Mga Tambo, ni Derek Walcott

Salin ng “Sea Canes,” ni Derek Walcott ng Saint Lucia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Tambo

Kalahati sa mga kaibigan ko’y patay na.
Lilikha ako ng mga bago, sabi ng lupa.
Hindi, ibalik na lamang sila sa akin, gaya noon,
kahit pa may mga sala, sigaw ko.

Ngayong gabi, maaagaw ko ang usapan nila
mula sa mahinang higing na umaalon
sa mga tambo, ngunit hindi ko kayang maglakad

nang mag-isa sa mga dahon ng dagat
na tanglaw ng buwan pababa sa puting daan,
o lumutang na may nananaginip na kampay

ng mga kuwagong iniiwan ang bigat ng mundo.
O lupa, ang bilang ng mga kaibigang kinakanlong
mo’y lumalabis sa mga naiwang dapat mahalin.

Kumikislap ng lungti’t pilak ang mga tambo sa gulod
sila ang mga anghel na sibat ng aking pananalig,
ngunit sa anumang nawala’y may lakas na lumilitaw

na may matuwid na kinang ng bato,
natitiis ang sinag-buwan, malayo kaysa panlulumo,
mas malakas sa hangin, na sa nahawing mga tambo

ay naibabalik sa atin silang minamahal, gaya noon,
may mga sala, hindi mas marilag, naroroon lang.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Michaela @ unsplash.com

 

Kapag iniwan ang kaibigang malaong minahal, ni Samuel ha-Nagid

Salin ng tula ni Samuel ha-Nagid (Ismail Ibn Nagrelʿa) ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kapag iniwan ang kaibigang malaong minahal

Kapag iniwan mo ngayon
ang kaibigang malaong minahal
. . . . . . . . . . . .nang nasusuklam,

para kang tao na winasak
ang sariling gusaling itinayo
. . . . . . . . . . . .nang isang taon

mula sa alikabok.

Pagkawala, ni Vikaṭanitambā

Salin ng klasikong tula sa Sanskrit ni Vikaṭanitambā ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nang lumapit siya sa kama, kusang nakalas ang buhol sa aking damit;
lumaylay ang baro ko sa may baywang, at napigil lámang ng bigkis
ng maluwag na sinturon. Iyon lamang ang natatandaan ko, kaibigan.
Ngunit nang ikulong niya ako sa kaniyang mga bisig, hindi ko maalaala
Kung sino siya, o kung sino ako, o kung anuman ang aming ginawa.

Hinaing at Ulan

Salin ng klasikong tula sa Sanskrit ni Vidyā ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Hinaing

Kay palad ninyo, mga kaibigan!
Malaya ninyong napag-uusapan ang nangyayari sa piling ng kasintahan:
ang harutang parang paslit, ang halakhak at lambingan, ang kasiyahang
tila paikot-ikot.
Samantalang ako, kapag kinalas ng aking irog ang sarí ko, sumpa man,
ako’y nakalilimot.

 

Salin ng klasikong tula sa Sanskrit ni Yogeśvara ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kapag Umuulan

Umaapaw ang ilog na nagpapaligaya sa aking puso: sa taas ng tubuhán
ay nahihimbing ang ahas; sumisiyap ang itik; nananawagan ang gansa;
nagbubuhol ang kawan ng mga usa; ang makakapal na damong-ligaw
ay lumalaylay sa agos ng mga langgam; at ang ilahas na ibon ng gubat
ay lasing na lasing sa kaluguran.

Papawiring Salakay, ni Chinua Achebe

Salin ng “Air Raid,” ni Chinua Achebe ng Nigeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Papawiring Salakay

Kisapmatang dumating
ang ibon ng kamatayan
mula saítang gubat ng teknolohiyang Sobyet.

Isang tao na tumatawid sa kalye
upang batiin ang kaniyang kaibigan
ay ano’t napakakupad.

Ang kaniyang kaibigang nahati sa dalawa
ay may iba na ngayong alalahanin—
sa halip na magiliw na pakikipagkamay
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . isang tanghaling-tapat.

No to coup d’état. Yes to humanity. Yes to poetry.

Ani ng mga Pag-asa, ni Faiz Ahmed Faiz

Salin ng tula sa Urdu ni Faiz Ahmed Faiz ng Pakistan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ani ng mga Pag-asa

Tinabas ko ang lahat ng sugatang halaman,
kayâ tighawin mo ang úhaw ng mga ito
habang naghihingalo.
Bunutin ang lahat ng bulaklak
na namimilipit sa sakít,
at huwag hayaang nakalaylay sa mga sanga.
Ang pag-aani ng mga pag-asa, kaibigan,
ay magwawakas sa ganap na pagkawasak.
Lahat ng pagsisikap ng umaga at ng gabi
ay mabubunyag na wala, wala ni isang silbi.

Kaibigan, ni Roberto T. Añonuevo

Kaibigan

Roberto T. Añonuevo

Dumarami sila, gaya sa bisperas ng pista, at magpapakilala, sakâ makíkipágsayá, habang ikaw ang bumabangkâ, ngunit biglang maglalahò kapag sumapit ka at tumindig o umupo sa gilid sa bangin. Hindi nila mauunawaan ang rikit ng panginorin, bagkus malululà sa panganib ng bato o alon na sasalo sa kanila sa kailaliman. Ikakatwiran nila ang kanilang seguridad, trabaho, pangalan, pamilya, at kung ano-ano pang bagay—iiwas sa iyong anyong sumasalungat sa agos na karaniwan—at hindi mo alam kung karapat-dapat sila sa taguring ibig. Ano ang kaibig-ibig sa kanila, at pagtalikod mo’y bumubukad ang kani-kanilang bibig upang magbunyag ng pangil, kamandag, o dilang lumalatay hanggang iyong anino? Mababait sila kung ikaw ay may silbi sa kanila, at iyan ang katotohanang ipagugunita ng iyong laptop o selfon. Masusubok sila sa alak o papel, at masusubok ang kanilang balak o koneksiyon, hanggang sa madamong lupaing kinatatayuan mo. Mabilis silang mapawi gaya ng usok mula sa kusina o sigâ, kapag dumarating ang maiitim na tsismis o balita. Ngunit ang totoo sa kanila’y hindi nang-iiwan, itaga mo sa bato, at hindi nangangambang maulingan ang mukha pagtabi sa iyo; o malangisan ang kamay, maghugas man siya ng kaserola’t pinggan, o kaya’y maghigpit ng lumuwag na tornilyo sa iyong pilipisan.

Stop illegal arrest. No to arbitrary detention.

 

“Pag-ibig,” ni Czeslaw Milosz

Salin ng tula ni Czeslaw Milosz ng Poland.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Pag-íbig

Ang pag-íbig ay ang pagkatútong tingnán ang saríli
Sa paraáng sinisípat ang malalayòng bágay
Dáhil isá ka lámang sa napakaráming nilaláng.
Sinúmang níta nang gayón ay napagágalíng ang pusò,
Nang hindî nababatíd, mulâ sa sarì-sarìng sakít—
Wiwikàin ng íbon at punòngkáhoy sa kaniyá: Kaibígan.

Pagdáka’y íbig niyáng gamítin ang saríli at mga bágay
Pára makatindíg ang mga itó sa ningníng ng kaganápan.
Hindî mahalagá kung batíd niyá ang kaniyáng inihaháin.
Sinumáng magsilbí nang mahúsay ay hindî láging naaarók.

Bahaghari at Tao, ni Yevgeny Yevtushenko

salin ng dalawang tula ni Yevgeny Yevtushenko.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Bahaghari

Nang lumitaw ang iyong mukha
sa aking kinuyumos na buhay,
ang tanging naunawaan ko noon
ay ang taglay na karukhaan.
Pagdaka’y ang natatanging sinag
sa kahuyan, sa mga ilog, sa mga dagat
ang naging ugat ko sa kinulayang
daigdig at doon ay wala akong simula.
Takot na takot ako, lubos na takot
sa di-inaasahang wakas ng liwayway,
sa mga pagbubunyag
at mga luha at nangauupos na sigla.
Di ko tinikis iyon, ang pag-ibig ko’y
ang pangambang ito, na pinalulusog
nang walang ibang makapagpapalusog,
gaya ng kalinga ng gusgusing bantay.
Kinukulob ako ng pagkatakot.
Maláy ako na maikli ang sandaling ito
at ang bahaghari sa aking balintataw
ay maglalaho
kapag sumisilay ang iyong mukha.

Tao

Walang mga tao na walang kalatoy-latoy.
Ang tadhana nila’y kronika ng mga planeta.

Walang hindi natatangi sa taglay nila,
at bawat planeta’y kakaiba sa ibang planeta.

Kung ang isang tao’y namuhay nang lingid,
ang makatagpo ang mga kaibigan niya
sa gayong oskuridad ay sadyang may latoy.

Pribado sa bawat isa ang kaniyang mundo,
at sa mundong iyon ay pambihira ang minuto.

At naroon sa mundo ang minutong masaklap.
At maituturing na pribado.

Sa sinumang tao na pumanaw, pumapanaw
sa kaniya ang unang niyebe at halik at away.

Sumasáma sa kaniya ang lahat.
Kabilang dito ang mga naiwang aklat at tulay
at kambas na pintado at makinarya.

Kaninong tadhana ang makapananaig?
Ngunit anumang nawala ay hindi rin wala:

sa tuntunin ng laro, may kung anong naglaho.
Hindi tao ang yumayao; bagkus ang mga mundo
na kimkim nila.

Na batid nating may mali, na nilalang ng daigdig.
Ano sa pinakaubod ang alam natin sa kanila?

Kapatid ng kapatid? Kaibigan ng mga kaibigan?
Mangingibig ng mangingibig?

Tayo ang nakababatid ng ating mga magulang
sa lahat ng bagay, sa wala.

Naglalaho sila. At hindi sila maibabalik.
Hindi mapasisibol ang mga mundong lihim.

At sa tuwi-tuwina, paulit-ulit,
nagdadalamhati ako laban sa pagkagunaw.

“Pinto ng Gabi” ni Cecília Meireles

salin at halaw ng tula ni Cecília Meireles mula sa Portuges de Brazil
salin at halaw sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

PINTO NG GABI

Sumasapit ang mga anghel upang buksan ang pinto ng gabi
sa sandaling napakalalim ng ating paghimbing
at malaganap ang katahimikan sa kaligiran.

Mabubuksan ang pinto’t mapapabuntong-hininga tayo.

Sumasaliw ang mga anghel sa kanilang marikit na musika,
habang sumisigabo ang mga tunika sa simoy- kalawakan;
at magkakasala ang kanilang matatas, di-maarok na dila.

Pagdaka, susupling ang mga bunga’t bulaklak sa mga puno.
Magkakasala-salabat ang mga sinag ng buwan at araw.
Matatanggal ang buhol ng laso sa lawas ng bahaghari.
At lilitaw ang lahat ng hayop nang makaniig ang mga bituin.

Dumarating ang mga anghel para buksan ang pinto ng gabi.

At mauunawaan natin na wala nang sapat na panahon,
na ito na ang ating pangwakas at sukdulang pangitain:

na kumakaway na tayo upang isaad ang pamamaalam,
na lumaya na ang mga paa natin mula sa rabaw ng lupain,
lumaya upang umimbulog na inihayag at pinapangarap
mula pa noong tayo’y ipinanganak nang ganap.

Iniaabot sa atin ng mga anghel ang dibinong paanyaya.
At mangangarap tayo na hindi na muling nananaginip pa.

Buwan, kuha ni Jon Sullivan.

Buwan, kuha ni Jon Sullivan. Retrato mula sa artsibo ng public domain photos.com