Mga Lahok sa Kuwaderno ng Manlalakbay, ni Roberto T. Añonuevo

Mga Lahók sa Kuwáderno ng Manlálakbáy

Roberto T. Añonuevo

Búbuklatín mo isáng áraw ang inaágiw na kuwáderno, kung sakalî’t nása iyó pa, at pápaloób sa iyóng noó ang alaála ng iyóng músa. Hindî mo na siyá matátagpûán kailánman; at maráhil, ibá na ang kaniyáng anyô, mithî, ngálan. Ngúnit babángon siyá sa pamámagítan ng iyóng mga salitâ, gáya ng mga muntîng lahók sa talâarawán.

1
Magsisítiklóp káhit ang párola at mólino
bágo sumápit ang súperbagyó,
sakâ ihíhiyáw ng mga pipít
ang daán túngo sa yungíb ng mga patáy.

2
Napakátiwasáy ng hímpapawíd.
Walâng kislót ang mga dáhon at lamók.

3
Tinukláp
ng hángin ang ánit ng munísipyo,
binurá ang mga báhay,
niloóban ang mga tindáhan,
iwínasíwas bágo ibinuwál ang niyúgan.

At isáng áso 
ang umáhon sa gumuhông padér
ng bányong humíhikbî, ginígináw.

4
Ulán! Ulán! Lampás kawáyan!
Bagyó! Bagyó! Lampás kabáyo!

Nagtakíp akó ng mga taínga
at napáhagulgól,
hábang tíla binúbuská ng mga anghél.

5
Tumátakbٖó ang mga bangkáy
sa gitnâ ng bagyó,
tulalá’t tuliró:
Walâng silbí ang pagbíbiláng.

Tináwag kitá, ngúnit 
kinárit ang klínika.

6
Kung kasínglakás ng sígnal ng sélfon 
ang sígnal ng bagyó,
magsásará ang rádyo o peryódiko
sa búhos ng réklamo.

“Huwág matákot!” at párang sumagì 
sa pusò
ang isáng kúbong pasán ng mga hantík.

7
Sumaklólo sa mga bakwét
ang Mababâng Páaralán
úpang págdaka’y itabóy mulî ng dalúyong.

At naísip ko:
Lahát kamí ay basúra, at kasíngrupók
ng mga sílya at písara
ng mundó.

8
Lumubóg ang mga palayán.
Ngunit pumuság sa pápag
ang mga hitò at plápla,
párang áyuda
sa áming dî-maabót ng Máykapál.

Húlog ng lángit,
isáng bangkâ at tatlóng kótse 
ang naligáw sa mga pítak ng gulayán.

Ngunit tumírik, kahápon pa, 
ang makína 
ng áking ísip 
sa makapál na banlík.

9
Bumabángon sa bayánihán,
bumabángon pára sa báyan.

Pinápanoód kamí ng daigdíg
kung paáno manaíg sa bisà ng pag-íbig.

10
Umambón mulî.
Párang winísikán ang mukhâ kong putikán.

At inusál ang sumpâ na mámahalin ka—
bumábagyó ma't kay dilím.
Alimbúkad: Epic poetry storm beyond Filipinas. Photo by Emma Li on Pexels.com

Sumpâ, ni Luís de Camões

Salin ng “O dia em que eu naci moura e pereça,” ni Luís de Camões ng Portugal
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Sumpâ
  
 Kapanganakan ko’y limutin; pawiin
 sa biglang pagpanaw nang hindi na muli
 magbalik sa dati. Kung ito’y sakali’t
 umulit, ilambong sa araw, lupain.
 Hayaang maglaho ang sinag. Hayaang
 ibunyag ng hulàng lahat ay yayao,
 uulan ng dugo’t sanlaksang impakto.
 Hayaan ang inang ang anak ay iwan.
 Hayaan ang bayang sindák, tumatangis
 at may mga mukhang maputla at pagod
 na maniwala pang ang mundo’y sasabog.
 Kayong bayang takót, tanggapin ang hindik
 sapagkat sa araw na ito dumilat
 ang kawawang búhay na batid ng lahat! 
Alimbúkad: Poetry translation online revolution without peer. Photo by Jue on Pexels.com

Destiyero sa Destiyero, ni Abdullah Al-Baradouni

Salin ng “From Exile to Exile,” ni Abdullah Al-Baradouni ng Yemen
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Destiyero sa Destiyero
  
 Isinasalin ang bansa ko mulang isang tirano
 tungong ibang tiranong masahol pa kaysa dati;
 mulang isang bilangguan hanggang iba pa,
 mulang isang destiyero hanggang iba pa.
 Sinakop ito ng mga nagmamasid na banyaga
 at ng isa pang nakakubli, nagkukunwa;
 ipinasa ng isang halimaw sa dalawang halimaw
 gaya ng buto’t balát na kamelyo.
 Sa mga yungib ng kamatayan
 ay hindi namamatay ang bansa ko, ni hindi
 gumagaling, ni makuhang makabangon.
 Hinuhukay nito ang mga píping libingan 
 para hanapin ang mga dalisay nitong ugat,
 para sa tagsibol nitong pangakong natutulog
 sa likod ng sariling mga mata; 
 para sa panaginip na darating,
 para sa multo na nagtatago kung saan.
 Lumilikas ito mula sa isang nakalulunod
 na gabi tungo sa napakapusikit na gabi.
 Nagdadalamhati ang aking bansa
 sa mga hanggahan nito
 at sa iba pang lupain ng iba pang tao;
 at kahit na nasa sariling lupain nito’y
 nagdurusa sa pagkatiwalag ng destiyero. 
Alimbúkad: Poetry solidarity for exiled voices. Photo by Yasin Gu00fcndogdu on Pexels.com

Pag-ibig at Lagnat, ni Miyazawa Kenji

 Salin ng tula ni Miyazawa Kenji ng Japan
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Pag-ibig at Lagnat
  
 Napakaitim ng noo ko ngayon;
 hindi ako makatingin nang tuwid sa mga uwak.
 Ang aking kapatid, na sa sandaling ito’y
 nasa malamig, malamlam, malatansong silid,
 ay tinutupok ng malinaw, malarosas na apoy.
 Totoo, kapatid, 
 randam na ramdam ko ang panlulumo, pasakit,
 kayâ hindi na ako pipitas ng mga bulaklak 
 ng lumanay, at pupunta pa riyan.  
Alimbúkad: World poetry translation upheaval at the heart of Filipinas. Photo by Maria Orlova on Pexels.com

Búhay, Kamatayan, ni Chu Yohan

 Salin ng tula ni Chu Yohan ng Hilagang Korea
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Búhay, Kamatayan
  
 Palubog na araw ang búhay, ang dagat ng dugo,
 at napakalakas na humihiyaw na kalangitan.
 Madaling araw ang kamatayan, maputlang ulop,
 dalisay na hininga na suot ang puting panluksa.
  
 Ang búhay ay kumukutitap na kandila.
 Ang kamatayan ay kumikislap na diyamante.
 Ang búhay ay isang komedya ng pighati.
 Ang kamatayan ay nakapakarikit na trahedya.
  
 Kapag nilalamon ng daluyong ang bundok,
 at ang taghoy ng simoy ay dumaraing sa pálo,
 umaapaw sa gabi ang niyebeng wala ni kaluskos,
 at humahalakhak ang ga-pakpak na sinag-buwan.
  
 Padahilig na daan ang búhay tungo sa hukay.
 Ang kamatayan ay liwayway ng bagong búhay.
 Ay, ang masinop na pagkakahabi ng Kamatayan——
 ang sagradong sinag na kaloob sa delubyo ng búhay. 
Alimbúkad: Mapping the world through translation. Photo by Taryn Elliott on Pexels.com

Makalupang Himig

 Salin ng “Nyanyian duniawi,” ni W.S. Rendra ng Indonesia
 Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Makalupang Himig
  
 Habang katabi ng ubaning mayamang babae ang buwan,
 hinihimas ko naman ang isang dalaga sa manggahan.
 Ilahás at maalab ang kaniyang puso
 na káyang yapakan at lapastanganin ang gutom at uhaw.
 Dahil sa labis na kahirapan ay sinikap naming abutin 
 ang dilim at inihiyaw ng aming anino ang alab ng himagsik.
 Ang kaniyang mabagsik na halakhak
 ay lalo lámang ikinalugod ng aking dibdib.
  
 Sa lilim ng mga punongkahoy
 ay kumikislap ang kaniyang katawan
 gaya ng bulawang usa.
 Ang kaniyang namumurok na súso
 ay bagong pitas na manibalang na bunga.
 Ang halimuyak ng kaniyang katawan
 ay gaya ng sariwang mga damo.
 Niyakap ko siya
 nang tila yumayapos sa búhay at kamatayan,
 at ang kaniyang mabilis, humahabol na paghinga
 ay mga bulóng sa aking tainga.
 Namanghâ siya
 sa bahagharing nasa ilalim
 ng may tabing na talukap ng mga mata.
  
 Ang aming sinaunang mga ninuno’y
 nagsilitaw sa gitna ng karimlan,
 lumapit nang lumapit sa amin
 at suot ang gulanit na mga damit,
 sakâ tumalungkô
 habang kami’y matamang pinagmamasdan. 
Alimbúkad: Poetry passion typhoon. Photo by GEORGE DESIPRIS on Pexels.com

Marina, ni T.S. Eliot

Salin ng “Marina,” ni T.S. Eliot ng USA at United Kingdom
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Marina

Ano ang pook na ito, anong
rehiyon, anong panig ng mundo?

Anong dagat anong pampang anong abong bato at anong isla
Anong tubigan ang kumakandong sa proa
At samyo ng pino at ang pipit ay umaawit sa ulop
Anong hulagway ang nagbabalik
O aking anak.

Silang naghahasà ng ngipin ng áso, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang kumikinang sa kadakilaan ng kulagu, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang nakaupo sa bakod sa kaluguran, na nangangahulugang
Kamatayan
Silang nagdurusa sa luwalhati ng mga hayop, na nangangahulugang
Kamatayan

Ay nagiging ampaw, na pinarurupok ng hangin,
Ang hininga ng pino, at ang lawiswis ulop
Na sa kabunyiang ito ay nalulusaw sa pook

Ano ang mukhang ito, malabo-labo at higit na malinaw
Ang pitlag sa bisig, mahina-hina at higit na malakas—
Bigay o hiram? Higit na malayo sa mga talà at kay lapit tingnan

Bulungan at hagikgikan sa mga dahon at nagmamadaling paa
Na nahihimbing. Na tagpuan ng lahat ng tubigan.

Nabiyak na bawpres sa yelo at pinturang inagnas ng init.
Nilikha ko ito, nakalimutan
At nagugunita ko.
Ang marupok na lubid at ang naaagnas na kambas
Sa loob ng isang Hunyo at isa pang Setyembre.
Ang lumikha nitong katangahan, halos malay, lingid, na angkinin ko.

Tumatagas ang tabla ng bangka, dapat tapalan ang mga gilid.
Ang anyong ito, ang mukhang ito, ang buhay na ito
Umiiral para mabuhay sa mundo ng panahong higit sa akin, hayaang
Isuko ang búhay ko sa ganitong búhay, ang wika ko sa di-masambit,
Ang gisíng, bukang labì, ang pag-asa, ang bagong mga barko.

Anong dagat anong pampang anong granateng isla tungo sa aking
. . . . . kahuyan
At ang pipit ay sumisipol paloob sa ulop
Aking anak.

Alimbúkad: World poetry translation marathon for humanity. Photo by Khamkéo Vilaysing

At gaano katagal mabuhay?, ni Pablo Neruda

Salin ng “Y cuanto vive?,” ni Pablo Neruda ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

At gaano katagal mabuhay?

Gaano ba dapat katagal mabuhay ang tao?

Mabubuhay ba siya nang sanlibo o isang araw?

Isang linggo, o ilang siglo?

Gaano katagal niyang gugugulin ang pagyao?

Ano ang ibig sabihin ng “walang hanggan?”

Nalunod ako sa ganitong mga pagninilay,
kayâ sinikap ko na linawin ang mga bagay.

Sumangguni ako sa matatalinong saserdote,
hinintay silang matapos ang kanilang mga ritwal,
at tinitigan nang maigi ang kanilang mga lakad
tuwing dumadalaw sa Diyos at Diyablo.

Nabato sila sa aking mga tanong.
Sa panig nila’y kakaunti lámang ang alam nila;
hindi sila makaigpaw sa pagiging administrador.

Tinanggap ako ng mga mediko
nang maisingit sa mga konsultasyon,
habang tangan nila ang panistis,
tigmak sa aureomisina,
at napakaabalá bawat araw.
Natutunugan ko mula sa kanilang sinasabi
na ang problema ay ang sumusunod:
Hindi iyon hinggil sa pagkamatay ng mikrobyo
dahil nalilipol iyon nang tone-tonelada—
bagkus sa kakaunti na nakaligtas
na nagpamalas ng kalisyahan.

Iniwan nila ako nang nagigitla
kayâ sumangguni ako sa mga sepulturero.
Nagtungo ako sa mga ilog na pinagsisilaban nila
ng mga dambuhalang pintadong bangkay,
maliliit na patpating katawan,
mga nakabihis emperador
ng malalagim na sumpa,
mga babaeng nalagas nang kisapmata
sanhi ng daluyong ng kolera.
Naroon ang pampang ng patay
at ng mga abuhing espesyalista.

Nang magkaroon ako ng pagkakataon
ay pinukol ko sila ng matitinding tanong,
at nag-alok naman silang sunugin ako:
Iyon lámang ang lubos nilang nalalaman.

Sa bayan ko, ang mga sepulturero’y
tumugon sa akin, pagkaraang tumagay:
‘Maghanap ka ng mabuting babae—
at tigilan mo na iyang kabulastugan.’

Nakita ko kung gaano kasaya ang mga tao.

Umawit sila habang nagtatagay ng alak,
para sa kalusugan at kamatayan.
Mukha silang mga bigating hindot.

Umuwi ako ng bahay, at ganap na tigulang
makalipas tawirin ang daigdig.

Ngayon ay wala na akong inuusisang tao.

Ngunit kakaunti na ang aking alam bawat araw.

Alimbúkad: World Poetry Translation Project Marathon for Humanity. Photo by Ümit Bulut @ unsplash.com

Snorri Sturluson (1179-1241), ni Jorge Luis Borges

Salin ng “Snorri Sturluson (1179-1241),” ni Jorge Luis Borges               
ng Argentina
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Snorri Sturluson (1179-1241)

Ikaw, na nagpamana ng mitolohiya
ng yelo at apoy sa gunita ng mag-anak,
na nagtala ng marahas na kadakilaan
ng palabán mong lahing Hermanika,
ay gitlang natuklasan isang gabi
ang mga espadang nagpanginig
sa di-masasandigan mong kalamnan.
Noong gabing iyon, walang kasunod
mong nabatid na isa kang duwag. . .
Sa karimlan ng Islandiya*, ang maalat
na simoy ay binulabog ang tumataog
na dagat. Napaliligiran ang bahay mo.
Tinungga mo hanggang katakatayak
ang di-malilimot na pagyurak sa dangal.
Bumagsak sa may lagnat mong ulo
at mukha ang espada, gaya ng malimit
maganap nang ilang ulit sa iyong aklat.

__________________
*Iceland

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Ricardo Cruz @ unsplash.com

Isang Gabi ng Tag-araw, ni Antonio Machado

Salin ng “Una noche de verano,” ni Antonio Machado
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isang Gabi ng Tag-araw

Isang gabi ng tag-araw—
noong bukás ang pinto ng aking balkon
at gayundin ang tarangkahan ng bahay—
ay biglang pumasok si Kamatayan.
Lumapit ito sa tabi ng kama ng anak ko—
nang hindi niya ako napapansin—
at pinalagitik sa mayuyuming kamay
ang kung anong maselang bagay.
Walang kaimik-imik na tumitig sa akin,
ang kamatayan ay tumawid sa ikalawang
pagkakataon. Ano ang ginawa mo?
Hindi siya sumagot.
Panatag ang anyo ng anak kong babae,
ngunit ang puso ko’y ano’t napakabigat.
Alam ko kung ano ang nilagot ni Kamatayan.
Ang hiblang nag-uugnay sa aming dalawa!

The Lost Child (1866) by Arthur Hughes. Photo by Birmingham Museums Trust @ unsplash.com