Unang Aralin, ni Roberto T. Añonuevo

Únang Aralín

Roberto T. Añonuevo

Sa sandalîng sumápit ka “sa isáng madilím, gúbat na mapangláw,” maáarìng malímot mo ang lahát, alagád ka man ni Balagtás, ngúnit hindî maikákailâng nakásuót ka ng kataúhan bílang manlálakbáy. Báwat hakbáng mo’y panínimbáng, na may halòng pangángapâ, at hindî kataká-taká kung mag-ásal kang batà at mamanghâ. Ang isáng malápad, matangkád na punòngkáhoy ay káyang humálang sa iyóng pananáw, na nakapágpapásidhî ng págkilála mo sa saríli bílang pandák, muntî, maliít; at kung mananálig sa múltiplikasyón ay pósibleng umábot nang laksâ-laksâ ang urì ng haláman úpang pigílin kang pumások sa gúbat at magsiyásat. Nakikíta mo ang dilím sapagkát napakálayò mo maráhil sa poók na íbig maratíng. Nasaságap mo ang pangláw sapagkát iyón ang íbig ipáhatíd ng útak na mágsasálin ng hiwátig túngo sa pusò pára humintô mangambá mágbantulót, nang makaíwas sa anumáng péligro na sásalúbong sa iyó. Bákit maníniwalà sa pangánib kung hindî mo ganáp na gagáp ang kátotohánan ng kaligirán? Anó ngayón kung ikáw ay mapáriwará? Isá kang taúhang dápat gumanáp ng tiyák na papél, at kung anumán ang papél na itó ay daraán sa ebolusyón ng húgis. Ang gúbat, gaáno man katiník ang mga dáwag, ay maáarìng mapáliít, at magawâng punggók na baléte o ilahás na ílang-ílang. Nangángambá ka dáhil sa préhuwisyó, kayâ ang gúbat ay nadarámang masikíp, máalinsángang kalabóso sa ilálim ng kástilyo. Ang húni, halímbawà, ng mga balíkasiyáw ay nakátutulíg, at sapát makabásag sa mga pórselánang tása at kristál na bintanà. Naglálandás sa iyóng paningín ang dambúhalàng úwang at alakdán, tátangkâín kang lapàin, at kapág tumakbó ka’y mahuhúlog sa bangín, dádausdós pábalúsok sa bátis na hitík sa mga eléktrikong ígat, mákokóryente ang iyóng útak at bayág, at kapág nawalán ka ng ulirát ay doón magsísimulâ ang iyóng pangárap na gáya ng isáng butó na magsúsuplíng ng mga ugát, sangá’t dáhon sa tumpák na sandalî. Kung ikáw ang taúhan, hindî ba ikáw ang pinakámahalagáng kathâ sa daigdíg? Tátanggí ka sa ganitóng pahayág, at súsubúkin ang iyóng tínig pára ilaráwan ang palígid, pára itangì ang mga grába sa isá’t isá, balíw na balíw sa anyúbog, hanggáng umáhon ang isáng pagóng mulâ sa putikán, pulútin man at itápon itó at tumihayà ay kúsang nakábabángon nang mág-isá, alám na álam ang pérpektong gómbok[*], warìng tinapyás sa salpúkan ng mga álon sa isáng tukóy na tagpûan, hanggáng sumápit sa ékwasyon ng katatagan o di-kakatagan. Taúhan ka subálit isá ka ring daigdíg, tíla alíngawngáw ni Abadilla, at mulâ sa iyó ay maíhuhúgis ang lunán. Ang gúbat ni Balagtás ay higít sa paláugnáyan at nakahíhindík na kaligirán. Ang gúbat ang ebolusyón ng taúhan bílang manlálakbáy, at kung isá ka ngâng túnay na manlálakbáy, hindî ka matatákot máligáw, mapahámak, mamatáy.


[*] Mula sa salitang “gömböc” na hango sa wikang Únggaro, na ginamit ng mga siyentistang sina Gábor Domokos at Péter Várkonyi upang ipaliwanag ang tatlong-dimensiyonal na láwas na omohéneo.  

Alimbúkad: Epic poetry rampage beyond Filipinas. Photo by James Wheeler on Pexels.com

Wika ng Manlalakbay sa Larawan, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Manlálakbáy sa Laráwan

Roberto T. Añonuevo

Humíhintô ang daigdíg sa iyó, áking laráwan, at hindî ka diyós bagkús isáng ídolong pándagdág sa polusyón. Warìng nalilímot ng panahón ang pág-andár, alinsúnod sa íbig mo o ng potógrapo, at ang pórma ay isáng pórma, gáya ng tindíg, lundág, o ngitî, na mabíbigông maúlit, at kung ulítin man ay magíging huwárang pagtátaksíl. Laráwan sa Instagram, laráwan sa dingdíng, laráwan sa pitakà, laráwan sa tárpolin, laráwan kung saán-saán, ikáw ang laráwan ngúnit hindî manánatíling akó magpákailánman. Nang titígan kitá, at tumítig ka sa ákin, áko ay hindî na akó, bagamán kahawíg kitá, ngúnit ikáw ay nanánatíling ikáw. Nása laráwan ang kúlay, ang liwánag, ang ánggulo, ang síning, ang sandalî, at ang lahát ng itó ay humintô, sámantálang akó ay patúloy na gumágaláw hanggáng sa ináasáhang paglálahò sa dilím. Hindî akó ikáw, o áking laráwan! Kayâ kapág may nagsábing “Ang gúwapo mo sa laráwan!” akó ay hindî na ang nása laráwan, sapagkát akó ay ibáng-ibá na túlad ng tubigáng umaágos o plánetang umiínog. Anó ang kasaysáyan kung ipípirmí sa mga laráwan? Maráhil, itó ang talá-talaksáng iskrápbuk, na makapágdudúlot ng lugód o sindák, o paghangà o paglibák, ang ártsibo ng tagumpáy o libíngan ng panlúlupaypáy. Magpapáhiwátig ang mga laráwan sa wikàng maúunawàan ng mga matá na sumaságap pára sa ipinápalagáy na takbó ng mga susunód na pangyayári, at ang intérpretasyón ay láging nakásalálay sa mga saksí o nakakíta, at sabíhin nang may háwak ng kasaysáyan, bukód sa tagláy nitóng estétikang panlása. Ang laráwan, paáno itó tátakbó sa dískurso kung hindî ipapáliwánag ang yugtô nang sumílang itó? Hindî ba sapát ang pagigíng pérmanénte—na hindî nangangáilángan ng pagpápaláwig—yámang sadyâng ang pagigíng pérmanénte ang diwà ng laráwan? Mahúli sa ákto ay kagilá-gilalás, gáya ng bulkáng súmasábog o maringál na pagpípigíng, o kayâ’y líhim na pagtátagpô ng magkási, na hinintáy o dî-ináasáhan, ngúnit ang susunód na pángyayári ay durúgtungán ng kung anó-anóng katwíran mulâ sa sinúmang malikót ang guníguní at malikot ang dilà. Maipápalagáy na ang laráwan ay manipúlasyón pára hulíhin ang katótohánan o realidád, nang makapágbigáy ng tiyák na sagót mulâ sa úliúli ng mga hakà-hakà, at nang magíng éstatwa akó sa isáng gunitâ. Ang katótohánan, kung magíging laráwan, ay isáng kabúlaánan, sapagkát ang laráwan ay mapánghihímasúkan ng modipíkasyóng dihitál at téknikong sabwátan. Ang realidád, kung magíging laráwan, ay ibabátay sa máteryal na pángyayári, ngúnit ang realidád ay naibábalangkás sa ísip at isá ring laráwan, na kung manánatíli sa papél o isasálin sa pelíkula, ay hindî na ang órihínal. Humintô ang daigdíg sa iyó, áking laráwan. Huwág magtaká, kung ikáw ay íwan ng sinúmang íbig ang ngayón imbés na ang kahápon; o kayâ’y mulîng balík-balikán ng sinúmang sumásambá sa mga hulagwáy. Paúmanhín, áking laráwan, kung tumátanggí man akó magpáhanggá ngayón, na ikáw ay tingnán.

Alimbúkad: Epic swerving poetry questioning reality. Photo by Miray Bostancu0131 on Pexels.com

Kuwentong pambata sa lahat ng panahon

Ang Batang Humipo sa Langit, guhit ni Sergio Bumatay III, at batay sa kuwento sa Ingles ni Iris Gem Li na nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle.

Ang Batang Humipo sa Langit, guhit ni Sergio Bumatay III, at batay sa kuwento sa Ingles ni Iris Gem Li na nagwagi ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle.

Binabati ko si Iris Gem Li, ang awtor ng The Boy Who Touched Heaven (2007), sa kaniyang pagkakapanalo ng National Book Award para sa kuwentong pambata ngayong taon. Ang akda ni Iris ay nilapatan ng makukulay na ilustrasyon ni Sergio Bumatay III, na pambihira ang guniguni sa paghubog ng mga pook at hulagway. Dapat ko ring kilalanin ang Canvas, Ang Ilustrador ng Kabataan (Ang I.N.K.) at Adarna House na nagbalikatan upang maitaguyod ang naturang proyekto. Ang Canvas ay isang institusyong nagtataya para maisulong ang sining, kultura, at kaligiran; ang Ang I.N.K ay binubuo ng mga piling ilustrador na kabataang nakatuon sa mga aklat pambata at iba pang anyo ng sining; samantalang ang Adarna House ang kinikilala ngayong pangunahing pabliser ng mga primera klaseng aklat pambata sa buong Filipinas.

Kapag binasa ang kuwento’y mahirap nang mabatid kung ano ang orihinal at pinagbatayan ng salin, kung sa Ingles ba o sa Filipino. Ito ay dahil may magkaibang datíng at testura ang dalawang wika, na makapupukaw ng loob ng sinumang makasasagap. Ano’t anuman, humuhusay ang akda dahil sa malikhaing pagsasakataga, na hubdan man ng mga larawan ay kayang makapagsarili nang buong tatag. Ang kuwento ni Iris ay halimbawa kung paano nagkakatulungan ang dalawang wika, at kung paano ipinamamalas na ang salin ay hindi larong bata bagkus isang sining din na dapat kilalanin sa pagkatha.

Umiinog ang kuwento sa batang Ifugaw na ibig makahipo sa langit, at maabot ang buwan at bituin. Namangha siya sa kalawakan, at naghangad na tuklasin kung paano maaabot ang tila imposibleng tanawin. Humanap siya ng mga paraan kung paano maaabot ang pangarap, at habang naglalakbay ay nakatagpo ang iba’t ibang nilalang na magtuturo sa kaniya ng tumpak na landas, hanggang sumapit siya sa isang kabatiran: Ang langit ay naririto sa lupa.

Ipinamamalas din ng katha na may mga bagay na malimit kinakaligtaan ng mga tao, mga bagay na naririyan sa ating tabi ngunit hindi pinapansin, at kung pinapansin man ay hindi binibigyan ng sapat na pagpapahalaga sa ating buhay at kultura. Maihahalimbawa ang mga dakilang payyo sa Kordilyera, ang tila inmortal na hagdan tungong kalangitan. Ang mga payyong ito ay unti-unti nang inaagnas ng panahon at kapabayaan ng tao. Maikakatwiran ang labis na pag-init ng klima at paghaba ng tagtuyot, samantalang ang dating mga kabataang inaasahang maglilinang at mag-aalaga ng mga palayan ay naging abala sa ibang propesyon at nagtungo kung saan upang maghanapbuhay.

Mababatid ng mambabasa mula sa muslak na paningin ng paslit ang pagtuklas sa kaligiran at ang pag-arok sa pinakamatimtimang damdamin ng tao. Ipakikilala rin dito ang pakikipagsapalaran sa piling ng nanganganib na saring banog, anuwang, at unggoy, at ang halaga ng paghahanap ng karunungan sa paligid. Ang ganitong diwain ay masining na isinatitik ni Iris, na hinuhulaan kong malayo ang mararating sa larangan ng pagkatha.

Komplementaryo sa kuwento ang maririkit na dibuho ni Sergio, at waring ibig sapawan ang teksto kung isasaalang-alang ang pagkakalatag ng mga pahina, ngunit sadyang may sariling salaysay ang mga hulagway sa mga kamay ng ilustrador. Ang kuwento (o sabihin nang teksto) ay nadaragdagan ng pagpapakahulugan kapag tinapatan ng larawan, kaya maiisip ang pagsasalikop ng dalawang anyo ng sining tungo sa paglikha ng isang makabuluhang akda. Dapat subaybayan itong si Sergio, na nakikini-kinita kong mamumukod sa piniling larang ng sining.

Inirerekomenda ko sa mga bata ang The Boy Who Touched Heaven (Ang Batang Humipo sa Langit), hindi dahil ako ang nagsalin nito sa Filipino, kundi dahil naniniwala ako sa pambihirang halagahang ibig ipaabot ng kuwento na makatutulong upang makilala natin ang ating mga sarili bilang dakilang Filipino.

Lindol at iba pang pangitain

Ilan lamang ito sa labi ng lindol at iba pang sakunaNakahihindik ang mga imaheng ipinalalabas sa telebisyon hinggil sa malagim na lindol na sumapit sa Tsina noong nakaraang linggo. Nagiba ang mga gusali at bahay, bumuka ang lupa, at gumuho ang mga bundok at dalisdis. Sa pananaw ng mga mapahiin, senyales iyon ng baluktot na patakaran ng pamahalaan laban sa Tibet o Sudan at iba pang pinagkukunan ng enerhiya. Ngunit sa pananaw ng mga siyentipiko, likas na pangyayari lamang iyon kapag gumalaw ang mga saray ng lupang tila pilyego ng yero at ang ugat ng pagyanig ay mababaw mula sa pinakarabaw ng lupa.

Itinala nina Mariano Ponce at Jaime C. de Veyra sa kanilang Efemérides Filipinas (muling inilimbag noong 1998 ng Unibersidad ng Pilipinas) ang tatlong lindol na naganap sa Filipinas: 1601, 1610, at 1645. Mahina umano ang naganap noong 1601 kung ihahambing sa naganap noong 1610 at 1645. Ayon sa ulat ni Aduarte, noong 1610, kinain ng lupa ang mga niyugan at tanging mga palapa ang naiwang nakalitaw sa guwang doon sa Ilokos. Sa Nueva Segovia (na ngayon ay Hilagang Ilokos), nagsalpukan ang mga bundok, bumuga ng apoy ang mga bagong guwang, at isinuka ng mga biyak na lupa ang sumisirit na buhangin. Gumuho rin ang mga dalisdis, at isang bayan  ng mga Mandayas ang nalibing nang buháy. Nagiba ang lahat ng gusali, at kabilang dito “ang mga simbahan, kumbento, at bahay.”

Noong 29 Nobyembre-5 Disyembre 1645, lumindol nang di-inaasahan sa Maynila. Yumanig ang mga bahay na bato bago humapay na tila hinipan ng hangin. Idinuyan wari ang matatangkad na punongkahoy, nagtilian ang mga hindik na tao, at umalulong ang mga takot na takot na aso habang balisa ang iba pang hayop. Animo’y akordiyon ang mga bahay at natabunan ang mga tao na nabigong makalikas. Sinubok sumilong ng iba sa mga simbahan at katedral, ngunit kahit iyon ay gumiba at hindi nailigtas ng pananampalataya ang mga deboto. Nawasak ang palasyo at gusali ng Real Audiencia sa Intramuros.  Gumuho rin ang mga kolehiyo ng Santo Tomas, San Jose at San Juan de Letran. Bumagsak ang kampanaryo ng Santiago, ngunit ang kampanerong nasa tuktok niyon ay mahimalang nakaligtas makaraang patunugin ang kampana.

Muling magaganap ang malagim na lindol noong 1863, at nawasak ang mga gusali sa loob ng Intramuros. Nakaligtas naman ang Pasig, at tanging kampanaryo ng simbahan ang nagkalamat nang malaki. Marami ang nasawi sa  naturang lindol, kaya nakalikom pa ang gobyernong kolonyal ng salaping mula sa ibang bansa. Napabalitang kinurakot ang may 80 libong piso mula sa donasyon, at kung kaninong bulsa iyon napunta ay naging palaisipan magpahangga ngayon.

Mahaba ang listahan ng lindol, at maibibilang dito ang pagyanig noong 1755 sa Lisbon na pumuksa sa 30 libong tao;  ang lindol sa Calabria at Sicily noong 1908 na lumipol sa tinatayang 150 libong tao; ang lindol sa Kansu, Tsina noong 1920 na pumuksa sa 200 libong tao; at ang pagyanig sa Tokyo at Yokohama na pumaslang sa 120 libong tao at nagdulot ng malawakang pinsala sa paligid.

Mabilis hanapan ng katumbas na pahiwatig ang mga ito mula sa pinaniniwalaang puwersang sobrenatural, gaya ng ginagawa ng ilang sekta o relihiyon. Ang mga naganap noon ay waring nauulit lamang sa panahong ito. Ngunit may magagawa pa rin tayo, at ang gobyerno at pribadong sektor, gaya ng mahabang paghahahanda, pagsasanay sa mga tao, at maagap na pagtugon sakali’t dumating ang sakunang hatid ng kalikasan. Samantala, hindi makatutulong ang pagpapakalat ng mga tsismis at mensahe sa selfon. Makabubuting maging mahinahon, at huwag magpadala ng mga text na magpapayaman lamang lalo sa malalaking korporasyon.

Orakulong Tagalog at Hula sa Hinaharap

Hinuhubog ng mga kakatwang pamahiin at kagila-gilalas na hula ang pagkatao ng sinumang handang maniwala, at maibibilang dito ang mga Filipino na haling na haling sa mga ipinahihiwatig ng orakulo, bituin, baraha, at simoy.

Mahaba ang ugat ng gayong paniniwala, at isa na rito ang dahilang may mga bagay o pangyayaring walang ganap na kontrol ang tao, kaya ang naturang tao ay humihingi ng tulong sa sinumang may kapangyarihang sobrenatural upang mabago ang kaniyang kapalaran, mulang pangkalusugan hanggang pangkabuhayan.

Ngunit abstrakto ang nasabing maykapal, kaya kinakailangan ng tao na hubugin sa kaniyang isip at guniguni ang imahen, halimbawa na ang imahen ng diyos o anghel o demonyo. Lumilikha ng makapangyarihang kaluluwa ang tao, at ang nasabing kaluluwa ay inaasahan naman niyang ililigtas siya sa oras ng kagipitan, panganib, at sakuna.

Iba rin ang estado ng pisikal at ng espiritwal na lawas. Ang tao na nasa pisikal na lawas ay kinakailangang tumawid sa espiritwal na lawas sa pamamagitan ng mga bagay na maaaring maglaro sa kapuwa pisikal at espiritwal na lawas. Halimbawa na rito ang bolang kristal, ang agimat na kuwintas, at ang esoterikong bulong. Nakakargahan ng enerhiya ang nasabing mga bagay kapag nilapatan ng pambihirang pagpapakahulugan ng isang pangkat ng mga tao, na lumilikha ng kanilang kulob na diskurso upang magkaunawaan.

Sa lahat ng nilalang, ang tao ang tanging may kapangyarihang maglaro at magpabalik-balik sa dalawang lawas. Maaari siyang maging sinlamig ng bato, at manatili sa kalagayan ng kahayupan. Ngunit may kakayahan din siyang maging banal na kayang iangat ang pagkatao sa antas ng kadakilaan ng kaniyang pinaniniwalaang Maykapal at minamahal na bayan. Káya ng tao na ipaloob sa kaniyang guniguni ang nakaraan at ang kasalukuyan upang sa gayon ay lumikha ng minimithing kinabukasan. Ang ganitong salungatan, kung salungatan mang matatawag, ang kakatwang katangian ng tao na ibig sumayad sa lupa ang talampakan subalit laging binabagwisan ang pangarap upang lumipad sa kung saang kalawakan.

Binalikan ko ang aklat na Orakulong Tagalog at Aklat ng mga Panaginip (1950) upang kumpirmahin ang aking mga haka-haka. Ang nasabing aklat ay sinulat ng awtor na nagtago sa daglat na “R.I.S.” na marahil ay natatakot matuklasan ang kaniyang tunay na pagkatao dahil baka mademanda siya sa kasong walang habas na panghihiram mula sa mga akdang kanluranin, o kaya’y pukulin ng kutya ng kung sinong ayaw maniwala. Hinango umano ang aklat sa mga lumang kasulatan ng sinaunang Ehipto at Babilonya, ngunit ang aklat ay tipong pinaghalong kanluraning Astrolohiya at orakulong Indian ng Estados Unidos.

Mahahati sa tatlong panig ang aklat. Una, ang hinggil sa “orakulong Tagalog.” Ikalawa, ang “hinggil sa astrolohiya.” At ikatlo, ang hinggil sa “kahulugan ng mga panaginip.”

Ang orakulong Tagalog ay gumagamit ng bagay, gaya ng palito o tarugo, na paiikutin. Kapag tumuro ang nasabing bagay sa isang numero, ang numerong iyon na kaugnay ng isang sagot ang magsasaad ng sagot sa tanong ng nagpapahula.

Wala namang bago sa astrolohiya, dahil halos maging de-kahon na ang sagot nito. Ngunit ang ikinaiba nito’y isinalin sa Tagalog ang astrolohiyang Kanluranin, at ang nasabing astrolohiya—na bagaman nagtataglay pa rin ng ilang katangian ng kultura ng Kanluran—ay mahimalang nailipat sa diwa, kaligiran, at paghihiwatigan ng mga Tagalog noon. Inangkin ng mga Tagalog ang nasabing astrolohiya, hinubaran ng katangian ng pagiging banyaga, bago sinaplutan ng bagong pagpapakahulugan na matalik sa puso ng mga Tagalog.

Ang pag-arok naman sa kahulugan ng panaginip ay ibinabatay sa listahan ng mga sagisag mula sa kalikasan. Bawat bagay ay tinumbasan ng kahulugan, at ang kahulugang ito ay makapaghahayag ng mga sagisag na nabubuo sa isip ng tao habang siya ay natutulog nang mahimbing at nananaginip ng kung anong kapalaran.

Totoo, nilikha ng Diyos ang tao at patutunayan ito ng mga sagradong aklat ng iba’t ibang relihiyon. Subalit may kapangyarihan din ang tao—gaya ng isinasaad sa akat ng hula—na likhain ang ibig niyang diyos na maaaring magmula sa mga kahanga-hangang orakulo, pahiwatig, at hula na pawang likha rin mismo ng tao upang mabatid ang kaniyang malabo, malamig na hinaharap.

Maraming nabaliw o nagoyo sa aklat na Orakulong Tagalog. Ang maganda’y testamento ito kung paanong iniaatang ng mga Tagalog, o ng mga Filipino noon, ang kanilang kapalaran sa mga bagay sa kanilang kaligiran. Lumilikha ng mga pambihirang paghihiwatigan ang tao, upang sa bandang huli ay gamitin iyon ayon sa hinihingi ng kaniyang panahon at pangangailangan.