Kuliglig at Ilaw, ni Charles Simic

salin ng mga tula ni Charles Simic.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

MGA KULIGLIG

Mapapalad ang mga hindi
Nauubusan ng panahon
Sa kailaliman ng magdamag,
Ngunit hila ang mga paa nito,

Bilanggo ng sandali,
Tulad ng nag-iisang layag
Na nakabitin sa baybayin
Habang takipsilim,

May ilang kanaway
Na kapiling doon sa langit,
At malapit sa tahanan,
May kuliglig, kuliglig, kuliglig.

MAY ILAW SAANMANG PANIG

Hindi dapat ipabatid sa hari na sasapit ang gabi.
Tinutugis ng kaniyang mga hukbo ang mga anino,
Hinuhuli ang mga tariktik at tigmamanukin
At pinalalagablab ang mga bayan at nayon.

Sa kabisera, naglilibot sila para kumpiskahin
Ang mga orasan, sinisigaan ang mga erehe’t
Kinukulayan ang liwayway sa ibabaw ng bubungan
Para batiin natin ang isa’t isa ng magandang umaga.

Tumitilaok ang tandang na nakatali ang paa,
Pinilit na nakabukad ang mga bulaklak sa hardin,
Ngunit nagmantsa ang dilim sa sahig ng palasyo
Na hindi kailanman mapapawi ng anumang kuskos.

Advertisements

Ang Lungsod sa Laot

salin ng “La ciudad en el mar” [1845] ni Rubén Darío (na ang buong pangalan ay Félix Rubén García Sarmiento) mula sa orihinal na Espanyol.
salin sa Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Lungsod sa Laot

Masdan! Nagtindig ng trono ang kamatayan, sa kakaibang lungsod na sumibol nang mag-isa at malayo sa makulimlim na kanluran, na ang mabubuti o masasama, ang mga aba at nakaririwasa, ay pawang patungo sa walang hanggang kapayapaan. May mga templo, palasyo, at tore—mga tore na binubukbok ng panahon, ngunit hindi yumayanig, na waring walang halaga sa atin. Sa paligid, lumilibot ang simoy ng paglimot na hindi pumupukaw, panatag sa ilalim ng langit, habang malungkot na humihimlay ang mga alon.

Nabigong makapaglagos ang sinag mula sa sagradong ulap tungo sa pusikit na dilim ng lungsod, ngunit ang liwanag na ibinabalik ng maputlang dagat ay sumasakop sa mga tore, nagpapaningning nang tahimik sa mga moog, pumapaloob sa mga tuktok ng simboryo, sa maharlikang palasyo, sa mga Babilonikang dingding ng mga templo, sa malungkot na pag-iisa at matagal na pagkaligta, sa matitigas na batong inukit ang yerba at bulaklak—doon sa kahanga-hangang templo na binabalot at sinasakal ng mga estrelya, biyoleta, at palumpong.

Sa ilalim ng langit, nagdadalamhati ang tahimik na tubigan. Nalilito ang mga tore at anino sa pangyayaring waring nakabitin sa hangin, yamang ang mapagmataas na tore, ang Kamatayan na malawak ang tanaw, ay pinagbubulayan ang lungsod na nasa paanan nito.

Humihikab sa maningning na tubig ang mga bukás na templo at libingang walang tanda, ngunit walang mailalantad ang mga diyamanteng mata ng bawat anito, ni ang mga bangkay na binalot ng mga palamuting alahas, na pawang hinango sa kama ng dagat. Walang kulubot ng alon ang hinagpis ko! Walang alon na magpapahiwatig na ang dayaray ay makaiiral sa malayo’t masayang karagatan; walang alon na makapagsasaad na ang simoy ay mamumuhay sa ibang laot na hindi nakasisindak ang katahimikan.

Ngunit naroon ang aking pangangatal na lumiligalig sa hangin. Nagpakilapsaw iyon sa ibaba. Lalaganap ang usapang niyanig niyon ang mga tore at pinalubog sa tahimik na alon, na waring ang mga tuktok ay nagluwal ng hungkag na liwanag sa maulop na kalawakan. Pagkaraan, titingkad na pula ang ilaw, at lilipas ang sandali nang tahimik at matamlay. At sa gitna ng mga taghoy na walang kinalaman sa kaligiran, lalapain nang ganap ang lungsod na ito at ibabaón sa dagat, ngunit magbabangon sa laksang trono, saka pagpupugayan ng Impiyerno.

Chess at Tula para sa mga Kabataan

Mapaghahalo ba ang chess at tula? Mahirap itong sagutin, ngunit maaaring magsimula sa pangyayaring ang chess at ang tula ay kapuwa gumagamit ng matalas na lohika at malalim na guniguni. Hinihingi sa chess ang kabihasaan sa teorya ng atake at depensa, mulang pangunang tira at sakripisyo ng piyesa hanggang pagsalakay na may kombinasyon ng mga hakbang. Walang dapat sayanging tira sa chess, at ang isang pagkakamali ay maaaring gumulong at magwakas sa pagkakamate. Hinihingi rin ang gayon sa tula, dahil ang pambungad na taludtod ay dapat suhayan ng mga susunod na taludtod, o kaya’y umugnay sa iba pang mga taludtod, upang maging matagumpay ang pagwawakas at maipamalas ang pananalinghaga sa naiibang paraan. Maaaring isiping may simula, gitna, at wakas ang tula, gaya ng yugto sa chess. Walang dapat aksayahing salita sa tula, dahil ang paglulustay ng salita ay magbubunyag ng kawalang disiplina, kung hindi man katangahan, ng makata.

Umiinog ang chess o ahedres sa limitadong oras, na taliwas sa tula na maaaring ang limitasyon lamang ay takdang panahon ng paglalathala at patimpalak.

Limitado ang tira ng chess sa 64 parisukat, at ito ang magtatakda ng kumbensiyon sa mga manlalaro. Ang kahanga-hanga’y kahit sa gayong napakasikip na mga kahon, napakaraming pagdulog at panuto ang naimbento at sinubok, kaya ang isang teorya ng grandmaster ay maaaring salungatin ng iba pang teorya ng iba pang grandmaster. Gumaganda ang chess tuwing may naipapasok na sariwang kabaguhan, mula man sa pagpapaunlad ng panimulang hakbang at gitnang laban hanggang paghahanda sa pandulong yugto ng pakikipaglaban. Layon ng manlalaro na sukulin o pasukuin ang kalaban. Lumalalim ang chess dahil ang hari, reyna, obispo, kabalyero, tore, at piyon ay may kani-kaniyang tungkulin, at ang tungkuling ito ay maaaring manaig kaysa iba, alinsunod sa hinihingi ng pagkakataon.

Taliwas naman iyon sa tula na halos walang hangga ang maaaring eksperimento, kung isasaalang-alang ang kombinasyon ng mga salita, pakahulugan, at pahiwatig. Ang tula ay maaaring umabot sa kung ilang libong pahina, o kaya’y mabuo sa ilang taludtod o sa pamagat lamang. Walang ibig sukulin o pasukuin sa tula, gayunman ay maaaring maglatag pa rin ito ng mga patibong at lalang, upang malikmatahin ang mambabasa at dalhin siya sa pambihirang antas ng kabatiran. Gumaganda ang tula habang lumalalim, at kung nakapagpapakilala ang makata ng samot-saring pagdulog mulang panimulang taludtod hanggang pagbubuo ng saknong tungo sa di-inaasahang wakas. Napakarami rin ang pagdulog sa tula, dahil ang tula ngayon ay hindi na lamang isinusulat upang basahin nang tahimik bagkus itinatanghal gaya ng dula. Nagiging makapangyarihan ang tula kung makalulusot ito sa iba’t ibang teorya ng pagsusuri, imbes na sumandig lamang isang teorya ng pagtula.

Sa ibang pagkakataon, may pinapasok agad na kumbensiyon sa pagsulat ng tula. Ito ang mga panuto sa tugma, sukat, hati, tayutay, sayusay, gramatika, palaugnayan, at iba pang kaugnay na bagay. Nababali ng makata ang ganitong kumbensiyon sa dalubhasang pagsasakataga ng mga larawan o pangyayari, samantalang nasa isip ang disiplinadong pagkatha at pag-isip ng talinghaga. Ang kumbensiyon naman ng chess ay nalilimitahan ng pari-parisukat na kahon, at nababali lamang ang gayong kumbensiyon tuwing may lumilitaw na baryasyon o baryedad ng mga tira o may nagpapauso ng ibang teorya na sumasalungat sa inaasahan ng mga kritiko o maestro sa laro. Hinihingi ng chess ang bilis na mag-isip at resistensiya sa paglalaro nang matagal. Samantala, kinakailangan sa tula ang mag-isip nang matagal ngunit magsulat nang mabilis upang maiwasang mawaglit sa guniguni ang pagdatal ng kabatiran. Magkaharap ang magkalaban sa chess. Sa tula, ang kalaban ay maaaring ang ibang makatang nagtataglay din ng kahusayan. Ngunit habang tumatagal, ang nilalabanan ng makata ay hindi ang ibang makata, kundi ang kaniyang sarili na maaaring nababalaho sa de-kahong pag-iisip.

Bibihira lamang sa panitikang Filipino ang nag-uukol sa ahedres, at maibibilang dito sina Ariel Dim. Borlongan at Lamberto E. Antonio. Kapuwa maestro sa tula ang dalawang makata, at nagiging dibersiyon lamang ang chess kung mailap ang musa at nagsawa na sa alak. Pansinin ang tulang ito ni Borlongan:

EN PASSANT
ni Ariel Dim. Borlongan

Mag-iingat ka, Mahal na Reyna,
Ipit na ipit na ang iyong hari.
Ang tore ay marupok na puwersa
Kapag nananaig ang Sundalo’t Pari.

Manalig ka sa nagkakaisang piyon
Kahit maliliit, sila’y makapangyarihan
At anumang oras ay handang humamon
Sa lalapastangan sa kaharian.

Nagtataksil na ang Sundalo.
Naglilihim na ang Pari. Depensa
Ng Tore’y malapit nang isakripisyo,
Mag-iingat ka, Mahal na Reyna.

Ang bawat sulong, ang bawat sulok,
Ang bawat hanay ay mahalaga ngayon.
Ang maliliit ay muli mong masusubok
Manalig ka sa nagkakaisang piyon.

Sinulat ni Borlongan ang tulang ito noong 1988, ang panahon na mabuway ang administrasyon ni Pang. Corazon Aquino dahil sa ilang tangkang kudeta ng kaniyang dating matatapat na kawal. May apat na saknong lamang ang tula, na bagaman may dulong tugma ay walang sinunod na sukat at hati [caesura]. Ginamit sa tula ang mga salita sa chess, gaya sa pamagat, ngunit ang mga piyesa ay nakargahan ng dagdag na pahiwatig na maaaring sumaklaw sa politika at lipunan. Ang persona sa tula na siyang nagsasalita ay maaaring matalik na nakababatid sa kaniyang “Reyna” (na maaaring pangulo). Ang paghimok sa kaniya na “manalig sa nagkakaisang piyon” ay paalaala na ang pakikibaka ay hindi napagwawagian ng isang piyesa lamang. Kailangan ang mga katuwang, ang planadong pagkilos, at ang malikhaing pagdulog sa mga problema o balakid. Animo’y propetiko ang tulang ito ni Borlongan na nagkakatotoo magpahangga ngayon. Ngunit ang mga piyon ng kasalukuyang reyna ay hindi karaniwang mamamayan, bagkus animo’y matatapat na turuang aso doon sa kongreso.

Isa pang maihahalimbawa ang tula ni Antonio na ginamit ang persona ni Bobby Fischer sa kaniyang tula. Masiste ang pagdulog ng makata, at kung hindi batid ng mambabasa ang mga termino, kasaysayan, o dalumat  sa chess ay tiyak na mahihirapan siyang arukin ang talinghaga ng tula.

ORAS NG AHEDRES (2)
(Monologo ni RJF)
ni Lamberto E. Antonio

Anumang oras, kahit ako puyat at nakatalikod
basta mataba ang pabuya, magaan kong itataob
ang hari-hariang si Kasparov o si Karpov.
Sa ganyan lubusang maaarok ng buong mundo
na sadyang dapat manganino ang dalawang ito
sa henyo ng larangang isinisilang sa Chicago.
Malayung-malayo na raw ang narating ng chess
sapul nang supilin ko si Spassky sa Reykjavik:
nakalabas ba sa teritoryo ng Unyong Sobyet?
Laging makiling ang pederasyon sa bansang iyan
kaya magluluwat bago magpiglas sa sinapupunan
ang dapat kong turuang magdepensa’t manalakay.
Walang mintis, susunod siya sa mga bakas namin
nina Steinitz, Euwe, Capablanca at Lasker;
ibang lahi ang muli niyang pangingibabawin.
Akin pa rin ang trono, alam ng lahat;
at dito ako naiidlip kapag nakapanghihinamad
ang iba kong hilig, tulad ng palmistry at jazz.

Simple ang tula na sinulat noong 1986 ngunit mabigat ang mga pahiwatig dahil ang mga salita ay humuhugot sa balon ng chess. Banayad ang tinig ng persona sa tula ngunit umiiwa at mayabang, gaya ng pasaring na kayang talunin ng persona ang dalawang pamosong grandmaster at ang FIDE ay makiling umano sa dating Unyong Sobyet. Isinaad din sa tula na ang politika sa loob ng pederasyon ang sumasagka sa persona para hubugin ang iba pang kabataang mahilig sa ahedres. At bagaman iba na ang kampeon, yamang tinanggalan ng korona si Fischer, ang pag-iisip na kampeon ay napanatili niya sa sarili. Ang pagiging kampeon ay wala sa panlabas na pagpapataw ng pederasyong magdidikta kung sino ang dapat maghari alinsunod sa itinatakda ng kumbensiyon. Lumilihis ang persona sa gayong pag-iisip. Ang pagiging henyo ng chess ay higit sa pagwawagi o pagkakamit ng titulo, at napakahalaga ng reimbensiyon ng laro at paglabas sa kahon na pawang makapag-aambag sa progreso at estado ng ahedres. Ito ang itinuturo ng tula.

Kung minsan, kinakailangan ng makata na lumabas sa kahon o kumbensiyon. Kailangang magkaroon siya ng lakas ng loob na sumalunga sa namamayaning pag-iral, pag-iral na maaaring bulag na pagsunod sa banyagang padron o walang malay na pag-uulit sa sinaunang panahon. Kailangan ng makata ang magtaya, at mabigo mang makilala agad ng madla, ang higit na mahalaga’y makapagpasok ng kabaguhan na maaaring umugit ng bagong landas sa panulaang pambansa, kung hindi man panitikang pandaigdig.

Disenchanted Kingdom

Malaya kang pumasok sa kahariang ito, makaraang pumila at makapagbayad ng limandaang piso at makatanggap ng tiket tungo sa aliwang bayan. Tiyakin lamang na huwag magbibitbit ng pagkain, dahil ano pa ang silbi ng mga tindahan at kainan sa loob kung lalangawin lamang sa taas ng presyo? Magsuot ng tumpak na damit at sapin sa paa, at bagayan ng magagalang na pananalita at kilos, dahil hinihingi ng mga dugong-bughaw ang paggalang mula sa kanilang mapapalad na panauhin.

Ang paghakbang papasok ay pagkaligta, kahit sandali, sa iyong kinamulatang bayan. Papasok ka rito hindi bilang Filipino, bagkus bilang mamamayang nasa kapangyarihan ng hari at reyna. Ito ang lunan ng salamangka at pista, na pawang tumitighaw sa layaw at pagmamalabis. Ipinaloob dito ang bonsai na kagutaban, ang robotikong galaktika, ang sinaunang Brooklyn, at iba pang pook na banyaga sa iyong hinagap.

Ipalalasap sa iyo ng palsipikadong sanaw, talón, at dagat ang mga ilahás na tubigang nakapaikot sa iyong kapuluan at hindi mo tatangkaing puntahan. Mahihindik ka sa mahika ni Harry Houdini, at ang mga mangkukulam at babaylan ay maitataboy palayo sa iyong isip. Makikiliti ka sa panandaliang tato, at kahit itakwil mo ang pagiging katutubo ay magiging isa ka nang kosmopolitanong pintado.

Mauunawaan mo ang pag-iral ng dinosawro at panahon ng yelo sa panahon ng pagbabagong-klima. Sa kabila ng lahat, maaakit ka pa ring bumili ng sorbetes at magpalamig sa haluhalo habang tumitindi ang sikat ng araw. Sisipatin mo ang mga eroplanong yari sa kahoy at dambuhalang ferris wheel, at susubuking sumakay mamaya, subalit magdaraan muna sa tulay na niyari noong sinaunang panahon.

Maglakad nang maglakad at malulustay ang oras nang hindi mo inaasahan.

Sasapit ka sa mga kabayong mekanikal at lumilipad, o sa mga kotseng nagbubungguan, o sa mga sisneng paikot-ikot sa lawa-lawaan. Maaaring sumilip sa mga tindahang naghahain ng kung ano-anong eksotikong alahas o imported na tisert mulang Afrika at Brazil, at makapipili pa ng samot-saring pasalubong para sa iyong anak, kasintahan, asawa, at kaibigan. Ipagpatuloy mo ang paglalakad at maiinggit ka sa mga magkasintahan at mag-anak na magkakahawak-kamay, at kung maghalikan o magyakapan ay parang kanila ang buong daigdig.

Mauunawaan mo ang apat na dimensiyong teatro at ang dalawahang panig na barilan. Luluwa ang iyong mata sa ikinukubling kayamanan ng Rio Grande. Magugutom ka at tatanghod sa mga tindahan para makabili ng nilagang mais at sopdrink, ngunit dahil kulang na ang iyong badyet ay iisipin na lamang ang mga pagkaing iyong iniwan sa bahay o kung hindi’y sasamyuin ang iniluluto sa Hotdog Kiosk. Mahihilo ka sa gutom at laro, iinom nang sapat sa gripo, at ang laro ang magpapagaan sa iyong kumakalam na loob.

Saka ka matatauhan na gumagabi na pala. Malayo ang landas pauwi, at naririnig mo na ang pagtatalumpati ng iyong bituka. Paglabas mo ng tarangkahan, ang kaharian na iyong ginalugad ay parang maglalaho ang mga kutitap kasabay ng pagbati ng bantay. Lumalamig ang ihip ng simoy, at ilang araw na lamang ay Pasko na. Ngunit ano ba ang Pasko kahit napanood mo ang munting dula hinggil sa buhay nina Hesus, Maria, at Jose?

Tatanawin mo muli ang kaharian. Pagkaraan ay ipagpapatuloy ang paglalakad habang naiinggit sa dami ng mga kotse, van, at bus na tiyak na maghahatid sa mga turista.  At marahil, makikiangkas ka sa kung anong sasakyan palabas sakali’t may magpaangkas, o kung hindi’y magtatanong sa sinumang makakasalubong sa daan kung paano makararating patungo sa iyong tinitirhan. Halos sumayad ang iyong dila sa lupa, ngunit wala sa iyong maaawa. Komersiyal at mabilis, ang lilisanin mo ay ano’t hinding-hindi na muling magiging kagila-gilalas, kakatwa, at mistikal.

Ang Mito ng Prinsesa Urduha

Nakalulugod na unti-unti nang nagsisimula ang pagbubuo ng mito ng mga Filipino, gaya ng animasyong Prinsesa Urduha sa larang ng pelikula. Inaakala tuloy ng nakararami na may katotohanan ang tala ni Ibn Batuta, nang maligaw siya sa Tawalisi (Pangasinan) mula sa paglalakbay sa Kakula, Java, Indonesia bago tumungo sa Tsina. Mahirap nang patunayan ang salaysay ni Batuta, maliban kung susuhayan nga ito ng ilang antigong tala mula sa mga Tsino, tulad ng winika ni Jaime Veneracion; o kaya’y may bagong arkeolohiko’t antropolohikong tuklas sa kaugnayan ni Urduha sa tribung Ibaloy.

Ang salaysay ni Batuta hinggil kay Prinsesa Urduha ay mula sa paningin ng manlalakbay na tagaibayong dagat, kaya maaaring nalulukuban ng pananaw, prehuwisyo, paniniwala, at guniguni ng dayuhan. Ang salaysay ni Batuta, gaya ng pagdududa nina Jaime C. de Veyra, Julian Cruz Balmaseda, at Iñigo Ed. Regalado, ay hindi basta tala sa kasaysayan, bagkus malikhaing kasaysayan o alamat na kinatha ni Batuta habang nilulustay niya ang panahon sa laot at pinipiga ng lungkot ang loob.

Halimbawa, ang sistema ng pamamalakad ng kaharian ay mauugat sa sistema ng herarkiya o pamamahala ng mga bansang may imperyo, kaharian, at estadong sakop. Kung ganito nga, kahit ang pag-ugat kay Urduha—na mula sa napakapatriyarkal na lipunan—sa tribung Ibaloy ay mapagdududahan maliban kung napakaabanse nga ng pamamalakad ng naturang tribu para umabot hanggang Pangasinan at lampasan ang paniniwalang pangkasarian. Ang mapandigmang kaisipan ni Urduha ay dapat ugatin, halimbawa sa pagdakip ng mga gagawing alipin, kung may kaugnayan nga ito sa mga tribung nananahan sa kabundukan, upang mapatunayan ang mga bakas ng lipi ni Urduha sa mga pook na posibleng nasakop niya. Sabi nga ni William Henry Scott, ang pagtataglay noon ng maraming alipin ay higit pa sa malalawak na lupain o ginto, dahil magagamit ng datu ang mga alipin sa iba’t ibang gawain, gaya ng pagsasaka at pagpapanatili ng tahanan.

Mababanggit din na kahit may nahukay na mga labî ng gadyâ (i.e., dambuhalang elepante) sa Filipinas, ang pagkasangkapan sa hayop na iyon sa larangan ng pakikidigma at pagpaparangal sa mga maharlika ay tila inangkat sa gaya ng Thailand, Nepal, Myanmar, Cambodia, at Indonesia, kaya kinakailangan ng malalim na saliksik upang patunayan ang obserbasyon ni Batuta. Bukod pa rito ang organisadong pamamalakad ng mga mandirigma, na dapat ding alamin, dahil lumilitaw na hindi karaniwang prinsesang mandirigma si Urduha, bagkus nakaaalam din siya ng mga taktikang militar sa paglusob at pananakop ng ibang bayan para sa ikalalago ng kaniyang pamayanan.

Paghalaw sa Prinsesa Urduha
Noong 1942 ay isinapelikula ang Prinsesa Urduja na pinangunahan nina Mona Lisa at Fernando Poe Sr. Sumulat naman si Regalado noong dekada 1970 ng libretto para sa operang Prinsesa Urduha na nilapatan ng musika ni Alfredo S. Buenaventura at itinanghal sa Centro Escolar University bago itinanghal sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas. Walang ibang pinagbatayan si Regalado kundi ang tala ni Batuta, aniya, bagaman maaaring naanggihan din siya ng ilang palabok nina Zoilo M. Galang, Henry Yule, Jaime de Veyra, Austin Craig, Paz P. Mendez, Pedrito Reyes, at Jose D. Karasig. Ang opera ay binubuo ng prologo at tatlong yugto, at ang unang yugto ay may dalawang tanghal. Ginampanan ni Ruby Jose Salazar ang papel na Urduha; si Robert Natividad ang pumapel na Salim; si Josefina Dychitan si Dayama; si Emmanuel Gregorio si Gat Payo; at si Gamaliel Viray si Prinsipe Vladimir.

Símple lamang ang istoryang ginawa ni Regalado. Itinampok ang unang tagpo na nagkakasayahan ang mga lakan, gat, at lakambini, dahil isinilang na ng reyna ang tagapagmana ng korona o kaharian. Ngunit nang lumabas ang hari sa silid, ibinalita niyang hindi lalaki, bagkus babae ang kanilang anak ng reyna. At yamang babae ang kaniyang anak, ang hari ay naipit sa pagpapasiya kung ililigaw sa gubat o itatapon sa dagat ang sanggol, alinsunod sa bulong ng kaniyang mga tagapayo, dahil “walang karapatang mamuno” ang babae sa kanilang lipi at “lalaki lamang ang kikilalaning tagapagmana.”

Nabagabag ang hari, na hindi matanggap ang kapalaran, at kaya ipinatawag niya kinabukasan ang isang pitho upang hulaan ang magiging kapalaran ng kaniyang anak na si Urduha. Ayon sa hula ng matanda, si Urduha ay “magiging kilabot na mandirigma” na magpapalawak at maghahatid ng kasaganaan sa buong kaharian, at magpapasagana ng ani sa mga bukirin.

Dalawampung taon ang lilipas at magkakatotoo ang hula. Si Urduha ang humaliling pinuno ng kaharian, at nag-uwi ng maraming tagumpay sa pakikidigma. Nagdiwang ang kaharian sa bagong tagumpay ng prinsesa, at dumalaw pa sa kaniyang kaharian ang iba’t ibang sugo mula sa ibang bansa. Ngunit sa kalagitnaan ng pagsasaya’y nabulabog ang palasyo. Nahuli ang isang tiktik (i.e., espiya), ani Gat Payo, at iniutos ng prinsesa na iharap sa kaniya ang maysala.

Ngunit bago naganap iyon, binagabag ng isang panaginip si Urduha. Napanaginipan niya ang isang binatang makisig at matikas ang tindig, at may kung bato-balani itong nagpatibok ng kaniyang dibdib. Nabulabog ang pandama ng dalaga, at sa unang pagkakataon ay napaibig sa lalaking naghari sa kaniyang guniguni. Ikinuwento niya sa kaniyang mga abay na sina Dayama at Abdulia ang panaginip ngunit wala silang naisagot sa kaniyang pagkabahala. Nasabi lamang ng mga binibini kay Urduha na siya ay nagsisimula nang umibig, tulad ng ibang babae. Nang iharap ng mga kawal ang nabihag na tiktik, lalong nagulantang si Urduha dahil kamukha ng lalaki ang lalaki ng kaniyang panaginip.

Ginawang alipin ang bihag, na nagngangalang “Salim,” alinsunod sa utos ni Urduha. Isang umaga, habang namimintana at umaawit sa balkon ang prinsesa ay napukaw ang pansin ni Salim. Iniwan ni Salim ang kaniyang ginagawa sa halamanan, at sa himig ng aria ay isinalaysay ang kaniyang tunay na layon sa kaharian ng prinsesa. Nais umanong ipaghiganti ng lalaki ang pagkamatay ng kaniyang kapatid na tinudla ng palaso. Matamang nakinig ang prinsesa at natuklasan pa niyang si Salim ay mula sa liping maharlika.

Bumaba sa hardin ang prinsesa. At doon, inalayan siya ng bulaklak ni Salim. Napakislot si Urduha. Nang sandaling iyon, nakita sila ni Vladimir, na isang binatang maharlikang nais mapangasawa si Urduha. Kinausap pagkaraan ni Vladimir si Urduha, at sinabing sa pag-aasawa nauuwi ang lahat. Ngunit matigas ang wika ng dalaga, at tumugong ang pakakasalan lamang niya ay “ang lalaking tatalo sa kaniya sa pananandata.” Walang makapangahas makapanligaw kay Urduha, dahil ang babae’y mahusay makipaglaban, at may hukbong binubuo ng mga piling mandirigmang kapuwa lalaki at babae.

Nahati ang isip ni Urduha kung ano ang gagawin kay Salim. Napapaibig siya sa lalaki, at ang lalaking ito’y espiyang dapat hatulan ng kamatayan, alinsunod sa kaugalian ng kaharian. Dumating ang sandaling pinalalagda kay Urduha ang kautusang magpapataw ng parusang kamatayan kay Salim. Ngunit tumanggi si Urduha at winikang “lihis ang hatol” at dapat baguhin. Hindi pinatay si Salim, at sa halip ay hinayaan itong makauwi sa pinagmulang kaharian. Inihatid ni Urduha si Salim hanggang pantalan, at pagkaraan ay nalugmok sa pagdadalamhati. Sa kabila ng lahat, napukaw ang loob ng prinsesa sa matapat na paninindigan para sa sariling bayan.

Melodramatiko na ang ganitong opera, at humahangga sa sentimentalismo, na tila gasgas na tagpo sa telenobelang Marimar. Sa naturang paghalaw, ang istorya’y waring hinugot mula sa ibang bansa, isinalin sa wikang Filipino, at ang Filipinas ay nagkaroon ng masalimuot na kahariang kaiinggitan ng mga bansang may gayunding tradisyon. Pinananaig sa dula ang damdamin, at kahit si Urduha ang nagpasiya sa pagpapalaya ng binatang si Salim, ang nasabing dalaga ay naging bihag naman ng kaniyang damdaming nagbubukas ng personal na pagmamahal. Ngunit ang masaklap sa dula, hindi nga nagapi si Urduha sa mga digmaan ay magagapi naman siya ng tunggalian ng isip at damdamin para sa bayan, sa isang panig, at para sa sarili, sa kabilang panig.

Ano ang mapupulot natin sa maalamat na Prinsesa Urduha? Na may kakahayan tayong mga Filipino na lumikha ng sarili nating mito. Gayunman, ang nasabing mito ay hindi dapat mabilanggo sa panahong midyibal at pagpapalaganap ng mga paniniwalang hindi na angkop sa ating panahon, kalagayan, at kaligiran. Ang mito natin ay maaaring ngangayunin at dinamiko, at dapat umuurirat sa mga baligho nating pananaw, paniniwala, at kaugalian imbes na umangkat lamang tayo sa ibang bansa ng mga pananaw, paniniwala, at kaugalian nito. Ang bagong mito ng Filipino ay dapat makapagpalago ng ating pagkatao at kabansaan, at bumigkis sa ating sari-saring pangarap para tayo’y umangat, sumulong, umunlad.