Ang Payo sa Estranghero, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Páyo sa Éstranghéro

Roberto T. Añonuevo

“Ang kuwintás na háwak mo,” sásambitín sa iyó ni Francisco Roca, ang máalamát na kúra na mahílig dumakò sa bambáng, “iyán ba ay yarì sa mga butó ng dúgong?” Mapapáilíng ka, at kúkuyumín ang mga bútil. Mabábalisá ka sa tanóng, kung nagdárasál páloób sa saríli at hindî pálabás sa kaligíran; at káhit ikáw ay hindî matátandâan kung bákit nása iyóng pálad ang kung anóng bágay. “Palitán mo na iyáng háwak mo!” Sakâ iníabót niyá ang kay putîng rósaryo, na yarì sa mga butó, na áyon sa kúra’y katumbás ng dalawáng súpot ng dúkado. Warìng tinamàan ka ng sibát na lumálagós sa bátok o tiyán, ni walâng maítugón, hanggáng pumások sa pandiníg ang atúngal kung saán na makabúbulábog sa buhángin ng tangwáy. “Nakápipígil,” sambít pa ng kúra, “ang mga dinúrog na butó sa matindíng pagdúrugô. . . .” Tatangó ka na lámang, na párang siyá ang iyóng pinágpalàng médiko, at lalangóy sa iyóng guníguní ang isáng sírena, hanggáng gisíngin ka ng tapík sa balíkat. Iuúnat mo ang mga butó, at kikirót ang iyóng balágat at síngit. “Saán ka ba nágmulâ, ginoó?” Sásagutín mo siyá sa kumpás ng mga kamáy, at ang nangungúsap mong kílay at pamúmutlâ ay tútumbasán niya ng ibá pang salaysáy. “Isáng áraw, may Indiyó akóng nakíta na naghíhintáy ng dúgong,” aniyá nang maráhan, “doón sa gílid ng ílog.” Ikáw na kaniyáng kaharáp ay warìng lutáng na lutáng makáraáng itilápon ng buhawì, ngúnit magpápatúloy ang kúra sa kaniyáng íbig ibída. “Tuwíng hápon, nátuklasán ko, umaáhon ang dúgong sa pampáng, ang diyábolíkong nilaláng na may malalakíng súso ng dalaga, pára makípagtálik sa Indiyó!” Mapápangísi ang kúra, at ikáw na tumátanáw sa kaniyá ay tátamàan ng hindík at suklám. “Maniníwalà ka ba, ginoó, na ánim na buwán siláng nagsisíping? Kung hindî pa mangúngumpisál ang laláki, pagkáraáng hipùin ng Diyós ang kaniyáng pusò, parého siláng mahuhúlog sa ímpiyérno!” Hindî mo maáarók ang winikà ng kúra, ngúnit titiím sa iyó ang kaniyáng mga salitâ. “Kasínglakí ng gúya ang dúgong,” may pagmamáyabáng nitóng bigkás, “at ang lamán ay may lása ng tadyáng ng báka!” Mapapáluhà ka na lámang, at sa yungíb ng iyóng ulirát ay aáhon ang iyóng músa, na may kung anóng súgat sa dibdíb, hábang kuyóm mo nang mahigpít ang mga bútil ng kaniyáng alaála. “Huwág kang lalápit sa pampáng,” páyo ng kúra, “baká akítin ka ng dúgong at hindî na mulî pang makíta. . . .”

Alimbúkad: Epic unreal poetry challenging the status quo. Yes to freedom. Yes to humanity. Photo by Pixabay on Pexels.com

Mithi, ni Hanane Aad

Salin ng “أمنية” (Wish), ni Hanane Aad ng Lebanon
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mithi

May samyo ng paghimbing ang lupain.
Ang awit ay may halimuyak ng kalayaan.
Sabik akong langhapin ang aking kalayaan
Bago sumapit ang sukdulang pagtulog.
Sabik na akong awitin ang aking awit
Bago ako tabunan nang lubos ng lupa.

Alimbúkad: World Poetry Solidarity for Humanity. Photo by Rawad Semaan, titled “Douq, Lebanon,” @ unsplash.com

Ang Ulam, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Ulam

Roberto T. Añonuevo

Ang tupa ng hari’y
daig pa ang hari.

Anak ng tupa,
paano ka ba naging isang uban
sa gubat ng dilim?
Para kang nakatatak
sa mga tisert o bag
na ipagmamagara sa tamang sandali
ng kawan-kawan mong tagasunod.
Naunawaan ka namin
sa banyagang pananampalataya
kahit higit na masarap ang tulingan
o itik o baboy-damo.
Modelo ka sa laboratoryo ng isip,
at ligtas kami dahil sa iyong lahi
o sa isusuot na damit.
Masungit dahil malayo sa pastulan,
naghahanap ka ngayon ng damo—
kuwarentena ang pastol at mga aso.
Kutob mo ang simoy ng panganib
sa masasalubong na sabik na lobo
o sa tropa ng mga uwak
kung iyan ang kapalaran sa lupa.
Balisa sa iláng, iláng na iláng ka
kapag tinititigan para sa iniisip
nilang piging o hapunan.
Ano ang magiging tanaw sa iyo
ni Abraham kung masalalak sa sukal?
Tumatakbo kang naliligaw,
nagugutom sa kalugurang sensuwal;
kumakapal ang tatag mo sa taglamig,
at sinabing hubad ang iyong anino
na sakay ng usok tungo sa Paraiso.
Sinusukat at inuuri ng mga diyos
ang iyong lamán, balahibo’t balát,
hinahangaan ang bait, buto’t bayag,
at ihatid man sa katayan o palengke,
nakasusuot ka sa aming guniguni:
malumay, pagpalitin man ang puwesto
ng iyong mga katinig. . . .

Alimbúkad: Uncompromising poetry imagination for humanity. Photo by Mat Reding @ unsplash.com

Animnapu, ni Yeḥyā Salīm ’Atalla

Salin ng “Sixty,” ni Yeḥyā Salīm ’Atalla ng Israel at Palestina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Animnapu

Animnapung taon kang nagdiriwang ng iyong pista opisyal
At para sa iyong pista opisyal
May animnapung ilog sa aking dugo
Animnapung taon kang nagdiriwang ng iyong pista opisyal
At para sa iyong pista opisyal
May animnapung panahong ginugol sa mga kampo
Animnapung taon kang kumakain ng kabutihan sa aking lupain
At narito ako
Animnapung taon na hinintay ang giikan para sa aking ani
Animnapung taon gayon nga
Ang pista opisyal mo ba’y darami pa matapos ang animnapu
Habang patuloy kang dumadalo sa mga paglilibing?
Huwag matuwa
Dahil ang pista opisyal mo’y may galak ng mga bagyo
Kapag binubunot ang mga bulaklak sa kandungan ng hardin
Huwag matuwa
Dahil ang pista opisyal mo’y damá ang apoy ng pagkasunog ko
Sa mga batas ng olokawstos
Huwag matuwa
At nasa harap mo ang lahat ng dokumento
Maghintay at maririnig mo
At mababása ang paghuhuramentado ng sugatan
Kilalanin ang kirot ng katotohanan
Siya na hindi tinuruan sa mga salita
Ay tuturuan ng mga riple.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Malayo sa Ating Loob, ni Vasko Popa

Salin ng “Daleko u nama,” ni Vasko Popa ng Serbia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Malayo sa Ating Loob

1
Iniangat natin ang mga kamay
Umakyat sa langit ang mga daan
Mga mata natin ay ibinaba
Bumagsak yaong bubungan sa lupa

Mula sa bawat dinadalang kirot
Na hindi kayang banggitin nang taos
Sumisibol yaong punong kastanyas
Na hiwagang lihim sa ating lahat

Mula sa bawat taglay na pag-asang
ikinalulugod ng bawat isa
May umaahon na isang bituing
Ang inog ay hindi ta mararating

Narinig mo ba ang balang lumipad
Na sa mga ulo natin wawarak
Narinig mo ba ang mga pumutok
Na nagbantay sa halik nating taos

2
Ang mga kalye ng mga sulyap mo
Ay walang wakas

Mga layang-layang ng mata mo
Ay hindi sa timog lumilipat

Mula sa mga álamo ng iyong suso
Ay walang dahong nalalaglag

Sa kalangitan ng mga salita mo
Ang araw ay palaging sumisikat

3
Ang ating araw ay mansanas
Na hinati sa dalawa

Tinitingnan kita
Ngunit hindi mo ako nakikita
Nasa pagitan ta ang bulag na araw

Nasa mga baitang
Ang mga punit nating yakap

Tumawag ka sa akin
Hindi kita naririnig
Nasa pagitan ta ang binging simoy

Sa mga bintana ng tindahan
Hinahanap ng labi ko
Ang iyong ngiti

Nasa sangandaan
Ang ating niyurakang halik

Ibinigay ko sa iyo ang kamay
Wala ka man lang nadama
Niyapos ka ng kahungkagan

Sa mga plasa
Ang luha mo’y hinahanap
Ang aking mga mata

Sa gabi ang patay kong araw
Ay tinitipan ang patay mong araw

Tanging sa pananaginip
Nakalalakad tayo sa iisang párang

4
Ito ang iyong labi
Na ibinabalik ko
Sa iyong leeg

Ito ang sinag ng buwan
Na ibinababa ko
Mula sa iyong mga balikat

Naiwala natin ang isa’t isa
Sa napakasukal na kahuyan
Ng ating pagtatagpo

Sa aking mga kamay
Lumulubog at lumiliwayway
Ang iyong lalagukan

Sa iyong lalamunan
Lumiliyab at nauupos
Ang masisiklabo kong tala

Natagpuan natin ang isa’t isa
Sa ginintuang bakood
Na napakalayo sa ating loob

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Milan Surbatovic. Unsplash.com.

Alulong, ni Allen Ginsberg

Salin ng “Howl,” ni Allen Ginsberg ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Alulóng

Para kay Carl Solomon

I
Nakita ko ang matitinik na utak ng aking henerasyon na winasak ng kabaliwan,
. . . . . . .nagugutom nabuburyong nahuhubdan,
hila-hila ang kani-kanilang sarili sa mga negrong kalye kapag madaling-araw
. . . . . . .para magkaamats, mga anghel na jeproks na lumiliyab para sa ugnayang makalangit dulot ng bateryang kumikisap sa loob ng makinarya ng gabi,
. . . . . . .na luklukan ng karukhaan at gusgusin at sabóg na nakatalungkong humihithit
sa karimlang sobrenatural ng mga nagyeyelong baláy na lumulutang sa tuktok
. . . . . . .ng mga lungsod na nagninilay sa jazz, na ibinunyag ang kanilang isip sa Langit
sa lilim ng El at nasilayan ang mga Mahometanong anghel na sumusuray sa bubong
. . . . . . .ng barumbarong na nagliliwanag, na nakapasá sa mga unibersidad nang may maningning na matang sabóg sa Arkansas at trahedyang mala-Blake sa mga iskolar
. . . . . . .ng digmaan, na sinipa mula sa mga akademya dahil inakalang búang at nagpapa-
lathala ng mga awiting bastos sa mga bintana ng bungo, na nangangatal nang nakabrip
. . . . . . .sa mga libagíng silid, nagsisindi ng pera sa mga basurahan, at inuulinig sa rabaw ng dingding ang Sindak, at pinagdadampot dahil sa kanilang bulbuling balbas
. . . . . . .na nagbabalik sa Laredo na may sinturon ng tsongki para sa New York,
na kumakain ng apoy sa mga pintadong hotel o tumutungga ng turpentina sa Paradise . . . . . . .Alley, kamatayan, o pinupurgatoryo ang kanilang lawas gabi-gabi sa mga panaginip, sa mga droga, naaalimpungatan dahil sa bangungot, alkohol at burat at . . . . . .. . . . . .walang hanggahang bayag, di-maihahambing na mga kalyeng bulág ng kumakatal na ulap at kidlat sa isipang lumulundag tungo sa mga polo ng Canada & Paterson,
. . . . . .pinagliliwanag ang lahat ng walang tinag sa mundo ng Panahon na nakapagitan,
Peyoteng tumaliptip sa mga bulwagan, bakuran ng berdeng punong sementeryong . . . . . .. . . . . .sumisilang, pagkalasing sa alak habang nasa bubong, o harapan ng tindahang  . . . . . .. . . . . .sari-sari na adik sa damong neon na kumukutitap na ilaw-trapiko, araw at buwan . . . . .    .at pintig ng punongkahoy sa humahalihaw na otonyong madaling-araw ng . . . . . .. . . . . .. . . Brooklyn, nanggagalaiting sinesera at mabuting hari ng liwanag ng diwa,
na ikinadena ang kanilang mga sarili sa mga sabwey para sa eternal na biyahe mulang
. . . . . .Battery hanggang sagradong Bronx nang may amats Benzedrine hanggang ang . . . . . .. . ..ingay ng mga kotse at bata ay pukawin silang nanginginig nang bangas ang bibig at . . . . . .bugbog ang kulimlim na utak na natuyot sa katalinuhan sa gastadong sinag ng . . . . . .. . . . ..Zoo,
na nalunod buong gabi sa submarinong sinag ng Bickford’s na lutang at nakaupo sa
. . . . . .mapusyaw na serbesang dapithapon sa nakahihindik na Fugazzi’s, nakikinig sa . . . . . .. . . . pagputok ng wakas mula sa idrohenong jukbax,
na patuloy na nagsasalaysay nang pitumpung oras mulang parke hanggang bahay
. . . . . .hanggang bar hanggang Bellevue hanggang museo hanggang Brooklyn Bridge,
. . . . . .bigong batalyon ng platonikong tsismosong lumulundag sa kababawan ng sunog-
. . . . . .ligtasan sa mga bintana ng Empire State palabas ng buwan,
tumatalak sumisigaw sumusúka bumubulong ng mga katotohanan at gunita
. . . . . .at anekdota at tadyak sa mata at rindi ng mga ospital at bilangguan at digma,
buong kaisipang isinukang tandang-tanda sa loob ng pitong araw at gabi
. . . . . .taglay ang matang kumikislap, karne para sa Sinagoga at inihasik sa kalye,
na naglaho sa kung saang Zen New Jersey na iniwan ang bakas ng malabong
. . . . . .larawang pamposkard ng Atlantic City Hall,
pinagdurusahan ang Silanganing pagpapawís at Tanseryanong pulbos-buto, at
. . . . . .sakit-ng-ulo ng China, idinuwal ang walang kuwentang pamatay-gutom na
. . . . . .madilim magarang silid ng Newark,
na magdamag na gumagala nang paikot-ikot sa mga riles ng tren,
. . . . . .at nag-iisip kung saan patutungo at saan nagtungo, hindi mag-iiwan ng mga wasak . . . . . .na puso
na nagsisindi ng sigarilyo sa mga kotse kotse kotse na rumaraket sa niyebe tungo sa
. . . . . .malulungkot na bukirin sa impong gabi,
na nag-aral ng Plotinus Poe San Juan de la Cruz telepatiya at bop kaballa dahil ang
. . . . . .kosmos ay kusang pumipitlag sa kanilang talampakan sa Kansas,
na isinanla iyon sa mga lansangan ng Idaho na naghahanap ng bisyonaryong Indiyong
. . . . . .anghel, na inakalang baliw lamang sila nang magningning ang Baltimore sa
. . . . . .kaluwalhatiang sobrenatural,
na tumalon sa mga limosina kapiling ang Chino ng Oklahoma dahil sa tulak ng
. . . . . .otonyong hatinggabing may sinag-kalyeng ulan sa bayan,
na sumunggab nang gutom at mag-isa sa Houston sa paghahagilap ng Jazz o sex o
. . . . . .sopas, at sinundan ang matalas na Español upang makipag-usap
. . . . . .sa America at Eternidad, isang walang kapag-a-pag-asang tungkulin, at kaya
. . . . . .sumakay ng barko pa-Africa,
na naglaho sa mga bulkan ng Mexico at walang iniwan kundi ang anino ng pantalong
. . . . . .maong at ang lava at ang abo ng panulaan na isinabog sa dapugang Chicago,
na muling lumitaw sa West Coast para imbestigahan ang FBI na balbasarado at . . . . . .. . . . . .. . . nakasalawal at may malalaking matang pasipista na seksi sa maitim na balát at . . . . . .. . . . nagpapakalat ng di-maarok na polyeto,
na pinapasò ng sigarilyo ang mga brasong nagpoprotesta sa narkotiko-tabakong usok
. . . . . .ng Kapitalismo,
na nagpapalaganap ng mga Superkomunistang polyeto sa Union Square, umiiyak at
. . . . . .naghuhubad habang ang mga sirena ng Los Alamos ay pinahahagulgol sila, at . . . . . .. . . . . pinahahagulhol ang Wall, habang humahagulhol ang barko ng Staten Island,
na nalugmok sa kaiiyak sa mapuputing himnasyos nang lastag
. . . . . .at nanginginig sa harap ng makinarya ng ibang kalansay,
na sinakmal sa leeg ang mga detektib at napasigaw sa tuwa sa loob ng kotse ng pulis
. . . . . .dahil sa tangkang di maituturing na krimen kundi ang kanilang ilahas na balak na . . . . . .. . pederastiya at paglalasing,
na umaalulong nang nakaluhod sa sabwey at hinihila palayo sa bintana habang
. . . . . .iwinawagay ang mga uten at manuskrito,
na hinayaan ang kanilang sariling kantutin sa puwit ng mga banal na nakamotorsiklo, at
. . . . . .malugod na sumigaw,
na pinasabog at tinangay ng mga diwatang tao, mga marinero, hinahaplos ng Atlantiko
. . . . . .at pag-ibig na Caribe,
na kumandi sa umaga sa gabi sa hardin ng rosas at sa damuhan sa mga publikong
. . . . . .parke at sementeryo, nagkakalat ng kanilang tamod nang libre sa sinumang
. . . . . .maaaring dumating,
na sinisinok nang walang katapusan at nagsisikap kiligin ngunit nagwawakas sa
. . . . . .paghikbi sa likod ng harang sa Paliguang Turko noong ang bulawan & hubad na
. . . . . .anghel ay dumating upang tusukin sila ng espada,
na nawalan ng kanilang mga binatang parausan sa tatlong daga ng kapalaran—ang
. . . . . .isang-matang daga ng dolyar na heterosexual ang isang-matang daga ng . . . . . .. . . . . .. . . . . kumikindat pagkalabas ng sinapupunan at ang isang-matang daga na walang . . . . . .. . . . . ginagawa kundi kumubabaw sa puwit at lagutin ang bulawang intelektuwal na . . . . . .. . . hibla ng hablon ng artesano,
na esktatikong kumantot at di-matighaw ng bote ng serbesa isang mahal na pakete
. . . . . .ng sigarilyo ang kandila at nahulog sa kama, at patuloy na bumulusok sa sahig . . . . . .. . . . . pababa ng bulwagan at winakasan ang pagkahimatay sa pader na may bisyon ng . . . . . .. . ultimong puke at nilabasan paiwas sa pangwakas na putok ng kamalayan,
na pinatamis ang pagdukot sa milyong dalagitang nangangatal habang papalubog ang
. . . . . .araw, at pulang-pula ang mata sa umaga ngunit handang patamisin ang
. . . . . .pagdukot ng liwayway, inilalantad ang kanilang puwit, sa ilalim ng mga kamalig
. . . . . .at nakahubad sa lawa,
na naglakwatsa para magpaputa sa Colorado doon sa samot na nakaw na kotseng
. . . . . .panggabi, N.C., bayaning lihim nitong mga tula, oragon at Adonis ng Denver-joy
. . . . . .sa alaala ng kaniyang di-mabilang na pakikipagtalik sa mga dalagita sa mga . . . . . .. . . . . .. . bakanteng lote & bakurang kainan, marurupok na upuan sa mga sinehan, sa mga . . . . . .. . tuktok ng bundok sa mga yungib o sa piling ng mga patpating weytres
na nagbubuyangyang ng palda sa pamilyar na bangketa & lalo na sa sekretong
. . . . . .solipsismo sa mga kubeta ng gasolinahan, & mga eskinita ng bayan,
na nakatulog sa kasumpa-sumpang pelikula, at nanaginip, at nagising nang bigla
. . . . . .sa Manhattan, at iniahon ang kanilang mga sarili sa mga silong kahit may tamà
. . . . . .pa sa piling ng walang pusong tukô at rimarim ng mga bakal na pangarap ng Third . . . . . . Avenue, & napasubasob sa mga opisina ng kawalang-trabaho,
na naglakad nang buong gabi na tigmak sa dugo ang sapatos sa tumpok ng niyebe sa
. . . . . .piyer na naghihintay ng pinto sa East River upang buksan ang silid na puno ng . . . . . .. . . . . singaw at opyo,
na nilikha ang dakilang dula ng pagpapatiwakal sa apartment sa matatarik na pasig ng
. . . . . .Hudson sa ilalim ng asul na liwanag ng buwan noong panahon ng digmaan, & ang . . . . . .. . kanilang mga ulo’y puputungan ng lawrel ng pagkagunaw,
na kumain ng binulalong tupa ng haraya o nilantakan ang alimango mula sa mabanlik
. . . . . .na ilog ng Bowery,
na itinangis ang romansa sa mga kalye katabi ang kanilang karitong hitik sa mga
. . . . . .sibuyas at nakatutulig na musika,
na umupo sa mga kahon at humingal sa karimlan sa ilalim ng tulay, at bumangon
. . . . . .upang bumuo ng mga sembalo sa kanilang mga atiko,
na umubo-ubo sa ikaanim na palapag ng Harlem na kinoronahan ng apoy sa lilim ng
. . . . . .tisikong langit na pinalibutan ng mga kahon-kahong kahel ng teolohiya,
na sumulat-sulat buong gabi habang rumarakenrol sa matatayog na bulong na sa
. . . . . .dilawang umaga’y nagiging saknong ng kawalang-saysay,
na nagluto ng bulok na karne ng hayop at kinuha ang baga puso paa buntot at ginawang
. . . . . .sinigang & tortilya, at nanaginip ng purong kaharian ng gulay,
na inilusong ang mga sarili sa trak ng karne para maghanap ng itlog,
na itinapon ang kanilang relo sa bubong upang maibilang ang balota sa Eternidad,
. . . . . .Malaya sa Panahon, & bumabagsak araw-araw sa kanilang mga ulo ang
. . . . . .alarmang orasan hanggang susunod na dekada,
na nilalaslas ang kanilang pulso nang tatlong sunod ngunit nangabigo,
na sumuko at napilitang magbukas ng tindahan ng mga antigo at doon nila natantong
. . . . . .tumatanda sila’t lumuluha,
na sinilaban nang buháy sa kanilang de-ilong amerikana sa Madison Avenue,
. . . . . .sa gitna ng palahaw ng mabibigat na berso at langong takatak ng sampanaw
na sandata ng moda, at nitrogliserinang halakhak ng mga Diwata
. . . . . .ng anunsiyo at mustasang gas ng mga balakyot na editor, o kaya’y
. . . . . .sinagasaan ng lasenggong taxi ng Absolutong Realidad,
na lumundag sa Brooklyn Bridge at totoong naganap ito at naglakad palayo nang di-
. . . . . .nakikilala at nalimot tungo sa malamultong pagkamalagihay sa mga pansitang
. . . . . .eskinita ng Chinatown & trak ng bumbero, ni wala man lang libreng bote ng
. . . . . .serbesa,
na kumanta nang malakas nang lampas sa bintana dahil sa panlulumo,
na nahulog sa labas ng bintana ng sabwey, tumalon sa maruming Passaic, nilundagan
. . . . . .ang mga negro, humagulgol sa lansangan, sumayaw nang nakayapak sa mga . . . . . .. . . . . bubog ng bote ng alak, binasag ang mga ponograpong plaka ng nostalhikong . . . . . .. . . . . .. Ewropeo noong dekada 1930 na Alemang jazz, tinungga ang wiski at sumúka at . . . . . .. . . umungol sa duguang kubeta, umungol sa kanilang mga tainga at sa putok ng . . . . . .. . . . . dambuhalang silbato ng bapor,
na sinuwag ang mga haywey ng nakaraan, tinatahak ang bawat de-koryerteng selda ng
. . . . . .Golgothang bantay-sarado, o pagbabanyuhay ng Birmingham jazz,
na bumiyahe panayon nang pitumpu’t dalawang oras upang alamin lamang kung may
. . . . . .bisyon ako o may bisyon ka o may bisyon siya upang matuklasan ang Eternidad,
na naglakbay pa-Denver, na namatay sa Denver, na nagbalik sa Denver, at bigong
. . . . . .naghintay, na binantayan ang Denver, at nagmukmok nang mag-isa sa Denver,
. . . . . .at sa wakas ay lumayas upang tuklasin ang Panahon, & ngayon nalulungkot ang . . . . . .. . . Denver para sa kaniyang mga bayani,
na pawang napaluhod sa mga walang pag-asang katedral na ipinagdarasal ang
. . . . . .kaligtasan ng bawat isa at ang liwanag at ang súso, hanggang paningningin ng
. . . . . .kaluluwa ang buhok nito sa isang kisap,
na iniuntog ang kanilang isipan sa kulungan habang hinihintay ang mga imposibleng
. . . . . .kriminal na may ginintuang ulo at ang gayuma ng realidad sa kanilang mga . . . . . .. . . . . .. pusong umaawit ng matatamis na blues sa Alcatraz,
na nagretiro sa Mexico upang linangin ang nakagawian, o sa Rocky Mount upang . . . . . .. . . . . .. makisimpatya kay Buddha o sa mga Tangher hanggang sa mga bata o sa . . . . . .. . . . . .. . . . . Katimugang Pasipiko hanggang sa itim na lokomotora o mulang Harvard . . . . . .. . . . . .. . . . hanggang Narcissus hanggang Woodlawn hanggang kadena ng margarita o . . . . . .. . . . . .. ..libingan,
na naggigiit ng mga paglilitis ng bait na nag-aakusa sa radyo ng hipnotismo & naiwang
. . . . . .mag-isa sa kanilang kabaliwan & sa kanilang mga kamay & sa mga hurado ng . . . . . .. . . . . bitay,
na pumukol ng patatas na salad sa mga tagapanayam ng CCNY hinggil sa Dadaismo at
. . . . . .pagkaraan ay itinanghal ang kanilang mga sarili nang kalbo at sa arleking
. . . . . .talumpati ng pagpapatiwakal sa hagdang granate ng manikomyo, humihiling ng . . . . . .. . agarang lobotomiya,.
at ang ibinigay sa kanila’y ang kongkretong kawalan ng insulin metrasol elektrisidad . . . . . .. . . . idroterapya sikoterapya trabahong terapya pingpong & amnesya,
na sa walang kalatoy-latoy na protesta’y nasapawan lamang ng isang simbolikong mesa
. . . . . .sa pingpong, mamamahinga nang sandali sa katatonya, magbabalik pagkaraan
. . . . . .ng ilang taon na kalbong-kalbo maliban sa peluka ng dugo, at mga luha at daliri, sa . . . . . .nakikitang baliw na kamalasan ng mga selda ng bayang baliw ng Silangan, sa . . . . . .. . . . . mababantot na bulwagan ng Pilgrim State, Rockland, at Greystone, makikipagbulyawan sa mga alingawngaw na kundimang itim, makikipagrakenrol sa . . . . . .. . . . hatinggabi ng solong bangkito ng libingan ng pag-ibig, mananaginip ng búhay . . . . . .. . . . . mula .sa bangungot, mga katawang naging bato at simbigat na gaya ng buwan,
na inang kinantot sa wakas, at ang pangwakas na kagila-gilalas na aklat ay bumuklat
. . . . . .ng bintana ng tenement, ang pangwakas na pinto na nagsara sa alas-kuwatro ng . . . . . .. . umaga at ang huling telepono ay ibinalibag sa dingding bilang tugon at ang huling . . . . . ...amuwebladong silid ay tinanggalan ng lamán hanggang sa huling piraso ng . . . . . .. . . . . .. . . muwebles na isip, isang naninilaw na rosas na papel na binaluktot sa kableng . . . . . .. . . . . sabitan sa aparador, at kahit guniguni, wala na kundi kaunting pag-asa ng . . . . . .. . . . . .. . . . halusinasyon—

Ay! Carl, habang hindi ka ligtas ay hindi ako ligtas, at ngayon ikaw ay tunay na ganap
. . . . . .na hayop sa sinigang ng panahon—

at sino samakatwid ang tumakbo sa malamig na kalye at sabik sa kisapmatang alkimiya
. . . . . .ng paggamit ng elipsis ang katalogo ng metro at ang pumipintig na rabaw,                    na nangarap at lumikha ng enkarnasyon sa mga puwang ng Panahon & Espasyo sa . . . . . .. . . . . pamamagitan ng nagsasalimbayang mga hulagway, at binitag ang arkanghel ng . . . . . .. . . . kaluluwa sa pagitan ng 2 biswal na imahen at sumapi sa mga pandiwang panimula
. . . . . .at itinakda ang pangngalan at ang gitling ng kamalayan saka sabay na lumundag
. . . . . .nang may pagdama sa Pater Omnipotens Aeterna Deus upang likhain muli ang . . . . . .. . . . . . . palaugnayan at sukat ng mababang uri ng prosang tao
at tumindig sa harap mo nang walang imik at matalino at nangangatal sa pagkapahiya, . . . . . .itinakwil ngunit ikinukumpisal ang kaluluwa upang umangkop sa ritmo ng kaisipan . . . . . .sa kaniyang lastag at walang hanggahang ulo,
ang baliw na tambay at ang indayog anghel sa Panahon, nalilingid, ngunit itinatala dito
. . . . . .ang anumang maaaring sabihin sa darating na panahon makaraang yumao, at . . . . . .. . . . . bumangon muli’t mabuhay sa malamultong damit ng jazz sa aninong kapre ng . . . . . .. . . . . banda, at hipan ang pagdurusa ng lastag na isip ng America para sa pagmamahal . . . . . .. . tungo sa eli eli lamma lamma sabacthani na sigaw ng saxofong nagpakatal sa mga . . . . . .. . lungsod hanggang sa pangwakas na radyo
na may sukdulang puso ng tula ng buhay na kinatay at tinadtad palabas ng kanilang
. . . . . .mga katawan na sapat para kainin sa loob ng sanlibong taon.

II
Anong espingheng semento at aluminyo ang bumasag sa kanilang mga bungo
. . . . . .at kumain sa kanilang mga utak at imahinasyon?
Molok! Pag-iisa! Dumi! Kapangitan! Mga sinesera at di-matatamong dolyar! Mga . . . . . .. . . . . .batang sumisigaw sa ilalim ng hagdan! Mga batang umiiyak nang hukbo-hukbo! . . . . . .. . .Mga huklubang tumatangis sa mga parke!
Molok! Molok! Bangungot ng Molok! Molok na walang iniibig! Molok na kabaliwan!
. . . . . .Molok na mabigat magparusa sa mga tao!
Molok na di-maaarok na bilangguan! Molok na butong magkakrus, walang kaluluwa,
. . . . . .bilibid, at Kongreso ng pighati! Molok na ang mga gusali ay hatol! Molok na . . . . . .. . . . . .. . malawak na tipak na bato ng digmaan! Molok na nakagugulat sa mga gobyerno!
Molok na ang isipan ay lantay na makinarya! Molok na dumadaloy na salapi ang dugo!
. . . . . .Molok na ang mga daliri ay sampung hukbo! Molok na ang dibdib ay kanibal na . . . . . .. . . . aparato! Molok na umaasóng libingan ang tainga!
Molok na ang mga mata’y laksang bulag na bintana! Molok na ang matatayog na
. . . . . .gusali’y nakatirik sa mahahabang kalye gaya ng walang katapusang mga Jehovah! . . . . . .Molok na ang mga pabrika ay nananaginip at kumokokak sa ulop!
. . . . . .Molok na ang mga tsiminea at antena ay korona ng mga lungsod!                          Molok na ang pag-ibig ay walang katapusang langis at bato! Molok na ang kaluluwa ay . . . . . .elektrisidad at bángko! Molok na ang kahirapan ang espektro ng kahenyuhan! . . . . . .. . . . Molok na ang kapalaran ay ulap ng walang kasariang idroheno! Molok na ang . . . . . .. . . . . .pangalan ay Isipan!
Molok na malungkot kong kinauupuan! Molok na pinapangarap ko ang mga Anghel!
. . . . . .Baliw kay Molok! Tsumutsupa kay Molok! Batong-puso at walang-lalaki kay . . . . . .. . . . . .. Molok!
Pumasok nang maaga si Molok sa kaluluwa ko! Si Molok na sa kaniya’y kamalayan
. . . . . .akong walang katawan! Si Molok na sumindak sa akin mula sa likas na ekstasis! Si . . . . . .. Molok na aking iniwan! Gumising sa Molok! Sumisibat ang liwanag mula sa langit!
Molok! Molok! Mga robot na apartment! Mga baryong di-nakikita! Tesoro ng mga
. . . . . .kalansay! Mga bulag na puhunan! Demonyong industriya! Mga nasyong multo! . . . . . .. . . Di-nakikitang asilo! Mga granateng tarugo! Mga bombang halimaw!
Nagpakamatay sila para dalhin sa langit si Molok! Mga kalsada, punongkahoy, radyo,
. . . . . .tone-tonelada! Binubuhat ang lungsod palangit na umiiral at kung saan-saan . . . . . .. . . . . naroon sa atin!
Mga bisyon! pangitain! guniguni! himala! ekstasis! na pawang inanod sa ilog
. . . . . .Americano!
Mga pangarap! pagsamba! kaliwanagan! relihiyon! ang sangkaterbang tae na pusong-
. . . . . .mamón!
Mga tagumpay! Doon sa kabilang ilog! Mga pitik at krusipiksiyon! Na pawang tinangay
. . . . . .ng baha! Anung lugod! Epipanya! Kawalang-pag-asa! Sampung taon ng palahaw . . . . . .. . at pagpapatiwakal! Mga isip! Bagong pag-ibig! Baliw na salinlahi! Na gumuho sa . . . . . .. . paglipas ng panahon!
Tunay na sagradong halakhak sa ilog! Nakita nila lahat ito! Mga ilahas na mata!
. . . . . .Sagradong atungal! Nagpaalam sila! Lumundag sila mula sa bubong! tungo sa . . . . . .. . . . . pag-iisa! kumakaway! tangan ang pumpon ng mga bulaklak! pabulusok sa ilog! . . . . . .. . . . palusóng sa kalye!

III
Carl Solomon! Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at higit ka roong siraulo kaysa sa akin
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at nadama mo roon ang labis na kakatwa
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at ginaya roon ang anino ng aking ina
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at pinaslang doon ang iyong sandosenang kalihim
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at humalakhak ka roon sa tagabulag na patawa
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at mga dakilang manunulat tayo roon na hindik sa parehong makinilya
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at lumubha roon ang iyong kondisyon at ibinalita sa radyo
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at doon iwinaksi ng mga uod ng pandama ang mga fakultad ng bungo
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at uminom ka roon ng tsaa sa mga súso ng matatandang dalaga ng Utica
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at nagbiro ka roong ang mga katawan ng narses ang arpiyas ng Bronx
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at sumigaw habang suot ang istreytdiyaket na natatalo ka sa larong pingpong sa . . . . . .. . bangin
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at humataw ka roon sa katatonikong piyano na inosente at inmortal ang kaluluwa . . . . . .na hindi dapat mamatay nang kaawa-awa sa bantay-saradong asilo
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at hindi na roon maibabalik ng limampung dagok ang kaluluwa mo pabalik sa . . . . . .. . . . . katawan mula sa peregrinasyong tawirin ang kawalan
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at isinakdal roon ang mga iyong mga doktor ng kabaliwan at nagbalak pa ng . . . . . .. . . . . .. Ebreong sosyalistang rebolusyon laban sa pasistang pambansang Gólgota
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at biniyak mo roon ang kalangitan ng Long Island at binuhay muli ang umiiral . . . . . .. . . . . mong Hesus na tao mula sa libingang supertao
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .na kinaroonan ng dalawampu’t limang libong baliw na kabalikat na sabay-sabay . . . . . .. . . umaawit ng mga pangwakas na saknong ng Internationale
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at hinagkan natin doon ang Estados Unidos sa ilalim ng ating kobrekama, ang . . . . . .. . . . . Estados Unidos na umuubo nang buong magdamag at hindi tayo pinatutulog
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .at napukaw tayo roong masigla makalipas ang malaong pagkakahimbing dulot ng . . . . . .mga eroplano ng mga kaluluwang lumilipad sa ibabaw ng bubong na . . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . pagbabagsakan ng mga mala-anghel na bombang kusang pinagniningning ng . . . . . .. . . . . .ospital na guniguni gumuho ang mga pader O patpating mga hukbong kumaripas . . . . . .. papalabas O binituing yugyog ng awa ang digmaang eternal ay naririto O . . . . . .. . . . . .. . . . tagumpay kalimutan ang iyong anderwer Malaya tayong lahat
Kasama kita sa Rockland
. . . . . .sa aking panaginip ay naglalakad kang tigmak mula sa pagdaragat sa haywey ng . . . . . .. . . America’t lumuluha sa pintuan ng aking kubol sa Kanluraning gabi
. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .. . . . . .San Francisco 1955-56

TALABABA SA ALULONG

Banal! Banal! Banal! Banal! Banal! Banal! Banal! Banal! Banal!
Banal! Banal! Banal! Banal! Banal! Banal!
Banal ang daigdig! Banal ang kaluluwa! Banal ang balát! Banal ang ilong! Ang dila at . . . . . .. . . . uten at kamay at tumbong ay banal!
Lahat ay banal! Lahat ay banal! Saanman ay banal!
. . . . . .Nasa eternidad ang bawat araw! Bawat tao’y anghel!
Kasimbanal ng serafines ang tambay! Ang baliw ay banal gaya mo aking kaluluwa na . . . . . .. . . .banal!
Ang makinilya ang banal na tula ang banal na tinig ang banal na tagapakinig ang banal . . . . . .. . .na ekstasis ang banal!
Banal na Pedro banal na Allen banal na Solomon banal na Lucien banal na Kerouac . . . . . .. . . . . .banal na Hukene banal na Burroughs banal na Cassady banal na di-kilalang iniyot . . . . . .at nagdurusang mga pulubi banal ang nakaririmarim na mga tao na anghel!
Banal na ina sa baliw na asilo! Mga banal na tarugo ng mga lolo ng Kansas!
Banal ang sagradong umuungol na saxofon! Banal ang bob apokalipsis! Banal ang mga . . . . . .. .bandang jazz hiping nagdadamo kapayapaan & basura & mga tambol!

Stop weaponizing the law! No to illegal arrest! No to illegal detention! No to extra-judicial killing! Yes to human rights! Yes to humanity!

Kapag walang takot ang diwa, ni Rabindranath Tagore

Salin ng “Chitto Jetha Bhayshunyo,” ni Rabindranath Tagore ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kapag walang takot ang diwa

Kapag walang takot ang diwa at taas-noo ang paglalakad
Kapag malaya at ni walang sukal ang mga karunungan;
Kapag ang mundo’y hindi na muling magkakadurog-durog
Sa makikitid na panloob na moog na matatayog;
Kapag ang salita’y umaahon sa pusod ng katotohanan;
Kapag iniunat nang ganap ang matitiyagang kamay;
Kapag hindi naliligaw ang malinaw na batis ng bait
Sa madidilim na disyerto ng mga patay na kaugalian;
Kapag ang isipan ay kinakasangkapan nang pasulong
Tungo sa papalawak na pagninilay at pakikibaka,
Tungo sa kalangitan ng minimithi’t inaabangang kalayaan,
Ama ko, pukawin mong lubos ang aking lupang tinubuan.

Limitasyon ng Pag-ibig, ni Affonso Romano de Sant’Anna

Salin ng “Limites do amor,” ni Affonso Romano de Sant’Anna ng Brasil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Limitasyon ng Pag-ibig

Kondenado ako na ibigin ka
sa aking mga limitasyon
hanggang mapagal ako’t lalong masabik
sa lubos na pag-ibig, malayà sa mga bakod,
pinag-aalab ng loob, nagsasákit,
tungo sa iba pang pagmamahal,
na iniisip mong ganap, at magiging ganap
sa kabila ng iyong limitasyon sa búhay.

Hindi nasusukat ang pag-ibig
sa malayang pagtungo sa mga plasa
at inuman, na pawang mga hadlang.
Totoo na ito’y mabuti’t minsan ay maringal.
Ngunit kung ang isa’y umiibig sa ibang paraan,
na walang katiyakan, ay ito ang misteryo:

Ang walang limitasyong pag-ibig ay limitado
kung minsan, at ang bawal na pag-ibig
kung minsan ang siya pang may kalayaan.

Yes to human rights, even if it means changing the corrupt system. No to illegal arrest. No to illegal detention.

Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila, ni Dareen Tatour

Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila

Salin ng tula ni Dareen Tatour ng Palestina
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila.
Sa Jerusalem, binibilot ko ang aking mga sugat
At ibinubuntong-hininga ang mga pighati
At sinasapo ng aking palad ang kaluluwa
Para sa Arabeng Palestino.
Hindi ako susuko sa “mapayapang solusyon,”
Hindi ibababâ ang aking mga bandilà
Hangga’t hindi sila napapatalsik sa aking lupain.
Iwinaksi ko ang mga ito para sa bagong búkas.
Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila.
Labanan ang pandarambong ng mga bagong salta
At sumunod sa karabana ng mga martir.
Punitin ang nakahihiyang saligang-batas
Na nagtatakda ng pagkabusabos at panghihiya
At pumipigil sa atin na maibalik ang katarungan.
Sinunog nila ang mga inosenteng bata.
Si Kadil ay tinudla nila ng bala sa harap ng madla,
At pinaslang kahit maliwanag ang sikat ang araw.
Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila.
Labanan ang paglusob ng mga mananakop.
Huwag intindihin ang mga ahenteng nasa atin
At nagtatanikala sa atin sa mapayapang ilusyon.
Huwag katakutan ang nagdududang mga dila;
Higit na malakas ang katotohanan ng puso
Habang patuloy kayong naghihimagsik sa lupang
Nanaig sa iba’t ibang pananalakay at tagumpay.
Isulat akong prosa sa mga balát ng kalamba;
At ang tugon ko’y ang mga labî ng katawan.
Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila!
Bumangon, aking bayan, at lumaban sa kanila!

Magkikita tayo sa langit, ni Roberto T. Añonuevo

Magkikita tayo sa langit

Roberto T. Añonuevo

Matatakpan ng laksa-laksang saranggola ang langit,
At lilitaw ang sumisingasing na kabayo at dragon,
Lalangoy sa kaitasan ang mga balyena at lumba-lumba,
Lulutang ang mga kahon, watawat, at ulupong,
Iikot saka aalagwa ang mga leon, kalapati’t mariposa
Hangga’t hindi natin nayayapakan ang ating lupain.
Bakit ang himpapawid ay dapat lagyan ng hanggahan
Ay hindi natin maunawaan. Sasabihin ba nila sa ibon,
“Bawal pumasok dito?” kung nagmula sa ibang lupalop?
Mapipigil ba ang simoy para samyuin lámang nila
Sa lupaing dati nating nililinang, nilalandas, tinitirhan?
Mauutusan ba ang mga isda, korales, at salabay
Sa tadhana ng búhay, gaya ng embargo sa akwaryum?
Ang sinag ba ng araw ay dapat nakakiling sa relihiyon,
Politika, at lahi, at dapat maging monopolyo ng baterya?
Ang ulan ba ay mabubulyawan, ang bukál ba ay dapat
Angkinin lámang ng maykapangyarihan at mayayaman?
Maghahatid ng bulkan ang piling guryon, gaano man
Katayog at kahaba ang mga moog at pader; sisiklab
Ang mga lungsod, lulukob ang nakasusulasok na usok,
At gumanti man ng misil, lason, at uyam ang kalaban,
Mababatid nilang hindi tayo kaaway, bagkus kapatid,
Na may isang Salita.

Heto ang eksperimental na videopoema ni Roberto T. Añonuevo.