Adiyogi sa Pasig, ni Roberto T. Añonuevo

Adiyogi sa Pasig

Roberto T. Añonuevo

Ang gabi ng mga kamay ay mga kaluluwa
sa agos.
Ang gabi ng pagtatalik ng mga kaluluwa
ay agos.
Ang gabi ng pagsilang ng mga kaluluwa
ay agos.

Hayaang umagos ang sayaw ng kalululuwa.
Hayaang umagos ang buwan ng kaluluwa.
Hayaang umagos ang bulaklak ng kaluluwa.

Sapagkat ito ang gabi ng landas palaot.
Sapagkat ito ang gabi ng landas ng laot.
Sapagkat ito ang gabi ng laot ng mga landas.

Ang gabi ng bathala ay gabi ng mga likha.
Ang gabi ng bathala ay likha ng mga gabi.
Ang gabi ay bathala na gabi ang lumilikha.

Ito ang sandali ng paglusong sa karimlan.
Ito ang sandali ng pag-ahon sa karimlan.
Ito ang karimlan ng paglusong at pag-ahon
ng sandali.

Sapagkat ito ang inaasam na paghuhugas
ng sandali.
Sapagkat ito ang inaasam ng paghuhugas.
Ang sandali—
Ang inaasam na paghuhugas nang wagas.

Alimbúkad: Poetry walking the talk. Poetry making the impossible possible. Photo by Arti Agarwal on Pexels.com

Humahawig na Hugis, ni Stanley Burnshaw

Salin ng “The Echoing Shape,” ni Stanley Burnshaw ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo
  
 Humahawig na Hugis
  
 Ano ang magagawa mo sa buong araw?
 Hanapin ang ulap sa araw——makinig
 Sa ilalim ng dagat sa himpapawid——sundan
 Ang dahon, ang damo. . .
  
                              At sa gabi?
  
 Sinisikap kong manaig sa karimlan.
 Walang anumang hubog sa labas ang nagsisimulang
 Kausapin ako: sinusunog ng liwanag nito
 Ang mga tainga ko: naaarok ko ang alon ng hatinggabi.
 Minamasdan ng pusa ko ang aking mga paa,
 Kapuwa kaming umaasa na mabatid ang naririnig
 Sa karimlan na gumugulong mula sa lawa,
 Na ang ibon ay umaawit para sa mga sanga nito.
 Paano kong malalaman kung bulag ang ibon?
 Wala na marahil ito sa pagsapit ng madaling-araw.
 At bagaman makalalapit ako, sa ibang katahimikan,
 Manonood ako palagi nang may paninging 
 Naibabalik ang anumang magpapaalab ng sinag
 Ang mga hawig na hugis ng bisig, binti, balikat——
 Ang mga aninong pugot ng lahat ng pangitaing inibig nila. 
Alimbúkad: Translating the world through poetry. Photo by Pixabay on Pexels.com

Uwi, ni Roberto T. Añonuevo

Uwi

Roberto T. Añonuevo

Nagbabantay kahit ang mga tuta
sa pinto ng karimlan
tuwing ginagabi ka sa pag-uwi.

Lumalalim ang panahon
at lumuluha ang gripo
na pihitin man ay pilit
isinasalaysay ang terminal,
dam, at metro mong naabot.

Pelikula ng megalopolis
at paniking lumilipad,
ang anino’y lilikwad-likwad.

Sumisimoy ang panalangin
na makabalik ka,
at may magulang na balisa
kapag kulang ang supling,
at nag-iisip ng maisasaing.

Marahil, ang mithing gatas
ay mapapalitan ng katakatayak,
para sa gabing bumabagal.

Magtatakbuhan ang mga tuta
kapag may kumaluskos sa bakuran.
At magsisiyasat ang mga ilong:
Isang nobela ng pagtuklas
na lumulundag sa malalayong
planeta.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity

Ang Lungsod, ni Jaime Saenz

Salin ng “La ciudad,” ni Jaime Saenz ng Bolivia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Lungsod

Para kina Blanca Wiethüchter at Ramiro Molina

Sa usok at sa apoy, maraming tao ang naumid at natahimik
sa kalye, sa kanto,
sa mataas na lungsod, nagninilay sa kinabukasan sa paghahanap ng nakalipas
—maliligoy na bituka, kidlat ng gabi,
sa matang mapagsiyasat, ang mga meditasyon ay nauuwi sa pagdurusa.

Sa ibang panahon, may silbi ang pag-asa at ligaya—di-nakikita ang agos
. . . . . .ng panahon,
at ang karimlan, na di-nakikitang bagay,
ay mabubunyag lámang sa mga infinitong matatandang nangangapa para damhin
. . . . . .kung hindi ka kabilang sa kanila,
habang kinakapâ ang ilang batang iniisip nilang ramdam nila, kahit ang mga paslit
. . . . . .na ito’y dama sila at nalilito sa piling nila, dinadama ka,
gaya sa pag-iisa na mararamdaman ang balabal ng dilim na nilalá sa di-maarok
. . . . . .na pighati ng ilang naninirahan,
namatay at nawala sa transparenteng karimlan na lungsod na aking pinaninirahan,
pinanirahan na lungsod sa ubod ng aking kaluluwa na tinitirahan ng isang naninirahan,
—at gaya ng lungsod na hitik sa mga siklab, hitik sa mga bituin, hitik sa mga apoy
. . . . . .sa kanto ng mga kalye,
punong-puno ng mga karbon at alipato sa hangin,
gaya ng lungsod na maraming nilalang, mag-isa at malayo sa akin, kumikilos
. . . . . .at bumubulong
na may kapalarang lingid sa kalangitan,
na may mga mata, may mga idolo, at may mga batang dinurog ng gayong kalangitan,
na wala nang búhay na higit sa búhay na ito, na wala nang panahon na higit
. . . . . .sa panahong ito,
na naipit sa matataas na pader ng apoy at paglipol, nagduruyan sa pagsuko,
impit na impit na hinihikbian ang papalubog na lungsod na ito.

At walang anghel o demonyo sa ganitong balón ng katahimikan.
Tanging mga apoy na nakahanay sa mahahabang kalye.
Tanging malalamig na hubog ng mga anino, at pagkabato ng araw na umurong.
Ang hininga ng liwayway na sisilay sa huling sandali, ang mga umiingit na pinto
. . . . . .sa hangin,
ang mga hanggahang nabibiyak at kumakalat at mga anyong nakikisanib sa apoy,
ang mga signo at awit,
na may ilahas na panggigipuspos, sa lupa at lampas sa lupa,
at sa hininga ng mga patay, ang walang humpay na ulan,
ang pagtanggap na lásang tinapay, sa bahay na sinusundan ako tuwing nananaginip,
ang mga patyo at baitang, ang mga laláng at bato, at ang mga bulwagang walang wakas,
ang mga bintanang nagbubukas sa kahungkagan at pumipinid sa pagkagitla,
ang mga silid na kinababaliwan ko at ang mga sulok na aking pinagtataguan
—ang maiitim na dingding at basang lumot, ang mga himpilang hinahanap ko
. . . . . .ang kung anong bagay,
ang pinagkukublihan ng sarili mula sa alingasaw ng bantot ng nakaugalian.

Walang tinig, walang liwanag, walang testimonya ng aking dáting buhay.
Tanging mga apoy,
walang kamatayan bagaman habang-panahong kumukutitap, at tanging mga apoy.
Ang malamlam na pangitain ng multo na minsang tinaguriang kabataan
—sa aking lungsod, sa aking tahanan.

Alimbukad: World Poetry Marathon for Humanity. Photo by Geziel Esteban, titled “La Paz, Bolivia.”  Unsplash.com

Bagong Taon, ni Nazik al-Mala’ika

Salin ng tulang Arabe ni Nazik al-Mala’ika ng Iraq
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bagong Taon

Bagong Taon, huwag dumako sa aming tahanan dahil
mga palaboy kami sa kadungayan, at pinagkaitan ng tao.
Tumatakas sa amin ang gabi; iniwan kami ng tadhana.
Namumuhay kami gaya ng mga gumagalang kaluluwa
na walang alaala,
walang pangarap, walang inaasam, walang pag-asa.
Ang panganorin ng aming mga mata’y naging abuhin,
at ang abong-agos ng kalmanteng lawa’y
kawangis ng aming di-makapangusap na mga kilay:
Walang kislot, walang puso,
at hinubdan ng anumang anyo ng tula.
Nabubuhay kami nang mangmang hinggil sa búhay.

Bagong Taon, lumarga! Mayroong landas
na magpapasimuno sa iyong mga hakbang.
Taglay namin ang mga ugat ng matitigas na tambô,
at walang kaalam-alam hinggil sa kalungkutan.
Ibig naming mamatay ngunit tumatanggi ang hukay.
Ibig naming sulatin ang kasaysayan ng mga taon
kung batid lang sana naming maipirmi sa isang pook,
at alam na makapagdudulot ng taglamig ang niyebe
upang takpan ng karimlan ang aming mga mukha.
Kung nagawa lang sana ng gunita, pag-asa, pagsisisi
na hadlangan ang bansa namin sa tinatahak nito;
kung kinasindakan lang sana namin ang kabaliwan;
kung nabulabog lang sana ang aming búhay
sanhi man ng paglalakbay o pagkagulantang
o kaya’y pamimighati sa imposibleng pagmamahal.
Kung makayayao lang sana kami, gaya ng ibang tao.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Madaling-araw, ni Ricardo Jaimes Freire

Salin ng “El Alba,” ni Ricardo Jaimes Freire ng Bolivia
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Madaling-araw

Ang mapuputlang liwayway,
Isinilang sa piling ng mahihiwagang anino,
Ay nagtataglay ng mga himaymay ng karimlang
Nagsala-salabid sa laylayan ng mga balabal nito;
Pinaniningning ng sinag ang mga bundok,
Ang mga tuktok ng mga bundok ay namumula;
Pinaliliguan ang mayayabang na tore,
Na sumasaludo sa kanilang tahimik na aparisyon
Nang may inaantok at namamaos
Na tinig ng mga kampana;
Naghahalakhakan sa masisikip na kalye ng lungsod
At nababasag sa mga bukid na ang taglamig
Ay dumadakila sa madidilaw na dahon.
May pabango ng Silangan
Ang mga liwayway,
Hinango sa mga daan, mula sa mga lihim na gubat
Ng pambihirang halamanan.
Nagdudulot ito ng mga ritmo at musikang kaaya-aya,
Dahil naririnig ang mga huni at awit
Ng mga ilahas na ibon.
Biglang lumindol at niyanig ang matatandang bahay,
At ang mga tao, na halos hubo’t hubad,
Ay nagsiluhod upang magdasal sa mga kalye at patyo,

At sumigaw: “Diyos ko! Makapangyarihang Diyos!
Diyos na walang hangga!” Sunod-sunod ang katal ng lupa,
wari bang niyugyog ng apokaliptiko’t di-nakikitang kamay. . .

Simbigat ng tingga ang atmospera. Wala ni simoy.
At sinasabing ang Kamatayan ay tumawid dito
Sa lilim ng panatag na kalangitan.

Alimbukad: World Poetry Solidarity for Humanity

Ang Tao na Nagsasalita sa Dilim, ni João Cabral de Melo Neto

Salin ng “Homem falando no escuro,” ni João Cabral de Melo Neto          ng Brazil
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Tao na Nagsasalita sa Dilim

Malalim at napakatahimik na pagninilay
ang nakapaloob sa gabing nasa piling;
sa loob ng gabi, sa loob ng pangarap na iisa ang espasyo at katahimikan.

Kislot ang pumukaw sa simula, na may pagaspas ng mga pakpak
na pawang bagwis ng kamatayan.
Tila ako nananaginip nang gising sa lahat ng sandali ng bawat araw.

Hindi ko alintanang sumulat ng taludtod ngunit sabay nating pinalalaya
ang mga sarili sa bawat tula.
Hindi magtatagal at hindi na sa atin ang isinulat, at wala nang matitira
sa iyo para sa naghihiyawang lungsod.

Tanging mga pangarap natin ang mahalaga ngayong gabi.
Kapuwa natin niyuyugyog ang katahimikan.
Sinasabing bahâ ang tanging kailangan, ngunit ni walang talàng lumitaw.

Pagkanegro, ni James Emanuel

Salin ng “Negritude,” ni James Emanuel ng United States of America
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagkanegro

Itim ang unang pakò na aking niyapakan;
Itim ang kamay na pumawi sa aking luha.
Itim ang unang matandang aking napansin;
Itim ang pamatok ng kaniyang mga taon.

Itim ang naghihintay sa pook ng karimlan;
Itim ang sahig na kinalugmukan ng mga siga.
Itim ang kuwentong tigmak sa pighati;
Itim ang kapatiran ng mga pagdurusa.

Itim ang tahimik na pintong yari sa bakal;
Itim ang landas ng dumarako sa hulihan.
Itim ang paglikô sa paglipas ng mga taon;
Itim ang mga talaarawan ng isipan.

Itim ang mga kamao ni Gabriel Prosser;
Itim ang lastag na dibdib ng Manlalakbay.
Itim ang patay na ina ng batang mag-aaral;
Itim ang batang namumukod sa iba pa.

Itim ang paggaralgal ng isang motor;
Itim ang tapak kapag naging berde ang ilaw.
Itim ang bukbuking papel ng nakaraang taon;
Itim ang ulong-balitang hindi pa nababása.

Itim ang pasaning magiting na inihihimig;
Itim ang krus na pawis sa pagbangon ng bayan.
Itim ang batang kilala ang kaniyang mga bayani;
Itim ang paraan ng pagyao ng bayang bayani.

Stop weaponizing the law. No to Chinese invasion. Yes to people power. Yes to human rights. Yes to humanity!

 

Sawën, ni Annie Finch

Salin ng “Samhain,” ni Annie Finch ng USA
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Sawën

Annie Finch

(Célticong Todos los Santos)

Sa panahong dapat umibig ang mga dahon,
Yamang nagpaparaya ito sa kanilang lumiban
Para kumilos sa simoy, tungo sa sahig
Nagmamasid sila habang sila’y nakabitin,
At ayon sa alamat, mayroong kostura
Na tumatahi sa karimlan gaya ng pangalan.

Ngayong lumulukob ang damong yumayao
Sa lupa mula sa langit sa isang huling alon
Na maputla, gaya ng taglagas na namamatay
Upang ibalik ang taglamig, pagdaka’y tagsibol,
Tayo na namamatay ang sarili’y mahihiklat
Pabalik ang isang naiibang uri ng talukbong

Na nakabitin sa atin tulad ng makapal na usok.
Ngayong gabi, nadama ko sa wakas ang yanig.
Ramdam ko ang mga gabing humahaba palayo
Sa libong paraan sa likod ng mga araw
Hanggang maabot nila ang karimlan
Na ang lahat ng sa akin ay kanuno-nunoan.

Iginalaw ko ang aking kamay at nasalat
Ang hipo na kumislot sa akin, at nang palisin
Ko sa aking isip nang lagpas sa iba pa,
Ako ay naging ina ng aking ina.
Sintiyak ng mga hakbang sa naghihintay kong
Sarili, natagpuan ko siya, at naglabas

Ng mga bisig na hatid ang mga tugon sa akin,
Matalik, at wari’y naghihintay ng pabuya.
“Pasanin ako.” Iniwan niya ang bagnos na ito
Sa pamamagitan ng pangangatal ng belo,
At umalis, gaya ng ambar na kinalalagyan niya,
Isang regalo para sa walang hangga niyang titig.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold human rights of all Filipinos!

“Tumataog, Kumakati,” ni Henry Wadsworth Longfellow

Salin ng “The Tide Rises, The Tide Falls,” ni Henry Wadsworth Longfellow
Salin sa pandaigdigang Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Tumatáog, kumakáti

Tumatáog ang tubig, kumakáti ang tubig
Dumidilim ang hapon, humuhuni ang ibon;
Sa pasigan ng dagat na basa’t kinalawang
Nagmadaling núngo sa bayan ang manlalakbay,
. . . . . . . . .Tumatáog ang tubig, kumakáti ang tubig.

Lumalapag sa bubong at dingding ang karimlan.
Ngunit ang dagat sa pusikit ay tumatawag;
Malambot, puti ang kamay ng álong dumating
Na pumawì sa bakas ng paa sa buhangin.
. . . . . . . . .Tumatáog ang tubig, kumakáti ang tubig.

Nikat ang liwayway; mga kabayo sa kural
Ay sumikad at suminghal pagsitsit ng amo;
Nagbalik ang araw, subalit hindi na mulȋng
Babalik ang manlalakbay sa baybay ng mithȋ.
. . . . . . . . .At tumáog ang tubig, at kumáti ang tubig.

Stop weaponizing the law. No to illegal arrest. No to illegal detention. No to extrajudicial killing. Uphold the human rights of ordinary Filipinos! Pass the word.