Ang Himala

Ang Himala

Roberto T. Añonuevo

Kung ang ibon ay nakatatagpo ng pagkain
Sa himpapawid, sino ako para hindi makakain
Sa lawak nitong lupain?

Nalalasahan ng bayawak o sawá ang tamis
Sa hangin, at ang lansa ng kamatayan
Ang pag-asa nito para makaraos sa tag-araw.

Hindi ko ito maiintindihan, at mananalangin
Sa mga diyos para magpaulan ng bigas
Ang helikopter sa mga bakwet o nagugutom.

Ang pamayanang bilanggo ng mga bundok,
Ano’t nagpipista kahit walang selfon o laptop,
Bukod sa busóg sa payew ng kamote’t gulay?

Hindi ba naiinip ang bayan kung destiyero
Ito ng mga alon? Ang mga lamandagat
Ang lumalapit sa tao para ito magpiging.

Naririnig ko minsan ang kakaibang musika,
Sumasabay sa laguklok ng aking sikmura,
Ngunit hindi kailanman ito pamatay-gutom.

Magkakaroon ng hanggahan ang mapa,
Ngunit ang pagkain ay darating na kawan,
At ang karabana ng pag-asa ay dadalaw.

Ang tubig-dagat ay napagbabanyuhay
Para inumin, ipaligo, ipanlinis, ipandilig.
Naiipon ang ulan sa dambuhalang abram.

May bitamina ang sinag ng araw, sabi
Ng doktor, at naunawaan ko ito sa buwaya
Na nagbibilad sa gilid ng pasigan.

Dumating man ang bagyo’y sumasagana
Ang agahan o hapunan, at ang kaligiran
Ay sumusúka ng parmasya at restoran.

Makitid akong mag-isip. Nangangamba
Ako sa darating na tagsalat, sa pagkawala
Ng trabaho, sa paglalaho ng pamilya.

At ang kasunod? Pagkain. Ano ang silbi
Ng pinggan at kubyertos kung walang ulam?
Kailangan kong matutong lumipad,

At maging tulad ng isang ibon: kumakain
Kahit lumilipad, umiinom kahit lumilipad,
At lumilipad ang diwa dumapo man sa pugad.

Nagbabago ang klima ngunit mananaig ka.
Napapatag kahit ang bundok ng basura,  sabi mo,
magtiwala lámang sa  bulate, langaw, bakterya . . . .

Advertisements

Hustisya at Kahirapan sa Nobela ni Valeriano Hernandez Peña

Isa sa mga nobelang Tagalog ang Miminsan Akong Umibig: Kasaysayan ng Mag-inang Mahirap (1905) ni Valeriano Hernandez Peña na masasabing pinagpigaan ng mga iyaking nobelang komersiyal, nobelang komiks, at telenobela sa kasalukuyan. Ngunit taliwas sa dapat asahan, ang nobela ni Hernandez Peña ay hitik sa sapin-saping pangyayaring may hibo ng realismo, na nagpapamalas ng kuwento sa loob ng mga kuwento, at ang wakas ay hindi nangangako ng maalwang bukas. Nililinang sa akda ni Hernandez Peña ang konsepto ng “hustisya” sa iba’t ibang paraan, at maiuugnay ito sa pananaw sa kahirapang hindi lamang madarama sa pisikal na antas bagkus maging sa moral at emosyonal na antas.

Bubuksan ang salaysay sa tagpo ng mag-inang Pilar at Aling Munda sa loob ng tahanan. Si Aling Munda’y naratay sa pagkakasakit, at si Pilar ay nagbulay-bulay na handa niyang ipagbili ang katawan mailigtas lamang ang ina. Sinikap ni Pilar na kumuha ng itlog na ulam ng kaniyang ina, ngunit nabigo siya dahil dinakip ng mga tulisang pinamumunuan ni Ulupong. Samantala, ang kaniyang nobyong si Alberto ay hinanap siya sa kagubatan, hanggang makilala si Halimaw na pagkaraan ay tutulong sa kaniyang mapalaya si Pilar. Napatay ni Pilar si Ulupong nang gahasain nito, at si Limbas na may makamasang loob at pumalit sa punong tulisan ay kinupkop si Pilar para paalagaan ang dalawang anak na babae, hanggang makatalastasan si Halimaw na nagbunga para mapalaya ang magkasintahan.

Nang pauwi na ang magkasintahan ay hinarang naman sila ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero, at ikinulong sa paratang na pawang mga bandido, dahil malaganap ang pananalakay ng mga tulisan. Upang mapalaya si Pilar, sinuhulan ni Juan ang huwes. Sinuyo rin niya si Pilar para kunwa’y maging alila, at maging tagapangalaga ng mga anak nila ni Binday na may sakit,  ngunit mabubunyag pagkaraan ang maitim na pagnanasa ni Juan na gahasain ang dilag. Makatatakas si Pilar sa lahat ng pakana, ngunit mabibilanggo nang matagal si Alberto dahil kay Juan.

Maninibugho si Alberto sa dilag; at si Alberto ay makatatakas sa bilangguan para sumapi sa himagsikan. Sa dulo na nobela’y susulat si Pilar kay Alberto upang ipamalas ang sukdulang pagmamahal sa nobyo, at magbabalik si Alberto sa kanilang nayon subalit mapipikot ni Julia dahil nabuntis siya nang di-inaasahan ng binata. Magpapatiwakal si Alberto at si Julia ay masasawi sa pagsisilang ng sanggol. Samantala, makukulong din si Juan nang madakip sa sugalan at manlaban sa awtoridad; kakalingain ni Pilar ang dalawang anak ni Limbas sa ikalawang pagkakataon, at mabibilanggo muli ang dalaga nang harangin ng mga guwardiya sibil subalit palalayain ng punong bayan. Mabubunyag ang panloloko ni Kapitan Martin Makapagal na humamig ng mga lupain ng ama ni Aling Munda, at ang pagpipilit na palagdain ni Kapitan Manuel Marasigan si Aling Munda ng papeles para ganap na maangkin ang lupaing dapat manahin ni Pilar. Sa huli’y makakasal sina Pilar at Juan bilang pagtanaw ng utang ng loob. Ngunit daramdamin ito ni Pilar, hanggang atakihin sa puso.

Pambihirang realidad ang nilikha ni Hernandez Peña at ito ay mababanaagan sa pagdaloy ng inhustisya sa magkakaibang henerasyon, at matingkad na halimbawa ang panloloko at pandurusta nina Kapitan Martin at Kapitan Manuel, na kapuwa nagmula sa magkaibang panahon, sa buhay at mag-anak ni Pilar. Kaugnay ng kahirapan ang pagkakapiit, at matutunghayan ito sa pisikal na bilangguang pinaglagakan kina Alberto at Pilar na dinakip ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero; ang bilangguan sa piling ng mga tulisan; ang bilangguan sa tahanan ng mayamang mag-asawang Juan at Binday; ang bilangguan na inihahain nina Kapitan Martin at Kapitan Manuel; at ang matalinghagang bilangguan sa puso ni Alberto na naghahanap ng paglaya sa tulong ni Pilar na ibinalanggo naman ng pananalig na mahango sa kahirapan sa tulong ni Juan. Sa nobela ni Hernandez Peña, ang kahirapan ay may ugat. Ang kahirapan ay sanhi ng pagkontrol sa anyo ng produksiyon; at ang pagkontrol ay sa mga sandata, salapi, hanapbuhay, at hukuman. Titindi pa ito kung isasaalang-alang na ang kahirapan ay pag-angkin ng puri ng babae at pagkakait ng laya sa kaniyang kasintahang magsama sila. Kung sisipatin si Pilar bilang arketipo ng “ina,” si Pilar ay ina sa matalinghagang paraan na ibig ilugso ang puri ng mananakop; bagaman si Pilar ay hindi pa ganap na “ina” sa pisikal na antas ay maituturing pa ring “ina” sa mga anak ni Limbas at sa mga anak ni Juan. Sa paglulugar ng arketipo ng ina sa nobela, si Pilar ay maaaring sumagisag sa lahat ng pagpupunyagi, mulang paglaya sa kahirapan at pambubusabos hanggang pagkalinga sa magulang, bata, at kasintahan, hanggang pagkakamit muli ng kaginhawang maikakabit kahit sa sagisag na Inang Bayan.

Kung pag-aaralan naman ang estruktura ng nobela, maaaring hatiin sa apat na yugto ang salaysay: una, ang pagdakip ng mga tulisan kay Pilar at pagsaklolo ni Alberto na pawang magbubunyag sa doble-karang katangian ng panunulisan; ikalawa, ang pagdakip ng mga guwardiya sibil at kuwadriyero kina Pilar at Alberto at ang balighong pagpapalaya ni Juan kapalit ng seksuwal na pabor; at ikatlo, ang panloloko at pagkulimbat ng mga lupaing pag-aari ng ninuno ni Pilar at ang pagkakabunyag ng lihim nina Kapitan Manuel at Kapitan Martin, bukod sa pagkakakulong at pananaig ni Juan; at ikaapat, ang pagtatagis ng mga pananaw ni Julia at ni Pilar na pawang napaibig kay Alberto, at ang karupukan ng kalooban ni Alberto na namamangka sa dalawang ilog. Sa apat na yugtong ito, ipamamalas ang wagas na pagmamahal ni Pilar sa kaniyang kasintahan, ang pagsalungat sa puwersang nangingibabaw sa lipunan kahit sa antas ng damdamin, at ang malalim na pagpapahalaga sa kaniyang mga magulang, lalo na kay Aling Munda.

Kailangang basahin muli ang buhay ni Pilar sa ibang anggulo. Kahit ang paraan ng pagsasalaysay ng awtor ay kailangang isailalim sa masinop na pagsusuri, nang sa gayon ay mapawi, kahit kaunti, ang kawalang-katarungan sa pagbasa sa mga akda ng batikang mangangathang Tagalog sa ngalan ni Valeriano Hernandez Peña.

Kampanya at Kahirapan

Pinakamalupit na panahon ang Abril, kung hihiramin ang dila ni T.S. Eliot, at idaragdag kong isinisilang nito ang mga bulaklak ng kampanya mula sa tigang na lupain ng propaganda, samantalang dinidiligan ng salapi mula sa bulsa ng mga politiko.

Ipinangangako ni Manny Villar na “tatapusin” ang kahirapan ng mga Filipino, sa pamamagitan umano ng sipag at tiyaga. Maganda mang pakinggan ang gayong islogan, lihis naman ang lohika nito at ang “kahirapan” ay hindi nailulugar ang konteksto, ni hindi naipaliliwanag nang maigi kung bakit nananatiling mahirap ang mga Filipino. Simplistiko ang pagtanaw ni Villar sa kahirapan; at ang kahirapan ay nagiging romantisado ang pagtanaw, gaya ng pagligo sa dagat ng basura.

Isa pang hindi naipaliliwanag ni Villar ay ang mismong “kahirapan.” Sa unang malas ay tinutukoy nito ang kadahupan sa antas ng materyal na pangkabuhayan. Malulutas umano ang kahirapan kung may sipag at tiyaga ang tao. Gayunman, hindi ipinaliliwanag ni Villar ang mga pamamaraan at estratehiya kung paano lulutasin ang gayong problema. Para kay Villar, kung migranteng manggagawa ka na napariwa sa ibayong dagat, ang solusyon ay bigyan ka ng salapi at kaugnay na tulong para makabalik sa bansa. Hindi siya magpapanukala ng paglikha ng negosyo sa loob ng Filipinas; at malabo rin ang kaniyang programa kung paano makatitindig sa sariling mga paa ang bansa para hindi patuloy na umasa sa padalang dolyar ng mga nandarayuhang manggagawa’t propesyonal.

Walang malinaw na plataporma de gobyerno ang Partido Nacionalista, at taliwas ito sa mga komersiyal ni Villar na humahalukay sa damdamin imbes na isip ng mga manonood o tagapakanig. Kahit sa usapin ng panlipunang pabahay ay walang programa si Villar, maliban na lamang sa ilang pagkakataong namimigay siya ng bahay at lupa sa palabas ni Willie Revillame.

Si Villar ang nangangako ng pabahay sa mga maralita. Ngunit saan niya kukunin ang pondo rito? Kung isasaalang-alang na may malaking kakulangan sa pambansang badyet ngayong 2010, ang badyet sa pabahay ay mananatili sa antas o maaaring bumagsak pa mula sa kasalukuyang estado nito, depende sa komposisyon ng kongreso. May dalawang paraan na posibleng ikatwiran si Villar: una, ang pagbebenta ng mga ari-arian ng pamahalaan na ang kita o tubo ay ilalaan sa pabahay; at ikalawa, ang mangutang sa mga institusyong pananalapi sa loob man o labas ng Filipinas. Ang kakatwa’y ginawa na ito dati ng kasalukuyang administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal-Arroyo. Ngunit halos ambon lamang na maituturing ang biyayang natamo ng mga maralitang tagalungsod kung isasaalang-alang ang alokasyon ng pamahalaan sa panlipunang pabahay para sa maralita.

Anuman ang piliin ni Villar sa nasabing dalawang paraan ng pagtustos sa pabahay, ang kaniyang mga kompanya ang pinakamalapit na makikinabang sa mga transaksiyon, dahil maaari nilang mahamig ang mga kontrata at pautang ng gobyerno.

Madali ang mangako, wika nga, ngunit mahirap isakatuparan iyon. Ang pangangako ni Villar na tatapusin ang kahirapan ay nagtuturing sa kahirapan na animo’y isang halimaw na maaaring paslangin sa pamamagitan ng espada at agimat. Hindi naipapakilala ang kahirapan sa mahahalagang larang, gaya ng ekonomiya, edukasyon, batasan, turismo, kapayapaan at seguridad, likas-yaman, enerhiya, likas-kayang pag-unlad, populasyon, at iba pa. Kung paimbabaw ang pagpapakilala ni Villar sa kahirapan, maaasahan din na paimbabaw at reaksiyonaryo ang mga panukalang tugon niya upang lutasin ito.

Hindi ipaliliwanag ni Villar ang kahirapan alinsunod sa tunggalian ng mga uri at kasarian, at patunay ang kaniyang mga kandidatong senador na pinaghalo-halong personalidad mulang dulong kanan hanggang dulong kaliwa—na isang pampolitikang taktika para makalikom ng boto imbes na lutasin ang problema ng isang sektor. At lalong hindi niya ipaliliwanag ang kahirapan kung sino ang mayhawak ng aparato ng produksiyon, at kung ano ang magaganap kung mananatiling nasa kamay ng iilang tao o korporasyon ang kinabukasan ng Filipinas.

Ang pakikipisan ng mga kandidatong senador na iba-iba ang kulay sa partido ni Villar ay isang estratehiyang may kaugnayan sa pangangalap ng pondo at pagsakay sa pambansang makinarya sa kampanya. Kaya walang maririnig na batikos kay Villar mula sa dulong kaliwa dahil animo’y may kautusan ang partido na sumakay na lamang sa alon ng kampanya para manalo ang mga manok nito, at isinusulong na mga party list. Itinatampok ni Villar ang kampanya ng isang koronel ngunit ang totoo’y hindi ang pagwawagi ng naturang kawal ang mahalaga; higit na mahalaga na makilala si Villar sa hanay ng mga sundalo at pulis na makapagbibigay ng solidong boto para sa mapipiling kandidato.

Kaugnay ng pangangalap ng boto mula sa mga rehiyon ang pagdadala kay Bongbong Marcos. Nakinabang nang mas malaki si Villar kaysa kay Marcos dahil malaking populasyon ang hilagang panig ng Filipinas, bukod sa maaasahan ang boto ng mga Ilokano sa ibayong dagat. Ngunit maaaring ilaglag ni Villar si Marcos pagsapit ng Metro Cebu o Metro Davao o Metro Manila, at pasusubalian na lamang ito sa mismong araw ng halalan kung mababasa sa mga polyeto ang pangalan ni Marcos sa listahan ng Partido Nacionalista. Abala rin si Villar na hakutin ang mga lokal na opisyal na dating kapanalig ng administrasyon; subalit ang gayong paghakot ay walang kaugnayan sa linya ng plataporma de gobyerno ng Nacionalista bagkus nasa antas lamang pagpapatatag ng makinarya sa antas ng pamahalaang lokal.

Si Villar din ang pinakamagaling mangako, at handa siyang sumang-ayon sa mga kasunduan sa iba’t ibang sektor, gaya ng sa mga manggagawa, militar, simbahan, kababaihan, mass media, negosyante, at maralitang tagalungsod. Ang ganitong tindig ay nananatiling nasa antas ng pangako lamang; kinakailangang suriin nang maigi ang mga negosasyon sa panig ng mga sektor, at kung realistiko nga ang mga kahilingan at pag-abot sa gayong kahilingan. Pinakamalaki ang impluwensiya ni Villar sa mass media, dahil ang mga mamamahayag ay maaaring masilaw sa ipinangangako niyang ginhawa at layaw na matutustusan lamang ng walang kamatayang balon ng salapi o pabuya.

Malaya si Villar na mangakong “tatapusin” ang kahirapan. Ngunit dapat tandaan niyang ang kahirapan ay hindi linear. Hindi pelikula o nobela ang kahirapan na may simula, gitna, sukdulan, at wakas. Ang kahirapan ay parang C-5 na lumilihis ng landas sa dati nitong inaasahang lunan, at sumusuot kung saan-saan, at nadaragdagan nang nadaragdagan ang bayarin sa paglipas ng panahon, bagaman maaaring walang tiyak na hanggahan. Ang kahirapan ay mananatili hangga’t hindi nauugat ang malalaking problema, gaya ng korupsiyon at panloloko sa taumbayan; at walang programadong pagkilos ang mga mayhawak ng kapangyarihan at kayamanan.

Ang kahirapan ay walang kisapmatang solusyon, bagkus malulutas lamang ng sama-samang pagkilos at pakikilahok ng taumbayan. Kung walang kakayahan si Villar na hulihin ang guniguni ng taumbayan, at bigkisin ang iba’t ibang sektor ng lipunan, kung isasaalang-alang ang partidong kaniyang pinagmulan, ang kaniyang pangangako na “tatapusin” ang kahirapan ay isang pagbabalatkayo at pansamantala lamang. At pagbabalatkayo na sa malao’t madali ay matutunugan ng mga mamamayang hindi na makatitiis at magsisimulang maghimagsik sa matatamis na pahayag ng kagalang-galang na politikong gaya ni Senador Manny Villar.

Panganib ng Panukalang Federalismo sa Filipinas

Kailangang ihayag sa wikang Filipino ang Senate Joint Resolution No. 10, na nagpapanukala ng pagtatatag ng kakatwang uri ng Federalismo sa Filipinas at nang masuri ng taumbayan ang niluluto ng mga politiko at kasapakat nila sa lipunang sibil.

Ang nasabing resolusyon ay nilagdaan nina Aquilino Q. Pimentel Jr., Edgardo Angara, Rodolfo Biazon, Pia Cayetano, Juan Ponce Enrile, Francis Escudero, Jinggoy Estrada, Gregorio Honasan, Panfilo Lacson, Francis Pangilinan, Ramon Revilla, at Manuel Villar. Nananawagan ang resolusyon na magpulong ang mga mambabatas ng kongreso “para sa layuning baguhin ang saligang batas nang maitatag ang federal na sistema ng pamahalaan.”

Ikinatwiran ng resolusyon na ang sentro ng kapangyarihan at pananalapi ay nasa Maynila, at naiwan ang malalayong lalawigan ng bansa. Puta-putaki umano ang pag-unlad, at nakikinabang lamang ang ilang malapit sa administrasyon. Ang ganitong kalagayan ay nagsilang ng malawakang kahirapan at armadong pag-aaklas sa buong bansa. Upang malutas ito, iminumungkahi ang pagtatatag ng labing-isang estado bukod sa Metro Manila. Ang ganitong uri ng lohika ay waring mula sa mga demagogong politikong Sebwano, na laging inaakusahan ang “Imperyalistang Tagalog na Maynila” sa mga kapabayaan sa kanilang rehiyong sila rin ang may kagagawan.

Binanggit din sa resolusyon na may tatlong paraan para enmiyendahan ang Saligang Batas ng 1987. Una, sa pamamagitan ng Kumbensiyong Pansaligang Batas (Consitutional Convention). Ikalawa, sa pamamagitan ng Kapulungang Pansaligang Batas (Constituent Assembly). At ikatlo, sa pamamagitan ng pagkukusang popular (popular initiative). Pinakaangkop umano ang pang-enmiyenda sa pamamagitan ng Kapulungang Pansaligang Batas, at bagaman walang binanggit na dahilan, ay mahihinuhang ito ang pinakamabilis at pinakamatipid na hakbang na papabor sa mga mambabatas imbes na sa taumbayan. Ang tangkang pabilisin ang pag-enmiyenda sa Saligang Batas ay nabanggit ni Sen. Manny Villar noong 13 Agosto 2008. Aniya:

Meron tayong proposed resolution, ibig sabihin niyan, sisimulan ang diskusyon. Nagugulat nga ako dahil iyong iba ang akala ay tapos na ang resolution sa Senado. Ang proseso dito sa Senado ay matagal pa. Itong proposal na inihain ni Sen. Pimentel na pinirmahan naman ng mahigit 12 na mga senador, ay para talakayin ang isyu ng federal system of government. Mahaba pa iyan. Nais rin nating ipakita na dito sa Senado ay talagang transparent tayo. Lahat ay iimbitahin, lahat ay pakikinggan. Kung hindi maganda ang lumabas, hindi mananalo iyan sa voting. Kaya ang resolusyon na iyan ni Sen. Nene ay matagal pa. Hindi pa nga sinisimulang talakayin sa committee kaya nagtataka ako na parang advance na advance na.

Kung totoo ang sinasabi ni Sen. Villar, ang kaniyang paglagda umano sa naturang resolusyon ay upang pag-usapan ang panukalang pag-enmiyenda ng Saligang Batas, at hindi nangangahulugan ng awtomatikong pagsang-ayon sa gayong panukala. Nais niyang maging lantad sa taumbayan ang talakayan, na taliwas sa palihim na pagmamaniobra, gaya ng naganap sa labag sa Konstitusyong Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD). Ngunit para sa ibang kasapi ng lipunang sibil, ang pagpapasa ng naturang resolusyon ay isang hakbang palapit tungo sa mithing federalismo. Ang pagpapalit ng liderato sa senado ang ikinatutuwa ng mga tagasuporta ng federalismo, na inaasahang pabibilisin ang pagsasabatas ngayong ang mga pinuno ng kapuwa senado at kongreso ay kakampi ng administrasyon.

Bibiyakin ang Filipinas sa labing-isang estado, at kabilang dito ang sumusunod: Estado ng Hilagang Luzon; Estado ng Gitnang Luzon; Estado ng Timog Katagalugan; Estado ng Bikol; Estado ng Minparom; Estado ng Silangang Visayas; Estadong ng Gitnang Visayas; Estado ng Kanlurang Visayas; Estado ng Hilagang Mindanao; Estado ng Katimugang Mindanao; at Estado ng Bangsamoro. Ikakabit naman ang Metro Manila sa Federal Administrative Region, at animo’y palamuti lamang sa nasabing grandeng lunggati. Sa ganitong kalawak na pagpaparte ng mga lalawigan, nakapagtatakang minamadali ng mga mambabatas ang pagsusulong ng federalismo. Parang ang federalismo ang mahiwagang pildoras na papawi ng sakit ng bansa, at ito ay isang kaululan kung dadaanin lamang sa pamamagitan ng Kapulungang Pansaligang Batas. Ang masaklap, nais ipadron ang uri ng federalismo sa Filipinas doon sa uri ng federalismo sa Estados Unidos ng Amerika, Afrika, at Europa, ngunit ang pagkakaiba lamang ay higit na maliit ang Filipinas na may multinasyonal na pamayanan. Kahanga-hanga ang ganitong panukala, at dapat ibitin patiwarik ang sinumang may pakana ng ganitong panggagagad.

Walang malinaw na dahilan sa pagkakabaha-bahagi ng mga lalawigan para maging nagsasariling mga estado. Ang paghahati-hati ng Filipinas ay mahihinuhang ginagabayan ng mga katwirang pangheograpiya, pampolitika, at pangwika, at kahit iginigiit ang usaping pangkultura ay malabo dahil hindi batid kung sino ang magtatakda nito. Sa panukalang susog sa Konstitusyon, ang pagtatalo sa mga sasaklawin ng mga estado ay aayusin ng Commission on Intra-State Boundary Disputes na pangunguluhan ng Kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG). Problematiko ito, dahil ang anumang pag-aaway hinggil sa teritoryo ay maaaring pagsimulan ng digmaan ng mga estado, at mauwi sa tandisang pagsasarili ng estado upang maging bukod na bansa palayo sa Filipinas.

Sa ilalim ng Seksiyon 15, Artikulo 12 ng panukalang susog sa Konstitusyon, ang mga estado ay maaaring lumikha ng mga nakapagsasariling rehiyon (autonomous region) na pawang binubuo ng mga lalawigan, lungsod, munisipalidad, at pook na saklaw na may “bukod na pangkultura’t pangkasaysayang pamana, pangkabuhayan at panlipunang estruktura, at iba pang katangiang saklaw ng Konstitusyon.” Ang ganitong tindig ay mahihinuhang rehiyonalista, kung hindi man baryotiko, dahil tinatangka nitong biyakin sa maliliit na bahagi ang Filipinas sa ngalan ng kalayaan, kasarinlan, at kaunlaran.

Ang pagbiyak sa Filipinas ay kaugnay ng isinusulong na multilingguwalismo sa Filipinas, at pakana ng gaya ng Defenders of Indigenous Languages of Archipelago (DILA) at Save Our Languages Through Federalism (SOLFED) na pawang may mga patakarang kumokontra sa diwain at wikang Filipino. Nilalayon ng DILA at SOLFED na ikabit ang usapin ng wika sa usapin ng heograpiya, politika, kasaysayan, at ekonomiya, at nang maitampok ang kaakuhan ng mga lalawigan. At upang maisakatuparan iyon, sinisikap nitong pahinain ang estado ng Filipino (na baryedad lamang umano ng Tagalog), gawing lingua franca ang Ingles sa buong kapuluan, at ikubli ang gayong pakana sa pamamagitan ng pamumulitika. Kung babalikan ang panukalang pagsusog sa Konstitusyon, ang dominanteng wika sa rehiyon (halimbawa na ang Ilokano at Bikol) ay gagamitin lamang mulang una hanggang ikatlong grado sa elementarya. Pagkaraan nito, mahihinuhang Ingles na ang gagamitin sa mga rehiyon. Ang ganitong panukala ay dapat ibasura, dahil hindi ito tumutulong para paunlarin ang mga taal na wika sa Filipinas bagkus nagpapabilis pa ng pagkalusaw nito.

Pumapabor ang federalismo sa pagpapalawak ng saklaw ng kapangyarihan ng mga politiko. Sa ilalim ng Artikulo 10, na pinamagatang Lehislatura ng Estado, ang bawat estadong lehislatura ay bubuuin ng tatlong kinatawan ng bawat lalawigan at lungsod. Ang nasabing mga kinatawan ay ihahalal ng mga kasapi ng sangguniang panlalawigan at sangguniang panlungsod. Samantala, ang mga kinatawan ng mangingisda, magsasaka, at matatanda ay hihirangin ng kani-kanilang sektor. Ang masaklap, kinakailangang rehistratrado ang mga samahan ng mangingisda, magsasaka, at matatanda sa State Social Welfare Department. Sa ganitong kalagayan, maaaring magamit lamang sa pampoitikang adyenda ang nasabing mga sektor imbes na pangalagaan ang kalagayan ng mga dukha at nangangailangan. Ito ay dahil binibigyan ng kapangyarihan ang gobernador ng estado na hirangin ang mga kinatawan sa tatlong sektor.

Magiging makapangyarihan ang gobernador ng estado, na ihahalal ng mga kalipikadong botante ng mga lalawigan, lungsod, munisipyo, at barangay na pawang nasa loob ng naturang estado. May karapatan siyang mahalal nang tatlong sunod na termino, at bawat termino ay may apat na taon ng panunungkulan. Ipatutupad ng gobernador ng estado ang mga batas na pinagtibay ng Kongreso at Lehislatura ng Estado. Binibigyan din siya ng kapangyarihang humirang ng mga kawani at opisyales ng kagawarang pang-estado, at pumili ng mga opisyal at empleado ng kaniyang estado. Ang ganitong panukala ay masasabing malikhaing debolusyon ng diktadura, at pumapabor sa mga politikong may mahigpit na kapit sa kani-kanilang lalawigan.

Ang nakapagtataka’y ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal (1991) ay babaguhin na naman, na nakapanghihinayang dahil nagtatakda ito ng mga pamamaraan kung paano magiging epektibo at makapangyarihan ang bawat pamahalaang lokal at nang maisalin dito ng pamahalaang pambansa ang mga kinakailangang yaman at kapangyarihan. Ang anumang pagkukulang ng nasabing Kodigo ang dapat sinususugan sa Kongreso upang mapalakas ito at pumabor sa taumbayan, imbes na panghimasukan ang Saligang Batas at itaguyod ang Federalismo. Si Sen. Pimental ang nagsulong ng nasabing Kodigo, ngunit ngayon ay bumabaligtad at pumapabor sa federalismo. Kung anuman ang pagkukulang ng Kodigo sa yugto ng pagsasakatuparan ay hindi malulutas sa pamamagitan ng pagtatatag na federal na sistema ng pamahalaan. Kailangan ang matibay na pampolitikang kapasiyahan ng pamahalaan upang maipatupad ang mga programa at patakaran nito alinsunod sa itinatakda ng Saligang Batas at kaugnay na batas, kautusan, at alituntunin.

Napakahina ang mga seksiyon sa panukalang susog sa Konstituyon, lalo sa pangangalaga ng kaligiran, pagrepaso ng pamumuhunan sa likas na yaman, pangungutang sa ibang bansa, kalakalan, at iba pa. Higit na nakatuon ang mga pag-enmiyenda sa politikang aspekto at hindi sa tunay na ikaaangat ng kabuhayan at ikatitiyak ng magandang kinabukasan ng mga Filipino. Ang mungkahi ko’y pag-aralan at pagdebatehan ito nang maigi, hindi lamang ng mga politiko, kundi ng buong sambayanan. Sa kasalukuyang komposisyon ng Kongreso at Senado ngayon, malaki ang posibilidad na ang pagbabago sa Saligang Batas ay para pahabain ang termino ng pangulo at ng kaniyang mga alipuris na mambabatas na dapat nang nagpapahinga dahil sa kahinaan bilang mga mambabatas at tagapagpatupad ng batas. Ayon sa artikulo ng Center for People Empowerment in Governance (CENPEG), ang panukalang federalismong isinusulong ni Sen. Pimentel ay umaalingawngaw sa panukala ni Jose V. Abueva, at nagpapalakas sa kapangyarihan ng oligarkiya sa Filipinas imbes na bigyan ng kapangyarihan ang mga dukha at mahina.

Inilahad ni Abueva ang mga bentaha ng federalismo, at kabilang dito ang sumusunod: Una, makapagtatatag umano ito ng makatarungan at pangmatagalang balangkas para sa kapayapaan sa pamamagitan ng pagkakaisa ng iba’t ibang pangkat etniko, relihiyoso, at kultura, lalo sa panig ng mga Bangsamoro at lumad. Ang ganitong mungkahi ay ipinalalagay na ang buong bansa ay watak-watak, at nasa yugto ng digmaan, at wala nang magagawa pa kundi pagbigyan ang paghahati-hati ng teritoryo. Ang federalismo ay lalong makapagpapalakas para sa mga armadong pangkat na magsulong ng rebelyon, at tuluyang kumawala sa saklaw ng Filipinas. Ipinupunla ng federalismo ang pagkakawatak ng mga mamamayan, dahil ang sinasabing labing-isang nasyon ay nagpapahalaga sa rehiyonalismo imbes na sa kabansaan ng buong Filipino.

Ikalawa, ang desentralisasyon at debolusyon ng kapangyarihan, ani Abueva, ay hindi makauusad sa lumang sistemang unitaryo kahit pa nakasaad iyon sa Saligang Batas ng 1987 at Kodigo ng Pamahalaang Lokal ng 1991. Sa ganitong kuro-kuro, ang dapat inaalam ay kung ano ang mali sa pagsasakatuparan ng mga batas at patakaran ng pamahalaan. Ang pagsasabing sumapit na sa “wakas” ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal dahil ang pangunahing awtor niyon na si Sen. Pimentel ay bumaligtad saka pumabor sa federalismo ay simplistikong palusot sa kabiguan ng desentralisasyon at debolusyon. Hindi makausad nang ganap ang desentralisasyon at debolusyon dahil hangga ngayon ay hindi pa nasasapol ng taumbayan ang esensiya ng mga konseptong ito.  Ang pagkakamali ay maaaring malutas kung magtutulungan ang kapuwa pambansa at pamahalaang lokal sa implementasyon ng Kodigo.

Ikatlo, mabibigyan umano ng kapangyarihan ng Republikang Federal ang mga mamamayan, at mapatataas ang estandard ng kabuhayan at pakikilahok sa pampolitikang aspekto. Ideal itong pangarap, ngunit hindi nito isinasaalang-alang na ang mga lalawigan ay kontrolado pa rin ng ilang maykayang pamilya, at ang mga pamilyang ito ang humahawak ng pampolitikang kapangyarihan. Ang korupsiyon, karahasan, at paghahari sa mga pamayanan ay nakasalalay kung sinong pangkat ang may hawak ng sandata at kayamanan, at napakahirap ipangaral ang “kahusayan sa pamamahala” sa mga liblib na nayong kulang sa oportunidad ang mga tao na makapag-aral at humawak ng kayamanan.

Ikaapat, sinabi ni Abueva na ang federalismo ay makahihimok sa mga pinuno, negosyante, at taumbayan na maging responsable at tanganan ang kanilang kapalaran. Ipinapalagay dito na makikilahok ang mga tao sa mga pagpapasiya sa pamahalaan, ngunit maituturing itong panaginip hangga’t hindi nabubuo ang mga maláy, organisadong mamamayan. Ang pag-unlad ng panukalang labing-isang nasyon ay sasalalay sa naimbak nitong yaman, mulang likas yaman hanggang impraestruktura, komunikasyon, at transportasyon. Sa sitwasyon sa Filipinas, ang paghahari ng mga maykayang pamilya at armadong pangkat ay matitiyak sa federalismo dahil tuwiran nitong mahahawakan sa leeg ang taumbayan.

Ikalima, mapabibilis umano ng federalismo, ani Abueva, ang paglinang sa kaunlarang pampolitika, pang-ekonomiya, panlipunan, at pangkultura. Magkakaroon umano ng inter-estadong kompetisyon sa pagkuha ng kapuwa domestiko at banyagang pamumuhunan, propesyonal, manggagawa, turista, at iba pa. Lalago umano ang mga lalawiganing wika, kultura, at sining. Maganda ito ngunit mananatiling pangarap lamang ito para sa ilan, dahil ang gayong kompetisyon ay hindi nagpapamalas ng kompletaryong paghahayag ng kalakasan ng bawat “nasyon,” bagkus naglalantad pa ng pagtatangi sa iba na mauuwi sa pagkakahati-hati ng mga mamamayan. Nabansot ang mga lalawiganing wika at kultura dahil na rin sa matagal na kapabayaan ng mga lokal na politiko, negosyante, at intelektuwal na pawang pumanig sa paglinang ng Ingles at banyagang kultura, at hindi ito malulutas sa kisapmatang federalismo. May itinatadhana na ang Kodigo ng Pamahalaang Lokal at ang National Commission for Culture and the Arts (NCCA) kung paano mapalalago ang katutubong kultura, ngunit ang nakapagtataka’y hindi ito alam ng mga lokal na opisyal kaya hindi naipatutupad nang ganap sa kani-kanilang lugar.

Pinakamahalagang aspektong binanggit ni Abueva na makapagpapalalim umano ng demokrasya ang federalismo habang lumalaon. Sa ganitong palagay, animo’y mahina ang “demokrasya” sa buong Filipinas. Kung mahina ang demokrasya sa bansa, ang dapat pinagtutuunan ng mga politiko ay kung paano “mapapalawak at mapatitibay” ang demokrasya at mauuwi ito sa dating implementasyon ng mga programa at patakaran sa mga lalawigan. Kung ang parehong mga politiko at kaanak nila ang maghahari sa iba’t ibang “nasyon” o rehiyon, ang pangarap na demokraya ay para sa lalong ikalalakas ng oligarkiya dahil nasa sirkulo nito ang kayamanan, kapangyarihan, at koneksiyon upang manatili sa poder.

Hindi malulutas ang problema ng bansa sa simpleng pagbabago ng Konstitusyon. Kung babaguhin man ang Konstitusyon, kinakailangang pagbotohan muna ito ng mga mamamayang Filipino at isailalim sa Kumbensiyong Pansaligang Batas, at hindi basta pakikialaman lamang ng mga mapagdududahang mambabatas ng Kongreso. Maraming matitinong batas ang napagtibay sa Kongreso ngunit hindi ipinatutupad dahil na rin mismo sa maruming pamumulitika. At yamang hindi ito ipinatutupad, ang dapat palitan ay ang mga namumuno sa pamahalaan at hindi ang mga batas. Marahil, napapanahon nang makialam at gumising ang taumbayan at maghimagsik sa mapayapang pamamaraan. Kailangang maging maláy ang bawat Filipino sa ipinapanukalang “federalismo” at “sistemang federal na pamahalaan” dahil ang ganitong pakana ay yumayanig sa pundasyon ng Filipinas at nagpapaalab para magkawatak-watak ang mga Filipino ngayon at sa hinaharap.

Si Ferdinand E. Marcos at ang Panitikang Filipinas

IMELDA MARCOS, kuha ni Bobby Añonuevo

IMELDA MARCOS, kuha ni Bobby Añonuevo

Mananatili ang bangungot sa Filipinas hangga’t hindi naisusulat nang ganap ang panahon ng diktadura ni Pang. Ferdinand E. Marcos. Si Marcos ang ultimong politiko na bihasa sa paghawak ng kapangyarihan, ang kapangyarihang tatagos sa negosyo, militar, simbahan, edukasyon, mass media, barangay, sining, isports, turismo, ugnayang panlabas, timpalak pangkagandahan, imperyalismong US, rebolusyon, at ang pinakasukdulan ay ang Aklasang Bayan sa EDSA. Ngunit hindi basta diktador si Marcos. Isa siyang intelektuwal na diktador, de-kalibre at pandaigdigang uri, na kaiinggitan nina Fidel Ramos at Gloria Macapagal-Arroyo.  Maalam sa mga batas mulang pamahalaang lokal hanggang United Nations si Marcos, at magiging alamat ang kaniyang husay bilang abogado, mambabatas, at kung minsan, hukom, sa kinabukasan ng kaniyang mga alagad at kalaban. Upang mapanatili ang kapangyarihan, ipakikilala ni Marcos sa buong sambayanan ang Batas Militar.

Pangunahing tesis ng pagtataguyod ng Batas Militar ang pagsugpo sa armadong pag-aaklas mulang dulong kaliwa hanggang dulong kanang puwersa; ang pagsupil sa mga armadong Morong ibig magtaguyod ng bukod na nasyon; ang pagkontrol sa mga pribadong hukbo, oligarkikong ekonomiya, at sindikatong kriminal. At higit sa lahat, ang paglutas sa piyudal na ekonomikong sistema. Hindi ko nakita ang ganitong kasinop na malikhaing pakana sa kasalukuyang administrasyon, na handang lumagda sa tratado na parang ang “tratado” ay isang banyagang lahok sa diksiyonaryo; na handang mag-alaga ng mga niresiklong politiko o negosyanteng animo’y galing sa kung saang pasugalan; na handang makipagsayaw sa simbahan na para bang umiiral pa ang panahong piyudal.

Krus sa Laot, kuha ni Beth Añonuevo

Krus sa Laot, kuha ni Beth Añonuevo

Maghahain si Marcos ng bagong pilosopiya at ideolohiya, at itatatag ang “Bagong Lipunan.” Ngunit gaya ng dapat asahan, magbabago lamang ang mga pangalan ng maykapangyarihan, at ang “bago” ay mananatili hanggang ngalan lamang. Kakainin si Marcos ng sarili niyang mga tuta, mga tuta na higit na mabalasik sa bulldog at handang lamunin ang kaniyang anino, kayamanan, at alaala. Isusumpa si Marcos hanggang langit, patatalsikin ng libo-libong Filipino na sawa na sa dahas at korupsiyon, itatakas nang palihim ng kasapakat ngunit taksil na hukbong Amerikano tungong Hawai’i, lilitisin sa hukuman ng Amerikang nais sakupin ang hurisdiksiyon ng Filipinas, mamamatay nang malayo sa Tinubuang Bayan, at maglalaho nang tahimik sa gunita ng kaniyang mga loyalista. Subalit ang kataka-taka’y hindi pa nalilitis nang lubos ang pamanang iniwan niya sa sambayanan magpahangga ngayon.

Si Imelda na kabiyak ni Marcos ang magpapagunita sa atin ng nakaraan. Ididikdik niya sa ating utak ang ringal sa gitna ng kagutuman, ang halimuyak sa gitna ng mga langaw at alingasaw ng kamatayan, ang halina sa gitna ng panggigipit at di-maipaliwanag na balasik ng militar. Ipagugunita ni Imelda ang pangingibang-bayan ng mga Filipino para magtrabaho. Ibabalik niya sa atin ang mga impraestruktura mulang ospital hanggang plantang nuklear, ang patakarang kolonyal sa bisa ng pakikipag-alyadong militar sa Amerika, at ang pagbabantay ng mga isla laban sa mga kapit-bansa sa atas ng kalayaan o kasarinlan. Libakin siya, at kabitan ng mga pangalan, gaya ng “Imeldipiko” o “Imeldious,” ngunit isang ngiti lamang niya ay sapat na upang maging sampal sa nanlilibak. Hihiyain tayo ni Imelda dahil sa ating uri ng katarungang usad-pagong, sa ating uri ng makitid, panlabas na kasaysayan, sa ating ekonomiyang walang malinaw na bisyon, at sa ating uri ng panitikang-bayang hindi makaigpaw sa pagsipi sa mga pahayagan.

Marahil kailangan nating lumikha ng higit na makabuluhang panitikan. Ang panitikang makaiiral nang bukod sa kasaysayan, at mababaligtad ang mga bayani at ang mga salarin, at mapaghuhunos ang bayang nanggigitata sa hirap at pandurusta. Na masasabing ambisyosong proyekto. Naisip ko lamang ito habang tumotoma at kapiling si Teo, at kapuwa namin nadama ang paghahanap ng mga istoryador at panitikero, na handang magsulat sa Filipino para sa mga Filipino, may bagyo ma’t may rilim sa ating mga puso’t paningin.