Mga Liyab at Tikatik, ni Rachel Wetzsteon

Salin ng “Flames and High Rains,” ni Rachel Wetzsteon ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Mga Liyab at Tikatik
  
 Gulayláy akong binalikan ang panaginip: nilamon
 ka ng apoy, at sinira ang lahat ng iyong katangian.
 Bakit ba kapag may ikatlong sumingit sa isip
 ay ibig kong wasakin ka?
  
 Ngunit ngayong gabi, habang binabagtas ang kalyeng
 maulan, kita kong nagmando ako ng nakamamatay
 na lagalab upang muli kang maibalik, habang bawat
 sulok ay masikip na taniman ng kahulugan,
  
 bawat nakaparadang kotse’y pumapatak na paalala,
 hindi ng mas mainit na motor kung saan, bagkus
 kung ano ang loob ng nakaparadang kotse: munti,
 kinakailangang bahagi ng pagsisikap panlungsod
  
 upang kulungin ka. Habang patuloy na naglalakad,
 tigmak ang pilik (ang tunay na paraan ng pagtingin),
 lahat ng madaling sakyan ko sa matapobreng loob
 ay sinasalungat:
  
 para sa kanilang ang gayak ay nagiging kredo'y
 nakangingitngit sa akin; anong lalim ang nilaktaw!
 Sa pananamit naman na tila tuldok, aaminin kong
 ito’y walang saysay na bighani, ngunit
  
 hindi dapat seryosohin. Kayâ kapag ang lungsod
 ay taglay ang iyong personal na tatak gaya sa
 pormal na envelop o mataong tuktok ng mayelong
 bundok, paano ko tatanggapin
  
 ang aking nakikita, o sasaksi sa kariktan nito?
 Madali, mahinahon. Ngayong gabi, lahat
 ng daan ay magsasalupong, at habang umaapaw
 ang tubig sa ganitong mga bukás na haywey,
  
 kahit silang sinisikil ang pagkamangha’y damá
 ang payak na kapangyarihan. Hindi tákot 
 ang nagpapakintab sa daan, o ang mga duklay
 ang naghahatid ng halimuyak pababa,
  
 bagkus ang maalab na galak na magsilbi
 sa diktador na mabuti dahil siya’y maykapal.
 O, punong mahistrado ng gabi, gawin mo
 akong tagapamagitan para sa mga kaluluwang 
  
 naglalakad sa iyong búrol, ni walang alam, 
 para sa mga gagong tumatakbo palayo sa ulan 
 at nagmumura. Hari sa madilim na paglusaw, 
 hayaang gumalà ako para sa iyong karangalan,
  
 makita ka sa sari-saring lalim ng gabi, 
 ang nakahihilong kompetisyon sa gitna
 ng mga poste ng ilaw at ng ulan, ang tandâ 
 ng ambulansiyang tumatawid, at umaawit. 
Alimbúkad: Poetry high rain for humanity. Photo by Aleksandar Pasaric on Pexels.com

Katamaran, ni Pablo Neruda

Salin ng “Pereza,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Katamaran

Wala akong trabaho kapag Linggo,
ngunit hindi nagbabalatkayong Diyos.
Mulang Lunes hanggang Sabado
ay ni hindi ako kumakayod,
dahil sadyang tamad akong nilalang:
Kontento akong magmasid sa mga kalye
na may mga tao na lumuluha
sa pagtabas ng bato, o sa opisyales
na may kagamitan o ministeryo.

Ipinipinid ko nang todo ang mga mata
upang talikdan ang mga tungkulin:
Iyan ang tanging dahilan kung bakit
patuloy kong ibinubulong sa sarili
nang ubod-lakas ang tinig,
at sa pamamagitan ng mga kamay
ay hinahaplos sa mga panagimpan
ang mga binti ng dalagang humahangos.

Iinumin ko sa loob ng dalawampung araw
at sampung gabi ang pulang alak ng Chile.
Nilalagok ko ang kulay-amarantong alak
na nakapagpapapintig sa loob, at napapawi
sa lalamunan gaya ng isang isda sa batis.

Idaragdag ko sa testimonyang ito
na pagkaraan nito’y hihimbing at hihimbing
ako nang hindi iwinawaksi ang angking
kabuktutan at ni walang pagsisisi:
Matutulog ako nang napakalalim,
na tila umuulan nang walang patid
sa lahat ng pulô ng daigdig na ito,
naninibat nang may papawiring patak
sa kung anong sisidlan ng mga pangarap.

Papawiring Salakay, ni Chinua Achebe

Salin ng “Air Raid,” ni Chinua Achebe ng Nigeria
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Papawiring Salakay

Kisapmatang dumating
ang ibon ng kamatayan
mula saítang gubat ng teknolohiyang Sobyet.

Isang tao na tumatawid sa kalye
upang batiin ang kaniyang kaibigan
ay ano’t napakakupad.

Ang kaniyang kaibigang nahati sa dalawa
ay may iba na ngayong alalahanin—
sa halip na magiliw na pakikipagkamay
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . isang tanghaling-tapat.

No to coup d’état. Yes to humanity. Yes to poetry.

Ang Kalye Ravignan, ni Max Jacob

Salin ng “La Rue Ravignan,” ni Max Jacob ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Kalye Ravignan

“Walang sinumang nakapapaligò nang dalawang ulit sa parehong batis,” ani pilosopong Heraklitus. Ngunit malimit na parehong mga tao ang naglalandas sa kalye! Malimit parehong oras ng araw sila tumatawid, masaya man o malungkot. Lahat kayo, mga nagdaraan sa Kalye Ravignan, tinagurian ko kayo sa ngalan ng mga tanyag na yumao. Naroon si Agamemnon! Naroon si Ginang Hanska! Si Ulysses ang maggagatas! Nang lumitaw si Patroklus sa dulo ng kalye, katabi ko ang Faraon! Sina Castor at Pollux ang mga babae sa ikalimang palapag. Subalit ikaw, huklubang basurero, na nagmula sa engkantadong umaga upang kunin ang nabubuhay pang basura habang pinapatay ko ang malaking lampara, ikaw na hindi ko kilala, misteryoso at dukhang basurero, tatagurian kita sa bantog at maringal na pagkilala, at tatawagin kitang si Dostoievsky.

Simula ng Indictus, ni Kyriakos Charalambides

Salin ng tula ni Kyriakos Charalambides ng Cyprus
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Simula ng Indictus

Alam nating lahat kung sino si Pnytagoras
o kahit paano’y sisikaping mabatid siya
(sabi nila’y siya ang hari ng Salamis).
Ngunit ang Kalye Pnytagoras, ang mahal na Pnytagoras
sa pagitan ng Timios Stavros at ng Hagia Zoni,
ay marahil ako lamang ang makaaalam. Abá ako:
Kinaiinggitan ko ang mga daga ng kalyeng ito,
ang mga palaboy na askal, ang mga pusang mailap,
na nagmumula sa Kalye Acropolis at lumulusong
sa Pentelis, at pagdaka’y isinusuka ng Hilarion
tungo sa aking Kalye Pnytagoras—mapapalad na bata!

Hiling ko’y maging daga sana ako ng aking bahay,
maging askal na pumapasok sa aking hardin,
at pusang mailap na nakapagbubukas ng pridyider
upang makatikim ng nakaligtaang piraso ng manok.

Ako na lang sana ang naging ahas, ang kulitis,
ang punongkahoy na tuod, ang wasak na pinto,
ang amaranto na nangangarap mapigtal
upang humimbing sa mga sapot ng gagamba.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to vicious war in whatever form.

Ang Lansangan, ni Octavio Paz

Ang Lansangan

Salin ng tulang “La calle,” ni Octavio Paz.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Mahabà at tahimik ang lansangan.
Binagtas ko ang karimlan, at natalisod at nadapà
at bumangon, at naglakad akong bulag, mga paa ko’y
tumatapak sa mga tahimik na bato at tuyong dahon.
May kung sinong nasa likuran ko ang nagpapakaluskos
din sa mga bato, dahon:
Kapag bumagal ako’y bumabagal din siya;
kapag tumakbo ako, takbo rin siya. Paglingon ko: walâ.
Ang lahat ay dilim at wala ni pinto.
Lumiko nang lumiko ako tuwing sasapit sa mga kanto
na patungo sa walang humpay na lansangang walang
kung sinong naghihintay, walang sumusunod sa akin,
at doon hinabol ko ang tao na nadapà
at bumangon at nagsabi sa akin nang makita ako: Walâ.

vintage beautiful awesome amazing love girl snapshot phenomenon road street darkness screenshot

Dapithapon

Dapithapon

Huminto at lumampas ang mga sasakyan,
tumambay at humakbang ang mga anino,
ngunit ikaw ay hindi nasilayan sa kanto.

Larawan ng wala, ikaw ang mga paglalakbay.
Mauunawaan ka ng pulis sa ilalim ng tulay
at lulundo ang tulay sa pangako ng mga ilog.

Sapagkat ikaw ay mainipin gaya ng panahon,
habulin ng tanaw ay ano’t ni hindi mapigil,
pigilin ang hulagway ay batang nagmamaktol.

Huminto at humakbang ang mga anino,
tumambay at lumampas ang mga sasakyan,
at ako, di gaya mo, ay mananatili sa ibayo.

“Dapithapon,” ni Roberto T. Añonuevo © 25 Enero 2012.