[Talumpati sa Ingles ni Pang. Corazón C. Aquino sa Pinagsanib na Sesyon ng Kapulungan ng Estados Unidos, Washington, D.C. Setyembre 18, 1986. Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.]
TATLONG TAON NA ang nakararaan, nagdadalamhati akong lumisan sa Amerika upang ilibing ang aking kabiyak, si Ninoy Aquino. Akala ko’y umalis ako doon upang ilibing din nang ganap ang kaniyang di-makaling pangarap na kalayaan ng Filipinas. Ngayon, nagbabalik ako bilang pangulo ng malayang sambayanan.
Sa paglilibing kay Ninoy, dinarakila siya ng buong bansa. Sa magiting at mapagpaubayang pakikibakang magbigay ng karangalan, ang buong bansa ay nakabangon nang mag-isa. Ang bansang nawalan ng pananalig sa kinabukasan ay natagpuan yaon sa marahas at lantarang pagpaslang. Kaya sa pagbibigay ay nakatatanggap tayo; sa pagkawala ay nakatatagpo tayo; at mula sa pagkabigo ay nahablot natin ang tagumpay.
Para sa bansa, si Ninoy ang kaaya-ayang sakripisyo na tumugon sa mga panalangin nito hinggil sa kalayaan. Para sa akin at sa aking mga anak, si Ninoy ang mapagmahal na esposo at ama. Ang kaniyang pagkawala, nang tatlong ulit sa aming buhay, ay palaging malalim at makirot.
Ikalabing-apat na apat na taon ngayong buwan ang unang pagkakataon na nawala siya sa amin. Ang pangulong naghunos diktador, at nagtaksil sa kaniyang sinumpaang tungkulin, ay sinuspinde ang Saligang Batas at isinara ang Konggreso na parang gaya nito na isang karangalan ang magsalita. Ibinilanggo niya ang aking asawa kapiling ang ilang libo pang tao—mga senador, pabliser, at sinumang nagsalita para sa demokrasya—habang papalapit na ang wakas ng kaniyang pamamahala. Ngunit nakalaan para kay Ninoy ang mahaba at malupit na pagsubok. Batid ng diktador na si Ninoy ay hindi lamang katawan na makukulong bagkus diwaing dapat wasakin. Dahil kahit gibain nang isa-isa ng diktadura ang mga institusyon ng demokrasya—gaya ng press, Konggreso, independensiya ng hukuman, ang proteksiyon ng Talaan ng Karapatan—pinanatiling buháy ni Ninoy ang alab ng diwain nito.
Sinikap ng gobyerno na durugin si Ninoy sa pamamagitan ng panghihiya at paninindak. Ibinilibid siya sa maliit, halos walang hanging selda sa kampo militar sa hilaga. Hinubdan siya at binantaang ipabibitay pagsapit ng kalagitnaan ng gabi. Pinanindigan lahat iyon ni Ninoy. At gayon din halos ang ginawa ko. Inilihim sa akin ng mga awtoridad kung ano ang nangyari sa kaniya sa loob ng apatnapu’t tatlong araw. Ito ang unang pagkakataon na nadama ko at ng aking mga anak na naglaho na siya.
Nang hindi nagtagumpay ang gayong paraan, nilitis siya sa salang subersiyon, pagpatay, at iba pang krimen sa harap ng komisyong militar. Hinamon ni Ninoy ang awtoridad nito at siya’y nag-ayuno. Kung makaliligtas siya doon, pakiwari niya, ang Diyos ay may nakalaang ibang tadhana sa kaniya. Muling nawala si Ninoy sa amin. Dahil walang makapipigil sa kaniyang sigasig na mag-ayuno hanggang wakas, huminto lamang siya nang mabatid na pananatilihin ng gobyerno ang kaniyang katawan makalipas na sirain ng pag-aayuno ang utak. Lupaypay ang katawan na halos walang búhay, winakasan ni Ninoy ang kaniyang pag-aayuno sa ikaapatnapung araw. May inilaan ang Diyos sa kaniya na ibang bagay, ramdam ni Ninoy. Hindi niya alam na ang maagang kamatayan ay siya ring magiging tadhana niya, dangan lamang at hindi pa panahon.
Sa alinmang sandali ng kaniyang mahabang pagsubok, maaari na sanang makipagkasundo si Ninoy sa diktadura, gaya ng ginawa ng marami niyang kababayan. Ngunit ang diwa ng demokrasya na nananalaytay sa aming lahi at nagpapasigla ng kamarang ito ay hindi mahahayaang maupos. Pinanindigan niya, sa kabila ng galimgím ng kaniyang selda at kabiguan ng destiyero, ang demokratikong alternatibo sa hindi mapigil na kasakiman at salát-sa-katwirang kalupitan ng kanan at sa mala-holokawstong pagpupurga ng kaliwa.
Pagkaraan, naglaho siya sa amin nang ganap at higit na masakit kaysa noon. Sumapit sa amin sa Boston ang balita. Iyon ay pagkaraan ng tatlong masasayang taon ng aming pagsasama. Ngunit ang kaniyang kamatayan ay resureksiyon ng tapang at pananampalatayang magpapalaya sa aming bayan. Itinuring na walang kuwenta ng diktador si Ninoy. Dalawang milyong tao ang bumasag ng kanilang pananahimik at nagmartsa tungo sa libingan niya. At doon nagsimula ang rebolusyon na naghatid sa akin sa pinakatanyag na tahanan ng demokrasya, ang Konggreso ng Estados Unidos.
Nakasalalay sa aking mga balikat ngayon ang tungkuling ipagpatuloy ang paghahain ng demokratikong alternatibo sa aming sambayanan.
Winika ni Archibald Macleish na dapat ipagtanggol ang demokrasya sa pamamagitan ng sandata kapag tinapatan ng sandata, at sa pamamagitan ng katotohanan kapag tinapatan ng kasinungalingan. Nabigo niyang banggitin kung paano iyon ipapanalo.
Naniniwala ako sa ipinaglalaban ni Ninoy na dapat ipanalo iyon sa mga pamamaraan ng demokrasya. Naghintay akong makalahok noong halalan 1984 na inihayag ng diktadura, kahit alam kong dadayain iyon. Nagbabala sa akin ang mga abogado ng oposisyon sa panganib na maging lehitimo ang resulta ng halalang malinaw na dadayain. Ngunit hindi ako nakikipaglaban para sa mga abogado bagkus para sa mga mamamayang ang talino’y pinanaligan ko. Sa pagsasagawa ng demokrasya kahit nasa ilalim ng diktadura’y maihahanda sila sa demokrasya kapag sumapit ito. Ito rin ang tanging paraan na alam kong masusukat namin ang kapangyarihan kahit sa mga bagay na idinidikta ng diktadura.
Itinaguyod ako ng mga tao sa halalang hitik sa karahasan at pandaraya ng gobyerno. Nagwagi ang oposisyon sa mga halalan, lumikom ng malinaw na mayorya ng mga boto, bagaman ang natamo nila—salamat na lamang sa tiwaling Komisyon sa Halalan—ay halos sangkatlo lamang ng mga puwesto sa batasan. Ngayon, alam ko na ang aming kapangyarihan.
Noong nakaraang taon, nanawagan ng biglaang halalan ang diktadura bilang pagpapamalas ng labis na kapaluan. Tumangô ang bayan. Sa bisa ng mahigit isang milyong lagda, iniluklok nila ako na hamunin ang diktadura. At sinunod ko ang mithi nila. Ang sumunod ay kasaysayang nabuksan nang dramatiko sa inyong telebisyon at sa mga pambungad na pahina ng inyong mga pahayagan.
Nakita ninyo ang bansa, na armado ng giting at integridad, na mariing nanindigan sa demokrasya laban sa mga bantâ at korupsiyon. Nasaksihan ninyo ang mga babaeng tagapagbantay ng halalan na nagsitangis nang manloob ang mga armadong maton upang hablutin ang mga balota, ngunit itinali ng mga babae ang kanilang mga kamay sa mga kahon ng balota. Namalas ninyo ang mga tao na nagtaya sa mga pamamaraan ng demokrasya at handa nilang ihandog ang buhay para sa mababa nitong katumbas. Sa pagwawakas ng araw, bago pa sumapit ang bagong agos ng pandaraya na makapagpapabaligtad ng mga resulta, inihayag ko ang tagumpay ng bayan.
Inilarawan ng iginagalang na kawaksing pinuno ng pangkat tagapagsubaybay ng Estados Unidos sa kaniyang ulat sa inyong Pangulo ang nasabing tagumpay:
“Saksi ako sa pambihirang pagpapamalas ng demokrasya sa panig ng sambayanang Filipino. Ang ultimong resulta ay ang pagkakahalal kay Gng. Corazon C. Aquino bilang Pangulo at kay G. Salvador Laurel bilang Ikalawang Pangulo ng Republika ng Filipinas.”
Marami sa inyo na narito ngayon ang gumanap ng papel sa pagpapanibago ng patakaran ng inyong bansa hinggil sa aming bansa. Kami, ang mga Filipino, ay nagpapasalamat sa inyo sa ginawa ninyo: na sa pagtitimbang ng estratehikong interes ng Amerika laban sa mga usaping pantao ay maliliwanagan ang Amerikanong bisyon sa daigdig.
Nang ihayag ng sunod-sunurang batasan ang tagumpay ng aking kalaban, nagsilabasan sa mga kalye ang mga tao at inihayag na ako ang Pangulo nila. At tapat sa kanilang winika, nang ang iilang pinuno ng militar ay naghayag ng pagsalungat sa diktadura, ang mga tao’y nagbayanihan upang pangalagaan sila. Totoong kinakalinga ng mga tao ang kaisa nila. Sa gayong pananalig at pananagutang taglay nito nanungkulan ako bilang pangulo.
Isinantabi ng nauna sa akin ang demokrasya upang iligtas umano ito sa komunistang pag-aaklas na hindi lalabis sa 500 tao. Masigasig niyang nilabag ang mga karapatang pantao at ni hindi inalintana ang paggalang dito. Nang tumakas ang diktador palayo, ang armadong pakikibaka ay lumago sa 16,000. Wari ko’y may leksiyon dito na dapat matutuhan hinggil sa pagsisikap na supilin ang isang bagay sa pamamagitan ng mga pamamaraang magpapalago rito.
Walang tao sa aking palagay, sa loob man o labas ng bansa, na may malasakit sa demokratiko at bukás na Filipinas, ang magdududa sa mga dapat isagawa. Sa pamamagitan ng mga pagkukusang pampolitika at lokal na programang pagtanggap ng mga tao mula sa armadong pakikibaka, kailangan nating pababain ang mga maghihimagsik pababa sa mga buról at, sa bisa ng pangkabuhayang progreso at katarungan, ay maipakita sa kanila ang lantay na layuning ipinaglalaban nila.
Bilang Pangulo, hindi ako magtataksil sa simulain ng kapayapaang nagluklok sa akin sa kapangyarihan. Gayundin, at walang sinumang kapanalig ng demokrasyang Filipino ang mapasusubalian ito, hindi ko palalampasin at pababayaan ang pamunuan ng maghihimagsik na talikdan ang aming handog na kapayapaan at paslangin ang aming kabataang kawal, at magbanta sa aming bagong kalayaan.
Kailangan ko pa ring maghanap ng landas ng kapayapaan sa sukdulang paraan dahil ang wakas nito, anuman ang kabiguang masalubong, ang magiging batayang moral para sa pagpapalaganap ng kapayapaan at pagsusulong ng digmaan. At kung sumapit sa gayong yugto, hindi ako matatakot sa landas na iginiit ng inyong dakilang tagapagpalaya: “Walang malisya sa sinuman, may pagkalinga para sa lahat, at may katatagan sa mga karapatan, gaya ng mga ibinigay na karapatan ng Maykapal, tapusin natin ang trabahong nasa atin, bendahan ang mga sugat ng bansa, kalingain ang sinumang sumabak sa digmaan, at para sa kaniyang balo at mga ulila, ay gawin ang lahat ng matatamo at pahalagahan ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa atin at sa lahat ng bansa.”
Gaya ni Lincoln, nauunawaan kong kinakailangan ang puwersa bago ang kapatawaran. Gaya ni Lincoln, hindi ko iyon gusto. Gayunman ay gagawin ko ang dapat gawin upang ipagtanggol ang integridad at kalayaan ng aking bansa.
At pangwakas, hayaang dumako ako sa iba pang kaalipnan: ang aming $26 bilyong utang panlabas. Sinabi ko noon na kikilalanin namin ito. Ngunit ang mga pamamaraan ba para magawa iyon ay ipagkakait sa amin? Maraming kondisyon na ipinataw sa nakaraang gobyerno na nagnakaw ng inutang ang patuloy na ipinapataw sa aming hindi nakinabang dito. At walang tulong o liberalidad na katumbas ng kalamidad na ibinigay sa amin ang pinalawig. Gayunman, ang amin ang pinakamatipid na rebolusyon marahil. Kaming mga Filipino, na kakaunti ang tulong na nasagap sa ibang bansa, ang tumupad ng una at pinakamahirap na kondisyon sa negosasyon ng utang: ang pagpapanumbalik ng demokrasya at responsableng gobyerno. Sa ibang pook, at sa ibang panahon na higit na mahigpit ang mga pandaigdigang ekonomikong kondisyon, ang mga planong Marshall at kauri nito ang naisip na mahalagang kasama sa pagpapanumbalik ng demokrasya.
Nang makaharap ko si Pang. Reagan kahapon, nagsimula kami ng mahalagang diyalogo hinggil sa kooperasyon at pagpapalakas ng pagkakaibigan sa panig ng dalawang bansa. Ang naturang pulong ang kapuwa kumpirmasyon at bagong simula, at dapat mauwi sa mga positibong resulta sa lahat ng panig ng pangkalahatang usapin.
Hinaharap namin ngayon ang mithi ng sambayanang dumanas ng labis na kahirapan at matinding kawalan ng trabaho sa loob ng labing-apat na taon, ngunit inialay pa rin ang kani-kanilang buhay para sa malabong demokrasya. Tuwing nangangampanya ako sa mga pook maralita o liblib na nayon, lumalapit ang mga tao sa akin at sumisigaw ng demokrasya. Hindi trabaho, bagaman tiyak na nais nila iyon, bagkus demokrasya. Hindi salapi, dahil ibinigay nila sa akin ang anumang munti nilang naipon para sa kampanya. Hindi nila ako inasahang magbibigay ng himala na magpapalitaw ng pagkain, damit, edukasyon sa kanilang mga anak, at trabahong maglalaan ng dignidad sa kanilang buhay. Subalit nararamdaman ko ang pananagutang kumilos nang mabilis bilang pinuno ng mga tao na karapat-dapat matamo ang mga bagay na ito.
Hinaharap namin ang armadong pakikibaka ng komunista na lumulusog sa pagguho ng kabuhayan, kahit nakikibahagi kami sa mga tanggulan ng malalayang daigdig sa Pasipiko. Ito ang tanging dalawang pasaning dinadala ng aking mga kababayan habang sinisikap nilang magtatag ng karapat-dapat at matibay na tahanan para sa kanilang bagong demokrasya, na makapagsisilbi ring tanggulan para sa kalayaan ng Asya. Gayunman, hindi pa natatapos maglatag ng bato ay dalawa naman ang tinatangay palayo. Kalahati ng aming kita sa pagluluwas, na tinatayang $2 sa $4 bilyong dolyar, ang tanging naiipon namin sa labis na mahigpit na merkado ng daigdig, at ibinabalik pa upang bayaran ang interes ng utang na ang benepisyo ay hindi natatanggap ng mga tao.
Lumaban kami nang matamo ang dangal, at kahit man lang sa dangal, handa kaming magbayad. Ngunit dapat pa ba nating pigain ang pambayad mula sa pawis sa mukha ng aming kababayan at ilubog ang lahat ng kayamanang natipon ng tagapanagot na dalawang daan at limampung taon kumayod nang dibdiban?
Sa lahat ng Amerikano, bilang pinuno ng marangal at malayang bansa, ipinupukol ko ang tanong na ito: Mayroon bang hihigit sa pagsubok ng pambansang pagtataya sa mga mithi na inyong pinahahalagahan kaysa sa dinanas ng aking mga kababayan? Gumugol kayo ng maraming buhay at maraming yaman upang maghatid ng kalayaan sa maraming lupain na pawang bantulot tanggapin yaon. At dito ay may sambayanang nagwagi nang mag-isa at kailangan lamang ang tulong upang mapanatili ang natamo.
Tatlong taon na ang nakalilipas ay sinabi kong Salamat, Amerika, para sa kanlungan ng inaapi, at sa tahanang ibinigay mo kay Ninoy, sa akin at sa aking mga anak, at para sa tatlong masayang taon naming pinagsamahan. Ngayon, sinasabi kong, samahan ninyo kami, Amerika, habang itinitindig namin ang bagong tahanan para sa demokrasya, ang bagong kanlungan para sa inaapi, upang makatindig ito bilang kumikinang na testamento ng ating dalawang bansang nagtataya sa kalayaan.