa emanilapoetry.com at filipinowriter.com. Nailalathala ang mahahabang tula ng gaya ni E. San Juan Jr. na naggigiit ng pampolitika’t pang-ideolohiyang kiling.[ii] Ang tula ay nilalapatan pa kung minsan ng musika at video, gaya ng ginawa ni Fermin Salvador, kaya ang tula ay hindi na lamang maituturing na saklaw ng papel na pahina. Ang ibang makata ay sinusubok kahit ang hanggahan ng kompiyuter iskrin, at ang eksperimentasyon sa pananaludtod ay nakabatay sa kayang lamanin ng blog. Maihahalimbawa ang piyesang ito ni Rowan Canlas Velonta:

Nang lumabas ako isang umaga

Ang             lawak             na

. . . . ng

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . mundo

at               hindi               na

mahagilap        itong           isa’t-

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .isa.

( Hindi tulad dati’y
tayong dalawa
ang lahat-lahat nitong nakikita: ikaw at ako
itong mundo—
ang ibabaw
ang ilalim
ang nasa pagitan nito;
ang taas,
ang hanggahan ng ulap
ay tanging tayo. )[iii]

Gayunman, ang sinumang hindi bihasa sa teknolohiya at nangangapa sa lengguwahe ng kompiyuter ay maaaring hindi magawa ang nasa sa isip na disenyo na mailalatag at matutunghayan nang malinaw sa papel. Nakagugulat na may sinusunod pa ring padron ang ilang makata, gaya ng sa tugma at sukat, subalit kung minsan ay wala nang pakialam pagdating sa indensiyon ng mga taludtod.

Maihahalimbawa ang haiku sa Filipino, na sinulat ni RJ Santos, na mahihinuhang naiba ang indensiyon pagsapit sa kompiyuter iskrin.[iv]

Nababaliw

Ang iyong tinig
Lagi kong naririnig
Kahit mag-isa

Alaala

Hanging dumaan
Ika’y pinaalala
Ang baho naman

Masiste ang dalawang tula, at sumusunod sa padron ng haiku na ang unang dalawang taludtod na bumubuo ng isang diwain at imahen ay ikinakabit sa bukod na diwaing matatagpuan sa ikatlong taludtod. Napalilitaw ng mga tula ang paglalaro kahit sa sintaks ng tula, at pagtitimpla ng tugmaan. Mapapansin lamang ang medyo linsad na pagkakabuo ng ikalawang taludtod ng “Alaala,” na nawaglit ang kudlit “pinaalala” upang isaad ang nawawalang titik na “i.” Maimumungkahi ang taludtod na “Ipinaalala ka” at ang pagsasaad ng kolon upang maging hudyat ng bagong imahen sa ikatlong taludtod.

May ibang makata na higit na mapagmuni, maitim at malikot mag-isip, at kahit magaspang kung minsan ang pananaludtod ay kakikitahan ng talim ng pagmumuni. Pansinin ang tulang ito ni Shin sa Quarantine[v]

Umaahon

Ngayong gabi,
ang buwan ay nasa tubig
at ang tubig ay nasa langit.
Nangangatal ang mga dahong
niyayapos ng umaalumigmig na hangin.
O kay kinang ng mga bituing kinikislot
ng marahang alon—
isdang humahalik sa ibabaw ng tubig
nilulunok ang kaba sa dumaraang lantsa.

Malikot ding mag-isip ang makatang Marchiesal Bustamante, at maihahalimbawa ang piyesang ito na nalathala sa kaniyang blog na pinamagatang Ataraxia.[vi]

Pain

May kuneho sa batok ng tulog na pusa.
Nakatingin sa malayo. Malayo kung saan ako
nakatingin. Lalong lumalayo ang tingin ng kuneho
habang nilalapitan ko ng tingin ang pinaka-
lokasyon ng kaniyang mga paa. Humahalo
ang mga kuko ng kuneho sa balahibo
ng pusa. Buo ang balahibo.
Tulad ng dati kong pagtingin, purong balahibo
ang pusa pag tulog. Maghapong tulog
ang paligid. Maghapon na rin akong nakatingin sa malayo
at hindi ako makalingon sa dapat kong lingunin
pagkat tiyak na may mawawala, magigising.

Itim ang balahibo ng pusa:
itim at puti.

Ipinapamalas ng tulang ito ang pambihirang pagtanaw, at kung iuugnay sa pamagat na puwedeng basahin sa Filipino [pá·in] at Ingles [pain], ay magluluwal ng kakatwang pahiwatig ng persona ng nakakikita ng mga bagay na hindi karaniwang nakikita ng marami. At ang maganda, ang representasyon ng realidad ay hindi isa-sa-isang tumbasan, bagkus umaabot hanggang pilosopikong pagtanaw. Ang kuneho ay waring kimera na unang ginamit na hulagway ni Charles Baudelaire, ngunit ang pagkakaiba lamang ay hindi ito bagahe ng tulog na pusa bagkus bagahe ng personang may kung anong pinagbubulayan sa batok ng pusa.

Sa ibang pangkat ng mga makata, gaya ng KM 64, ang tula ay lumalampas sa teritoryo ng sining at magagamit na kasangkapan sa politikang adhikain. Saad nga ng pangkat,

Sa aming mga makata ng Kilometer 64, malinaw na ang sagot. Ang tulang Pilipino’y nararapat na ilaan, una sa lahat, sa sambayanang Pilipino. Hindi biro ang magiging kapakinabangan nito sa ating pagtitindig ng kasarinlan, kalayaan, katarungan, mabuting pamamahala, at tunay na demokrasya sa ating bansa.[vii]

Nakapaglathala ng mga aklat ng tula ang pangkat, at lumilikha ng kilapsaw sa internet, lalo sa mga tulang may kaugnayan halimbawa sa kahirapan, repormang agraryo, karahasang politikal, at iba pang kaugnay na bagay. Mabalasik ang banat ng mga kasaping makata sa katiwalian sa pamahalaan, at maihahalimbawa ang dalít na ito na sinulat ni Alexander Martin Remollino:

Di bubukol kung di ukol.
Pero ang mga komisyon
Sa kontrata’y bumubukol
Sa bulsa ng mga baboy.[viii]

Nagiging makapangyarihan ang sinaunang kawikaan kung naiuugnay sa bagong pangyayari o hulagway. Nagkakaroon ng sangang pahiwatig ang salitang “bukol,” na hindi na lamang katumbas ng “umbok” o “pamamaga” bagkus bulaklak ng dila ukol sa suhol o korupsiyon. Samantala, ang baboy ay matitingnan na hindi na lamang ordinaryong hayop, bagkus representasyon ng katangian ng sinumang tiwali sa pribado man o publikong sektor.

Masigasig maglathala ng mga tula ang highchair.com.ph, isang magasin online na pinangungunahan nina Allan Popa at Marc Gaba. Dalawang beses kada taon ang labas ng kanilang lathalain, at nag-aanyaya sa iba’t ibang makatang maglathala ng kanilang piyesa. Ilan sa namumukod na tulang nalathala mulang 2003 hanggang 2010 ang salungatang disenyo at diskurso ng sinauna at modernidad ng  “Biokompyuter” at “Kawayan” ni Bomen Guillermo; ang mala-bibliko’t diyalektikong usapan ng “Ubasan” ni Rosmon Tuazon; ang reperensiya ng realidad sa “Salamin” ni Allan Popa, at ang mala-pantastikong bikas ng “Lungsod ng Abo” ni Kristoffer Berse.

Pinakamasipag sa lahat ang pangkat ng LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo) dahil sa paglalathala nito ng serye ng mga chapbook, bukod sa makapal-kapal na antolohiya ng mga tulang gumugunita sa ikadalawampu’t limang anibersaryo ng pagkakatatag nito. Namumukod na bagong hanay ng LIRA sina Mikael Gallego, Noel Fortun, at Jenny Orillos, na ang mga tula’y kabilang sa koleksiyong Rurok (2010) na pinamatnugan ni Enrico Torralba. Naiiba ang LIRA dahil masigasig ang eksperimentasyon nito sa pagtula, na hinihigit ang sining sa malawak na posibilidad at umiiwas magpakahon sa politika o ideolohiya. Nakapanghihinayang at hindi ko matatalakay ang ilang piling tula ng matitinik nitong makata, kaya inaanyayahan ko na lamang kayo na bumili ng kanilang pinakabagong aklat na ilulunsad sa Disyembre ng taong ito.

Problematiko ang pagbasa ng tula dahil ang pakahulugan ng tula ay patuloy na nagbabago. Ang tula ay hindi na lamang “bersong may sukat at tugma” bagkus kumakatawan na rin sa malayang taludturan at tulang tuluyan. Kabilang din sa tula ang mala-epikong salaysay, at humahamon kahit sa lunang dating sakop lamang ng nobela at sanaysay. At maibibilang din sa tula ang paglalaro ng mga taludtod, na matatawag ding inanyuang berso, na ang mismong hubog at anyo ay nagtataglay ng pahiwatig ng tula.

Kung malawak ang pakahulugan ng tula, ang pagbasa rito ay nangangailangan din ng masusing pag-urirat na ginagamitan ng mga kasangkapan sa pag-unawa ng teksto. Maipapalagay na walang isang tumpak na lente ng pagbasa. Ang tula ay hindi na lamang paghahanap ng “esensiya ng tula” gaya ng winika ni Alejandro G. Abadilla. Hindi rin ito katumbas ng pag-alam sa lirisismo ng saknong o taludtod, gaya ng winika ni Ruben Vega. At lalong hindi ito nakasalalay sa apat na sangkap na gaya ng tugma, sukat, kariktan, at talinghaga (o kaisipan), gaya ng panukala nina Lope K. Santos, Julian Cruz Balmaseda, at Iñigo Ed. Regalado. Ang pagbasa ng tula ay pagkilala sa isang realidad, at ang realidad na ito ay maaaring makapagsarili kung hindi man bukod sa realidad na dinaranas ng mga tao.

Hindi rito nagtatapos ang lahat, bagkus simula pa lamang ng mga dapat tuklasin sa larangan ng panulaang Filipinas.

Dulong Tala


[i] Basahin ang http://blurosebluguy.wordpress.com/2009/07/11/aquilone-blu/ na hinango noong 18 Nobyembre 2010 at sinulat ng blogistang nagkukubli sa pangalang Bluguy. Nakalathala roon ang buong tula na may iba’t ibang kulay ang mga saknong, at doble-espasyo ang pagkakatipa ng teksto.

[ii] Maihahalimbawa ang tulang “Kundimang Handog sa Armadong Paraluman” na nalathala sa http://www.emanilapoetry.com/writersgroup/index.php/kundimang-handog-sa-armadong-paraluman/ at hinango noong 18 Nobyembre 2010.  Nasa anyo ng awit ang tula ni E. San Juan Jr., na ang persona’y kinakausap ang sintang pumalaot sa armadong pakikibaka.

[iii] Nalathala sa Rowan Canlas Velonta: Transient Thoughts, http://rowanvelonta.com/2009/11/nang-lumabas-ako-isang-umaga/#comments at hinango noong 18 Nobyembre 2010.

[iv] Hango sa http://www.filipinowriter.com/haiku-in-tagalog-2#comment noong 17 Nobyembre 2010, at sinulat ng nagngangalang RJ Santos.

[v] Basahin ang http://llawlatnem.blogspot.com/2008/01/back-to-water-feet.html na nagtatampok ng mga tulang hindi karaniwang mababasa sa mga tradisyonal na lathalain na gaya ng Liwayway Magasin.

[vi] Basahin ang http://pulikat.blogspot.com/search/label/tula ni Marchiesal Bustamante, na madilim kung mag-isip at pambihira ang sensibilidad sa pagtula. Sinuri ko na ang dalawa niyang tula na mababasa sa http://alimbukad.com/2009/08/27/bangin-ng-alinlangan-ni-marchiesal-bustamante/.

[vii] Basahin ang http://kilometer64.multiply.com/ na hinango noong 18 Nobyembre 2010, at nagpapaliwanag ng simulain ng pangkat hinggil sa pagtula. Mapapansing linyado kahit ang pagkilala ng pangkat sa mga makata, gaya nina Romulo Sandoval at Gelacio Guillermo, na kumakaligta sa ambag ng iba pang makatang hindi kabilang sa politika o ideolohiya ng pangkat.

[viii] Nalathala sa http://kilometer64.multiply.com/tag/poetry?&=&tag=poetry&item_id=46&page_start=40 at nagwagi sa timpalak ng Filipinas Institute of Translation (FIT) na pinamagatang “Katext mo sa katotohanan,” noong 7-14 Marso 2008.

[Binasa ni Roberto T. Añonuevo sa LOL: Lit Out Loud, Manila International Literary Festival, na ginanap noong 19 Nobyembre 2010 sa Hotel Intercontinental Manila, Lungsod Makati. Kasama sa panel ang dalawang Pambansang Alagad ng Sining na sina Bienvenido Lumbera at Virgilio S. Almario]

Batas, ni W.H. Auden

salin ng tula ni W.H. Auden (Wystan Hugh Auden).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

BATAS

Ang batas, ani mga hardinero, ay ang araw,
Batas ang isang bagay
Na tinutupad ng lahat ng hardinero
Búkas, kahapon, ngayong araw na ito.

Batas ang karunungan ng matanda,
Ang sinisigawan ng mga lolong mahina;
Nagsasalapang ang dila ng mga apo,
Batas ang mga pandama ng binatilyo.

Ang batas, sabi ng paring mukhang pari
At nagsesermon sa bayan ng mga tiwali,
Ang mga salita sa aking banal na aklat;
Batas ang pulpito at ang toreng mataas.

Ang batas, ani hukom na lumulobo ang ilong
At malinaw magwika’t mahigpit humatol,
Ang batas na sinabi ko noong sinauna
Ang batas na inaakala kong alam mo na,
Ang batas na ipapaliwanag kong muli
Ay Batas ang Batas.

Ngunit sinusulat ng mga paham na matapat
Sa Batas: Hindi tama o mali ang batas,
Batas ang tanging mga krimeng
Pinarurusahan ng mga pook at panahon natin,
Batas ang mga damit na isinusuot ng tao
Anumang oras, saanmang dako,
Batas ang Magandang Umaga’t Magandang Gabi.

Sabi ng iba, Batas ang ating Kapalaran;
Sabi ng iba, Batas ang ating Kabansaan;
Sabi ng iba, sabi ng iba
Ang batas ay hindi hihigit
Sa pagiging batas na napalis.

At madalas, ang poot na madlang nag-iingay,
Ang nagngangalit at umaatungal
Na Batas ay Tayo,
At malimit mahinhing gagong banayad na Ako.

Kung tayo, mahal, ay nakababatid nang hindi
Hihigit sa kanilang nalalaman hinggil sa batas,
Kung hindi ko alam gaya ng alam mo
Ang dapat gawin at hindi dapat gawin
Maliban kung ang lahat ay sumasang-ayon
Nang masaya o masaklap
Na ang batas ay ito
At ang lahat ay nakababatid nito,
Kung sa gayon, ang isiping ito’y absurdo
Na tukuyin ang Batas sa ibang salita,
Na taliwas sa ginagawa ng maraming tao,
Hindi ko masasabing ang Batas ay muling
Hindi hihigit sa kanilang kaya nating supilin
Ang mithing unibersal na hulaan
O lumihis mula sa ating posisyon
Tungo sa walang pakialam na kondisyon.

Bagaman kaya kong mailugar
ang iyong banidad at banidad kong taglay
Sa pagsasaad nang banayad
Banayad na pagkakatulad,
Maipagmamalaki pa rin natin gayunman:
Gaya ng pag-ibig na aking isinasaysay.

Gaya ng pag-ibig, hindi natin batid kung saan o bakit
Gaya ng pag-ibig, hindi tayo makalilipad o makapipilit
Gaya ng pag-ibig, madalas tayong iiyak
Gaya ng pag-ibig, bihira tayong tumutupad.

Hamig ng Digmaan, ni Paul Jamin, 1893.

Hamig ng Digmaan, ni Paul Jamin, 1893.

Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag

Salin ng tulang “Do not go gentle into that good night” ni Dylan Thomas.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

HINDI DAPAT PUMANATAG SA BIGHANI NG MAGDAMAG

Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.
Dapat taglay ng matanda ang silakbo nitong araw;
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Mga pithó’y sadyang batid na karimlan itong tumpak
Dahil dila’y di masambit ang salitang may salapáng,
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.

Mabubuti’y kumakaway, may hinayang na kay-lakas,
Kung sumayaw sa katihan ang mahinang likhang alay,
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

Ang ilahás, na hinamig at nilustay yaong sikat,
At nabatid, nang hulí na, na magsisi sa pagpanglaw,
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.

Agaw-buhay, ang maysakit na tumitig sa marilag
Ay nakita ang ligaya’t  bulalakaw sa karimlan,
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.

At ikaw po, aking ama, sa sukdulan nitong habag,
Sumpain mo’t pagpalain nang may luhang lumalaban:
Hindi dapat pumanatag sa bighani ng magdamag.
Mapoot ka, mapoot ka’t nauupos ang liwanag.