Wika ng Bantay sa Pulo ng Hinaharap, ni Roberto T. Añonuevo

Wikà ng Bantáy sa Pulô ng Hináharáp

Roberto T. Añonuevo

Téritóryo ng kamalayán ang nagtatakdâ ng panahón, at hindî itó maúunawàan ng mga tuwíd mag-isíp o kayâ’y nágkukulóng sa silíd—patingín-tingín sa reló, pabuklát-buklát ng peryódiko, o paékis-ékis sa mga número ng kálendáryo. Ang daigdíg ay dî-maliparáng uwák na bakás ng mga talampákan at kasíng-ínit ng nágtitimpîng bulkán, paúlit-úlit na tinútuklás sa kaingín at págtataním, sa pangangáso at pangingisdâ, sa pag-aaníto at pangángalákal; at ang talâarawán ay maiíwan sa bangín, bátis, at bituín na pawàng magíging orasán ng katawán. Kabesádo noón ng iyóng butó’t lamán ang madalîng-áraw káhit ninanákaw ang iyóng labuyò. Ngúnit ngayón, namumugtô ang iyóng títig na hindî dápat magíng balità ng paglímot. Náililípat sa lupàin ang nakalípas at kasálukúyan, na warìng migrasyón ng mga tiklíng at tigdás, ngúnit ang hinaharáp ay manánatilìng walâ. Walâ walâ walâ! Umiíral ka sa mga kámpo, at paglabás mo sa déstakaménto ay malulúsaw din ang lahát sa paningín, gáya ng maiitím na úlap at walâng katupárang pláno at pangakò. Máglalakád ka kapíling ang ibáng lipì, mag-aáral nang de-kórbata pára lalòng lumabò ang pagkatáo at pipilìing magíng aníno gayóng sumísigáw ang mga kamaó na pigíl na pigíl sapakín ang tumárantádo sa iyó na ipinágmamálakí ang mga muhón at título. Natúto ka sa mga batás at sumunód sa pamantáyan. Gayunmán, ibíbilanggô ka sa mga téksbuk o énsiklopédya nang manatilìng punggók at estátiko, at isásaúlo ang kulót na álpabéto na párang pagtingalâ sa mga bagyó. Ang lungsód, anó ang págkakaibá sa iníwan mong gúbat o iláwod? Sapagkát kumikíta gáya ng dambúhalàng pábrika, ang lungsód mo’y dilát na dilát ngúnit duróg na duróg, hindî ináantók gayóng kay rupók na tíla naáagnás na tuód o puntód. Ganiyán din ba ang masasábi mo sa gúbat at iláwod na napupúkaw sa iyóng hiningá, kaluskós, at wikàng ilahás? Nangíngibáng-báyan káhit ang mga aníto pára sambahín sa mga pérya o múseo; at doón sa malayò, hindî man silá manlimós ay magkakároón ng mga eksótikong taták, gáya sa tsókolate o óleo o restorán, úpang kathâin ang sinaúnang úgat at dángal na magpapáluwág sa kaloóban ng módernong sibílisasyón. Pupukulín ka ng nakásusúgat na tingín, o háhambalúsin ng túbo o ínsulto, ngúnit íigpawán ang dumaráming pílat sa alaála. Bubuksán mo ang kamalayán na párang pagpások sa isáng pulô na nakápaloób sa higít na malakíng pulô na nakápaloób sa kapulûan na nakápaloób sa lupálop na nakápaloób sa karagatán na nakápaloób sa kalawákan na nakápaloób sa kawalán. Pára kang pugà sa réhas ng mga álon, hindî sumúsukò magbágo man ang klíma, hindî natatákot mamutî ang mga talampákan sa lábis na lamíg o lábis na gútom. Sapagkát liliwaywáy sa iyó na itinátakdâ ng panahón ang kamalayán ng téritóryo na untî-untî mong ináangkín nang palihím at páilalím—birùin ka mang sumusúlat sa túbig, o gumugúhit sa ibáng hímpapawíd—na isáng kathâng ísip, túlad mo, at túlad nitó.

Alimbúkad: Epic poetry Filipinas rampaging the world. Photo by @rrinna on Pexels.com

Ang Matalino, ni Roberto T. Añonuevo

Sa kinatátayûan mo, naroroón ang lahát ng impórmasyón na hinahámig, nílulunók, tinutúnaw, úpang mulîng ihasík, palúsugín, palawígin sa anyô ng mga aníno at alíngawngáw, ngunit huwág ipagkamalîng yaón ang talíno. Ang talíno ay hindî pagságap, pagwásak, pagkamkám, ni panggagagád, gáya ng ináakalà ng mga hukbông mándirigmâ, sa báwat lupálop na pinilì nitong salakáyin, gapîin, arìin. Ang talíno ay nása hanggáhan ng bató at símoy; at dáhil nasa hanggáhan ng náriritó-at-walâ, ang hanggáhang itó ay maglilíhim ng mga guníguníng pintô na hindî kusàng magbubukás, bagkús mabubúksan lámang sa pamámagítan ng susì ng kawalán at pagkilála sa angkíng katangahán kundî man kabalbalán. Malayàng isíping uminóm ka ng túbig subálit walâng pagkátigháw ang úhaw. Noon, tinurùan kang mag-ípon ng mga aklát at magpaláwak ng aklátan, ngúnit sa óras ng poót, yábang, at láyaw, ang mga pahína na nagtatalâ ng kasaysáyan mo’t kaugalìan, ang mga pahína na sinusúnod ng mga deboto mo’t alagad, ang mga pahína na nagpapáningníng sa sagísag mo’t pangálan, ay nakátakdâng magíng mabangóng panggátong sa págpapaliyáb ng mga kusinà at pabríka ng mga kaáway. Kapág narínig mong hinahámak ng bánug ang mga buláte o uód, sapagkat ináakalà nitóng ang talíno ay nása pakpák at pág-imbulóg, mágwawakás síyang masagánang pigíng kapág lumagpák sa lupà. Gayunmán, hindî magdidíwang ang mga suplíng ng lupà sapagkát alám nito na kahit ang hambóg at dakilà ay pawàng bútil ng hinágap lámang sa dilím ng kamalayán.

Alimbúkad: Poetry without labels and borders. Photo by Magda Ehlers on Pexels.com

Adiyogi sa Pasig, ni Roberto T. Añonuevo

Adiyogi sa Pasig

Roberto T. Añonuevo

Ang gabi ng mga kamay ay mga kaluluwa
sa agos.
Ang gabi ng pagtatalik ng mga kaluluwa
ay agos.
Ang gabi ng pagsilang ng mga kaluluwa
ay agos.

Hayaang umagos ang sayaw ng kalululuwa.
Hayaang umagos ang buwan ng kaluluwa.
Hayaang umagos ang bulaklak ng kaluluwa.

Sapagkat ito ang gabi ng landas palaot.
Sapagkat ito ang gabi ng landas ng laot.
Sapagkat ito ang gabi ng laot ng mga landas.

Ang gabi ng bathala ay gabi ng mga likha.
Ang gabi ng bathala ay likha ng mga gabi.
Ang gabi ay bathala na gabi ang lumilikha.

Ito ang sandali ng paglusong sa karimlan.
Ito ang sandali ng pag-ahon sa karimlan.
Ito ang karimlan ng paglusong at pag-ahon
ng sandali.

Sapagkat ito ang inaasam na paghuhugas
ng sandali.
Sapagkat ito ang inaasam ng paghuhugas.
Ang sandali—
Ang inaasam na paghuhugas nang wagas.

Alimbúkad: Poetry walking the talk. Poetry making the impossible possible. Photo by Arti Agarwal on Pexels.com

Ang Bayabas, ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bayabas

Roberto T. Añonuevo

Ano ang nakita niya sa akin na hindi makikita sa iba?” Ito ang tanong ng bunga ng bayabas, nang minsang humilatâ ang isang binatà at lumílim sa yamungmóng ng mga dahon. Maaaring ang lalaki’y si Juan, at supling nina Fabio at Sofia, ngunit hindi mahalaga kung sino siya. Siya na nakahigâ, nakatítig, nakangangá ang marahil nag-iisip sa kaganapan ng punò o batas ng gravedad; ang nagninilay sa bilóg na bilóg, hinóg na hinóg na sukdulang pag-íral; ang nagugútom at tatangá-tangá ngunit humaharap sa pinakamapait na parusa ng uod at kaliwanagan. “Ang kaniyang bungangà ay sinlalim ng walang hanggang dilim,” sambit ng bayabas. “Ang kaniyang mga mata ay sumasalamin sa akin para mapigtal sa tangkáy at sumanib sa bituka o lupain. Hindi ako sintatág ng tagâ-sa-panahong bodhi, at ni walang budhî, para sa sinumang tumitingala sa akin. Gayunman, siya na titíg na titíg sa akin ay wala nang ibang nakikita, walang ibang naririnig, walang ibang nadarama, kundi ako na nakabitin, at sasayáw-sayáw sa himig ng hangin. Kung siya ang aking kamalayan, kung siya ang aking kapalaran, hindi ko ba pipiliing pumaloob sa kaniyang katawan, at maging bahagi ng kaniyang katauhan?”

Alimbúkad: World-class poetry within your reach. Photo by Adrian Lang on Pexels.com

Ang Banyaga, ni Roberto T. Añonuevo

 Ang Banyaga

 Roberto T. Añonuevo

 Sampung libong wika ang dumaan
 sa aking dila,
 bawat isa’y bantayog ng lupain
 o hukay na napakalalim.
 At nang minsang masalubong ko 
 ang pugad ng mga hantik
 ay kinagat ako ng mga lintik.
 Tumakbo ako, at bumanggâ 
 sa teritoryo ng mga putakti.
 Napamulagat ako.
 Ibig kong tumakas subalit binigo
 ng namimitig na binti.
 Wala akong nagawa 
 kundi pumikit at humalukipkip.
 At tinanggap ko nang maluwag 
 ang lastag na kamangmangan
 sa wika ng simoy at katahimikan,
 habang tumitikatik at nagpuputik
 ang daigdig. 
Alimbúkad: Poetry silence. Poetry excellence. Photo by Kirsten Bu00fchne on Pexels.com

Iral sa pagitan nina Nasimi at Abadilla, ni Roberto T. Añonuevo

 Iral sa pagitan nina Nasimi at Abadilla
  
 Roberto T. Añonuevo
  
 Ang katawan
                 ang isipan
 at ako
 at ikaw
              ay hindi mundo
              ang mundo
 ay hindi ako
 at hindi ikaw
 bagkus
          ang kamalayan
 tawagin man ito
                  na Maykapal
 o himagsikan sa mga maykapal
  
 Ang kamalayan
 ang mundo
              sa isipan
              sa katawan
 ang lakas
           ang puwang
                   ang panahon
  
 At ako’y
                    nasa labas
            at ikaw
            at ako’y
 nasa loob
 ang kamalayan
                 ang kamalayan
 na gumagalaw
                    ang lawak
                    ang lalim
 mula at tungo sa lahat 
                       ng bagay
 Ang pumasok
              sa katawan
 ay katawan
              ang lumabas
 sa katawan
 ay katawan
             ang mundo
                   ng kamalayan
 sa lahat ng nilalang
  
 Ang pumasok
 sa isipan
 ay isipan
                ang lumabas
                sa isipan
                ay isipan
 ng katawan
 ng kamalayan
  
                Ang pumasok
                ang lumabas
 ang katawan
 ang isipan
                ang kamalayan 
 ang ako
 ang ikaw
 ang mundo
 tawagin man ito
                  na Maykapal
 o Himagsikan sa mga Maykapal 
Alimbúkad: Poetry pure across time and space. Photo by Ana Madeleine Uribe on Pexels.com

Kisap, ni Roberto T. Añonuevo

Kisáp

Roberto T. Añonuevo

Natulog ako para makapiling ka; ito ang pinakamabilis na paraan tungo sa iyong kinaroroonan. At nang mamulat pagkaraan ng limang dekada ay isa ka nang lungsod na palaisipan ang mga kalye at paradahan.

Hindi ko alam kung dapat ipagpasalamat ang gunita sapagkat nananatili ito sa buto, buhok, hininga. Tanging haraya—kung hindi man kamalayan—ang nalalabi upang magpatuloy.

Naglakad ako, naglakad nang naglakad, kung ito ang patunay ng pagiging tao.

Hanggang sa mapulot ko ang kusót na diyaryo na nakalatag sa bangketa, at nakasaad doon: Bumagsak ang diktador at may naghasik ng rido sa kaniyang mga inapo. Hindi ba siya ang malakas at ang bibig ay nagbubuga ng sindak?

Napailing ako; at tiningnan ang relo sa paskilan, ngunit tumangging maniwala. Naging íkon at bantayog ang pandemya na dati-rati’y agahan ng balita at tsismis; samantala, winakasan na ang panahon ng dam at embargo, o kung hindi’y magkakadigma. Naging karaniwan ang baha at pamamangka sa dáting tigang na lupain. Naisip ko na magkapakpak.

Nagkapakpak nga ako, at nang lumipad gaya ng isang uwak, nasilayan ko ang iyong katawan sa pinakamarikit na larawan na pinaghalong hagod ni Joya at taludtod ni Bigornia. Ang lungsod, sa isang iglap, ay naging planeta na umoorbit sa mga kodigo ng elektronikong himpapawid.

Lumapag ako sa iyong hulagway.

May kung sinong naglalakad sa karaniwang araw, at nang batiin niya ako, nagpakilala siyang propesor na nagmula sa kung saang lupalop, na ang maluluwag na unibersidad ay naging bakwetan, kung hindi man tambayan, ng mga salinlahing palaboy.

Pumikit ako; at nang  dumilat ay ikinalat ng amihan sa sahig ang mga talulot ng mga sariwang sampagita at rosal.

Alimbúkad: Poetry unlimited. Photo by Masaaki Komori.

Ehersisyo sa Espasyo, ni Roberto T. Añonuevo

Ehersisyo sa Espasyo

Roberto T. Añonuevo

1
Sayang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang puwang
kung walang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .mga nilalang
na gaya mo
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .na gaya ko—
nagsasanib,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . naghihiwalay
sa kawalan,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .umiikot,
walang laman.

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . Sayang.

2
Ang kalawakan
ay pagkakamali
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .kung tayo
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at tayo lámang
ang natitirá,
ang tumitirá
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .sa planeta
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .kahit buhangin
ang posibilidad
ng mga planeta.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Ang uniberso
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ay pagkakamali
kung walang
ibang maláy
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .na taglay
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang kamalayan
ng tanikala
ng mga tanong,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at ang gunita
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ay konstelasyon
ng tuldok
na walang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .hangga’t
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .hanggahan.

3
Sa espasyong
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ito,
kung ang hakbang
mo’y hakbang.ko,

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ikaw
ay akong
mundong
sinliit
ng atomo.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Sa espasyong
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ito
ang sarili
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang sarili
ang ikaw
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang ako.

4
Ang lawak
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang lalim
ang lapit
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang taas
ng puwang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ay ikaw
na nasa
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .aking loob.

5
Ang loob:
monotonong
simetriya
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ng bagay
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .na bagay
sa lakas mo
na lakas ko.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Ang hulagway
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at ang anino
sa tambalang
Urong-
Sulong.

Isa pa:
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .matematika
ng bato
. . . . . . . . . . ..pabulusok
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .sa banging
nagpapatalbog
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ng tunog,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang balaning
di-nakikita
ngunit
. . . . . . . . . . . . . . .gumagalaw
kung hindi
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .nagpapagalaw,
tawagin man
itong

. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .sungayang
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .salamangka.

Ngunit
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .rumirikit
kung sungkî
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang sukat
o sintunado
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang tugmâ.
Kahanga-hanga,
walang bait,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . walang lohika
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ngunit umiiral
na pananaginip
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang talim
at hiwaga.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .Hiwatig waring
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .>>>>.nasa dulo
ng kawad—
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . lumalaylay
na taytay
. . . . . . . . . . . . . . . . ang bukás
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .na palad.  .  .  .

6
Salamin
ng langit
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ang bundok
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .o batis,
parang luha
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .na lihim
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ng mata.
Ang dilim
. . . . . . . . . . . . . .na sumusuka
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ng liwanag,
ang wala
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .na simula
at wakas
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .ng diwa.

Vaikundam, ni Roberto T. Añonuevo

Vaikundam

Roberto T. Añonuevo

Pumasok sa gubat ang mangangaso, at iniwan niya ang kaniyang pangalan sa gitnang bahagi ng lawas ng tapayan. Ang gubat, pakiwari niya, gaya ng tapayan ay sisidlan ng kalansay o asin o sagradong tulâ, ngunit malayang isiping libreng parmasya o kantina para sa maysakit. Kailangang maunawaan niya na hindi siya pumapaloob sa kamalayan para mamatay, bagkus magtamo ng búhay, sapagkat ang kamalayan bilang gubat ay tagpuan ng sukdulang pansin at diwa at higit sa limang pandama. Panandaliang himpilan ang tapayan sa pisikal na anyo, wika ng mangangaso, at pagkaraan, matututo siyang maglakbay na sakay ng eroplano o bangka, marahil patungo sa ibang planeta—na tawagin mang Meru sa isang panahon ay aangkinin ng mangangaso bilang kontinente ng mga lunggatî.

sea coast rock walking mountain snow winter cloud black and white girl woman mist hiking white sport photography wave peak alone mountain range jumping ice glacier action weather alpine rock climbing climber black monochrome summit mountaineering happy trekking mountaineer mountains harness protection ropes top alpinism steep wall monochrome photography atmospheric phenomenon mountainous landforms climbing gear loneliness mountaineer

Ang mga Titán, ni Friedrich Hölderlin

Salin ng “Die Titanen” ni Friedrich Hölderlin mula sa Germany.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas, at nang may pagsasaalang-alang sa bersiyong Ingles nina Maxine Chernoff at Paul Hoover.

Ang mga Titán

Hindi pa panahon.
Hindi pa sila nakagapos.
At ang mga walang pakialam ay malamig
Hinggil sa usaping pang-anito.
Hayaang tuklasin nila ang palaisipan
Ng Orakulo. Samantala’y magaan kong
Iisipin ang yumao habang may mga pagdiriwang.
Noong sinaunang panahon, nangamatay
Ang mga heneral at magandang babae
At makata. Ngayon naman ay mga tao.
Ngunit nag-iisa ako’t

. . . . . . . . . . habang naglalayag sa karagatan
Ay tinatanong ng mababangong pulô
Kung nasaan na sila.

Dahil may kung anong taglay silang nananatili
Sa isinulat at sa alamat.
Maraming ibinubunyag ang bathala.
Mahabang panahong hinubog ng mga ulap
Ang nagaganap sa ibaba,
At ang sagradong gubat, malusog gaya ng anito,
Ay ibinaon nang malalim ang mga ugat.
Malagablab nang lubos ang yaman ng daigdig.
Wala tayong awit na makayayanig
upang palayain ang ating kaluluwa.
Uubusin nito ang sarili
Dahil ang makalangit na apoy ay hindi
Makatitiis ng pagkakabilanggo.
Kinalulugdan gayunman ng mga tao
Ang bangkete, at sa pagdiriwang
Ay kumikislap na perlas sa leeg
Ng babae ang kanilang mga mata.

Ang mga laro ng digmaan
. . . . . . . . . . At ang landas pahardin
Ay gunita ng kalampag ng mga bakbakan;
Ang mga humuhugong na sandata
Ng mga bayaning ninuno ay nakapatong
Nang panatag sa dibdib ng mga bata.
Ngunit umaalunignig ang mga bubuyog
Sa paligid ko, at kung saan humuhukay
Ang magbubukid ay doon umaawit
Ang mga ibon laban sa liwanag. Maraming
Tumutulong sa langit. Nakikita ang mga ito
Ng makata. Mabuting sumandig
Sa iba. Dahil walang makatitiis mabuhay
Nang mag-isa.

Dahil kapag ang abalang araw
Ang magsimulang magliyab,
At ang makalangit na hamog ay kumislap
Sa kadena, na maghahatid
Ng kidlat mula sa bukang-liwayway
Tungo sa sariling pinagmulan, kahit
ang mga mortal ay madarama
ang kadakilaan nito.
Kayâ sila nagtatayo ng mga tahanan,
At ang mga palihan ay labis na aligagâ,
At ang mga barko’y naglalayag nang pasalunga
Sa mga alon, at ang mga lalaki’y
Nakikipagbatian habang nakikipagkamay;
At iyon ang katanggap-tanggap sa daigdig,
At may katwiran kung bakit tayo nakatitig
Sa sahig.

Ngunit nakasasagap ka
Sa ibang paraan.
Dahil itinatadhana ng panukatang
Umiral ang kagaspangan
Upang mabatid ang kadalisayan.

Subalit kapag sumapit sa lupa
Ang unang sanhi
Upang magkaroon ito ng búhay,
Iniisip ng mga tao na ang makalangit
Ay bumaba sa kailaliman ng mga patay
At biglang sumaisip sa Maykapal
Ang walang hanggahang kahungkagan.
Hindi ako ang dapat magwika
Na ang mga bathala ay pahina nang pahina
Habang sila ay sumasapit sa pag-iral.
Ngunit kapag nagkagayon
. . . . . . . At naglaho
Gaya ng mga buhok ng ama, upang

. . . . .  Ang ibon ng kalangitan
Ay maipabatid ito sa kaniya. Kagila-gilalas
Sa pagkapoot, at iyon ang mahalaga.