Ang Panunuluyan

Tubong Bulakan, Bulakan si Emilio A. Bunag na isinilang noong 5 Pebrero 1902 at sumikat na makata noong dekada 1920-1930 sa paghalaw ng mga tula ni William Shakespeare at iba pang banyagang makata. Mapaglaro ang mga taludturan ni Bunag, na pinaghahalo ang maiikli at mahahabang taludtod bukod sa sumubok kahit sa tigdadalawampung pantig bawat taludtod na napakahirap gawin sa Tagalog at mahirap malathala dahil sa kahingian ng mga publikasyon noon. Kabilang si Bunag sa mga sumunod kina Iñigo Ed. Regalado, Pedro Gatmaitan, at Benigno Ramos na nag-eksperimento sa sukat ng mga saknong, bagaman masasabing naanggihan ng banyagang impluwensiya ang kaniyang pananalinghaga at paraan ng paglalatag ng hulagway at dalumat. Nalathala ang mga tula ni Bunag sa gaya ng Alitaptap, Ningning, at Pagkakaisa at pagkaraan ay ibinilang sa antolohiya ni Teodoro A. Agoncillo. Nangingibabaw sa kaniyang mga tula, ani Agoncillo, “ang yaman ng diwa sa rikit ng pagkatula.”

Maihahalimbawa ang tulang “Ang Panunuluyan” ni Bunag, na nalathala noong 19 Disyembre 1929 sa Alitaptap.

Ang Panunuluyan

1 Akay-akay ng asawa, gabing-gabi’y naglalakad
nanlalamig, nalulungkot, nagdarasal, umiiyak;
tumatawag sa balana’y walang pintong nagbubukas,
dumaraing sa lahat na’y walang pusong nahahabag,
gayong ito ang babaing pinili sa madlang dilag
upang siya maging ina ng mananakop ng lahat.

7 Samantalang sa tahanan ng mayama’t malalaki,
madlang mga panauhin sa ligaya’y wiling-wili,
munting silid na hiningi, sa kahit na isang tabi,
sa abang nanunuluya’y walang awang itinanggi;
hindi nila nalalamang ang kanilang inaapi
ay babaing may himala na sa puso’y nakukubli.

13 Dulo tuloy, ang babaing kinakasihan ng Diyos
at dakila sa lahat na ng sumikat na alindog,
sa labangang nanrurumi’t sa dayaming gusot-gusot,
ay doon na napanganak at doon na napalugmok;
samantala’y buong langit ang naluluha sa gulod,
at ang tanang mga anghel, sa pitaga’y naluluhod.

19 Ayan ngayon ang larawan ng masungit na daigdig
na sa abang pagkatao ay palaging umiismid;
walang laging tinitingnan kundi tanghal at marikit,
at ni hindi tumutunghay sa palad ng maliliit;
dulo tuloy, kahit kanyang guro’t Diyos sa matuwid,
hindi niya nalalama’y minamata’t tinitiis.

25 Ang sa kanya’y nagsasakit magbigay ng pagkaligtas,
ang lagi pang ayaw bigyan ng tulong at pagkahabag;
patuloy sa paglalasing sa lumalasing na galak,
at ang aral na mabuti’y nilulunod sa halakhak;
Diyos na ang lumalapit ay hindi pa tinatanggap,
at patuloy sa ligayang sa hinagpis nagwawakas.

31 Mano nawang ang nangyari sa palad ng birheng mahal,
magbawas na nang bahagya sa atin ding kataasan;
magunita sana nating sa banig ng karukhaan,
ang Diyos ng sandaigdig ay minsan ding mapaluwal;
matutuhan sana nating sa gitna ng paglilibang,
ang palad ng mga dukha’y magunitang minsan-minsan.

37 Araw-gabi’y naririnig ang malungkot na pagdaing
ng maraming mga dukha na di natin pinapansin;
nar’yan ang batang limahid na sa Paskong dumarating,
wala man lang ni laruang sa dalita’y ipang-aliw;
hindi natin malalamang baka diyan magsusupling
ang isa pang bagong Kristo upang tayo ay tubusin.

43 Nar’yan ang maraming isip na sa dilim nakakulong,
na hindi man inaabot ng ilaw ng isang tinghoy;
mga sawing kaluluwang tumaghoy man nang tumaghoy,
ay lalo pang nilulusak sa dalitang suson-suson;
gayong iya’y mga taong pag ginising ng panahon,
batong uling, na kung minsa’y may ningas na nag-aapoy.

49 Naririyan ang pag-ibig na animo’y isang mutya,
singlinis ng isang birhe’t simputi ng isang bula;
sumasamo sa daigdig na ang buong sangnilikha
ay maanong pabigkis na sa magandang tanikala;
ngunit itong mga tao’y patuloy na nagbabangga
at sa tambol ng digmaan ay lasing na natutuwa.

55 Mga bagong birhen itong sa sangkatauhang haling,
ang tulong na hinihingi ay ating ikagagaling:
hinihinging ang dalita ay tanglawan at kupkupin,
saka ang kapayapaa’y paglingkuran at mahalin;
hanggang hindi’y may birhen pang lating aapihin,
at isa pang bagong Kristong hindi kusa’y makikitil.

Ginamit ni Bunag sa tula ang lalabing-animing pantig bawat talutod na sukat, na nilapatan ng hati [caesura] na 8/8. Bagaman may pagtatangka na gawing 4/4/4/4 ang putol ng mga salita ay hindi naging matagumpay, at maihahalimbawa ang mga taludtod 6, 8, 10, 13, 31, 43, 50, 56, at 58 na pawang sablay. Isahan ang tugmaang ginamit sa mga saknong, gaya ng tugma na ginamit ni Francisco Baltazar Balagtas.

May tatlong yugto ang nasabing tula. Una, isinalaysay ang naging kapalaran nina Maria at Jose na naghahanap noon ng tahanang maaaring maging panandaliang himpilan dahil kagampan si Maria at malapit nang manganak. Ngunit tinanggihan ang mag-asawa, kahit sa mga tahanan ng mayayamang may kakayahang tumulong. Napilitang sumilong sa sabsaban ang mag-asawa, at doon isinilang si Hesus habang naluluha sa tuwa ang mga anghel. Ikalawa, ibinunyag sa sumunod na tagpo na ang tagapagligtas [Hesus na magiging Kristo balang araw] ay handang magpakababa para sa mga tao, subalit ang mga tao na ito ay nabubulag sa panandaliang layaw at pagsasaya. Isinermon ng tula ang pangangailangang maging mapagkumbaba, at alalahanin ang mga dukha. Ikatlo, inilahad ang malulungkot na kapalaran ng mga dukha: ang mga batang palaboy, ang mga mangmang, ang mga nagdurusa, at ang mga biktima ng digmaan. Ang naturang problema ang dapat umanong lutasin. At kung hindi magaganap ito, mauulit muli gaya ng karma ang tadhana ni Maria at mamamatay nang wala sa panahon ang inaasahang tagapagligtas ng sangkatauhan.

Ang tradisyon ng panunuluyan ng banal na mag-anak, ayon sa paniniwala ng Kristiyanismo, ay binihisan ni Bunag ng bagong damit at hiniyasan pa ng pampolitikang kulay. Ang panunuluyan ay hindi lamang pagsasadula ng masaklap na karanasan nina Maria, Jose, at Hesus doon sa sabsaban, at panimulang yugto ng pagliligtas sa sangkatauhang may bahid ng orihinal na kasalanan. Ang panunuluyan ay pagpapagunita sa atin na kahit sa dukhang kalagayan ay naroon ang kaligtasan at pag-asa. Sa gayong pananaw, ang kaligtasan ay hindi lamang ekonomikong produkto at puwersang magmumula sa hanay ng mayayaman, bagkus kaligtasan sa ngalan ng katwiran at kabutihang-asal ng lahat ng tao. Ang pagdamay sa kapuwa tao ang dapat umanong pahalagahan, dahil ang pamilyang dukha ngayon ay maaaring maging tagapagsalba ng daigdig—hindi lamang sa lárang ng relihiyon, kundi sa iba pang lárang na gaya ng edukasyon, kalusugan, politika, sining, at ugnayang-panlabas.

May iba pang paraan kung paano susuriin ang tula. Halimbawa, maaaring timbangin ang konsepto ng “kaligtasan” at “tagapagligtas” sa punto de bista ng mga karaniwang tao at hindi bilang diyos na nagkatawang-tao. Sa gayong paraan, mababago kahit ang pagpapahalaga sa “kaligtasan” dahil imposibleng magawa iyon ng isa o dalawang tao lamang. Kailangan ang sama-samang pagkilos ng mga tao, gaya ng isinasaad sa Katipunan nina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto. Ang “bayani” ay mahihinuhang hindi lamang si Hesus, kundi ang lahat ng tao na nagkakaisa ng pananaw na lumikha ng kabutihan upang ituwid ang pagkakamali ng nakaraang panahon o henerasyon. Mahalagang matuklasan ng mga tao na may kakayahan din silang maging tagapagligtas, gaya ng pangangahas ni Hesus na tatawaging “Kristo” balang araw.

Ang pagsilang ng tagapagligtas ay maaaring hindi na matagpuan sa materyal na sabsaban balang araw. Matatagpuan marahil ito sa matalinghagang sabsaban ng ating mga kalooban, at ang tanging maiiwan na lamang ay hulagway ng gaya nina Hesus, Maria, at Jose na mag-anak na kumakatawan sa kapayapaan, liwanag, at kaginhawahan.

Advertisements

Pasko at Pasasalamat

Dumarating ang Pasko, at malimit regalo ang inaabangan ng mga tao. Ngunit ngayon, nais ko namang magpasalamat sa lahat ng biyaya na tinanggap at tatanggapin pa. Kaya bago ako mamatay, salamat sa umagang ito.

Salamat sa simoy.
Salamat sa sinag.
Salamat sa tubig.
Salamat sa lupa.
Salamat sa mga kaibigan.
Salamat sa mga kaanak.
Salamat sa mga kaaway.
Salamat sa mga kakilala.
Salamat sa pagkain.
Salamat sa inumin.
Salamat sa kalusugan.
Salamat sa musika.
Salamat sa mga aklat.
Salamat sa mga retrato.
Salamat sa mga trabaho.
Salamat sa kompiyuter.
Salamat sa internet.
Salamat sa firewall.
Salamat sa scanner.
Salamat sa kamera.
Salamat sa mesa.
Salamat sa upuan.
Salamat sa dyip.
Salamat sa taksi.
Salamat sa traysikel.
Salamat sa traysikad.
Salamat sa pulis.
Salamat sa barangay.
Salamat sa alkalde.
Salamat sa aktibista.
Salamat sa weytres.
Salamat sa sisig.
Salamat sa tokwa’t baboy.
Salamat sa serbesa.
Salamat sa wiski.
Salamat sa brandi.
Salamat sa lahat ng alak.
Salamat sa simbahan.
Salamat sa pananalangin.
Salamat sa pari at layko.
Salamat sa Boracay.
Salamat sa Palawan.
Salamat sa Ilokandiya.
Salamat sa Bicolandiya.
Salamat sa Romblon.
Salamat sa Baguio.
Salamat sa dagat.
Salamat sa parola.
Salamat sa bus.
Salamat sa mga bata.
Salamat sa gabay.
Salamat sa mga makata.
Salamat sa unibersidad.
Salamat sa publikasyon.
Salamat sa imprenta.
Salamat sa mga raket.
Salamat sa mga laro.
Salamat sa kama.
Salamat sa upuan.
Salamat sa intelektuwal.
Salamat sa mangmang.
Salamat sa masipag.
Salamat sa tamad.
Salamat sa tindera.
Salamat sa biyahero.
Salamat sa tsuper.
Salamat sa GRO.
Salamat sa pagbati.
Salamat sa sermon.
Salamat sa eskultura.
Salamat sa pintura.
Salamat sa wika.
Salamat sa kapisanan.
Salamat sa sombrero.
Salamat sa poster.
Salamat sa diyaryo.
Salamat sa radyo.
Salamat sa telebisyon.
Salamat sa kartero.
Salamat sa mensahero.
Salamat sa doktor.
Salamat sa masahista.
Salamat sa hardinero.
Salamat sa magsasaka.
Salamat sa mangingisda.
Salamat sa saklolo.
Salamat sa mga anak.
Salamat sa kabiyak.
Salamat sa alaala.
Salamat sa lahat ng minamahal.
Salamat sa mga Anito’t Maykapal.
Salamat sa lahat ng hindi ko nabanggit.
At salamat din sa sarili
para masabi ang lahat ng pasasalamat na ito.

Maligayang Pasko sa inyo, at manigong Bagong Taon!

Disenchanted Kingdom

Malaya kang pumasok sa kahariang ito, makaraang pumila at makapagbayad ng limandaang piso at makatanggap ng tiket tungo sa aliwang bayan. Tiyakin lamang na huwag magbibitbit ng pagkain, dahil ano pa ang silbi ng mga tindahan at kainan sa loob kung lalangawin lamang sa taas ng presyo? Magsuot ng tumpak na damit at sapin sa paa, at bagayan ng magagalang na pananalita at kilos, dahil hinihingi ng mga dugong-bughaw ang paggalang mula sa kanilang mapapalad na panauhin.

Ang paghakbang papasok ay pagkaligta, kahit sandali, sa iyong kinamulatang bayan. Papasok ka rito hindi bilang Filipino, bagkus bilang mamamayang nasa kapangyarihan ng hari at reyna. Ito ang lunan ng salamangka at pista, na pawang tumitighaw sa layaw at pagmamalabis. Ipinaloob dito ang bonsai na kagutaban, ang robotikong galaktika, ang sinaunang Brooklyn, at iba pang pook na banyaga sa iyong hinagap.

Ipalalasap sa iyo ng palsipikadong sanaw, talón, at dagat ang mga ilahás na tubigang nakapaikot sa iyong kapuluan at hindi mo tatangkaing puntahan. Mahihindik ka sa mahika ni Harry Houdini, at ang mga mangkukulam at babaylan ay maitataboy palayo sa iyong isip. Makikiliti ka sa panandaliang tato, at kahit itakwil mo ang pagiging katutubo ay magiging isa ka nang kosmopolitanong pintado.

Mauunawaan mo ang pag-iral ng dinosawro at panahon ng yelo sa panahon ng pagbabagong-klima. Sa kabila ng lahat, maaakit ka pa ring bumili ng sorbetes at magpalamig sa haluhalo habang tumitindi ang sikat ng araw. Sisipatin mo ang mga eroplanong yari sa kahoy at dambuhalang ferris wheel, at susubuking sumakay mamaya, subalit magdaraan muna sa tulay na niyari noong sinaunang panahon.

Maglakad nang maglakad at malulustay ang oras nang hindi mo inaasahan.

Sasapit ka sa mga kabayong mekanikal at lumilipad, o sa mga kotseng nagbubungguan, o sa mga sisneng paikot-ikot sa lawa-lawaan. Maaaring sumilip sa mga tindahang naghahain ng kung ano-anong eksotikong alahas o imported na tisert mulang Afrika at Brazil, at makapipili pa ng samot-saring pasalubong para sa iyong anak, kasintahan, asawa, at kaibigan. Ipagpatuloy mo ang paglalakad at maiinggit ka sa mga magkasintahan at mag-anak na magkakahawak-kamay, at kung maghalikan o magyakapan ay parang kanila ang buong daigdig.

Mauunawaan mo ang apat na dimensiyong teatro at ang dalawahang panig na barilan. Luluwa ang iyong mata sa ikinukubling kayamanan ng Rio Grande. Magugutom ka at tatanghod sa mga tindahan para makabili ng nilagang mais at sopdrink, ngunit dahil kulang na ang iyong badyet ay iisipin na lamang ang mga pagkaing iyong iniwan sa bahay o kung hindi’y sasamyuin ang iniluluto sa Hotdog Kiosk. Mahihilo ka sa gutom at laro, iinom nang sapat sa gripo, at ang laro ang magpapagaan sa iyong kumakalam na loob.

Saka ka matatauhan na gumagabi na pala. Malayo ang landas pauwi, at naririnig mo na ang pagtatalumpati ng iyong bituka. Paglabas mo ng tarangkahan, ang kaharian na iyong ginalugad ay parang maglalaho ang mga kutitap kasabay ng pagbati ng bantay. Lumalamig ang ihip ng simoy, at ilang araw na lamang ay Pasko na. Ngunit ano ba ang Pasko kahit napanood mo ang munting dula hinggil sa buhay nina Hesus, Maria, at Jose?

Tatanawin mo muli ang kaharian. Pagkaraan ay ipagpapatuloy ang paglalakad habang naiinggit sa dami ng mga kotse, van, at bus na tiyak na maghahatid sa mga turista.  At marahil, makikiangkas ka sa kung anong sasakyan palabas sakali’t may magpaangkas, o kung hindi’y magtatanong sa sinumang makakasalubong sa daan kung paano makararating patungo sa iyong tinitirhan. Halos sumayad ang iyong dila sa lupa, ngunit wala sa iyong maaawa. Komersiyal at mabilis, ang lilisanin mo ay ano’t hinding-hindi na muling magiging kagila-gilalas, kakatwa, at mistikal.

Parol at Aginaldo mula sa Dalawang Dakila

Mahigpit na magkaribal sa balagtasan at koronasyon ngunit matalik na magkaibigan sa tunay na buhay sina Jose Corazon de Jesus at Florentino T. Collantes. Sila ang pinakatanyag na pares sa buong panahon ng balagtasan—at hinangaan ng mga kapuwa makata at hinabol ng mga babae—dahil kapuwa sila nagtataglay ng mataginting na tinig sa bigkasan at husay sa matulaing pangangatwiran. Higit pa rito, sina De Jesus at Collantes ay mga lantay na makata, at bihasa sa pagkatha ng mga tulang pasalaysay. Maihahalimbawa ang dalawa nilang piyesa na pumapaksa sa kapaskuhan. Ang tula ni De Jesus ay tungkol sa parol, samantalang ang tula ni Collantes ay hinggil sa batang dukhang namamasko.

Ang Magandang Parol
ni Jose Corazon de Jesus

Isang papel itong ginawa ng lolo
may pula, may asul, may buntot sa dulo;
sa tuwing darating ang masayang Pasko
ang parol na ito’y makikita ninyo.

Sa aming bintana doon nakasabit
kung hipan ng hangi’y tatagi-tagilid,
at parang tao ring bago na ang bihis
at sinasalubong ang Paskong malamig.

Kung kami’y tutungo doon sa simbahan
ang parol ang aming siyang tagatanglaw,
at kung gabi namang malabo ang buwan
sa tapat ng parol doon ang laruan.

Kung aking hudyatin tanang kalaguyo,
mga kapwa bata ng pahat kong kuro,
ang aming hudyatan ay mapaghuhulo:
“Sa tapat ng lolo tayo maglalaro.”

Kaya nang mamatay ang lolo kong yaon,
sa bawat paghihip ng amihang simoy,
iyang nakasabit na naiwang parol
nariyan ang diwa noong aming ingkong.

Nasa kanyang kulay ang magandang nasa,
nasa kanyang ilaw ang dakilang diwa,
parang sinasabi ng isang matanda:
“Kung wala man ako’y tanglawan ang bata.”

Inilalahad ng “Ang Magandang Parol” (1928) ang kuwento ng lolo na nakaugaliang gumawa ng parol tuwing kapaskuhan. Ang naglalahad na persona ay isang apo, na inilarawan ang silbi ng parol mulang palamuti at tagatanglaw hanggang sagisag ng mga batang naglalaro tuwing gabi. Mahihinuhang ang parol ay hindi na lamang sagisag ng tala na tumanglaw sa sabsaban nang isilang ni Maria si Hesus. Ang parol, sa pananaw ng personang bata, ay tagapagpagunita ng diwain at katauhan ng lolo sa kaniyang apo. Pumanaw man ang lolo, magbabalik ang kaniyang alaala tuwing kapaskuhan dahil sa magagandang karanasang idinulot niya sa kaniyang apo, at kabilang na dito ang paglikha ng marikit na parol tuwing kapaskuhan. Ang parol, gaya ng sinaunang bituin, ay inaasahang magniningning at tatanglaw sa isip at kalooban ng bata kahit sabihing naulila na ang bata.

Sa tula ni De Jesus, ang parol ay lumalampas sa silbi nitong maging palamuti lamang sa bahay o simbahan. Ang simbolo ng parol ang higit na mahalaga, at kaugnay ng simbolikong liwanag na inaasahang gagabay sa paglaki ng bata at hahalili sa paggabay ng lolo sa kaniyang apo. Nadaragdagan ang kargang pahiwatig ng parol dahil iyon ay hindi karaniwang parol na mabibili sa merkado. Ang parol ay nilikha ng lolo, kaya nagkakaroon ng halagahang sentimental sa panig ng bata. Nagsisilbi ring tagapamagitan ang parol sa lolo at bata, at sa parol na ito isinasalin ng bata ang kaniyang pagpapahalaga sa lolo niyang minamahal.

Naiiba naman ang rendisyon ni Collantes sa kaniyang tulang “Dahilan sa Pasko” (1929). Heto ang teksto ng buong tula.

Dahilan sa Pasko
ni Florentino T. Collantes

Nagsabit ang parol, at ang mga ilaw
sa lahat ng dako’y iba’t ibang kulay.
May tugtugan dine, doon, may awitan
sa kabi-kabila’y naghahalakhakan.
Inuman ng alak, kalansing ng pinggan
binata’t dalaga’y nangagsasayawan. . .
Noche Buena noon, ipinagdiriwang
ang Banal na Bata sa Kanyang pagsilang.

Ngunit itong mundo’y katulad ng saga
“Ang kabila’y itim, pula ang kabila.”
Hanggang nagsasaya ang maririwasa
ay naghihimutok ang mararalita.
Sa gabi ring yaon ng awit at tuwa
ay may isang Inang kalong ng pagluha.
Ibig mang magsaya ay walang magawa;
ibig mang kumain, ang makai’y wala.

Papa’no’y ang kanyang asawa’y may sakit
may ilang linggo nang nahiga sa sakit.
Ang inaasahang matipunong bisig
noon pa ba naman mahapo’t mangawit.
Ngunit hindi ito ang lalong hinagpis
kundi ang kawawang anak nilang ibig.
O! Pasko na búkas! Ngunit walang damit
itong anak nilang sukat na magamit.

O! Pasko na búkas! Sa mga lansangan
ang maraming bata’y magsisipamasyal.
Magsisipamaskong may bagong bihisan
at magsisikain sa mga handaan.
Ngunit tangi kayang anak niya lamang
ang di makikita sa gayong lakaran?
Ang anak ng iba’y nagkakatuwaan
itong kanyang anak ay tatanaw-tanaw.

Ang kinabukasa’y parang nakikita’t
naguguniguni ng kawawang Ina:
Ang maraming batang nakapamasko na
may dalang laruan at kay-saya-saya;
ngunit itong bunsong bunga ng pagsinta
ay titingin-tingin at mamata-mata.
Ito palang Pasko’y lalo pang mapakla
kung dumating itong nagdaralita ka!

Ngunit ang naisip ng Inang may lumbay
dulutan ang anak ng kaligayahan.
Kung kaya’t noon di’y binuksan ang kaban
hinugot ang saya na ipinangkasal;
tinahi noon din at pinaglamayan
at ginawang baro ng anak na hirang.
Saka nang dumating ang kinabukasan
halos naluluhang bunso’y binihisan.

At pinapamaskong katulad ng lahat
na maraming bata na tigib ng galak.
Ngunit itong batang walang kamag-anak
parang sinusundan ng masamang palad.
Ang iba’y mayroong perang tinatanggap
dapuwat sa kanya ay walang lumingap.
Pati pala Pasko’y meron ding mahirap
at ang aginaldo’y hindi rin laganap.

Ang kawawang bata, tuwing mananaog
ang napagpaskuha’y luha at himutok.
Yaong ibang bata ay tigib ng lugod
at sa aginaldo’y nagkakampuputot.
Malata man siya at nadadayukdok
sa mga handaa’y walang nagpatulog.
Hanggang sa marating ang bayang kanugnog
walang nagkamaling kamay na nagkupkop.

Nang papauwi na sa kinahapunan
maputi sa gutom, malambot sa pagal.
Sa maraming bata ay napahiwalay
nadaan sa isang magarang tahanan.
“Magandang Pasko po!” ang bating magalang
ngunit nabulagta ang lunong katawan.
Dalawang matandang kapwa namamanglaw
ang siyang naawang ang bata’y tulungan.

Nang mahimasmasan ang kulang ng palad,
tanong ng matanda: “Kangino ka anak?”
Ang kawawang bata sa pagpapahayag
sa matang malamlam nanalong ang perlas.
Itong mag-asawa sa pakikimatyag
ang dibdib ay halos magiba’t mawalat.
At di pa man tapos ang pagsisiwalat
niyakap ang batang luha’y nalalaglag.

Ito palang batang palaboy lansangan
ay anak ng bunso nilang minamahal;
ng mutyang dalagang nang minsang magtana’y
di na pinapanhik sa mahabang araw.
Ito palang batang lipos kagutuman
ay kanilang apo’t dugo nilang tunay.
Samantalang sila’y nasa kayamanan
ama’t ina nito’y nasa kahirapan.

At ang nagkalayong puso sa pag-ibig
dahilan sa Pasko’y muling nagkalapit.
Ang namaskong bata nag muling magbalik
kasama ang ingkong at ang impong ibig.
Masaya na ngayon at wala nang galit,
nakatkat sa diwa ang mga hinagpis.
Kung kaya’t ang dating nagkalayong dibdib
dahilan sa Pasko’y muling magkadikit.

May apat na bahagi ang tulang sinipi kay Collantes. Una, ang pananabik at pagsasaya ng buong bayan dahil sa pagdating ng araw ng pasko. Ikalawa, ang lungkot ng isang dukhang mag-anak, at pagnanais ng ina na bigyan ng damit ang kaniyang anak at pagalingin ang sakit ng bana. Ikatlo, ang pamamasko ng bata at kabiguan nitong makapamasko. At ikaapat, ang pagkakatuklas ng bata sa lolo’t lola niyang maykaya—na dating nagtampo at itinakwil ang anak nilang babaeng nakipagtanan sa kaniyang kasintahan—at nang bandang huli’y nakipagbati sa kanilang anak.

Ang tula ni Collantes ay maituturing na kuwento bagaman nasa anyong patula. Inilalahad sa tula ang dalawang panig ng mga uring panlipunan (i.e., mayaman at mahirap), at depende sa uring pinagmulan ng isang mag-anak ay nakasalalay doon ang kanilang kaginhawahan. Ang pasko ay mahihinuhang umabot na sa yugto ng pagiging materyalistiko ng mga tao, na ang kaligayahan ay laging ipinapantay sa dami ng handa, regalo, panauhin, at pagsasaya. Sa kabila nito, ipinakita rin sa tula na ang kapaskuhan ay pagsasabuhay ng tunay na pagmamahal ng magulang sa kaniyang anak, gaya ng pagsasakripisyo ng inang tahiin ang damit na anak kahit ang tela ng damit ay mula sa kaniyang kasuotang pangkasal.

Ang pamamasko ng mga bata sa bahay-bahay ay matagumpay ding nailahad sa tula. Ngunit ang gayong pamamasko ay depende sa bata, at malimit nakararanas ng deskriminasyon ang mga batang dukha dahil ni kusing ay hindi sila nagkakapalad na abutan sa mga pinamamaskuhang tahanan. Kung ang mayayamang bata ay hindi kinakailangang mamasko (dahil maaaring ipinadadala na lamang sa kanila ang regalo at aginaldo), ang mga dukhang bata ay kailangang maglakad at magbahay-bahay nang buong maghapon at magbaka-sakali sa mabuting kalooban ng mga tao.

Ang kabiguan ng batang makapamasko ay magbabago sa dakong huli. Hindi man nakapamasko ang bata ay tinanggap niya ang pinakamahalagang regalo: ang pagkakatuklas sa kaniyang lolo at lola. Ang lolo at lola na pawang nabagbag ang loob sa bata ay natuklasan din na iyon ang kanilang apo. Ang bata ang nagsilbing tagapamagitan sa ina ng bata at sa mga magulang nito. Ang pagbabagong-loob ng lolo at lola tungo sa kanilang anak na babae ay pagwawakas din ng pangungulila sanhi ng pagkakawalay ng anak sa magulang.

Higit pa rito, ang ipinangangakong magandang bukas para sa bata ay mahihinuha sa posibilidad ng pagtulong ng maykayang magulang sa kanilang anak na naghihirap sa kasalukuyan. Ang bata ay masasabing nagtamo ng ibayong ginhawa kaysa kaniyang mga kalaro at kaibigan, dahil hindi lamang mabubuo ang pamilya kundi makapagsisimula rin ng bagong relasyon sa panig ng mga magulang at anak. Ang bata ang mahihinuha ring tagapagligtas sa materyal na kahirapan ng kaniyang mga magulang, at tagapagligtas din sa kalungkutan o pangungulila ng kaniyang lolo at lola. Sa tula ni Collantes, ang esensiya ng pasko ay nasa bata na inaasahang magiging pag-asa ng bagong henerasyon.

Ang tula ni Jose Corazon de Jesus at ni Florentino T. Collantes ay rumirikit dahil iniangkop iyon upang bigkasin at pagnilayan ng madla ang mga konseptong gaya ng pagmamahal, pagpapamilya, kapaskuhan, pagreregalo, at palamuti. Ang mga salita ay madaling mauunawaan ng babasa o makaririnig, at magaan ang taktika ng pagsasalaysay dahil ang mga dalumat ay matalik sa puso ng taumbayan. Gayunman, ikinukubli ng gayong gaan ang bigat ng diwaing ipinahahatid ng tula: Na ang pagtuklas sa kapaskuhan ay higit sa kayang ibigay ng materyal na bagay. Ang parol ni De Jesus at ang aginaldo ni Collantes ay lumalampas sa mga orihinal nitong silbi at pagpapakahulugan, kaya ang dating pagkakaunawa sa mga panlabas na katangian ng kapaskuhan ay napapalitan ng matiim na pagpapahalaga sa pakikipagkapuwa, paggunita, at pagmamahal.