Isipin ang iba, ni Mahmoud Darwish

Salin ng “Think of Others,” ni Mahmoud Darwish ng Palestine
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isipin ang Iba

Habang naghahanda ng agahan, isipin ang iba
. . . .(huwag kalimutan ang pagkain ng kalapati).
Habang sumasabak sa mga digma, isipin ang iba
. . . .(huwag kalimutan ang nakikibaka sa kapayapaan).
Habang nagbabayad ng singil sa tubig, isipin ang iba
. . . .(sila na malimit kinakandili ng mga ulap).
Habang papauwi sa iyong bahay, isipin ang iba
. . . .(huwag kalimutan ang mga tao sa mga kampo).
Habang nakahiga at nagbibilang ng tala, isipin ang iba
. . . .(sila na walang pook na matutulugan).
Habang nananalinghaga sa sarili, isipin ang iba
. . . .(sila na nawalan ng karapatang makapagsalita).
Habang iniisip ang iba sa malayo, isipin ang sarili
. . . .(sabihin: kung ako lámang ay tanglaw sa karimlan).

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Sujeeth Potla

Ang Banoy, ni Miltos Sahtouris

Salin ng “Ο αετός” (The Eagle), ni Miltos Sahtouris ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bánoy

Noong natutulog siya
ang bánoy
ay bumulusok
na patay
sa kaniyang higaan
noong natutulog siya
ang kalapati’y
humapon
sa kaniyang kanang
kamay

Ang bánoy
ay itinilapon sa bangin
ng kaniyang duguang
mga daliri
ang kalapati’y
pinipiga at inihahagis
ng kaniyang duguang
mga daliri tungo
sa bákol

Noong nagising siya
ang bánoy
ay nakatindig
nang tuwid
sa kaniyang higaan
noong nagising siya
ang patalim
ay pinutol
ang kaniyang kanang
kamay

Pangontra sa Dalamhati at Mga Katwiran, ni Shawqi Shafiq

salin ng mga tula ni Shawqi Shafiq ng Yemen, batay sa salin sa Ingles ni Sinan Antoon.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Mga Ehersisyong Pangontra sa Dalamhati

Hagurin ang singsing ng puso
hagurin nang lubos
upang mapawi ang mga alabok ng panlulumo
Maingat na haguring muli
upang kumintab ang dingding ng pagkalimot
o
gumuhit ng bilog, ipaloob ang isa o dalawang
kalapati at masdan ang pagpagaspas (kung sakali)
Itatanong mo: Paano kung mawasak ang bilog?
Paano kung lumipad ang kalapati?
o kung nababagabag ako sa ingay ng pagaspas?
Wiwikain ko sa iyo: burahin ang bilog
hanggang maglaho ang mga bakas nito
at lagyan ng namumukadkad na babae
imbes na kalapati
upang makapaghiganti
sa napakainit mong paupahang bahay
na lumalamon sa iyong bibig.

Mga Katwiran

1. Panlasa

Hindi na ako kumain matapos
tayong magniig kahapon
nang hindi maglaho ang tamis
mo sa aking bibig.

2. Kislap

Kumislap sa karimlan ang tuhod,
na sapat na dahilan upang mayanig
ang ibon.

3.  Sariwa

Nang umupo siya sa duyan,
nadama niya ang kakaibang lambot
hindi niya batid na siya’y nakaluklok
sa sariwang kandungan

4. Kaganapan

May tatlong lalaking
iginuguhit sa loob ng silid
ang hulagway ng babae.
Nang matapos ang larawan,
ang silid ay natigalgal.

5. Pagkain

Napakarami ang puso sa basurahan
piraso ng tinapay
plastik
at mayroon ding hapunan
para sa impormanteng nagbabalatkayong
baliw.

6. Tagpo

Nang namahinga sa mesa ang kamay ko’y
natanaw niyon ang nagngangalit na suso.
Kinausap ng kamay ang dibdib,
sinikap itong pakalmahin, ngunit nagngalit.
Tumindig ang aking kamay upang ituro
ang pasensiya subalit pinaputok ng dibdib
ang damit, saka lumabas upang kagatin
ang panginorin ng aking kamay
Nang mabigong maitaboy ng kamay yaon,
tumindig ang kamay upang hagkan
ang kamao ng dibdib.

Dada

Nakasakay marahil siya sa simoy, at gaya ng kalapati, ay tumatawid sa malalayong pulo. Nauulinig niya ang sagitsit ng elektrisidad sa alapaap, at pumapasok sa kaniyang likás na radar ang eroplano o barko ng mga guniguning kalakalan. Kumakapit sa kaniyang mga balahibo ang asin at langis, at waring matutunaw siya sa naglalarong init at lamig pagsapit sa ekwador. Nakaipit sa kaniyang tuka ang uhay, at sa tumpak na sandali ay ihuhulog niya sa pipiliing lupain upang maging magkapatid na sibol na magpapatuloy ng salinlahi. Makakasabay niya ang ibang balangkawitan sa mahaba, nakababatong paglalakbay. Magkaiba man ang kani-kaniyang pinagmulan ay hinahatak sila ng elektromagnetikong alon upang tuklasin ang ginhawa na maidudulot ng kaaya-ayang klima. Lumisan siya noon sa pamamagitan ng sagradong bangka na tinitimon ng Kaluluwang Patnubay.  Posibleng kalong ng kaniyang isip ang isang munting anghel, na lilipad din balang araw, at mag-aaral ng sinauna’t orihinal na Tag-araw.

“Dada,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, © 18 Abril 2013.