Tuhan, ni Roberto T. Añonuevo

Tuhan

Roberto T. Añonuevo

Kasinglaki ng dulo ng hintuturo ang mga kontinente
ng impormasyon—parang panaginip o bangungot—
. . . . . . . . . . . . . . . .  . , ,at sa isang iglap, makagigiba ng dibdib
at bahay; at ang gusali, gaano man katagal ipinundar,
ay nakatakdang magwakas at magsilbi sa pagpapahaba
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng mga bagong pampang.
Ingatan ang hintuturo.
Baka iyan ang lagusan tungo sa kubling-kamalayan.

Kapag naipit ang iyong daliri, o minalas na maputol
sa kung anong katwiran, ang karunungan ay espasyo
na magdiriwang sa siklo ng alingawngaw at kagutuman.

May sampung daliri, ngunit naiiba ang nakapagtuturo.

Ang memorya mo’y katumbas ng magagarang aklatan,
na magpapanalo sa ahedres at huhula ng mga bagyo.
Gayunman ay hindi ito madarama at walang pandama.

Mag-iisip kang nanunurot, at matututo ng panunumbat
ang bilyong daliring katumbas ng pindot o tinig o alon.

Gagayahin nila ang iyong daliri.

Hindi ba napahihinto ng lagnat ang trapik ng obrero
at ang mga palengke’y kontaminadong libingang
kahihindikang lingunin, kung hindi man dalawin?

Kumusta, kabalikat?
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . Kung maglaho kang anino’y
tiyaking maililipat sa dulo ng aspile ang utak o haraya,
at mapasakamay ng iba.
(Ganiyan ang pagpapaliit ng uniberso sa isang berso.)
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Sa gayon, maireresiklo ang lihim
at katangahan at katotohanan, saka maaangkin ng iba
ang mga bantayog at libong limbagan.

Kapag nawala ka’y isisilang ang sangkatauhan.

Mapaiikot na ruleta ang mga lunggating ikinakahon,
ikinakarga, iniluluwas sa ngalan ng mga kasunduan.

Malalaos ang silbi ng raket at submarino, at mauuso
. . . . . . . . . .ang saranggolang lumulupig,
ngunit mananatili ang mga pambihirang hintuturo

para sa kapayapaan.

Ano nga ba iyan kung ihahambing sa maginhawang
paghinga? Magkano ang simoy ayon sa mga baraha
ng hinaharap?

Sapagkat nasa iyong hintuturo ang kawan ng balang
at nag-iisang uwak sa huklubang tuod ng bakood,
ingatan ang daliri.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .Ingatan ang dulo ng daliri.

At kung ang kabulaanan ay makagagaan ng puso,
makaaasang maitutuwid ng isang hinlalato
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ang paghuhugas ng kamay.

Karabana ng mga Tanong, ni Roberto T. Añonuevo

Karabana ng mga Tanong

Roberto T. Añonuevo

Noong inagaw mo
ang aming gatas
at pulut
at kinulimbat
ang templo
at gunita,
makikisalo ka rin ba
kung maghapunan
kami ng sopas
na bato’t
ginataang
buhangin?
Noong inagaw mo
ang aming gubat
at tubigan,
magtataka ka ba
kung mangarap
kami ng lungsod
at ospital?
Kung marupok
ang aming
gobyerno’t
maikli ang pisi,
bakit hindi kami
sasandig
sa mga pangako
ng ayuda
o pautang mo?
Kung ikaw
ang bantayog
ng batas
at seguridad,
bakit kami
ibinubusa
sa digmaan
at kudeta?
Kung kami
ay mga tulak
at adik,
bakit ikaw
ang nakikinabang
sa merkado
ng opyo’t damo?
Kung kami
ay mga kriminal,
bakit mo kami
pinararami
sa matematika
ng lason
at pulbura?
Kung kami
ang libong libog
na lapastangan,
bakit binibiling
laruan
ang aming kabiyak
o kabataan?
Kung kami
ay walang kuwenta’t
batugan,
bakit kami
magpapaalila
sa iyong pabrika
o pasugalan
o kusina?
Kung ang aming
teritoryo’y
sinakop mo,
bakit matatakot
kung lumampas
kami sa bakod
ng Mexico?
Kung hindi man kami
Amerikano,
bakit pa kami tatawagin
bilang kapuwa tao?
Kung kami’y hampaslupa’t
mangmang,
bakit itatanong sa amin
ang demokrasya,
ang kasarinlan,
ang kung anong
katarungan?
Ano kung tumawid kami
ng bundok at ilog,
lumakad sa bubog o apoy,
matulog sa daan?
Ano kung kami’y
lagnatin,
at masawi
nang di nakikita
ang mga pader mo?
Kung kami
ang mga liping
isinumpa’t itinakwil,
kung kami
ang mga banyagang
isinuka
ng aming
mga bayan,
kung kami
ang mga bakwet
mula sa digma,
kalamidad,
at taggutom,
bakit ka matatakot
kung kami
ngayon
ay kumakatok
sa pinto
ng pag-asa?
Bakit ka
magtatanong
sa ugat
ng aming ilahás
na karabana,
sa aming
nagkakaisang
pakikibaka?
Bakit ka
masisindak
sa gramatika
ng libo-libong
kondenadong
kaluluwa?

water nature branch snow winter fence barbed wire black and white white photography vintage frost cable wire ice color weather monochrome season twig close up blank ants freezing macro photography monochrome photography outdoor structure wire fencing home fencing

Ang Balangkas ng “Sanaysaging” ni Epifanio G. Matute

Inimbentong salita ni Epifanio G. Matute ang “sanaysaging” na mula sa pinagtambal na mga salitang “sanaysay” at “saging,” at sumusunod sa yapak ng “Tanagabadilla” na mula sa pinagtambal na mga salitang “tanaga” at “Abadilla” na apelyido ni Alejando G. Abadilla. Kung ang “tanagabadilla” ay isang uri ng tanaga na pinauso ni Abadilla (na iba ang sukat, tugma, at sensibilidad kompara sa tradisyonal na tanaga), ang “sanaysaging” ay sanaysay na bersiyon ni Matute na nalalangkapan ng matalas na satira at pagpapatawa hinggil sa sarili para ibunyag ang saliwang patakarang pang-ekonomiya ng pamahalaan, ang malaganap na kagutuman at tagsalat, at ang pagnanasa ng karaniwang tao na makaraos sa masaklap na kalagayan.

SAGING, kuha ni Bobby Añonuevo

SAGING, kuha ni Bobby Añonuevo

Binubuo ng 29 talata ang buong sanaysaging ni Matute, at kabilang na rito ang paisa-isang salita o pangungusap na paningit sa mga bloke ng salita. Simple lamang ang tesis ng sanaysay: Kailangan ang saging para umunlad ang bansa, kaya dapat itong palaganapin at ilangkap sa patakarang ekonomiko ng Filipinas. Pabalintuna at maparikala ang presentasyon ng gayong tesis, dahil kahit sinasabi na kailangan ng Filipinas ang malawakang produksiyon ng saging ay lalo nitong ibinabaon sa tuligsa ang gayong kalakaran. Ang naturang tesis ay hindi matatagpuan sa unang talata bagkus sa ikatlong talata bago ang pangwakas na talata, at lumalagom sa tinagurian niyang “sagingisasyon”—ang ganap na pananaig ng saging bilang produkto at sagisag ng bansa.

Ang siste ng sanaysay ay nakatuon sa personang naglalahad ng kaniyang karanasan hinggil sa saging.  Sa unang talata, ipababatid agad niya ang angking katangahan sa sining at siyensiya ng pagtatanim hanggang pagpapahinog ng saging. Iuugnay niya ito sa ikalawa at ikatlong talatang pumapaksa sa kakulangan ng suplay ng bigas sanhi ng digmaan, at ang pag-ugat sa esensiya ng sisid rice, kamote, at kangkong. Ang pihit ng paglalahad ay sasapit sa ikaapat na talata, nang makapulot ang persona ng inakala niyang punong saging, at pagsunod sa yapak ng pagong sa kuwentong bayang itinala ni Jose Rizal.

Lilipas ang panahon at mabubuhay ang tanim, ngunit magtataka ang persona kung bakit hindi ito namumunga. Nagbalik si Hen. Arthur MacArthur sa Leyte, winasak ng mga bomba at artilyeriya ang Maynila, at bumaha sa bansa ang mga produktong mula pa sa Estados Unidos ngunit nabigo pa ring mamunga ang pananim. Nang minsang mapadalaw ang amain ng persona ay sinabi nitong hindi naman saging ang naturang tanim bagkus abaka. At ang abakang ito ay maaaring pagkunan ng mga hibla ng lubid na puwedeng pambigti ng persona.

Halos isumpa ng persona ang saging, bagaman walang kasalanan ang saging sa kaniyang katangahan. At magbabago lamang ang kaniyang palagay at prehuwisyo sa saging nang pumasok sa eksena ang United Fruit Company na naglalayong isulong ang malawakang pagtatanim ng saging sa Dabaw, palitan ang mga dating pananim na palay at mais at gulay, at kumbinsihin ang taumbayan, batasan, at gobyerno sa pamamagitan ng mga anunsiyo sa diyaryo, radyo, telebisyon, at iba pang lunan ng talakayan. Ngunit sasalungat si Senador Lorenzo Tañada, at ito ang magwawakas sa tangkang pagbabago sa Saligang Batas na kikiling sa sagingisasyon ng Filipinas. Ang “sagingisasyon” na taguri ni Matute ang katumbas ngayon ng “globalisasyon” sa negatibo nitong pakahulugan, alinsunod sa malayang daloy ng palitan ng produkto at lakas-paggawa sa iba’t ibang bansa.

Banayad ang banat ng persona hinggil sa United Fruit Co., na tinumbasan niya ng salin sa Tagalog na  “Nagkakaisang Prutas.” Kunwa’y pinupuri niya ang pag-ulan ng latundan, lakatan, at bungulan, ngunit ang totoo’y maligoy niyang hinahatak ang mga tao na pag-ukulan ng pansin ang gayong patakarang ang makikinabang lamang ay ang nasabing dambuhalang kompanya. Bagaman walang binanggit na estadistika si Matute, ang lupaing laan sa agrikultura sa bansa ay aabot sa 12.84 milyong ektarya, at 66 porsiyento rito ay tinatamnan ng palay at mais, ayon sa Environmental Law of the Philippines (1992). Ang pagpapanibago ng patakaran kung gayon sa produksiyon ng palay at mais ay makaaapekto hindi lamang sa suplay nito sa buong bansa, bagkus maging sa sistema ng pamumuhay ng mga tao. Mapangingibabaw ang pagtugon sa pangangailangan ng tagaibang bansa, kaysa unahin ang pangangailangang pangkabuhayan dito sa Filipinas.

Ang “Republika ng Saging” ay mahihinuhang hango sa “Banana Republic” na taguri sa mga bansang nakasandig ang ekonomiya sa gaya ng saging, at iba pang produktong pansakahang iniluluwas sa Estados Unidos at Europa. Ibinibilang dito ang gaya ng El Salvador, Belize, Nicaragua, Honduras, at dating panlait sa mga pamahalaan nitong pinamumunuan ng hunta militar. Nang lumaon, ang “Republika ng Saging” ay ibinansag na rin ng mayayamang bansa kahit sa mga bansang walang matatag na ekonomiya, at laging nakasandig sa pagsusuplay ng mga produktong pang-agrikultura o kaya’y lakas-paggawa sa mayayamang bansa. Sa kabila ng lahat, ang Republika ng Saging ay masasabing produkto ng mga multi-nasyonal na kompanyang gaya ng United Fruit Co. at ng kakutsaba nitong ahente sa pamahalaan at pribadong sektor. At kung gayon nga, ang tinatawag na “sagingisasyon” ni Matute ay nagiging lehitimo lamang kung papayagan ng taumbayan, at maipapaloob sa pambansang patakaran ukol sa agrikultura at ekonomiya.

Manghihinayang ang persona at hindi matutupad ang sagingisasyon ng Filipinas. Ang panghihinayang na ito ay ipapasok na lamang sa pambansang awit ng Filipinas: Bayang masaging, Perlas ka ng Sagingan/ Puso ng saging, sa dibdib mo’y buhay./ Lupang Sinaging, duyan ka ng latundan./ Sa kontra-saging, di ka padadagan./ Sa dagat at bundok,/ Sa simoy at sa langit mong bughaw,/ May dilag ang saging/ at awit sa lakatang minamahal/. . . . Ang kontra-saging na binanggit ng persona ay hindi naman talaga kontrabida, bagkus tagapagtanggol nga ng bansa. Ikinukubli lamang ni Matute ang gayon sa pamamagitan ng pagpapatawa, nang mapagaan ang panunuligsa sa pamahalaan.

Ispesimen ang sanaysaging ni Matute kung paano nagbabago ang uri ng sanaysay sa Filipinas. Ang pag-urirat at pagsasakdal sa mga baluktot na patakaran ng pamahalaan ay hindi kinakailangang laging tahas, at magagamit ang bisa ng ligoy at pagpapatawa. Ngunit hindi basta pagpapatawa na gaya ng ginagawa ni Michael V. at iba pa niyang kauri na ginagagad lamang ang realidad. Umiimbento ng realidad si Matute, at gumagamit ng mga tagpo sa lipunan at kuwentong-bayan nang hindi nangyuyurak o pinagtatawanan ang karaniwang tao. Hinahamon tayo ni Matute na kasangkapanin ang sanaysay sa pamamagitan ng madidilim na pagpapatawa, at nasa atin na ang pagpapasiya makaraang mabusog sa sagingan ng kaniyang bait at pahiwatig.