Ang mga Tuta, ni Roberto T. Añonuevo

Ang mga Tuta

Roberto T. Añonuevo

Walong tuta ang nananaginip ng mga utong,
ito ang haka mo, at ang gatas ay napakalayong
pantalan na dapat tawirin — sa kisapmata.

Umihip ang simoy, at mula sa alimbukay
ng alikabok ay tumatakbong naghahanap
ang isang aso,
na sa iyong tanaw ay naging tao,
at ito ang paraiso sa mga supling ng lupa,
o kung hindi’y bunganga ng impiyerno.

Umiiyak ang mga tuta, at umiiyak
ang lupa na yumayanig wari dahil sa awa.
Mga bulag silang nilalang na gumagapang.

Tumalikod ka ngunit naririnig mo ang tahol
ng paghangos at pagkalinga.
Ang tahol ay paos, at tumatagos sa balát.
Maya-maya’y umalulong ang karo ng dyip.
Lumakad ang nagdadalamhating mga gulong,
at sa bodega ng iyong gastadong guniguni
ay pumaloob ang mga nagugutom na hayop.

Kinusot mo ang iyong paningin.
At nang buksan mo ang kalooban sa tagpo,
ang mga tuta’y iba-iba ang kulay sa malay.

Parang tao, wika mo, na alipin ng burukrata
o pangulo, at naghahanap ng pangako ng gatas
at pulut upang makaraos sa gutom at pangamba.
Ngunit ang gayong kuro-kuro ay kalabisan
sapagkat walang pakialam ang mga hayop
sa pagtitindig ng burukrasya at politika,
at hinding-hindi sasawsaw sa agawan ng poder.

Kinusot mo muli ang iyong paningin.
Gumapang ang walong tuta sa walong daan
tungo sa sariling kaligtasan, at higit kang nalito.

Ang walong tuta, sa pakiwari mo, ay kapatid
mong iniwan sa kangkungan isang gabi,
habang gutom na gutom ang kalan,
at kumikislap ang patalim sa paminggalan.
Nauulinig mo ang sumisiyap-siyap na motor.
Naghahalakhakan ang mga lasenggo,
at ang hapag ay nabuburyong sa liwanag
mula sa mga berso ng makatang San Miguel.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping. Uphold the human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless!

Ang Saglit, ni Jorge Luis Borges

Salin ng “El Instante,” ni Jorge Luis Borges
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Saglit

Saan patúngo ang mga siglo, na ang pangarap
ng mga espada ang pinangarap ng mga Tartar,
na pinaglatagan ng mga moog na matitibay
na may punongkahoy ni Adan at ibang tuód?

Nag-iisa ang kasalukuyan. Ang gunita’y
nagtitindig ng panghalili sa panahon at linlang.
Ito ang karaniwang gawa ng oras. Ang taon
ay hindi nalalayô sa banidosong kasaysayan.

Sa pagitan ng madaling-araw at gabi’y bangin
ng mga hinagpis, ng mga liwanag, ng kalinga;
ang mukhang tumititig sa mga pagod na mukha

na sumasalamin sa gabi ay hindi magkapareho.
Ang panandaliang ngayon ay marupok at eternal;
hindi makahihintay ang ibang Langit o Impiyerno.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to kidnapping. Uphold the human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless!