Pulo ng mga Tainga, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng mga Taingá

Roberto T. Añonuevo

Sa óras na sumakáy ka sa tunóg, asáhang makáraratíng ka sa Pulô ng mga Taingá. Kung ikáw ang tulâ, sasáilálim ka sa multíplikasyón, na ang kaluskós ay nagbábanyúhay na kalantóg na nagbábanyúhay lagabóg na nagbábanyúhay na dagudóg na paúlit-úlit na sumasábog sa loób ng útak at guníguní. Ang sitsít ay lálawiswís, sásagisít, hihíging, hahagunót, huhúgong na walâng pagkapágod ngúnit walâng pasúbalìng nághahanáp ng gatláng o tuldók. Ang bulóng ay lálaguklók, lálagunlóng, at gugúlong nang gugúlong na dumádagundóng hanggang magíng fluwídong tínig na warìng mulâ sa pistá o rámbol ng mga kalátong. Sa Pulô ng mga Taingá, ang alúnigníg ay máririníg ng mga paá at sasapól sa dibdíb; at anumáng pagyaníg ay masaságap tatlóng áraw bágo iyón maganáp káhit pa mílya-mílya mulâ sa iyó ang dístansíya. Kapág sumápit kang masamâng balità, ikálulugód iyán ng buông báyan sapagkát ináasáhan. Kapág sumápit kang mabúting balità, kákabahán ang buông báyan—sapagkat maáarìng magtagláy ka ng simetríya ng mga áyaw pakinggáng pahiwátig noóng úna pa man. Anó’t anumán, isasálin ka sa sarì-sarìng wikà, na maáarìng nása anyô ng oyáyi o dung-áw o pamatbát o tagumpáy, babalángkasín sa pámbihiràng gramatíka, pálalawígin sa mga pakáhulugán, at págtutuónan ng pansín na párang pagkalág sa paláisipán ng orakúlo at súbterráneong kodígo. Pag-íral mo’y isá nang katótohánan, sabíhin mang itó’y kabúlaánan. Pipikít ang mga táo ngúnit papások ka pa rin sa kaniláng pandiníg káhit sa óras ng panánagínip. Ipipínid ang mga labì, at isisilíd ka sa papél, at lalòng mabábagábag silá sa malamyós mong hímig. At sa bandáng hulí, kapág hindî na nilá káyang tiisíng mágtaingáng-kawalì sa iyóng áwit, kapág hindî na nilá káyang ipágpalíban pa ang tindíg mong bumábatingáw, kailángan niláng harapín ang iyóng pagdatíng. Pápaloób sa kaniláng kanáng taingá ang iyóng aníno at lalabás sa kaliwâng taingá ang iyóng hulagwáy—na isinísigáw nang buông lakás ang ngálan na iyóng hinahánap, pinánanábikán. Mábibingí sa katáhimíkan ang Pulô ng mga Taingá, at isúsukò nitó ang líhim sa ipinágkakaít na kalingà’t págmamahál.

Alimbúkad: Poetry Filipinas shattering global silence. Photo by Misha Voguel on Pexels.com

Tatlong Tula ni Federico García Lorca

Salin ng tatlong tula ni Federico García Lorca ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tanawing Walang Awit

[Paisaje sin cancion]

Bughaw na langit.
Dilaw na bukid.

Bughaw na bundok.
Dilaw na bukid.

Sa sunóg na kapatagan
ay bumagtas ang olibo.

Ang solong
olibo.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Paolo Chiabrando @ unsplash.com

Panganorin

[Horisonte]

Ang araw na walang sinag
ay nápon sa lungting hipák.

Nasa lilim niyong pampang
ang bangkang nanánagínip,
at ang tapat na kuliling
ay sinusukat ang lungkot.

Sa dati kong kaluluwa
ay tumunog ang maliit
na pinilakang kalatong.

Panganorin [Horizon].

 

Mangingisda

[Pescadores]

Ang mga gugò
ng dambuhalang punòngkahoy
ay namimingwit ng bibihirang
mga tópo sa lupa.

Ang alosay sa likuran ng sanaw
ay namimingwit ng mga ruwisenyor.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Kal Visuals @ unsplash.com

Ang Mistikong Kalatong, ni Gabriel Okara

Salin ng “The Mystic Drum,” ni Gabriel Okara ng Nigeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Mistikong Kalatong

Pumipintig sa loob ko ang mistikong kalatong
at nagsasayaw ang mga isda sa mga ilog
at umiindak sa lupa ang mga lalaki’t babae
sa indayog ng aking tambol

Ngunit nakatindig lámang sa likod ng punò
at suot paikot sa baywang ang mga dahon,
siya’y napangiti habang umiiling-iling.

Nagpatuloy ang lagabog ng aking kalatong,
pinakikilapsaw ang simoy sa bumibilis
na tempo na humahatak sa mabibilis
at mga yumao na umindak at umawit
sa anyo ng kanilang mga anino—

Ngunit nakatindig lámang sa likod ng punò
at suot paikot sa baywang ang mga dahon,
siya’y napangiti habang umiiling-iling.

Pagdaka’y humataw ang kalatong sa ritmo
ng mga bagay sa lupa
at nanambitan sa mata ng kalangitan
sa araw, sa buwan, sa mga anito ng ilog
at sumayaw ang mga punongkahoy,
ang mga isda’y nagbanyuhay na mga tao,
at ang mga tao’y nagbalik sa pagkaisda
at ang mga bagay ay huminto sa paglago—

Ngunit nakatindig lámang sa likod ng punò
at suot paikot sa baywang ang mga dahon,
siya’y napangiti habang umiiling-iling.

At ang mistikong kalatong
sa loob ko’y huminto sa pagpitlag—
at ang mga tao ay naging tao,
ang mga isda ay naging isda
at ang mga punongkahoy, araw, at buwan
ay natagpuan ang kani-kaniyang lugar,
at ang mga patay ay nagtungo sa libingan
at ang mga bagay ay nagsimulang lumago.

At sa likod ng punò na kinatatayuan niya
ay sumibol ang mga ugat mula sa kaniyang
mga paa at yumabong ang mga dahon
sa kaniyang ulo at lumabas ang usok
sa kaniyang ilong
at ang labi niyang nag-iwan ng ngiti
ay naging hukay na sumusuka ng karimlan.

Sakâ ko iniligpit ang mistikong kalatong
at yukod na umalis; at hindi na muling
nagtambol nang nakatutulig.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Hataw sa Tambol, ni Naana Banyiwa Horne

Salin ng “Sounding Drum,” ni Naana Banyiwa Horne ng Ghana
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Hataw sa Tambol

May unibersong nakabaon sa loob ko.
Isang natutulog na balát
Ang sabik na sabik
Na mapatunog.
Mapatunog ng pangangatal na ikaw.

Ang loob ko’y lumalagabog na tambol.
Isang pumipitlag na kalátong,
Nakabitin,
Tumitibok-tibok,
Lumalalim ang tugtog
Sa lambing na ikaw ang makapagdudulot.

Ako ang uniberso.
Isang tambol na pinukaw sa palò ng indayog
Na katumbas mo.
Hinahataw ako ng puso mo para dumagudog.
Ang puso mo’y hinahataw ang aking tambol,
At sumasaliw na aking awit.

Sa wakas!
Ang tambol na walang iba kundi ako
Ay nanginginig, kumikinig
Sa indayog na walang iba kundi—ikaw.

Alimbukad: Wikang Filipino sa panitikang internasyonal

Dalawampung Minuto

Ano ang maisisilid sa puwang na ito? Matatangkad na gusali marahil, na magkaharap at nagkikislapan ang mga salamin, at sinumang tumingin ay malulusaw sa init. Mainit ang pagitan ng mga pader gayong napakalamig ng akondisyonadong paligid. Nanaisin ng sinumang magkabalikat na tawirin ito, panatilihin sa gunita, at sa piling ng saitan ay hahayaang matunaw ang gulugod sa paghuhugpong ng mga katawang lumulusog na tambakan ng basura at layaw. Bawat panig ay napakasiksik, at upang mapanatili ang mga estruktura’y kinakailangan ang matatag na lupaing nag-aangkin ng bituka ng adobe o marmol. Maaaring kumuliling ang kung anong kalatong kung hindi man batingaw na hudyat ng pagwawakas o paghuhukom ni Tuhan. Magiging simbilis ng mola ang sikad ng panahon. Sisingasing ang mola na sumasakay sa elektromagnetikong alon. Magtitinginan ang mga gusaling pumikit-dumilat ang mga bintana. Samantala, mananatili sa gitna ng lansangan ang estatwa ng tsonggo na tangan ang binalatang saging, at nakamuwestrang  lastag, nanggagalaiting suwail. Lalawak nang sukdol ang espasyo kahit limitado ang panahon, tulad ng maisisilid sa komiks. Maiiwan sa sahig ang mga anino, habang bumabanda ang sinag sa kanilang landas na sinisilip, kung hindi man bantulot na tinatahak.

[“Dalawampung Minuto,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo, 17 Nobyembre 2010.]

Lady Godiva, ni John Collier.

Lady Godiva, pintura ni John Collier.