Sandata, ni Roberto T. Añonuevo

Sandata

Roberto T. Añonuevo
  
 Nahumaling nga ang daigdig sa iyo
 at ginagamit ka
 laban sa lahat ng hindi namin
 gusto.
 Kasangkapan upang patumbahin
 ang katunggali,
 ikaw din ang laging instrumento 
 sa pagsupil ng salot o sakít.
 Wari ba’y lagi kaming nasa digma,
 at sinuman o alinmang salungat
 ang agos
 ay kaaway at kaaway na tunay
 at kailangan ka upang ipagtanggol
 ang puwesto at pangalan.
 Ikaw ang malinaw na linya at kulay
 sa bakbakan ng lakas at kasarian.
 Ikaw ang timbang at sustansiya
 sa taggutom at walang habas
 na kasakiman ng iilan.
 Ikaw ang agimat laban sa kulam,
 at ang sumusuway sa pangaral
 ng diyos ay may katumbas
 na parusa at kapahamakan.
 Hindi ba ikaw ang nakalakip
 at isinasaulo sa aming mga dasal?
 Parang sumpa, ikaw ang panagot
 sa aming katangahan——
 ipinapaskil sa bilbord ng islogan,
 isinasaliw tuwing may kampanya
 sa darating na halalan——
 at kapag angkin ka ninuman
 ay pupurihin kahit ng madlang
 walang kamuwang-muwang,
 walang malasakit o pakialam
 sa puwang o karunungan.
 Naririnig ka namin sa brodkaster
 at parang dapat ipagmalaki pa
 kung nagkulang ang diksiyonaryo
 para sa mga konseptong
 ikakabit sa mga dapat tapatan
 ng salita at gawa.
 Hinahamak kami kapag lumitaw
 ka sa mga banta at paninindak,
 gaya sa talumpati ng pangulo,
 at sinumang may kapangyarihan
 ay mababaligtad ang kahulugan
 ng batas.
 Kung umibig ba kami’y dapat kang
 hasain at laging sukbit saanman?
 Sawâ na kami sa rido at patayan.
 Nagbibiruan tuloy kaming huwag 
 nawa kaming maging makata
 na maláy ang guniguni’t napopoot.
 Baká ang bawat ipukol naming salita
 ay magpaluhod 
 sa nang-aapi at bumubusabos
 sa milyon-milyong dukha’t kawawa,
 kahit ni hindi ka man lang sinisipi.
 Ngunit hindi kami makata,
 at hindi ka rin namin kaaway,
 o mahal na kataga. 
Alimbúkad: World-class poetry for a better world. Photo by Rachel Claire on Pexels.com

Isipin ang iba, ni Mahmoud Darwish

Salin ng “Think of Others,” ni Mahmoud Darwish ng Palestine
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isipin ang Iba

Habang naghahanda ng agahan, isipin ang iba
. . . .(huwag kalimutan ang pagkain ng kalapati).
Habang sumasabak sa mga digma, isipin ang iba
. . . .(huwag kalimutan ang nakikibaka sa kapayapaan).
Habang nagbabayad ng singil sa tubig, isipin ang iba
. . . .(sila na malimit kinakandili ng mga ulap).
Habang papauwi sa iyong bahay, isipin ang iba
. . . .(huwag kalimutan ang mga tao sa mga kampo).
Habang nakahiga at nagbibilang ng tala, isipin ang iba
. . . .(sila na walang pook na matutulugan).
Habang nananalinghaga sa sarili, isipin ang iba
. . . .(sila na nawalan ng karapatang makapagsalita).
Habang iniisip ang iba sa malayo, isipin ang sarili
. . . .(sabihin: kung ako lámang ay tanglaw sa karimlan).

Alimbúkad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Sujeeth Potla

Líbas, ni Anna Akhmatova

Salin ng “Ива,” ni Anna Akhmatova ng Ukraine at Russia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Líbas

At lumaki ako sa nakapadrong kapayapaan
Sa malamig na silid ng mga bata nang nasok ang siglo.
At hindi ko ikinalugod ang mga tinig ng tao,
Bagkus ang tinig ng hangin na aking nauunawaan.
At minahal ko ang mga amorseko at lipang-aso
Ngunit higit sa lahat, itinangi ko ang pinilakang líbas.
At nagpapasalamat na nabuhay ito nang lubos
Sa piling ko, nang tumatangis ang mga sanga
Na pinapaypayan ng aking di-makaling panagimpan.
Nakakaasiwa! Nahigitan ko ang buhay nito.
Naroon ang tuod, at ang banyagang mga tinig
Ng iba pang líbas na nagsasalita nang ganito o ganoon
Sa lilim ng ating matandang kalangitan.
Ngunit napatatahimik ako kapag yumao ang kapatid.

Líbas [Willow]. Retrato ni Francisco Delgado @ Unsplash.com

“Allegro,” ni Tomas Tranströmer

Salin ng “Allegro” ni Tomas Tranströmer ng Sweden.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Allegro

Tinugtog ko si Haydn matapos ang madilim na araw
At nadama ang payak na init sa aking mga kamay.

Nayag ang mga teklado. Pumalo nang magaan
Ang martilyo. Lungti, buháy, panatag ang alunignig.

Winika ng musika na umiiral ang kalayaan
At may kung sinong hindi nagbayad ng buwis sa hari.

Ipinaloob ko ang aking mga kamay sa bulsang-Haydn
At ginagad ang tao na payapang tumatanaw sa mundo.

Itinaas ko ang watawat-Hydn—na nagpapahiwatig:
“Hindi kami sumusuko. Ngunit ibig ang kapayapaan.”

Ang musika’y salaming-bahay sa dalisdis
Na ang mga bato’y lumilipad, at gumuguho ang bato.

Ang mga bato’y gumugulong papaloob sa bahay
Ngunit bawat bintana’y nananatiling buo’t walang lamat.

Pagpupugay sa mga Barikada ng Madrid, ni Jaroslav Seifert

salin ng “Salute to the Madrid Barricades” ni Jaroslav Seifert ng Czech Republic.
salin sa eleganteng Filipino ng Roberto T. Añonuevo ng Republika ng Filipinas.

Pagpupugay sa mga Barikada ng Madrid

Nababalot ng apog sa kaniyang lupang tinubuan,
si García Lorca, na mandirigma at makata,
ay nakahalukipkip sa hukay ng kaniyang libingan,
walang riple, lira, o bala.
Ang alpombra ng mga araw na inindakan ng mga Moro
ay hinabi ngayon sa sanaw ng mga luha at dugo,
at sa mga glasyar ng Alpino, sa tuktok ng mga Pirineo,
mula sa sinaunang hagdan tungo sa kastilyo,
ang makata ay nakikipag-usap sa kaniya,
nabubuhay pa ang makata
na ang kaniyang kuyom na kamao ay nagpapahatid
ng halik sa malayong libingan,
ang uri na inilalaan ng mga makata sa kapuwa makata.
Hindi para sa pagpaslang
bagkus para sa mga araw ng kapayapaan;
sumasahimpapawid ang matatamis na awit,
at ang banayad na awit, ang laro ng mga salita at ritmo
na ating minithi
sa lilim ng mga puso ng mangingibig at sa lilim
ng mga punong namumukadkad, upang hubugin ang berso
na kasingtaginting at kasingningning ng kalembang
ng mga kampana at pananalita ng mga karaniwang tao.

Ngunit nang maging riple ang panulat,
bakit hindi siya tumakas?

Ang bayoneta ay nakaguguhit din sa balát ng tao,
ang mga liham nito’y naglalagablab na dahong
karmesí na aking binababaran sa mga gipit na oras.

Ngunit isa lamang ang batid ko, mahal na kaibigan:
Sa kahabaan ng lansangan sa Madrid
ay magmamartsa muli ang mga manggagawa
at sila’y aawit ng iyong mga awit, o mahal na makata;
Na kapag isinabit na nila ang mga ripleng sinandigan,
kapag isinalong na nila ang sariling mga sandata
nang may pagtanaw ng malalim na utang na loob,
gaya ng mga pilay sa Lourdes ay hindi
na muli nilang kakailanganin pa ang sariling mga saklay.

 

Tulisan, ni Vladimir Lugovskoy

Salin ng “Basmach,” ni Vladimir Lugovskoy (Vladimir Alexandrovich Lugovsky) ng Russia, at batay sa bersiyong Ingles ni Gordon McVay.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Tulisan

Lumutang ang usok ng sigarilyo’t
. . . . . . . . paikid na pumaitaas nang makapal.
Nabaliko sa mga pader
. . . . . . . . ang bakuran ng mga banyagang riple.
Nakatungó,
. . . . . . . . at bahagyang umubó,
. . . . . . . . . . . . . . . . bumungad si Igan-Berdy,
. . . . . . . . na hinihimas ang masinsing balbas
. . . . . . . . . . . . . . . sa gitna ng ulop ng tabako.
Isang kopa ng lungting tsaa,
. . . . . . . . . . . . . . . . na pampalubag-kaluluwa,
. . . . . . . . ang lumapnos sa dila ng tulisan
. . . . . . . . . . . . . . . . nang matapang ang amoy.
Nang mabangga
. . . . . . . ng kaniyang puntera
. . . . . . . . . .ang kartutso sa tabi ng silya niya’y
itinaas ng nanginginig, matatabang daliri
. . . . . . . . ang kopa para itagay.
Ang trigo sa labas ng bintana’y
. . . . . . . . kumikinang, tila naglalagablab,
. . . . . . . . . . . . . habang ang drayber ng traktora
. . . . . ay inasinta siya nang walang kurap.
Walong araw na walang tulog sa kabundukan
. . . . . . . . ay tinugis niya ang mga bakás ng tulisan
. . . . . . . . . . .at sa ikasiyam na araw ay natagpuan
. . . . . . . . sa wakas si Igan-Berdy.
Tinulig sa putok ng mga baril
. . . . . . . . . . .ang ilahas na tainga ng gubat,
ang mga obrero ng Estadong Bukirin ng Dangara
. . . . . . . . ay nabihag ang mga nagsipag-aklas.
Nahilo ang drayber ng traktora,
. . . . . . subalit matatag at kalmado ang kaniyang kamay
. . . . . . . . . . .habang tinutungga ni Igan-Berdy
. . . . . . . . ang malapot, mabangong inumin.
Sumenyas si Igan-Berdy,
. . . . . . . . at nagsimulang magsalita,
. . . . . . . . . . . .at dumagundong ang kaniyang pahayag,
. . . . . . . . samantalang hinihigit ang balikat.
Ikinalugod niya, sambit niya,
. . . . . . . . . . . . . .ang pakikipagkasundo
. . . . . . . . sa mga komandanteng Sobyet—
. . . . . . . . . . . . mga bituin ng makapangyarihang bayan.
Hindi siya nagnakaw ni nangulimbat,
. . . . . . . . nakihamok siya nang tapát sa labanan.
Hindi siya pumaslang ninuman,
. . . . . . . . o nandambong sa gitna ng magdamag.
Tulad ng tuktok ng Gissar,
. . . . . . . . . . . . . ang kaniyang kalooban ay dalisay,
. . . . . . . . at wala siyang minasaker o binaldang
. . . . . . . . . . . . . . .mga dalagang Kabataang Komunista.
Malimit niyang maisip ang sumuko,
. . . . . . . . ngunit wala siyang pagkakataon.
Natiis niya ang limang mahirap na bakbakan—
. . . . . . . . . . . . . . at ngayon ang sandali ng pagbabago.
Gaya ng manlalakbay
. . . . . . . . na naghahanap ng tubig,
. . . . . . . . . . . .naghahayag ng malungkot na karanasan,
. . . . . . . . ang kaniyang tigang na puso’y umaasam
. . . . . . . . . . . . . .sa kalinga ng makapangyarihang Sobyet.
Ang katatagan ng gahum ng Sobyet
. . . . . . . . . . . . ay masaganang piging
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . para sa matatapang ang loob.
Si Igan-Berdy ay tanyag
. . . . . . . .  . . . . na tagapagkampanya, at hindi alipin.
“Ang tuwid kong mga bala
. . . . . . . . ay umulan sa rabaw ng lupain.
Biniyak ko ang katawan ng mga kaaway
. . . . . . . . . . . . . . mulang ulo hanggang bayag.
Ibinahagi ko nang patas sa aking mga tauhan
. . . . . . . . ang yaman ng inyong bukirin.
Binitay ko ang gurong walang dinidiyos
. . . . . . . . . . . . dahil sa pagtangging magsabi ng Amen.
Dumadaloy sa aking mga ugat
. . . . . . . . ang alingawngaw ng tagumpay sa digma.
Kaya mahigpit na makipagkamay at makipagkasundo
. . . . . . . . . . . . . na handog ni Igan-Berdy!”
Ngunit ang aming bihasang komandante
. . . . . . . . . . . . . . . . ay ganap na nakabawi.
Sa tulong ng isang interpreter
. . . . . . . . ay marahan niyang sinimulang magsiyasat.
At isang babae ang lumabas sa bakuran
. . . . . . . . at naghain ng kanin
. . . . . . . . . . . . . . . . na nasa mangkok. . .
Maingat siyang inasinta
. . . . . . . . ng aming nakayukong drayber ng traktora.
Kailangan nitong iwasang mabiso
. . . . . . . . mula sa sinag ng araw,
. . . . . . . . . . . sa dumadalaw na antok,
. . . . . . . . . . . . . . . . at sa lumalaganap na usok.
Kailangan niyang subaybayan ang bawat galaw
. . . . . . . . ng leeg ng bandidong mahusay magwika.
Bahagyang tumiklop ang leeg
. . . . . . . . . . . . . . . . bago muling umunat.
Walang latoy na pumitlag ang dugo
. . . . . . . . sa ilalim ng maitim na balát.
At ang drayber ng traktora ay pumalatak,
. . . . . . . . matatag
. . . . . . . . . . . . . . . . gaya ng kapalaran:
Wala siyang nasilayang mortal na kapuwa
. . . . . . . . bagkus isang bola ng poot.
Para sa lahat ng ani na kaniyang sinalanta,
. . . . para sa mga guho at  pagkawasak,
. . . . . . . . .waring isa lamang munting ganting kasiya-siya
. . . . . . . . . . . . . . . . . .  . . . ang leeg
. . . . . . . . . . . . . . . . . . . . . .. . . . . . . . ni Igan-Berdy.

 

Mga Tala

[1] Ang orihinal na pamagat sa wikang Ruso ay “Basmach.” Ang mga Basmachi ay mga pangkat ng kontra-Boshevik na bandido sa gitnang Asya noong panahon ng Digmaang Sibil.
[2] Si Igan-Berdy ay isang makasaysayang tao.
[3] Ang kabundukan at tagaytay ng Gissar ay matatagpuan sa gitnang Asya, hilaga ng Dushanbe sa Turkmenistan.

Filipino ang Wika ng Kapayapaan

Nakatataba ng puso ang makapiling ang mga kinatawan ng mga pangkat etniko sa buong Filipinas sa Wika ng Kapayapaan: Pambansang Summit at Palihan, na ginanap sa Malaybalay, Bukidnon noong 13-15 Pebrero 2014. Lumitaw sa mga talakayan ang pangangailangan ng isang pambansang wika, na nagkataong Filipino, para maging lingguwa prangka ng mga pangkat etnikong ang mga wika’y hindi nalalayo sa Tagalog.

Ngunit kapag pinag-usapan ang “wika ng kapayapaan,” ang mga konsepto ay hindi lamang limitado sa lingguwistika o sosyolingguwistika. Kaugnay din sa naturang taguri ang usapin sa Pamanang Lupain ng mga Ninuno [ancestral domain], ang paghahanap ng katarungan laban sa mga dambuhalang minahan at walang habas na pagtotroso o paggugubat. Lumitaw din sa usapin ang diskriminasyon at intoleransiya sa mga katutubo, na madarama hindi lamang ng mga estudyante bagkus ng mga trabahador o propesyonal.

Nabanggit din sa mga talakayan ang mga nagaganap sa pagbubuo ng Bangsamoro Basic Law. Ang nasabing panukalang batas na binabalangkas pa hanggang ngayon, at ihahain sa sambayanan sa 8 Marso 2014, ay kakatwang nakasulat sa Ingles, at ito ang isa sa mga hindi naibigan ng mga katutubo. Para sa kanila, ang panukalang batas ay para lamang sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), na ang wika ay wikang Ingles, imbes na pumabor sa paggamit ng lingguwa prangkang Filipino sa Mindanaw.

Isa pang hindi nasagot ng panig ng MILF ay kung bakit hindi nito inihahayag sa sambayanang Filipino ang mga naging kasunduan nito sa mga pangkat etniko sa Mindanaw at Palawan. Ang naturang mga kasunduan, bagaman nasa antas ng pamayanan, ay mahalagang maunawaan ng sambayanan sapagkat ang usapin ng kapayapaan ay usapin ng lahat ng mamamayang Filipino. Kailangang maibunyag din ang resulta ng mga konsultasyon, at kung kinikilala ba ng mayorya ng mga pangkat etniko si Datu Antonio Kinoc ng B’laan, at siyang kumakatawan umano sa lahat ng pangkat etniko sa Mindanaw. Si Datu Kinoc ay Ingles nang Ingles, at daig pa ang mga akademiko, na hindi naibigan ng iba pang kinatawan ng mga pangkat etniko.

Kung nais ng kapuwa MILF at Gobyernong Filipinas na makabuo ng isang pangmatagalang kasunduang pangkapayapaan, ang wika ng kasunduan at wika ng batas ay napapanahon nang isulat sa Filipino nang may katumbas na teksto sa mga wikang katutubo. Ito ang lumabas sa mga talakayan, at marapat pakinggan ng pamahalaan. Ang sumusunod ay ang pinagtibay na resolusyon sa “Wika ng Kapayapaan: Pambansang Summit at Palihan”:

WIKA NG KAPAYAPAAN

Pambansang Summit at Palihan

Pook Kaamulan, Lungsod Malaybalay, Bukidnon

KAPASIYAHAN BLG. 2014-01, S. 2014

Pinagtitibay ang kapasiyahang irekomenda kay Pangulong Benigno S. Aquino III ang paggamit ng wikang Filipino sa mga kasunduang pangkapayapaan at iba pang kaugnay na batas

SAPAGKAT ang usapin ng kapayapaan ay mahalagang bahagi ng Sambayanang Filipino upang mapalakas ang bawat pamayanang magiging haligi ng bansa;

SAPAGKAT ang diwa ng kapayapaan ay likás na nakapaloob sa iba’t ibang kultura ng mga pangkat etniko ng Filipinas ngunit nakakaligtaang ipabatid sa mayorya ng populasyon ng Filipino;

SAPAGKAT ang mithi ng kapayapaan ay pangunahing pangangailangan na dapat bigyang pansin ng kapuwa pambansang pamahalaan at pamahalaang lokal;

SAPAGKAT ang kaganapan ng kapayapaan ay matatamo lamang sa paggamit ng wikang pambansang Filipino—katuwang ang mga katutubong wika sa buong Filipinas—na magbibigay ng nagkakaisang lakas, talino, at ambag ng lahat ng mamamayang Filipino, anuman ang lipi, paniniwala, at uring pinagmulan.

IPINAPASIYA, gaya ng ginagawang pagpapasiya ngayon, na dibdibang harapin ng pamahalaan, lalo na ng mga kinauukulang ahensiya o sangay nito, na ang mga balangkas ng Kasunduang Pangkapayapaan at ang mga batas na ipinaiiral sa bansa  ay dapat isulat sa wikang Filipino nang may katumbas na teksto sa mga katutubong wika ng mga pangkat etniko, at kaugnay nito, isangkot ang Komisyon sa Wikang Filipino sa mabilisang pagsasalin sa wikang Filipino ng mga batas na kasalukuyang pinaiiral para sa Kasunduang Pangkapayapaan at para sa kapakanan at karapatan ng mga pangkat etniko;

IPINAPASIYA rin na ipaabot sa pamahalaang pambansa at pamahalaang lokal na magsagawa ng malawakang konsultasyon sa mga pangkat etniko ng Filipinas sa pamamagitan ng wikang mauunawaan ng lahat, bago magsagawa ng mga proyektong pangkaunlaran sa mga lupain at tubigan, gaya ng impraestruktura at pagmimina, na makaaapekto sa kanilang kultura at pag-iral; at kaugnay nito ay gamitin ang Filipino sa antas ng barangay.

IPINAPASIYA pa na ipaabot sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan ang pangangailangang bumuo ng malinaw na programa upang harapin ang mabigat na hamon ng diskriminasyon at intoleransiya laban sa mga pangkat etniko, at gamitin sa naturang programa ang wikang Filipino na katuwang ang iba’t ibang wika ng mga pangkat etniko para maipaunawa sa pangkalahatang populasyon ng Filipinas ang mga usapin;

IPINAPASIYA sa wakas na ipaabot sa pamahalaang pambansa na dapat itong bumuo ng mga mekanismo ng komunikasyon sa wikang Filipino at mga katuwang na wika ng mga pangkat etniko gaya ng isinasaad ng Executive Order No. 335, at tutumbasan ng sapat na pondo ng pamahalaan, nang maisaalang-alang at matugunan ang mga problema, hinaing, at mungkahi ng mga pangkat etniko, lalo kung may kaugnayan sa mga Pamanang Lupain ng mga Ninuno, kasaysayan, kultura, kabuhayan, at katarungan.

NILAGDAAN at pinagtibay ng mga kalahok sa Wika ng Kapayapaan, Pambansang Summit at Palihan, na ginanap sa Pook Kaamulan, Lungsod Malaybalay, Lalawigang Bukidnon, Filipinas ngayong 15 Pebrero 2014.

Datu Jose E. Amban (ATA), Hernon E. Ambe (Bagobo ),Datu Ampuan Jeodoro Sulda (Menuvu), Charlita Lilawan-Ampode (Manobo Polangén), Datu Masilsil Warlito S. Sagubay (Higaonon), Romel B. Castello (Ibanag), Bae Merlinda B. Arao (ATA), Liza Yambagon (Bukidnon), Apolonio S. Tumbanga (Higaonon), Felomina G. Lagrada (Bukidnon), Salim  C. Sanihon (Basilan), Jennyleigh Mangubat (Bukidnon), Wimfredo Evangelista (Mangyan Iraya), Judith B. Dinsag (Bukidnon), Pirscaldo B. Carig (Bukidnon), Datu Elfranco Linsabay (Talaandig), Timeteo A. Lboerans (Iligan), Gertrudes A. Umhag (Bukidnon),   Isidro T. Echavez (Iligan), Angela G. Reyes (Bukidnon), Crispino Zinsagan (Tigwahanon), Datu Moises V. Kandang (T’bole-Ubo), Benilda M. Daytaca   (Applai-Kankanaey), Eliza A. Babaran (Fontok), Datu Pindulonakan Rogelio C. Lahuney (Manobo Polangén), Bae Imelda L. Signapnon (B’laan), Datu Elfranco L. Linsahay (Talaandig), Datu Diamla Rolando Soony (Higaonon), Datu Ronald Misanhumsay (Higaonon), Lorna B. Dela Cruz  (Yogad), Delia V. Giron (Ivatan), Datu Dominador E. Sambolan (IPMR), Biki Farumyan (Taubuid), Lolita M. Gunyo Bargon,Saidira Mansumayan (Mëranaw), Rogelio T. Sarillla (Talaandig/Lantapan), Crispin L. Saway (Talaandig/Lantapan), Jorge G. Ingayan (Hanunuo Mangyan), Ester T. Gramaje (Itawes/Ibanag), Jaime G. Castillo (Ivatan), Natividad M.Salcedo (Balangao), Biki Farumyan (Mindoro), Lolita M. Gunyo (Bangon), Datu Diamla Rolando So-ong (Higaonon), Marietta P. Dummanao (Tuwali), Fernuel Perino(Umayamnon), Jimmy B. Fonlo    (Ibaloy), Renedios G. Balletto (Bukidnon), Marissa G. Taypen (Bukidnon), Timoteo A. Loberanes (Iligan), Liza Yambagon   (Bukidnon), Julio Palisjerio (Ibaloy), Judith B. Dinsao (Bukidnon), Priscilla Carieg (Bukidnon), Pepito Rodello (Bukidnon State University), Minang  D. Sherief (Meranaw), Mary Jane B. Rodriguez (Tagalog),Ruby G. Alcantara (Tagalog/Hiligaynon), Datu Hussayin Arpa (Sama-Bajao), Saidina L. Mansumayan (Kalilargan), Gapa G. Dialang (B’laan), Fulong Alfredo N. Pandian (B’laan), Fulong Fernando S. Bagon (B’laan), Roberto L. Soong III (Higaonon), Macasalong C. Davanda (Meranaw), Norma P. Timbal, Francisca L. So-ong  (Higaonon), Pasencia S. Timbangan (Higaonon), Randy C. Timbangan (Higaonon),Marqulino A. Alvano (Higaonon), Marecel T. Llanes (Higaonon), Roselyn W. Garambas (Bogkalot), Lester G. Babiera (Tagalog), Alyssa Romielle F. Manalo (Tagalog-Batangas), Saidina Manaemayan (Kalilangan Higaonon), Jofilo Pinaandel (Higaonon), Jubert S. Nalosa (Bisaya), Cris May Jane S. Savie (Bisaya), Dorothy L. Chakiwag           (Sinadanga), Allan L. Paclit (I’guak), Gilbert T. Burdeos (Manobo), Florenda Pedro    (Kankanaay), Benjamin B. Vidal (Subanen), Antoneo P. Bantas (Subanen), Paquito B. Canibong, Sr. (Subanen), Maria Juanita Muntaluan (Bisaya Bukidnon), Pesio Umbasen (Subanen), Elvert Imbing Ebillo (Subanen), Sadawe A. Comonog (Higaonon), Rady C. Pugoy (Higaonon), Richard A. Zalsos (Higaonon), Roberto T. Añonuevo(Tagalog-Rizal), Purificacion G. Delima (Ilokano), Bae Lorna Enderes-Flores (Higaonon)

 

Wika ng Kapayapaan

Magtataka marahil kayo kung bakit simbilis ng kabayong kumawala sa kuwadra ang pagbubuo ng Wika ng Kapayapaan: Pambansang Summit at Palihan na ito, na nagkataong ginaganap sa Taon ng Kabayo alinsunod sa kalendaryo ng mga Tsino. Hindi po nakikipagkarera ang mga organisador nito, bagkus nais habulin ang panahon na pawang nasayang noong nakalipas na administrasyon. Para sa kabatiran ng lahat, ang summit na ito ay naiplano may tatlong taon na nakalilipas, sa ilalim ng administrasyon ng dating tagapangulong komisyoner na hindi ko na nais pang banggitin ang pangalan, ngunit waring hindi handa bukod sa walang pagkukusa ang dating pamunuan upang isakatuparan ang ganitong grandeng lunggati.

Nang ilatag ni Kom. Lorna Enderes Flores ang ídea ng pambansang summit hinggil sa wika ay hindi ako nagulat sapagkat kumakatawan si Kom. Flores na isang Higaonon sa mga wikang mula sa Katimugang Pamayanang Kultural. Ngunit kinabahan ako sa gagastusin sa naturang pagtitipon, sapagkat ang unang tantiya ko ay aabutin ng milyon (na hindi naming kaya sa KWF) at maaaring hindi payagan ng Department of Budget and Management (DBM). Mabuti na lamang at lumitaw ang usaping kinasasangkutan ni Jeanette Lim Napoles, sumaklolo ang gaya ni Sen. Loren Legarda, at parang hulog ng langit na binigyan ng pondo ang KWF para matuloy ang pagtitipon. Nagkataon din na tinangkilik ng buong kalupunan ng mga komisyoner ng Komisyon sa Wikang Filipino ang plano, buong puwersang tumulong ang Bukindnon State University. Kasaysayan na ang sumunod.

Mahalaga ang summit na ito sapagkat ito ang kauna-unahang seryosong pagtitipon na pag-uusapan ang mga wikang taal sa Filipinas tungo sa pagpapalawig ng kapayapaan, at inorganisa ng isang ahensiyang pangwika ng pamahalaan. Kung ang mga wika ang mayamang kamalig ng karunungan ng bansa, hindi lamang dapat magpakilala ang mga ito sa bawat pangkat etniko, bagkus sa antas ng progreso ng ating sibilisasyon. Nagiging malaking usapin ang wika sapagkat may kasaysayan na tayo hinggil sa pagkakawatak-watak dahil kailangan pa nating manghiram ng wika sa banyaga upang mabuo ang kasunduang panlipunan para maunawaaan ng mga dayuhan at siyang naglalagay sa alanganin sa mayorya ng mga mamamayan.

Maging sa pagbubuo ng Konstitusyong 1987 ay ginamit sa pangkalahatang deliberasyon ang Ingles, at dahil ito ang nakapangibabaw na wika sa mga talakayan, ang anumang pagtatalo hinggil sa nilalaman at pakahulugan ng mga salitang umaabot sa layuning legal ay dapat lutasin sa Ingles imbes na sa Filipino. Kaya kahit sabay ipinromulga ang mga tekstong Ingles at Filipino ng Konstitusyong 1987, hanggang sa simbolikong antas lamang ang pagkakapantay nito, pansin nga ni Blas F. Ople, at hindi sa antas ng operasyon.

Sa summit na ito ay susubukin natin ang wikang Filipino bilang lingguwa prangka ng mga Filipino na pawang nagmula sa iba’t ibang pangkat etniko. Ngunit hindi natin pag-uusapan ang wika lamang sa de-kahong pagdulog na akademiko, gaya ng inaakala ng mga lingguwista o sosyolingguwista; hindi rin natin pag-uusapan ang “kapayapaan” na parang adyenda ng ideologo o politiko o sundalo. Pag-uusapan natin ang wika bilang pamana ng ating mga ninuno tungo sa pagkakamit ng makabuluhang kapayapaan alinsunod sa pangangailangan ng mga pamayanan. Hindi ituturing na ang isang wika ay higit na matimbang kompara sa ibang wika, bagkus ang lahat ng wika. Kailangan ito nang maiwasan sa hinaharap ang mga sigalot at armadong tunggalian at nang makapagmungkahi ng mga epektibong hakbang sa pamahalaang lokal o pamahalaang nasyonal. Sa ganitong yugto, makabubuti marahil kung tutuklasin muli natin ang mga katutubong konsepto natin ng kapayapaan at diskursong Filipino sa pinakamatayog nitong katangian. Ito ay masasabing isang paglingon sa pinanggalingan dahil ibig nating maabot ang paroroonan na inaasahang makatarungan, maginhawa, at matiwasay.

Hindi dapat mangamba ang sinuman hinggil sa kanilang nais ipahayag.

Ang tungkulin ng KWF ay gampanan ang mandato nitong patuloy na paunlarin ang pambansang wika na nakasalig sa mga wikang panrehiyon, alinsunod sa Konstitusyong 1987 at Batas Republika Blg 7104. Ito ang dahilan kung bakit nagpupursige ang KWF na likumin ang lahat ng maaaring makuha mula sa mga wikang katutubo at ipaloob sa pambansang bongkatol ng mga wika at diskurso. Ito ang dahilan kung bakit abala ang KWF sa pagbubuo ng modernong ortograpiya at gramatikang pambansang lumalampas sa dating hanggahan ng “Pilipino” at “Tagalog.” Tungkulin natin na matamo ang ebolusyon ng Filipino sa pinakamabilis ngunit epektibong paraan—nang lampas sa itinatadhana ng mga batas–nang walang isinasakripisyo sa panig ng mga katutubong wika.

Sa kabilang dako, masasabing tungkulin ng panig ng mga kalahok sa summit na ito na ihayag ang kani-kanilang gawaing pangkayapaan sa kanilang antas na ang tinig ay nagbubuhat sa ibaba paitaas, sa paniniwalang makatutulong ito para makabuo ng pambansang programa na may kaugnayan sa kapayapaan. Isang anyo ng ambagan ang mga magaganap na palihan o diskurso; at ang usapan ay hindi isahang daloy at linear na ang impormasyon ay nagmumula sa lamang sa isang panig. Inaasahang magiging maatikabo ang daloy ng komunikasyon, hitik sa damdamin ngunit matalino at kalkulado, nang makapagluwal ng mga kabatiran at kaisipang pakikinabangan ng mga tao.

Ang bisyon ng KWF hinggil sa pambansang na summit na ito ay karugtong ng isa pang dakilang lunggati: ang pagtatatag ng “Kandungan ng Wika at Kultura” sa Lungsod Iligan, at ipapaliwanag mamaya ni Kagalang-galang Trinidad Dela Torre-Cardona. Ang Mindanaw, sa darating na panahon, ay inaasahang magiging pandayan ng mga wika at kalinangan sa buong Filipinas; at kung papalarin ay magaganap din doon dalawang taon mula ngayon ang isang internasyonal na kumperensiya na pangangasiwaan ng KWF para itanghal sa daigdig ang kariktan at lalim ng ating mga katutubong wika.

Inaasahan kong aktibo kayong makikilahok sa mga talakayan nang taglay ang malasakit sa ating pinagmulang pamayanan, at sa patuloy na pagbubuo ng ating konsepto ng kabansaan. Sa aking pakiwari, at maaaring ako’y nagkakamali, ang pagkakakilala ng mga Filipino sa wikang Filipino ay parang gabi: madilim, at kaya umaasa tayo sa tanglaw ng buwan o gabay ng bituin, samantalang nakansandig palagi sa maidudulot na reimbensiyon ng liwanag sa tulong ng elektridad o likas-kayang pag-unlad. Ngunit ang gabi, ayon nga sa kawikaan, hindi man hukayin ay ano’t kusang lumalalim. Itinatadhana ng gabi ang siklo ng pagbabago ng katauhan at kaligiran sa bisa ng paghahanap ng liwanag at kusang pagsilang ng liwanag.

Hindi magwawakas sa gabi ang ating mga wika. Ang katotohanang naririto kayo ngayon para makilahok at mag-ambag ng kaalaman hinggil sa wika at kapayapaan ay isang patunay na hindi magiging madilim ang hinaharap ng wikang Filipino, para sa lahat ng Filipino, saanmang panig ng mundo sila naroroon.

Muli, magandang umaga sa inyong lahat, at isang karangalan ang magsalita sa inyong harap.

[Pambungad na talumpati ni KWF Direktor Heneral Roberto T. Añonuevo sa pagbubukas ng Wika ng Kapayapaan: Pambansang Summit at Palihan, na ginanap noong 13-15 Pebrero 2014, sa Pook Kaamulan, Malaybalay, Bukidnon. Dinaluhan ang nasabing makasaysayang pagtitipon ng mahigit 100 pinuno ng mga pangkat etniko sa Mindanao, Visayas, at Luzon.]

Payo ni Dusum Khyenpa, ang Unang Karmapa

Hango mula sa Dharma para sa Pamayanan, ni Dusum Khyenpa.
Halaw sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Sa lahat ng diskursong winika ng ganap na maláy na Buddha Shakyamuni, binabanggit lagi ang paraan ng paghutok ng isipan. Napakahalaga na gabayan at bantayan ang sariling isipan.

Sa simula’y importanteng pahupain ang ligalig na isip. Pagsapit sa kalagitnaan ay patatagin pa ang payapa. At sa wakas, mahalagang tandaan ang pansariling pagtuturo upang mapalawig lalo ang katatagan.

Mula sa karunungang nag-ugat sa pagkatuto’y dapat mabatid ang mga pagdurusa. Mula sa karunungang nagmula sa pagbabalik-tanaw ay dapat supilin ang mga pagdurusa. Mula sa karunungang sumibol sa pagbubulay, kailangang bunutin sa pinakaugat ang iyong mga pagdurusa.

Napakahalaga, mula ngayon, na pagpagin natin sa ating mga balabal ang niyebe.

Totem, ukit ni Ernesto Dul-ang.

Totem, ukit ni Ernesto Dul-ang. Kuha ni Bobby Añonuevo, 2012.