Paghahanap sa Panulaan, ni Carlos Drummond de Andrade

Salin ng “Procura da poesia,” ni Carlos Drummond de Andrade                  ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Paghahanap sa Panulaan

Huwag sumulat ng tula hinggil sa mga pangyayari.
Walang isinisilang o namamatay sa harap ng panulaan.
Sa tabi nito, ang búhay ay estatikong araw
na salát sa init o liwanag.
Hindi mahalaga ang pagkakaibigan, kaarawan, insidente.
Huwag sumulat ng tula na may katawan,
ang lawas na ekselente, kompleto, at komportable’y
sumasalungat sa pagbuhos na liriko.
Ang iyong ngitngit, ang iyong ngiwî ng kaluguran o kirot
sa dilim ay walang saysay.
Itago ang iyong mga sentimyento,
na pasikot-sikot at nagsasamantala ng kalabuan.
Anumang iniisip o nadarama mo ay hindi pa tula.

Huwag umawit ukol sa lungsod mo; hayaan itong mag-isa.
Ang awit ay hindi andar ng makina o ang lihim ng mga bahay.
Hindi ito musikang nagdaraan, o ingay ng dagat sa mga kalye
na umiiwas sa hanggahan ng bulâ.
Ang awit ay hindi kalikasan
o mga tao sa kapisanan.
Walang saysay sa tula ang ulan at gabi, ang pagod at pag-asa.
Ang panulaan (na mabibigong mahugot sa mga bagay)
ay lumalampas sa subheto at obheto.

Huwag maging dramatiko, huwag manambitan,
huwag magtanong, huwag maglustay ng oras sa pagsisinungaling.
Huwag mainis.
Ang yate mong garing, ang diyamante mong sapatos,
ang mga mazurka mo’t panlalait, ang mga kalansay ng pamilya
ay walang saysay lahat, at naglalaho sa kurbada ng panahon.

Huwag isalaysay
ang malungkot mo’t inilibing na panahon ng kabataan.
Huwag mangatal sa pagitan ng salamin
at naglalahong alaala.
Anumang kumupas ay hindi tula.
Anumang mabasag ay hindi kristal.

Pumasok sa kaharian ng mga salita na waring bingi ka.
Naroroon ang mga tula na ibig na maisulat.
Natutulog ang mga ito ngunit huwag masiraan ng loob,
sariwa at panatag ang mga rabaw nitong wala ni biyak.
Pipi at nag-iisa, hawig yaon sa estado ng diksiyonaryo.

Mamuhay sa piling ng mga tula bago sulatin iyon.
Kung malabo, magtiyaga. Kung nakasasakít, kumalma.
Maghintay hangga’t maging ganap ang bawat isa
at magwasak nang may kapangyarihan ng mga salita
at nang may kapangyarihan ng pananahimik.
Huwag pilitin ang mga tula na lumayo sa limbo.
Huwag pulutin ang mga tula mula sa sahig.
Huwag purihin ang mga tula. Tanggapin ang mga ito
gaya sa pangwakas at tiyak nitong anyong
siksik na siksik sa espasyo.

Lumapit at pagnilayan ang mga salita.
Sa bawat mukha
na may libong lihim na mukha ng iba pang mukha,
at ni walang pakialam anuman ang iyong maging tugon,
mahina man o malakas, ang bawat isa’y nagtatanong:
Dala mo ba ang susi?

Pansinin:
Nagkakanlong sa magdamag,
sa mga yungib ng melodiya at diwain, ang mga salita.
Mamasâ-masâ pa’t kagampan sa pagtulog, ito’y
umaagos sa masalimuot na ilog at nababago sa paghamak.

Ang araw ng liwanag, ni Bjørnstjerne Bjørnson

Salin ng tula ni Bjørnstjerne Bjørnson ng Norway
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Araw ng Liwanag

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Gumalà ako sa kahuyan, humiga sa damuhán,
At sa duyan ng kaluguran ay nagpabíling-bíling;
Ngunit laksa ang langgam, nangangagat ang mga lamok,
Mabagsik ang mga niknik, at putakti’y nag-aamok.

“Mahal ko, gusto mo bang magliwaliw ngayong maganda
ang araw?” ani inang nasa hagdan at kumakanta.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Sumapit ako sa párang, humilata sa damuhan,
At inawit ang ibinulong sa akin ng damdamin;
Gumapang ang ulupong na sandipa ang habà,
Nagbilad sa araw, at tumakbo ako nang magitlâ.

Sa ganitong araw, puwedeng magyapak, ani ina,
Habang hinuhubad niya ang medyas sa mga paa.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Kinalag ko ang tali’t humilata ako sa paráw
At masayang nagpaanod saka biglang napahimbing;
Ngunit nakapapasò ang sinag, sunog ang ilong ko,
Ayoko na, dadaong na ako sa pasigan dito!

“Ito ang panahon para mangalaykay,” ani ina’t
Isinudsod ang kalaykay sa dayami ng mandalá.

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Umakyat ako sa puno’t naglaro nang walang humpay,
At ang malamig na simoy ang nagpakalma sa akin.
Ngunit nangalaglag ang mga uod sa aking batok,
Napalundag ako’t humiyaw: “Yawang umiindayog!”

“Kung hindi malilinis ang mga baka,” ani inang
nakatitig sa buról, “huwag umasang lilinis pa.”

Iyon ang pinakamarikit na liwanag ng araw,
Ang baláy at bakuran ay ni hindi ako mapigil;
Nagtungo ako sa talón, naglaro kahit maginaw,
At natamo ang kapanatagan sa angking damdamin.
Nakita ako ng sinag-araw nang nalunod at yumao—
Ikaw ang kumatha ng awit na ito’t hindi ako.

“Tatlong maliwanag na araw na lamang,” ani ina,
“at lahat ay handa na,” at inayos ang aking kama.

Ang Buwan at ang Tagsibol, ni Teresa Colom

Salin ng “La lluna i la primavera,” ni Teresa Colom ng Andorra
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Buwan at ang Tagsibol

hindi tayo sumusulat hinggil sa kamatayan
bagkus tungkol lamang sa búhay
ang mga bangkay ay hindi nagsusulat
gaya ng manok na ngayon ay nasa kaldero
hindi nila alam ang resipi
sa bawat linyang isinusulat ko ukol sa búhay
magagawa ko ang gayon hinggil sa buwan
o mga ibon o tagsibol na langit ang salalayan
at may laan akong kahon
sa bawat araw na daratal
at kapag ang mga ibon, tagsibol o kaluguran
ay magtagumpay na bisuhin ako
ang mga ito man ang musa ng mga makata
ay pipiliin ko pa ring tumangging magsulat.

Mga Kaluguran ng Pinto, ni Francis Ponge

Salin ng “Les Plaisirs de la porte,” ni Francis Ponge ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Kaluguran ng Pinto

 . . . . . .Hindi humihipo sa pinto ang mga hari.

 . . . . . .Ito ang tuwa na lingid sa kanila: ang pagtulak pabukás, sa marahas o marahang paraan, ng isa sa malalaking pamilyar na panel, at ang paghatak pabalik sa kinalalagyan nito—ang paghawak sa pinto na waring niyayakap.

 . . . . . ..  .  . Ang galak sa pagtangan sa porselanang pihitang nasa pusod ng isa sa matatangkad na harang sa silid; ang mabilis na pagdadaop, sa pasulong na galaw na sandaling pinigil, habang bukád na bukád ang paningin, at ang buong katawan ay umaangkop sa bagong pahingahan.

 . . . . . .Nananatili ito nang matagal-tagal sa mabait na kamay bago isakatuparan ang mapagpasiyang tulak at ipinid ang pinto kapag nasa loob na ang tao, ang kalagayang kasiya-siyang tinitiyak ng lagitik ng matibay ngunit madulas na kandado.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extra-judicial killing. Uphold human rights at all costs!

Sa Harap ng Estatwa ni Éndimiyón, ni C.P. Cavafy

Salin ng “ΕΝΩΠΙΟΝ ΤΟϒ ΑΓΑΛΜΑΤΟϒ ΕΝΔϒΜΙΩΟΣ,” ni C.P. Cavafy.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sa Harap ng Estatwa ni Éndimiyón

Sakay ng puting karwahe na hila ng apat
na mala-niyebeng múlo, na suot ang pinilakang
palamuti, ako’y sumapit sa Latmos mula Miletus.
Naglayag ako sa lilang trireme mula Alexandria,
upang magsagawa ng mga sagradong
ritwal—na pagsasakripisyo at líbasyón—
upang dakilain si Éndimiyón*.
Tunghayan ang estatwa! Tumititig ako ngayon
nang labis ang galak sa bantog na kagandahan
ni Éndimiyón.
Ang mga alila ko’y binuksan ang mga sisidlan
ng pabangong hasmin; at ang manigong papuri
ay pumukaw sa kaluguran ng lumang panahon.

* Éndimiyón—ang mitolohikong tauhan na kilala sa kaniyang pambihirang kisig at rikit. Hinimok ni Selene (ang Buwan) si Zeus ipailalim ang lalaki sa eternal na paghimbing, upang mapanatili niya ang kagandahan ni Éndimiyón at madalaw ito tuwing gabi.

Oleo sa kambas ni Johann Carl Loth, at pinamagatang

Oleo sa kambas ni Johann Carl Loth, at pinamagatang “Selene en Endymion,” (1660–1680?),151 sm carrier x 165 sm.

Kaligayahan, ni Roberto T. Añonuevo

Kaligayahan

Roberto T. Añonuevo

Ang elektrisidad sa aking puso’t elektrisidad sa utak
ay pinaiilaw ang libong silid tuwing nalulumbay ka.

At makikita kita kahit ako’y nakapikit, at may unos,
at malayo ka, ngunit ito ay gaya ng Brahmacharya,

ang landas ng dibinong tinig sa madilim na daigdig:
Ang iyong hulagway ay mga titik na sumisilang na tula,

at ako ay napasasayaw sa kurbada ng iyong talinghaga.
Ang iyong dila ay lumalampas sa matuwid o baluktot,

humihigit sa kaluguran tungo sa kaywagas na Ligaya.
Kaytamis ng iyong talampakan at kaybango ng pusón,

at ito ang tatandaan ng silid na pambihira ang liwanag.
Sa aking budhi, marahang hahalik ang iyong halimuyak.

Ang elektrisidad sa lawas mo ay tatawid sa lawas ko;
at siyam na musa ang lalakad na parang mga abay mo.

Kulam

Natuklasan ng huklubang mangkukulam ang bisa ng bulóng, at isang gabi ay sinubok niyang isakay sa simoy ang mga salita. Ang unang pagtatangka ay nagbunga ng alimpuyo ng alikabok, na humalo sa ulop na hatid ng tuyot na buntot ng Nobyembre. Ipagpalagay na bukod na sistema solar ang ipuipo, at ikaw na nakamamasid ay makararamdam ng pagkasabik sa bagong planeta na nagkikimkim ng lihim na nilalang at kaligirang makatatanggap ng lumalabis na populasyon ng kabihasnan. Hindi masisiyahan ang mangkukulam; at sa ikalawang pagtatangka noong sumunod na gabi ay mananalangin sa mga anito para sumapit ang unos na maglalandas sa iyong pusod bago humimpil nang matagal sa kambal mong puyô. Mapapaigtad ka, at mauulinig ang tinig ng hukluban na pumapasok sa iyong kalooban upang bulabugin ang ritwal ng nakagawiang tibok ng puso. Magsasalubong ang iyong mga kilay at mapapakagat-labi ka. Kulang pa ani mangkukulam ang gayong tagpo, at sa ikatlong pagtatangka noong ikatlong gabi ay huhubarin ang agam-agam, at ang kaniyang gunam-gunam ay sasaklawin ang iyong labi at paningin. Ak. . . ka! Ak. . . ka! Papawisan ka nang malamig; mangangatal ang iyong baba at pipitlag ang kalamnan na waring bagabag, saka durupok ang iyong mga tuhod hanggang isuko mo ang iyong sarili sa kaluguran ng karimlan. Papatak ang dugo sa sahig. Maglalakad ka na parang malagihay, at matitigmak ang sahig sa mapupulang alaala ng halimaw na humihigop ng dugo at naglulunoy sa iyong ihi. Sisirit mula sa mga puwang ng pader na laman ang maligamgam na likido, at pagkaraan, ang mangkukulam ay waring tinamaan ng kidlat na gugulapa sa pagod sa kaniyang libingan, at ibubulalas sa halakhak ang di-mapigil, di-maunawaang kabangisan.

“Kulam,” tulang tuluyan © ni Roberto T. Añonuevo. 7 Disyembre 2011.
"Paglisan ng mga Mangkukulam," pintura ni Louis Falero, 1877.

"Paglisan ng mga Mangkukulam" (Etude de Sorciere N.22), pintura ni Louis Falero, 1877.

Sampánaw ng mga Pandama ni C.P. Cavafy

salin ng “Το Σύνταγμα της Hδονής” ni C.P. Cavafy, batay sa saling Ingles ni Manuel Savidis
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

SAMPÁNAW NG MGA PANDAMA

Huwag magwika ng kasalanan, huwag magwika ng pananagutan. Kapag nagparada ang Sampánaw ng mga Pandama, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat; kapag nangatal at nayanig ang mga pandama, tanging hangal at balasubas na tao ang sisikaping lumayo, at hindi tatanggapin ang mabuting simulain, na nagmamartsa tungo sa pagsakop ng kaluguran at kalibugan.

Lahat ng batas ng moralidad—na mababaw inunawa at isinagawa—ay walang saysay at hindi magkakabisa kahit sandali, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay nagparada, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag hayaan ang anumang malabong birtud na pigilin ka. Huwag maniwalang binibigkis ka ng anumang obligasyon. Tungkulin mo ang magparaya, ang palaging magparaya sa mga Pagnanasa, ang mga perpektong nilalang ng mga perpektong diyos. Tungkulin mong sumanib, gaya ng matapat na kawal, na taglay ang payak na puso, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay nagparada, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag ibilanggo ang sarili sa tahanan, at iligaw ang sarili sa mga teorya ng katarungan, na may prehuwisyo ng pabuya at kimkim ng di-perpektong lipunan. Huwag sabihing, Katumbas iyan ng aking pagpapagal, at ganito ang dapat kong matamo. Katulad ng pamana ang buhay; at wala kang ginawa upang kamtin iyon nang may katumbas na bayad, kaya gayundin dapat ang Kalugurang Sensuwal. Huwag ipinid ang sarili sa tahanan; bagkus hayaang bukás ang mga bintana, bukás na bukás, upang marinig ang unang tunog ng paglalandas ng mga kawal, kapag ang Sampánaw ng mga Pandama ay sumapit, sa saliw ng musika at wagayway ng mga watawat.

Huwag magpalinlang sa mga lapastangan, na nagwiwikang mapanganib bukod sa mahirap ang serbisyo. Ang serbisyo ng kalugurang sensuwal ay palaging kasiya-siya. Papagurin ka nito, at papagurin nang may nakalalasing na kaluwalhatian. At pangwakas, kapag gumulapay ka sa lansangan, kainggit-inggit ang iyong mabuting kapalaran. Kapag dumaan sa kalye ang karo ng iyong bangkay, ang mga Anyo na humubog ng mga pagnanasa mo ay magpapaulan ng mga liryo at puting rosas sa rabaw ng iyong ataul; papasanin ka sa balikat ng mga kabataang bathala ng Olimpo, saka ililibing sa Himlayan ng Huwaran, na ang mga mawsoleo ng panulaan ay kumikislap sa sukdulang kaputian.

Yakap (1890), guhit ni Raphaël Collin

Yakap (1890), guhit ni Raphaël Collin. Dominyo ng publiko, at hinango sa artsibo ng zorger.com