Isang magandang konsepto ng Filipino ang “utang na loob,” na kabilang sa halagahan ng mga Filipino magpahangga ngayon. Nagaganap ang utang na loob sa oras na kilalanin ng isang tao ang anumang kabutihang loob na ibinigay ng kaniyang kapuwa, at ang pagbibigay ay hindi umaasa ng tahasang sukli o ganti, bagkus sapat na ang makitang natuwa o nakaraos ang tinulungan. Sa naturang kalagayan, ang dalawa o higit pang tao ay maituturing na may kani-kaniyang loob, at ang loob na ito ay sumasaklaw sa pagdama, pag-iisip, pagmumuni, at pakikipagkapuwa.
Kung babalikan ang pag-aaral ni Fr. Albert E. Alejo, S.J., ang utang na loob ay lumalalim kapag ang tumanggap ng biyaya o pabuya mula sa sinuman ay nakadarama ng matinding pananagutang mahirap tumbasan lalo sa panahon ng kagipitan. Ang pagtanaw sa mabuting kalooban ng ibang tao ay maaaring matumbasan ng pagganti rin ng mabuting kalooban sa iba pang tao na bukod sa pinagkakautangan ng loob. Ito ay dahil sa oras na umasa ng ganti ang nagbigay ng tulong sa tinulungang tao, ang utang na loob ay lumalabnaw at magwawakas sa oras na makabayad sa anumang “utang” na materyal ang tao.
Nakatatakot ang utang na loob dahil maaaring gamitin ito upang matali ang isang tao sa nais ng sinumang pinagkakautangan ng loob. Nagaganap ito tuwing halalan, na ang politiko’y magbibigay ng salapi kapalit ng boto, dahil ang salapi ay maaaring sinisipat na pabuya para sa mga maralitang nagugutom at gipit sa kabuhayan. Ang utang na loob ay maaaring gamitin para sa panggigipit na seksuwal, at ang may utang na loob ay makababayad lamang sa oras na ibigay ang sarili sa nakatataas. Sa nobelang Daluyong (1962) ni Lazaro Francisco, inilarawan ang utang na loob nang bigyan ng ilang ektaryang bukirin ni P. Amando Echevarria si Lino na noon ay kalalaya lamang mula sa pagkakapiit:
Kabilang sa maraming bagay na nagiging utang ng tao sa kaniyang kapwa tao ang isang uri ng utang na lubhang kaiba. Kaiba, pagkat hindi nasisingil at hindi rin naman lubos na nababayaran, pagkusaan mang bayaran. Hindi nasisingil, pagkat pinapawi ng paniningil na rin ang anyo at halaga ng utang. Hindi lubos na nababayaran, pagkat ang utang na ito ay hindi nahahalagahan, ni nabibilang, ni natatakal, ni natataya, ni nauuri, ni nasusukat, ni natitimbang. Anupa’t ang utang na ito, minsang maging utang, ay utang kailanman-hindi ganap na matatakpan, ni matutumbasan, anuman ang gawin ng may-utang sa pinagkakautangan. Iyan ang utang na loob.
Makalaglag-panga at kahanga-hanga ang pambungad na talatang ito ni Francisco, at maidaragdag sa pag-aaral ni Alejo. May nagaganap na transaksiyon sa utang na loob, at ang bigat ay karaniwang nasa may-utang, samantalang ang pinagkakautangan ay nalalalagay sa antas na mataas na kailangang abutin ng may-utang. Ang transaksiyon sa dalawang tao ay nasa antas na loob [diwa o damdamin] o kalooban [bait o hangad]. Nagkakalapit ang mga tao sa sandaling buksan nila ang kani-kaniyang loob, upang makabuo ng isang ugnayan. Ang pagbubukas ng loob ay maaaring sa paraan ng komunikasyon, at mahahalata sa asal o kilos, at hindi maikukubli ng pakitang-tao na katumbas ng pagbabalatkayo.
Lumalawak ang utang na loob dahil lumalampas ang utang sa materyal na bagay. Ang utang ay maaaring pandamdamin at pangkaisipan, at ang espasyo at panahon ng pagbabayad ay walang takda, maliban sa kusang-loob na pagbabayad sa ibang paraan ng may-utang na tao. Kung walang takda ang pagbabayad, mahihinuhang ang pinahahalagahan ay hindi ang utang bagkus ang pagsasamahan o relasyon ng mga tao, at ang mga taong ito ay maaaring malapit sa puso ng pinagkakautangan ng loob. Ang utang ang nagbibigkis sa mga tao upang sumandig sa isa’t isa, dahil posibleng ang may-utang ngayon ay siyang pagkakautangan ng loob sa hinaharap. Maiisip din na ang utang na loob ay matimbang sa usaping moral, at nagtatakda ng mabuting ugnayan sa pamayanan.
Kung walang maibabayad sa utang na loob, ang pagbabayad ay maaaring sipatin bilang talinghaga ng kabutihang loob. Gumagaan ang kalooban ng kapuwa may-utang at pinagkakautangan, dahil ang utang ay isa lamang tulay upang muli’t muli silang magkaharap at magkatulungan.
PAHABOL: Malaki ang utang na loob ko kay Jing Panganiban-Mendoza sa pagkakabuo ng Alimbukad.com, at marapat siyang pasalamatan. Hindi na lamang subdomain ng WordPress.com ang aking blog. Bilang ganti sa kabutihang loob ng WordPress, nagkusang loob naman akong isalin sa Filipino o sabihin nang Tagalog ang kung ilang terminong ginagamit ngayon sa WordPress Tagalog. Hindi ko mababayaran ang utang na loob ko kay Jing, kaya ibabalik ko ang kaniyang kabutihang loob sa pagsusulat ng matitinong akda, ngayon at sa hinaharap, para sa mga Filipino saanmang panig ng mundo.