Humahanga ako sa Karagatang walang dalampasigan

Salin ng bahagi ng Kitab ‘Anqâ’ mughrib ni Muhyiddin Ibn ‘Arabi mula sa España.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo ng Filipinas.

Humahanga ako sa Karagatang walang dalampasigan,
At sa Dalampasigang ni walang alon ng karagatan;
At sa Liwayway na hindi nalulukob ng karimlan
At sa Gabing hindi sinisilayan ng madaling-araw;
At sa Espero ng walang takdang lokalidad
Na batid ng mangmang o matalinong paham;
At sa asul na Bobedang nakaangat sa lupain,
Umiinog sa gitna nito—ang Pamimilit;
At sa mayamang lupaing walang gahum ng kupula
At walang tiyak na lokasyon, ang Lihim na nakasilid.

Inamò ko ang Lihim na hindi nagbabago ang pag-iral;
Dahil itinanong sa akin: “Ginayuma ka ba ng Diwain?”
At ang tugon ko: “Wala akong kapangyarihan ukol diyan;
Ang payo ko: Maging matiyaga habang nabubuhay.
Ngunit kung tunay na ang Diwain ay ganap naitatag
Sa aking isip, ang mga bagà na naging lagablab,
At lahat ng bagay ay sinunog sa matinding apoy,
Ang gaya nito ay hindi pa nadanas noon pa man!”
At sinabi sa akin: “Hindi siya pumipitas ng bulaklak
Na pinahahalagahan ang sarili bilang Timawa.”
“Siya na nanliligaw sa babae sa silid nito’t nang-aakit
Ay hindi iisiping napakamahal ang halaga ng dote!”

Ibinigay ko sa kaniya ang mana at siya’y ipinakasal sa akin
Sa buong magdamag hanggang pagsapit ng madaling-araw—
Ngunit wala akong nakita kundi ang Sarili. O Siya
Na aking pinakasalan—mabatid nawa ang kaniyang ibig:
Dahil ang karagdagan sa sukat ng liwanag ng Araw
Ay ang maningning na Bagong Buwan at mga Talang makislap;
Nilibak gaya ng Panahon, bagaman ang Propeta (purihin siya!)
Ay minsang naghayag sa Panginoon mo na Siya ang Panahon.

Tatlong Sarili ni Juan Ramón Jimenéz

Tatlong tula ni Juan Ramón Jimenéz
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

KARAGATAN

May kutob ako na ang aking bangka
ay bumangga, doon sa kailaliman,
sa dambuhalang bagay.
At walang
naganap! Wala. . . Katahimikan. . . Mga alon. . . .

—Walang nangyari? O nangyari lahat,
at nakatayo tayo ngayon, tahimik, sa bagong buhay?

AKO AY HINDI AKO

Ako ay hindi ako.
Ako ito
na naglalakad sa tabi ko na hindi ko makita,
na may sandaling dinadalaw ko,
at kung minsan ay aking nakakaligtaan;
siya na mananatiling tahimik habang umuusal ako,
siya na magpapatawad nang maluwag kapag poot ako,
siya na maglalakad kung saan kapag nasa bahay ako,
siya na magpipilit na nakatayo kapag ako’y yumao.

KABILUGAN NG BUWAN

Bukás ang pinto,
umaalunignig ang kuliglig.
Maglalakad ka ba
nang hubad sa bukid?

Gaya ng inmortal na tubig,
na labas-masok sa lahat ng bagay.
Maglalagalag ka ba
nang hubad sa hangin?

Hindi tulog ang basil,
at abala ang langgam.
Kakayod ka ba
sa bahay nang nakahubad?

Dalampasigan sa Batanes, kuha ni Lita Asis-Nero. 2010.

Dalampasigan sa Batanes, kuha ni Lita Asis-Nero. 2010.

Apat na Tula ni Adonis (Ali Ahmad Said Asbar)

salin ng mga tula ni Adonis (alyas ni Ali Ahmad Said Asbar)
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

KAMATAYAN

Papanaw tayo maliban kung lilikha ng mga diyos.
Papanaw tayo maliban kung papatay ng mga diyos.
O, kaharian ng nalilitong bato!

DALAWANG BANGKAY

Ililibing ko sa busabos mong sikmura,
ulo, kamay, at mata
ang minarete;
ililibing ko ang dalawang bangkay:
ang daigdig at ang kalangitan.

O tribu,
O, sinapupunan ng mga putakti,
At ang kahungkagan ng hangin.

SASABIHIN KO SA IYO

Sasabihin ko sa iyo:
Nakinig ako sa karagatan
na binibigkas sa akin
ang taglay nitong mga tula;
Nakinig ako sa mga batingaw
na humihimbing sa takupis
ng mga talaba.
Sasabihin ko sa iyo:
Inawit ko ang aking mga awit
sa kasalan ni Satanas
at sa pista ng pabula.
Sasabihin ko sa iyo:
Tinitigan ko
sa buhos ng kasaysayan
at sa ningning ng ibayo
ang diwata at ang tirahan.
Dahil naglalayag ang aking mata,
sasabihin ko sa iyo
na nakikita ko ang lahat
sa unang hakbang ng kalayuan.

BAYAN KO

Sa mga mukhang nangunguluntoy sa maskara ng pighati,
yumuyukod ako.
Sa mga lansangang nalimot ko ang aking mga luha,
sa ama na namatay na sinlungti gaya ng ulap
na may layag sa ibabaw ng kaniyang mukha,
yumuyukod ako.
At sa batang ipinagbibili
upang makapagdasal at makapagpakintab ng sapatos,
(sa bansa namin, nagdarasal kami lahat at pinakikintab
ang mga sapatos),
at sa mga bato na iniuukit ko sa rabaw ang aking gutom
at nagiging mga kidlat at ulan
na gumugulong sa mga talukap ng aking paningin,
at sa bahay na ang lupa’y dinadala ko sa mga paglalakbay,
yumuyukod ako.
Lahat ng ito ay bayan ko,
hindi ang Damascus.

Alamat ng Karagatan

Nainip sa ilalim ng karagatan si Amansinaya, ang bathala ng tubigan, noong musmos pa ang daigdig. Wala siyang makitang kaaya-aya, kundi ang malalamig na bato sa pusod ng dagat; o ang mapuputing buhangin sa gilid ng pasigan. Wala siyang makausap, at nayamot siya sa paglipas ng mga araw. Umulan man at umaraw, ang kaniyang kapangyarihan ay nanatiling nakapaloob sa tubigan. Tubig, tubig, tubig ang kaniyang kapangyarihan at ang malimit niyang bukambibig.

Ngunit ano ang silbi ng kapangyarihan kung siya lamang—si Amansinaya—ang nakababatid? Kailangang subukin niya ang hanggahan ng kaniyang lakas, talino, at loob. Kailangan niyang ilabas ang kapangyarihan sa loob ng kaniyang katauhan. Nag-isip siya ng mga paraan, at nilibot niya ang kaniyang nasasakupan: ilog, lawa, tangway, dagat, at iba pang malalalim na guwang ng lupang nagsilbing imbakan ng tubig-ulan.

Napansin siya ni Araw at nagwikang, “Kay-lungkot mo naman, kaibigan, nag-iisa ka riyan at tila walang kabuluhan!”

Nagpanting ang tainga ni Amansinaya. Walang sinuman ang nakauuyam sa kaniya noong una pa man. “Ipakikita ko sa iyo ang aking kapangyarihan,” mabilis na sambit ni Amansinaya kay Araw. Sumigaw nang malakas si Amansinaya at ang kaniyang sigaw na umalingawngaw ay nagpaalimbukay ng mga alon. Lumitaw ang matitinding daluyong na nagpabaha sa mga baybayin at nagpalubog ng ilang pulo. Paulit-ulit na sumigaw si Amansinaya at nagdulot iyon ng dambuhalang ipuipo sa laot. Pagdaka’y umahon sa tubigan ang marahas na buhawi na pumuwing sa mabibilog na mata ni Araw.

Nagulantang si Araw. Humingi siya ng paumanhin kay Amansinaya. Mula noon, ang kinaugaliang-anyo ni Araw ay tila umaahon siya sa silangang dagat tuwing umaga, at lumulubog naman sa malalim na kanlurang dagat tuwing dapithapon. Paulit-ulit ginagawa yaon ni Araw ayon sa takdang panahon upang ipagunita sa sinumang makasasaksi ang anyo ng nagkakasundong tubig at liwanag.  Hindi na muling biniro ni Araw si Amansinaya. At hindi na rin kinayamutan ni Amansinaya si Araw.

Gayon man ay hindi pa rin nasiyahan si Amansinaya. Sa ibabaw ng kaniyang mga palad, nilikha niya ang dalawang saray ng tubig sa karagatan. Ang kaliwang kamay niya ang nagpabukal ng ibabang saray: malamig, mabigat, at hindi kayang arukin ng liwanag. Samantalang ang kanang kamay ay nagpabukal ng itaas na saray: mainit-init, magaan, at yaon lamang ang hanggahan na kayang abutin ng sinag ng araw. Hindi kailanman naghahalo ang dalawang uri ng tubig. Isang paalala rin iyon na hindi kailanman mababatid o maaarok ng sinag ng araw ang hiwaga ng tubigan. Kung ibig ni Amansinaya na matulog ay darako siya sa ibabang saray. At kung ibig magpaaraw ay tutungo sa itaas na saray. Gayon ang paulit-ulit niyang ginagawa sa paglipas ng panahon.

Napansin ni Ulap ang gawi ni Amansinaya. Si Ulap, na nag-iingat ng maraming abram at bangang puno ng asin, ay biniro ang bathala ng tubigan. “Kaya kong sakupin ang pook mo!” pahaging ni Ulap. Maya-maya’y nagdilim ang paligid. Mabilis na bumaba si Ulap at nagkunwaring sasakupin nga ang lunan ni Amansinaya. Bumalikwas si Amansinaya na naniwalang tototohanin ni Ulap ang banta. Biglang pumalakpak si Amansinaya nang napakalakas at nagdulot iyon upang umalimbukay ang mga alon. Sinalpok ng mga alon ang katawan ni Ulap; at nayanig at nagbagsakan ang mga abram at bangang nakapatong sa kaniyang ulo. Nabigla si Ulap; at hindi niya napigilan ang  pagtapon ng napakaraming asin sa karagatan, at yaon ang simula kung bakit umalat ang mga dagat sa daigdig. Natakot na rin si Ulap na muling biruin si Amansinaya.

Pagkaraan niyon, lumikha ng sariling pamantayan si Amansinaya sa loob ng kaniyang sarili: ang pamantayan na kakaiba sa pamantayan ng iba pang bathala ng kalawakan. Binunot niya ang ilang hibla ng kaniyang buhok at ipinukol sa karagatan. Ang mga buhok ay kahanga-hangang naghunos na makukulay na damong-dagat, pagang, at halamang-tubig. Bumunot ng balahibo si Amansinaya sa kaniyang bisig at dibdib; at ang mga balahibo-nang ihagis niya sa dalampasigan-ay naghunos na matitigas na bakawan. Dumami nang dumami ang kaniyang likha, at naibigan niya ang nasaksihan.

Patuloy na nag-isip si Amansinaya hinggil sa susunod na hakbang. Nakapangalumbaba siya habang nagbubulay; at nakatitig man siya sa malayo’y ni walang ibang nakikita kundi ang kawalan. Magdamag niyang binalangkas ang susunod na hakbang. Ngunit walang pumasok sa kaniyang noo. Sa labis na kaiisip ay kumalam ang kaniyang sikmura. Kumalam nang kumalam ang sikmura ng bathala. Di-kawasa’y naramdaman niyang tila lalong tumindi ang kaniyang kapangyarihan at sasabog ang kaniyang tiyan. Iniluwa ni Amansinaya ang laman ng kaniyang tiyan; at ang anumang bagay na lumabas sa kaniyang bibig ay naging isda, balilan, at page. Nabuo ang pating, buwaya, at pagong. Kumislot ang alimango, hipon, at salabay. Sumuka nang sumuka si Amansinaya at nabuhay ang kabibe, palos, at dugong. Dumami nang dumami ang lamandagat, at walang ano-ano’y naglaho ang paghilab ng tiyan niya. Natuwa si Amansinaya sa naganap. Bagaman waring nagasgas ang kaniyang lalamunan, ilong, gilagid, at dila ay hindi niya inalintana ang gayong karanasan. Gumaan ang pakiramdam ni Amansinaya sa unang pagkakataon, at iyon ang kaniyang higit na kinalugdan.

Nilibot ni Amansinaya ang kaniyang nasasakupan. Sumakay siya sa mga alon, at nakita niya mula sa malayo ang ilang tao doon sa gilid ng dalampasigan. Tinitigan niya ang kanilang hulagway, ang hulagway na tila nag-iisip nang malalim doon sa hiwaga ng karagatan. May pumitlag na pagmamahal sa dibdib ng bathala. Walang ano-ano’y pinaahon niya sa dalampasigan ang mga pusit at natuwa ang mga tao. Pinalapit ng bathala sa mga baybayin ang mga isda at lalong natuwa ang mga tao. Natutuhan ng mga tao na iluto at kainin ang bigay ng mapagpalang mga agos. Hindi na sila nagutom nang panahong iyon. Mula noon, kinilala nila ang angking kapangyarihan ni Amansinaya at ang lahat ng kaniyang likhang nananahan sa tubigan.

Ngunit dumating ang panahong naging tamad ang mga tao. Hindi nila pinahalagahan ang mga ilog, lawa, at dagat. Binalewala rin nila ang maylikha ng mga lamandagat. Hindi nagtagal, nagalit si Amansinaya sa mga tao at tiniyak na kailangan munang magpawis ang sinumang mangingisda at magdaragat bago makatikim ng kaniyang mga likha. Dumanas ng taggutom ang mga tao nang dumating ang di-inaasahang mga bagyo at mahahabang tag-araw. At ang mga tao, natauhan sila sa kanilang maling asal at nagbalik-loob sa bathala ng tubigan.

Mula noon, nagsikap at natuto ang mga mangingisda at magdaragat na sumakay sa mga alon samantalang ginagamit ang palatandaan ng mga bituin, simoy, at agos  sa paglalayag; nagpakadalubhasa sa paglutang, paglangoy, o pagsisid sa tubigan gaya ng ibang lamandagat. Tinangka rin nilang bumuo ng kani-kanilang bangka, balangay, at benawa; tinuklas ang paghahayuma ng lambat at ang bisa ng kawil o pana; at pinag-aralan ang paggawa ng gaya ng salakab, baklad, at palaisdaan. Nakabuo ang mga tao ng mga pananalig habang pinagpupugayan si Amansinaya. Lumikha ng mga tula o awit ang mga magdaragat at mangingisda; at pinarangalan ang nagbibigay sa kanila ng ginhawa habang nabubuhay. Iginalang nila at pinangalagaan ang tubigan; at itinuturing na ang kanilang mga buhay ay kaugnay ng buhay ng tubigan.

Umapaw nang umapaw ang kaligayahan sa puso ni Amansinaya sa nasaksihan. At itinakda niya nang sandaling yaon ang pantay-dagat sa buong daigdig upang maging batayan sa pag-iral ng sangkatauhan.

Gunita bilang Leksiyon sa tula ni Joseph de Luna Saguid

PANGINORIN

PANGINORIN, kuha ni Beth Añonuevo

Makapangyarihan ang alaala dahil ito ang sisidlan ng nakaraan, ang nakaraang huhubugin ng mga tao na magpapataw ng kanilang angking pananaw sa daigdig kompara sa pananaw ng iba, ang magpapalaganap ng kapangyarihan, at ang magpapanatili ng kakatwang kalagayan ng pag-iral ng mga bagay, paniniwala, ideolohiya, kabuhayan, at katauhan. Hindi estatiko ang nakaraan, gaya lamang na hindi estatiko ang isang pangkat ng mga tao dahil aktibo at kabahagi ito ng mismong ebolusyon ng tao at pangyayari sa paglipas ng panahon. Pawiin ang nakaraan at hindi mauunawaan ang kasalukuyan o hinaharap.

Bagaman mahirap itakda ang hanggahan ng nakaraan at kasalukuyan, maipapalagay na ang lahat ng kahapon ay kabahagi ng nakaraan kung ihahambing sa nagaganap ngayong araw o sandali. Sa gayong pagtuturing, ang nakaraan ay maikakahon sa kronika, sa pagtitipon ng mga salaysay, sa pagsasalaysay ng mga butil ng karanasan o tagpo, at sa pagsasala sa naturang mga karanasan o tagpo upang mapanaig yaong makatutulong sa ipinapalagay na pagsulong ng isang lipi o pangkat, o sabihin nang kultura o bayan.

Ang nakaraan ay maaaring panatilihin at panghimasukan, upang ang dating pangyayari’y maipagpatuloy, at maipagpatuloy alinsunod sa pintig ng kasalukuyang panahon, kung hindi man sa sariwang anggulo, at depende sa mga pangangailangan ng mga kalahok na tao. Ang panghihimasok ay maaaring sipatin ng tagaloob sa kaniyang espasyo, o kaya’y ng tagalabas na ibig palawakin ang sakop na espasyo, at dito maglalaro ang politikang pangkultura na umuurirat sa daloy ng kapangyarihan. Maihahalimbawa ang tulang “Tanawin” ni Joseph de Luna Saguid. Heto ang buong tula:

TANAWIN
ni Joseph de Luna Saguid

1          Nagpumiglas muna ang paslit
2          bago niya tuluyang naihagis sa tubig.

3          Mula sa bangka, nakaamba siyang
4          tumalon sakaling manganib na malunod
5          ang anak na muli’t muli’y lumutang—
6          lumubog, lumutang-lumubog, at muli,
7          siya ang paslit na inihagis sa tubig.

8          Sa gayong pagtanaw, nananariwa
9          sa alaala ang hapong ilang ulit niyang
10        nainom ang alat ng dagat bago
11        natutuhang ikampay ang sariling
12        mga bisig, tulad ng anak na ngayon
13        pa lamang inaangkin ang katawan
14        ng hangad na manatili sa ibabaw.

Nakatampok sa “Tanawin” ang isang paglalarawan ng isang karanasan hinggil sa pagtuturo kung paano magpalutang sa tubig, at lumangoy nang makaiwas malunod at mamatay. Ang paglangoy at pagpapalutang sa tubig ay isang kasanayan na dapat matutuhan ninuman, lalo kung ang kaligiran ay may tubigan, ang tubigang magtatakda sa ikabubuhay at pag-iral ng tao. Hindi kinakailangan ang pag-aaral lumangoy kung nasa gitna ka ng disyerto o nasa kabundukan, bagaman may ilang pagkakataon na ang kabundukan ay maaaring magtaglay din ng mga ilog, sanaw, sapa, talon, at balon na pawang kailangang tawirin ng mga tao.

Dapat ding banggitin na ang unang saknong ng tula ay tila bangka na nakapaibabaw sa tubigan, samantalang ang ikalawang saknong ang anumang bagay na nasa pagitan ng rabaw ng tubig at pinakailalim nito. Ang ikatlong saknong ang mahihiwatigang pinakamalalim na antas ng tubigan, o anumang may kaugnayan dito. Ang masinop na paglalatag ng mga taludtod ay waring umaayon sa marahang paglalatag ng mga tagpo—mulang paghahagis sa paslit sa tubig hanggang pagbabalik sa nakaraan ng magulang na dumaan sa gayon ding karanasan.

Sa tula ni Saguid, ang tubigan ay maipapalagay na malalim dahil may banggit hinggil sa bangka, at ang persona na naghagis ng paslit sa tubigan ay maaaring bihasang manlalangoy. Susubukin ng persona ang kaniyang anak sa kakayahan nitong matutong magpalutang, at ikampay ang mga kamay at paa sa tubig. Ang paghahagis ng persona sa paslit ay may kaugnay na pag-alalay, dahil kahit ang gayong karahas na karanasan ay ipinapalagay na maghahatid ng pagkatuto ng bata na magpalutang nang mag-isa, at magtiwala sa sarili, nang malayo sa paningin ng magulang.

Masisipat din naman sa ibang anggulo na imbes na matutong lumangoy ang batang inihagis sa tubig ay lalo lamang niyang kasuklaman at kahindikan ang paglangoy. Ang trawma na maisasaloob ng bata ang isang pangyayaring hindi magiging katanggap-tanggap sa tagapagturo. Mahihinuhang ang tagapagturo ay nag-aangkin ng pambihirang gunita hinggil sa tubigan at kung paano makapaiibabaw sa alon. Ang naturang gunita ang inaasahang susupil at papawi sa naturang trawma ng bata, upang ang masaklap na karanasan ng pagkakahagis sa tubigan ay maging selebrasyon ng pagbabanyuhay bilang tao na kabahagi ng isang pamilya o lipi o bayan. Sa sandaling matutong lumangoy ang bata, matagumpay na naipasa ng magulang sa kaniyang anak ang kasanayang pinaniniwalaang kailangan nito upang makapanaig sa daigdig.

Maaaring dumudukal ang tula sa klasikong pelikulang Badjao (1957) na obra ni Lamberto V. Javellana, at tinampukan nina Tony Santos, Rosa Rosal, Leroy Salvador, at iba pang mahuhusay na aktor. Sa nasabing pelikula, ipinamalas kung paano itinaas bago inihagis ang bagong silang na sanggol sa dagat, sa saliw ng makapangyarihang tinig na “Sagipin ang bagong badyaw!” at mag-uunahan ang mga maninisid na lalaking sisirin at sagipin ang sanggol. Sakali’t mabuhay ang sanggol makaraang maiahon, pinaniniwalaang may basbas siya ng tadhana’t maykapal at karapat-dapat maging kabahagi ng lipi. Bagaman maganda ang ganitong sinematograpikong tagpo, mapagdududahan ang nasabing kaugalian kung sadyang ginagawa nga ng liping Sama Laut dahil tiyak na magkakaroon ng malubhang pinsala kung hindi man magkasakit ang sanggol kung ihahagis nga sa gitna ng malamig at maalong dagat. Ang nasabing tradisyon—na ritwal ng pagbibinyag—ay mahihinuhang may panghihimasok ng direktor sa kaugalian ng mga Sama Laut, at ang nasabing Sama Laut ang tatatak sa gunita ng taumbayang nakapanood ng nasabing pelikula. Ang karanasan, kung gayon, ay maaaring hubugin ng panlabas na pakikialam ng mga tao na may angking kapangyarihang bumuo ng hulagway ng isang lipi.

Kung uuriin pa nang malalim ang tula ni Saguid, ang magulang na naghagis ng paslit sa ilog o dagat ay bumabalik din sa proseso ng pag-aaral lumangoy. Ang anak ay masasabing ekstensiyon ng magulang, at anumang hirap o pagsubok na daranasin ng anak ay tila magbabalik nang ganap sa alaala ng magulang. Mahihiwatigan sa tula na may bigat ding tinataglay ang magulang sa pagtuturo sa kaniyang anak. Ang magulang at ang anak ay masisipat dito na nagmumula lamang sa isang ugat, at may pagpapalagay na ang estado ng kanilang kalooban, kaisipan, at katawan ay pawang magkapareho lamang noon at magpahangga ngayon. Na mapupuwing sa isang banda, dahil iba ang kalagayan ng bata sa ngayon (na kosmopolitano ang kaanyuan) kompara sa bata noon (na taal na matalik sa likas na kaligiran), at iba na ang sitwasyon ng tubigan noon kaysa ngayon, bukod sa may mga siyentipiko’t masining na tuklas kung paano mabilis na matuturuang lumangoy ang isang paslit.

Ano’t anuman, ipinahihiwatig lamang ng tulang “Tanawin” ang isang tagpong kapupulutan ng karanasan—mabuti man o masama—at ang karanasang ito ay malimit kadikit ng gunita. Ang gunitang ipinapataw ng nakaraan ang dapat sinusuri nang maigi, dahil gaya ng nabanggit kangina, ang nakaraan ay hindi estatiko bagkus patuloy na umaandar na parang pelikula at walang makatitiyak ng wakas. Makapangyarihan ang gunita dahil kahit ang mga lumang paniniwala ay maaaring maipagpatuloy sa susunod na salinlahi. At kaya ang salinlahi ay may pananagutan na laging suriin ang nagaganap noon at ngayon, upang masala ang mga karanasang makatutulong sa pag-unlad ng sangkatauhan sa hinaharap, at kalimutan o talikdan na ang mga paniniwalang magpapabansot sa paglago ng lipi o indibidwal. Kung paano sasagapin ng makabagong henerasyon ang isang tiyak na alaala, gaya sa tula ni Joseph de Luna Saguid, ay isang hámon sa lahat upang manatiling lumulutang at matagumpay sa karagatan ng mga pangyayari’t karanasan.