Ikaapatnapu’t anim na Aralin: Ang Paradoha

Ikaápatnapû’t ánim na Aralín: Ang Paradóha

Roberto T. Añonuevo

Hindî ka isinílang pára maniwalà; isinílang ka pára mag-usisà. Itó ang wíwikàin sa iyó ng pinágtambál na líryo-at-liwaywáy paglabás sa Tralalá, matápos magsawà sa kakúkutingtíng sa talyér ng mga gastádong salitâ’t talinghagà. Pakíramdám mo’y tinubûan ka ng mga súngay, bumigát ang katawán túlad ng damúlag, at káyang-káyang mag-aráro ng ektá-ektáryang bukirín. Hindî ka konténto sa iyóng saríli; at lálong hindî mapanátag ang iyóng kuwadérno. Bílang panimulâ, bábalikán mo mínsan pa ang náriníg sa gusgúsing pundúhan, bábaklasín ang pulútan sa mga huntáhan—ang talinghagàng náriníg din ng ibá at pílit ginagáya ni Síri at ng Karunungáng Artipisyál, ang naságap din ng iyóng impó at siyáng ipapása sa iyó bágo pa malíkom ni Damiana Eugenio:

Hampás sa anuwáng,
Sa pálad ang látay.

Sápagkát kailángang pasunurín at paamûin ang anuwáng, matútutúhan mong gumámit ng lakás. Ang únang pilantík kung hindî man hablíg na sinúsundán ng sitsít ay masisípat na mapanggúlat na humahátak ng pansín sa tinamàan; at ang mga kasunód nitó ay maáarìng hindî na makatínag, kayâ kinákailángan ang higít na malakás na hampás—ang  hagupít—na sa maláo’t madalî ay makakásanáyan ng háyop. Ang hampás ay maáarì ding tumúkoy sa malakás na bagsák ng pálad sa likurán o tagilíran ng anuwáng, at kung gánitó ngâ, ang látay ay hindî ang karaníwang pagkakáunawà sa látay, na maáarìng pagkágasgás ng balát mulâ sa matítigás, nakátinghás na balahíbo at makapál, magaspáng na balát ng háyop. Sa isáng pánig, maghúhudyát pa ang “hampás” ng ugnáyang maglíligtás sa háyop mulâ sa kagutúman o pinsalà o sakít sápagkát may tagapág-alagà. At sa kabilâng pánig, natítiyák ang katumbás na episyénte’t mabilís na pagbúbungkál ng lupà sa túlong ng alagàng háyop. Ang makapál na balát ng anuwáng, na binagáyan ng mga balahíbong ánimo’y makasásalubsób o makatítiník, ay hindî máiháhambíng sa iyóng balát na manipís at manipís ding pálad. Hagupitín ng lúbid nang paúlit-úlit ang anuwáng, at ang lúbid na iyóng háwak ang gágasgás sa iyóng balát, mag-iíwan ng paltós sa kamáy, at pagkáraán ay magíging mápuláng gúhit sa pálad. Uulítin mo pa ang káwikàán:

Hampás sa anuwáng,
Sa pálad ang látay.

Sa pagkakátaóng itó, ang anuwáng ay hindî na ang karaníwang anuwáng o kinatawán ng lahát ng kaurì nitó. Masaságap mo ang pananáw ng anuwáng, halimbawà, kung bákit nakatítiís itó sa hampás na paraán ng komunikasyón ng tagapág-alagà nitó at siyáng nagbubúnga ng relasyóng tagapág-alagà at ináalagàan; o kayâ’y sa relasyóng tinátanáw din bílang pagsasálin sa anyô ng kapuwâ máykapangyaríhan at alípin. Máisasáloób mo pa ang pananáw ng nagpapásunód sa anuwáng—na hindî man banggitín ay maáarìng ang táo na kápuwâ nagsasáka ng búkid at nagpapahíla ng parágos. Ang ikatlóng pananáw ang pinakámadalî: ang nakamámasíd sa háyop at táo—na makapápansín din sa mga pangyayári, gáya ng ákto ng paghampás sa anuwáng at paglitáw ng látay sa pálad ng nagpapásunód sa anuwáng.

Pinakálantád ang “hampás,” na mag-úugnáy sa “anuwáng” at sa “pálad” na walâng pasubalìng metonímya ng táo, o sabíhin nang tadhanà [kapaláran] ng táo at resúlta ng aksiyón nitó. Ang “látay” ay hindî bastá paglálaráwan sa tandâ ng kirót at pahírap na tinamó ng pinasúsunód; itó rin ay pagkábulábog sa dápat sánang napakádalîng pagkakáunawà kung bákit may “látay” ang “anuwáng” na hindî malálayô sa “pílat” o “marká” sa balát ng “máykapangyaríhan.” Dáhil sa gayóng pagkakátaón, ang “hampás” ay gumáganáp ng isáng anyô ng pagsasálin mulâng lúbid o látigó o pamatpát o kamáy túngong anuwáng hanggáng pábalík sa táo na ináarì yaóng kasangkápan; at sa kalaúnan, ang pagsasáling itó ay nagíging pagbábanyúhay hindî ng anyô, bagkús ng posíbleng tamuhíng diwàin mulâ sa gayóng anyô. Itó ay sápagkát ang kódigo ay nása anyô ng galáw ng kamáy o kasangkápan nitó sa pananákop, na hindî lámang paglálaráwan bagkús isáng adelantádong pagtanáw sa magíging resúlta ng hampás. Másalimúot kung gayón ang operasyón ng paradóha ng anuwáng.

Kung ang pálad ay metonímya ng táo, itó ay posíbleng magíng bukás din bílang metonímya ng kapangyaríhan, ang pagsasánib ng literál at metapórikong anyô (eksistensiyál+ materyál) úpang magsílang ng talinghagà. Sa ganitóng pangyayári, ang “anuwáng,” “hampás,” “pálad,” at “látay” ay hindî puwédeng manatíli sa orihinál at transendénteng hiwátig; malálantád itó káhit sa paramdám at pahatíd na may báhid ng polítika o ideolohíya, lalò kung isasaálang-álang kung paáno tinátanáw ng isáng lumàng pámayanán ang “anuwáng” [katatagán, katuwáng, alípin], “hampás” [kapangyaríhan, útos, parúsa], “pálad” [tadhanà, táo, kataúhan, hulà], at “látay” [marká, resúlta, pagkábusábos, hináharáp]. Kailángan ng mga itóng umigpáw sa mga dáti nitóng tagláy na pákahulugán nang makápagsílang ng sariwàng kabatíran.

Ang nasábing kawikàán ay posíbleng gumanáp sa isáng urì ng hula at babalâ, sápagkát ang humáhampás ang makáraránas sa bandáng hulí ng pasákit. Bagamán sa únang málas ay hinampás ang anuwáng, ang negatíbong resúlta nitó ay hindî pára sa anuwáng. Posíbleng hindî rin itó tuwírang darámdamín ng nasábing háyop dahil maáarìng namanhíd na yaón o makapál lámang ang balát; o sadyâng napáamò at napálapít sa kaniyáng tagapág-alagà. Ang hampás ay tumátamà sa may háwak ng kapangyaríhan sa malígoy na paraán, na kung hindî man sa pisikál na antás ay maáarìng sa antás na sikolóhiko at espiritwál. Sa kabilâ ng lahát, may mga puwáng pa rin sa nasábing taludtúran. Úna, hindî malínaw kung ang humampás ay ang tagapág-alagà, at kung sakalì’t ibáng táo ang humampás, maáarìng hindî siyá sanáy sa gawâing pambúkid. Ikálawá, kung ang humampás ay ang tagapág-alagà, masisípat na káhit dáti nang nagtátrabáho sa búkid ang humampás ay apektádo pa rin siyá sakalì’t masugátan o mapinsalà ang kaniyáng alagà. Sa gayóng pangyayári, ang “pálad” ay hindî máikákahón sa literál na “pálad” na bahagì ng kamáy bagkús ang maipápalagáy na “kapaláran” o “tadhanà” na búnga ng pasiyá, kung hindî man silakbó ng damdámin. Ang kapaláran ng kápuwâ humampás at hinampás samakatwíd ang apektádo pagláon, sa ugnáyang gantíhang pagtugón na hálos maglarô sa sádomasokístang paraán.

Ang ganitóng eksótikong talinghagà ay hindî káyang maisáhinágap ni Siri, sampû ng Karunúngang Artipisyál, ni makakáyang higtán. Ang magágawâ lámang ni Siri ay tumbasán itó at gagarín sa ibáng anyô, makaraáng lunukín ang lahát ng nilálamán ng málig ng iyóng báyan.

Masisípat sa isáng bandá na laós na ang sinaúnang tulâ dáhil sa pagpapákilála ng modérnong teknolóhiya at makinárya. Hálos maburá na sa gunitâ ng madlâ ang “anuwáng,” na náiligtás lámang sa bisà ng mga díksiyonáryo at tesáwro, at higít na makíkilála ang “kalabáw” o “karabáw” o “carabao.” Ngúnit gaáno man kasigásig ang panánaliksík, ang ugát ay posíbleng kasingkúlay ng paglálaráwan: ka+labáw, na kasámang tagápamahalà; ka+rabáw, kasámang nakatátaás. Ang “carabao” na tanawín mang hispanisádong Binisayâ at pumások sakâ inangkín sa kórpus ng Inglés ay áagáwin ang kápuwâ “kalabáw” at “karabáw” sa pinág-ugatán nitó, hanggáng ganáp na mapawì sa bokábuláryo ng madlâ ang “anuwáng.” Maglahò man sa balát ng lupà ang anuwáng, at ipagbáwal ang panánakít sa natúrang háyop, hindî pa rin ganáp na maisásantabí ang nasábing káwikàán dáhil itó ay nilikhâ sa isáng takdâng panahón sa loób ng tiyák na pámayanáng matálik sa gayóng mga salitâ at pagpápahiwátig. Patáy na ang anuwáng bágo pa man itó isúlat at bigkasín bílang tulâ.

Ang pagbábalík sa natúrang káwikàán ay tíla paghúhukáy ng mga arkeólogo ng mga artefákto’t butó, at pagkáraán nitó’y ang rékonstruksiyón ng paradóha sa ísip at guníguní nang mabatíd ang nakalípas. Kaugnáy ng rékonstruksiyón ang patúloy na tránspormasyón at pagbalì sa nasábing tulâ, kayâ huwág magtaká kung maglarô sa noó ang sumúsunód na ehersísyo:

Mga Varyasyón sa Téma ng “Hampás sa anuwáng. . .”

1
Hampás sa anuwáng
Sa pálad ang látay.

Hampás sa kabáyo
Anuwáng ang nakbó!

Hampás sa kalabáw,
Hampás sa anuwáng.
Látay sa kabáyo,
Látay sa pálad mo.

2
Lumátay sa anuwáng
Ang hampás-kapaláran.

3
Látay ng hampás
Sa áking pálad:
Mukhâng anuwáng.

4
Súngay ng anuwáng
Ang pálad mo’t látay.

5
Hampás sa anuwáng ang daigdíg
Sa pálad ang látay ng pag-íbig.

6
Hampás sa anuwáng ang daigdíg; lumapág
Sa pálad ang látay ng pag-íbig at lakás.

7
Hampás sa anuwáng ang daigdíg; lumapág, tumíning
Sa pálad ang látay ng pag-íbig at lakás—kay ningníng!

8
Hampás sa anuwáng ang daigdíg—
lumapág, tumíning sa noó.
Sa pálad ang látay ng pag-íbig 
at lakás—kay ningníng na bató!

9
Hampás sa anuwáng ang daigdig; 
lumapag, tumining sa noo ang poot.
Sa pálad ang látay ng pag-ibig 
at lakas—kay ningning na bato sa loob.

10
Hampás sa pálad
Háyop na hampás.

11
Hampás sa anuwáng
Hampás din sa báyan.
Látay sa kabáyo,
Látay ng pangúlo.

12
Hampasín ang anuwáng
At pálad ay himásin.

13
Hinampás ng hángin ang anuwáng ngúnit walâ ni látay. Umambâ ang mga súngay, sumingasíng ng alikabók ang pastól. Sa mga matá ng suwaíl, pumaskíl ang dugûáng pálad at malagkít na látigó ng asendéro. . . .
Alimbúkad: Epic raging poetry in search of humanity. Photo by Bapi Kundu on Pexels.com

Mga Kawikaang Tamil

Mga Kawikaang Tamil

Roberto T. Añonuevo

Kahanga-hangang pumipintig pa rin magpahangga ngayon ang kabuluhan ng mga kawikaan. Ang kawikaan, na hinango sa kaligiran, ay maaaring gamitin ninuman alinsunod sa kaniyang pagbasa. Ngunit ang kawikaang ito, sa di-sinasadyang pagkakataon, ay nakahuhubog din sa kaisipan ng taumbayan, at nagsisilbing patnubay kung paano dapat mabuhay at makiharap ang isang tao sa kaniyang kapuwa.

“Kung ang utusan mo ang may hawak ng sandok,” saad ng isang Kawikaang Tamil, “mahalaga ba kung ikaw ay nakaupo sa dulo o kaya’y sa harap ng handaan ng isang pista?” Sa ganitong pahayag, ang kumpigurasyon ng trabaho sa kusina ay mailalabas hanggang sa pagdiriwang ng isang pista, at ang mga lingid ngunit dinamikong ugnayan ng mga tauhan ay mahahalata. Hindi kinakailangang magsalita ng maykapangyarihan; ang kaniyang mga alalay ang bahala sa kaniyang kaligtasan.

Ang isang kawikaan ay hindi basta nanggagaya o kumakatawan o kaya’y nagsisilang ng realidad na nasagap ng awtor, kung hihiramin baga ang dila ni Darío Villanueva, bagkus lumilikha rin ng sinasadyang pagkilala sa angking realidad nito sa pamamagitan ng tekstuwal na pagtukoy sa isang ipinahihiwatig at di-nakikitang mambabasa. Mahalagang sipatin ang mga kawikaan, hindi lamang sa pagiging labis na matapat nito sa teksto na sinasandigan ng awtor, bagkus sa realistang pagsagap ng mambabasa sa mga anyo nito.

Narito ang ilang kawikaang Tamil na aking isinalin sa Filipino, at mula sa bersiyong Ingles ni Reb. P. Percival. Pinili ko ito ay inihanay, at ang ilan dito ay sumasapol kahit sa realidad ng mambabasang Filipino.

1. Nababasag ang liwanag sa ulo ng dukha.
2. Ang kariktan ng isip ay nababanaag sa mukha.
3. Magtatangka ba ang magnanakaw kung inaasahang huhulihin siya?
4. Habang nagmumura ang bigas, ang kasiyahan ay tumataas.
5. Ang paghihiwalay ay makapagpapamalas ng pagkakaibigan.
6. Siya na walang alam sa halaga ng butil ay hindi batid ang pighati.
7. Mauunawaan ba ng aso ang mga veda, kahit pa isinilang ito sa nayon ng Brahman?
8. Maghubad man siya’t maligo sa ilog ay walang maling matatagpuan.
9. Mangingibang bayan ka ba kung ang kapitbahay ay sumagana?
10. Ang kabayong binili nang napakamahal ay dapat makalundag sa kabilang pampang.
11. Ang kababaang-loob ang palamuti ng babae.
12. Ang kawayang tungkod ang hari ng mabagsik na ahas.
13. Ang humahagupit bang hangin ay kinasisindakan ang sinag ng araw?
14. Kahit ang gilingang-bato ay mauusog sa paulit-ulit na pagpapaikot.
15. Kapag walang apoy sa dapugan, wala ring sinaing na kakainin.
16. Manunuklaw ang ahas kapag binaklas mo ang bakod.
17. Ang atomo ay magiging bundok; at magiging atomo ang bundok.
18. Ang itlog na kinuha mula sa bahay ng pinuno ay makabibiyak ng gilingan ng magsasaka.
19. Saksi ang langit sa ari-arian ng hari.
20. Ang hari at ang ahas ay magkatulad.

May ibang kawikaang Tamil na kapag hinalaw sa Filipino ay pumipitlag. “Humuli man ng bubuli’t ipatong yaon sa kutson,” saad ng isang kawikaan, “ay hahanap-hanapin pa rin nito ang tumpok ng mga dahon.” Sa ganitong pangyayari, hindi lamang nakabubuo ng representasyon ng isang realidad, bagkus inuusisa nito kung ano ang magiging realistang tugon ng mambabasa kapag nakaengkuwentro ang mga hulagway ng “bubuli,” “kutson,” at “dahon,” at iniugnay yaon sa malupit na tadhana ng talinghaga ng pagbihag. Isang ehersisyo lamang ito sa pagsasalin mula sa libo-libong kawikaang Tamil, na kapupulutan ng aral ng mga Filipino.

Tao at Pagpapakatao

Ipinagugunita ng isang matandang kawikaan ang tungkol sa pag-iral sa mundo: Madali ang maging tao, mahirap magpakatao. Maraming ibig sabihin ang kawikaan. Una, madali ang gumawa ng bata ngunit mahirap magpalaki ng anak; o kaya’y madaling magsilang ng bata ngunit mahirap magpalaki ng bata. Ikalawa, madali ang mag-anyong tao ngunit mahirap mabuhay nang may dangal ng tao. Ikatlo, ang pagpapakatao ay hindi laging taglay ng tao, dahil maaaring maging asal-hayop din siya. Ikaapat, ang tao ay hindi lamang pisikal na katawan, bagkus nagtataglay din ng diwang espiritwal at intelektuwal na magtatangi sa kaniya sa karaniwang hayop.

Maraming paraan kung paano babasahin ang nasabing salawikain. At ang mga pakahulugan ay maaaring alinsunod sa gumagamit nito, o kaya’y batay sa mga dating interpretasyon sa naturang salawikain. Nagkakatalo lamang kapag inuri ang pakahulugan ng mga salitang gaya ng “tao,” “pagpapakatao,” “madali,” at “mahirap.”

Halimbawa, ang tao ay maaaring sipatin bilang indibidwal na may pisikal na katawan. Magkakaroon ng kalipikasyon ang “tao” kapag isinaalang-alang na hindi sapat ang kaniyang pisikal na pag-iral, o kaya’y ang pagkakaroon ng pisikal na katawang walang pinsala o kapansanan. Ang tao na tinutukoy ay may kakayahang makapag-isip, at dumama ng mga bagay-bagay, at ang gayong mga katangian ay ipinalalagay na higit sa kayang gawin ng bato na ipinukol kung saan, o palumpong na sumisibol sa bukid, o kaya’y áso na maaaring ilahas sa parang o maamong alaga sa loob ng bahay.

Sa kabila ng kakayahang nakahihigit sa hayop, halaman, at bagay, ang tao ay maaaring gampanan ang kaniyang tadhana at tungkulin bilang tao sa tanging paraan lamang na nais niya, gaya ng ipinaaalingawngaw ng awit ni Frank Sinatra. Maaari ding talikdan ng tao ang kaniyang kalikasan, at gawin lamang ang makasariling nais na ikalulugod ng laman, gaya ng makamundong pakikipagkarat sa iba’t ibang tao, at tapos na. Maaaring hanggang doon lamang ang nais niya, at ang gayong kababaw na hangad—kung kababawan mang matatawag—ang magbubukod sa kaniya sa iba pang tao o nilalang sa daigdig.

Ang susi ng salawikain kung gayon ay sa pakahulugan o pahiwatig ng “pagpapakatao.” Ang “pagpapakatao” ay maaaring sipatin bilang panumbas sa “sibilisado,” “pino,” “nakapag-aral,” “sinanay sa kultura,” at iba pa. Ang “pagpapakatao” ay maaaring likas na katangian ng tao, ngunit mahihinuhang kinakailangang linangin pa rin ang ganitong gawi ng tao, dahil ang isang tao ay mababatid lamang ang “pagpapakatao” alinsunod sa itinatakda ng kaniyang lipunang may angking kaayusan, kaugalian, at kaisipan. Ano ang ibig sabihin nito? Ang tao ay makikita lamang ang kaniyang sarili sa piling ng iba pang tao, at ang mabubuo nilang pagsasanib at pagkakasundo ang magtitiyak ng maayos na samahan sa lipunan.

Kaya napakahirap magpakatao. Ang pagpapakatao ay mahabang proseso ng paghubog, at ang isang bata ay kinakailangang salinan ng paniniwala, kaugalian, karunungan, at iba pang kaugnay na bagay na pawang makatutulong sa kaniyang pag-iral bilang tao. Sa kabilang dako, ang bata ay maaaring masalinan din ng mga pamahiin, negatibong asal, katangahan, prehuwisyo, at iba pang kabalbalan mula sa panig ng matatanda, kaya ang bata ay posibleng lumaki na parang masahol pa sa retardadong hayop. Ang isang bata ay maituturing na hindi pa ganap na tao, yamang maaaring hindi pa niya batid ang “pagpapakatao” alinsunod sa pananaw ng mga nakatatanda, bukod sa hindi kayang arukin ng muslak ng isip ng bata ang malalim na konsepto ng pakikipagkapuwa. Ang bata ay maaaring nakatuon pa lamang sa kaniyang sarili, at habang lumalaon ay saka pa lamang niya matutuklasan ang ibang tao at ang bisa ng pakikisalamuha, na pawang makatutulong naman upang matuklasan niya ang pambihirang katangian niya bilang indibidwal.

Relatibo ang magiging pakahulugan ng “mahirap” at “madali” kung iuugnay sa “tao” at “pagpapakatao.” Kung may ibang babae na madaling mabuntis, o kaya’y lalaking mabilis makabuntis, may ibang tao na hindi kayang gawin iyon at maaaring may kinalaman sa pinsala sa panloob nilang organ. May ibang pagkakataon na hindi madaling mabuntis ang isang babae, dahil maaaring kulang sa semilya ang lalaki o may pinsala sa obaryo ang babae. Bagaman napapanghimasukan ng agham ang reproduktibong katangian ng tao, hindi nangangahulugan ito na ganap nang nangingibabaw ang tao sa kalikasan. May mga bagay na hindi maipaliwanag, kaya ang pagiging baog ay idinaraan sa pagsasayaw sa Obando, o pananalangin kay Santa Clara habang naghahain ng itlog. Ang pagbubuntis at pagsisilang ng sanggol ay higit sa pagtatagpo ng itlog at tamod. Kinakailangan ang elemento ng kemistri ng magkasintahan, mag-asawa, o magkaibigan upang lumikha ng supling na magluluwal ng pinagsanib nilang katangian.

Ang pagpapakatao ay maaaring subhetibo, at nagmumula ang gayong pagtanaw mula sa ibang tao. Halimbawa, ang pagpapakatao ni A ay maaaring batay sa kapisanan, kaugalian, at kalakarang ipinatutupad ng lipunang kinapapalooban din nina B, C, D, at iba pa. Ang buong kaisipan at katauhan ni A ay huhubugin ng kaniyang lipunan, at maaaring mamulat lamang si A sa ibang pag-unawa kapag natuklasan ang iba pang lipunang kinabibilangan nina E, F, at G, o kaya’y maliligaw sa ibayong-dagat na kinaroroonan nina X, Y, at Z.

Ang pagpapakatao ay magiging matagumpay lamang sa bisa ng pakikipagkapuwa. Ang indibidwalistang pag-iral ay hindi nangangailangan ng pagpapakatao, dahil bakit pa niya iisipin ang pagpapakatao kung higit niyang nanaising mag-isa at mamuhay nang tila ermitanyo? Maaaring ang pagbukod ng isang tao sa kaniyang lipunan at paglayo kung saan ay dulot ng hangaring “abutin ang makalangit na lunggati” gaya ng ginawa ng mga sinaunang mananampalataya. Ngunit kahit ang gayong gawi ay hindi nangangahulugan ng panghabambuhay, dahil ang paglayo sa kaniyang lipunan ay pagtalikod sa itinatakda ng kaniyang kalikasan bilang tao.

Mahalaga ang konsepto ng pagpapakatao, at mauugat ito hindi lamang sa panig ng relihiyon o kabutihang-asal, kundi sa pagbubuo at pagpapalakas ng kultura o kabansaan. Kaugnay ang pagpapakatao sa pakikipagkapuwa, na ang isang tao ay kabiyak ng iba pang tao, at ang pag-iral ng isa ay nakasalalay sa aksiyon at pagpapasiya ng iba pang tao. Sa pagpapakatao, sinisikap ng indibidwal na tuklasin ang kaniyang sarili habang tinutuklas ang misteryo ng kapuwa tao, at ang gayong proseso ay hindi lamang isahang daloy at paayon, bagkus maaaring maging magkasalungat o nagsasalimbayan. Ibig sabihin, ang pagdulog ay hindi dapat tingnan sa linear na pagdulog lamang, kundi sa sari-saring paraan.

Brigada Paniki

BRIGADA PANIKI ang taguring pinauso sa radyo noon ng yumaong peryodistang si Louie Beltran, saka inilahok na pamagat sa isang tula ni Vim Nadera, at tumutukoy sa mga tao na malimit lumalabas ng bahay at tumatambay tuwing gabi, at pagsapit ng umaga’y matutulog hanggang hapon. Malikhain ang pagkakabuo ng termino, dahil hangga ngayon, nagbabalik ang Brigada Paniki nang higit na mabalasik kaysa sa dating pulutong ng mga tambay sa kanto. Ang Brigada Paniki ay nauso nang wala pang call center, at hindi iyon tumutukoy sa mga ahenteng mahilig manigarilyo sa labas ng kanilang opisina. Nakatuon ang termino sa mga tao na walang magawa sa buhay, bagaman pambihira ang hambingan dahil ang paniki ay higit na makabuluhan ang silbi na kumakain ng mga mapamuksang kulisap samantalang naglulustay ng oras naman ang tambay.

Mapapansin ang bagong henerasyon ng Brigada Paniki sa gaya ng Barangay Maybunga, Pasig, at nagsisimulang maghasik ng lagim sa mga tsuper at pasahero, at kung minsan, sa mga naglalakad na tao. Isang pulutong ng kabataan ang nagtitipon pagsapit ng alas-seis ng gabi, na tipong kapatiran ng mga lalaki’t babaeng kung hindi sabik sa alak at droga ay ginagawang malawak na palaruan o park ang kahabaan ng Dr. Sixto Antonio Avenue. Maaaring bugso ng kabataan ang pagtambay, at maibibilang sa pakikisama, ngunit habang lumalaon ay nagiging sakit ng ulo ang Brigada Paniki sa mga tsuper ng dyip o taksing hinihingan ng pera sa oras na mapadaan sa tambayan. Malimit ding sumabit sa dyip ang mga kakosa ng Brigada Paniki, at di-iilang beses ang may naganap na pananapak sa sinumang napagtripang pasaherong estudyante.

Naniniwala ako na hindi dapat hadlangan ang karapatang makapaglakwatsa ng mga kabataan saanman nila gusto, hangga’t wala silang nilalabag na karapatan ng ibang tao. Ngunit naiiba ang Brigada Paniki ng Maybunga. Nagsisimula na itong mamerhuwisyo, at ang pangingikil sa mga drayber ng mga pampasaherong sasakyan ay nagiging malimit, at hindi dapat palagpasin. Banyagang salita para sa Brigada Paniki ang gaya ng “disiplina,” “paggalang,” “kalinisan,” at “kaayusan,” at waring angkin ng grupo ang daigdig. Nabalitaan ko rin na nagiging pugad ng prostitusyon ang tambayan ng Brigada, at kung may katotohanan man ito ay maaaring kumpirmahin ng dating barangay kapitan na ginagawang umpukan ang pader ng kaniyang bakuran.

Sintomas ang Brigada Paniki sa pagbabago ng panahon. Noon, kapag tinanong ka ng matatanda na nagsabing, “Nakikita mo pa ba ang iyong balahibo?” ay pahiwatig na iyon na kailangan ka nang lumigpit at umuwi ng bahay dahil takipsilim na. Pahiwatig din iyon na kailangang mahiya ka sa sarili, umuwi, at maglinis ng katawan. Hindi ka na kailangang sigawan noon, at nakukuha sa tingin, wika nga, ang sinumang kabataan. Ang ganitong uri ng komunikasyon ay malayo na sa hinagap ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon, at marahil kaugnay ng lumalawak nilang pagkatiwalag sa diskurso ng nakaraan. Ngayon, habang lumalalim ang gabi ay lalong kumakapal ang pulutong ng Brigada Paniki, at malalakas ang loob na ihayag ang kanilang magagaspang na pananalita, pagkilos, at pananaw laban sa iba. Ang Brigada Paniki ay hindi lamang matatagpuan sa Pasig at marahil nagsisimula na ring lumaganap sa iba pang lungsod ng Metro Manila, at nagbabantang humalili sa alaala ng mga maton at ex-con. Nakapanghihinayang na ang talino, lakas, at sigla ng mga kabataan ay nauuwi sa paglulustay ng oras at semilya, imbes na ilaan sa pag-aaral o sa mga makabuluhang proyekto, gaya ng paglilinis ng kalye, at siyang ipinanukala ng Pang. Gloria Macapagal Arroyo nang minsang magtalumpati.

Kung hindi ako nagkakamali’y may ordinansa ang pamahalaang lokal hinggil sa paglalagay ng curfew sa mga kabataan. Kung kinakailangan ang curfew sa mga kabataan upang masugpo ang Brigada Paniki, bakit hindi isagawa? Kailangang makiisa rin ang mga magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak, dahil responsabilidad din nila hindi lamang ang kinabukasan ng kanilang mga anak, kundi maging ang kinabukasan ng kanilang lipunan. Ang seguridad at kaayusan, kahit sa antas ng barangay, ay maselang gawain, kaya dapat paigtingin kahit ang pagroronda ng mga pulis patrol upang ibagansiya ang mga kabataang dapat turuan ng leksiyon.

Ilang Pagbubulay sa Buhay

Nakaiinip ang kaibigan, kung ang iyong kaibigan ay pamamaalam, at ikaw ay nakatakdang mabuhay nang mahaba sa dapat asahan.

∞ ∞ ∞

Sumasayaw sa iyong paningin ang mga alaala ng sakate at sampagita, ang pagpapakain ng mga baboy sa kural, at ilang baryang iuuwi upang ipambili ng bigas at gulay.

Iindak ka sa parang. At ikaw ang pinakamarikit na nilalang.

∞ ∞ ∞

Yayakapin mo ang iyong mga anghel. Idadampi sa noo nila ang kalinga at pag-aalala. At sa iyong pagtanda, yayakapin ka ng mga anghel, at idadampi sa iyong noo ang pinakamatimyas na pagmamahal.

∞ ∞ ∞

Ilang payyo ang katumbas ng pagsisikap ng magulang para sa anak? Itatanong mo ito sa iyong sarili, na tila ang iyong magulang ay may tungkuling magpanday ng mga dambuhalang tulay tungong kalangitan para sa iyo at sa iyo lamang.

∞ ∞ ∞

Makalalakad ang magulang nang laksa-laksang milya para sa anak, ngunit ang anak ay hindi mailalakad ang magulang nang kahit isang dipa.

Mauunawaan mo ito habang nakatitig sa iyong ina, at ang iyong ina ay lumuluha nang hindi mo maunawaan.

∞ ∞ ∞

Isisilang ka sa banig, at magsisilang ka sa banig. Mararatay ka sa banig, at ang banig ay ibibilot ka bago ihulog sa hukay.

Iginagalang mo ang banig, at maglalala ka ng maraming banig sa aming mga isip at kalooban.

∞ ∞ ∞

Kumain ka na ba? Dumating na ba ang iyong kapatid? Matamlay ka yata? Mahaba ang litanya ng pag-aalala ng ina, at ang mga anak ay mauumid sa kahihiyan dahil hindi ka nila ganap na magagantihan.

∞ ∞ ∞

Madaling-araw pa’y magsasaing ka’t maghahanda ng mga ulam. Magtataka ang iyong mga anak kung bakit pinakamasarap ang prito mong itlog o tuyo, na hindi maipaparis sa pinakamasaganang piging. Anu’t napakatamis ng tsokolate kapag ikaw ang nagtimpla!

Marahil, sadyang may mahika ang mga palad ng magulang. At ito ang tutuklasin ng mga anak, hanggang sila’y maging magulang din pagdating ng araw.

∞ ∞ ∞

Maglalaba ka at lalabhan ang aming kasuotan o susuotan. Magpaplantsa ka at aayusin ang gusot ng aming kalooban. Ihahanger mo ang palda o pantalon, hanggang di-alintana ninuman ang iyong pagdaramdam.

Winika ito ng anak, habang tinatanaw ang kaniyang pawisang magulang.

∞ ∞ ∞

Tatanda rin ako. At tatanda rin ang aking kabiyak. Ang nakapagtataka’y lalong sumisigla ang aming pagtitinginan habang kami’y nagkakauban.

∞ ∞ ∞

Makintab ang sahig. Makislap ang bintana. Mabango ang banyo. Malinis ang hapag. Maaliwalas ang mga silid at sala. Kung magagawa ito ng isang ina para sa kaniyang mga supling at kabiyak, ang tahanan ay langit na ibig kong marating.

∞ ∞ ∞

Yayaman ang aking mga anak, sabi ng magulang, ngunit ang kanilang yaman ay hindi mababayaran magpakailanman ang aking pinaghirapan.

Titingalain ng mga anak ang magulang. At kailangan ang kagitingan kahit sa gayong kapayak na paraan.

Idyoma, talinghaga, at tayutay sa komunikasyon ng mga Filipino

Ano ang paraan ng komunikasyon ng mga Filipino? Ito ang isa sa maraming tanong na sinasagot ng Pahiwatig: Kagawiang Pangkomunikasyon ng Filipino (2002) ni Melba Padilla Maggay. Hitik umano sa pahiwatig at ligoy ang pakikipag-usap ng mga Filipino, dahil nagmumula sila sa kulturang may mataas na uri ng pagbabahaginan ng kahulugan, kompara sa mga taga-Kanluran na itinuturing na may mababang konteksto ng kulturang mababa rin ang antas ng pagbabahaginan ng kahulugan. Bukod dito’y ginagamit ng mga Filipino ang konsepto ng pakikipagkapuwa—na pagturing sa kausap bilang bahagi ng sarili—na mauugat sa kulturang mataas ang pagpapahalaga sa ugnayan ng pamayanan.

Habang lumalayo ang agwat ng pagsasamahan ng mga Filipino, ani Maggay, lalong tumataas ang antas ng di-pagkatiyak sa pakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Halimbawa, gagamit ang mga Filipino ng mga tayutay (figure of speech), bulaklak ng dila (idyoma), at talinghaga (metapora) kung ang kausap ay itinuturing na “ibang tao” (i.e., hindi kaibigan, kaanak, o kakilala). Itinuturing na maligoy ang gayong paraan ng komunikasyon, samantalang nagtatangkang ihayag ang “panlabas” na anyo ng pakikipag-ugnay at pakikibagay. Pormal ang tono ng pakikipag-usap, at nakatuon sa pagpapakilala.

Ngunit may kakayahan din ang mga Filipino na magsabi nang tahas, kung ang kausap ay kapalagayang-loob. Ang “kapalagayang-loob” dito ay maaaring kaanak, kaibigan, o kasamang matagal nang kakilala at matalik sa loob ng isang tao. Idinagdag ni Maggay na mahilig umano ang mga Filipino sa malapitang pag-uugnayan, na humihipo at dumadama sa mga tao at bagay-bagay. Kung pagbabatayan naman ang tahas at magagaspang na banat ng mga komentarista sa radyo, diyaryo, at telebisyon sa ilang personalidad o politiko, ang gayong paraan ng komunikasyon ay maaaring pagbubukod mismo ng mga taong nanunuligsa sa mga taong tinutuligsa. Ang ugnayan ay maaaring nagiging “kami” laban sa “kayo,” na hindi lamang umaangat sa personalismo, gaya ng isinaad ni Maggay, bagkus kaugnay ng papel ng kapangyarihan at impluwensiya mula sa dalawang panig.

Mahabang disertasyon naman kung pag-aaralan ang paraan ng komunikasyon ng mga blogistang Pinoy sa cyberspace. Ang mga blogistang Pinoy ay maaaring isaalang-alang pa rin ang dating anyo ng komunikasyon ng mga Filipino, at ang pagtuturingan ng mga nag-uusap ay hindi bilang magkakabukod na entidad bagkus matatalik sa kalooban o sirkulo ng blogista. Nalilikha ang pambihirang espasyo sa pagitan ng blogista sa kapuwa blogista o mambabasa, at sumisilang ang isang uri ng diskursong matalik sa sirkulo nila. Halimbawa, ano ba ang pakialam ng mambabasa kung nakabuntis ang isang blogista o kaya’y nagkahiwalay ang dalawang blogistang dating magkasintahan? Makapapasok lamang sa ugnayan ang mambabasa kung ang pagturing ng mga blogista sa kanilang mambabasa ay para na ring kalahok sa mga pangyayari, at ang gayong pangyayari ay likha ng konsepto ukol sa “pamayanan” ng mga Filipinong blogista. Sa ilang Filipino, ang pagsulat ng blog ay pagsangkot na rin sa madlang mambabasa sa anumang nagaganap sa buhay ng blogista, kaya ang mambabasa ay hindi basta “ibang tao” bagkus “kapuwa tao” na marapat makaalam, makaugnay, at makatuwang sa lahat ng bagay.

Mahalaga ang kapuwa-sa-kapuwang komunikasyon ng mga Filipino. Kung babalikan ang mga pag-aaral ni Iñigo Ed. Regalado hinggil sa “talinghaga,” “kawikaan,” at “tayutay,” mababatid na kumukuha ang mga Filipino noong sinaunang panahon ng mga salitang buhat at kaugnay sa kaligiran, at ang mga ito ang kinakasangkapan sa paghahambing, pagtatambis, pagtutulad, at panghalili sa mga katangian ng tao na pinatutungkulan, ngunit ayaw tahasang saktan dahil sa kung ano-anong dahilan. Malimit gamitin noon ang pisikal na anyo ng hayop, isda, ibon, insekto, halaman, at bagay upang itumbas sa ugali at asal ng tao. Halimbawa nito ang “tagong-bayawak” na tumutukoy sa “madaling makita”; “buhay-pusa” na mahaba ang buhay; at “paang-pato” na katumbas ng “tamad.” Kung minsan, ginagamit ang isang bahagi ng katawan upang maging metonimiya sa ugali, pananaw, at asal ng isang tao. Maihahalimbawa rito ang “taingang-kawali” na ibig sabihin ay “nagbibingi-bingihan”; “mainit ang mata” na katumbas ng “buwisit” o “malas” na miron sa sugalan; at “marumi ang noo” na katumbas ng “taong may kapintasan.” Heto ang ilan pang tayutay at idyomang tinipon ni Regalado, ang mga kawikaang maaaring nakaiwanan na ng panahon, ngunit maaaring balikan ng mga Filipino upang ipagunita sa susunod na henerasyon:

Talinghagang tinumbasan ng mga katangian ng hayop, ibon, isda, kulisap, at halaman
Asong-pungge — susunod-sunod sa dalaga
Balat-kalabaw — Matibay ang hiya; walanghiya
Balat-sibuyas — maramdamin; madaling umiyak
Basang-sisiw — api-apihan; kalagayang sahol sa hirap
Buhay-alamang — laging nasusuong sa panganib; hikahos
Buhay-pusa — mahaba ang buhay; laging nakaliligtas sa panganib
Bulang-gugo — bukás ang palad sa paggasta
Buwayang-lubog — taksil sa kapuwa; hindi mabuti ang gawa
Dagang-bahay — taksil sa kasambahay
Kakaning-itik —api-apihan
Kutong-lupa — bulakbol; walang hanapbuhay
Lakad-kuhol — mabagal utusan; patumpik-tumpik kapag inutusan
Ligong-uwak — hindi naghihilod o gumagamit ng bimpo kapag naliligo; ulo lamang ang binabasa.
Maryakapra (marya-kapra) — babaing masagwa o baduy magbihis
Mataas ang lipad — hambog
Matang-manok — Malabo ang paningin kung gabi; Di-makakita kung gabi
May sa-palos— Hindi mahuli. Mahirap salakabin. Madulas sa lahat ng bagay.
Nagmumurang kamatis — nagdadalaga
Nagmumurang kamyas — bagong naniningalang-pugad; bagong nanliligaw.
Paang-pato — tamad; makupad; babagal-bagal kung lumakad
Pagpaging alimasag — walang laman
Puting-tainga — maramot
Putok sa buho — Walang tiyak na ama nang isilang
Salimpusa (saling-pusa) — hindi kabilang sa anumang panig;
Sangkahig, sangtuka — Ginagasta ang siyang kinikita.
Tagong-bayawak — madaling makita sa pangungubli
Tawang-aso — tawang nakatutuya

Talinghagang tinumbasan ng mga bahagi ng katawan o kaya’y kilos ng tao
Bukás ang palad — magaang magbitiw ng salapi; galante; hindi maramot
Kadaupang-palad— kaibigang matalik
Kumindat sa dilim — nabigo; nilubugan ng pag-asa
Lawit ang pusod — balasubas
Ligaw-tingin — torpe; hindi makapagsalita sa nais ligawan
Mababang-luha — iyakin; bawat kalungkutan ay iniiyak
Mabigat ang dugo — kinaiinisan
Magaan ang bibig – palabati; magiliw makipagkapuwa
Magaan ang kamay — magandang magbuwana mano, kung sa negosyo o sugal; mapagbuhat ng kamay, o madaling manampal o manakit
Mahaba ang paa — nananaon sa oras ng pagkain ang pagdating o pagdalaw
Mahabang-dila — palasumbungin
Mahabang-kuko— palaumit
Mahigan ang kaluluwa — matinding galit
Mainit ang mata — malas sa panonood; nagdadala ng kamalasan kapag nagmiron sa sugalan
Manipis ang balát— mapaghinanakit; madaling masaktan kapag sinabihan
Marumi ang noo — taong may kapintasan
May balahibo ang dila — sinungaling
May bálat sa batok — malas
May bituin sa palad — masuwerte sa lahat ng bagay, lalo sa negosyo; mapapalarin
May kuko sa batok — masamang tao; di-mapagkakatiwalaan
May kurus ang dila — nagkakatotoo ang bawat sabihin
May nunal sa paa — Layás; mahilig maglagalag
May tala sa noo — babaeng ligawin o malimit suyuin ng mga lalaki
May-sungay — lalaking di-pinagtatapatan ng asawa; lalaking kinakaliwa o pinagtataksilan ng asawa
Nakadikit ng laway — tanggalin; madaling tanggalin
Namuti ang mata — Nabigo sa paghihintay; hindi dumating ang hinihintay
Namuti ang talampakan — kumarimot dahil naduwag; tumakbo palayo dahil sa natakot o naduwag.
Nasa dulo ng dila — hindi masabi-sabi; hindi matandaan, bagama’t alam na alam
Naulingan ang kamay — nagnakaw; kumupit ng salapi
Puting tainga — maramot
Sa pitong kuba — paulit-ulit
Tabla ang mukha — walang kahihiyan
Taingang-kawali — nagbibingi-bingihan; kunwari’y hindi nakarinig.
Walang butas ang buto — malakas
Walang sikmura — hindi marunong mahiya

Masasabing mahiligin ang mga Filipino, lalo ang mga sinaunang Tagalog noon, sa paglikha ng mga “taguring ambil” na naghuhudyat ng kaugalian, kung lilimiin ang pag-aaral ni Regalado. Ang “ambíl” ay tumutukoy sa salita, parirala, o pahayag na may katumbas na pakahulugang hindi tuwirang nagsasaad ng orihinal na tinutukoy na ugali o asal o katangian ng tao. Sa Ingles, tinatawag itong personipikasyon at malimit kasangkapanin sa matalinghagang pamamahayag sa tula. Halimbawa, maaaring wala nang nakaaalam ngayon na ang orihinal na salitang “ganid” ay tumutukoy sa malaking asong ginagamit sa pamamaril o pangangaso. Ang “ganid” ngayon ay hindi ikinakabit sa German Shepherd o iba pang aso, bagkus sa taong “sakim” o taong nais lamang kumabig nang kumabig ngunit ayaw maglabas kahit isang kusing. Isa pang halimbawa ang “ampalaya” na ginagamit na ambil sa mga tao na “napakahirap hingan ng kahit ano, lalo na kung salapi.” Bagaman naglaho na ang ganitong taguri, higit na kilala ang ampalaya ngayon bilang pangontra sa diabetes at alta-presyon. May ibang salita namang nagbabalik ngayon, at kabilang dito ang “limatik” na isang uri ng lintang maliit ngunit masidhing manipsip ng dugo. Iniaambil ang salitang ito sa mga tao na mahilig kumabit sa ibang tao upang manghuthot ng salapi hanggang wakas; o kaya’y sa mga propitaryong “walang habas magpatubo.” Nagbabalik din ang “hunyango” na isang uri ng hayop na may pakpak, sinlaki ng karaniwang kuliglig, na nakikikulay sa bawat makapitan. Panukoy ito ngayon sa mga tao na taksil kung hindi man mapagbalatkayo. Usong-uso rin ang “balimbing” na isang uri ng punongkahoy na ang bunga ay may limang mukha o panig. Tumutukoy ito sa taong kung sino ang kaharap ay siyang mabuti, at idinagdag dito ang isa pang kahulugang tumutukoy sa politikong palipat-lipat ng partido.

Marami pang dapat pag-aralan ang bagong henerasyon ng mga Filipino hinggil sa paraan ng komunikasyon nito. At upang magawa ito’y kinakailangang magbalik sa nakaraan, halungkatin ang mga antigong dokumento at aklat, itala ang mga kuwento ng matatanda, at sipatin sa iba’t ibang anggulo ang mga wika, kaisipan, at panitikan. Maaaring maging makulay din ang gagawin nating mga ngangayuning idyoma, talinghaga, at tayutay kung maláy tayo sa mga aral ng nakaraan na pawang makatutulong sa pagbubuo ng masigla, maunlad, at abanseng panitikang Fillipino—na maipagmamalaki ng sinumang Filipino saanmang panig ng mundo.

Mga salawikain na tinipon ni Iñigo Ed. Regalado

Isa sa mga iniidolo kong manunulat si Iñigo Ed. Regalado, dahil hindi lamang siya primera klaseng makata bagkus mahusay ding sanaysayista, nobelista, kuwentista, kritiko, at peryodista. Naging guro at puno sa kagawarang Filipino si Regalado sa University of the East, Far Eastern University, at Centro Escolar University noong tanyag siyang manunulat, at malimit imbitahan sa mga kumperensiyang pampanitikang itinaguyod ng mga Ingleserong manunulat ng Unibersidad ng Pilipinas noong dekada 30.

Ngunit wala akong naririnig ngayong pagpapahalaga mula sa mga naturang unibersidad sa manunulat na nagbuhos ng buhay para sa panitikang Filipino. Kaya noong 17 Nobyembre 2000, lumiham ako kay Esther M. Pacheco, ang direktor noon sa Ateneo de Manila University Press, upang maipasa sa Aklatan ng Ateneo de Manila ang kahon-kahong antigong dokumento, aklat, plake, retrato, at iba pang rekwerdo ni Regalado na inihabilin sa akin ng apo niya. Matatagpuan ngayon sa Ateneo ang memorabilya ni Regalado, at nawa’y pangalagaan iyon ng naturang aklatan.

Sa ibang pagkakataon ko na tatalakayin nang malalim ang kadakilaan ni Regalado bilang manunulat, at hayaan muna ninyo akong ibahagi ang hinggil sa mga salawikaing inipon niya nang matagal.

Kung hahalungkatin ninyo ang mga antigong papeles ni Regalado, masusungpungan ninyo ang walong pahinang sulat-kamay na nagtataglay ng mga salawikain. Malinis at masinop ang dikit-dikit na titik na parang mula sa sulat ng isang dalaginding ang sulat ni Regalado. Nakaipon si Regalado ng 239 salawikain, at ang mga salawikaing ito ang pinagkakakitaan ng ilang pabliser o manunulat sa kasalukuyan na halos kinopya lamang ang tinipon ni Regalado. Ang totoo’y marami pang salawikain at bugtong ang naipon ni Regalado, ngunit hindi pa ganap na natitipon ang lahat dahil ang ibang kinalathalaan nito’y mahirap nang matagpuan sa mga aklatan. May mga kolum si Regalado noon sa mga babasahing gaya ng Ang Mithi, Pagkakaisa, Watawat, Kapangyarihan ng Bayan, Liwayway, at Ilang-ilang, at marahil bilang editor ay naipapasok niya ang mga kuntil-butil na dapat pahalagahan, gaya nga ng salawikain, retorika, talasalitaan, at paggamit ng salita.

Estetika ng Salawikain
Kung ang “bugtong,” ani Virgilio S. Almario, ay may iisang sagot, kabaligtaran naman ang “salawikain” dahil ang sagot o pahiwatig nito ay maaaring magsanga-sanga, at hindi matutuklasan sa iisang antas lamang. Halimbawa’y ang kasabihang, “Ang taong walang kibô’y/ nasa loob ang kulô” ay hindi lamang maikakabit sa taong “mahiyain ngunit maingay kapag nalasing.” Maaaring tumukoy din iyon sa mga tao na walang imik ngunit matalino, sa mga tao na mapagkumbaba ngunit pambihira ang alab, yaman, at talento. Idaragdag ko sa winika ni Almario na habang humahaba o lumalalim ang pahiwatig ng salawikain, lalong rumirikit ito pagsapit sa mambabasa dahil ang pagpapaliwanag ay hindi magiging de-kahon gaya ng aasahan sa isang bugtong. Bukod sa nabanggit, ang salawikain ay isa ring tula, dahil binubuo ito ng sukat at tugma sa ilang pagkakataon, gaya ng “May tainga ang lupà,/ may pakpak ang balità” (na pipituhin ang pantig bawat taludtod at may pandulong tugmang tudlikan) at naglalaman ng pambihirang talinghagang matalik sa puso ng taumbayan.

Ang halina ng salawikain ay nasa masining na pagkasangkapan ng mga hulagway (i.e., imahen) sa paligid at siyang batid ng taumbayan. Iniuugnay ang nasabing hulagway sa isang diwain, at ang kombinasyon ng mga diwain, sa pamamagitan man ng paghahambing, pagtatambis, at pagtitimbang, ay nagbubunga ng isa pang bukod na diwaing ikagigitla ng makaririnig. Sa unang malas ay payak ang ipinahihiwatig ng salawikain. Ngunit kung nanamnamin iyon ay mababatid ang lalim ng kaisipang dapat pagbulayan ng sinumang tao na pinatatamaan.

Papel ng Bayan
Nabubuo ang salawikain sa isip ng madla na pinagbubuklod ng iisang diskurso, ngunit ang isang bihasang makata ang posibleng nagsakataga ng niloloob ng nasabing madla. Habang tumatagal, pinayayaman ng madla ang pakahulugan at pahiwatig ng salawikain; isinasalin nang pabigkas mula sa isang salinlahi tungo sa bagong salinlahi, kaya ang salawikain ay hindi na lamang pag-aari ng isang tao bagkus ng sambayanan. Sa paglipas ng panahon, nakakargahan ng iba’t ibang pahiwatig ang salawikain alinsunod sa paggamit o pagsagap dito ng taumbayang nagkakaroon ng iba’t ibang karanasan at kabatiran. Halimbawa, ang kasabihang “Ano mang talas ng tabak,/ mapurol kung nakasakbat,” ay hindi na lamang patungkol sa patalim o talentong inililihim ng tao. Maaaring ipakahulugan din ito ng kasalukuyang henerasyon sa uten, na gaano man kahaba at katigas, kapag hindi ginamit sa tumpak na pakikipagkarat, ay manlalambot at mawawalan ng saysay. O kaya’y sa selfon o kompiyuter, na gaano man kaganda o kahusay, kapag hindi ginamit ay mawawalan ng kahulugan.

Itinuturing na sambayanan ang may-ari ng mga salawikain. Gayunman, dapat pa ring kilalanin ang gaya ni Regalado (at mababanggit din ang isa pang paborito kong si Damiana Eugenio) na walang sawa sa pagtitipon nito upang maiugit sa kamalayan ng sambayanan ang mga hiyas ng diwang dapat tandaan ng sinumang kabataan. Heto ang ilang natipong salawikain ni Iñigo Ed. Regalado, na isinaayos ko ang taludturan upang madaling maunawaan, at sa aking palagay ay walang kamatayan:

1. Ang matibay na kalooban
ang lahat ay nagagampanan.

2. Kapag ang tao’y matipid,
maraming maililigpit.

3. Hulí man daw at magaling
ay naihahabol din.

4. Kung tunay nga ang tubó,
matamis hanggang dúlo.

5. Sa maliit na dampa
nagmumula ang dakila.

6. Kapag may isinuksok
ay may madudukot.

7. Walang binhing masama
sa [may] mabuting lupa.

8. Di man magmamana ng ari,
ay magmamana ng ugali.

9. May tainga ang lupa,
may pakpak ang balita.

10. Wika, at batong ihagis,
di na muling magbabalik.

11. Kung pinukol ka ng bato,
gantihin mo ng puto.

12. Ang taong mapagbulaan
ay hinlog ng magnanakaw.

13. Walang matibay na baging
sa mabuting maglambitin.

14. Pag ang punla ay hangin,
bagyo ang aanihin.

15. Walang mataas na bakod
sa taong natatakot.

16. Ang maikli ay dugtungan,
ang mahaba ay bawasan.

17. Pag ikaw ay nagparaan,
pararaanin ka naman.

18. Ang hindi lumingon sa pinanggalingan,
hindi makararating sa paroroonan.

19. Kapag tinawag na utang,
sapilitang babayaran.

20. Malakas ang bulong kaysa hiyaw.

21. Kung saan ang gasgas,
naroon ang landas.

22. Putik din lamang at putik,
tapatin na ang malapit.

23. Ang taong walang kibo
ay nasa loob ang kulo.

24. Sa taong may hiya,
ang salita ay sumpa.

25. Kahoy mang babad sa tubig,
kapag nadarang sa init,
pilit na magdirikit.

26. Ang mahuli sa daungan
ang daratna’y baling sagwan.

27. Sa kinanti-kanti ng munting palakol
ay makabubuwal ng malaking kahoy.

28. Ang ulang atik-atik
madaling makaputik.

29. Pag maaga ang lusong,
maaga [rin] ang ahon.

30. Ang tao pag naumpog,
marapat nang yumukod.

31. Matisod na na sa bato
huwag lamang sa damo.

32. Biro-biro kung sanlan,
totohanan ang tamaan.

33. Sa lakad ng panahon,
lahat ay sumusulong.

34. Ano mang talas ng tabak,
mapurol kung nakasakbat.

35. Ang hinahon ay malakas
nang higit pa sa dahas.

36. Sa payo ng nagigipit
hindi ka dapat manalig.

Pagpapahalaga
Nagbabago ang estetikang silbi ng mga salawikain, at ngayon, ginagamit na lamang ang mga ito para paminsang-minsang ipaskel sa pisara o bilbord bilang paalaala sa mga taong matitigas ang ulo. Sa kabila ng lahat, dapat pa ring tandaan na ang mga salawikain ay hindi lamang ginagamit para isaulo o isapuso, bagkus upang pagbuklurin ang buong bayan o lipi. Ang mga salawikain ay isang uri ng listahan ng etika, at ang etikang iyon, na kapag susundin ng mga tao, ay makapagsasaayos ng ugnayan ng mga tao, malulutas ang mga sukal ng loob o isip, at mapananatili ang panatag na pag-iral ng lipunan. Nagwawakas ang lahat sa kasunduang panlipunan, at higit sa lahat, tumataas ang uri ng komunikasyon ng bayang hitik sa kahanga-hangang bisa ng ligoy at paghihiwatigan.