Kagubatan ng Marmol, ni María Negroni

Salin ng “Los bosques de mármol,” ni María Negroni ng Argentina

Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kagubatan ng Marmol

Nakatadhana ako para kay Napoléon. Nasa digmaan ang bansa, at ang mga lansangan ay nag-aalab sa mga gusgusing babae, umiingit na karo, at di-maunawang hiyaw. May pahiwatig ng naunsiyaming kadakilaan, ang mamula-mulang aninag sa mga tigang na mukha. May taksing dapat maghatid sa akin sa kampo, at maikli ang oras. Tinawid namin ang mga nakalululang abenida at pagdaka, ang walang tinag, simetrikong kagubatan, ang kagubatan ng linlang at katahimikan, ang mga bunged na naliligo sa mapusyaw na sinag, ang mga bisig at ugat na balisang umaabot paitaas, nakatindig gaya ng mga estatwa, o mga ugat sa ilalim ng marmol na balát. Naroon ako sa malawak na parke ng mga punongkahoy na tao. Doon sa dambuhalang puting libingan.  At ang mga ngiwi’y tila binabalikan ang nakaririmarim na gunita, at nilalamon ng pagnanasa ang kanilang mga mukha. Nanginginig (nang hindi umiiwas ng tingin), ako’y sumulyap sa pangwakas na punongkahoy, ang higanteng fetus, ang ulo ng tao sa katawan ng bulate.

“Maghreb,” sambit ng tsuper ng taksi, “ang eskultor ay nagngangalang Maghreb.”

Sinabi ko sa kaniya, sa umaalagwang tinig, na ibig ko nang umuwi, at ibalik ako sa aking bahay. Nagmakaawa ako sa kaniya. Ang tsuper, na hindi natigatig, ay ni hindi man lang umimik.  

Alimbúkad: Unlocking the genius of Filipino language through translation. Photo by carol wd on Pexels.com

Round Table, ni Roberto T. Añonuevo

Round Table

Roberto T. Añonuevo

Nakikipaghuntahan ang mga ugat ng punongkahoy
sa mga ugat ng pana-panahong
palumpong o baging,
ani mo’y hinugot kay Sadhguru o sa dibuho sa komiks,
at kung ang mga ito ay papasok
sa aking bibig
ay maaaring lumabas sa tainga,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at gumapang
palapit sa mga mata, at tumimo sa mga balintataw
ang kagubatan, at maghunos na eksotikong libingan.

Katotohanan ang mesa, at nasasalat na katotohanan.

Pag-uusapan sa lupa at súkal
ang batis at estalaktita at dayaráy, at kung minsan,
kulog at kidlat,
punsô at balón,
ibubulalás ang kimkim na kabág o ahas o bulawan,
isisingit ang tiyaga
ng putakti at sakripisyo ng patpating kalabaw,
ililihim ang palakâ
o ang biya sa sipit ng talangkâ,
hanggang sumapit sa heolohiya ng tákot at mithi
na masisipat na pumutok na kuditdít o nalagas
na dahon sa kay lawak na alpombra ng mga lumot.

Nagpupulong ang mga punongkahoy—waring galít na galít
sa isa’t isa at nagsasapawan—
at anuman ang kanilang napag-usapan
(na lingid sa iyo o sa akin),
gaya halimbawa sa anyo ng bunga o patigasan ng bungéd,
ay pribilehiyong pailalim para sa mga karapat-dapat,
at diringgin
kahit piláy ang isang pakpak ng balitang lilikwad-likwad.

Wika ni Idyanale, ni Roberto T. Añonuevo

Wika ni Idyanale

Roberto T. Añonuevo

Para kay Ann Sherina

Ang pangalan sa aking dibdib ang pangalan na iyong inibig. Nasa loob ng pangalan ang kagubatang taglay ang sari-saring hayop, ibon, kulisap at iba pang nilalang. Ang kagubatang ito ay kisapmatang nagiging bonsai kung iibigin mo, halimbawa kung nayayamot sa makukulit na lamok o alitaptap. Ang bonsai ay patutubuin mo sa iyong palad, at magkakabagwis sakâ iibis paimbulog, at habang lumalaon, maaaring malimot mo ang mga punongkahoy, palumpong, damo, at kung ano-ano pang halaman, gaya sa matatandang kuwento, kapag nalilibang pagtingala sa himpapawid. Ngunit magbabalik sa lupa ang pangalan, at magdiriwang ang buong santinakpan. Maririnig ng lupa ang salita, at kung magkaroon man ng samot na balita, ang balitang ito ay pangalan na iniibig ka at nagkataong iniibig mo rin — at umiindak, umaawit, tumutula kahit pa nasa loob ng pinakamalupit, pinakamabangis na bilibid o yungib.

Stop illegal arrest. No to kidnapping. No to illegal detention.

Kaarawan, ni Roberto T. Añonuevo

Kaarawan

Roberto T. Añonuevo

Bumukas ang pinto, at humigop ng mga bagwis at amihan
ang himpilan. Lumakad papaloob doon ang isang binata,
at nang lumabas siya pagkaraan ng apatnapung gabi,
ang paligid ay hininga ng hukluban, at ang lupain
ay alingawngaw ng kalembang ng mga banyagang batingaw.
Luminga-linga ang kabataan, sinamyo ang halimuyak
ng mga palumpong at punongkahoy na nakasalubong,
sinalat ng mga talampakan ang maligamgam na lupa,
at waring naramdaman niyang pumatak sa kaniyang maantak
na loob ang malagkit maitim nakalalangong pulut ng ilahas
na kagubatan.