Salin ng “La Maison de la peur,” ni Leonora Carrington ng United Kingdom at Mexico
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
Ang Tahanan ng Hilakbot
Noong isang hapon, habang naglalakad ako sa isang kapitbahayan, nasalubong ko ang kabayong nagpahinto sa akin.
. . . . . . “Sumáma ka sa akin,” aniya, at yumukod paroon sa kalyeng madilim at makitid. “May ipakikita ako sa iyo.”
. . . . . . “Wala akong panahon,” tugon ko, gayunman ay bumuntot pa rin sa kaniya. Sumapit kami sa pinto na kinatok niya sa pamamagitan kaliwang pesunya. Bumukas ang pinto. Pumasok kami, at naisip kong hulí na kami sa tanghalian.
. . . . . . Maraming nilalang ang nakasuot ng eklesiyastikong damit. “Huwag umakyat sa itaas,” anila. “Makikita mo roon ang aming magandang pintong inkrustado. Yari iyon sa turkesa, at ang mga asuleho’y pinagdirikit ng ginto.”
. . . . . . Nagulat ako sa gayong pagtanggap, at napatangô ako at sumenyas sa kabayo na ipakita sa akin ang kayamanan. Matataas ang baitang ng hagdan, ngunit nakaakyat kami—ang kabayo at ako—nang madali.
. . . . . . “Alam mo, hindi naman gayon kaganda gaya niyang lahat,” aniya sa akin sa mahinang tinig. “Ngunit kailangang kumita ng ikabubuhay, hindi ba?”
. . . . . . Maya-maya’y nakita namin ang turkesang sahig ng maluwag, hungkag na silid. Ang mga asuleho’y lapát na lapát sa ginto, at kagila-gilalas ang asul. Magalang kong tinitigan iyon, at winika ng kabayo:
. . . . . . “Ang totoo’y batong-bato ako sa trabahong ito. Ginagawa ko lang ito para sa salapi. Hindi ako angkop sa ganitong kaligiran. Ipakikita ko sa iyo na sa susunod, magkakaroon dito ng pagtitipon.”
. . . . . . Makaraang makapagnilay, nasabi ko sa sariling madaling mabatid na ang kabayong ito ay pambihirang kabayo. Sa gayong konklusyon, nadama kong dapat ko pa siyang higit na makilala.
. . . . . . “Darating ako sa inyong pagtitipon. Wari ko’y naiibigan na kita.”
“Nakaaangat ka sa mga karaniwang bisita,” tugon ng kabayo. “Mahusay akong ibukod ang kaibhan ng karaniwang tao at ng tao na may pang-unawa. Magaling ako sa pag-arok sa kaluluwa ng tao.”
. . . . . . Napangiti ako nang sabik. “At kailan ang pagtitipon?”
. . . . . . “Mamayang gabi. Magsuot ka ng makakapal na damit.”
. . . . . . Kakatwa iyon, dahil nakasisilaw ang sikat ng araw sa labas.
. . . . . . Nang pababa na ako sa hagdan sa dulo ng silid, napansin ko nang may pagkagulat na higit na magaling sa akin ang kabayo. Naglaho ang mga eklesiyastiko, at umalis ako nang walang nakakikita sa aking pag-uwi.
. . . . . . “Alas-nuwebe,” sabi ng kabayo. “Tatawagan kita nang alas-nuwebe. Tiyaking ipabatid iyon sa kónserhe.”
. . . . . . Nang pauwi na ako’y sakâ ko naisip na inanyayahan ko sanang maghapunan ang kabayo.
. . . . . . Di na mahalaga pa, naisip ko. Bumili ako ng letsugas at ilang patatas para panghapunan. Nang makauwi na ako’y nagsiga ako para makapagluto. Uminom ako ng isang tasang tsaa, pinagnilayan ang naganap sa buong araw, at lalo na ang kabayo, at gaano man kaikli ang panahon ng aming pagkakakilala ay itinuring kong kaibigan. Kakaunti ang aking mga kaibigan, at masaya na akong may kabayo na naging kaibigan ko. Matapos kumain ay nanigarilyo ako at inisip ang kasiyahang maidudulot ng pag-alis, imbes na kausapin ang sarili at mabato hanggang yumao sa pare-parehong kuwento na paulit-ulit kong isinasalaysay sa sarili. Nakababato akong tao, kahit na labis na matalino at pambihira ang anyo, at walang iba pang nakababatid nito kundi ako. Malimit kong sinasabi sa sarili na kung mabibigyan ako ng pagkakataon, ako sana ang naging sentro ng intelektuwal na kapisanan. Dahil nasanay na akong kausapin ang sarili, parati na lang inuulit-ulit ko ang pare-parehong bagay. Ano pa ang dapat asahan? Namumuhay akong gaya ng ermitanyo.
. . . . . . Nasa yugto ako ng pagninilay nang kumatok nang malakas sa pinto ang kaibigan kong kabayo, at kinabahan ako na baká ireklamo ng mga kapitbahay ko.
. . . . . . “Lalabas na ako!” sigaw ko.
. . . . . . Sa karimlan ay hindi ko alam kung aling direksiyon ang aming tinatahak. Tumakbo ako nang katabi siya, at kumapit sa kaniyang buhok para makaagapay. Pagdaka’y napansin kong naroon sa harapan at likuran namin, at sa lahat ng panig ng malawak na nayon, ang mga kabayong parami nang parami. Tuwid na nakapako ang tingin nila sa malayo, at bawat isa’y may kagat-kagat na kung anong lungting bagay. Kumakaripas sila, at ang lagabog ng kanilang mga yabag ay yumanig sa lupa. Lalong tumindi ang lamig.
. . . . . . “Nagaganap ang pagtitipong ito isang beses kada taon,” sambit ng kabayo.
. . . . . . “Mukhang hindi ito kaaya-aya para sa kanila,” sabi ko.
. . . . . . “Dadalawin natin ang Kastilyo ng Hilakbot. Siya ang maybahay.”
. . . . . . Naroon sa malayo ang kastilyo, at ipinaliwanag ng kabayong yari iyon sa mga bato na pananggalang sa matinding taglamig.
. . . . . . “Higit na malamig sa loob,” aniya, at nang sumapit kami sa bakuran, nabatid kong totoo ang kaniyang sinasabi. Nangatog ang lahat ng kabayo, at nangatal ang kanilang mga ngipin na parang kastanyetas. Wari ko’y lahat ng kabayo sa mundo ay dumalo sa pagtitipong ito. Bawat isa’y namimilog ang mga mata, tuwid ang tingin, at may mga bulâng tumigas sa palibot ng bibig. Nanigas ako sa sindak, at ni hindi makapagsalita.
Sinundan namin ang pila hanggang sumapit sa malaking bulwagang napalalamutian ng mga kabute at sari-saring prutas ng gabi. Naupo ang mga kabayo, at nanganigas ang harapang binti. Tumingin sila nang hindi gumagalaw ang mga ulo, at pulos puti ang mga mata. Takot na takot ako. Sa harapan namin, nakahilig sa anyong Romano doon sa malaking kama ang maybahay—ang Hilakbot. Mukha siyang kabayo, ngunit higit na pangit. Ang kaniyang bestido’y yari sa mga buháy na paniking tinahi-tahi ang mga pakpak: kung paano kumampay ang mga ito’y maiisip na hindi nito gusto ang gayon.
“Mga kaibigan,” aniya, nang maluha-luha at nanginginig. “Sa loob ng tatlong daan at animnapu’t limang araw ay pinag-isipan ko kung ano ang pinakamahusay na paraan para kayo aliwin sa gabing ito. Ang hapunan ay gaya noong nakagawian, at bawat isa’y makakukuha ng tatlong bahagi. Ngunit bukod pa riyan, naisip ko ang bagong palaro na sa aking palagay ay naiiba, dahil gumugol ako ng panahon para maperpekto ito. Matiim kong ninanasa na maranasan ninyo ang parehong galak sa paglahok sa palarong ito, gaya ng naranasan ko habang iniimbento ito.”
. . . . . . Lumaganap ang katahimikan pagkaraan niyang magsalita. At nagpatuloy siya.
. . . . . . “Heto ang lahat ng detalye. Pangangasiwaan ko mismo ang palaro, at ako rin ang magiging tagahatol at magpapasiya kung sino ang mananalo.
. . . . . . “Kailangan ninyong magbilang nang pabalik mulang sandaan at sampu hanggang lima hangga’t maaari habang iniisip ang inyong kapalaran at itinatangis ang mga yumaong nauna sa inyo. Kailangan ninyong umindak sa himig ng ‘Mga Bangkero ng Volga’ nang gamit ang kaliwang unahang paa, ‘Ang Marseyasa’ nang gamit ang kanang unahang paa, at ‘Saan ka nagpunta, Aking Pangwakas na Rosas ng Tag-araw?’ sa pamamagitan ng dalawang paa sa likuran. May iba pa akong detalye ngunit hindi na isinali iyon upang padaliin ang laro. Magsimula na tayo. At tandaan, na hindi ko man makita agad ang buong bulwagan, nakikita ng Mabuting Panginoon ang lahat!”
. . . . . . Hindi ko alam kung ang teribleng lamig ang nakapukaw ng sigla; ang totoo’y nagsimulang umindak sa sahig ang mga kabayo at pinalagatok ang kanilang mga pesunya na tila ba papasok sila sa kailaliman ng lupa. Nanatili ako sa kinatatayuan ko, at inisip na hindi nawa niya ako makita, ngunit nakukutuban kong malinaw niyang nakikita ako sa pamamagitan ng taglay na napakalaking mata (isa lamang ang kaniyang mata, ngunit dalawampu’t anim ang laki kung ihahambing sa karaniwang mata). Ganito ang nangyari sa loob ng dalawampu’t limang minuto, ngunit. . . .
