Tulang tuluyan ni Doreen Stock
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo
ANG POLITIKA NG KARIKTAN
Tumayo ang paboreal sa hardin at ibinukad ang kaniyang pag-ibig sa mga pamaypay ng liwanag. Sinundan ng mga balahibo nito ang landas ng nasabing pag-ibig sa pabi-pabilog na nakagugulat na ningning na taliwas sa kulay ng apoy.
Sumagi sa kaniya, habang nakatindig sa ilalim ng bukang-liwayway, na waring may kung anong nagdurusa sa kaniyang sakop. Nabatid niya ito sa alimbukay ng mga alikabok doon sa kinatatayuan niya.
Isang lalaki ang ibinilanggo sa kubo ng puting sinag.
Maraming kamay ang nakahawak sa kaniya. Ang ilan ay mula sa kaniyang mga kaibigan. At ang ilan ay mahaba, malamig, di-pantao, at abstrakto.
Nagtagumpay sila.
Nagawa ng mga kamay na hilahin siya mula sa selda at pawalan nang hubad, kayumanggi, at nagsusumamo sa paanan ng Madonna.
Nagkulay alabok ang mukha ng babae at siya’y napaiyak.
Ang kaniyang kinayas na mga galang-galang at kamay, at mga daliring nakaunat na tila pandama sa simoy, ay nangalaglag. Napahiga ang lalaki sa lupa sa gitna ng mga basag na handog. Lumuha siya. Napoot. Lubos na nanahimik ang kaniyang kaluluwa sa anyo ng mga bagabag na awit.
Tatawagin natin ang tunog na ito na mga luha, silakbo, at awitan.
Tinawag niya iyong mga panalangin.
Hinuli nila ang paboreal habang ito’y nakatayo, at tahimik, sa hardin. Alam nito ang dapat gawin, at sa walang hanggang lambot at kirot na dumaloy sa kaniyang katawan sa anyo ng apoy, hinayaan niya ang bawat maningning na balahibo na malaglag sa alabok.
Dahil hindi niya nadanas ito noon, nagulat siya kung gaano katagal iyon.
At sa wakas, naging lastag ang kaniyang buntot.
Nadama niya ang pagkapahiya.
Wala nang magagawa pa kundi pumihit sa kanan ng landas ng hardin at lumungayngay hanggang ang kaniyang mga koronang balahibo ay magkulay alabok din. At wala nang magagawa kundi matutong lumakad at mabuhay sa ganitong bagong kalagayan.
“Ay, maaari bang malaman,” sambit niya, “kung ano ang aking nabili.”
Umalimpuyo ang hangin sa ilalim ng handog at tinangay ito. Habang nakikipaghabulan ang mga balahibo sa tadhana nito, dalawa sa mga kaibigan ng lalaki ay lumapit sa kinahihimlayan niya sa pagitan ng mga biyak na kamay ng madonna.
Tinitigan nila ang mukha ng dilag.
Itinayo nila siya sa lupa, at gaya ng mga binatang nasa baybay-dagat ng kasiyahan na amoy-uling at dagat ang mukha ay idinuyan nila siya nang isa, dalawa, tatlong ulit sa hangin, at ibinagsak sa alabok na kinahihimlayan ng kanilang kaibigan.
Nabasag ang madonna at humiwa sa laman ng lalaki ang mga basag na piraso.
Kinuha niya sa ganitong paraan ang babae, mula sa alabok, at ang katawan nitong durog at basag ay pumaloob sa kaniyang dumurugong laman.
Gumulong sila pababa sa libis tungo sa malambot na prado ng bagong sibol na damuhan.
At nang biyayaan ng paningin ang paboreal, nakita nito ang lalaki at babae na nagtatalik sa lawas ng talahibang lumalawiswis sa ibabaw nila na may bughaw at lungti, lila at itim, at kumikislap sa sinag ang paningin.
At malugod itong lumakad sa hardin. At nagsimulang tumuka sa lupa. At kumain.

"Ang Paboreal at ang mga Kalapati sa Hardin" (1888) pintura ni Eugene Bidau.