Filipino at ang Halalan sa Mayo 2010

Napakahalaga ng paggamit ng wikang Filipino sa pambansang kampanya sa halalan sa Mayo, ngunit ngayon pa lamang ito ganap na nauunawaan ng mga politiko. Kung pagbabatayan ang datos mula sa National Statistics Office, ang CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) ang tinatayang may pinakamalaking populasyon sa buong bansa sa kasalukuyan, at ang pangkat ng mga lalawigang ito ay malaganap nauunawaan ang Tagalog na pinagbatayan ng Filipino. Inaasahang aabot sa tinatayang 11.9 milyong tao ang populasyon ng CALABARZON ngayong 2010, at ipagpalagay nang may 6-8 milyon ang botante rito.

Samantala, ang National Capital Region (NCR) ay tinatayang may 11.6 milyong katao ngayong taon, at kaunti ang lamang ng bilang ng babae kompara sa lalaki. Sumusunod ang Gitnang Luzon (Aurora, Bataan, Bulakan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac) na tinatayang may 10.2 katao. Kung makokopo ng politiko ang mga boto sa CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon, maaaaring makakuha siya ng 17–19 milyong boto, na napakalaki at puwedeng tumabon sa ibang lugar sa Filipinas.

Ang Rehiyon VI na sumasaklaw sa Kanlurang Visayas (Aklan, Antique, Capiz, Guimaras, Iloilo, at Negros Occidental) ay tinatayang may 7.6 milyong katao, at ang mga botante rito ay ipagpalagay nang nasa 2–4 milyong katao. Isama na rito ang Rehiyon VII na sumasaklaw sa Gitnang Visayas (Bohol, Cebu, Negros Oriental, at Siquijor) at may tinatayang kabuuang populasyong 7 milyon na ang mga botante’y nasa 2–4 milyon, at ang Rehiyon VIII o Silangang Visayas na may tinatayang populasyong  4.4 milyon na sabihin nang may halos 1 milyong botante, ay hindi makasasapat para burahin ang lamáng ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon.

May 4 milyong katao ang tinatayang populasyon ng Rehiyon XII na sumasaklaw sa SOCCSKSARGEN (South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani  and General Santos City) ngayong taon, at sa bilang na ito ay masuwerte na kung makakuha ng 1 milyong botante. Ang Hilagang Mindanao (Bukidnon, Camiguin, Lanao del Norte, Misamis Oriental at Occidental) ay tinatayang may 4 milyong populasyon ngayong taon ngunit ang mga botante’y ipagpalagay nang nasa 1–2 milyong katao.

Tinatayang may 5.7 milyon ang populasyon ng Bicol, at sabihin nang may mahigit 2 milyon ang botante rito.

Mahihinuha rito na kahit pa pagsamahin ang mga boto ng Bicol, Visayas, at Mindanao, makalalamang pa rin ang boto ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon. Makatutulong kung gayon ang mga boto na mulang Ilocos, na tinatayang may 2–3 milyong botante (isama na ang mga Ilokanong botante na nasa ibayong-dagat), at Cagayan Valley na may tinatayong mahigit 1 milyong boto; at Rehiyon XI o Davao na may tinatayang kabuuang botante na mahigit 1 milyon.

Malaki kung gayon ang pagkakataon na magwagi si Noynoy Aquino kung magiging batayan ang mga botante alinsunod sa pinagmumulang rehiyon at popularidad. Ngunit hindi nakatitiyak ng pagwawagi si Aquino, dahil may sorpresang balikwas si Erap Estrada na kilala rin sa mga maralitang pook ng CALABARZON, NCR, at Gitnang Luzon, bukod sa Davao at SOCCSKSARGEN. Makadaragdag din kung makokopo ang mga boto mula sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan) na tinatayang may halos 1 milyong botanteng nakauunawa sa mga propagandang nasa wikang Filipino.

Ang isa pang pinaglalabanan sa eleksiyon ay ang mga blokeng boto mula sa pangkat relihiyoso, militar, migranteng manggagawa, at kooperatiba. Ngunit hindi masusuma ang lakas na maaaring ibigay ng mga maralitang tagalungsod at taganayon, na posibleng mahatak ng makukulay na propaganda kung hindi kulay ng salapi. Hindi naman mapagtitiwalaan ang boto ng mga sinasabing organisadong grupo, gaya ng mga samahang masa at di-gobyernong samahan, na higit na maingay kaysa tagaimpluwensiya ng mga botante.

Kapana-panabik kung gayon ang halalan sa Mayo 10, 2010. Hinuhulaan kong magkakaroon ng mahigpit na labanan sa araw ng botohan, dahil maaaring makaapekto sa bilang ng boto ang mga mababasurang balota at ang mga botanteng hindi makaboboto sa araw ng halalan anuman ang kani-kaniyang dahilan.

Kung ako ay kandidato ngayon sa pambansang halalan, ang dapat kong ikinakampanya ay hindi lamang ang magwagi, bagkus maging ang halaga ng pagboto ng bawat lehitimong botante. Kailangang lumabas ng bahay ang mga tao, lalo na ang mga kabataan, pumunta sa presinto, ingatan ang pagsulat o pagkulay sa mga habilog na nasa balota, at tiyaking maibibilang ng makinang PCOS ang boto. Pagkaraan nito, kinakailangan ang pagbabantay sa antas na panrehiyon at pambansa, dahil ang transmisyon ng mga boto sa paraang elektroniko ay hindi pa subok, at maaaring panghimasukan ng mga eksperto sa hokus-pokus na dagdag-bawas.

Sa dakong huli, ang halalan ay tunggalian sa husay na maipaabot ang mensahe sa pinakamahusay na pamamaraan, at pagtatatag ng epektibong linya ng komunikasyon habang gamit ang wikang matalik sa mga Filipino. Bawat boto ay nagsasaad ng pagtitiwala, pananalig, at pag-asa—na pawang maisasakatawan lamang ng tao na makabayan, matuwid, matalino, at marangal sa sukdulang pakahulugan.

Advertisements

Kampanya at Halalan

Sa larangan ng politika, ang lahat ay mabubuksan at magagamit bilang kasangkapan upang makamit ang anumang lunggati ng politiko.

Natural ang bakbakan sa politika, at kahit ang pagpatay sa mga tagasuporta ng isang politiko ay maaasahan kung umiiral sa isang pook ang kultura ng sandatahang dahas. Hindi inaasahan sa politika ang pagiging santo o martir ng isang kandidato, lalo sa eleksiyon, at walang kinalaman ang relihiyon sa kaniyang husay ng pagiging estadista. Ang pagiging santo ay higit na makiling sa relihiyon at moralidad; at kung ang kabanalan ang magiging sukatan ng pamumuno, ang pamumuno ay mistulang ehemplo ng matayog na pagsisinungaling. Hindi rin inaasahan sa politika kung mula sa mahirap ang kandidato, dahil ang pagiging mahirap ang lalong magpapagunita ng masaklap at kaawa-awang buhay ng mga botante. Kahit ang kasarian ay walang kinalaman sa politika dahil sa oras na mahalal sa posisyon ang isang kandidato ay kailangang simulang pagsilbihan niya ang pangkalahatang kabutihan ng buong bayan nang walang pagtatangi sa isang kasariang kaniyang pinagmulan.

May itinuturo ang kampanya sa eleksiyon. Ito ay kung paano kikilatisin ang politikong karapat-dapat magwagi at pamunuan ang bayan. Ngunit mahirap magawa ito, dahil malimit nauulapan ng propaganda ang kampanya, at imbes na magtalo nang makatwiran ang mga kandidato ay nauuwi kung minsan sa pagbabatuhan ng putik at maaanghang na punang karapat-dapat lamang sa kubeta o imburnal. Ang pagpapakilala ng mga politiko sa pamamagitan ng polyeto ay waring paglilista ng mahabang resume. Parang nag-aaplay ng trabaho ang bawat politiko, at ang botante sa isang iglap ay nagkakaroon ng kapangyarihang maging employer na makapamimili kung sino ang dapat hirangin sa posisyong pampamahalaan. Itinuturo rin ng kampanya sa eleksiyon ang pagbabalik sa nakaraang dayaan, ang tinaguriang “dagdag-bawas,” at ang taguring ito ay nagbabanta ngayon kahit de-makina na ang halalan.

Ibinubunyag ng eleksiyon kahit ang mga balatkayong kandidato, at ang mga kandidatong ito, na lumalahok para sa anumang kapakanan ng isang politiko, ay taktikang naganap noong unang panahon at paulit-ulit pa ring nagaganap magpahangga ngayon.  Ang mga balatkayong kandidato ay maaaring pambasag ng boto ng kalaban; o kaya’y para palitawin na may kalaban ang isang politiko na ang totoo’y ayaw namang magpatalo o bumaba sa puwesto. May ibang balatkayong kandidato na tumatakbo sa eleksiyon—na kahit batid na matatalo ay ginagawa pa rin yaon—upang magpakilala sa mga botante at testingin ang agos ng opinyon para sa susunod pang eleksiyon. Ang sukdulan ng balatkayong kandidato ay nasa pang-uuyam, na naghahain ng kandidatura sa Comelec upang uyamin mismo ang proseso ng halalan at libakin ang estado ng mga manghahalal. Ngunit nasa demokratikong bansa tayo, at malaya ang sinuman na ihayag kahit ang kaniyang angking katangahan o kabaliwan.

Ang isang pampolitikang posisyon, halimbawa na ang pagkapangulo, ay natural na targetin ng sinumang matindi ang ambisyon. Hindi lamang simbolikong kapangyarihan ang pagwawagi sa halalan; kaugnay din iyon ng kapangyarihang pangkabuhayan at pribilehiyong panlipunang maibibigay lamang sa bukod-tanging nilalang. At upang maganap yaon, kinakailangan ang buong buhay na paghahanda. Magsisimula ito sa pagbubuo ng karera sa serbisyo publiko, pag-iipon ng pondo, pagtataguyod ng network ng institusyon at tao, at iba pa. Ang persona ng politiko ang pinakaiingatan, dahil sa kisapmata’y maaaring madungisan ang kaniyang maningning na karera at pulutin siya sa kangkungan pagkaraan.

Mapapansin na sa proseso ng kampanya kumikiling ang timbangan sa halalan. Ang buong proseso ay lunan ng tunggalian at interogasyon, at mahalaga kung anong pananaw ang mangingibabaw na posibleng paniwalaan ng mga tao. Mabigat ang tungkuling gagampanan ng mga propagandista at komentarista, dahil maaaring makapagpakiling sila sa opinyon ng taumbayan. Maaaring makatulong kung matangkad, makisig, matalino, at mayaman ang kandidato; ngunit maraming may gayong katangian ang nabibigo pa rin sa bandang huli kung hindi niya kayang hulihin ang guniguni ng taumbayan. At magagawa lamang ito ng politiko kung gagamitin niya ang wika at diskurso ng taumbayan.

Sa halalang ito, napakahalaga ang paggamit ng wikang Filipino sa buong proseso ng kampanya. Wika ang natitirang hiblang makapag-uugnay sa kandidato at sa mga botante. At hindi dapat isantabi lamang ito ng mga politiko. Sinumang kandidato na mabisang makagagamit ng Filipino sa pakikipagtalastasan sa taumbayan ay inaasahang magwawagi. Pinatunayan na ito ni Pang. Joseph Ejercito Estrada noon, at maaaring maulit sa halalan ngayong taon.

Sa Sinumang Kakandidato na Pangulo ng Filipinas

Maraming matututuhan sa Amerika ang Filipinas mulang kampanya hanggang halalan sa pagkapangulo ng bansa. At ilan lamang ang sumusunod:

1. Kailangan ang bagong mukha ng politika. Ang asta ni Barack Obama ang inaasahan kong gagayahin ng ating mga politiko. Ang isang bagitong senador na tumakbong pangulo ng Estados Unidos, ang politikong naghahain ng bagong pananaw mula sa niresiklong programa ng Demokrata. Ang politikong makapagpapamalas ng katiyakan sa pananalumpati, at makapagpapaalab ng damdamin ng taumbayan, at iiwas pumukol ng putik sa kaniyang kalaban, ang inaasahan kong magwawagi.

2. Tapos na ang panahon ng matandang panahon, at kabilang dito ang sungayang administrasyong naghahasik ng digmaan. Naghahanap ang mga tao ng alternatibo sa digmaan, at ng pamalit sa walang habas na pagpatay. Ang walang dahas na patakaran ng diplomasya ang hindi pa nasusubok nang ganap, at siyang dapat isaalang-alang ng sinumang sasabak sa halalan. Magiging pangunahing adyenda ang usapang pangkapayapaan sa Mindanao, at ang pagtatakda sa Mindanao, Sulu Arkipelago, at Palawan bilang mga pook ng kapayapaan at kaunlaran.

3. Pangunahing aspekto ng kampanya ang pagtitiyak sa ekonomiya ng bansa. Sa Filipinas, ang kandidato ay dapat maghanda sa plano ng muling pagsasabalangkas ng mga priyoridad, at mangunguna na rito ang pagtutuon sa agrikultura, siyensiya at teknolohiya, agham-dagat, turismo, transportasyon, at iba pang kaugnay na larang. Hindi makaaasa ang Filipinas sa pagpaparami ng call center, dahil panandalian lamang ito at nakasalalay sa ekonomiya ng Amerika na ngayon ay lugami sa krisis.

4. Kailangang isaayos ng susunod na administrasyon ang priyoridad sa edukasyon. Ang edukasyong dapat lumaganap sa Filipinas ay yaong magagamit sa loob ng Filipinas, gaya sa agrikultura, agham-dagat, paggugubat, heolohiya, at klima, kaya kinakailangan ang panibagong kampanya upang pasiglahin ang naturang mga kurso. Habang nagtutuon dito, makapagsisimula rin ng pagbubukas ng ugnayan at bagong merkado sa mga nasyong di-karaniwang pinapansin ng Filipinas pagsapit sa kalakalan. Kailangang makapagbukas ng bagong merkado at ugnayan ang bansa na bukod sa Amerika.

5. Seguridad ang isang sigaw sa kampanya sa Amerika. At ang seguridad na ito ay hindi lamang sa paglaganap ng dahas na inihahasik mulang dulong kanan hanggang dulong kaliwa, bagkus sa seguridad maging sa iniimpok na salapi sa bangko. Ang sinumang kandidato ay dapat isaalang-alang ito, at maidaragdag dito ang isa pang alternatibo sa mga tradisyonal na bangko: ang mga tinaguriang micro-credit finance na lumalaganap ngayon sa mga pook-maralita, mulang kalungsuran hanggang kanayunan.

6. Isang batik sa halalan nooong 2000 sa Amerika ang kaduda-dudang resulta ng halalan sa Florida, at siyang nagpanalo kay George W. Bush. Sa atin, mababansagan itong “dagdag-bawas,” na taguring dapat bantayan ng taumbayan. Sawa na ang mga mamamayan sa mga pandaraya sa halalan, at sakali’t maganap ito sa 2010 kahit elektroniko na ang pagboto, ay isang masaklap na pangyayaring hinuhulaan kong magwawakas sa madugong pag-aaklas.

7. Hindi na puwedeng gamitin ng sinumang politiko o partido ang musikang may karapatang-intelektuwal ng mga kompositor at mang-aawit. Labis ang paglabag dito ng partidong Republikano, bagaman nakagawa rin ng paglabag ang kampo ng Demokrata. Sa Filipinas, protektado ang karapatan ng mga kompositor at mang-aawit, at siyang isinusulong ng FILSCAP (Filipino Society of Composers, Authors, and Publishers, Inc.).

8. Huwag makipag-away sa artista, at huwag maliitin ang sinumang dalaga, gaya ni Paris Hilton. Masyadong macho itong si John McCain, at hindi niya inaakalang ang maling hambingang ipinukol niya kay Obama at paggamit kay Hilton ay babalikwas sa kaniyang mukha pagsapit sa YouTube.

9. Laos na ang magandang mukha. Hindi na puwede ang gaya ni Palin na maganda nga’y hanggang ganda lamang ang maipagmamalaki at ikahihiya ninuman ang dumi ng bibig sa pagbibitaw ng paninirang-puri sa kalaban. Hindi puwede ang ganito sa Filipinas, dahil aakalain ang gaya ni Palin na isang palengkera, bagaman higit na may dangal ang karaniwang palengkerang kaya dumadada ay upang kumita at hindi magpasikat sa halalan.

10. Kailangan ng kandidato ang di-tradisyonal na pangangampanya. At ang pangangampanyang ito ay magaganap sa cyberspace, sa loob ng mga pook ng networking, at sa mga opinyon ng mga blogistang walang espasyo sa mga palimbag na magasin, pahayagan, at tabloyd, o kaya’y walang tinig sa radyo at telebisyon. Malalaglag sa kangkungan ang mga kandidatong hanggang pahayagan lamang ang anunsiyo, na paminsan-minsan ang labas na gaya ng praise release.

11. Makabubuting maghanda na ng malinaw na plataporma de gobyerno. Maganda ang disenyo at pagkakabalangkas ng plataporma nina Obama at Biden, at ito ang dapat pinagsusumundan ng mga politiko sa Filipinas. Sa atin, ginagawa lamang ang plataporma ilang buwan bago maganap ang halalan, at ito ay isang kaululan. Maraming politiko ang nais tumakbo sa pagkapangulo, ngunit hangga ngayon ay wala pa akong nakikitang malinaw na plataporma, kahit ng kaniyang partido, hinggil sa kinabukasan ng Filipinas. Ang sinumang maunang magpaskil ng plataporma de gobyerno sa internet ang inaasahan kong makapupukaw ng pansin ng publiko.

12. Kailangan ng kandidato na magsimula nang sumuyod sa iba’t ibang sektor, at makipag-ugnayan. Ang pakikipag-ugnayan ay dapat nakabatay sa bawat isyu, at hindi sa kung magkano ang makakayang ibigay ng politiko sa programa ng isang sektor. At kung makikipag-ugnayan din lamang ang politiko, sumangguni na siya sa malalaking pangkat na may mga base sa pamayanan, at hindi gaya ng ilang pangkat na sikat lamang dahil kayang magpalabas ng anunsiyo at mag-ingay sa mga pahayagan.

13. Mahalaga sa sinumang kandidato ang mga mapa at database ng mga botante. Ngayon pa lamang ay dapat sinusuyod na ito upang mabatid kung sino-sino ang mga kontak, kung gaano kalawak ang lupain at gaano karami ang botante, at iba pa. Nakapagtataka na sa tinagal-tagal ng halalan sa Filipinas, hindi gaanong napagtutuunan ito ng bawat partido. Totoong magastos ang paglalatag ng mapa, at paglalaman ng database, ngunit ang anumang impormasyong makalap dito ay dapat gamitin sa pagsasakatuparan ng mga programa ng partidong magwawagi, at hindi itatago lamang sa baul upang pagkaraan ay gagamitin muli sa susunod na halalan.

14. Hindi makaaasa ang politiko na magpasiklab sa telebisyon. Tapos na ang panahong ito, at humina ang halina ng mga artista dahil sa pagbagsak ng produksiyon ng malalaking pelikula. Ang susunod na bakbakan ay maaaring kampanya at propaganda sa teksting,  video streaming, at iba pa.

15. Kailangan ng kandidato ang tangkilik ng mga tao. At makukuha ito hindi sa pagbubunyag ng kung ano-anong baho, dahil laos na ito at siyang kinabalahuan ng gaya ni Sen. Panfilo Lacson. Magiging matagumpay lamang ang pagbubunyag kung suportado ng mga ebidensiya, at kung hindi’y daranasin ng gaya ni Lacson ang kapalaran ni Palin.

16. Pinakamahalaga sa lahat ang pondo. Makapangyarihan si Obama dahil nakalilikom siya ng pondo para sa pangangampanya nang mabilis, at kahit mula sa ibang bansa. Kung kulang din lamang ang pondo ng kandidato, gaya ni Bayani Fernando na malakas ang loob tumakbo sa halalan, ay dapat huminto na siya sa pangangarap maging pangulo ng bansa.

Ilan lamang ang mga ito sa aking obserbasyon sa halalan. Bagaman matagal-tagal pa ang halalan sa Filipinas, makabubuting maghanda na ang sinumang kakandidato. Hindi kinakailangang gayahin ng mga Filipinong kandidato ang mga kandidato sa Amerika. Iba ang kaligiran doon at iba ang kaligiran dito. Ang pinakamahalaga sa lahat ay pagsasaalang-alang sa kinabukasan ng Filipino dahil ang mga Filipino ay yamot na yamot na sa politikang sinauna, marumi, mababaw, at kaduda-duda.