Pulo ng Noo, ni Roberto T. Añonuevo

Pulô ng Noó

Roberto T. Añonuevo

Sapagkát ang áraw ay walâng katiyákan, gáya ng mga mísil na pináuulán ng magkátunggalîng nasyón, likás lámang na manálig bílang suplíng mulâ sa angkán ng mga pithó. Itó ang másaságap mo pagsápit sa Pulô ng Noó. Doón, naitátakdâ ang mga grándeng pláno ng mga negosyánte, halimbawà sa págtatayô ng modérnong pasugálan sa gitnâ ng disyérto o tuktók ng bundók, sa túlong ng mga kabál ng salámangkéro at mapámahìing pungsoyísta. Naidídisényo ang poók panturísta, o iskédyul ng pások ng mga estudyánte’t empleádo, o kayâ’y ang sakláw ng ektá-ektáryang bukirín, bátay sa rékomendasyón ng mga wéder fórkaster na pawàng babaylán sa matemátika at ástronomíya, o kayâ’y sa álmanake ng mga bagyó at tagtuyót. Naipátutupád ang mga makabágong hílig, gáya sa kombínasyón ng bóksing at ahedrés, o pag-áwit hábang tumútuláy sa lúbid, alínsúnod sa sárbey ng artipísyal intelígens. Ngúnit pagsápit sa tradisyón, nápipilì ng mga siyentipíkong maáram ang mga politíkong máluluklók sa gobyérno alinsúnod sa hókus-pókus na resúlta ng pambansâng halálan na pinánghihímasúkan ng Impéryong Hin. At káhit ang mga propéta ng hukbóng sandátahán ay nakapágbibigáy ng paúnang babalâ kung hindî man páyo kung kailán dápat mágkudéta o manákop ng ibáng bansâ. Matíbay ang paniníwalà ng báwat mamámayán na siyá ay mulâ sa pilîng lahì. Marúnong manghulà ang mga batà at matandâ, anumán ang kasarìan, anumán ang estádong panlipúnan. At dáhil kailángang magíng mahúsay bumása ng pálad o mukhâ o ásal o panagínip, ang mga táo sa Pulô ng Noó ay ginawâng lehítimo ang pánghuhulà sa edukasyón, na umáalinsúnod sa úso ngúnit dumúdukál ang kurikulúm sa kalendáryo ni Honorio Lopez at epíko ni Nostradamus. Nanghulà sila nang nanghulà, tumayâ man sa lotto o magpáhinóg sa kalabóso, nagpágalíngan kung síno ang makábabatíd sa hindî pa naisásaaklát, hanggáng tulúyang mabalíw sa hináharáp at yakápin ang pagkabúlag sa pag-íral sa loób ng limáng minúto o labínlimáng segúndo.  Hindî nilá maúnawàan ang kaniláng tadhanà, gayóng kiníkilálang may dugô ng mga pithó. Párang diktadór, silá’y umáastáng butangéro kung hamúnin ang sinumáng tumutútol sa kaniláng rehimén, at kapág nasukól o pinukól ng mga tanóng ay kidlát kung mangatwíran na isáng birò o bulaklák ng dilà lámang ang lahát ng winikàng sabláy. Sa Pulô ng Noó, ang kapaláran ay minúskulo ng sálot na kumákawalâ sa laboratóryo ng kábuhungán: walâ ni bakúna o lúnas, at maskí ang iyóng minámahál ay maáarìng mapahámak kung hindî siyá maniníwalà sa ultimóng katotohánan.

Alimbúkad: No to war. No to occupation. Yes to humanity. Yes to poetry. Photo by Alina Vilchenko on Pexels.com

Ang Napulot sa Isang Bagyo, ni William Stafford

Salin ng “Found in a Storm,” ni William Stafford ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Napulot sa Isang Bagyo

Ang bagyo na nangangailangan ng bundok
ay natagpuan ito sa kinaroroonan natin:
Ginising tayo ng humahaginit na hangin
na nakikipagtalo sa ating tent,
at ang lahat ng nahimok na niyebe
ay bumalatay pahaba, at kinapa ang lupa.

Umatras tayo sa gayong kortina at bumaba.
Ngunit minsan, pipihit tayo pabalik
sa kortina at pilit yayao
ayon sa plano kahit may di-inaasahang bagyo,
maglalaho sa panahong malamig,
mga kahulugang naghahanap ng daigdig.

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Tiko Giorgadze @ unsplash.com

Prometheus, ni Johann Wolfgang von Goethe

Salin ng “Prometheus,” ni Johann Wolfgang von Goethe ng Germany
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Prometheus

Takpan sa makakapal na dagim
Ang iyong langit, O Zeus!
At gaya ng paslit
Na pumipigtal ng mga dawag,
Magsanay sa mga roble at tuktok
Ng mga bundok
Kailangan mo pa ring lisanin
Ang aking mundo na buong-buo,
At ang aking munting kubol
Na hindi mo naman itinayo,
At ang aking dapugan
Na ang naglalagablab na init
Ay sadyang kinaiinggitan mo.

Wala na akong alam na hihigit pa
Na kasuklam-suklam sa balát ng lupa
Kundi kayong mga bathala!
Masinop mong pinakakain
Ang iyong dakilang kamahalan
Mula sa mga buwis ng sakripisyo
At hininga ng panalangin
At magdurusa sa kakulangan
Ngunit hindi sa mga bata at pulubi,
O sa mga kaawa-awang hangal!

Minsan, noong bata pa ako’y
Hindi ko alam kung saan susuling,
Tumingala ako sa araw, na tila ba
May taingang makikinig sa hinaing,
Na may pusong gaya sa akin
Na mahahabag sa mga inaapi.

Sino ang tumulong sa akin
Laban sa kahambugan ng mga Titan?
Sino ang sumaklolo sa akin
Mula sa kamatayan, sa kaalipnan?
Hindi ba ang banal at nagniningning
Kong puso ang gumanap ng lahat
Kahit ni walang isang tumulong?
At hindi ba ang musmos at mabuti
Na nandaya ang nagpasalamat
Dahil sa pagkupkop sa kaniya,
Dahil natutulog ang nasa kaitaasan?

Magpupugay ako sa iyo? Para ano pa?
Pinagaan mo ba kahit minsan
Ang pasaning hinagpis ng tao?
Pinahimasmasan mo ba kahit minsan
Ang sindak na taglay ng mga luha ng tao?
Hindi ba ang omnipotenteng Panahon
Ang pumanday sa aking pagkatao,
At ang walang hanggahang Kapalaran
Ang kapuwa natin mga panginoon?

O naiisip mo rin ba marahil
Na kailangan kong kapootan itong buhay,
Tumakas tungo sa mga disyerto
Dahil hindi lahat ng sumisibol
Na pangarap ay ganap na nahihinog?

Narito akong nakaupo, hinuhubog
Ang mga tao mula sa aking hulagway—
Isang lahing kahawig ko:
Ang magdusa, ang tumangis,
Ang magsaya, ang magdiwang
Dahil ni minsan ay hindi ka pinakinggan
Tulad ko!
(1773)

Pamagat: Prometheus Bound. Artist: Frans Snyders. 1618.  Oleo sa kambas.Taas: 242.6 cm (95.5 ″); Lapad: 209.5 cm (82.4 ″) Museo: Philadelphia Museum of Art

Disaster, ni Wasif Bakhtari

Salin ng tula ni Wasif Bakhtari ng Afghanistan
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo,                                batay sa bersiyong Ingles ni Qasem Ghazanfar

Disaster

Ang puso ko, gaya ng mga tuyong dahon sa hurno,
Ay nasusunog sa malungkot na kapalaran
. . . . . . . . . . . . .. . . . . . . . . . . . . . .ng mga butó ng granada

Dahil sinumang tumulong na palayain ang mga ito
Mula sa mahigpit na pagkakabálot ng mga balát

Ay kinukuyom muna nang mahigpit ng mga palad
At pagdaka’y masayang ngangatain nang isa-isa.

Retrato mula kay Nathalie Jolie.

Lakad, ni Roberto T. Añonuevo

Lákad

Tula ni Roberto T. Añonuevo

Kapana-panabik ang paglalakbay
. . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .  . .kung hindi natin alam ang patutunguhan.
Hindi ba nakababató kung sakali’t nakahuhula tayo
sa resulta ng ating paghahanap?
 . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Parang nanood tayo nang paulit-ulit
sa pelikulang ibig nating iyakán o ibig nitong tayo’y pagtawanan.

Kaya sumáma ako sa iyo.
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .At waring ikaw ay nabaliw.

Hindi ka natatakot maligaw,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .lalo’t nakasakay ka sa aking katawan.

Magsuot man ako ng maskara,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . nakikilala mo ako
sa salát. . . . . . . . . . . . . . .  at tunog . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . at simoy.

Kaysarap maligaw, kung ikaw ang aking kapalaran.

Ikaw ang nagpaunawa sa akin
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . ng pakikipagsapalaran,
kahit nasa loob ng banyagang silid o napakalupit na bilibid.

Itatanggi mong isa kang makata,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ngunit hinahaplos mo ako sa hiwaga:
kung ako ang alak, tutunggain mo ako
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .nang maglaho ang aking pagkaalak
at maging ako ikaw. At malalasing ka,
at lilipad, hanggang malimot mo ang sarili at maging espiritung
nakalalasing,
 . . . . . . . . . . . . . . . . na gaya ko.

Para kang paslit na walang pakialam
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . marumihan man ang damit,
makita lang ang langit.

Napápatáwa ka na lámang, kapag sumadsad
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . ang ating barko sa kung saang baybay.

Bakit kokontrolin ang daigdig?
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . Para sabihing nasa ating palad ang tadhana?

Isang butil tayo sa walang katiyakang kalawakan,
wika ng iyong larawan, at maaaring lumalampas sa hanggahan
ng tama at mali,
. . . . . . . . . . . . . . . . . . sa kulay at pananalig,
. . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . . . .  . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . .sa wika at saklaw.
O iyan ay guniguni lámang o kaya’y narinig o nabása
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . .sa kung saang pantalan.

Sapagkat ako’y iyong iniibig
at iniibig ko’y ikaw—na totoong higit sa katwiran
kung bakit hangga ngayon
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .  .ay kapiling ka
sa paglalakbay
. . . . . . . . . . . . . . . . .na waring palaisipan
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .at nagkataong walang katapusan. . . .

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. Uphold human rights of all Filipinos, specially the poor and powerless.

Kapalaran at Punongkahoy, ni Henri Michaux

Salin ng dalawang tulang tuluyan ni Henri Michaux.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Kapalaran

Kahit ngayong narito kami sa bangka, kahit ngayong lilisan ako’t naroon sa gitna ng laot, sa yugtong ang lahat ay tila sandali ng paniningil ng utang, ang kalungkutan, siya na may matapat na gunita, ay lumitaw at nagwika: “Ako ito, naririnig mo ba? Halika, at magbalik!” At tinangay niya ako, ni walang inaksayang panahon para sa pakay, hinatak ako pabalik tulad ng unti-unting pagpasok ng dila sa bibig.

Ang Ensína

Nakatagpo ko ang punong ensína, na sinlaki ng aking daliri, at ito’y nagdurusa. Sa apat nitong dahon, ang dalawa ay ganap na nanilaw na. Ang iba pa’y nakalaylay at ni walang kinang.

Wala naman akong nakitang kaaway sa kapitbahayan, ni labis na kompetisyon.

Ang ilang matitinik na kulisap ay maaaring nakapasok doon sa ensiná. Ang ensína, ano ngayon ito sa kulisap? Ano ang halaga niyan sa kulisap?

Kayâ binunot ko ang mga patay na ugat at pinigtal ang mga tuyong dahon, at itinapon kung saan.

Dapat sanang matatag iyon, ngunit ang magsimulang mamuhay muli kahit gayong wala na ang lahat, hindi na! Hindi pa rin natuto nang sapat ang punongkahoy para sa gayong pangyayari.

“Takipsilim,” ni Jánka Kupála

Salin ng tula ni Jánka Kupála [Я́нка Купа́ла] ng Belarus.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Takipsilim

Jánka Kupála

Ibig kong mangarap ngayong takipsilim
Na ang mundo’y suot ang itim na damit,
Ang tala’y ninilip sa bintana’t dingding
O kay-gandang masdan ang tagpong malamig.

Pumasok sa diwa ang lipon ng bisyong
Malamlam ang aking palad kaysa gabi;
Kahit itong pusong matibay ang layon
Ay ano’t may luhang dumaloy sa pisngi.

At nangarap ako’t minsan pang naghintay
Nagtanong kung bakit wala akong sagot
Kung magbabago pa itong kapalaran.

Balang araw ako’y biglang papalarin.
Ang kaalipnan ba’y ganap malalagot,
O doon sa hukay ang bangkay dadalhin?

1906

“Hinggil sa Pagpapatiwakal,” ni Antonin Artaud

Salin ng “Sur le suicide” (1925) ni Antonin Artaud ng France.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Hinggil sa Pagpapatiwakal

Bago magpatiwakal, hinihiling kong bigyan ako ng ilang katiyakan ng pag-iral; ibig kong matiyak ang ukol sa kamatayan. Ang búhay, para sa akin, ay waring pagsang-ayon sa ipinapalagay na legibilidad ng mga bagay at sa mga kaugnayan nito sa isipan. Hindi ko na nadarama ang gaya ng di-matinag na sangandaan ng mga bagay na pinaghihilom ng kamatayan, pinagagaling sa pamamagitan ng pagputol sa kaugnayan sa kalikasan; ngunit paano kung hindi na ako ang anumang bagay bagkus isang paglihis na tinatangay ng mga kirot imbes ng mga bagay?

Kapag nagpatiwakal ako’y hindi para wasakin ang sarili bagkus upang muling buoin ang sarili. Ang pagpapatiwakal para sa akin ay ay isang paraan ng marahas na pagsakop muli sa sarili, ng brutal na pagsaklaw sa aking katauhan, ng pag-asam sa di-inaasahang pagdulog ng Maykapal. Sa pagpapatiwakal, muli kong ipinakikilala ang aking plano sa kalikasan, at bibigyan sa unang pagkakataon ng hugis ang mga bagay na pawang inibig. Pinalalaya ko ang sarili mula sa akondisyonadong pitlag ng mga lamanloob na pawang hindi makasabay sa aking kalooban, at ang aking búhay ay hindi na absurdong aksidente na ako’y nag-iisip ukol sa mga bagay na sinabi sa aking isipin ko. Ngunit ngayon ay pinipili ko ang aking diwain at ang mga direksiyon ng aking mga fakultad, ang aking mga tendensiya, ang aking realidad. Inilulugar ko ang sarili sa pagitan ng maganda at nakakubli, ng mabuti at masama. Itinuturing ko ang sarili na waring lumulutang, walang mga likás na pagkiling, bagkus newtral, sa estado ng pagkakapantay-pantay ng mabubuti at masasamang kahilingan.

Dahil ang búhay mismo ay hindi solusyon, ang búhay ay walang uri ng pag-iral na pinili, sinang-ayunan, at inibig nang kusa. Ito ay serye lámang ng mga kagutuman at mabalasik na puwersa, ng mumunting kontradiksiyon na nagtatagumpay o nabibigo alinsunod sa mga pangyayaring nakasusuklam na sugal. Gaya ng pagkahenyo, gaya ng pagkabaliw, ang kasamaan ay hindi patas na ibinabahagi sa bawat tao. At tulad sa masama ay gayundin ang mabuti: kapuwa bunga ito ng mga pangyayari at ng humigit-kumulang na aktibong bisa ng lebadura.

Kasuklam-suklam na likhain ka at mamuhay at damhin ang sarili sa pinakamadidilim na sulok ng isipan mo, hanggang sukdulan ng mga di-inaasahang pagsibol ng iyong di-matitinag na predeterminadong pag-iral. Sa kabila ng lahat, tayo’y mga punongkahoy, at marahil ay nakasulat sa kung saang kurbada o sa ibang pamilya ng punongkahoy na kikitlin ko ang sarili sa isang tiyak na araw.

Ang mismong diwain ng kalayaang magpatiwakal ay babagsak gaya ng tinigpas na punongkahoy. Hindi ako lumilikha ng oras at pook o sirkumstansiya ng aking pagpapatiwakal. Hindi ko iniimbento kahit ang isahinagap iyon; madarama ko kayâ ito kapag binunot nito ang aking pinag-ugatan?

Maaaring malusaw ang mismong sandali ng aking pag-iral; ngunit paano kung manatili itong buo? Paano tutugon ang nasira kong mga lamanloob? Sa anong imposibleng lamanloob ko irerehistro ang hiwa ng pagpapatiwakal na ito?

Nararamdaman kong ang sasapit na kamatayan sa akin ay rumaragasang agos, gaya ng kisapmatang kidlat na ang kakayahan ay lampas sa kayang isaharaya. Nararamdaman ko ang kamatayan na hitik sa mga kaluguran, na may paikid na laberinto. Nasaan ang diwa ng aking pag-iral doon?

Ngunit biglang tingnan ang Maykapal gaya ng kamao, gaya ng karit na humihiwa sa sinag. Kusa kong nilagot ang aking sarili mula sa búhay, at ibig ko namang baligtarin ang aking kapalaran gaya ng damit.

Ang Maykapal na ito ay inihanda ako sa punto ng absurdidad. Pinanatili niya akong buháy na hungkag sa mga pagtutol at silakbo ng pagtatakwil sa sarili; winasak niya ang lahat sa akin, hanggang sa pinakapinong alabok ng maláy, nakadaramang búhay.

Binansot niya ako tulad ng naglalakad na robot, ngunit ang robot na ito ay nakadarama ng luwalhati ng kaniyang di-maláy na sarili.

Ano’t minithi kong lumikha ng pruweba ng aking búhay. Ibig kong balikan ang umaalunignig na realidad ng mga bagay, ibig kong durugin ang pre-destinasyon.

At ano ang masasabi ng Maykapal ukol diyan?

Manhid ako sa búhay, at bawat diwaing moral ay tulad ng tuyot na batis sa aking mga ugat. Para sa akin, ang búhay ay hindi bagay o hugis; ito ay naging serye ng mga pangangatwiran. Ngunit ang mga pangangatwirang ito, gaya ng umaandar na motor, ay ni hindi makasibad sa rabaw, subalit nasa loob ko tulad ng posibleng “mga diyagrama” na sinisikap ng aking bait na itornilyo.

Ngunit kahit sa pagsapit sa ganitong estado ng pagpapatiwakal ay kailangan kong hintayin ang pagbabalik ng aking maláy na sarili; kailangan kong magkaroon ng kalayaan sa lahat ng artikulasyon ng aking pag-iral. Inilugar ako ng Diyos sa kawalang-pag-asa, gaya sa konstelasyon ng mga hanggahang wakas, na ang ningning ay nagtatapos sa akin.

Hindi ako mabubuhay o mamamatay, ni wala akong kakayahang hilinging mamatay o mabuhay. At ang buong sangkatauhan ay kahawig ko.