Ang Banoy, ni Miltos Sahtouris

Salin ng “Ο αετός” (The Eagle), ni Miltos Sahtouris ng Greece
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Bánoy

Noong natutulog siya
ang bánoy
ay bumulusok
na patay
sa kaniyang higaan
noong natutulog siya
ang kalapati’y
humapon
sa kaniyang kanang
kamay

Ang bánoy
ay itinilapon sa bangin
ng kaniyang duguang
mga daliri
ang kalapati’y
pinipiga at inihahagis
ng kaniyang duguang
mga daliri tungo
sa bákol

Noong nagising siya
ang bánoy
ay nakatindig
nang tuwid
sa kaniyang higaan
noong nagising siya
ang patalim
ay pinutol
ang kaniyang kanang
kamay

Ang kaniyang matatabang hita, ni Pablo Picasso

Salin ng “Ses grosses cuisses,” ni Pablo Picasso ng España
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang kaniyang matatabang hita

Ang kaniyang matatabang hita
Ang kaniyang malalaking súso
Ang kaniyang mga balakang
Ang kaniyang mga puwit
Ang kaniyang mga bisig
Ang kaniyang mga binti
Ang kaniyang mga kamay
Ang kaniyang mga mata
Ang kaniyang mga pisngi
Ang kaniyang buhok
Ang kaniyang ilong
Ang kaniyang leeg
Ang kaniyang mga luha

ang mga planeta ang malapad na kortinang itinabing at ang aninag na langit
na nakatago sa likod ng rehas—
ang tinghoy at mga kampanilya ng mga kanaryo ang tamis sa pagitan
ng mga igos—
ang mangkok ng gatas ng mga balahibong hiniklat sa bawat tawang naghuhubad
ang lastag na nagbabawas ng bigat ng mga sandatang inagaw sa mga bulaklak
ng hardin

ang laksang laro ng mga bangkay na nakabitin sa mga sanga ng bakuran
ng paaralang pinutungan ng sinag ng mga awit
ang lawa na pang-akit ng dugo at ng mga tinik
ang mga gumamelang nilalaro sa dais
ang mga karayom ng likidong anino at pumpon ng kristal na lumot
na naglalantad ng indak sa sayaw ng mga kulay
na naghalo-halo sa ilalim ng basong ibinuhos nang lubos
sa lilang maskara na binihisan ng ulan

Sinaing ni Nanay, ni Nguyen Phan Que Mai

Salin ng “Gian bếp của mẹ,” ni Nguyen Phan Que Mai ng Vietnam
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sinaing ni Nanay

Minamasdan ko noong aking kabataan ang ina ko,
na masigasig sa kusina na yari sa dayami at putik.
Kinukuha niya ang tsapistik at pinaiikid ang liwanag
sa kaldero ng sumusubóng sinaing,
habang ang halimuyak ng bagong ani’y
naninikit sa suot niyang damit kapag yumuyukod
siya’t ginagatungan ng patpat ang gutóm na apoy.
Ibig kong lumapit at tumulong, ngunit ang pagiging
bata ko’y nagpapaurong sa akin sa madilim na sulok
na matatanaw ko roon ang mukha ng aking ina,
matuto sa kariktan kung paano magningning sa hirap,
at kung paano magsaing ang mauling niyang kamay.

Noong araw na iyon, doon sa loob ng aming kusina,
nakita ko kung paanong isinasaayos ang kaganapan
sa pamamagitan ng maiitim na kawali at palayok,
at ng nahuhukot na likod ng aking ina, na napakapayat,
na maglalaho kung sakali’t ako’y umiyak, o tumawag.

Mga buhok ng mga bata, ni Gabriela Mistral

Salin ng “Los cabellos de los niños,” ni Gabriela Mistral ng Chile
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas

Mga Buhok ng mga Bata

Malalambot na buhok, buhok na taglay ang lahat ng kalambutan ng daigdig: kung wala kayo sa aking kandungan, anong seda ang aking kalulugdan? Kay tamis ang paglipas ng araw dahil sa gayong seda, kay tamis ang pagkain, kay tamis ang antigong pighati, kahit sa ilang oras na dumulas yaon sa pagitan ng mga kamay.

. . . . . . .Idampi yaon sa aking pisngi; ipaikid-ikid yaon, gaya ng mga bulaklak, sa aking kandungan; hayaang itirintas ko iyon upang pabawahin ang aking kirot, upang palawakin ang liwanag na abot nito habang unti-unting nauupos sa sandaling ito.

. . . . . . .Kapag nakapiling ang Diyos isang araw, hindi ko ibig na paginhawin ng mga pakpak ng anghel ang mga gasgas sa aking puso; ibig kong isaboy sa bughaw na langit ang buhok ng mga bata na aking minamahal, upang hayaang hipan yaon ng simoy padampî sa mukha ko nang walang hanggan!

Kahit magunaw ang bundok, ni Jacques Dupin

Salin ng “Même si la montagne,” ni Jacques Dupin ng France
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kahit na magunaw ang bundok

1
. . . . . .Kahit na magunaw ang bundok, at magpatayan ang mga nakaligtas . . .
Matulog, pastol. Hindi mahalaga kung saan. Matatagpuan kita. Katumbas
ng pagtulog mo ang pagtulog ko. Nanginginain ng damo sa dalisdis
ang kawan. Sa matarik na dalisdis ay nanginginain ang kawan ng hayop.

2
. . . . . .Sa labas, pumalit ang imbakan ng patay sa kama ng ilog na tinabunan ng lupa.
Ang bato, na nahubdan ng mga dahon, ang kapatid ng matalik na ulap.
Nauuna sa hula ang pangyayari, dinadagit ng ibon ang kapuwa ibon. Sa loob,
sa ilalim ng lupa, nagsisimula pa lamang maghasà ang aking mga kamay.

3
. . . . . .Nakasisindak ang nakikita ko ngunit walang imik. Ang winiwika ko,
ngunit lingid sa akin, ang nagpapalaya sa akin. Ang hindi nagpapalaya sa akin.
Sapat ba ang lahat ng gabi ko para lusawin itong sumasabog na liwanag?
O di-natitinag na mukhang nakikita, hinambalos ng bulag na puting hangin!

4
. . . . . .Tumatanggi sa aking tali ang bungkos. Sa ganitong infinito, unanimong
disonansiya, bawat búsal ng mais, bawat patak ng dugo, ay nagsasalita sa wika
nito at lumilisan. Ang sulô, na tumatanglaw sa bangin, at nagsasara rito,
ay siya ring bangin.

5
. . . . . .Itinihaya mo ang sudsod nang malasing, napagkamalang talà ang lipyà,
at sumang-ayon sa iyo ang lupa.
. . . . . .Matataas na ang talahib at hindi ko na alam kung naglalakad ako, hindi ko
alam kung buháy pa ako.
. . . . . .Mababang uri ba ang nangitim na lampara?

6
. . . . . .Di-maliparang uwak ang batuhang parang, gaya nitong di-makayang ligaya
na nagbibigkis sa atin, at hindi natin kahawig. Iyo ako. Nauunawaan mo ako.
Ang init na bumubulag sa atin . . .
. . . . . .Hinihintay tayo ng gabi’t pinasasaya, at muli nating bibiguin ang pag-aasam
nito upang magampanan niyon ang pagiging gabi.

7
. . . . . .Kapag imposible ang lumakad, nadudurog ang paa, hindi ang landas.
Nalinlang ka. Payak ang liwanag. At malapit ang buról. Kung sakali’t magkamali
akong kumatok sa pinto mo ngayong gabi, huwag magbukás. Huwag buksan ang pinto. Ang paglalaho ng mukha mo ang aking karimlan.

8
. . . . . .Upang maakyat ka, at naakyat kita—kapag ang liwanag ay hindi nasusuhayan
ng mga salita, kapag sumuray ito’t bumagsak—aakyatin ka muli. Panibagong
tuktok, panibagong mina.
. . . . . .Mula nang tumanda ang aking takot, kinailangan ako ng bundok. Kinailangan
nito ang aking mga bitak, ang aking mga bigkis, ang aking hakbang.

9
. . . . . .Paglalamay sa ituktok. Ang pagtangging bumaba. Ang hindi na manahimik.
Hindi libog o pagsukob. Ang pagdating at pag-alis nang ganap nasisilayan,
sa loob ng kumikitid na puwang, ay sapat na. Ang paglalamay sa ituktok
na hindi ko mapapasok. Ngunit palaging tinitingnan pababa. At hinahatak palapit.
Kaligayahan. Di-mawawasak na kaligayahan.

Kapag walang takot ang diwa, ni Rabindranath Tagore

Salin ng “Chitto Jetha Bhayshunyo,” ni Rabindranath Tagore ng India
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kapag walang takot ang diwa

Kapag walang takot ang diwa at taas-noo ang paglalakad
Kapag malaya at ni walang sukal ang mga karunungan;
Kapag ang mundo’y hindi na muling magkakadurog-durog
Sa makikitid na panloob na moog na matatayog;
Kapag ang salita’y umaahon sa pusod ng katotohanan;
Kapag iniunat nang ganap ang matitiyagang kamay;
Kapag hindi naliligaw ang malinaw na batis ng bait
Sa madidilim na disyerto ng mga patay na kaugalian;
Kapag ang isipan ay kinakasangkapan nang pasulong
Tungo sa papalawak na pagninilay at pakikibaka,
Tungo sa kalangitan ng minimithi’t inaabangang kalayaan,
Ama ko, pukawin mong lubos ang aking lupang tinubuan.

Sawën, ni Annie Finch

Salin ng “Samhain,” ni Annie Finch ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sawën

Annie Finch

(Célticong Todos los Santos)

Sa panahong dapat umibig ang mga dahon,
Yamang nagpaparaya ito sa kanilang lumiban
Para kumilos sa simoy, tungo sa sahig
Nagmamasid sila habang sila’y nakabitin,
At ayon sa alamat, mayroong kostura
Na tumatahi sa karimlan gaya ng pangalan.

Ngayong lumulukob ang damong yumayao
Sa lupa mula sa langit sa isang huling alon
Na maputla, gaya ng taglagas na namamatay
Upang ibalik ang taglamig, pagdaka’y tagsibol,
Tayo na namamatay ang sarili’y mahihiklat
Pabalik ang isang naiibang uri ng talukbong

Na nakabitin sa atin tulad ng makapal na usok.
Ngayong gabi, nadama ko sa wakas ang yanig.
Ramdam ko ang mga gabing humahaba palayo
Sa libong paraan sa likod ng mga araw
Hanggang maabot nila ang karimlan
Na ang lahat ng sa akin ay kanuno-nunoan.

Iginalaw ko ang aking kamay at nasalat
Ang hipo na kumislot sa akin, at nang palisin
Ko sa aking isip nang lagpas sa iba pa,
Ako ay naging ina ng aking ina.
Sintiyak ng mga hakbang sa naghihintay kong
Sarili, natagpuan ko siya, at naglabas

Ng mga bisig na hatid ang mga tugon sa akin,
Matalik, at wari’y naghihintay ng pabuya.
“Pasanin ako.” Iniwan niya ang bagnos na ito
Sa pamamagitan ng pangangatal ng belo,
At umalis, gaya ng ambar na kinalalagyan niya,
Isang regalo para sa walang hangga niyang titig.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights of all Filipinos!