Pagkahilig sa mga Gulod, ni Rachel Wetzsteon

salin ng “Taking to the Hills” ni Rachel Wetzsteon.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

PAGKAHILIG SA MGA GULOD

Kung ang paglalakad, gaya ng alak, ay nagpapasulak ng lungkot,
subukin natin ito, sabi ko, at ginawa ko nga:
sa likod ng mga buról na ito na hindi nakababatid ng pighati
ay walang mapagmuning buwan ang dumaan. Humukay hanggang
magpantay ang gulód, at hukayin lamang ang lupa. Ipagmalaki
na alam mo ang kemikal na anyo ng ulan, ang suma-total
ng lahat ng mabagsik  na singaw ng anumang takipsilim.
Dahil kung kailangan mong hilahin sa mga gasgas na linya
ang mga mapagpatiwakal na wilo, panig man o salungat ang bituin
sa iyo, ikakalat mo sa matataas, di-maliparang uwak na tanawin
ang sarili mong mga bagahe. Gabi ng pag-ibig, araw ng babala
ng gabi, matatangkad na bundok ng mga pag-asang nakamit,
lambak na ang mapapait na hangin ay binubughan
ang mga pinagkaitan tungo sa pagiging nangapopoot na baliw—
sila ay walang iba kundi makukulimlim na pagsasahinagap
ng nagdaraang hilig, labis na pinapayak na mga bersiyon
ng anumang walang hangga ang laki? Ang pangitain sa harap mo
ay walang iba kundi tatluhang pilas na punongkahoy, dalisdis, ilog,
matatag at eternal. Ngunit sa sandaling magsimula kang mabalisa,
at kapag, habang inihahandang kunin ang rolyo ng mga retrato’y
napansin mo ang nakaliligalig na paglalaho ng landas,
gumuguho ang iyong kapinuhan: tutuligin mo ang himpapawid,
at haharanahin ang buwan, susubsob ka sa harap ng mga pino,
sasabihing, ay, bumalik ka, kaluluwa ng pook, na walang buhay
kung wala ka,  ay namumukadkad sa kung anong dingal
na higit sa namamagitang kabaliwan;
bumalik ka, malalaking ensina na naghihintay sa ating pagdating;
ang ukitin ang mga titik ay ganap na katuparan ng pagiging tao;
ang mga araw ay nababatikan ng ating mga sukdulang libog,
ang mga bundok ay tatayog at guguho sa ating kadakilaan at kahangalan.

Advertisements

Prehuwisyo at Kamangmangan

Magkaugnay ang pusod ng prehuwisyo at kamangmangan, at malimit isinisilang ang prehuwisyo dahil sa kamangmangan. Ang kamangmangan ay maaaring hatid ng kasalatán—kung hindi man sinasadya o di-maiiwasang pagtanggi—sa pagsagap ng mga bagay na maaaring pumasok sa limang pandama. Ang kamangmangan ay maaaring magsimula sa sarili na nagkaroon ng gawîng batay sa hinuha o kutob na pawang maisasalin sa pananaw o panlasa sa isang bagay. Habang tumatagal, ang kamangmangan ay maiwawasiwas na sandata upang banggain ang establisadong karunungang unang nabatid o natuklasan ng iba. Ngunit upang manatiling buháy ang kamangmangan, kailangang isilang nito ang prehuwisyo na siyang magiging taliba at tagapamansag ng anumang lihis sa lohika. Tulad ng karunungan, ang prehuwisyo ay makapaghuhunos na binhi na maitatanim, mapalalago, at maipalalaganap sa pasalita o pasulat na paraan.

Hindi lahat ng pumapasok o sinasagap ng limang pandama ay awtomatikong magrerehistro ng karunungan sa isang tao, at mababatid ito sa mahabang saliksik ng mga siyentipiko. Ang pagbabasa ng nobelang Filipino, gaya ng Mga Ibong Mandaragit ni Amado V. Hernandez, ay hindi mangangahulugan ng kagyat ng pagkakaunawa sa banghay o tauhan para sa sinumang nahirati sa panitikang Ingles o Espanyol o Mandarin. Sa pagitan ng limang pandama at utak ay may salaan, wika nga ni Silvino V. Epistola, at ang salaang iyon ay may kaugnayan sa ating pagkamamamayan at pagkabansa, o sabihin nang “pagka-Filipino.” Makatutulong aniya ang salaang iyon sa pag-unawa ng ating panitikan.

Idaragdag ko sa winika ni Epistola na maaaring lumitaw ang prehuwisyo sa “salaan” na nasa pagitan ng pandama at utak. Sa simula’y maaaring mikrobyo ang prehuwisyo na marahang ngumangatngat sa naturang salaan, hanggang ang naturang salaan ay mabutas na magiging sanhi upang makapaglagos sa isip ang pagsagap sa mga bagay nang hindi gaanong napag-iisipan. Bago pa man magbasa ng isang katha o tula o dulang Filipino ay posibleng makadarama na ng pambihirang pagkayamot, pangamba, o pagkamuhi ang mambabasa sa gayong uri ng akda dahil hindi niya agad maarok ang kaniyang binabasa. Maaaring isumpa agad niya ang nobela at husgahang pangit ang pagkakasulat niyon—kahit hindi pa ganap na natatapos basahin ang nasabing nobela—at sabihing malayo iyon sa estetikang ang pamantayan ay paggamit ng mga salitang magagaan, gaya sa peryodiko, na maaaring kayang maunawaan ng isang estudyanteng nasa ikatlong taon ng mataas na paaralan.

Lulubha ang prehuwisyo kapag ang puna ay lumalampas sa inihahaing diskurso ng akda. Hindi pa ganap na nasusuri, halimbawa na, ang nobela ni Hernandez ay ilalahok sa usapan ang konsepto ng elitismo sa pagsulat na maaaring namamayani sa hanay ng mahuhusay na manunulat; o kung hindi’y kathang-isip lamang ang lahat. Ang gayong pakana ay paglihis sa binubuksang diskurso hinggil sa nobela at pagpaling sa dinamikang nagaganap sa sirkulo ng mga manunulat at pagpaloob sa usapin ng malikhaing pagsulat na kinakasangkapan ang estilo at salitang magagaan. Mapapakamot ng ulo, kung hindi man bayag, ang sinuman kapag susundan ang palundag-lundag na banat—na matataguriang punang hitik sa prehuwisyo.

Kawawa ang nobelang gaya ng Mga Ibong Mandaragit kapag sinapol ng prehuwisyo. Hindi makasasagot ang nobela sa mga maling paratang; o kaya’y makapagsasaad ng konteksto hinggil sa pagkakasulat niyon, hangga’t walang darating na isa o dalawa o higit pang kolumnista, kritiko o blogista upang pabulaanan ang sinasabi ng kolumnistang may prehuwisyo.  Kumikislot ang prehuwisyo, at sa kisapmata’y makapag-aanyo itong makamandag na ulupong na makatutuklaw, saka makapapatay ng pangarap, sa sinumang kabataang naghahanap ng modelo ng nobela o kuwento o tula na pawang makaaaliw at makapagdudulot ng dunong. Walang pinipiling edad o kasarian o propesyon ang prehuwisyo. Sa mata ng  kolumnista o peryodista, maligoy ang panitikan, at ang ganitong ligoy ay hindi nababagay sa pormula ng pahayagan. Mas payak, mas maganda.

Sa bibig ng isang kolumnista, ang prehuwisyo ay may kakayahang madamitan ng pagtatanggol ng magulang para sa kaniyang minamahal na anak, ngunit itatanggi ng magulang na taglay niya ang prehuwisyo. Ang prehuwisyo ay maibubuga gaya ng tani-tanikalang retorikang tanong—na ipinanghahalili bilang paliwanag—na maaaring wala namang sagot o kaya’y nagkukubli ng pagkayamot sa matataas na uri ng panitikang lumalampas sa itinatakda ng de-kahong pagtingin sa  buhay.

Mainipin ang prehuwisyo at lumilikha ito ng halimbawa na ang saliksik ay hanggang internet lamang o paggalugad sa Google, at ang talambuhay ng manunulat  ay nagwawakas sa hatol ng Kataas-taasang Hukuman. Ang prehuwisyo ay pag-aakala na ang Mga Ibong Mandaragit ni Hernandez ay hinggil lamang sa pananakop ng Hapones, na isang kabulaanan, dahil ang alusyon at pahiwatig niyon ay hindi lamang lumalampas sa pananakop ng mga dayuhan sa Filipinas bagkus umuusig din sa mga Filipinong senador, obispo, heneral, gobernador, abogado, hukom, propitaryo, peryodista, sosyalera, at iba pang maykaya sa lipunan.

Ang prehuwisyo ay pagtatambis ng dalawang akda at paghahambing ng dalawa o higit pang estilo o wika upang palitawin ang pagkiling sa isang panig nang walang masusing pagtalakay sa magkakaibang polong pinagmumulan ng mga panig. Higit sa lahat, ang prehuwisyo ay maangas na pagtuligsa sa nakaraan, at pagpapanukala ng marapat na kabaguhan, nang hindi ganap na nauunawaan ang pagsasalikop, pagsasalimbayan, at pagtatagisan ng kasaysayan ng panitikan at ng kasaysayan ng bansa. Lumilikha ng sariling multo ang prehuwisyo, at ang multong ito ang lalabanan at katatakutan mismo ng tao na nauulapan ng kuro-kurong walang batayan.

“Walang may monopolyo ng repolyo’t katwiran,” wika nga ng makatang Rio Alma, ngunit aangkinin pa rin ng prehuwisyo ang pagkakataong lagumin nang napakabilis ang panitikan na parang iisa lamang ang anyo at ang gahum na dapat pagsumundan ng kabataan. Sumusugat lamang ang prehuwisyo dahil nakahahatak ito ng ibayong kamangmangan, at ang multiplikasyon ng gayong kamangmangan, na kapag ipinataw sa panitikang Filipino, ay makapagpapatindi ng pagkaligta sa sarili, ng pagbura sa ugat at kaligiran, at ng paggamit ng salitang “Filipino” hanggang sa salita lamang ngunit ang totoo’y umiimbulog na banug sa himpapawid, at dadagitin pagkaraan ang madlang nangangapa sa sariling panitikan.

Pinahihinto ng prehuwisyo ang kakayahan ng tao na mag-isip, magsuri, at magpasiya nang may bait.

Hindi kinakailangang makipag-away sa sinumang kolumnista sa diyaryo. Ano pa ang silbi ng demokrasya kung hindi pakikinggan ang kabilang panig? Subalit sa oras na ipinid ang isip, at ilihis ang daloy ng usapan mula sa orihinal na puntong binuksan, ay magsisimula ang balitaktakang walang katapusan. Mabuting halimbawa ang pitak ukol sa Mga Ibong Mandaragit at hinagpis sa sistema ng pagtuturo hinggil sa pagpapalaganap ng kamangmangan, prehuwisyo, at inseguridad ng isang kolumnista, at siyang makapagbubukas ng isip at karunungan sa  mga karaniwang mamamayang walang pitak, walang tinig, walang pangalan sa akademya man o pahayagan.