Ang araw ng liwanag, ni Bjørnstjerne Bjørnson

Salin ng tula ni Bjørnstjerne Bjørnson ng Norway
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Araw ng Liwanag

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Gumalà ako sa kahuyan, humiga sa damuhán,
At sa duyan ng kaluguran ay nagpabíling-bíling;
Ngunit laksa ang langgam, nangangagat ang mga lamok,
Mabagsik ang mga niknik, at putakti’y nag-aamok.

“Mahal ko, gusto mo bang magliwaliw ngayong maganda
ang araw?” ani inang nasa hagdan at kumakanta.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Sumapit ako sa párang, humilata sa damuhan,
At inawit ang ibinulong sa akin ng damdamin;
Gumapang ang ulupong na sandipa ang habà,
Nagbilad sa araw, at tumakbo ako nang magitlâ.

Sa ganitong araw, puwedeng magyapak, ani ina,
Habang hinuhubad niya ang medyas sa mga paa.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Kinalag ko ang tali’t humilata ako sa paráw
At masayang nagpaanod saka biglang napahimbing;
Ngunit nakapapasò ang sinag, sunog ang ilong ko,
Ayoko na, dadaong na ako sa pasigan dito!

“Ito ang panahon para mangalaykay,” ani ina’t
Isinudsod ang kalaykay sa dayami ng mandalá.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Umakyat ako sa puno’t naglaro nang walang humpay,
At ang malamig na simoy ang nagpakalma sa akin.
Ngunit nangalaglag ang mga uod sa aking batok,
Napalundag ako’t humiyaw: “Yawang umiindayog!”

“Kung hindi malilinis ang mga baka,” ani inang
nakatitig sa buról, “huwag umasang lilinis pa.”

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Nagtungo ako sa talón, naglaro kahit maginaw,
At natamo ang kapanatagan sa angking damdamin.
Nakita ako ng sinag-araw nang nalunod at yumao—
Ikaw ang kumatha ng awit na ito’t hindi ako.

“Tatlong maliwanag na araw na lamang,” ani ina,
“at lahat ay handa na,” at inayos ang aking kama.

Advertisements

“Kahuyan, Isang Prosang Soneto,” ni Ralph Waldo Emerson

Salin ng “Woods, a prose sonnet” (1839) ni Ralph Waldo Emerson.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Kahuyan, Isang Prosang Soneto

Kay dunong ninyo, O sinaunang kahuyan! Higit na marunong sa tao!  Sinumang bumagtas sa inyong landas o pumaloob sa inyong kasukalang ni walang bagnos, ay nauunawa ang parehong kalugod-lugod na aral, maging siya man ay paslit na bata o huklubang edad sandaan. Sumasapit siya may tagumpay man o kabiguan, at mulang isang panahon tungong ibang panahon. Habambuhay na mga karayom sa pinong tumatayog at bumubuwal, ang mga belyota sa roble, ang mga arseng namumulá sa taglagas, at sa lahat ng sandali sa buong taon ang pino sa lupain at ang ubod pirola at ugat sa ilalim ng talampakan. Ang tinaguriang suwerte at tinatawag na Panahon ng mga tao—lingid ang mga ito sa iyo. Walang wika ang tao upang ilarawan ang isang sandali ng iyong walang hanggahang búhay. Ito ang hiling ko sa iyo, o sagradong Kahuyan, na kapag itinuro sa akin ang anumang dapat bigkasin, ituro din sa akin ang himig kung paano ko wiwikain iyon. Itulot sa akin ang sarili mong himig, gaya ng simoy o ulan o batis o mga ibon; dahil ang mga awit ng tao ay tumatanda kapag malimit ulitin, ngunit ang taglay mo, bagaman narinig na ng kung sinong tao sa loob ng pitumpung taon, ay walang pagkakahawig, bagkus ay laging bago, tulad nitong panahon, o pagmamahal.

Ralph Waldo Emerson

Ralph Waldo Emerson

Muli, ang Siglo Beynteng Realismo, ni Norman Dubie

salin ng “Again the Twentieth Century Realism” ni Norman Dubie
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

MULI, ANG SIGLO BEYNTENG REALISMO

Tumingala ang lobo nang duguan ang bibig
sa may sandaang usa
na nakasapatos na pangniyebe—taggutom
na lampas sa lawa ang lumikha sa kanila nito
gaya ng panaklong na pumipintog
sa de-gradong paaralan na nagbubukod
sa mga nagliliyab na tinghoy ng minero
at sa maiitim na mitsa ng gaas
na kinababaran ng mga ito—

ang mamámaríl sa ibabaw ng kahuyan
ay binabasa ang mga tula ni Tsvetaeva,
pati ang kaniyang prosa, pinapahid ang luha
na hindi nagmumula sa mga mata niya
bagkus sa makakapal na labi, sa mga hibla
ng pilikmatang nagsayelo
na may lungting sanaw ng plema
at bulutong-tubig na lumulundag
sa uwak na nagwiwika
ng panaklong ng dulong taglamig
at lumilipad palayo tungong hilaga sa pagitan
ng pantay, bughaw na hanay ng octane at suklam.

Lobo.

Lobo, larawan mula sa dominyo ng publiko.

Tigre sa Kahuyan

TIGRE SA KAHUYAN

Naaamoy ng mga asong-gubat ang iyong tagumpay. Susundan nila ang patak ng mga dugo mula sa hila-hila mong usa o kambing, hanggang matuklasan ang iyong kinaroroonan. Titingalain nila ang iyong tropeo na nakasabit sa matitigas na sanga, at maglalaway saka mag-aagawan sa pira-pirasong karne na mahuhulog habang nilalapa mo ang tanghalian. Makisig at mabilis, aatungal ka upang itaboy ang mga pesteng palaboy. Pupukulin mo sila ng titig na nang-uuyam, at sasagot sila sa mga tahol na nangangatal. Tatangayin ng simoy ang lansa ng pagpaslang, at maya-maya’y aali-aligid sa himpapawid ang mga buwitre, samantalang tatanghod ang mga daga sa ibaba. . . .

Nagugutom ang mga supling ng kagubatan, at ito ang balitang nasasagap ng pandinig ng lupain. Ngunit kaya mong magwagi sa gitna ng mga tagsalat; at sa kabila ng tag-init ay nakasasakmal ka pa ng kalabaw na bumabagal sa pagtakas sa kamatayan sanhi ng labis na katabaan o katandaan. Nakapagtipon ka ng mga medalyang kalansay, at ibinalato sa mga kapos-palad na nilalang. Ngayong namamahinga ka sa tabi ng bagong bangkay, at umiinit ang katawan sa libog, binibingi ka naman ng mga tsismosang langaw at lamok—na waring ibig litisin ka sa moralidad ng pagtikim ng dugo at lamán.

Tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo. 17 Disyembre 2009.

Tigre, larawan mula sa photos8.com