Líbas, ni Anna Akhmatova

Salin ng “Ива,” ni Anna Akhmatova ng Ukraine at Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Líbas

At lumaki ako sa nakapadrong kapayapaan
Sa malamig na silid ng mga bata nang nasok ang siglo.
At hindi ko ikinalugod ang mga tinig ng tao,
Bagkus ang tinig ng hangin na aking nauunawaan.
At minahal ko ang mga amorseko at lipang-aso
Ngunit higit sa lahat, itinangi ko ang pinilakang líbas.
At nagpapasalamat na nabuhay ito nang lubos
Sa piling ko, nang tumatangis ang mga sanga
Na pinapaypayan ng aking di-makaling panagimpan.
Nakakaasiwa! Nahigitan ko ang buhay nito.
Naroon ang tuod, at ang banyagang mga tinig
Ng iba pang líbas na nagsasalita nang ganito o ganoon
Sa lilim ng ating matandang kalangitan.
Ngunit napatatahimik ako kapag yumao ang kapatid.

Líbas [Willow]. Retrato ni Francisco Delgado @ Unsplash.com

Antígona, ni Claribel Alegría

Antígona

Salin ng tulang “Antígona” ni Claribel Alegría mulang El Salvador.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.

Ililibing ko ang aking kapatid
kahit katumbas ito ng aking kamatayan
nang di-alintana ang mga batas
ng tunggalian.
Nagkamali ng akala si Creon
na iiwan ko ang bangkay
para pagpistahan ng mga buwitre.
Pinahiran ko ng langis ang mga braso
nang may poot
at buong tatag
upang silaban ang mga sigâ
na lalamon sa kaniyang katawan.
Nagkamali ng akala si Creon
na kaming mga babae’y mahihina
ang loob, hindi nanlalason ng isip
o kaya’y tumatakbo palayo sa panganib.
Ililibing ko ang aking kapatid
nang walang takot,
at buong pagmamahal.

Sa ngalan ng Ama

Magsisimula ang salinlahi, at ikaw ang tagapaghatid ng binhing mula sa kaitaasan. Sasambahin ng daigdig ang salita mo, ang salitang ang totoo’y inusal ko’t inagaw mula sa bibig mo, ngunit mabibigong maunawaan ang pahiwatig at kaisipang magpaparami ng mga tao. Lalago ang iyong kayamanan, gaya ng itinanim na punongkahoy at aklat, at inaasahan mong likás lamang sa amin ang magnasa sa materyal nang higit sa kailangan. Galante kang magpupundar ng mga bahay sa dumaraming demonyito’t anghel. Ikaw ang sentro, na may puwersang sentripetal na magpapainog sa mga planeta, gayunman ay ipapaubaya sa kabiyak ang liwanag sa loob ng tahanan. Kahit hindi naisin, sisibol sa iyong hapag ang sutil na bunso na susuway sa utos o payo. Magdadabog siya’t aangil kapag hindi nasunod ang layaw, ngunit dahil taglay mo ang pasensiya ng tigulang ay gagamitin ang sinturon upang ipaunawa ang bisa ng latay at hagupit. Pailalim na tititig sa iyo ang anak, at isasadula niya ang musmos na tigreng gumagagad sa madudugong pangangaso. Maisasaloob niya ang gutom at ang tadhana ng pagtindig sa sariling mga paa, hanggang ang kagubatan o lungsod ay maipatong niya sa rabaw ng kaniyang palad o kamao. Matutuklasan niya ang dungis sa mukha kapag pinahid ng bisig ang pisngi; at ang dungis na ito na matagal nang isinusumbat sa ninuno ay hindi pala kasalanan bagkus isang anyo ng pagpupugay. Matututuhan niyang patawarin ang daigdig, at pagtawanan ang sarili, na para bang pagtanggap sa walang katuparang pag-asa. Titingalain niya ako bilang kapatid, at mananakop kami ng ibang lupain at tubigan kahit sa guniguni, at magiging ama rin balang araw, handang ipagmalaki ang ngalan mo ngayon at magpakailanman.

“Sa ngalan ng Ama,” tulang tuluyan ni Roberto T. Añonuevo © 2012.

 

Estranghero at aso, ni Charles Baudelaire

salin ng dalawang tulang tuluyan ni Charles Baudelaire, mula sa kaniyang koleksiyong Le Spleen de Paris (1869).
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang Estranghero

“Sabihin mo, mahiwagang lalaki, sino ang pinakamamahal mo, ang iyong ama, ina, o kapatid?”

“Wala akong ama, ina, at kapatid.”

“E kaibigan?”

“Nasa dulo ng dila ko ngunit hindi ko matandaan.”

“Ang bayan mo?”

“Saan man iyon naroroon.”

“Kagandahan?”

“Kalulugdan kong ibigin kung siya’y diyosa at imortal.”

“Salapi?”

“Kinasusuklaman ko, gaya ng pagkasuklam mo sa Diyos.”

“Kung gayon, pambihirang estranghero, ano ang minamahal mo?”

“Mahal ko ang mga ulap. . . ang nagdaraang mga ulap. . . hayun. . . doon. . . ang kahanga-hangang mga ulap!”

Ang Aso at ang Pabango

Halika, maganda at mabait kong aso, at samyuin ang pambihirang pambango na mula sa mahuhusay na manlilikha ng pambango sa buong Paris.

Ang aso, na ikinawag-kawag ang buntot, na sa aking palagay ay paraan ng abang nilalang kung paano magalak at humalakhak, ay lumapit at idinampi ang ilong sa nguso ng walang tapong botelya. Pagdaka’y napaurong ito, at tumahol na waring galit na galit at nanunumbat sa akin.

“Hay, kawawang aso, kung binigyan kita ng tae ay lugod na lugod na sininghot-singhot mo na iyon, at kinain pa marahil. Sa gayong paraan ay kawangis mo ang madla, na hindi dapat handugan ng pabangong ikayayamot nito, bagkus piling basura lamang.”